noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 30

Ch. 30 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 30

“A NG NASA IYONG kamay ay pagpapatunay na may diwani ka. Nakakagawa ka ng mga bagay na hindi nagagawa ng isang ordinaryong tibaro,” sabi ni Wayan.

Kanina, habang nakikipaglaban si Moymoy kina Buhawan at Pontoho, ang tanging alam niya ay maaari siyang gumawa ng ano mang sandata sa kanyang palad. Pagkatapos magbunyi ang mga tibaro dahil natalo niya sina Buhawan at Pontoho ay bigla siyang nag-alala kay Alangkaw dahil sugatan ito, kaya dagli siyang nagtungo sa tore ni Wayan.

“Kayang pagalingin ng iyong diwani ang mga sugat ni Alangkaw,” malumanay na sabi ni Montar kay Moymoy.

Nilapitan ni Moymoy si Alangkaw. “Kaya raw gamutin ng aking diwani ang iyong mga sugat.”

Marahang idinikit ni Moymoy ang kanyang palad na may diwani sa mga sugat ni Alangkaw. Unti-unti, ang mga ito ay naghilom at naglaho. Bahagyang nagulat si Moymoy habang tinitingnan ang mga naghihilom na sugat ni Alangkaw. Gayon din si Alangkaw—ito ay gulat na pinapanood ang paghilom ng mga sugat na kasabay rin ng paglaho ng kanyang panghihina.

“Ang kalaban natin ay ang kabuktutan ni Buhawan. Kahit na patayin natin siya, hangga’t hindi natin nababawi ang mga Ginto ng Buhay ay wala ring silbi. Kailangang maisauli iyon sa mga Apo at ilagay sa tamang kalalagyan,” sabi ni Wayan.

“Hindi ko alam na asawa mo pala si Buhawan, Wayan?” paninigurong tanong ni Moymoy.

Marahang tumango si Wayan. “Nang malaman ko ang tunay niyang pag-uugali ay nawala rin ang pagmamahal ko sa kanya.”

Natuon ang pansin ni Wayan kay Alangkaw. “Alangkaw, ikaw na tinaguriang Anino ng Dalumdum, siguro’y naliwanagan ka na? Ang kinilala mong ama ay ginamit ka lamang upang kunin ang mapa ng Panalturan. Dinukot ka niya sa iyong ina. Magkapatid kayo ni Moymoy.”

“Paano ang Dalumdum? Ako ang pinuno roon at hinihintay ako ng mga sinasakupan ko,” matigas pa rin ang boses ng nakatiim-bagang na si Alangkaw.

Sumagot si Wayan. “Sige, magtungo ka sa Dalumdum pero dapat mong kausapin ang mga tibaro doon. Sabihin mo sa kanila na kailangan nang magkasundo ang Malasimbo at Dalumdum, na ang gusto ni Buhawan ay sakupin ang mundo ng Gabun at ng Amalao sa pamamagitan ng mga Ginto ng Buhay ng mga Apo. At pagkatapos ay siya ang mamumuno sa lahat ng mga nilalang, luluhod tayo sa kanya. Alam ba ninyong pansarili ang dahilan niya kung bakit niya gustong nakawin ang lahat ng mga Ginto ng Buhay sa Panalturan?”

Hindi umiimik si Alangkaw, nag-iisip nang malalim.

“Alangkaw…” Huminga nang malalim si Montar. Inisip ang sasabihin upang mapaniwala si Alangkaw. “Ang ibig sabihin ni Wayan, si Buhawan ay may maitim na balak. Maitim ang kanyang budhi. Ang gusto niyang gawin ay hindi para sa ikabubuti ng lahat. Bata ka pa lamang…” Tinapunan niya ng tingin si Moymoy. “Kagaya ng kapatid mo’y dapat kayong turuan ng kabutihang-asal. Isang magnanakaw si Buhawan. Hindi niya pag-aari ang mga Ginto ng Buhay. Ito ay pag-aari ng mga Apo ng Sibol. Ang mga Apo ng Sibol ay ang mga anak ni Amang Bathala—ang dakilang may likha ng lahat. Tinuruan ka ni Buhawan na kalabanin ang kabutihan. Inuulit ko, hindi kabutihang-asal ang itinuro niya sa `yo.”

“Paano ako? Ako ang kinikilalang pinuno ng Dalumdum!” giit pa rin ni Alangkaw.

“Mali nga ang itinuro ni Buhawan sa `yo!” Nawalan na ng pasensiya si Wayan.

Naghari saglit ang katahimikan at huminahon si Wayan. “Magkapatid kayo ni Moymoy. Pareho kayo ng mga magulang.”

“Hindi ko naiintindihan. Kung kapatid ko siya, bakit siya may diwani at ako ay wala?!”

Napaisip si Wayan; hindi niya kayang sagutin ang tanong ni Alangkaw.

“Hindi ba?” pagpapatuloy ni Alangkaw. “Kung kapatid ko siya at pareho ang aming mga magulang, dapat kung ano ang mayroon siya ay mayroon din ako.”

“Hindi sa lahat ng bagay,” malayang sagot ni Wayan, hindi naisip kung ano man ang maramdaman ni Alangkaw sa kanyang naging sagot.

“Kung gayon, hindi ako nararapat dito sa Malasimbo at lalong hindi ako nararapat maging kapatid niyan,” paasik na sumbat ni Alangkaw.

“Kung mahal ka ni Buhawan, ang kinikilala mong ama,” sagot ni Wayan, “ay hindi ka sana niya pagtatangkaang patayin.”

Nagpatuloy si Wayan. “Hindi ka ba masaya? Nakilala mo si Moymoy, ang iyong kapatid. May kalaro ka na at may magmamahal pa sa `yo?”

“Hindi ko siya kapatid!” sigaw ni Alangkaw. “At lalong hindi ko kailangan ang isang bata para magkaroon ng kalaro!” Dumagundong ang boses na iyon ni Alangkaw, umalingawngaw sa buong bulwagan.

Nagulat sina Wayan at Montar, ganoon din si Moymoy sa sinabi ni Alangkaw.

Napahawak si Wayan sa magkabilang balikat ni Alangkaw at inilapit ang mukha rito. “Kapatid mo siya! Hindi mo ba nakikita ang mga mukha ninyo?! Kapatid mo si Moymoy! At pareho kayong bata. Tingnan mo ang iyong sarili. Puro kabuktutan nga ang itinuro sa iyo ni Buhawan!”

“Wala akong kapatid na taga-Malasimbo! At lalong wala akong kapatid na taga-Amalao! Naiintindihan mo?” Lalong lumakas ang boses na iyon ni Alangkaw.

“Nilason ni Buhawan ang iyong isipan!” sagot ni Wayan.

Marahas na tinanggal ni Alangkaw ang kamay ni Wayan sa kanyang balikat at tiningnan ito nang matalim, may bagsik sa mga mata.

“Kailangang lipulin ko kayong lahat, `yan ang dapat kong ginawa noon pa! Itong sinasabi ninyong kapatid ko, malay ko kung gawa-gawa n’yo lang ang lahat ng ito para maging bihag n’yo ako rito at kaming nasa Dalumdum ang susuko! At malay ko rin, baka hindi ka mabait sa aking ama kaya iniwan ka niya! Kung ikaw ang asawa ng ama ko, eh, di ikaw naman ang ina ko? Ganoon ba? Hindi maaari `yon! Niloloko n’yo ako! Kung nanay man kita, dapat hindi mo `ko iniwan!”

“Hindi kita anak!”

“Ayaw rin kitang maging nanay!”

Biglang sinampal ni Wayan si Alangkaw.

“May isa akong anak. Anak namin ni Buhawan…”

Biglang tumulo ang mga luha ni Wayan, gumaralgal ang boses.

“Nang isumpa ang mga tibaro, kinain ko ang nag-iisa naming anak sa unang gabi ng dugon. Nakiusap ako sa mga Apo na huwag akong idamay sa sumpa. Napapayag ko sila pero ang kapalit ay ang aking mukha. Isa akong diwata noon, hinahangaan ang mukha. Iisa lamang ang aking anak at hindi kita anak! Wala kang karapatang sabihin sa akin na hindi ako naging mabuting asawa kay Buhawan! At huwag na huwag mong sasabihin na hindi ako mabuting ina!”

Akmang sasampalin muli ni Wayan si Alangkaw nang bigla itong magpalit ng anyo. Naging isang mabagsik at nakakatakot na hayop na may mga pangil si Alangkaw!

“Aaaaah!” Hinawakan ni Alangkaw at akmang kakagatin si Wayan pero natigilan nang biglang lumabas ang isang latigo sa palad ni Moymoy at iwinasiwas patungo sa kanya.

“Huwag na huwag mong sasaktan si Wayan!” babala ni Moymoy.

Nanatili ang mabangis na hayop sa mukha ni Alangkaw.

“Bitiwan mo siya!” sigaw ni Moymoy.

“Aaaaah!” Akmang sasalakayin ni Alangkaw si Wayan. Napaurong ang huli.

Pinitserahan ni Moymoy si Alangkaw at inilapit ang mukha niya rito. “Bitiwan mo siya!” Ang latigo ay biglang naging isang malaking palakol na nakaumang kay Alangkaw.

Biglang iniba ni Alangkaw ang kanyang anyo—naging isang malaking itim na uwak pero nanatili ang kanyang ulo. “Hinahamon kita sa isang laban!”

Natigilan si Moymoy at pati na rin si Wayan.

“Hindi mo dapat hamunin ang kapatid mo, Alangkaw!” pagpapaalala ni Wayan.

“May sinumpaan ako bilang pinuno ng Dalumdum. Ipagtatanggol ko ang sino mang sasakop sa aking kaharian. Bukas ng gabi, hinahamon ko kayong lahat dito sa Malasimbo. Tayong dalawa.” Matapang na ibinaling ni Alangkaw ang tingin kay Moymoy. “Kung matatalo ako, mapapasainyo ang Dalumdum. Kaya lang dapat patas—huwag mong gamitin ang iyong diwani. Kapag ginamit mo ang iyong diwani ay nangangahulugang talo ka sa laban.”

Biglang nag-iba ang mukha ni Alangkaw, tuluyan itong naging isang malaking uwak. Bago nakasagot si Moymoy ay bigla itong lumipad. Lumipad muna ito sa buong sala at gumawa ng tinig ng isang uwak na waring nanghahamon. Kapagkuwan ay lumabas ito ng bintana at lumipad patungong Dalumdum.

Napanganga si Wayan habang pinagmamasdan ang lumalayong uwak na si Alangkaw. Papaano ko masisisi ang isang batang tulad niyang ganoon ang naging paniniwala? Kagaya rin siya ng nagpalaki sa kanya .

“Hinamon niya ako, Wayan. Ano ang gagawin ko?”

Mabilis ang naging sagot ni Wayan kay Moymoy. “Manatili ka sa kabutihan. Kung kailangan mong lumaban para sa kabutihan, iyon ang kailangan mong isipin at kailangan mong gawin.”

SA HIMPAPAWID, patuloy ang paglipad ni Alangkaw bilang uwak. Pagdating niya sa terasa ng kanyang palasyo sa Dalumdum ay dumapo siya sa balustre. Bumalik siya sa tunay niyang anyo—ang batang si Alangkaw.

Sa sahig ng terasa ay gumapang doon ang isang alakdan. Ito ay unti-unting nagpalit ng anyo na walang iba kundi si Buhawan.

“Hindi `yan ang tunay mong anyo, Alangkaw,” paalala ni Buhawan.

Napalingon si Alangkaw kay Buhawan. Pinalitan niya ang anyo—yaong lalaking kulay-itim na matipuno at matikas.

“Bakit mo ako gustong patayin?” Naging matigas ang pananalita at mukha ni Alangkaw.

Hindi makaapuhap ng isasagot si Buhawan sa tanong ni Alangkaw. Siya namang pagdating ni Pontoho. “Hindi, Alangkaw. Hindi ka papatayin ni Buhawan. Bakit ka niya papatayin—anak ka niya.”

“Ang mapa lang ang kailangan mo sa akin.”

“Kunwari lang iyon, pero babalikan ka ni Buhawan. Hindi niya itutuloy ang pagpatay sa `yo. Kung isasama ka niya, hindi niya kakayanin dahil nanghihina ka,” pagsisinungaling na dugtong ni Pontoho.

Dinugtungan ni Buhawan ang sinabi Pontoho. “At malay ba natin na ang Moymoy na iyon ay hindi totoo. Baka nilikha nila iyon para iligaw tayo. Maraming nalalaman ang mga Apo na hindi natin nalalaman. May mga kapangyarihan sila na hindi natin nagagawa. Iyong tandaan, kakampi nila ang mga Apo sa Sibol dahil pinoprotektahan nila ang Panalturan.”

Akmang aakbayan ni Buhawan si Alangkaw, pero biglang umiwas ang huli, may galit ang mukha. “Ipagtapat ninyo, Ama, kaano-ano ko ang Moymoy na `yon? Bakit kami magkamukha? At ang balat sa aking dibdib, ito pala ay mapa? Karugtong ng mapa na nasa dibdib ng batang `yon.”

Hindi nakasagot si Buhawan. Nilapitan niya si Alangkaw. “Alangkaw, makuha lang natin ang mga Ginto ng Buhay ay wala na tayong problema. Mabubuhay tayo nang maligaya sa Amalao.”

“Narito ang mundo ko—sa Dalumdum. Ako ang kinatatakutan ng mga tibaro sa buong Gabun,” sagot ni Alangkaw.

Biglang nag-iba ang anyo ni Alangkaw—naging isa itong mabangis na hayop na may mga pangil. Ang kanyang kalahating katawan ay nagmistulang ahas na halos idinikit ang nagngangalit na mukha kay Buhawan. “Ano ba talaga ang totoo? Ama ba talaga kita?! Kung talagang anak mo ako, dapat mahal mo ako at hindi mo ako papatayin! Umalis ka rito sa Dalumdum! Akin ang Dalumdum, kung hindi, ako ang papatay sa `yo! Ahhhh!”

Dumagundong sa buong kastilyo ang boses ng galit na si Alangkaw.

SAMANTALA, sa pasilyo ng palasyo ng Sibol, makikita si Liliw na humahangos na naglalakad, halos tumatakbo. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman. Sa isang diyosang kagaya niya na imortal ay hindi aakalaing may damdamin siyang kagaya ng isang mortal—kagaya ng isang buntawi o ng isang tao. Isa siyang nilalang na hindi malaman kung saan tutungo. Isang nilalang na nakadarama ng lungkot na hindi dapat mararamdaman ng isang diyos na kagaya niya. Isang nilalang na naghahanap ng makakapitan at makakaramay.

Natagpuan ni Liliw ang sarili na umaakyat sa mahabang hagdan ng palasyo patungo sa pinakamataas na tore nito. Sa toreng ito nagtutungo ang mga Apo na may gustong itanong.

Sa isang malaking pintuan patungo sa tore sa pinakamataas na bahagi ng palasyo ay humahangos siyang lumabas doon. Nagtungo siya sa gitna at pinakawalan ang galit at lungkot na kanina pa humuhulagpos sa kanyang dibdib. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngayon lamang iyon nangyari sa kanya—humagulhol si Liliw.

“Aking Ama… Aking Ama...”

Tumingala si Liliw sa langit. “Gusto kitang makausap! Bakit? Bakit? Bakit, ganito? Ano’ng nangyayari? Ano’ng kapalaran ko?”

Inilibot ni Liliw ang paningin sa kalangitan. Napansin niya na kahit isang bituin ay wala siyang makita. At ganoon din ang buwan na waring nagtago sa kalangitan. Nakikiramay ba sila sa nararamdaman ko ngayon?

“Isa akong Apo, isang diyos. Hindi dapat ganito ang nararamdaman ko… Ikaw, Ama, na nakakaalam ng lahat… Ikaw na nakakaalam sa mga darating pang mangyayari, ano ba ang nakalaan sa akin? At sa aking mga anak? Kung talagang mahal mo ako, ano ba ang susunod? Bakit ito nangyari sa akin? Bakit mo ako nilikha at pagkatapos ay maghihirap lamang?”

Yumuko si Liliw. Patuloy sa paghikbi. Pumikit siya, sapo ang dibdib at nagdasal nang taimtim. Kailangan ko ng kasagutan sa aking mga tanong, Amang Bathala.

Natigilan siya nang may liwanag na nakita sa langit. Unti-unti siyang tumingala. At doon ay nakita niya ang mukha ni Amang Bathala. Halos sakop ng buong mukha ni Amang Bathala na puting-puti ang kalangitan na waring umaalon-alon kasama ng mga ulap. Pagkaraan ng ilang saglit ay unti-unting lumiit ang kanyang mukha at marahang nabuo ang katawan at bumaba—humarap sa umiiyak na si Liliw. Nanatiling nagniningning ang puting kabuuan ni Amang Bathala.

Marahang lumapit si Liliw kay Amang Bathala. Sa malamig na makapangyarihang boses ay sinagot niya si Liliw.

“LAHAT NG NANGYAYARI AY ANG SAGOT SA GINAGAWA MO… HINDI MO MARARANASAN ANG NARARAMDAMAN MO NGAYON KUNG HINDI KA SUMUWAY SA LIYA…”

“Pero hanggang saan? Hanggang kailan ako maghihirap nang ganito?”

“IKAW ANG MAKASASAGOT NIYAN, ANAK KO… NILIKHA KITA KASAMA NG PAGHARAP SA LAHAT NG DUMARATING AT DARATING PA SA BUHAY MO. LAKASAN MO ANG LOOB MO…”

“Pero bakit mo hinayaan ang ganito?”

“ANG LAHAT AY NAKASAAD. ANG LAHAT NG NANGYAYARI AY NAKATAKDANG MANGYARI.”

“Bakit mo pinababayaang nangyayari ang kasamaan ?”

“HANGGANG MAY KABUTIHAN AY MAY KASAMAAN…”

Huminga nang malalim si Liliw. “Patawarin mo ako at naging marupok ako…”

“NILIKHA KITA BILANG DIYOS, MANATILI KANG MAGING MATIBAY SA IYONG TUNGKULIN…”

Sa ilang sandali ay umakyat na muli ang Amang Bathala patungo sa kalangitan.

At sa toreng iyon ng Sibol Encantada, naiwan si Liliw, pinagmasdan ang pag-akyat ni Amang Bathala sa kalangitan hanggang Siya ay maglaho sa kanyang paningin.