Kabanata 36
K ANINA pa nakatingin Moymoy sa buwan. Unti-unti ay nakita niya iyon na nagiging hugis-bilog.
Ano kaya ang iniisip ni Alangkaw? Bakit siya ganoon? Bakit hindi siya naniniwala na magkapatid kami?
“Nalalaman ko ang iyong iniisip, Moymoy.”
Tinig ni Montar ang saglit na nakapagpatigil kay Moymoy sa kanyang pag-iisip sa mga sandaling naroon siya sa tore ng kastilyo ni Wayan.
“Wala sa puso ni Alangkaw ang pagmamahal na itinuro sa iyo ng iyong inang buntawi dahil hindi ganoon si Buhawan.”
“Ang Mama Tracy ko?”
“Oo, mahal na mahal ka ni Tracy. Pero, si Buhawan—tinuruan niya ang iyong kapatid na mamuhi, magalit, angkinin ang lahat-lahat kahit na makasakit ng kapwa. Iyon ang inyong kaibahan.”
Napayuko si Moymoy, may naramdaman siyang bigat sa kanyang dibdib at pagkatapos ay napaiyak. Niyakap siya ni Montar.
“Hindi nga ako nagkamali na ipaaruga kita kay Tracy. Lumaki kang isang mabuting bata.”
“Parang hindi ko magagawang makipaglaban sa sarili kong kapatid.”
“Sundin mo ang puso mo…”
Bigla silang natigilan nang dumating ang isang uwak, naging kulay-pula ang mga mata nito, lumipad-lipad sa malawak na bulwagan ng tore. Pagkatapos ay dumaing ito. Isang nakakakilabot na daing.
Napanganga si Montar na nakatingin sa bintana. Sa liwanag ng bilog na buwan ay nakita niya ang mga tibaro ng Dalumdum na lumulusob. Ang kanilang mga nanlilisik na mga mata ay mistulang mga kulay-pulang ilaw na papalapit nang papalapit sa Malasimbo.
“Si Alangkaw! Ang pangkat ni Alangkaw!” bulalas ni Montar habang matamang minamasdan ang mga lumulusob na tibaro ng Dalumdum.
Tumatakbong dumating si Wayan. “Ang Anino ng Dalumdum, lumulusob!”
Muling tumingin sina Moymoy at Montar sa mga lumulusob na tibaro ng Dalumdum. Sa kalawakan, sa napapagitnaan ng Malasimbo at Dalumdum ay tumigil ang mga tibaro, naghahamon. At doon ay nakita nila ang dambuhalang aswang na lumaki nang lumaki hanggang sa ito ay halos kasinlaki na ng kastilyo ni Wayan—Si Alangkaw, ang tinaguriang Anino ng Dalumdum; mula sa kanyang anyong lalaking matikas ay nagkaroon ito ng dalawang sungay at mahabang buntot. Nanlisik ang mga mata nito at ang mga ngipin ay nagkaroon ng pangil. Sumigaw ito ng paghahamon. Pagkaraan ng ilang saglit, ang kulay-abuhing kulay nito ay unti-unting naging kulay-itim—halos hindi na makita sa dilim ng gabi. Tanging ang nanlilisik ng mga mata nito ang nakikita.
“May pakiusap siya sa akin, Montar, na hindi ko dapat gamitin ang aking diwani,” nag-aalalang sabi ni Moymoy.
Nanatiling nakapako ang tingin ni Wayan sa mga tibaro ng Dalumdum. “Narito siya, naghahamon. Narito, kami, aantabay sa `yo, Moymoy. Gagawin namin ang lahat, huwag ka lamang niyang sasaktan.”
“Kapatid ko siya. Kung puwede lang sana ay hindi ko siya sasaktan pero, kung gusto niya akong patayin, pipigilan ko lang iyon pero hindi ko siya sasaktan.”
“Naiintindihan kita.” Mataman na tiningnan ni Montar si Moymoy.
At sa ilang saglit ay nag-iba ng anyo si Moymoy. Siya ay naging isang puting kalapati. Nagtinginan sina Montar at Wayan na parang nagtatanong— Ito ba ang makikipaglaban sa halimaw, sa Anino ng Dalumdum? Ano’ng magagawa niya sa anyo ni Alangkaw na isang dambuhala?
Kasunod niyon ay lumipad ang puting kalapati patungo sa himpapawid, sa kinaroroonan ni Alangkaw at ng kanyang pangkat.
“Nakahanda ang lahat ng tibaro ng Malasimbo. Tama ang kutob ko na mangingibabaw ang damdaming kapatid ni Moymoy kay Alangkaw. Kaya lang ay baka mapahamak si Moymoy. Napakabuting bata ni Moymoy—nalalaman kong hindi niya gagamitin ang kanyang diwani sa labanang ito,” marahang sabini Wayan.
Sa mga sandaling iyon, hindi alam ni Moymoy na ang lahat ng tibaro sa Malasimbo ay nasa malaking bulwagan—sa tanggapan ng kastilyo ni Wayan. Sila ay naghihintay sa utos ni Wayan kung kailan lulusob.
Nang bumaba ng tore sina Wayan at Montar patungo sa bulwagan ay nagtinginan ang lahat, pinakikiramdaman kung ano ang iuutos sa kanila ni Wayan.
“Mga tibaro ng Malasimbo!” Nagtungo si Wayan sa entabladong kinaroroonan ng kanyang trono. “Kailangang nakahanda kayo sa kung ano man ang mangyayari. Huwag alisin ang inyong tingin sa alitan ng dalawang magkapatid na Moymoy at Alangkaw, ang Anino ng Dalumdum.” Ibinaling ni Wayan ang tingin sa malalaking bintana ng bulwagan.
“Kung ano man ang masamang tangka ni Alangkaw at ng kanyang pangkat ay ihanda ninyo ang inyong mga sarili. Ipaglaban natin ang Malasimbo! Alalahanin ninyo, kailangang mawala ang sumpa!”
Biglang nag-anyong handang lumaban ang mga aswang. May lumaki, ang iba naman ay nagbago ang kanilang ulo at may mga nagkapangil. Ang iba ay malahalimaw na nakakatakot na handang lumaban. Hinati ng mga manananggal ang kanilang katawan, inilabas ang maiitim nilang pakpak, at pinalitaw ang matutulis nilang kuko. Ang mga bata ay nanatili sa kanilang tunay na anyo dahil bawal sa kanila ang makipaglaban. Maliban kay Hasmin. Naisipan niyang hatiin ang kanyang katawan at magkaroon din ng malalapad at maiitim na pakpak at mga kukong matutulis.
“Hasmin! Hindi ka pinapahintulutan na mag-anapaya at makipaglaban!” babala ni Montar.
“Kailangan ni Moymoy ng tulong, Montar!”
“Hasmin, bumaba ka at kailangan kitang makausap.”
Marahang bumaba ang hating katawan ni Hasmin at inilapat sa kanyang tibalok, sabay tiklop ng mga pakpak. Nilapitan siya ni Montar.
“Bakit hindi puwede ang mga bata na makipaglaban? Hindi ba’t bata pa lamang si Moymoy?”
Saglit na hindi makaapuhap ng isasagot si Montar kay Hasmin. “Hasmin… Hasmin, si Moymoy ay naiiba sa iba pang mga bata. Sana’y naiintindihan mo ang ibig kong sabihin.”
Sa mukha ni Hasmin ay naroon ang hindi pagsang-ayon pero nanatili na lamang siya sa bulwagan.
NANG malapit na si Moymoy sa kinaroroonan ng mga tibaro ng Dalumdum ay biglang nag-iba ang anyo ni Alangkaw. Ibinalik niya ang lagi niyang ginagamit na anyo—ang kulay-itim na matikas na lalaki, kaya lamang, ito ay may malalapad na pakpak.
“Huwag n’yo siyang lalapitan. Huwag n’yo siyang gagalawin!” utos ni Alangkaw sa kanyang pangkat. “Kami ang magtutuos! Manood lamang kayo!”
Si Moymoy ay bigla ring nagpalit ng anyo — ang kanyang tunay na anyo pero may pakpak na kulay-puti. “Kapatid kita! Kung maaari lang ay itigil natin ito!”
Biglang nag-iba ang anyo ni Alangkaw. Bigla ay naging halimaw ang mukha—naging isa itong nakakatakot na aso. Inilabas niya ang dila, dinilaan ang mukha ni Moymoy, ngumisi at waring ninamnam, at gusto siyang kainin. At kasabay niyon ay biglang pinakawalan ang dumadagundong na tahol na nakapangingilabot na handang pumatay. Lumayo si Moymoy sa kanya. Hinabol siya ni Alangkaw.
Umakyat sa himpapawid si Moymoy, iniwasan ang pag-atake ni Alangkaw. Tuluyan namang nag-iba ng anyo si Alangkaw. Ang kanyang ulo ay nanatiling kagaya ng sa isang aso, nagkaroon ng sungay at nanlisik ang mga mata. Ang kanyang katawan ay kagaya ng isang tao na napakalaki pero may itim na balahibo. Ang kanyang mga kuko ay matutulis at may malalaki at malalapad na pakpak na mabalahibo rin kagaya ng sa paniki.
Lumabas sa bibig ni Alangkaw ang kanyang matutulis na pangil at nagsalita sa napakalaking boses. “Huwag na huwag mong gagamitin ang iyong diwani!”
“Hindi, Alangkaw! Hindi!”
At lumusob si Alangkaw at akmang kakainin si Moymoy. Nagulat si Moymoy at wala siyang nagawa kundi ang magpalit na rin ng anyo. Naging isa na rin siyang aso, kaya lamang ay yaong kulay-puti at maamo ang mukha. Ibinuka naman ni Alangkaw ang kanyang bibig nang napakalaki kaya kitang-kita ang mga pangil nito. Kakagatin sana ni Alangkaw si Moymoy nang biglang tumahol si Moymoy at isinangga ang kanyang kamay na aso kaya hindi tuluyang nalamon si Moymoy. Nasugatan si Moymoy. Dagling lumabas ang tunay na anyo at dagli ring ibinalik ang anapaya. Buong lakas, ay hinampas niya si Alangkaw sa pamamagitan ng kanyang buntot. Nasaktan si Alangkaw. Dagli ring lumitaw ang tunay na anyo at dagli ring ibinalik ang anapaya. Naramdaman nitong nagdurugo ang katawan sa hampas ni Moymoy. Lalong nanlisik ang mga mata nito.
Laking gulat nila nang biglang may dumating na kakaibang nilalang. Bigla nitong ipinakita ang kanyang mukha. Si Buhawan! Isa itong malaking hayop—isang malaking ahas na napakakapal ng balat. Kaya lamang, ito ay nakalilipad sa pamamagitan ng mga pakpak. Nanatili saglit ang kanyang mukhang kinausap sina Moymoy at Alangkaw.
“Alangkaw, wala kang utang-na-loob. Ako ang nagpalaki sa iyo!” sigaw ni Buhawan.
“Ang mapa lang ang kailangan mo sa akin!”
Biglang ipinakita ni Alangkaw ang tunay niyang anyo at binuksan ang damit sa dibdib. Nagningning ang mapa. “Ito lang ang kailangan mo!” Pagkatapos niyon ay muling bumalik si Alangkaw sa dating anapaya.
Nataranta si Buhawan nang makita ang mapa. Bumaling kay Moymoy. “Hindi lang ikaw ang kailangan ko kundi si Moymoy rin!”
“Magtapat ka sa akin, kapatid ko bang talaga ang laking Amalao?! Si Moymoy?!”
Nagkaroon ng katahimikan. Nanatili na nasa himpapawid sina Moymoy, Alangkaw, at Buhawan.
“Alangkaw, hindi ba’t sinabi ko na sa `yo, sa oras na makuha natin ang lahat ng mga Ginto ng Buhay, kasama kita. Magiging makapangyarihan tayo, anak.”
“Huwag kang maniniwala sa kanya, Alangkaw!” mabilis na sagot ni Moymoy.
Natigilan si Alangkaw, naguluhan saglit ang isipan. Bigla niyang iniba ang anyo, at ginaya ang anyo ni Buhawan.
Mahusay ngang aswang si Alangkaw. Isa nga siyang anak ng isang Apo, sabi ng isip ni Buhawan.
Bigla ring pinalaki ni Buhawan ang kanyang anyo. Si Moymoy ay marahang nagpalit ng anyo. Mula sa pagiging puting aso, siya ay naging malaking tutubi; nanatili ang kanyang tunay na ulo.
Biglang nilusob ni Alangkaw si Buhawan. Ibinuka nito ang bibig at akmang kakainin si Buhawan nang umiwas ito sa kanya at biglang hinampas ito ng kanyang buntot. Tumilapon si Alangkaw at kasabay niyon ay nilusob siya ni Buhawan.
Natigilan si Moymoy sa kanyang nakikita. Lumipad siya patungo kay Buhawan. “Buhawan, tama na! Tama na!”
Parang walang narinig si Buhawan.
Lalo pang lumaki ang anyo ni Alangkaw. Ang kanyang ulo ay halos kasinlaki na lamang ng katawan ni Buhawan. Biglang sumigaw si Buhawan at tumingin sa direksiyon ng kanyang likuran. Naroon ang mga tibaro sa pangunguna nina Abakay at Manarang. Lahat ng mga aswang ay malahayop ang anyo at ang mga manananggal ay nagliliparan sa pamamagitan ng maiitim na pakpak. Lahat sila ay nakahanda sa labanan.
“Sino ang mga `yan?!” tanong ni Moymoy.
Biglang ngumisi si Buhawan. Tumawa ito nang pagkalakas-lakas. “May pangkat ako sa Amalao! Narito sila upang lipulin kayong LAHAT!”
Nagulat si Moymoy sa isinagot na iyon ni Buhawan. Napatingin siya sa tore ni Wayan. Nakita niya sa mga bintana ang mga tibarong nakahandang lumusob. Si Alangkaw naman ay napatingin din sa naghihintay niyang pangkat. Sumenyas siya sa mga ito na lumusob na. Dagling lumipad at nagtungo si Moymoy sa tore ni Wayan, sa kinaroroonan ng mga tibaro ng Malasimbo.
“Huwag kayong lulusob! Huwag!”
Natigilan sina Wayan at Montar.
“Kaming dalawa ng kapatid ko ang dahilan kung bakit nagkakaganyan si Buhawan. Ako na ang bahala.”
“Gagamitin ko ang aking diwani!”