noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 3

Ch. 3 / 41 Feb 09, 2022

P AGKAGISING ni Bella,

naisip niya na epekto marahil ng kanyang gamot na iniinom sa sakit na diabetes ang pagkakasaksi sa pag-iibang-anyo ni Moymoy. Nagpatuloy ang pagmamaltrato niya kay Moymoy.

Tuwing gabi lamang nakapagpapahinga si Moymoy kapag tulog na ang kanyang Tita Bella. Ibinabagsak niya ang katawan sa katre, hihiga roon, magmumuni-muni kasama si Spaghetti.

Maglalakad nang marahan si Spaghetti sa katawan ni Moymoy, hihinto sa kanyang dibdib at doon ay malugod na hihiga na waring kinakalma ang pagod na isipan ni Moymoy.

“`Buti na lamang narito ka, Spaghetti, kundi aalis ako rito. Kung wala ka, matagal ko nang iniwan si Tita Bella.” Laging kinakausap ni Moymoy si Spaghetti.

Tuwing kakausapin ni Moymoy si Spaghetti, lagi itong mataman na nakatingin sa kanya na waring naiintindihan ang mga sinasabi niya.

“Kailan kaya darating si Mama?” Laging ganito ang tanong ni Moymoy kay Spaghetti, at kasabay nito ang pagpatak ng luha mula sa kanyang mga mata at paglandas nito sa kanyang mga pisngi. Ilalapit naman ni Spaghetti ang mukha at sa pamamagitan ng dila ay banayad na papahirin ang mga luha ni Moymoy.

“Alam mo ba kung kailan darating si Mama?” tanong ni Moymoy kay Spaghetti.

Isisiksik ni Spaghetti ang ulo sa leeg ni Moymoy at yayakapin siya nito. Susuklian naman ni Moymoy ang yakap nito at marahang pipikit. Hindi niya namamalayang nakakatulog siya sa piling ni Spaghetti, dama ang mainit na katawan nito.

SI MOYMOY ANG pinakamaliit sa kanyang mga kaklase. Kapag flag ceremony, lagi siyang tinutukso, lalo na ng kaklase niyang si Diego. Malaki ito at sa edad na sampu—para na itong binata. Hindi lang siya matangkad kundi napakalaki pa ng boses. Si Diego kasama ng dalawa pang kaklaseng sina Gordon at Onyok ang laging nang-aasar at nanunudyo kay Moymoy. Kobong-kobong ang tawag sa kanya. Ang kobong-kobong ay isang maliit na kulisap na sumusuot sa lupa.

“Kobong-kobong, penge diyan,” sabi ni Diego nang minsang nagtatanim sila ng gulay sa hardin ng eskuwelahan.

Napatigil si Moymoy habang buhat-buhat ang sprinkler na may lamang tubig.

“Sabing penge, kobong-kobong na `to! Penge!” Nilapitan ni Diego si Moymoy kaya muntik na itong madapa. Tumawa pa sina Gordon at Onyok.

“Ano ba’ng hinihingi mo?” tanong ni Moymoy.

“Gaya ng dati, penge limang piso,” mayabang na sabi ni Diego.

“Kasya lang ang pera ko. Sakto lang, kukunin mo—”

Napatigil si Moymoy nang bigla siyang itulak ni Diego na ikinahandusay niya sa lupa. Pagkatapos niyon ay pinitserahang itinayo ni Diego si Moymoy. Halos idikit na ni Diego ang mukha sabay sigaw sa kanyang mukha.

“Kelan ka natutong sumagot, kobong-kobong?!”

“Bitawan mo `ko, isusumbong kita kay Ma’am,” nanginginig na sabi ni Moymoy.

“ Bitiwan mo `ko, isusumbong kita kay Ma’am, ” ginaya ni Diego si Moymoy. “Alam mo, wala kasi akong baon. Ikaw lang ang maaasahan ko. Kumakalam na kasi ang tiyan ko, kobong-kobong. Umiinit ang ulo ko, eh. Akin na ang limang piso!”

Biglang dumukot si Diego sa bulsa ng shorts ni Moymoy na mabilis namang nakaiwas, sabay sipa kay Diego. Pero hindi ito nasaktan sa sipa ni Moymoy.

“Aba, at lumalaban ang kobong-kobong na `to.”

Parang sangganong itinutulak-tulak ni Diego ang dibdib ni Moymoy. Habag paurong nang paurong si Moymoy ay nawalan ito ng balanse kaya natumba at humandusay na muli sa lupa. Biglang hinila ni Diego ang kanyang T-shirt kaya nawarak iyon. Tumambad ang balat sa dibdib ni Moymoy. Nagulat si Diego, ganoon din sina Gordon at Onyok.

“Ay, ano `yan, kadiri!”

sabi ni Onyok.

“May itinatago ka palang agimat!” sabi naman ni Gordon.

“U**l,” baling ni Diego kina Gordon at Onyok. “May balat bang agimat? Sabihin n’yo, ipinaglihi siya sa baboy-ramo, sa tsonggo, sa ahas!”

Sabay-sabay na pinagtawanan ng tatlo si Moymoy. Unti-unting namuo ang galit sa kanyang dibdib. Pumulot siya ng bato at ipinukol kay Diego. Nagulat si Diego at nanlalaki ang mga matang napatingin kay Moymoy. Nabukulan si Diego kaya pinagtawanan ito nina Gordon at Onyok na lalong ikinainit ng ulo nito.

“T**an**do ka!” Biglang hinablot ni Diego si Moymoy at kinaladkad patungo sa gusali ng eskuwelahan. Sa silong ng silid-aralan ay doon nito itinulak si Moymoy papasok. Sabay pasok din doon ni Diego.

“Nakakalalaki ka, kobong-kobong ka! Square tayo!” Nanggigigil si Diego, pasalampak na umupo sa katawan ni Moymoy at pinagsasakal siya at pinagsasampal.

“Tama na!” hiyaw ni Moymoy.

“Kami ang bahala rito. Kapag may darating, sisigaw kami!” sabi ni Onyok na nakasilip sa silong ng classroom.

Pinilit ni Moymoy na kumawala sa pagkakaupo ni Diego sa kanyang katawan. Pinagsusuntok siya ni Diego sa mukha. Nang makita ni Moymoy ang dugo sa kanyang mukha ay umusbong ang galit niya—nanlisik ang kanyang mga mata!

“Ano?! Laban ka?!” galit na galit na sabi ni Diego.

Biglang nag-iba ang anyo ng mukha ni Moymoy. Naging baboy-ramo.

Nagulat si Diego at walang maapuhap na salita. Ipinikit ni Diego ang mga mata at muling idinilat dahil hindi makapaniwala sa nakita. Ipinilig pa niya ang ulo. Pero hindi nagbago ang anyo ni Moymoy. Sina Onyok naman at Gordon ay bigla ring napanganga. Nabitawan ni Diego si Moymoy. Biglang tumayo si Moymoy na ngayon ay anyong baboy-ramo na ang kabuuan. Hindi makagalaw sina Diego, Gordon, at Onyok sa kanilang nasasaksihan.

“Huwag…” Nabasag ang boses ni Diego sa takot nang makitang papalapit ang galit na galit na si Moymoy na nag-anyong baboy-ramo. Hanggang ang anyong baboy-ramo ay naging sawa! Gumapang ito at akmang tutuklawin si Diego.

Takot na takot na umurong si Diego kay Moymoy. “Moymoy… huwag…” natatakot na sambit ni Diego. “Ikaw ba `yan?”

Walang kamalay-malay na dalawang ulit na siyang nagpalit ng anyo, napaisip at nagtaka si Moymoy kung bakit natakot at napaurong si Diego sa kanya.

Pagkatapos ay nagtakbuhan sina Diego at ang kasamang sina Gordon at Onyok. Kinausap ang mga ito ng guwardiya na nasa gate ng eskuwelahan pero hindi sila makapagsalita. Pare-pareho silang umiiyak na binabanggit ang pangalan ni Moymoy.

Sa silong ng silid-aralan na iyon, humihingal si Moymoy nang magbalik sa kanyang tunay na anyo. Napakunot-noo siya at nagtatakang pinipilit isipin kung ano ang dahilan at natakot at nagtakbuhan sina Diego. Pero pakiramdam niya ay may nangyaring kakaiba sa kanyang sarili na hindi niya mawari o maunawaan. Napalunok siya at tumingin sa kanyang balat sa dibdib.