Kabanata 32
S A ORAS DING iyon ay nagpasya si Liliw na puntahan ang mga anak.
“Mahal kong Diyosa, mapanganib ang gusto mong mangyari,” sagot ni Montar habang nasa asotea sila ng tore.
“Ako’ng bahala. Isa akong Apo at may kapangyarihan.Gagawin ko ito hindi lamang para sa akin kundi para sa aking mga anak…”
Pagkaraan ng ilang saglit ay natagpuan na lamang ni Montar ang sarili na pinagmamasdan sa madilim na gabing iyon ang lumilipad na si Liliw patungo sa mga anak.
SA KASTILYO ni Alangkaw sa Dalumdum ay tahimik na bumaba si Liliw sa terasa mula sa pagkakalipad. Pumikit saglit at sa paggamit ng kanyang diwani ay unti-unti siyang naglaho at nakarating sa kinaroroonan ni Alangkaw.
Natigilan si Alangkaw sa kanyang pagsasanay. Ang anyo niya ay ang dating kulay-itim na lalaking malaki ang katawan, matikas, mahaba ang buhok, at may-katigasan ang mukha.
Dagli namang kumumpas si Liliw para maglagay ng harang upang hindi siya makita ni Alangkaw. Ang harang ay mistulang usok na umaalon-alon sa harap niya.
Napansin ni Alangkaw ang usok na nakaharang sa kanyang harap. Naaaninag niya roon ang anyo ng isang babae.
“Sino ka?”
“Ako si Liliw, ang iyong ina.”
Biglang napakunot-noo si Alangkaw. Ina? “Wala akong ina. Patay na ang aking ina. Wala akong ina!” matigas na sagot ni Alangkaw. Bumalik na muli ito sa pagsasanay. Iniba niya ang anyo—naging malaking ahas at pagkatapos ay naging malaking alakdan hanggang sa biglang naging isang malaking aso na may pitong ulo at may mga sungay.
“Anak ko… tama na. Huwag na kayong mag-away ni Moymoy. Kapatid mo siya,” pakiusap ni Liliw.
“Magpakita ka, ikaw na sinasabi mong aking ina.”
“Hindi maaari… mapapahamak ka.”
Napaisip si Alangkaw—pinalitan niya ang anyo—ang kanyang tunay na anyo—yaong sampung taong gulang na bata. “Ito ba ang tunay kong anyo? Ganito ba ang hitsura na sinasabi ninyo na anak mo. Isang bata?”
“Oo. Pero hindi ako maaaring magpakita sa iyo dahil maaari mong ikamatay. Sa liya naming mga Apo, kapag kami’y nagkaroon ng ugnayan sa isang tibaro kagaya ng iyong ama at kami’y nagkaanak, mamamatay ka kapag nahawakan kita at tumitig sa aking mga mata.”
“`Di na bale. Ang mahalaga’y mapasaakin ang Gabun. `Yon ang gusto ko. At kapag nagkagayon, pati Amalao ay mapapasaakin din!”
“`Yan ang itinanim ni Buhawan sa isipan mo! Inagaw ka sa akin ni Buhawan nang hindi ko nalalaman para ubusin ang mga Ginto ng Buhay. Hindi ko nalalaman na pinalaki ka ni Buhawan at ganito ang itinuro sa `yo—na sakupin ang Gabun at pati rin ang Amalao.”
Hindi mapigilan ni Liliw ang umiyak. “Huwag kayong mag-away ng kapatid mo. Kapatid mo si Moymoy. Kailangang magkabati kayo… anak…”
Biglang nag-iba ng anyo si Alangkaw—naging malaking halimaw na may matutulis na ngipin. Bigla itong nagsalita sa napakalaking boses.
“Ahhh… Sa kabilugan ng buwan, magtutuos kami ni Moymoy! Manood ka na lang sa labanan, ikaw na nagsasabi na ina ko! Manood ka na lang!”
Napanganga si Liliw habang dinig na dinig ang halakhak ni Alangkaw.
NATAGPUAN ni Liliw ang sarilli na lumilipad sa kalangitan patungo sa Malasimbo. Naroon pa rin ang lungkot na nararamdaman niya matapos makausap sa unang pagkakataon ang anak na si Alangkaw. Larawan siya ng isang diyos na walang magawa—dahil kahit siya ay isang Apo, hindi niya saklaw ang damdamin ng kahit na sinong nilalang—kahit ang sariling anak na si Alangkaw ay hindi niya maaaring kontrolin ang damdamin.
Marahang bumaba si Liliw patungo sa tinitirhan ni Moymoy. Doon ay nakita niya itong natutulog. Pinagmasdan niya si Moymoy at siya ay napangiti. Pagkaraan ng ilang saglit ay marahang binuksan ni Moymoy ang mga mata. Dagli ay tinakpan ni Liliw ang kanyang katawan.
“Moymoy,” bulong ni Liliw.
Nakita ni Moymoy ang malabong pigura sa likod ng tumatakip na usok kay Liliw.
“Sino ka?”
“Si Liliw, ang iyong ina.” Napangiti si Liliw, may kasiyahang nadama.
“Ina? Ikaw ba `yong sinasabi nilang tunay kong ina?”
Dagling tumango si Liliw, hindi nawawala ang ngiti sa kanyang mga labi. “Ako nga. Mapapahamak ka kung magpapakita ako sa `yo.”
Napaisip si Moymoy. “Sabi nga nila.” May lungkot na nabanaag sa kanyang mukha.
“Pero `di bale, puwede tayong mag-usap.”
Nanatiling nakatingin si Moymoy sa usok na umaalon-alon sa likod na kinaroroonan ni Liliw. Marahan siyang tumayo at lumapit sa usok. “Hindi mo raw ako puwedeng mahawakan at hindi rin daw puwedeng magtama ang ating mga mata, kung hindi ay mamamatay ako?”
“Oo, anak.”
“Bakit po kayo naririto?”
“Sana—sana’y huwag kayong mag-away ng iyong kapatid.”
“Siya po ang naghamon sa akin.”
Napayuko si Liliw.
“Kung ako lamang ang masusunod, hindi ako makikipag-away. Kapatid ko siya at kamukhang-kamukha ko pa.”
“Moymoy, tama nga si Montar na maganda ang pagpapalaki sa iyo ng buntawi sa Amalao.”
“Ang mama ko? Tracy po ang pangalan niya.”
“Gusto ko siyang makita, para magpasalamat dahil pinalaki kang mabait na bata.”
“Mabait po ang mama ko, kaya lang ay umalis siya. Sana bumalik siya.”
Napabuntong-hininga si Liliw. “Moymoy, sana ay hindi kayo nag-aaway ng iyong kapatid! Sana’y magmahalan kayo.”
“Ano po ang dapat kong gawin? Gusto niyang ubusin ang lahat ng tibaro sa Malasimbo. Gusto po niyang sakupin ang buong Gabun at pati na raw ang Amalao.”
“Si Buhawan ang nagturo sa kanya na kamuhian ang mga tibaro ng Malasimbo. Bilang ina, gusto ko’y makita ko kayong magkasundo sa lahat ng bagay.”
Napayuko si Moymoy. “Paano po mangyayari `yon?”
“Mangyayari rin `yon, sa tamang panahon.”
“Kailan ko kayo makikita?”
“Ako man ay gustong-gusto kang makita, mahawakan, mayakap, pero…”
Hindi nagawang ituloy ni Liliw ang kanyang sasabihin. May barang naramdaman sa kanyang lalamunan, sinikap na huwag umiyak pero may sumulpot pa ring mga butil na luha sa kanyang mga mata. At hindi niya namamalayan na umangat ang kanyang kamay, inaabot ang mukha ni Moymoy upang ito’y haplusin. Napahawak sa bibig si Liliw, pinipigilan ang pag-iyak.
“Gusto kong lagi mo itong iisipin, anak. Isa akong Apo—ang diyosa ng kagubatan. Gusto kong malaman mo na kung ano man ang pinsalang ginagawa ng mga buntawi ay ganoon din ang pinsalang nangyayari dito sa Gabun—magkakabit ang Gabun at Amalao. Kailangan kong gawin ang aking tungkulin bilang tagapangalaga ng kagubatan. Walang makapagsasabi kung ano ang susunod na mangyayari, maliban kay Amang Bathala na siyang may likha ng lahat. Sundin mo ang sinasabi ng iyong damdamin, ng iyong puso. Sundin mo ang iniisip mong tama para sa lahat.”
Opo.
Pagkaraan ng ilang sandali, natagpuan ni Liliw ang sariling pabalik na sa Sibol.