noveltoon logo noveltoon
Moymoy Lulumboy: Ang Batang Aswang (Book 1)

Chapter 19

Ch. 19 / 41 Feb 09, 2022

Kabanata 19

G ABI NG DUGON. Ang mga tibaro, gaya ng mga aswang, manananggal, mga tiyanak, at iba pa ay nagsipasukan sa kani-kanilang mga bahay. Ano mang sandali, kapag nabuo ang tuldok na kulay-pula sa bilog na buwan ay magiging halimaw ang mga tibaro. Ang mga aswang at manananggal ay makakaramdam ng matinding gutom at kakainin nila ang isa’t isa. Kakainin nila ang lahat ng makikitang laman.

Mula sa tahanan ni Moymoy na nasa itaas ng burol ay nakita niyang nagtatakbuhan ang lahat ng mga tibaro papasok sa kanilang mga bahay. Kasunod niyon ay narinig niya ang kanilang pag-iyak at malakas na panaghoy. Bigla ay naalala ni Moymoy si Hasmin.

Ipinikit ni Moymoy ang kanyang mga mata at ipinasok sa kanyang isipan na siya ay magkakapakpak. At bigla’y nagkaroon nga siya ng pakpak. Pinaliit niya ang katawan hanggang sa siya ay naging isang ibon. Lumipad siya nang lumipad patungo sa ibaba ng burol—patungo sa mga dumadaing na tibaro.

Nasaksihan ni Moymoy ang kaguluhan ng mga tibaro habang ang buwan ay tuluyan nang naging kulay-dugo.

Sa paglipad ni Moymoy ay dumapo siya sa isang puno na malapit sa bahay ni Hasmin. Pero nakita niyang bukas ito at nang lumipad siya upang magtungo roon ay nakita niyang wala si Hasmin! Ipinagpatuloy ni Moymoy ang paglipad; lumabas siya ng bahay, luminga-linga, hinanap si Hasmin. Lumipad siya nang lumipad hanggang sa makita niya ang kabuuan ng Malasimbo. At gamit ang mga matang napakatalas ay muling hinanap si Hasmin. Pinilit pa niyang talasan ang paningin hanggang sa lumaki ang kanyang mga mata—kasabay niyon ay ang paglaki ng kanyang katawan hanggang sa siya ay naging isang lawin.

Nilinga-linga ni Moymoy ang paningin.

Hasmin… hiyaw ng kanyang isipan.

Patuloy na lumilinga-linga si Moymoy sa paligid hanggang sa matuon ang kanyang pansin sa kagubatan. Nakita ng matalas niyang mga mata ang paggalaw ng mga halaman doon. Dagli niyang iginalaw ang mga pakpak at lumipad patungo sa gubat. Nakita niya si Hasmin!

Lumipad pabulusok si Moymoy. Sinulyapan saglit ang buwan at nakita niyang malapit nang mabuo ang kulay-dugo niyon. Nakita niya si Hasmin na tumatakbo na may dalang mga tuyong sanga ng punongkahoy. Bigla nitong binitawan ang mga iyon sa nais na makarating ito sa tahanan bago abutan ng gabi ng dugon.

Gustong tulungan ni Moymoy si Hasmin! Gusto niya itong damputin sa pamamagitan ng kanyang mga kuko, bitbitin at ipasok sa kanyang bahay!

Humihingal na si Moymoy sa kanyang paglipad. Sa ano mang oras ay magiging halimaw ang batang kanyang hinahangaan na si Hasmin. Hindi lamang ito magiging halimaw kundi makakaramdam ito ng matinding gutom at kakainin nito ang kapwa tibaro! At ang masaklap pa, kapag nagkataon ay baka si Hasmin pa ang makain ng ibang tibaro!

At sa paglipad ni Moymoy, hindi niya namalayan na ang kanyang mga pakpak ay lumaki nang lumaki kaya ang kanyang paglipad ay tumulin din nang tumulin.

Hasmin! Patuloy na humihiyaw si Moymoy sa kanyang kaloob-looban habang patuloy na nakatuon at sinusundan ang tumatakbong si Hasmin.

Sinikap ni Moymoy na bumaba sa paglipad upang saklolohan si Hasmin. At nang maabot niya ito ay bigla niyang dinampot sa mga balikat, binuhat ito ng kanyang mga kuko, at inilipad sa kalangitan.

Hindi nakapagsalita si Hasmin; namalayan na lamang niyang umangat ang kanyang katawan, nasa himpapawid at bitbit ng isang dambuhalang lawin. Nakita niya mula sa itaas ang kaguluhang nangyayari sa mga tibaro—ang kanilang pagtatakbuhan upang ikulong ang mga sarili sa kani-kanilang mga tahanan at malampasan ang gabing iyon.

Pinagmasdan ni Moymoy ang nalalapit na pagbuo ng kulay-dugo sa dambuhalang buwan na nasa kalangitan. Nakakakilabot ang larawang iyon—ang paglaganap ng kulay ng dugo na nagbabadya ng laganap na kamatayan.

Hindi nagtagal ay namataan na ni Moymoy ang tahanan ni Hasmin. Doon ay dagli niya itong ibinaba. Hindi nagsayang ng pagkakataon, biglang pumasok si Hasmin sa kanyang bahay at isinara ang tarangkahan ng pinto. Napahingal siya—pinakawalan ang hangin sa kanyang dibdib at pagkaraan ng ilang saglit ay may sakit itong naramdaman sa lalamunan. Napabuka ang bibig nito at nanlaki ang mga mata. Ang sakit na iyon ay nahalinhan bigla ng pagkagutom. Kitang-kita iyon ni Moymoy sa bintana. Hindi niya maiwasang maawa kay Hasmin. Kasabay niyon ay unti-unting nagkabalahibo ng itim ang kanyang balat at lumaki pa ang kanyang mga tainga. Lumaki rin ang mga mata nito. Unti-unti, nahati ang katawan at lumabas ang maiitim at mabalahibong pakpak nito.

Nakita ni Moymoy kung gaano katindi ang gutom na nararanasan ni Hasmin. Nagulat pa si Moymoy nang sa maliit na bintana ay pinilit siyang hablutin nito upang kainin pero napaurong si Moymoy. Natigilan siya nang makita ang isang pusang lumundag at nagtungo sa bintana. Akmang dadakmain ito ni Hasmin upang kainin pero dagling kinuha iyon ni Moymoy.

“Layo! Takbo!” utos ni Moymoy sa pusa.

Nagtago sa isang maliit na yungib sa lupa ang pusa at parang may isip pa itong tinakpan ang butas sa pamamagitan ng isang batong nasa tabi ng maliit na yungib.

“Aahh!” hiyaw ni Hasmin. Galit na galit dahil inagaw ni Moymoy ang pusang dapat sana’y makakaibsan sa gutom na nararamdaman.

“Aahh! Aahh!” Patuloy sa paghiyaw si Hasmin. Sa loob-loob ni Moymoy, ito na ang pinakanakakatakot at kaawa-awang tinig na narinig niya sa kanyang buhay. Nakita niya sa mukha ni Hasmin ang kawalang kakayahan na pigilan ang pagnanasang kumain ng laman ng kahit kanino!

Napatingin si Moymoy sa lupa, nakita niya ang isang bayawak na gumagapang. Hindi na niya nagawa pang magdalawang-isip—binuhat niya iyon at sa bintana kung saan ay walang tigil sa pagwawala si Hasmin ay kanya itong inihagis.

Biglang sinakmal ni Hasmin ang bayawak na ibinigay ni Moymoy, winarak ng kanyang matatalim na pangil ang katawan niyon, at pinagngangasab ang laman ng nagkakakawag na bayawak. Habang sakmal nito ang bayawak ay iniangat ni Hasmin ang ulo, tumingala at tumingin sa kisame, pumikit at ninamnam ang laman ng kinakain na bayawak. Tumingin ito kay Moymoy at sa kanyang mga mata ay nababasa ni Moymoy ang pasasalamat.

Kinain ni Hasmin ang bayawak. Winarak niya nang tuluyan ang tiyan nito sa pamamagitan ng matatalim niyang kuko at kinuha ang lamang-loob ng bayawak at sinibasib ang mga ito. At sa labis na kaligayahan dahil nakaramdam ng ginhawa si Hasmin sa kinakain ay iginalaw niya ang maiitim na pakpak at sa munting tahanan niyang iyon ay lumilipad-lipad ito—buong kasiyahang pinapapak ang bayawak.

Napaurong si Moymoy sa nasasaksihan. Pagkatapos ay muli siyang bumalik at lumapit sa bintana, hinawakan ang mga rehas. “Hasmin…”

Hindi narinig ni Hasmin ang pagtawag ni Moymoy dahil sa patuloy na paglapa nito sa bayawak.

“Hasmin,” muling tawag ni Moymoy.

Bumaling si Hasmin habang nginunguya ang kinakaing bayawak.

“Hasmin, babalik ako rito. Babalikan kita.”

Tumango si Hasmin.

Muling nagpalit ng anyo si Moymoy; pinili niyang maging maliit na ibon upang bumalik sa kanyang tahanan na nasa burol. At nang makarating sa burol ay nagbalik siya sa tunay na anyo. Muli niyang tinapunan ng tingin ang mga kapwa tibaro sa ibaba; dinig na dinig pa rin niya ang panaghoy ng mga ito. Bigla niyang naramdaman ang pangingilabot ng buong katawan. Natuon ang kanyang pansin sa bundok na tahanan ni Wayan, ang pinuno ng mga tibaro. Naisip niyang magtungo roon. Ibinalik niya ang anyong-ibon at lumipad patungo sa bundok ni Wayan.

Sa kanyang paglipad, namataan niya sa bintana ng tore si Wayan na nakamasid sa mga tibaro.

Wayan! hiyaw ni Moymoy nang papalapit na siya sa bintana ng tore. Babalik na sana siya sa tunay na anyo nang biglang may maiitim, malalaking kuko na dumagit sa kanya. Nakita ni Moymoy na isa itong napakalaking nilalang na lumilipad, ang katawan ay sa dambuhalang uwak at ang ulo ay sa isang buwaya. Napakaitim nito at halos hindi makita sa dilim ng gabi. Gulat na gulat si Moymoy.

Dahil sa kanyang pagkagulat, nataranta si Moymoy at bumalik sa tunay na anyo.

Nakita ni Wayan si Moymoy na bihag ng halimaw na lumilipad sa kalawakan. “Moymoy!”

Isinigaw na lamang ni Wayan ang pangalan ni Moymoy dahil wala siyang magawa…