noveltoon logo noveltoon
Ang Diary Ng Hindi Malandi (Slight Lang) Season 2

Chapter 2

Ch. 3 / 43 Apr 09, 2022

Malandi #2

JOSH’S POV

NATAWA ako sa reaksiyon ng mga tao nang pumasok kami ni Pipay sa loob ng school. Nakatuon lang ang pansin nilang lahat sa akin habang ang iba ay nakanganga pa. Parang may isang bagay silang nakita na hindi katanggap-tanggap sa lipunan o sa mga mata nilang mapanghusga.

Lalo kong hinigpitan ang hawak ko sa kamay ni Pipay. Isang hawak na nagpapakitang wala akong planong pakawalan siya kailanman at proud na proud ako na tulad niya ang girlfriend ko.

Actually, sanay na ako sa mga ganyang klase ng titig sa ilang buwan na pagiging magkarelasyon namin ni Pipay. Noong una, inis na inis ako sa ganyang klase ng tingin. Para kasing sinasabi nilang gumagawa kami ni Pipay ng isang kasalanan na labag sa batas. Kailan pa naging kasalanan ang pagmamahal sa aso... Oopps, joke lang, Pipay ko. Pero seryoso, sa bawat tingin nilang ganyan, lalo akong nagkakaroon ng urge para ipakita sa kanila kung gaano ko kamahal at kung gaano kaimportante sa akin si Pipay.

Maraming nagtatanong sa akin kung ano raw ang nakita ko kay Pipay at parang baliw na baliw ako sa kanya. Ako raw ang tipo na parang mas nagmamahal sa relasyon naming dalawa. Tanging ngiti lang ang isinagot ko sa kanila. Ayokong sabihin ang rason kung bakit ko siya ganito kamahal, dahil natatakot ako na kapag nalaman nila, pati sila ma-in love sa mahal ko. Sa Pipay ko. Sa Pilar Payoson na mahal ko.

Natatandaan ko ang sinabi ni Pipay bago magpasukan. Natatakot daw siya. University na raw kasi ang papasukan namin at tiyak mas maraming babaeng maganda at mayaman ang lalapit sa akin...

PAUWI na kami noon galing sa paggagala. Sinamahan ko kasi siyang bumili ng bag at lalagyan ng baon niya. Parang bata, `di ba? Hinayaan ko na lang siya dahil kung saan masaya si Pipay, doon ako.

“Bakit ka naman natatakot?” Napahinto kami sa paglalakad at napatingin sa akin si Pipay. Tumingin ako nang seryoso sa kanyang mga mata. “Matakot ka lang kapag nagkaroon ka ng kakambal, Pipay. `Yon lang ang tanging reason para mahati ang pagmamahal ko sa `yo.”

Alam kong kinilig si Pipay dahil sa sinabi ko. Nakita ko kasing nangitim—joke lang, nag-blush siya dahil sa sinabi ko. Hinampas niya pa sa akin ang plastic na hawak niya. Tumama tuloy sa ano ko. Ang sakit.

“Aww. Ang sakit.” Napahawak pa ako sa ano ko dahil sa sobrang sakit. Mukhang may nabasag sa ano ko.

“Ay, Josh ko, sorry. Waaah! `Di ko sinasadya. Saan ang masakit? Iki-kiss ko dali.”

Nagulat ako sa sinabi ni Pipay at agad tinakpan ang bibig niya dahil ang daming tao sa paligid namin noon.

“Sssh. Ikaw talaga, pulos ka kalokohan. I-kiss mo na lang ako sa mga labi. Mawawala ang sakit.”

Wala nang sinayang na oras si Pipay dahil bigla niya akong hinalikan. Napaupo tuloy kaming dalawa sa kalsada at pinagtinginan ng mga taong dumadaan...

NAPAPANGITI ako sa sarili ko habang naglalakad papunta sa Engineering building kung saan ang first subject ko. Lagi talaga akong napapangiti kapag naalala ko ang mga kalokohan ni Pipay. Mga kalokohan na hindi niya sinasadya pero nagbibigay sa akin ng labis na kaligayahan. Sinong tangang lalaki ang magloloko at ipagpapalit si Pipay para lang sa isang maganda at seksing babae? Ako? I will never cheat on a girl who could make me smile easily for a girl who’s just sexy and pretty.

Kung si Pipay ay isang bato at sila naman ay diamond? Si Pipay pa rin ang pipiliin ko. Ang bato, puwede mong ipanghilod. Ang diamond ba, puwede? Hindi,`di ba? Mas useful si Pipay ko.

Napatingin ako sa relo ko nang nasa tapat na ako ng classroom namin. Ten thirty-five AM pa lang at kahihiwalay lang namin ni Pipay pero nami-miss ko na agad siya. Sana matapos agad ang klase ko at mag-lunch break na. Gusto ko na agad makita si Pipay ko.

Nag-text muna ako kay Pipay bago tuluyang pumasok ng classroom.

To: My Sky and Universe

Nasa room na ako, Pipay ko. Miss na agad kita. I love you.

Pagpasok ko ng classroom, ang dami na agad tao. Mukhang sila ang makakasama ko sa buong first semester. Ang iingay nila at may kanya-kanyang grupo na agad. Pero mas napansin ng mga mata ko ang kalalakihan na may pinapalibutang tatlong babae. Magaganda ang babae at mukhang mayayaman. Inalis ko na lang agad ang paningin ko sa kanila dahil wala naman akong interes.

Dumeresto agad ako sa likuran at umupo. Pansin ko agad ang mga mata ng mga estudyanteng nadaanan ko. Nakatitig sila sa akin. Alam kong guwapo ako pero ilayo n’yo ang mga mata n’yo sa akin. Inilabas ko na lang ang cell phone ko at naglaro ng Clumsy Ninja.

Bakit ba kasi ang tagal-tagal ng mga teacher kapag first day of school? Mga paimportante.

Napansin kong parang biglang nawala ang ingay sa paligid at parang may taong nakatayo sa harap ko. Nag-angat agad ako ng tingin kaya nakita ko ang isang babaeng mukhang manyika na nakangiti sa akin.

“Hi, I’m Monica. And you are?” masayang bati niya sa akin.

Bago ako sumagot ay napatingin muna ako sa paligid. Kaya pala natahimik silang lahat ay dahil nakatuon ang pansin nila sa aming dalawa. Ang babae na ito ang isa sa tatlong babaeng pinapalibutan ng ilang kalalakihan sa harap kanina. Siya ang pinakamaganda sa tatlo.

“Ah, I’m Josh,” naiilang na sagot ko.

“It seems that you’re lonely here. Come, you can join us.” Bihasa sa English itong si Monica. Mukhang may lahing- Amerikana.

Tumingin muna ako sa sinasabi niyang pagdyo-join-nan ko. Iyong mga kaibigan yata niya na nasa harap ang tinutukoy niya. Nakangiti sila sa akin na parang nagsasabing welcome ako sa barkada nila.

“Okay lang ba?” Naiilang pa rin ako. Pero ayos na ito kaysa naman wala akong maging kaibigan. Mahirap maging loner lalo na’t malayo si Pipay sa akin ngayon.

“Of course. You’re handsome, dude. Who would turn you down?” nakangiting sagot ni Monica. Mukha talaga siyang manyika dahil sobrang ganda niya at ang haba pa ng buhok niya. Pero siyempre, mas maganda pa rin si Pipay ko. Hindi man para sa kanila, pero para naman akin.

Tumango ako at ngumiti. Sabay kaming naglakad papunta sa harap. Binigyan agad ako ng upuan ng isang lalaki.

“So, guys, may bago na tayo sa barkada. Meet Josh,” pagpapakilala ni Monica. “Josh, this is Coleen and Anne,” pagpapakilala niya sa dalawang magagandang babae. “And we’re the Campus Chix,” sabay-sabay nilang sabi with maarte tone.

“Nice meeting you, girls. Josh nga pala.” Nakipag-shake hands ako sa dalawa. Nakita ko pang pasimple nilang inamoy ang mga palad nila after kong hawakan ang kamay nila.

“Girls, stop flirting,” saway ni Monica sa kanila. “Sorry about that, Josh. Anyway, this is Mike, Chard and Mong.”

Nakipag-apir naman sa akin ang tatlong lalaki na ipinakilala sa akin ni Monica. Nagkuwento na sila agad sa akin matapos ko silang makilala. Nagtanong sila ng kung ano-anong bagay para makilala ako. Masaya silang kausap dahil pulos din kalokohan. Kahit mukhang mga anak-mayaman, may mga kalog din sa utak.

Pansin ko ang mga tingin sa akin ni Monica habang nakangiti. Ngumingiti na lang din ako pabalik.

“So, pare... Matanong ko lang. Do you have a girlfriend?” tanong sa akin ng nagngangalang Mong. Mukhang siya ang leader sa tatlong lalaki.

“Eww. Seriously, Mong? Ikaw talaga ang nagtanong niyan? You are not gay, right?” tanong naman ni Coleen.

Nagtawanan silang lahat.

“Loko. Hindi,`no. Tinanong ko lang since mukhang may isa diyan na gustong malaman.” Ngumisi si Mong saka tumingin kay Monica. Nag-blush naman agad si Monica.

“Yep. May girlfriend ako,” proud na sagot ko sa kanila. “Actually dito rin siya sa school nag-aaral. Sa Management department nga lang.”

“Aww. Did the heart of the heiress got broken?” pang-aasar naman ni Anne kay Monica.

“Not a bit,” pagtatanggol agad ni Monica sa sarili. May binulong siya kina Anne at Coleen na parang nakakatawa.

“Haha! Seriously? Dare,” natatawang sabi ni Coleen.

Hindi ko alam kung ano ang sinabi ni Monica sa kanilang dalawa pero mukhang may kinalaman sa akin. Nakangisi lang kasi si Monica habang seryosong nakatingin sa akin.

Dumating na ang professor namin sa first subject kaya umayos na kami ng upo. Nag-orientation lang muna kami dahil first day of school pa lang naman. As usual, nag-elect din ng class officers. Tae, parang high school naman. Atat na atat na akong lumabas ng room para puntahan si Pipay, eh.

“ I nominate Mr. Josh Manalo for escort.” Nabaling ang tingin ko kay Monica dahil sa sinabi niya. Nakaturo pa ang kamay niya sa akin habang nakangiti sa professor namin.

“Wow! He’s perfect for escort, Miss Gordon,” magalang na sabi ng professor namin kay Monica. “So who’s the muse, then?”

“Isn’t it obvious, Ma’am? I, of course,” proud na proud na sabi ni Monica.

Walang nag-react sa pag-nominate ni Monica sa sarili niya kaya sa kanya na ibinigay ang muse position. Aangal sana ako na ako ang escort dahil ibig sabihin, magkakaroon ako ng position, magiging busy, mababawasan ang oras ko kay Pipay, at malulungkot si Pipay ko.

Pero hindi ko nagawang umangal dahil sa pang-aasar ng buong klase. Tuwang-tuwa na kasi si Monica at mukhang mapapahiya kapag tumanggi pa ako.

Buwisit. Bahala na nga.

“So it’s now decided, Mr. Manalo and Miss Gordon would be our escort and muse. Kayong dalawa ang laging magka-partner sa mga activity na paglalaban ng Engineering freshmen department.”

Shit. Sabi ko na, eh.

Nag-bell na kaya tapos na ang first subject ko. Lunch break na namin kaya dali-dali kong sinuot ang backpack ko saka lumabas. Palayo na sana ako nang bigla akong tawagin ni Monica.

“Josh, join us for lunch!” pagyayaya niya.

“Sorry, hindi puwede. Kasama ko girlfriend ko,” magalang kong sagot.

“Okay,” nakangiting sagot niya pero mukhang nainsulto siya. Napansin ko pang inasar siya ng mga kaibigan niya kaya sumimangot siya.

Tumakbo na ako papunta sa building ni Pipay ko para hindi ma-late. Shit! Kinuha ko agad ang cell phone ko para tingnan kung may text ba si Pipay.

From: My Sky and Universe.

Josh ko, nasa CR ako ng canteen. Ang sakit ng tiyan ko.

Kinabahan agad ako sa text niya kaya napaliko ako ng takbo para pumunta sa canteen. Mabuti na lang nag-tour kami dito ni Pipay noong enrollment kaya alam ko na ang pasikot-sikot.

Pagdating ko sa canteen, agad akong pumunta sa CR. Tinawagan ko si Pipay para sabihin na nasa tapat na ako.

“Pipay ko,`andito na ako. Ano, masakit pa ba tiyan mo? Ano ba kasing kinain mo?” tanong ko agad sa kanya. Alalang-alala ako, eh.

“`Wag OA, Josh. Meron lang ako ngayon,” nahihirapan niyang sagot mula sa kabilang linya.

“Anong meron?”

“Meron. Hay, jusko. Minsan ang slow ng boyfriend ko. Meron as in mens. Slow much?” iritado niyang sagot.

“Ay, sorry. Ano’ng gagawin ko? Ayos ka lang ba?”

“Ayos lang. Kaso wala akong napkin, Josh ko. Bili mo `ko sa labas,” pakiusap niya.

“`Yon lang ba ang kailangan mo? Napkin lang ba? Biogesic o Alaxan?”

“ Hindi naman masakit pempem ko. Saan ko gagamitin ang Biogesic o Alaxan?” Narinig ko pang tumawa si Pipay.

Pulos talaga kalokohan itong si Pipay.

“O, sige. Sandali lang. Tatakbo na ako para bumili ng napkin.”

“Sige, bilisan mo, ah? Baka manganak na ako agad, eh.” Tumawa na naman siya.

“Untog kita sa pader, Pipay, eh.” Tumawa rin ako. “Joke lang! I love you!”

Tumakbo na ako sa labas para bumili ng napkin ng mahal ko.