noveltoon logo noveltoon
Lesbi In Love

Chapter 9

Ch. 9 / 32 Apr 09, 2022

CHAPTER NINE

L UNCH break na kaya kasama ko ang dalawang pangit na tomboy kong tropa habang kumakain. Nag-uusap silang dalawa tungkol sa nangyari kanina—ang pagtawag sa akin ng “baby” ng damuhong si Ross. Itong sina Alex at Anton, kung pag-usapan iyon, feeling nila wala ako sa harap nila. Hindi lang ako kumikibo pero kating-kati na akong balian sila ng leeg.

“Ang sweet ng tawagan nila, `no? Nakakainggit `tong si MJ. Mabuti pa siya, may baby na,” sabi ni Alex.

“Oo nga, eh. Biruin mo, `tol. Isang Ross Eliseo Valentin pa? `Haba ng hair ni MJ. Ano’ng shampoo mo, brad? Makagamit nga rin. Para naman may baby na rin ako,” kantiyaw naman ni Anton.

“Kaya pala galit na galit si MJ sa `tin kanina na nag- fantomboying tayo kay Ross. Nagseselos pala si brader . `Gusto niya kasi, kanya lang si Ross. Seloso pala `tong tropa natin.” Tumawa si Alex.

“Sinabi mo pa. Process pala magmahal `tong si MJ.”

Naguluhan si Alex. “Ha? Anong process?”

“Process. Kapag selfish ka sa isang tao, gusto mo sa `yo lang siya ganoon.”

Natawa si Alex. “Bobong tomboy! Possessive tawag doon. Process ka diyan.”

Napahinto si Anton at napaisip. “Ay! Possessive na pala ang tawag doon? Kahapon lang process `yon, eh.”

Bobong tomboy talaga.

“Pero bagay sila, `no? Ano’ng magandang tawag sa love team nila? ‘RossLyn’ o ‘JoveLiseo?’”

“Mas maganda kung ‘RossRy.’ Parang rosary lang. Boom banal!”

“Puwede, puwede! Ang benta ng ‘RossRy,’ `tol!” Pagkatapos ay nag-apir ang dalawang pangit na tomboy.

Ibinaba ko ang kinakain kong cheeseburger, saka sila tiningnan nang masama. “Kung mag-usap kayong dalawang pangit na tomboy, feeling n’yo wala ako rito sa harap n’yo, `no? Nakakabastos na talaga kayo. Kanina pa kayo. `Kitang bad trip na bad trip na nga ako, mang-aasar pa kayo. Eh, kung tapusin na lang natin `tong pagkakaibigan natin?”

“Hala, MJ. Grabe ka naman. Tapusin agad `tong pagkakaibigan?” tanong ni Alex.

“Bad trip na bad trip daw. `Sus, `tol. Kinikilig ka lang `kamo— Aray!”

Binatukan ko si Anton.

“Nakabatok ka naman agad diyan. Mapanakit kang tomboy!”

“Ako, kinikilig? Nakita mo ba akong nag-blush kanina, ha?” depensa ko.

“Oo kaya,” pagsingit ni Alex. “Namula ka kaya kanina. Siguro nga kung `di lang dumating si Sir Francis kanina, baka nahalikan mo na si Ross sa harap namin, eh. Titig na titig ka kaya sa kanya.”

“Tomboy na `to, nakakadiri ang takbo ng utak. Anong gustong halikan? Por que nakatitig sa kanya, gusto na agad halikan? Hindi ba puwedeng pinag-iisipan ko lang kung paano ko siya bubugbugin?” inis kong sabi. “Kayo lang ang nababakla kay Ross, mga `tol. `Wag n’yo `kong idamay.”

Potek talaga. Kung hindi lang talaga dumating si Sir Francis kanina, eh, di sana nabugbog ko na ang hinayupak na iyon. Nang dahil kay Ross, kung ano-ano ang naiisip ng mga tomboy na ito. Nakakadiri lang talaga at nakakakataas ng balahibo. Ako, nagkakagusto kay Ross? Joke ba iyon? Ang sarap kasing tawanan, eh.

Iyong iba ko pang mga kaklase, todo asar sa akin na isang Ross lang daw pala ang magpapabalik sa akin sa pagiging babae. Puwede ba? Tantanan nila ako. Hinding-hindi mangyayari iyon. Hindi ako nagkakagusto sa lalaki. Pagkatapos doon pa sa jejemon na si Ross? Puwedeng sumuka? Alam kong tinawag niya lang akong “baby” at ipinarinig pa sa ibang tao para lang ipahiya ako. Nangangati na talaga ang kamao ko na suntukin siya. Humanda talaga siya sa akin kapag nakita ko siya. Makikita niya ang hinahanap niya.

“In denial ka, `tol. Bakit ba kasi hindi mo na lang aminin na kayo na ni Ross? Kailan pa?” pamimilit ni Alex.

“Kaya nga. Kitang-kita naman namin na may meaning ang pagtitinginan n’yo, eh. Bago pa lumabas si Ross kanina ng classroom, sinulyapan ka pa niya sa huling pagkakataon. `Kilig talaga, brad,” si Anton.

“Iyang pangit mong mga mata malabo na, Anton. `Pinagsasabi mong may meaning ang tinginan namin? Okay ka lang?” yamot kong sabi. “Tomboy ako. Babae gusto ko. `Wag n’yo akong i-issue sa jejemon na damuhong iyon. Nakakayamot lang kasi, eh. O, `ayan. Nawalan na ako ng ganang kumain.”

“Ano’ng tawag mo sa kanya?” gulat na tanong ni Anton.

“‘Jejemon na damuho.’ Bakit?”

Nagkatinginan silang dalawa, pagkatapos ay sabay na napangiti nang malapad.

“OMG!” Napatili silang dalawa na parang babae. “May endearment silang dalawa. ‘Baby’ at ‘jejemon na damuho!’” Kilig na kilig talaga ang mga tomboy na pangit.

Nanggigil na talaga ako sa dalawang pangit na ito. Anak ng teteng naman talaga. “Hindi n’yo ba talaga ako titigilan diyan kay Ross?” seryoso kong tanong. “Hindi na kasi ako natutuwa, eh.”

“`Eto namang si MJ, masyadong seryoso,” sabi ni Anton. “Nagtataka lang kasi kami. Noong nakaraan lang inis na inis ka doon sa tao, `tapos magugulat na lang kami na magkakilala na pala kayo. Kahapon umalis kayong dalawa, `tapos kanina pinuntahan ka niya sa room at tinawag na ‘baby.’”

“Oo nga, brad,” pagsang-ayon naman ni Alex. “Ano ba ang nangyayari? May something ba sa inyo? Babalik na ba tayo sa pagiging babae? Kasi kung babalik na tayo, okay lang sa `kin.”

“Okay lang sa `yo para ma-push mo na si Arthur?” pang-aasar naman ni Anton kay Alex. “Nag-date kayo kahapon, `di ba? Sabay kayong umuwi, eh.”

“Hindi kami nag-date.” Namula ang mukha ni Alex. “Sinamahan niya lang akong mag-mall.”

“Gago, Alexandra. `Pangit mong kiligin!” Tawa nang tawa si Anton.

“Walang babalik sa pagiging babae!” seryoso kong sabi kaya napatigil sila. “Anong babalik sa pagiging babae, ha? Nakakalimutan n’yo ba ang nangyari kaya natin tinalikuran ang pagiging babae natin noon? Nalimot n’yo na ba kung gaano kawalang kuwenta ang mga lalaki, ha?”

Natahimik silang dalawa. Siguro naisip nila ang mga sakit na ibinigay sa kanila noon ng mga lalaki kaya sila naging ganoon. Hindi dapat nila nakakalimutan na walang kuwenta ang mga lalaki. Sasaktan lang sila at puro sakit sa ulo ang ibibigay sa kanila.

“Eh, brad. Hindi naman pare-pareho ang mga lalaki. May matitino pa rin,” depensa ni Alex. “Feeling ko iba si Arthur, eh. Feeling ko `di siya tulad ni Nathan noon.”

Si Nathan ang ex-boyfriend ni Alex noong high school pa kami. Iyong minahal niya nang lubos pero niloko lang siya. Nang dahil sa Nathan na iyon, naging sira-ulo si Alex at uminom ng shampoo. Feeling niya siguro lalambot ang bituka niya kapag uminom niyon.

“Anong iba? Pare-pareho lang sila, Alexandra. Feeling mo lang matino siya? Puwes, patingin ka na sa doktor. You’re not feeling well, brad,” sabi ko habang umiiling.

“Sa una lang magaling ang mga lalaki. Sa una lang ipapakita sa `yo na mahal ka at mahalaga ka. Pero kapag nagtagal at nakahanap na ng bagong babae? Itatapon ka na lang niyan na parang lumang gamit na napagsawaan. Hindi pa ba sapat ang sakit na nakuha natin dati? Uulit pa ba tayo? Magtitiwala na naman?” galit kong tanong.

“Hindi naman masama kung magtiwala uli, `di ba? Malay natin, sa susunod hindi na tayo masaktan,” sagot naman ni Anton. “Hindi naman masamang sumubok minsan, `di ba?”

“Iyan ang mahirap sa atin, eh. Ang hilig nating magsabi ng malay-malay na `yan. Ang hilig sumugal sa isang bagay na walang kasiguruhan. No, thanks. Hindi tayo susugal. Dahil base sa mga pinagdaanan natin noon, naging ganito tayo. Okay na `yong ganito tayo. At least, `di na tayo masasaktan.”

Natahimik sina Anton at Alex at hindi na nagsalita pa. Mukhang pinag-iisipan ng mga tomboy na ito na tama ang sinabi ko at walang patutunguhan ang mga sinasabi nilang pagbabalik-loob sa pagiging babae. Hindi ako babalik sa pagiging babae nang ganoon-ganoon na lang. Ilang taon na akong naging ganito. Ilang taon akong nagpakahirap para lang maging astig, pagkatapos sa isang iglap, maiisip na lang nila na bumalik kami sa pagiging babae? Sana sinabi na lang nilang bugbugin ko sila nang masaktan sila? Tutal pareho lang naman ang gusto nilang mangyari. Iyong masaktan nang masaktan dahil lang sa isang walang kuwentang lalaki.

“Pero bakit pala parang naging close kayo ni Ross kung hindi kayo bromance?” tanong ni Alex.

Taeng bromance na salita iyan. `Sakit sa tainga.

“Oo nga, brad. Kung hindi kayo secret on ni Ross, ano pala ang lagay n’yo sa isa’t isa? Fling-fling lang? Friends with benefits? Uso pa pala `yon?” komento naman ni Anton.

“Friends with benefits ka diyan. `Pangit mo na nga, pangit mo pang mag-isip,” sabi ko. “Mahabang kuwento kung bakit kami biglang nagkausap ni Ross. Nakakatamad magkuwento.”

“Eh, di paikliin mo. Problema ba `yon?” sabi ni Anton. “Dali na, `tol. Kuwento na.”

“Once upon a time, may dalawang tomboy na pangit na makulit. Hanggang na-bad trip ang guwapong si MJ at hinampas silang dalawa ng mesa. The end.”

“Ay, waley !” sabi ni Alex.

“`Tapos anong kasunod, `tol? Ano ang nangyari doon sa dalawang tomboy na hinampas ng mesa?”

Tiningnan namin ni Alex si Anton na parang sinasabi na, “may utak ka ba talagang tomboy ka?”

“Oo na. Wala na akong utak. Kasalanan `to ng nanay ko dahil imbes na gatas ang ipainom sa `kin noong baby pa ako, kape, mga brad. Kape,” pagdadrama ng lintik. “`Tapos, alam n’yo ba noong grade one pa ako—”

“Kuwento na dali, MJ! Bago pa ikuwento ni Anton ang buong history ng pamilya nila!”

Hindi ako titigilan ng dalawang tomboy na ito kapag hindi ko ikinuwento ang gusto nilang malaman. Kaya nagkuwento na ako sa kanila. Lahat-lahat sinabi ko. Mula sa pambibintang sa akin ni Ross na ako ang bumasag sa kotse niya. Ang pagbasag ko sa jellybeans niya. Ang pagiging related nina Donna at Ross. Ang pagpunta namin ni Ross sa Tagaytay. Ang pagpapatulong sa akin ni Ross kay Donna. At iyong mga ipinapagawa ko sa kanya para lang pumayag akong ilakad siya kay Donna.

Tawang-tawa ang dalawang tomboy habang nagkukuwento ako.

“ Taena , MJ. Epic fails `yon, ah. Ikaw pala ang sumipa sa jellybeans ni Ross,” tumatawang sabi ni Anton.

“Epic fail lang `yon, Anton. `Bobo mo talaga kahit kailan,” si Alex naman. “Nagpunta pala kayo ni Ross sa Tagaytay. Ikaw pala ang nasa picture niya sa Facebook na ‘ang ganda ng view’?”

“Ay, oo nga, `no. Nakita ko rin `yon. Kaso biglang nawala, eh,” pagtataka ni Anton.

“`Pinabura ko kasi sa kanya. Tangengot din `yon, eh. Magpo-post ng ganoon, eh, si Donna ang gusto niya,” sabi ko.

“So, ano plano mo, `tol? Ilalakad mo ba siya? Nagawa na niya ang una mong task sa kanya,” si Alex.

“Ewan. Naguguluhan nga ako, eh.”

“Naguguluhan ka, kasi gusto mo si Ross at ayaw mo siyang mapunta kay Donna?” gulat na tanong ni Anton.

“Bobo! Naguguluhan ako dahil si Donna ang gusto ko. Alam nating pareho na playboy `yang si Ross at iiyak lang sa kanya si Donna,” yamot kong sagot.

“Pero alam n’yo, mga `tol. May nabasa akong ganyang kuwento.”

Napatingin kami ni Anton kay Alex.

“Iyong imbes na ang lalaki at babaeng gusto niya ang magkakatuluyan, `yong lalaki pa at ang babaeng tulay pa pala ang ending.”

“So, ano’ng gusto mong palabasin?” taas-kilay kong tanong.

“Na baka in the end, kayo pala ni Ross ang magkatuluyan.” Humagikgik si Alex.

“Hoy! Never mangyayari `yan. Itigil n’yo ang pagtulak sa `kin sa jejemon na `yon.”

“Woooh! Baka kainin mo ang lahat ng sinasabi mo, `tol,” kantiyaw ni Anton. “Paano kapag na-in love ka sa kanya? Ano’ng gagawin namin sa `yo?”

“Sige, deal tayo. Kapag na-in love ako sa gunggong na `yon, magde-dress ako sa acquaintance party natin,” paghahamon ko sa kanila. “Pero kapag `di ako na-in love sa kanya, bilhan n’yo ako ng box set ng Game Of Thrones , ha?”

“Tae, ang mahal naman ng kapalit. Pero, sige. Deal kami ni Anton diyan.”

“Sige. Iyon lang pala, eh. Sagot na ni Alex ang Game Of Thrones mo. Alaws pako pera ngayon.”

“Deal `yan, ha. Yari kayo sa `kin kapag `di kayo tumupad.” Ngiting-ngiti ako dahil sa deal namin. Sure win kasi iyon para sa akin dahil alam ko naman sa sarili ko na hindi ako mai-in love sa damuhong iyon. Alam kong ako ang mananalo sa deal namin.

Na-excite ako bigla dahil finally magkakaroon na ako ng GOT box set. Matagal ko nang gustong mabili iyon. Kaso wala lang budget. Mahirap lang akong tomboy, eh.

Palabas na sana kami ng canteen nang biglang sumulpot papasok si Ross kasama ang ilang tropa niya. Pare-pareho silang naka-basketball uniform at mukhang break lang nila sa practice. Ayoko sana siyang pansinin pero humarang siya sa daanan ko. Bigla namang ngumiti nang malapad ang dalawang tomboy na pangit.

“Ano’ng problema mo? Padaanin mo nga ako!” bulyaw ko kay Ross.

“Bakit `di ka sumasagot sa texts ko?” seryosong tanong niya. “`Di ba, ang sabi ko, mag-uusap tayo?”

“Woooh! Ito na ang mag-baby!” pang-aasar ng kaibigan niya.

“Ayoko. Busy ako.” Lalakad sana ako pero humarang na naman si Ross. “Ano ba? Busy nga ako!”

“Mag-uusap tayo mamaya. `Wag mong kalimutan ang usapan natin,” saka niya nilapit ang mukha niya sa tainga ko at bumulong. “Don’t forget about me, baby.”

Ramdam na ramdam ko ang hininga ni Ross na dumikit sa tainga ko kaya biglang nagtaasan ang mga balahibo ko sa katawan. Naramdaman ko na naman na kumislot ang puso ko dahil doon.

“Baby mo mukha mo!” sigaw ko, saka sinuntok si Ross sa tiyan.

Napahawak siya roon. “Masakit `yon, ha. `Lakas mo palang manuntok.”

“Ewan ko sa `yo. Buwisit ka!” sigaw ko, saka naglakad palabas ng canteen habang nakasunod sina Anton sa akin. Ang mga tomboy naman na iyon, nakangiti lang habang naglalakad.

Walanghiya kang Ross ka. Makakaganti rin ako sa iyo. Tingnan mo. Mapapaiyak din kita sa ganti ko.

Gusto niya talaga akong ipahiya. Gusto niyang pagtawanan ako ng mga tao sa paligid niya. Gusto niya ng giyera? Puwes, nagkamali siya ng kinalaban. Hindi ang tomboy na tulad ko ang aatras sa tulad niyang jejemon na playboy.

Habang nagkaklase kami, bigla kong naramdaman na nag-vibrate ang cell phone ko. Pagtingin ko, si Ross ang nag-text. Tupanggalang Ross na iyon. `Lakas talaga maka-beast mode.

Ross: UsAp TaYO maMaya.

Jejemon talaga!

Ako: Hu u?

Ross: Ako ang future mo.

Ross: Haha joke lang brad. Galit ka na naman, e.

Ako: Ulols. Future mo mukha mo.

Ross: De, seryoso. Usap tayo mamaya. Pag-usapan natin next kong gagawin.

Ako: Sige. Hintayin mo ako sa parking lot. Huwag ka aalis doon hanggang di ako dumadating, okay?

Ross: Baka naman di ka dumating.

Ako: Dadating ako. Basta hintayin mo ako.

Ross: Sige. I’ll wait for you. No matter how long it takes :))

Ako: K.

Nakangising itinago ko ang cell phone sa bulsa. ‘ I’ll wait for you no matter how long it takes’ pa ang gusto mo, ah. Sige, maghintay ka hanggang mamuti ang mga mata mo kakahintay sa akin.