CHAPTER TWO
S A UNIVERSITY na pinapasukan ko, hindi ka raw totoong estudyante doon kapag hindi mo kilala si Ross Eliseo Valentin. Halos araw-araw kasi siya ang pinag-uusapan ng mga chix. Dinaig pa ang artista kung pagtsimisan sa school. Kung tratuhin kasi ang Ross na iyon, akala mo regalo ng kalangitan para sa kababaihan. Hindi naman guwapo. Mas guwapo pa nga ako sa totoo lang.
Sino ba si Ross at ano ba siya sa school at bakit siya ganoon kasikat?
Isa lang naman siyang drug dealer. Siya ang nagde-deliver ng drugs at iba pang epektos sa school. Isa rin siyang baby maker. Puwede mo siyang rentahan para tumulong sa paggawa ng bata. Bali-balita kasing tatlo ang jellybeans niya sa ano niya. Kaya malaki ang chance na makabuo kapag siya ang kinuha mo.
Isa rin siyang aborsiyonista. Bali-balitang ilang unwanted baby na ang pinatay niya. Nakakatakot, hindi ba? Snatcher din ng cell phone. Iyong cell phone ko last time, siya ang nag-snatch. Ganoon siya sa school kaya ganoon na lang siya kung pag-usapan. Isa siyang salot sa lipunan at sa mundong ito.
Pero siyempre, joke lang ang lahat ng sinabi ko. How I wish na sana ganoon na lang ang damuho na iyon para matagal na siyang wala sa school. Inaagaw niya kasi sa akin ang mga chix, eh.
Isa si Ross Eliseo Valentin sa heartthrob ng school. Bad boy look kaya playboy ang damuho na iyon. Akala mo kung sinong guwapo por que maraming babae ang humahabol sa kanya. Halos linggo-linggo at iba’t ibang babae sa school ang nababalitaang girlfriend niya.
Hindi ko rin maintindihan ang mga babae na nagkakagusto kay Ross. Halata namang hindi sila seseryosuhin pero sige pa rin ang habol.
Kung ako na lang ang hinahabol nila, hindi ba? Hindi sila aasa at masasaktan. Hindi ako nagpapaiyak ng babae, eh. Hindi kaya ng puso ko iyon, mga tiyong.
Hindi ko rin alam kung bakit sila naguguwapuhan sa kanya. Mukha kaya siyang bubuyog kapag nakasuot ng salamin. Mukha naman siyang alupihang dagat kapag walang salamin. Ang yabang-yabang pa por que may sasakyan. Akala mo siya lang ang may sasakyan sa mundo. Ipa-carnap ko kaya kotse niya, ano?
Siguro kaya hindi naaalis sa school si Ross dahil wala naman siyang ginagawang masama. Sadyang babaero lang talaga. Ace player din kasi siya ng basketball team ng school. Plus the fact na ang daddy niya ay isa sa major sponsor ng school kaya malakas ang kapit niya sa itaas.
Bakit ako galit sa kanya? Simple lang din. May crush kasi ako last year, iyong nanalo sa Ms. Della Rama University. `Ganda niyon. Sexy pa. Crush na crush ko talaga. `Tapos nalaman-laman ko na lang na girlfriend na siya ni Ross. Pero hindi nagtagal. Naghiwalay rin sila agad. Two days lang yata sila.
Two days lang ang forever nilang dalawa!
Ang bilis, ano? Mas nagtagal pa ang unlimited text ng cell phone ko kaysa sa relasyon nila.
Gumawa pa ng eksena si girl. Umiyak sa campus habang sinasabi kung gaano niya kamahal si Ross. Pero ang malupit, itong si Ross, walang pakialam. Dinaanan niya lang si girl habang nakaluhod sa campus. Pero bago siya lumampas ay nagsalita pa. Ang sabi niya, “`Wag mo akong luhuran. Hindi ako Diyos. Mukhang diyos lang sa sobrang kaguwapuhan.” Saka nagtawanan ang buong madla.
Napahiya si girl. Na-boom panes siya ni Ross. Naging laughing stock ng campus. After niyon, nawala na siya sa school. Ang bali-balita, nag-transfer sa ibang school para mag-move on.
Pero hindi talaga iyon ang totoong kinakainisan ko sa damuhong si Ross. Nabuwisit ako sa kanya since last year. Dahil nang minsang makasalubong ko siya sa hallway ng school—dahil mahaba ang palda ng uniform ko—tinawag ba naman akong madre?
Ako, madre? Sa guwapo kong ito, madre ang tingin niya sa akin? Dyino-joke time ba ako ng tupanggala na iyon, ha?! Sumagad ang galit ko sa kanya dahil doon. Okay lang sana kung padre, eh. Pero madre? Mukha ba akong babae sa paningin niya? Mas lalaki pa nga ako gumalaw sa kanya. Bubugbugin ko na talaga siya tingnan ninyo lang. Matangkad lang siya at maganda ang katawan pero hindi niya ako mapapatumba. Hindi ko siya aatrasan sa suntukan!
Ang kapal talaga ng pagmumukha ni Ross. Tuwing naaalala ko iyon, kumukulo ang dugo ko. Ilang beses na nga akong nagtangkang basagin ang windshield ng sasakyan niya para lang makaganti. Pero hindi ko magawa-gawa. Baka mahuli ako. And worse, baka matanggal pa si Kuya John sa trabaho niya sa school. Malakas pa naman ang kapit ng damuho na iyon.
Wala na akong ibang choice para lang makaganti. Ipinagdadasal ko na lang ang kaluluwa ni Ross sa Itaas na sana, maaga siyang kunin. May makilala lang talaga akong marunong mambarang, ipapabarang ko siya. Ipapatanggal ko ang ano niya para hindi na siya makapag-happy-happy.
Kaya para makaiwas kay Ross, kapag makakasalubong ko siya, agad na akong liliko. Hindi ako nag-i-stay sa iisang lugar kung nasaan siya. Nasisira lang kasi ang araw ko kapag nakikita ko ang pagmumukha niya. Mukha kasing dagang costa.
Bad trip. Bakit siya ang iniisip ko ngayong araw? Si Kuya John kasi, eh. Bakit ba niya naisip na fangirl ako ng lalaking iyon? Hindi ako bakla. Babae ang gusto ko. At si Donna lang iyon.
Kakatapos lang ng dalawang subjects namin ngayon kaya wala na kaming ginagawa. Habang nakatulala sa kawalan at hinihintay ang reply ni Donna sa text ko, dumating naman sina Anton at Alex na tropa ko. Mga tomboy rin sila. Pero hindi gaya kong long hair pa rin, sila naman short hair na. Pareho silang naka- shete ang buhok. Mukha tuloy silang kambal na mga mukhang unggoy. Ako lang ang guwapo sa aming tatlo.
“`Oy, Mary Jovelyn, sama ka sa `min mamayang gabi?” tanong ni Anton.
“Saan naman, Antonina?” pagbanggit ko sa totoo niyang pangalan kaya siya napasimangot.
“Taeng `yan. `Pangit talaga ng pangalan ni Anton. Babaeng-babae, eh,” komento naman ni Alex.
“Wow! Hiyang-hiya naman ako sa pangalan mo, Maria Alexandra Jade Joaquin,” inis na sabi ni Anton.
“O, bakit? Maganda naman ang pangalan ko, ah. Hindi tulad sa `yo, Maria Antonina Tatlong Reyna.” Napahagikgik si Alex. “Bad trip na apelyido `yan. Tatlong Reyna. Ba’t `di na lang ginawang Apat na Reyna para, eh, di wow, boom panes?”
“`Oy, mga tomboy! `Wag nga kayong maiingay!” sigaw ng kaklase ko mula sa likuran.
“`Lul. Arthur, manahimik ka. Mukha kang palaka!” sagot naman ni Alex kaya nagtawanan kaming tatlo.
“Teka, saan nga tayo pupunta mamayang gabi?” balik ko sa topic namin.
“Sa bayan, `tol. Sa Liwaliw Bar, bagong bukas lang na bar. Bali-balita na maraming chix doon na magaganda. Tara, tingnan natin,” pag-aaya ni Anton. “Mambabae tayo.”
“Hala! Mambababae raw ang mga tomboy. Seryoso kayo diyan? Eh, mas malaki pa mga boobs n’yo kaysa sa mga babae doon sa bar,” sabad uli ni Arthur. “Alex, `wag ka nang maging tomboy. `Balik-babae ka na lang kasi, `tapos liligawan kita.” Tumaas-taas pa ang mga kilay niya habang titig na titig kay Alex.
Biglang nagtawanan ang mga kaklase namin dahil sa sinabi ni Arthur. Palagi niya kasing inaasar si Alex na liligawan daw kapag bumalik na sa pagiging babae. Si Alex naman, sukang-suka. Siyempre, hindi niya kinakaya iyon. Mas marami pa nga siyang naging girlfriend kay Arthur, pagkatapos magiging sila lang in the end? Nakakasuka, hindi ba?
“Manahimik ka diyan, Arthur. Bubugbugin kita diyan makikita mo!” inis na sabi ni Alex.
“Talaga ba? Sige nga, bugbugin mo ako with love!” pang-aasar uli ni Arthur. “Come to papa, Alex. Come to me and make love us!”
“Buwisit ka talaga! Nakakalalaki ka na, ah!” pikon na sabi ni Alex. At hayun, pinuntahan na niya si Arthur at binugbog. Tanging tawa at pag-“aww” lang ni Arthur ang naririnig ko. Si Alex naman, buwisit na buwisit na.
Pareho na lang kaming napairap ni Anton sa eksena ng dalawa. Para silang may lovers quarrel.
Nakakadiring isipin na ang isa sa mga tropa ko, magiging babae uli. Hindi ko matatanggap iyon.
“So ano, MJ? `Punta ba tayo?”
“Hindi ko alam, p’re. Wala akong pera, eh. Nagtitipid ako. Malapit na ang birthday ni Donna. Bibilhan ko siya ng regalo,” sabi ko habang nakangiti. “Sa birthday niya rin kasi ako aamin na gusto ko siya at kung puwede ba siyang ligawan. Sana lang puwede.”
“Paano kung hindi?”
“Eh, di hindi. Basta balik-best friend kami. Pero tingin ko, may pag-asa, eh. Minsan nga, sinabi niya sa `kin na kung naging lalaki raw ako, ang sarap ko raw maging boyfriend.”
“Kung naging lalaki. Kaso tomboy ka, `tapos mas malaki pa ang boobs mo sa kanya. Ang awkward, p’re.”
“Nahiya naman ako sa boobs mo, Anton. Triple ng boobs ko `yang boobs mo, eh. Naalala mo ba si Jennifer? `Yong nakilala mo sa Facebook? Okay na sana `yon, `di ba? Tanggap ka niyang tomboy ka. Pero napurnada lang.”
Napasimangot bigla si Anton. “Heh! Manahimik ka!” busangot na sagot niya, saka nag-walk out.
Natawa na lang ako sa naging reaction ni Anton. Hindi pa rin pala niya iyon makalimutan.
Tawang-tawa talaga ako nang malaman ko ang nangyari sa eyeball nila. Bigla raw nag-walk out iyong Jennifer nang makitang mas malaki pa ang boobs ni Anton kaysa rito. Ang awkward naman kasi talaga niyon, hindi ba? Ikaw ang tatayong boyfriend at lalaki sa isang relasyon, pagkatapos mas malaki pa boobs mo sa girlfriend mo.
Pero sana, if ever na umamin ako kay Donna, hindi siya mag-walk out. Tutal naman, magkasinlaki lang ang boobs namin kaya hindi siya maiinggit. Iyon nga lang, mas sexy ang katawan ko sa kanya.
Speaking of Donna. May reply na pala siya. Ang sabi niya, pumunta raw ako sa bahay nila mamaya after school. May ipapakilala raw siya sa akin.
Sino na naman kaya iyon?
Nag-reply ako, saka itinago sa bulsa ang cell phone nang dumating ang next professor namin. Theology ang next subject namin. Bago magsimula ang klase, nag-speech na naman si Sir. Na lalaki at babae lang daw ang ginawa ng Diyos. So sino ang gumawa sa aming mga lesbian? Bahala na kami mag-isip, ganoon?
At ang kalangitan daw ay para lang sa lalaki at babae. Ayos. Doon na lang kaming mga tomboy kasama ang friends naming mga beki sa rainbow at mag-slide-slide. Mas masaya kaya roon.
Sinusunog daw sa impiyerno ang mga taong nagkakagusto sa kapareho ng kasarian. Eh, ano naman ang ginagawa sa mga taong mapanghusga sa kapwa nila? Buhay pa sila pero sinusunog na rin ang mga kaluluwa nila.
Whatever.
Hangga’t wala akong ginagawang masama, inaapi, at tinatapakang tao, masaya ako sa kung ano ako. Hindi ko kailangan ng approval ng ibang tao sa kung ano ako. Hindi naman nila ako pinapakain.
Habang nag-i-speech si Sir, sabay-sabay kaming nagkatinginan nina Alex at Anton. Sabay-sabay din kaming napaikot ng mga mata dahil kasi alam naming kami ang pinapatamaan.
Maaga ang dismissal dahil wala ang last subject namin kaya lumabas na kami ng classroom. Habang naglalakad, narinig naming tatlo ang usapan ng mga chix na nakasalubong namin. As usual, si Ross na naman ang topic nila.
“Sikat na sikat talaga si Ross, `no? Nakakainggit naman kasi ang kaguwapuhan n’on,” komento ni Anton.
Nandidiring tumingin ako sa kanya. “Yak! Totoo ka ba, Anton? Totoo bang naguguwapuhan ka sa kanya? Bading ka ba?” Nagsuka-sukahan pa ako sa harap niya.
“Bading ka diyan! Tomboy ako, baliw ka! Oo naman naguguwapuhan ako kay Ross. Pero hindi masyado, kaunti lang. Kinikilig din minsan.”
This time, kaming dalawa na ni Alex ang tumingin nang seryoso kay Anton.
“Ay, joke. `Di ako kinikilig,” sabi niya. “Joke lang `yon mga, p’re. Walang bakla sa `tin. Tomboy lang tayong tatlo. Walang bakla. Bawal `yon sa grupo.”
“Pero alam n’yo, mga pare, kung naging babae siguro ako isa rin ako sa humahabol kay Ross. Kita n’yo naman kasi, ang guwapo-guwapo. Nakakabading talaga. Minsan nga naiisip ko, ano kaya ang feeling na maging boyfriend ang isang Ross Eliseo Valentin?” komento naman ni Alex.
Gulat na tiningnan namin siya ni Anton. Totoo ba itong mga tomboy kong tropa? Talaga bang sa lahat ng lalaki, kay Ross pa sila nababading? Bakit doon pa?
“Alam n’yo, nakakadiri kayong mga tomboy,” sabi ko. “Nakakadiri. Of all people, sa kanya pa talaga? Kay Ross pa talaga kayo kinikilig? Mga bading!”
“Grabe ka namang magsalita, Mary Jovelyn,” sabi ni Alex.
“Real talk lang, dre.”
“Eh, ikaw? If ever na maging bading ka, though imposible `yon since tomboy na tayo. Kunwari lang na magbabalik-loob tayo sa pagiging girly, sino ang gusto mo?”
“Uhm…” Napaisip ako dahil wala talaga akong lalaking nagugustuhan. “Si Daniel Padilla, mga ganoong level. Siguro siya lang ang makakapagpabalik sa `kin bilang babae.”
“Forever ka nang tomboy, MJ,” sabi ni Alex.
“Daniel Padilla pa raw ang gusto. Ibang mag-ilusyon `tong si MJ. `Di ko kinakaya,” dagdag ni Anton.
“Mga impakto kayong dalawa! Mga tomboy na `to! Kayo nga kay Ross, eh. Yak lang!”
“`Sus. Mamaya, ikaw pa pala ang makatuluyan n’on, eh,” natatawang sabi ni Alex.
“Oo nga! Baka kayo pa pala ang destiny,” sabi naman ni Anton. “Tiyak, enjoy si Ross diyan sa boobs mo. `Laki-laki niyan, eh.”
Nag-apir pa ang dalawa.
“Kung sa boobs ko siya mag-e-enjoy siya, eh, ano pa pala sa boobs mo, Anton? Eh, di naubos na ni Ross ang laman niyan? Tomboy na `to, kapangit.” Todo-suka ako sa sinabi nila. Ako? Makakatuluyan ni Ross? Ang dirty, uy!
Naghiwa-hiwalay na kami nang mapunta kami sa hallway. Dumaan pa kasi ako sa faculty para magpaalam kay Kuya John na mauuna na akong uuwi. Nagbilin lang siya na pagsaingin si Kuya Joseph at lutuin ang baboy na nasa fridge. Pagkatapos niya akong kausapin, umalis na ako.
Kapag palabas ng campus, mapapadaan ka sa parking lot ng school. Wala pang masyadong tao sa paligid dahil hindi pa naman talaga uwian.
Nang mapadaan ako sa parking lot, napahinto ako nang may makitang dalawang lalaki na nakatayo sa harap ng dilaw na kotseng halatang mamahalin.
May hawak silang baseball bat habang nakatingin sa kotseng basag ang windshield. Mukhang sila ang bumasag niyon.
“Hoy! Mga impakto kayo! Ba’t n’yo binasag `yan?” sigaw ko sa dalawang tarantado.
Napatingin sila sa akin at biglang naalarma. Napatakbo silang dalawa palayo. Nabitawan pa ng isa ang baseball bat na dala niya sa sobrang bilis tumakbo.
“Hoy! Bumalik kayo rito, mga ulupong!” sigaw ko, saka tumingin sa paligid. “Tulong! Nagahasa ako—este, binasag nila `yong sasakyan na `to!” Agad-agad kong nilapitan ang baseball bat at dinampot iyon. Mga buwisit na iyon. Bakit kaya nila binasag ang salamin ng sasakyan? Ang gara pa naman nito. Halatang mamahalin. Kanino kaya ito? Kawawa naman ang may-ari. Mukhang mapapaiyak siya kapag nakita niya ang mamahalin niyang kotse.
Habang nakatitig ako sa sasakyan, biglang may nagsalita mula sa likuran ko.
“Shit. Ano’ng ginawa mo sa sasakyan ko?”
Nanlamig ang buong katawan ko sa boses na narinig ko. Kabado akong napaharap, slow motion pa dahil sa sobrang kaba. Nang mapaharap ako at makita ang mukha ng may-ari ng sasakyan, dumoble ang kabang nararamdaman ko. Potek na iyan. Of all people, bakit siya pa? Bakit itong damuho pa ang may may-ari ng sasakyan?
“Hoy! Tinatanong kita! Ano’ng ginawa mo sasakyan ko? Bakit mo binasag?!” galit niyang tanong.
Sa sobrang tangkad niya, halos manliit na ako. Pawisan si Ross. Tanging puting basketball shorts lang ang suot niya at black na Jordan shoes na pang-basketball din. Hindi niya pansin ang pawisan niyang katawan. Tutok na tutok ang mga mata niyang nanlilisik sa akin. “Tinatanong kita!” sigaw niya uli.
“Ay, abs na mahabagin!” gulat kong sabi. “Ano ba? Ba’t ka ba nanggugulat? Hindi ko alam. Hindi ako ang bumasag diyan. `Wag kang mambintang!” iritado kong sabi.
“Hindi ikaw? Ginagawa mo ba akong tanga? Eh, ba’t ikaw ang may hawak ng baseball bat?” tanong niya, saka hinila sa kamay ko ang baseball bat.
“Aba, malay. Nakita ko lang `yan, `no. `Wag mo akong pagbintangan, lalo na kung `di mo naman nakita ang nangyari. Sabi ni Bro, bawal mambintang, uy!” sagot ko kahit kinakabahan na. “Diyan ka na. Aalis na ako. Good-bye. Adios. Sayonara. ”
Maglalakad na sana ako pero bigla akong hinawakan ni Ross nang mahigpit sa braso. Sa sobrang higpit, pakiramdam ko, mababali na ang buto ko sa kamay.
“Aray ko! It hurts you know!” reklamo ko.
“Saan ka pupunta? `Tingin mo, makakatakas ka sa `kin, ha? Pagbabayaran mo ang ginawa mo sa sasakyan ko!” inis niyang sabi. Mukhang pinipigilan na lang niya ang sarili na huwag akong saktan.
“`Kulit ng lahi mo. Hindi nga ako ang bumasag diyan!”
“Alam mo ba kung gaano kamahal `yang kotse ko? Latest model `yan! Ilang milyon ang halaga niyan! Kaya mo ba `yang bayaran, ha?” sigaw niya sa mukha ko. “Makakarating sa school admin ang ginawa mo. I will make sure na ipapagawa mo `tong sasakyan ko! Sumama ka sa `kin!”
Todo-hila siya sa akin habang nakaramdam ako ng panlulumo. Hindi na ako makapag-isip nang tama. Biglang bumalik sa isip ko si Kuya John. Kung gaano niya pinagbubutihan ang pagtatrabaho sa school. Kung gaano siya nagpapakahirap para lang kumita ng pera at mapag-aral ako.
Tiyak, kahit sabihin kong hindi ako ang bumasag ng sasakyan ni Ross, siya pa rin ang kakampihan at paniniwalaan. Mayaman kasi sila at mahirap lang kami. Tiyak din, kapag hindi namin napagawa ang sasakyan, matatanggal sa school si Kuya John. Malakas ang kapit ni Ross, hindi ba?
Naiiyak na ako sa mga posibleng mangyari. Kaya bago pa kami makalayo, hinarap ko siya, saka sinipa sa precious thing niya. Sa sobrang lakas ng sipa ko, pakiramdam ko, nabasag ang dalawa niyang jellybean .
“Aww! Shit,” pag-inda ni Ross sa sakit habang nakahawak sa kanyang ano. Napayuko pa siya, halatang nasaktan talaga nang sobra-sobra.
“Sorry, `tol. Walang personalan. Trabaho lang,” huli kong sinabi, saka tumakbo nang pagkabilis-bilis palayo at palabas ng school.
Wish ko lang na hindi ako namukhaan ni Ross. Sana hindi niya natitigan ang guwapo kong mukha. Kundi, tiyak na mababawasan ang mga poging tomboy sa Pilipinas.