CHAPTER SIXTEEN
S IGURO nga napasobra talaga ang sinabi ko kay Donna kanina. Nahusgahan ko siya na hindi man lang pinapakinggan ang explanations niya. Siguro nga masyado rin akong naging pakialamera. Hindi na dapat ako umepal at pumapel sa nangyayari sa kanila ni Ross.
Pero kahit na inaway at napaiyak ko si Donna sa unang pagkakataon kanina, wala akong nararamdamang kahit anong pagsisisi. Lintik na iyan. Hindi ko inaakalang ganoon siyang klaseng tao. Hindi ko inaasahan na ganoon siyang klaseng babae.
Ibang-iba kasi ang Donna na inakala kong nagustuhan ko nang ilang taon. Ibang-iba siya sa Donna na nakilala at itinuring kong best friend sa Donna na nagpaasa at nagpamukhang tanga kay Ross.
Kay Ross na walang ibang bukambibig kundi siya at kung ano ang gagawin nito para magustuhan niya. Kay Ross na tuwing nababanggit ang pangalan niya ay bigla-biglang kumikislap ang mga mata.
Kay Ross na parang naging bata sa sobrang saya nang ayain siyang mag-date ng babaeng gusto niya. Kay Ross na sinabi sa akin kung gaano siya ka-in love kay Donna mula noong bata pa sila.
Kay Ross na kauna-unahang lalaking nagpatunay sa akin na hindi ko pa rin pala talaga natatalikuran ang pagiging babae.
Si Ross na kahit palagi akong bina-bad trip at binubuwisit, hindi ko pa rin talaga matanggihan. Si Ross na kahit ano ang gawin kong pagpigil sa nararamdaman ko sa kanya, hindi ko magawa. Dahil siya si Ross. Si Ross na kayang pakislutin ang puso ko nang dahil lang sa ngiti niya. Si Ross na kaya palaging patigilin ang pag-ikot ng mundo ko tuwing tumatawa siya. Si Ross na kayang basagin nang walang kamalay-malay ang pader na nagpoprotekta sa puso ko.
Siya na talaga si Ross Eliseo Valentino, ang lalaking wala namang espesyal na ginagawa sa akin pero kayang-kayang abutin ang puso ko nang walang kahirap-hirap.
Naba-bad trip talaga ako sa jejemon na damuho na iyon. Naiinis ako dahil sa ginagawa niya sa puso ko.
Pero kahit ganoon, gustong-gusto ko pa rin si Ross. Gustong-gusto ko siya to the point na naiisip ko ngayon na sana ako na lang ang nagustuhan niya. Kasi kung ako si Donna, hindi ko siya papaasahin. Hindi siya masasaktan sa akin.
Pero mas naiinis ako sa sarili ko. Ang korni-korni kasi ng mga pinag-iisip ko ngayon. Ang korni talaga ng mga naiisip ng mga babaeng in love na. Iyon ang ayoko sa pagiging babae, eh. Nagiging mababaw mag-isip. Nagiging emosyonal. Higit sa lahat, nagiging mahina pagdating sa lalaking nagugustuhan nila.
Gabi na ngayon at nakahiga ako sa kama habang malalim na nag-iisip. Nasa kalagitnaan ako ng pag-iisip nang biglang mag-vibrate ang cell phone ko. Pagbasa ko pa lang ng pangalan ng nag-text, tumalon na ang puso ko. Siya lang talaga ang nakakagawa niyon. Tanging siya lang.
Ross: Tombs, gising ka pa? Bakit ka nag-walk out kanina?
Walanghiyang jejebuster na Ross. Wala namang special sa kung ano sa pagtawag niya ng “tombs” sa akin pero bakit lumulundag na sa sobrang saya ang puso ko? Siguro nga, ganoon talaga kapag gusto mo ang isang tao. Lahat ng sinasabi o ginagawa niya, perpekto at kinatutuwaan ng puso mo.
Ross: Tulog ka na ba? Di mo ko nirereplyan, e. Hay.
Napapikit ako habang hawak-hawak ko ang cell phone ko.
Hindi maganda ito. Hindi talaga magandang hinahayaan ko ang puso ko sa pagtibok nang ganoon dahil lang kay Ross. Alam kong masasaktan lang ako kapag hinayaan ko ang sarili ko. Alam ko ring walang kuwenta ang feelings ko para sa kanya na nagsisimula na talagang sakupin ang Asia—este, ang buong pagkatao ko. Lalo pa at alam kong hindi ako ang gusto niya.
Akala ko sumuko na si Ross sa pagte-text pero hindi pa rin pala. Pagkatapos ng sampung minuto nang hindi ko pa rin pagre-reply sa kanya, biglang nag-ring ang cell phone ko.
Jejebuster calling…
“Ay, lintik!” Napamura ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Bigla kasi akong kinabahan. Pero teka, bakit naman ako kinakabahan? Hindi ko rin alam! Basta kinakabahan ako.
Tumatawag pa rin si Ross at hindi ko talaga alam kung sasagutin ko ba o hindi. Wala tuloy akong ibang nagawa kundi tanungin ang puso at utak ko. Ang mga ito ang pinagdedesisyon ko kung sasagutin ko ba o hindi. Ang sabi ng utak ko, huwag na. Iwasan ko na raw si Ross para hindi na lumalim ang nararamdaman ko sa kanya. Masasaktan lang naman daw ako in the end. Ang sabi naman ng puso ko, sagutin ko na. Hayaan ko na lang daw ang sarili ko na i-enjoy ang feelings ko. Ang buhay naman daw, punong-puno ng masasakit na sitwasyon. Kaya might as well, i-enjoy na lang.
At iyon ang ginawa ko. Sinunod ko ang sinasabi ng puso ko kahit iyon ang pinakatangang organ sa katawan ng isang tao. Hindi kasi marunong mag-isip kaya palaging nasasaktan.
“Hello?”
“Tombs!”
Tuwang-tuwa si Ross nang marinig ang boses ko. Napangiti ako. Napangiti rin ako dahil narinig ko na naman ang boses niya. Lintik na iyan.
Puso, kumalma ka. Si Ross lang iyan. Si Ross na jejemon. Si Ross na nagugustuhan mo.
“`Wag kang sumigaw!”
“Sorry. Sorry. Akala ko kasi hindi mo sasagutin ang tawag ko. Akala ko tulog ka na.”
“Ang hilig mong mag-akala. Kaya ang dali mong masaktan, eh,” biro ko.
Natahimik siya. “Iyon nga, eh. Kaya siguro ang dali kong masaktan,” mahina niyang sabi.
Kumirot ang puso ko dahil sa sinabi niya. “So, bakit ka tumawag?”
“Ayaw mo ba?”
Gusto ko. Gustong-gusto kong marinig ang boses mo. “Ayoko, eh.” Tumawa ako. “`Pangit kasi ng boses mo.”
“Loko. `Di kasi ako makatulog.”
“Kung marinig mo boses ko, makakatulog ka na ba?”
“Siguro. Ang ganda kaya sa tainga ng boses mo. `Lakas magpakalma.”
Tumalon naman ang puso ko sa sinabi niya. “Bolero ka! `Wag mong sabihing nababading ka na sa `kin kasi kadiri `yon. `Di ba, ikaw na ang nagsabing bawal ma-fall? Brotherhood tayo, `di ba?”
Gusto ko lang i-test si Ross kung ganoon pa rin ba ang nasa isip niya. Gusto kong malaman kung may chance. Gusto kong malaman kung posible bang mapansin niya ako kahit papaano. Pero sana pala hindi ko na lang itinanong. Nasaktan kasi ako sa isinagot niya.
“Brotherhood tayo kaya bawal `yon. Saka, tombs, gustong-gusto ko talaga si Donna, eh. Hanggang ngayon, paulit-ulit pa rin sa utak ko ang sinabi niya. Ang sakit, `lang’ya.”
Ang sakit, `lang’ya.
“Kung gusto mo talaga siya. Bakit `di mo ipinagpilitan ang sarili mo?”
“Hindi ko `yon puwedeng gawin, tombs.”
“Bakit naman?”
“Dahil kung masakit ma-reject, mas masakit naman ang maging kayo dahil lang naaawa siya sa `yo.”
“No’ng sinabi niyang nire-reject ka niya, hindi mo man lang tinanong kung bakit?”
“Siyempre tinanong.”
“At na-satisfy ka naman sa isinagot niya? `Di mo man lang ipaglalaban?”
“Tombs, hindi naman sa lahat ng oras kailangan mong ipaglaban ang taong mahal mo. Minsan, kahit mahirap, kahit masakit sa part mo, kailangan mo silang i-let go. Hindi dahil `yon ang gusto mo. Kundi dahil `yon ang kailangan nila.”
“Tae. Hugot.” Natawa ako. “Pero, seryoso ka? Wala kang gagawin para makuha mo siya? Malay mo naman pa-hard to get lang `yon.” Sige lang, MJ. I-push mo pa siya kay Donna.
Natawa si Ross. “Siyempre wala, Tombs.”
“`Hina mo pala, eh. Weak kang jejemon.”
“Hindi, baliw. Wala akong kailangang gawin kasi kapag mahal mo ang isang tao, lahat ng rason, lahat ng desisyon, at lahat ng ginagawa niya, susuportahan mo. Hindi dahil wala kang sariling pananaw o desisyon o ayaw mo siyang ipaglaban. Kundi dahil sadyang mahal mo lang talaga siya.”
“Hindi ko talaga ma-gets `yang mga ganyan. Kaya ayoko magmahal, eh.” Lies. `Galing mong magsinungaling, MJ! The best ka!
Natawa na naman siya. “Subukan mo kasing ma-in love. Para maranasan mo kung gaano kasarap sa feeling na may minamahal ka.”
“`Di na. Ayokong masaktan, `no.”
“Love is a part of heartbreak. Kung walang heartbreak, walang love.”
“`Nyeta ka. Kanina ka pa humuhugot, ha.”
“Ganoon `ata talaga kapag nasaktan.”
Halatang nasasaktan pa rin si Ross pero nagagawa pa rin niyang tumawa.
Natahimik siya.
“`Oy! Gising pa?” tanong ko.
“Oo. May iniisip lang ako.”
“`Nak ng— Marunong ka palang mag-isip? Ano naman ang iniisip mo?”
“Para talaga tayong puto at dinuguan. Kape at tinapay.”
“Ha? Ano’ng pinagsasabi mo? Gutom ka ba, jejemon?”
“Para din tayong toyo at suka. Champorado at tuyo. Chicharon at suka.”
“Hoy! `Di kita maintindihan.”
“`Di mo ma-gets, tombs? Sinasabi ko lang na perfect tayo para sa isa’t isa. Compatible gano’n. Iniisip ko lang kung paano kaya kung ikaw si Donna at nagustuhan kita? Ire-reject mo rin kaya ako? `Tingin ko kasi mas magkakasundo tayo, eh. Mas may sparks. Mas may dating.”
Halos sumabog na ang puso ko. Hindi ko mapakalma ang sarili ko. Halos hindi ako makahinga sa tanong ni Ross. Gusto kong sabihin na, oo, hindi siya masasaktan dahil hindi ko siya ire-reject. Gusto ko ring aminin na tama siya dahil mas compatible kami. Pero iyong mga gusto kong sabihin, bigla na lang naglahong parang bula. Ang tangi ko na lang narinig ay ang paulit-ulit na pagkabasag ng puso ko.
“Pero ayoko ring maging tayo kung sakaling pusong babae ka. Okay na ako sa kung ano tayo.”
Nanuyo ang lalamunan ko sa sinabi ni Ross. Pakiramdam ko, may kung anong bumara sa lalamunan ko. Gusto kong umiyak. Gusto kong murahin ang tarantadong ito.
Pinigilan ko ang sarili ko na huwag pumiyok. Ang hirap palang pigilan ang sarili, lalo na at gustong-gusto mong umiyak.
“Ta—tama ka diyan.” Peke ang tawa ko. “Saka lalaki ako. Kadiri ang mga iniisip mo.”
“Sabi ko nga. Lalaki tayo. Bro nga tayo, `di ba?”
Hindi ako sumagot. Nararamdaman ko na kasi na naluluha na ako.
Narinig kong humikab si Ross. “Sige pala, tombs. `Tulog na tayo. Salamat sa oras. Kahit papaano, gumaan pakiramdam ko. Sana forever tayong ganito. Ang sarap mo kasing maging kaibigan.”
Tanging pagkirot ng puso ko na lang ang naramdaman ko nang mga sandaling iyon. “Tama ka diyan.” Garalgal na ang boses ko. “Magkaibigan tayo.”
“Goodnight, tombs.”
“`Night.”
Pagka- End ni Ross ng call, saka tumulo nang tumulo ang mga luha ko. Naging mistulang waterfalls ang mga mata ko. Napahawak din ako sa dibdib ko dahil sobrang sakit ng pagkirot doon. Pumikit ako nang maalala ang huli niyang sinabi.
“Ang sarap mo kasing maging kaibigan.” Iyon lang ang paulit-ulit kong naririnig sa isip ko. Paulit-ulit din na nawasak ang puso ko nang gabing iyon.
Natulog ako na basang-basa ang unan ko hindi dahil sa laway na tumutulo. Kundi dahil sa mga luhang patuloy na bumabagsak sa mga mata ko dahil sa sinabi ni Ross.
Kinabukasan, nagising ako na namamaga ang mga mata. Kaya bad trip na bad trip tuloy ako umagang-umaga pa lang. Para akong namatayan. Iyon ang napala ko kakaiyak sa gunggong na Ross na iyon.
“Bunso, ano’ng nangyari sa mga mata mo? Magang-maga, ah. Para kang umiyak nang umiyak. Namatayan ka, `no?” pang-aasar ni Kuya Joseph habang kumakain kami ng almusal.
“Hindi ako umiyak. Ano naman ang iiyakan ko? Kuya John, paabot naman ng tinapay.”
Inabot sa akin ni Kuya John ang tinapay. “Lagyan mo ng yelo `yang mata mo bago tayo pumasok.”
“Eh, bakit naging ganyan? Heartbroken ka, `no? Sino ang lalaking iniyakan mo nang mabugbog ko?”
“Kuya Joseph, ang ingay mo. Kumain ka na nga lang,” asar kong sabi.
“Parang nagtatanong lang, eh. Concern lang ako sa `yo, bunso. Ayokong may nagpapaiyak sa `yong lalaki.”
“Tomboy nga ako. Hindi ako nagkakagusto sa lalaki. Ano ba `tong si Kuya Joseph. Kuya John, o!”
“Joseph, tumigil ka na.” Tumayo si Kuya John. “Bugbugin na lang natin `yong lalaking nagpaiyak kay bunso kapag nakilala natin siya.”
“Sige! Game ako diyan. Wawasakin ko ang mukha n’on.” Nagpatunog pa ng mga daliri si Kuya Joseph.
“Ewan ko sa inyong dalawa. Pareho kayong may sayad,” napipikon kong sabi.
Pagkatapos kong mag-almusal, nilagyan ko ng yelo ang mga mata ko para mabawasan ang pamamaga. Pagkatapos, nagbihis ako ng uniform. Habang nagbibihis, nakita ko ang dalawang jacket ni Ross. Ang isa na nalabhan na pero iyong puting varsity jacket hindi pa. Kinuha ko iyon at inamoy.
Naamoy ko na naman ang pabango ni Ross. Pero kung dati, tuwang-tuwa ang ilong ko sa mabango niyang amoy, ngayon, hindi na. Kumirot na naman kasi ang puso ko nang dahil sa amoy na iyon. Naalala na naman kasi ng puso ko ang mga sinabi niya kagabi.
“Ibabalik kita sa kanya next time,” pagkausap ko sa jacket. “Hindi pa lang ngayon. Hindi ko pa siya kayang harapin.”
Lumabas na ako ng kuwarto pagkatapos kong magbihis. Habang naglalakad kami ni Kuya John papunta sa sakayan ng jeep, may text akong natanggap galing kay Ross. Binura ko iyon agad na hindi man lang binabasa ang laman. Ayoko kasing malaman kung ano ang sinabi niya. Baka hindi ko matiis ang sarili ko at reply-an siya.
Tahimik lang ako habang nasa jeep na kami. Nang nasa school na, may sinabi lang si Kuya John, pagkatapos naghiwalay na rin kami ng daan. Nakita kong wala pa ang kotse ni Ross. Bigla tuloy akong nakahinga nang maluwang. Pero papaliko na sana ako nang marinig kong may tumatawag sa pangalan ko. Napahinto ako sa paglalakad. Ang bilis na naman ng tibok ng puso ko.
Siya lang talaga ang taong nakakagawa niyon sa puso ko. Siyang-siya lang talaga. Pero imbes na lumingon ako sa kanya, nagpatuloy lang ako sa paglalakad. Nagkunwari akong hindi ko narinig ang pagtawag niya. Nagkunwari akong hindi ko narinig ang boses niya. Nagkunwari akong hindi ko siya nakita.
Okay na iyon. Okay na ako sa ganoon. Itatrato ko na lang na kunwari lang ang lahat. Para kunwari, hindi rin ako nasasaktan.