noveltoon logo noveltoon
Lesbi In Love

Chapter 20

Ch. 20 / 32 Apr 09, 2022

CHAPTER TWENTY

M ADALAS kong tawanan ang mga palabas na napapanood ko na humihinto raw ang pag-ikot ng mundo kapag nakaranas na ang isang tao ng first kiss. Iyong tipong parang kayong dalawa na lang daw ang tao sa buong mundo dahil sa halik na iyon. Iyong parang may kuryente na dumadaloy sa buong katawan mo galing sa mga labi niya. Iyong may parang magic na pumaloob sa katawan mo na ang sarap sa pakiramdam. May sparks pa nga sa paligid.

`Kakornihan talaga ng mga tao. Kung ano-ano na lang ang naiisip. Natatawa talaga ako sa kakornihan nila. Ang OA lang kasi. Talagang may ganoong effect? May pagtigil ng pag-ikot ng mundo at mawawala ang ibang tao dahil lang sa isang halik? May magic at sparks pa talagang nalalaman.

Nasusuka ako… noon.

Hindi ko kasi trip ang mga ganoong bagay. Tomboy kasi ako. Walang sweet bones sa katawan. Hindi ko iniisip ang mga ganoon na mangyayari sa akin. Hindi ko pinangarap. Dahil nga kapag nangarap ka at hindi natupad, masasaktan ka. Iyon ang ayoko, hindi ba? Iyong masaktan. Pero magbabago talaga ang pananaw mo sa buhay kapag naranasan mo na mismo ang mga bagay na ayaw mong maranasan. Kapag sa iyo na mismo nangyari iyon, mapapasabi ka na lang na…

Ah, tama nga sila. Ganito nga talaga ang feeling. Ang sarap sa pakiramdam. Sana… sana maranasan ko ito panghabambuhay.

Nang maramdaman ko ang mga labi ni Ross kanina, para nga talagang huminto ang pag-ikot ng mundo. Pakiramdam ko, kaming dalawa lang ang tao sa buong mundo. Parang kaming dalawa lang ang may buhay, humihinga, at tanging gumagalaw. Naramdaman ko rin ang sinasabi nilang kuryente. May kuryente nga na nagmula sa malambot na mga labi ni Ross papunta sa buong katawan ko. Ang sarap sa pakiramdam.

Nang dahil sa halik ni Ross, nasabi ko bigla sa sarili ko na babae talaga ako at hindi ko pa iyon nakakalimutan. Kasali na rin ako sa mga korning tao. Nang dahil kay Ross Eliseo Valentin, nagbalik-loob ako sa pagiging babae. Babaeng nagiging korni nang dahil sa lalaki. At kahit ilang minuto na ang lumilipas mula nang halikan niya ako, pakiramdam ko, nakadikit pa rin sa mga labi ko ang mga labi niya. Ang init pa rin kasi. Ang sarap talaga sa feeling. Heaven.

Nasa loob na kami ng kotse at nakapatay ang aircon dahil malamig kahit tumigil na ang malakas na ulan kanina. Walang nagsasalita sa aming dalawa. Nagkakahiyaan siguro.

Ang awkward pala talaga ng atmosphere pagkatapos kang halikan ng taong gusto mo. Hindi mo alam kung ano ang sasabihin mo. O kung ano ang ire-react mo. Parang gusto mo na lang maglaho bigla.

Hanggang si Ross na ang bumasag ng katahimikan. Hindi talaga ako sanay sa ganoong setup. Gusto ko nang umuwi at gumulong-gulong sa kama.

“So… hindi talaga tayo mag-uusap? Mananahimik lang tayo?” Nahihiya ang boses niya, hindi rin makatingin sa akin.

“Nilalamig ako,” sabi ko.

Napatingin siya sa akin at napalunok. “Gusto… gusto mong painitin kita?”

“Tarantado! Kung ano-ano’ng iniisip mo. Pahingi ng towel kung meron ka diyan.”

“Ay, akala ko naman kung ano. Sandali.” May kinuha siya Ross sa likuran na puting tuwalya.

“O, malinis `yan.”

Kinuha ko ang towel. “Sure ka? Malinis `to?” tanong ko at sinisimulan nang punasan ang katawan ko.

“Oo, isang beses ko lang ipinunas `yan sa katawan ko kahapon.”

“Ano ba `yan?! Kadiri ka naman. Wala na bang iba?”

“Ang arte mo, tombs. Akala mo naman hindi pa kita nahalikan at hindi mo pa nalasahan ang laway ko.” Ngumisi si Ross. “Gusto mong halikan uli kita?”

Naramdaman kong nag-init ang mukha ko. “Tumigil ka nga! Bababa ako rito!”

“Joke lang. Masyado ka namang seryoso. Pero ang lambot ng lips mo, tombs.”

“Magtigil nga! Nakakahiya ang mga pinagsasasabi mo!” Ang init-init na talaga ng mukha ko. Pakiramdam ko sasabog na ako sa kahihiyan.

Isinandal ni Ross ang ulo niya sa manibela habang nakatitig sa akin. Kahit hindi ako nakatingin sa kanya, ramdam na ramdam ko ang titig niya.

“Tombs…”

Bigla akong kinilabutan sa paraan kung paano ako tawagin ni Ross, punong-puno ng emosyon. Paglingon ko sa kanya, nakatitig pa rin siya sa akin, habang hawak-hawak ng kanang kamay niya ang dulo ng buhok ko.

“`Wag mo ngang hawakan ang buhok ko.” Naiirita ako kunwari pero sa totoo lang kinikilig ako. Bakit ako kinikilig?

“Bakit palagi mong itinatali ang buhok mo? Ang ganda mo kapag nakalugay lang `to.”

Iyong puso ko parang tanga dahil sa pagtibok. Nauubusan na ako ng hininga. Hindi tumatawa si Ross habang sinasabi niya iyon. Seryoso siya. Seryosong-seryoso.

“Papagupitan ko na `yan.”

“`Wag, tombs. Hindi na ikaw ang tombs na kilala ko kapag pinagupitan mo `to.”

`Tang’nang jejebuster ito, pagkatapos akong halikan, tomboy pa rin ang tingin niya sa akin? Eh, isa’t kalahating kilong pakyu pala ang damuho na ito.

Umayos siya ng pagkakaupo. “Tara. `Hahatid na kita.”

Napatango na lang ako sa sinabi ni Ross. Tahimik lang kaming bumiyahe. Wala na namang nagsasalita, walang umiimik. Busy siya sa pagmamaneho habang ako, busy sa pagnanakaw ng tingin sa kanya.

Nakatingin lang siya sa kalsadang dinadaanan namin, parang may malalim na iniisip. Sana may kakayahan akong basahin ang nasa isip niya. Para malaman ko kung totoo ba ang sinabi niya kanina. Kung totoo ba na nagugustuhan na rin niya ako o ilusyon ko lang iyon. Sana malaman ko kung nagsisisi ba siya sa paghalik sa akin. Ang dami kong gustong malaman pero natatakot naman ako sa sagot na puwede kong makuha.

Huminto na ang kotse sa tapat ng bahay namin.

“Goodnight, tombs,” nakangiting sabi ni Ross. “`Wag mo na akong iiwasan, ha.”

“`Dami mong drama. Sibat na ako. Ingat sa pag-uwi.” Gusto kong pigilan niya ako. Gusto kong mag-usap pa kami. Gusto kong liwanagin niya ang mga bagay na sinabi niya sa akin kanina. Pero hindi nga lahat ng gusto mo makukuha mo.

Bumaba ako sa kotse na hindi man lang ako pinipigilan ni Ross. Hindi pa nga rin ako nakakapasok sa loob ay umalis na siya. Para siyang nagmamadali. Para siyang may tinatakasan. Huminga ako nang malalim, saka pumasok sa bahay. Naabutan ko si Kuya Joseph na nasa sala at nagkakape. Mukhang kanina pa siya inaantok at hinihintay lang talaga ako.

“Ang tagal mo, bunso. Benteng kape na nainom ko.”

“Sorry,” nahihiya kong sagot.

“O, ano pala ang nangyari kay Ross? Nakapag-usap ba kayo?”

Sa pagbanggit pa lang ni Kuya Joseph sa pangalan ni Ross, nag-init na agad ang mukha ko. Naalala ko na naman ang paghalik niya sa akin. Iyong sinabi niya kanina na hindi ko alam kung totoo ba.

“Matutulog na ako. Goodnight, Kuya!” Nagmamadali akong pumasok sa kuwarto ko.

Nakita kong naguluhan si Kuya Joseph sa inakto ko kaya napakamot na lang siya sa ulo.

Habang nakahiga ako sa kama, naiisip ko pa rin si Ross. Siya lang ang laman ng isip ko. Ang unfair nga dahil siya, nasa isip at puso ko ngayon. Samantalang ako, hindi ko man lang alam kung ganoon din ba ang nararamdaman niya. Natatakot akong malaman.

Nakatitig lang ako sa cell phone ko at umaasang magte-text siya. Pero nang gabing iyon, umasa na naman ako sa wala. Natulog akong hindi nakatanggap ng kahit anong text o tawag sa kanya.

“Waaaah. Anyare sa `yo, bunso?” bungad na tanong ni Kuya Joseph kinabukasan.

Si Kuya John naman, halatang nagulat din sa ayos ko ngayon. Pero wala naman siyang sinabi.

“Ano’ng nangyari sa `kin? `Pinagsasasabi mo, Kuya?” Umupo ako.

Natawa siya. “Babae ka na ba uli? Nakalugay buhok mo, eh. `Di ka na rin nagsusuot ng baseball cap.”

“Paano ko susuotin, wala naman sa akin. Na kay—” Napahinto ako dahil nandito pala si Kuya John. “Na kay Antonina. `Di pa isinasauli. Saka, sayang naman `tong buhok ko kung palaging nakatali.” Lies. Anong sayang ka diyan? Gusto mo lang `kamong mapansin uli ni Ross `yang buhok mo. Shut up!

“Anong oras ka pala umuwi kagabi? `Di ka nagre-reply sa mga text ko,” tanong ni Kuya John.

“Mga twelve na, Kuya. Nakalimutan ko ang phone ko.”

Napatango-tango na lang si Kuya John. Akala ko magtatanong pa siya pero hindi na. Nagpatuloy na lang siya sa pagkain. Si Kuya Joseph naman, nakangisi habang nakatingin sa akin. Inirapan ko na lang.

Naglalakad na kami ni Kuya John papunta sa sakayan habang patingin-tingin ako sa cell phone ko.

“May hinihintay ka bang mag-text, bunso?”

“Wala po. Tinitingnan ko lang ang oras.”

Natawa na lang si Kuya John. Mukhang naghihinala na siya. Teka, ano naman kung maghinala siya? As if naman may itinatago akong boyfriend, hindi ba? Wala naman. Tomboy nga kasi ako. Iyong nangyari kagabi sa pagitan namin ni Ross? Wala lang iyon. Tingnan mo nga hindi pa rin nagte-text ang damuho. Parang tanga lang talaga. Siguro hindi big deal sa kanya ang halik na iyon. Siguro namali lang din ako ng dinig. Masyado lang talaga akong ilusyunada.

Nang dumaan ako sa parking lot ng school, pigil-hininga ako sa paglalakad nang makita ko ang sasakyan ni Ross. Akala ko makikita ko siya doon pero hindi. Lumagpas ako sa parking lot na hindi ko man lang nakikita ang pagmumukha niya. Mukhang nasa classroom na siya.

“Woah! `Tol, anyare sa `yo?” gulantang na tanong ni Anton nang makita ako.

“Ano ba? Bakit ba ganyan lahat ng reaction n’yo?” naiirita kong tanong.

Natawa si Alex. “Eh, kasi nakalugay ang buhok mo. Palagi ka lang kaya nakatali noon. Ayaw na ayaw mong inilulugay `yan kasi feeling mo nagiging babae ka. `Tapos ang mukha mo, parang nag-iba. Parang blooming ka, `tol. In love ka ba?”

“In love? Hindi, `no. Kanino naman, aber?”

“Kay Ross!” sabay nilang sagot.

Ramdam ko na naman ang pag-iinit ng mukha ko. Tuwing nababanggit talaga ang pangalan ni Ross, instant na ang pag-iinit niyon. Naaalala ko kasi ang nangyari kagabi. Iyong first kiss ko!

“O, namula ka pa. Alam na this!” sabi ni Anton. “Alam na alam na talaga this!”

Lumapit si Alex sa akin. “`Tol, in love ka na kay Ross? Balik-loob na sa pagiging babae?”

“Manahimik nga kayo! `Wag n’yo akong guluhin.”

“`Sus, `di masagot ang tanong.” Tumawa si Antonina.

Tumawa rin si Alex. “Naku, `tol. Mahirap `yan. May pustahan, `di ba?”

“Oo nga. Pero `wag na lang `yong pustahan ang isipin natin,” sabi ni Anton. “`Di ba, si Ross, si Donna ang gusto? Paano `yan, `tol? May feelings ka na talaga sa kanya? Mahirap `yan. Ang magkagusto sa taong may ibang gusto, parang pagkuha ng batong ipupukpok mismo sa ulo mo.”

“Wow. Totoo ka ba, Antonina? Ikaw talaga ang nagsasalita? Kakaiba, ha. Parang nag-iisip ka na ngayon,” kantiyaw ni Alex. “Tumatalino ka na, ha.”

“Siyempre naman. Nagbabago ang tao, `no. Hindi naman forever akong bobo. Parang `tong si Pareng MJ lang. Kung noon, ayaw na ayaw sa lalaki. Pero ngayon, ewan ko na lang, ha.”

Hindi na ako nakapag-react sa sinabi ni Anton tungkol kay Donna. Kasi sa totoo lang, mula nang inaway ko si Donna, hindi pa rin kami nagkakausap. At saka wala pa sa plano ko na mag-usap kami. Hindi dahil wala akong planong magpaliwanag o mag-sorry. Kundi dahil hindi pa ako handa na harapin ang kaibigan kong totoong nagugustuhan ni Ross.

Ang weird lang talaga ng sitwasyon ko ngayon. Sino ang mag-aakalang magkakagusto ako sa lalaking may gusto naman pala sa babaeng nagugustuhan ko noon? Ganoon siguro talaga kumilos ang tadhana. Gagalaw sa pinakakomplikado at imposibleng paraan. Magugulat ka na lang na dahil sa lecheng tadhana na iyan, stuck ka na sa isang sitwasyon na mahirap lusutan.

Habang nagle-lesson, si Ross lang ang nasa isip ko. Tinatanong ko ang sarili ko kung bakit hindi siya nagte-text o nagpaparamdam man lang. Pagkatapos ng gabing iyon, wala talaga siyang text o kahit na ano. Parang tanga lang talaga. Nakakainis. Hindi ko alam kung ano na ba ang nangyayari. Hinahayaan niya lang akong mag-isip ng kung ano.

Nagsisisi ba si Ross sa ginawa niyang paghalik sa akin? Nabigla lang ba siya nang sabihin niyang nagugustuhan na rin niya ako? Pampalubag-loob lang ba ang lahat ng iyon? Dahil nagi-guilty siya sa biglaang pag-amin ko na nagugustuhan ko na siya?

Ang complicated talagang ma-in love. Iyon ang ayaw ko noon, eh. Pero iyon naman ang pinoproblema ko ngayon. Buwisit ka talaga, Ross Eliseo Valentin. Buwisit kang jejebuster.

Dumating na ang lunch break namin. Naglalakad na kami nina Alex at Anton papunta sa canteen. Pinag-uusapan nila ang quiz kanina.

“ Taena talaga. Math talaga ang ayoko, eh. Hirap ng mga formula. Malamang zero na naman ako doon,” reklamo ni Anton.

“Kailan ka ba nakapasa doon? Kung `di one out of twenty items, zero naman score mo,” pang-aasar ni Alex.

“Malamang si MJ na naman highest doon. Halimaw siya sa Math, eh.”

“Oo nga. `Perfect mo `yon `tol, `no? Ikaw best in Math natin,” puri ni Alex sa akin.

Nginitian ko lang silang dalawa. Alam ko naman kasing zero din ako sa quiz. Hindi ko kasi na-gets ang lesson kanina. Kaya habang nagku-quiz kami, blangko ang utak ko. Lumilipad kung saan. Lumilipad papunta kay Ross.

Pagpasok namin canteen, agad kaming may nakitang bakanteng table. Kaso malas nga lang dahil ang table na iyon ay katabi ng table nina Ross. Iyong walanghiyang damuhong jejebuster na nakita ko agad na nakikipagtawanan sa mga kaklase niya. Todo-tawa siya habang may katabing babae. Punyeta talaga siya. Habang ako, unti-unting nagiging miserable dahil sa pag-iisip sa kanya, siya naman ito at nakukuha pang tumawa nang tumawa na akala mo walang pinoproblema.

O talagang sadyang ako lang ang mukhang tangang namomroblema? Sa akin lang big deal ang kiss na iyon? Ako lang ang sira-ulong umaasang magkaka-something na pagkatapos niyon? Samantalang kay Ross, wala lang ang lahat. Walang halaga sa kanya iyon dahil hindi naman ako ang nagugustuhan niya.

MJ, tama na. Huwag ka nang mag-isip. Baka mapaiyak ka pa dito sa canteen. Nakakahiya ka.

“`Tol, bakit? Para kang naiiyak,” nag-aalalang tanong ni Alex sa akin.

“Wala. Nauutot lang ako,” pagtanggi ko.

Umupo na kami sa bakanteng table sa tabi ng table nina Ross. Bago ako umupo, nagtama pa ang paningin namin. Mukhang nagulat siya nang makita ako. Pero sandali lang iyon. Napaiwas agad siya ng tingin nang kausapin siya ng babae sa tabi niya. Muli silang nagtawanan. Ngumiti at tumatawa si Ross na para bang hindi niya ako nakikita o hindi ako nag e-exist sa mundo niya.

Paker siya. Paker ka, Valentin. Ibalik mo first kiss ko. Tupanggala ka!

Habang kumakain ako, rinig na rinig ko ang tawa ni Ross. Para iyong matalim na bagay na unti-unting bumabaon sa puso ko. Ang sakit. Paano niya nagagawang tumawa nang ganoon at umarte na parang walang nangyari sa pagitan naming dalawa?

“Brad, okay ka lang ba talaga?” tanong uli ni Alex.

“Okay lang ako,” pagsisinungaling ko. “Si Ross lang `yan,” bulong ko. Napatingala ako nang maramdaman kong maiiyak na ako. Pero hindi nadaan sa pagtingala ang pagpigil ko sa luha ko. Bago pa tuluyang bumagsak, agad na akong tumayo at umalis ng canteen. Narinig ko pa nga na tinawag ako nina Alex at Anton pero hindi ko sila sinagot. Nag-aalala siguro sila sa biglaan kong pag-walk out.

Dumeretso ako sa banyo hindi para umiyak. Naghilamos lang ako. Hindi na dapat ako umiyak nang dahil kay Ross. `Kapal niya. Ang kapal-kapal talaga ng mukha niya. Kung gusto niyang itrato na parang walang nangyari kagabi, eh, di sige. Iyon ang ibibigay ko sa kanya. Akala naman niya kawalan siya. Ulols niya. Hindi siya kawalan. Lalaki lang siya. As if naman mamamatay ako nang dahil sa kanya. Malakas yata ako. Matikas ako. Astigin pa. Saka halik lang naman iyon. Walang kaso iyon. `Sus. Halik lang iyon.

Napatingin ako sa salamin, saka malungkot na ngumiti. “Pero bakit ka umiiyak kung si Ross lang `yan at kung halik lang `yon?” tanong ko sa sarili habang nakikita ang repleksiyon kong lumuluha. “Tang’nang Ross `yan.”

Tinapos ko na ang paghihilamos. Huminga rin ako nang malalim. Tiningnan ko uli ang repleksiyon ko sa salamin. Okay na ako. At least kahit papaano, nailabas ko na ang kirot sa dibdib ko.

Ngumiti ako. Isang ngiting peke. Magaling akong umarte. Kaya kong ipakita na okay lang ako kahit hindi naman talaga.

Bago ako lumabas ng banyo, itinali ko uli ang buhok ko. Itinali ko iyon sa paraang kung paano ko itali noon. Noong wala pang Ross sa buhay ko. Madali namang bumalik sa dati. Madaling-madali.

Habang naglalakad ako sa hallway, bigla kong nakita si Ross na kasama ang mga kaklase niya. Kasama na naman niya ang babaeng katabi niya sa canteen kanina. Nagtatawanan na naman sila. Tinigasan ko ang paninindigan ko. Hindi ako yumuko. Taas-noo akong naglakad. Pansin na pansin ko na nakatingin sa akin si Ross. Pero hindi ko siya ginantihan ng tingin.

Iyon ba ang gusto niya? Iyong magpanggap kaming dalawa na parang walang nangyari? Puwes, iyon ang ibibigay ko sa kanya. Buburahin ko siya sa buhay ko sa paraang gusto niya.