Epilogue
EPILOGUE
N
OONG bata pa ako at buo pa ang pamilya namin, mas marami akong magagandang alaala kasama si Papa kaysa kay Mama. Sa aming tatlong magkakapatid, ako ang pinaka-close sa kanya. Papa’s girl nga ang tawag sa akin nina Kuya noon. Hindi kasi ako nakakatulog sa gabi kapag hindi ko nakikita si Papa. O kaya naman kapag umaalis kami, sa kanya ako palaging nakahawak ng kamay.
Ganoon ako ka-close kay Papa. Para sa akin noon, siya ang mundo ko. Tulad niyang lalaki ang gusto kong mapangasawa. Iyong tipo ng lalaki na mahal na mahal ang mga anak niya kaysa sa kanyang sarili.
Kaya siguro ako nasaktan nang sobra nang iwan niya kami. Hindi lang kasi ang tiwala ko ang sinira niya. Pati ang ideya ko sa kanya bilang perpektong ama at asawa ay winasak niya. Sobra-sobra ang galit ko sa totoo lang. Pakiramdam ko nga noon, hindi ko na siya kayang patawarin pa. O kahit mag-agaw-buhay o mamatay siya, hinding-hindi ko siya mapapatawad.
Pero noong puntahan namin nina Kuya John at Kuya Joseph si Papa sa ospital kung saan siya naka-confine, lahat ng galit ko sa kanya na naipon sa loob ko ng mahabang panahon, biglang nawala. Napalitan iyon ng awa nang makita ko kung gaano kagrabe ang kondisyon niya.
Halos hindi ko na makilala si Papa sa kondisyon ng katawan niya. Sobrang payat na niya. Hindi na rin siya makagalaw. Kahit pagsasalita, hindi na rin niya magawa. Noong pumunta siya sa bahay noon, hinang-hina na pala siya. Sinubukan niya lang makipag-usap sa amin para humingi ng tawad sa lahat-lahat ng nagawa niya bago pa mahuli ang lahat.
Ang dami kong gustong sabihin kay Papa noong nakita ko siya. Ang dami kong gustong malaman at sabihin sa kanya. Pero ni isang salita walang lumabas sa bibig ko. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula o kung ano ang una kong sasabihin. Napaiyak na lang ako sa harap ni Papa nang makita ko ang kamay niya na pilit inaabot ang mukha ko para haplusin kahit hinang-hina na.
Umiyak ako nang umiyak habang hinahaplos ni Papa ang mukha ko. Ang init ng palad niya. Halos makalimutan ko na ang pakiramdam ng haplos ng isang ama. Pero dahil sa mga haplos niya, napatunayan ko na kahit ano ang mangyari, kahit bali-baliktarin ang mundo, siya pa rin talaga ang kaisa-isa kong tatay na pinagkakautangan ko ng buhay ko ngayon.
“Jove,” tawag ni Papa sa akin. “Ang… ang bunso ko.”
Pagkatapos ng huling mga salitang sinabi ni Papa, binawian na rin siya ng buhay. Nakangiti niyang iniwan ang mundo sa harap namin nina Kuya. Napag-alaman kong sadyang nalalabi na pala talaga ang oras ni Papa sa mundo at hinihintay na lang na makita niya ako. Umiyak kami nang umiyak ni Kuya Joseph habang si Kuya John, nakatitig lang sa kawalan.
Naging mabilisan ang libing kay Papa tulad ng hiling niya kay Tita Lerry na kinakasama niya. Icrinimate ang katawan niya at inilipad papuntang Dubai kung saan sila nakatirang dalawa. Todo-sorry sa aming magkakapatid si Tita Lerry dahil sa nangyari noon. Pero ang sabi lang namin, kalimutan na iyon dahil tapos na. Ang mahalaga, masayang iniwan ni Papa ang mundo at nagkapatawaran na kami.
Masakit sa part ko ang nangyari. Ang bilis lang kasi ng lahat. Pero kahit papaano, naging masaya ako dahil nakita ko pa si Papa bago mahuli ang lahat. Nagkapatawaran na at naipakitang kahit papaano, siya pa rin ang tatay namin na minsang nagbigay sa amin ng masasayang alaala bilang isang pamilya.
“Bunso, nasa ibang lugar pa rin pala si Ross ngayon?” tanong ni Kuya Joseph.
Nasa sala kaming dalawa at nanonood ng
One Punch Man
na anime habang si Kuya John naman, nasa kusina at ginagawa ang trabaho niya. Kahit party na bukas sa school, may trabaho pa rin siya.
“Oo, next week pa raw ang uwi ng damuho na `yon,” yamot kong sagot. “Bad trip nga, eh. Akala ko one week lang siyang mawawala dahil sa basketball competition nila. Pero na-extend daw dahil may kailangan pa siyang gawin. Nakakainis talaga ang jejemon na `yon.”
Natawa si Kuya Joseph. “Nakakainis? Weh? O baka naman nami-miss mo na?” pang-aasar niya. “Sayang, `no? First time mong um-attend ng party sa school n’yo pero wala pa siya. Hindi niya makikita ang ayos mo bukas. Kawawa naman si idol. `Di bale, picture-an na lang kita, `tapos send ko sa kanya.”
“No, thanks,” pagtutol ko. “Walang picture. Neknek niyang bulok. Bahala siya.”
“Grabe ka naman sa boyfriend mo, bunso. Eh, ano’ng magagawa niya? Busy `yong tao. Alam mo namang ace player `yang si Ross, kaya malamang madaming meetings na pupuntahan. Ngayong sila pa ang nanalo sa National Basketball Competition at MVP pa siya. Sobrang dami niyang interview for sure.”
Napataas ang kilay ko. “Aba! Todo-pagtanggol ka kay Ross, ha. Siya ba ang kapatid mo?”
“Brother-in-law ko `yon.”
“Brother-in-law pero pinagnanasaan mo?” pang-aasar ko. “Ikaw, Kuya Joseph, ha. Halatang-halata na ang pagnanasa mo kay Ross. Mahiya ka naman kay Ate Rayne.”
“Loko ka, bunso. Wala akong pagnanasa kay Ross.”
“Eh, ano lang pala?”
“Idol ko lang `yon. `Galing mag-basketball, eh. `Tapos ang ganda pa ng katawan. Gusto ko ang gano’ng katawan. Pang-model ang dating. `Tapos kapag ngumingiti pa, killer smile. Ang galing pang magluto. Noong nagpasabog `ata ng talent at kapogian si Lord, si Ross halos ang nakasalo, `no?”
Tiningnan ko nang seryoso si Kuya Joseph. “Hindi mo pinagnanasaan pero todo-compliment ka?”
“Malisyosa ka. Pero, bunso, paano kapag nalaman mo…”
“Na ano?”
“Na bromance pala kami ni Ross?” Napangisi siya.
“Eh,di okay. Support ko kayong dalawa. `Wag ko lang kayong makikitang naghahalikan kasi nakakadiri `yon. Hindi ko `yon masisikmura.”
“Don’t worry, hindi kami magpapakita sa `yo kapag maghahalikan kami,” sagot ni Kuya Joseph. “Tuwing pumupunta siya rito, doon kami sa kuwarto ko nagki-kiss. `Galing niyang humalik, bunso.”
“Nakakadiri ka talaga, Kuya Joseph!”
“Ano? Hindi mo kayang makipagsabayan, `no?”
Tumayo na ako at nag-walk out papunta sa kusina. Si Kuya Joseph naman, tawa lang nang tawa dahil sa mga pinagsasabi niya. Pareho silang dalawa ni Ross, palaging sinasabi na bromance sila dahil close na close sila. Lecheng iyan. Tumatak sa isip ko ang sinabi ni Kuya Joseph na naghahalikan sila ni Ross sa kuwarto niya, halos tumambling ang sikmura ko sa pandidiri.
“Bunso, bakit hindi ka pa natutulog? Anong oras na,” sabi ni Kuya John.
“Wala namang pasok, Kuya,” sagot ko habang umiinom ng tubig. “Saka sa gabi pa naman ang party.”
“Kahit na. Kailangan mong mag-beauty rest para maganda ka bukas. Kakanta ka pa naman.”
“Basta ako ang bahala sa sarili ko, Kuya. Saka pagkatapos ko namang kumanta, sisibat na ako.”
“Hindi ka magtatagal sa party?”
Umiling ako. “Hindi. Alam mo namang wala akong interes sa mga gano’n.”
“Weh? Baka `kamo wala lang si Ross?” Tumawa si Kuya John. “Hindi pa ba sila bumabalik? Nakita ko ang ibang teammates niya kanina sa school.”
Umiling uli ako. “Siya na lang ang hindi pa nakakabalik. Madami daw siyang interview, eh.”
“Ay, oo nga pala. Ang alam ko rin, kinukuha siya ng International Basketball League Association. Gusto siyang i-train at ipasok sa International Basketball Competition.”
Natahimik ako sa sinabi ni Kuya John. Hindi ko alam na may ganoong offer kay Ross. Wala naman kasi siyang sinasabi sa akin. Itinatago niya ba sa akin o sadyang wala lang siyang planong sabihin?
“Hindi ko `yan alam. Walang nababanggit na ganyan si Ross sa `kin.”
“O? Baka naman wala siyang planong kunin ang offer kaya hindi na niya sinabi sa `yo?”
“Ewan ko sa jejemon na `yon.”
Nagpaalam na ako kay Kuya John na papasok na ng kuwarto para matulog.
Nang makahiga na ako sa kama, kinuha ko ang cell phone ko nang makita kong umilaw iyon. Pagtingin ko, ang dami na palang text messages at missed calls galing kay Ross.
Ross: Tombs, ano’ng ginagawa mo?
Ross: Katapos ko lang kumain, tombs. Balik-hotel na uli kami ni Coach.
Sa hotel naka-stay si Ross ngayon mula noong basketball competition nila last week.
Ross: Tombs? Bakit hindi ka nagrereply? Busy ka ba?
Ross: Oy tombs!
Ross: Baby?
Ross: Baby ko?
Ross: Baby kong tomboy?
Ross: Psst!
Ross: Miss na kita! Love you, tombs!
Nag-reply naman ako.
Ako: Dami mong text. Leche ka!
Wala pang isang minuto, may reply agad si Ross.
Ross: Bakit ngayon ka lang nagreply?
Ako: Eh ngayon ko lang trip. Bakit ba?
Ross: Hindi mo ba ako miss? :(
Ako: Hindi.
Ross: Aww. Basta ako miss na miss na kita, baby ko.
Ako: Kadiri ka! Wag mo nga akong tawaging baby.
Ross: Eh ano pala? Honey?
Ako: Eeww.
Ross: Darling?
Ako: Ano ako, matanda?
Ross: Gummybear? :D
Ako: Kadiri ka lalo!
Ross: Fishballbaby and kikiambabe na lang? Fishballbaby tawag mo sa akin tapos kikiambabe tawag ko sa iyo. Ano, tombs, deal?
Ako: No deal! Ulol!
Ross: Haha. Open ka ng Skype dali. Skype tayo.
Ako: Ayoko.
Ross: Dali na, tombs. Hay.
Ako: K.
Tumayo ako sa kama at lumipat sa computer. Agad kong binuksan ang Skype. Naka-online agad ang jejemon. Mukhang kanina pa siya online. Sino kaya ang kausap niya?
Nag-message ako sa kanya. Mayamaya pa, may video call request nang lumabas. Pinindot ko ang
Accept
at bumulaga sa akin ang mukha ni Ross. Naka-topless lang siya at boxers. Nasa hotel room siya.
“Hi, tombs! I miss you. I love you so much! Mwa mwa!” Humalik pa siya sa video.
“Ang jejemon mo talaga!”
“Hindi ka man lang kinilig?” Napasimangot siya.
“Kinilig naman. Mga isang kilo gano’n.”
“Gawin na nating dalawang kilo. I love you, Mary Jovelyn Salazar. My one and only tomboy of my life.”
“`Namo ka! Dami mong alam! O, balita? Mukhang pagod na pagod ka, ah?”
Halatang pagod na pagod nga si Ross. Ang laki na ng eyebags niya. Messy hair pa siya pero ang guwapo pa rin. Ano ba ang kailangang ayos niya para lang pumangit siya sa paningin ko?
“`Ayun, nakadalawang interview ako kanina. Magkaibang magazine. Nakakapagod nga.”
“Matulog ka na kaya?”
“Ayoko. Alam mo namang kapag kausap kita, lumalakas ako, eh. Ikaw kaya ang source ng energy ko.”
“Nye! Nye! Korni,” sabi ko pero kinilig naman.
Buwisit.
“Sorry talaga, tombs, ah? Kung hindi ako makakapunta sa party sa school bukas. Gustuhin ko man, wala talaga akong magagawa.
`Lang’ya
talaga. Sana puwede akong tumakas.”
“Ayos lang. Mas importante naman `yan.”
“Mas importante ka sa `kin, tombs. Kaya kong iwan ang basketball career ko para lang sa `yo.” Sumeryoso ang mukha ni Ross. “Gusto mo ba akong makita bukas? Tatakas ako dito.”
Gusto kong umoo. Gusto kong sabihin kung gaano ko siya ka-miss at kung gaano ko siya gustong makita dahil magdadalawang linggo na rin mula nang umalis siya. Kahit may text at tawag, hindi pa rin iyon sapat. Iba pa rin iyong nakikita ko si Ross sa personal.
“Hindi na kailangan. Alam kong nag-e-enjoy ka diyan sa basketball career mo. Kaya susuportahan kita.”
Tumitig sa akin si Ross. “Hindi nga, tombs? Isang sabi mo lang, gagawa ako ng paraan para makapunta bukas. Wala akong pakialam kahit magalit sina Coach sa `kin.”
“Puwede ba? Puwede ka bang umalis diyan? Puwede ka bang tumakas? Gusto kitang makita, eh.”
Ngumiti siya. “Sige, tatakas ako bukas.”
Saka ako tumawa. “Gago ka, jejebuster. No need. Ayos lang kahit `wag na. Unahin mo na `yan. Tutal naman, matatapos na rin `yan. Hindi rin naman ako magtatagal sa party bukas, eh. Pagkatapos kong kumanta, aalis na rin ako. Hindi ko trip ang mga gano’ng ek-ek.”
“Gusto kong makita ang ayos mo bukas, tombs.”
“Pi-picture-an daw ako ni Kuya Joseph bukas para may ipakita sa `yo.”
“Naks! Talaga `yang si Kuya Joseph, palaging maaasahan. Bibigyan ko nga `yan ng kiss.”
“Yuck! Kadiri talaga kayong dalawa!”
“Joke lang, tombs. Selos ka naman agad. Ay, may papakita pala ako sa `yo, tombs.”
“Ano naman `yan? Kapag `yan kalokohan na naman, titirisin kitang leche ka!”
Noong nakaraan kasi na magka-Skype kaming dalawa, sabi niya, may ipapakita siya. Ako naman, todo-tanong kung ano. Iyon pala, kalokohan lang.
Ipinakita ni Ross ang puwit niya sa video. Buwisit na iyan.
“`Sus. Na-in love ka nga sa puwit ko noong nakaraan, eh. Ang kinis at puti, `no?”
“Gago ka! Papatayin ko `tong tawag.”
“Ito na ipapakita ko na.”
Tumitig ako sa video. Pagkatapos, inilapit lang ni Ross ang nipples niya. “Nakita mo, tombs? Ang pinkish ng utong ko, `di ba?”
“Pakyu ka hanggang bukas, Valentin. Puro ka kadugyutan.”
Tawa lang siya nang tawa, halos gumulong-gulong na sa kama niya. “Hay. Miss na talaga kita, tombs. Hintayin mo pag-uwi ko, ha?”
“Oo na. I’ll wait for you no matter how long it takes.”
Natawa siya. “Line ko `yan, eh.”
“Eh, di pahiram.”
Sumeryoso ang mukha ni Ross. “Tombs?”
“Ano?”
“I love you.” Seryosong-seryoso ang mukha niya.
“I love you raw pero baka may babae ka na diyan.”
“Hala! Wala, `no. May mga babaeng lumalapit sa `kin pero sabi ko, kasal na ako. May nag-aaya rin sa `kin kagabi, tombs. One-night stand daw kami. Sabi ko, hindi puwede. May padlock `kako ang brief ko at `yong susi nasa girlfriend ko.”
Hindi ko mapigilang matawa sa sinabi niya. “`Kalokohan mo talaga, Valentin. Hindi ko kinakaya. Hindi ko alam kung mandidiri ako sa `yo o matatawa.”
“Seryoso, tombs. Meron talaga. Sabi pa ng babae kahit kiss lang daw. Sabi ko, mabaho bibig ko. Hindi `kako nagtu-toothbrush. `Tapos ayaw niya talagang tumigil. Hawakan daw niya abs ko. Sabi ko, nakakadiri siya. Hindi kami talo dahil lalaki rin ang gusto ko.”
“Lalaki? Si Kuya Joseph?”
“Hindi. Ikaw tinutukoy ko. `Di ba, lalaki ka? Nagbabaklaan tayong dalawa?”
Nag-usap lang kami ni Ross nang halos dalawang oras. Mukhang miss na miss na nga niya ako. Nakailang sabi kasi siya na “miss you, tombs.” Tinanong niya rin ako kung gusto ko ba raw siyang makita bukas. Kahit gusto kong maging selfish, sinabi kong ayoko. Tapusin niya `kako ang mga appointments niya.
Kinabukasan ng hapon, dumating sina Anton at Alex sa bahay. Doon na silang dalawa magbibihis at sabay-sabay na kaming pupunta sa party sa school. Ayos na rin kaming dalawa ni Alex. Natural, ako ang humingi ng sorry sa kanya. Nag-iyakan kami sa classroom noon. Si Anton, walang clue kung bakit kami umiiyak. Hindi siya aware na nag-away kami ni Alex. Nasaan ba ang utak ni Anton?
Si Anton ang nag-makeup sa amin ni Alex. Siya lang naman ang marunong. Pero sa aming tatlo, ako lang ang naka-dress. Kulay-pink na dress ang suot ko. Habang sila naman, tuxedo na pambabae. Ayoko nga sanang i-push ang dress pero sayang ang incentives nito. Sabi kasi ni Ma’am Lanzar, kapag nag-dress ako, exempted ako sa three subjects sa finals.
Kahit short hair na ako, bumagay pa rin sa akin ang pink na dress na dala ni Anton. Pati ang makeup ko, bumagay rin sa akin. Si Kuya Joseph, todo-picture sa akin dahil ipapakita niya raw kay Ross pag-uwi niyon.
“Hindi talaga makakarating si Ross, `tol?” tanong ni Alex sa akin. Nakasakay kami sa kotse nila habang ang papa niya ang nagmamaneho.
Umiling ako. “Hindi nga, eh. Busy siya.”
“Hala! Baka may ibang babae na `yon,” pagsingit ni Anton. “Bubugbugin ko `yang si Ross kapag nambabae `yan. Makikita niya ang hinahanap niya.”
“Sa laki ng katawan ni Ross, feeling mo mabubugbog mo `yon? Baka isang suntok lang sa `yo n’on goodnight-see-you-tomorrow ka na, Anton,” sabi ni Alex.
“Uhm… oo nga, `no? Eh, di subukan lang talagang mambabae niyang si Ross, hihipuin ko abs niya.”
“Tomboy na mahalay!” Tumingin sa akin si Alex. “Ready ka na bang kumanta?”
“Oo,” walang ganang sagot ko.
“May bibigay pala ako sa `yo, `tol,” sabi ni Alex.
May inabot siya sa aking paper bag. Pagtingin ko, may box set ng
Game of Thrones
sa loob.
“Pakshit ka, `tol. Seryoso? Akin na `to?”
Ngumiti siya. “Yup! Alam ko namang matagal mo nang gusto `yan.”
“Wow, thanks! The best ka talaga!”
“`Oy, Alex. Ako? Wala para sa `kin?” si Anton naman.
“Meron siyempre. Makakalimutan ba kita?”
May dinukot si Alex sa bulsa niya, pagkatapos ibinigay kay Anton.
“Ano `to? Death certificate?” naguguluhang tanong ni Anton.
“Gaga! Gift certificate `yan sa Belo Medical Group. Pa-facial ka. `Pangit mo, eh.”
Tumawa kaming dalawa ni Alex habang si Anton naman, napanguso lang.
Nang dumating kami sa school, dumeretso na agad kami sa school gym. Doon kasi gaganapin ang party din. Ang ganda ng ayos ng gym. Naging classy ang dating. Akala mo mala-five star hotel party ang gaganapin. May red and gold na tela na nakasabit sa kisame. May malaking party ball din na kumikinang kapag natatamaan ng spotlight.
Sa gilid ng stage, may hagdanan. Doon daw ako sa hagdan na iyon maglalakad pababa habang kumakanta mamaya sabi ni Ma’am Lanzar. `Daming alam ng professor na iyon. Valedictorian kaya siya?
Ang lively ng atmosphere sa school gym at halatang nagsasaya ang mga tao pero ako, walang gana. Hindi ko feel ang party. O baka naman nami-miss ko lang talaga ang jejemon na si Ross? Gusto ko siyang makita. Gustong-gusto ko na siyang makita.
Nakaupo lang ako sa gilid habang hawak-hawak ang cell phone ko. May text si Ross sa akin.
Ross: Ikaw ang pinakamaganda ngayon, tombs. I’m so glad na girlfriend—este boyfriend kita.
Ako: Pakyu! Nakita mo ko?
Ross: Oo kaya ;)
Ako: Paano? Nandito ka ba?
Hinanap ko si Ross sa paligid pero wala naman siya. Nadismaya tuloy ako. Ang tanga ko. Paano ko siya makikita, nasa malayong lugar siya at maraming inaasikaso?
Ross: Hahaha! Uy, hinanap ako sa paligid. Palingon-lingon pa siya.
Ako: Hindi kaya!
Ross: Pinakita sa akin ni Kuya Joseph iyong picture mo :)
Ako: Ahh…
Ross: `Love you.
Ako: Thanks!
Ross: Walang `love you too?
Ako: Next week na pag-uwi mo.
Nakita ko si Ma’am Lanzar na palapit sa akin. “Grabe, Miss Salazar. Hindi kita nakilala. Ang ganda-ganda mo!” puri niya.
“Salamat, Ma’am. Pero wala akong pera. Wala akong maipapautang sa `yo.”
Natawa siya. “Start na tayo. Punta ka na sa itaas ng hagdan. Magbibigay lang ako ng speech, then kakanta ka na. Gets?”
Tumango ako. “Yes, Ma’am.”
“Great! Goodluck!” Kumindat pa si Ma’am Lanzar.
Bakit kaya siya kumindat? Napuwing lang yata.
Tiningnan ko uli ang cell phone ko. May text uli si Ross.
Ross: Goodluck, tombs! ;)
Ako: Paano mo nalaman?
Ross: Instinct ;)
Ako: K. Kakanta na ako. Text you later.
Ross: Alright. `Love you tombs.
Ako: I love myself too. Bleh! :p
May inabot sa aking microphone ang isang staff bago ako umakyat sa stage. Habang nasa itaas, inilibot ko ang paningin ko. Umaasa akong makikita ko si Ross ngayon. Pero wala. Walang sign ng jejemon. Bakit ba kasi ako umaasa?
Hay, Ross. Miss na miss na kita.
Nagbigay na ng speech si Ma’am Lanzar pagkatapos ng prayer. Ako naman, sobrang kabado. Iniisip ko kasi na baka pumiyok ako o mawala sa tono. Ayoko talagang kumakanta sa harap ng maraming tao.
Nang sabihin na ni Ma’am Lanzar ang name ko para sa intermission number, namatay ang lahat ng ilaw. Naka-focus na ang lahat ng mga mata sa akin. May spotlight na nakatutok mula sa hagdan kung nasaan ako. Nagsimula nang mag-play ang kanta. Huminga muna ako nang malalim bago kantahin ang unang linya.
Kakantahin ko na sana ang unang linya ng kantang “If Ever You’re In My Arms Again” nang bigla akong mapatigil. May boses ng lalaki kasing kumakanta. Naguluhan ako. Hindi ako na-inform na duet pala ang gagawin ko dahil ang na-practice ko lang ay ang solo ko.
“It all came so easy, all the loving you gave me, the feelings we shared. And I still can remember, how you touched me so tender. It told me you cared.”
Hinahanap ko kung saan nagmumula ang boses. Biglang may bumukas na spotlight at nakatutok sa ibaba ng hagdan. Hindi ko mapigilan na hindi magulat nang makita si Ross na may hawak na microphone. Kinusot-kusot ko pa mga mata ko at baka namamalikmata lang ako pero siya talaga iyon. Si Ross talaga ang kumakanta ng unang linya.
Hindi ako aware na may ibubuga rin pala sa pagkanta ang buwisit na jejemon na ito. Pero mas hindi ako aware na nandito pala siya. Buwisit siya. Buwisit talaga.
“Tombs?” pagtawag niya sa akin. “Natulala ka na diyan. Ikaw na ang kakanta ng next line.” Dahil naka-microphone siya, rinig na rinig ang pagtawa niya. Huminto ang background music.
“Buwisit ka!” sagot ko sa microphone. “Sabi mo, wala ka dito?” Wala akong pakialam kahit maraming tao ang nakatingin sa amin ngayon. Naiirita talaga ako sa jejebuster na ito. Ang daming kalokohan sa buhay.
“Matitiis ba kita? Ano ba ang sabi ko? `Di ba, sabi ko, mas importante ka sa basketball career ko?”
“Kahit na! Sana sinabi mo. Hindi ako prepared na makita ka!”
“Surprise nga, eh. Surprise, tombs!”
“Uhm, excuse me, Mr. Valentin and Miss Salazar, pero pakituloy na sana ang intermission number. We’re running out of time. Mamaya na kayo magbangayan,” pagsingit ni Ma’am Lanzar. Nagtawanan tuloy ang mga tao at todo-cheer pa kay Ross.
“Thanks, fans! `Love you all!” Kumaway-kaway pa si Ross. “Okay, DJ. Play the music!”
Muling nagsimula ang background music. Nakatitig lang sa akin si Ross habang kinakanta niya ang unang linya. Ako naman, titig na titig din sa kanya. Ang guwapo niya kasi sa suot niya.
Naka-white tuxedo si Ross na fitted sa katawan niya kaya lalong nakita ang maganda niyang katawan. May hikaw siya sa kanang tainga na kumikislap habang natatamaan ng spotlight.
“It all came so easy, all the loving you gave me, the feelings we shared. And I still can remember, how you touched me so tender. It told me you cared,” pagkanta ni Ross. Ngumiti siya sa akin, saka tumango. Nalulunod ako sa mga titig niya.
“We had a once in a lifetime. But I just couldn’t see until it was gone. A second once in a lifetime. May be too much to ask but I swear from now on,” pagkanta ko sa sunod na linya.
Duet na kami sa chorus. Naglalakad na rin ako pababa ng hagdan habang hinihintay ako ni Ross. Nang nasa ibaba na ako, inilahad niya ang kamay niya sa akin. Tinanggap ko naman iyon at magkahawak-kamay kaming kumakanta habang naglalakad papunta sa stage.
Patuloy lang kaming kumakanta nang maramdaman kong humigpit ang pagkakahawak ni Ross sa kamay ko. Napatingin ako sa kanya at nakita kong sa akin din siya nakatingin. Wala sa harap ang atensiyon niya kundi sa akin. Parang sa mga oras na iyon, ako lang ang pinakamahalaga sa mundo ni Ross.
Sabay uli naming kinanta ang ending ng kanta na magkahawak ang mga kamay. “If ever you’re in my arms again, this time, I’ll love you much better. If ever you’re in my arms again, this time, I’ll hold you forever. This time we’ll never end.”
Natapos ang kanta at malakas na palakpakan ang ibinigay ng lahat. Todo-hiyaw sila habang isinisigaw pa ang pangalan namin ni Ross. Habang ang ingay-ingay ng mga students, biglang umulan ng white roses mula sa kisame. Ang gandang pagmasdan ng mga petals na nagkalat. Para akong nanonood ng paglaglag ng cherry blossom sa Japan.
“Nagustuhan mo ba?” tanong ni Ross sa akin, may ngiti sa mga labi.
“Iyong alin?”
“Iyong pagkanta ko kasabay mo at `tong white rose petals na nahulog. Para sa `yo `yan.”
Kinurot ko siya sa tagiliran. “Ikaw! Ikaw! Buwisit ka. Akala mo nakalimutan ko na ang atraso mo sa `kin. Akala ko nasa malayo ka pa at hindi ka makakarating. Nalungkot pa naman ako. `Tapos—”
Napatigil ako sa sinasabi ko nang bigla akong halikan ni Ross sa harap ng students na naghihiyawan. Lalong umingay ang crowd dahil sa nasaksihan nila ang paghalik niya sa akin.
“Hahayaan ko ba naman ang sarili ko na hindi makita ang girlfriend ko sa ganitong event?” sabi ni Ross nang humiwalay ang mga labi niya sa mga labi ko. “Ilang beses ko nang sinabi sa `yo na higit sa lahat, ikaw ang pinakaimportante sa `kin, `di ba?”
“Korni mong jejemon ka! Pero may sasabihin ako sa `yo.”
“Ano `yon, baby ko?”
“`Wag mo `kong tawaging ‘baby!’”
“Oo na. Pero ano nga?”
“Thank you,” seryoso kong sabi. “Thank you sa pagdating mo sa buhay ko.”
Ngumiti si Ross nang pagkatamis-tamis. “Walang anuman, boss. Ikaw pa. Malakas ka sa `kin, eh.”
“Meron pa pala.”
“Ano pa?”
“Pakyu ka pa rin hanggang next life mo.”
Tumawa siya. “Ako rin. May sasabihin ako sa `yo.”
“Ano naman?” Napataas ang kilay ko.
Hinawakan ni Ross ang dalawa kong kamay. Nalaglag tuloy ang microphone sa sahig ng stage.
“Lesbi in love,” sabi niya.
“Ha?” naguguluhan kong tanong.
“Let’s be in love,” pag-ulit ni Ross. “Let’s be in love… forever.”
“Wala kayang forever!” natatawa kong sagot.
“Meron. Ang totoong forever, hindi nasusukat sa haba ng panahon. Nasusukat `to sa pagmamahal mo sa isang tao. Kaya, Mary Jovelyn Salazar, may forever. Tayo ang magpapatunay n’on.”
“Whatever, Ross Eliseo Valentin.” Ngumiti ako, saka siya hinalikan.
At dito nagsisimula ang forever ko kasama ang jejebuster ng buhay ko. Mary Jovelyn Salazar nga pala uli. Ang that’s my tomboy ng lugar namin.
THE END