CHAPTER TWELVE
A ko: Ikaw kasi ang shunga mo. Gusto mo talaga akong napapahamak, no? Alam nang hindi ka puwedeng makita ng kuya ko pero lumabas ka pa rin talaga!
Ross: Hindi ko naman alam na hindi ako puwedeng makita ng kuya mo. Sana sinabi mo agad para di na ko lumabas at umalis na lang ako. Nakalimutan ko lang talaga iyong jacket :D
Ako: Jacket your face. Ang ending di mo rin kinuha ang jacket mo. Peste ka.
Ross: Peste you too, baby. :*
Ako: Pakyu. Wag mo kong tawaging baby! Ang bading mo. Matutulog na ko bye.
Ross: Gege. Paano pala bukas? Magkikita ba tayo para sa task number 2?
Ako: Ewan ko. Baka di rin ako makaalis ng bahay. Baka grounded ako, e.
Ross: Ay, ano ba yan. Ang protective naman ng kuya mo sa little girl nila :D
Ako: t(-_-t)
Ako: Goodnight!
Ross: Goodnight, baby! :*
Ako: Isa pang baby. Block ka sakin.
Ross: Haha. Goodnight, bro! :*
Inilapag ko na sa gilid ang cell phone at hindi na nag-reply sa lecheng Ross na iyon. Nang umalis siya kanina, bigla siyang nag-text. Hindi naman ako maka-reply dahil wala nga akong load. Pero nagulat na lang ako nang bigla niya akong pasahan ng load. Eh, di suwerte ko, hindi ba? Joke. Hindi pa rin pala ako suwerte. Mukhang mayayari ako kay Kuya Joseph bukas. Sana lang, hindi niya ako isumbong kay Kuya John dahil lalo akong malalagot. Baka mawalan ako ng allowance.
Noong nakita ni Kuya Joseph si Ross kanina, hindi naman na siya nagtanong. Pinauwi niya lang si Ross at sinabing gabi na. Nang makapasok ako sa bahay, binilinan na lang niya ako na matulog na raw. Pero huwag daw muna akong magsaya dahil hindi niya papalampasin ang pagtakas ko at ang nakita niya. Mag-uusap daw kami.
Pahamak na Ross talaga. Malilintikan talaga yata ako. Pero kahit ganoon ang nangyari at ginawa ni Ross, sa totoo lang, hindi ko magawang magalit sa kanya. Siguro dahil pinaghintay ko siya nang ilang oras kanina. Pagkatapos inilibre pa niya ako ng kikiam at fishballs. Bayad ko na sa kanya kumbaga na huwag nang magalit.
Sa totoo lang, mas nag-iba na talaga ang tingin ko sa pagkatao ni Ross. Bawat sandali na lumilipas at nakakausap ko siya, mas nakilala ko siya nang lubusan. Sa bawat pagkatao niyang nakikilala ko, mas napapatunayan niya sa akin ang sarili niya. Medyo napapatunayan na niyang hindi nga siya ang taong nakilala ko mula sa kalayuan at sabi-sabi ng karamihan.
Na ang totoong Ross Eliseo Valentin ay normal na tao rin pero may mabuting kalooban. Ang bading man pakinggan pero medyo nagiging okay na siya sa akin. Okay bilang tao, ha. Hindi bilang boy—eeww—friend dahil kadiri iyon.
Nakakatuwa lang din ang mga bagay na nalaman ko tungkol sa pagkatao ni Ross. Mahilig siya sa kikiam at fishball. Wala na siyang mommy tulad ko. Hindi ako natuwa roon, okay? May half-brother siya. No girlfriend since birth daw siya. Na hindi ko alam kung totoo. Mas gusto niya ng Royal na soft drinks. Baseball daw ang first love niya. Pero nang ayain siya ng tropa niya noong high school na mag-try out sa basketball, nag-try siya. Ang ending, siya ang nakuha. Iyong tropa niya, nalaglag.
November twenty-nine siya ipinanganak. Buwan ng mga patay. Kaya raw pamatay ang kaguwapuhan niya. Higit sa lahat, ang babaw ng kaligayahan niya. Kahit kasi korni ang jokes at hirit ko, tinatawanan niya.
Napansin ko ang puting jacket ni Ross na nasa paanan ko sa kama. Kinuha ko iyon gamit ang paa ko. Ang ganda ng jacket na iyon. Ang lambot ng tela kaya ang sarap isuot. May nakasulat sa likod na “Valentino,” “twenty-nine” naman ang number niya.
Wala sa sariling inamoy ko ang jacket. Hanggang ngayon, nandoon pa rin ang pabango niya. Sininghot-singhot ko iyon nang ilang beses hanggang sa may na-realize ako.
“Potek! Ano’ng ginagawa ko? Bakit ko `to inaamoy? `Lakas makabading!” sabi ko, saka inihagis sa labahan ang jacket. “Hindi ko `yon inaamoy para maamoy ang katawan ni Ross, okay? Inaamoy ko lang `yon kasi ang bango talaga ng pabango ng damuho na `yon,” depensa ko.
Natapos ang gabi na pinapaniwala ko ang sarili ko na inaamoy ko ang jacket dahil sa mabangong pabango at hindi dahil jacket iyon na isinuot ni Ross.
Nagising ako kinabukasan na wala na si Kuya John sa bahay. Mukhang maaga na naman siyang umalis dahil every Saturday ay may faculty meeting sila. Si Kuya Joseph lang ang nadatnan ko sa kusina na nag-aamusal na. Seryoso niya akong tiningnan. Hindi ko alam kung galit ba siya o ano.
“Mag-almusal ka na,” pag-aaya niya.
“Mamaya na, Kuya. Wala pa akong gana, eh,” pagtanggi ko at pumunta sa kusina, saka nagmumog. Habang nasa bibig ko pa ang tubig ay nagsalita uli si Kuya Joseph.
“Wala kang gana? Bakit? Buntis ka ba?”
Bigla akong nabilaukan. Nalunok ko ang minumumog kong tubig. Humarap ako kay Kuya Joseph na may halong pandidiri at gulat ang nakarehistro sa mukha. “Buntis? Lintik, Kuya. Ano’ng pinagsasabi mo? Tomboy nga ako, `di ba? Paano ako mabubuntis?”
“Kahit tomboy ka, may ano ka pa rin. `Tapos lalaki pa ang boyfriend mo. Malaki ang posibilidad mong mabuntis,” sagot niya habang kumakain ng pandesal. “Bunso, ah. Sinasabi ko sa `yo. Naku.”
“Tigil-tigilan mo ako, Kuya. Hindi ko boyfriend `yon. Tomboy nga ako. Ano ba sa salitang tomboy ang hindi mo ma-gets?”
“Tomboy ka, `tapos hindi mo boyfriend `yon? `Sus, kung hindi mo boyfriend, ba’t tumakas ka kagabi para lang makipagkita sa kanya? Kaya pala paulit-ulit mong tinitingnan ang oras, ha. Papatulugin mo lang kami, saka ka tatakas.” Ngumisi siya. “Bunso, been there done that.”
“Ang hirap mong paliwanagan, my goodness!” pagsuko ko. “Isipin mo kung ano ang gusto mong isipin. Bahala ka sa life mo. Basta sinasabi ko ang totoo.”
“Ang gusto ko lang naman, magsasabi ka ng totoo. Hindi `yong tatakas ka pa. Puwede mo naman dito na lang sa bahay papuntahin ang boyfriend mo. Hindi `yong magkikita pa kayo sa labas.”
Natampal ko ang noo ko. “Ewan ko sa `yo. Bahala ka.”
“Akala mo makakaligtas ka? Isusumbong kita kay John.”
Napanguso ako. “Kuya naman, eh. Hindi na mauulit pagtakas ko. Promise.”
Napangisi si Kuya Joseph. “Sige, hindi kita isusumbong. In one condition. Ikaw ang mag-general cleaning ngayon.” Tumaas-taas ang mga kilay niya. “Para `di kita isumbong. May lakad kami ni Ate Rayne mo.”
Nakakainis. Siya ang nakatokang mag-general cleaning ngayon, eh. Pero hindi bale na. Para hindi niya ako isumbong kay Kuya John, sige, payag na ako.
“Okay, fine,” pagpayag ko.
“May pasalubong ka sa `kin pag-uwi ko.”
“No, thanks. Sabihin mo brief na naman ang pasalubong mo.”
Natawa siya. “Hindi, ah. Boxer naman. Iyong pink na may flowers.”
Umalis na ng bahay si Kuya Joseph habang nag-aalmusal ako. Pagkatapos kumain ay inilibot ko ang mga mata ko sa buong bahay. Agad akong nanlumo sa kalat na nakita ko. Iyon ang mahirap kapag puro lalaki ang nakatira sa isang bahay. Masyado talagang makalat. Iyong kusina namin tambak ang hugasin. Hindi ko nga pala nahugasan ang mga kaldero kagabi. Ang sala naman, punong-puno ng alikabok. Nasa tabing-daan kasi ang bahay kaya madali talagang pumasok ang alikabok. Kailangan na ring palitan ang mga punda ng mga unan. Pati rin pala ang mga kurtina. Tambak din ang labahin namin.
Hindi pa man ako nag-uumpisa sa paglilinis ay napapagod na ako.
Mabuti na lang, hindi kasama sa general cleaning ang paglilinis ng mga kuwarto nina Kuya John at Kuya Joseph. Kanya-kanya kasi kaming linis pagdating sa mga kuwarto namin. Ayaw ni Kuya John na may pumapasok sa kuwarto niya dahil nagugulo ko ang book collection niya. Si Kuya Joseph din ayaw akong papasukin. Palibhasa ang dami niyang porn magazine. Eeww!
Pero kahit na. Hindi ko feel maglinis ngayon. Tinatamad ako. Gusto kong mag-marathon ng Tokyo Ghoul . Mas gusto kong humilata at magpahinga dahil Sabado ngayon.
Hanggang sa may bright idea akong naisip. Hindi ka lang guwapong tomboy. Matalino ka pa. Ikaw na talaga. Ikaw na ikaw na ang that’s my tomboy ng lugar ninyo!
Nakangising pumasok ako sa kuwarto ko at dinampot ang cell phone ko. Nag-text ako kay Ross.
Ako: Oy!
Medyo natagalan siyang mag-reply. Mga ten minutes ang lumipas. Mukhang busy ang damuho.
Ross: Bakit? Miss mo na ko? :D
Napaikot ako ng mga mata sa sobra niyang assuming. God, saan siya humuhugot ng self-confidence?
Ako: Miss asawa ni mass.
Ross: Ha? Di ko gets.
Ako: Slow mo lang kamo. May task number two na ko sayo.
Ross: Ano?
Ako: Punta ka rito sa bahay.
Ross: Hala, bakit? Bata pa ko. Di pa ko ready sa sex.
Ako: Tarantado. Ang laswa ng utak mo. May ipapagawa ako sayo.
Ross: Ano?
Ako: Basta. Pumunta ka na lang dito. Daming tanong ng lecheng to.
Ross: Baka nandiyan kuya mo, ha. Baka bugbugin ako nun.
Ako: Lol. Takot? Bading!
Ross: Di, no. Kaya ko bugbugin iyon pero siyempre di ako papalag. Kuya mo iyon, e. Kailangan ko irespeto ang kuya mo ;)
Kinilabutan ako sa kindat niya. Jusko. Dugyot!
Ako: Whatever. Pumunta ka na. Ako lang tao dito.
Ross: Sinasabi ko sayo tombs, ha. Wag mo kong i-seduce. Kahit tomboy ka, lalaki pa rin ako.
Ako: Pupunta ka ba dito o di na kita ilalakad kay Donna?
Ross: On my way na boss. See you :* :D
Ako: K.
Napaikot na lang ako ng mga mata sa pinagsasasabi ni Ross. `Kapal ng mukha. Huwag ko raw siyang i-seduce? As if naman. Kahit maging babae uli ako, hindi ko siya trip. Ayoko kaya sa jejemon.
Inilapag ko na ang cell phone ko sa kuwarto, saka pumunta sa sala. Hindi pa nga ako nakakaupo sa upuan, may narinig na akong bumusina sa tapat ng bahay namin. Pagtingin ko sa bintana, nakita ko ang kotse ni Ross. Ang bilis naman ng damuho. Pinalipad ba niya ang kotse niya? Lumabas ako at pinuntahan siya. Napa-‘wow’ ako nang makita ko ang porma ni Ross ngayon. Simpleng fitted na white T-shirt, shorts na maong at tsinelas. Kahit nakapambahay siya, ang linis niyang tingnan. Akala mo model ang dating. Model ng inidoro.
Pero ang guwapo niya—ko talaga. Tama. Ang guwapo ko talaga kahit kailan.
“`Oy, tombs. Natulala ka diyan? Guwapong-guwapo ka na naman sa `kin ngayong umaga.”
“Mas makapal pala mukha mo sa umaga,” sabi ko at binuksan ang gate. “Pasok ka.”
“Naku, tombs. Sinasabi ko sa `yo. Marupok akong lalaki kapag sine-seduce ako.”
“Pukpukin ko kaya ng martilyo ulo mo, `no? Pasok!” bulyaw ko.
Naunang pumasok si Ross sa bahay dahil naiwan ako sa labas para isara ang gate. Pagpasok ko sa loob, nadatnan ko siyang nakaupo sa sala at nakataas pa ang mga paa.
“Aba, welcome na welcome ang damuho. Hoy, pakibaba ang paa mo. Wala ka sa pamamahay mo. Hindi ka bisita dito.”
“Eh, ano ako?” Tiningnan niya ang picture frame na nasa tapat niya. “Ikaw `yan, tombs, noong bata ka pa? Potek! Ang ganda mo pala, eh. Bata ka pa lang pala mahaba na buhok mo? `Di ka nagpapagupit?”
“Buwisit ka dito. Saka, oo, ako `yan. `Wag mo nang tingnan.” Umupo ako sa harap niya.
Umayos si Ross ng upo. “Anong task number two ko?”
“Teka, bakit pala ang bilis mong nakapunta dito? Pinalipad mo kotse mo, `no?”
“Oo. Hindi ko ba nasabi sa `yo?”
“Nasabi ang alin?” nagtataka kong tanong.
“Na ako si Superman? `Wag kang maingay, ha. Secret lang natin `yan.”
“Baka superjejemon ka! Bakit nga?”
“Eh, diyan lang naman ako kina Donna galing.”
Nagulat ako. “Nakina Donna ka na ng ganito kaaga?”
Tumango siya. “Oo. Actually kanina pang seven AM. Doon nga ako nag-almusal, eh,” todo-ngiti niyang sagot.
Natahimik ako sandali. Ewan ko ba, parang bigla akong nainis nang malaman kong kanina pa siya kina Donna na hindi ko man lang alam. Pero bakit ko nga pala kailangang malaman?
“Tombs, bakit ka nanahimik?”
“`Wag kang magulo. Nauutot ako.”
Natawa siya. “Sabay tayong umutot. Ready?”
“`Nang `to. Ang dugyot talaga! Tumayo ka.”
“Bakit?” nagtataka niyang tanong pero tumayo rin naman.
“Dito ka.” Itinuro ko ang harap. Sumunod naman si Ross. Lumipat ako sa upuang inuupuan niya, saka ako humiga. “Ang task number two mo ay mag-general cleaning.”
“Ha? General cleaning? Ano’ng lilinisin ko?” gulat niyang tanong.
“Baka bahay ng kapitbahay namin,” sarkastiko kong sagot. “Malamang `tong bahay namin.”
“Sure ka? Maglilinis talaga ako?” alangang tanong niya.
“Oo nga. Paulit-ulit? Bakit hindi mo ba kaya?” pang-aasar ko.
“Ako pa ba sinusubukan mo? Sanay ako sa paglilinis, `no. Ako kaya naglilinis sa condo ko.” Hinubad ni Ross ang suot na T-shirt, saka ibinato sa mukha ko. “Game. Bring it on!”
Tinanggal ko sa mukha ko ang T-shirt. Nakita ko siyang nag-stretching. “Ano’ng ginagawa mo?”
“Streching. Kailangan `to para `di sumakit ang katawan ko sa paglilinis.”
“`Dami mong alam.”
Tumawa lang siya sa sinabi ko.
Pinagmasdan ko lang si Ross sa ginagawa niya. Nag-flex pa siya ng muscles sa harap ko. Hulmang-hulma ang six-pack abs niya. Ang ganda rin ng biceps ng damuho. In all fairness, ang ganda ng katawan—ko.
“Ano’ng una kong lilinisin?”
“Bahala ka na. Basta bilisan mo. Three hours lang ang ibibigay ko sa `yong oras. Kapag `di ka natapos in three hours na `yon, task failed ka. Uulit ka sa task number two ko.”
“`Sus! Kahit two hours lang kaya kong tapusin lahat. Watch and learn!” Naglakad na siya papuntang kusina.
“Ang yabang mo! `Tado ka, maglalaba ka rin!”
“Kahit paliguan pa kita kayang-kaya ko,” pagyayabang niya habang nagsisimula na sa kusina.
Pinabayaan ko na lang si Ross na maglinis sa kusina habang ako naman, nagma-marathon ng Tokyo Ghoul sa sala. Dinig na dinig ko ang pagtunog ng mga kaldero sa kusina. Mukhang sanay nga sa paglilinis ang damuho dahil nang tingnan ko, malinis na ang mga kaldero. Kumakanta pa siya na akala mo enjoy na enjoy sa paglilinis.
Ang bilis niyang maglinis. Ang organize niya ring mag-ayos. Grabe. Nagulat ako na wala pang dalawampung minuto, tapos na niya ang kusina. Nawindang din ako na wala talagang natirang kalat. Ang linis. Akala mo professional katulong ang naglinis sa kusina namin.
Inilabas ko na rin ang mga labahin na kailangang labhan. Limang basket iyon na pulos marurumi. Tag-isang basket sina Kuya John at Kuya Joseph habang tatlong basket naman ang sa akin. Marunong din si Ross maglaba kaya lalo akong nawindang. Habang hinihiwalay niya ang puti sa de-kolor ay napatingin siya sa akin.
“Tombs, pati ba `to lalabhan ko?”
Napatingin ako sa kanya at nanlaki ang mga mata ko. “Hoy! Hindi! Akin na `yan!” sigaw ko, saka inagaw ang panty ko na hawak niya. “Kailangan pa talagang itaas?”
Tumawa siya. “Sorry. Ang cute ng panty mo, ha. May flowers na design. Akala ko brief na rin ang isinusuot mo.”
“Manahimik ka.” Inirapan ko siya at bumalik na uli sa sala.
Pinabayaan ko na lang si Ross habang naglalaba. May washing machine naman kami kaya hindi siya mahihirapan. Binigyan ko rin siya ng fabric conditioner at tina. Pero ang fabcon lang ang kinuha niya. Pangit daw sa damit ang tina. Madali raw masisira ang damit.
“Paano mo naman nalaman `yan, aber?” taas-kilay kong tanong.
“Turo sa `kin ng yaya ko noon. Saka simula nang tumira ako sa condo, ako na rin ang naglalaba ng mga damit ko,” nakangiti niyang sagot. “Gusto mo pati ikaw labhan ko na rin? Dali, hubad!”
“Ang halay mo!” sagot ko na ikinatawa niya.
Habang naglalaba si Ross, inutusan ko siyang magluto. Nanonood nga kasi ako ng anime. “Ross! Iluto mo `yong popcorn. Nasa fridge nakalagay!”
“Yes, boss! Sandali lang. Magsasampay lang ako.”
Napangisi ako habang nakahiga. Ang sarap talaga kapag may utusan sa bahay. Ibinigay ko rin sa kanya ang mga bagong kurtina at punda ng mga unan. Sabi ko, palitan niya lahat ng kurtina sa bahay. Sinunod naman niya agad.
Habang kumakain ako ng popcorn at nanonood, nagpapalit naman si Ross ng kurtina sa sala. Mukhang pagod na siya dahil pawisan na ang buo niyang katawan. Pero nakakaasar lang dahil hindi naha-haggard ang hitsura ng damuho. Fresh pa rin ang mukha. Ang huling ginawa niya ay ang magwalis.
“Ross, tabi. `Di ko makita `yong TV!” pagpapaalis ko sa kanya habang nagwawalis siya. “Paharang-harang ka diyan, eh.”
“Sorry na, boss. Ang dami lang kalat sa sahig, eh.”
“`Ge. Bilisan mo diyan, muchacho.”
“Ang guwapo ng muchacho mo, ha,” sabi niya habang nagwawalis pa rin.
Mayamaya pa ay natapos na ni Ross sa lahat ng ipinapagawa ko. Nilibot ko ang buong kabahayan na umaliwalas na dahil sa sobrang linis.
“Ano, boss? Ayos ba ang paglilinis ko?” tanong niya habang nakaupo sa tapat ko.
“Uhm, puwede na. Mapagtitiisan na,” pagbibiro ko kahit sa totoo lang, approved na approved ang paglilinis na ginawa ni Ross. Wala akong makitang kalat.
“May ipapagawa ka pa ba?”
“Aba, ang sipag.” Ngumisi lang siya. Kinuha ko ang two hundred sa bulsa ko. “Ito two hundred. Bumili ka ng isang kilong baboy. Iluto mo na rin, ah. Iadobo mo. Bumili ka na rin ng rekado. Dapat may sukli pa `yan.”
Kinuha ni Ross ang pera. “Two hundred lang `to, `oy. Hindi two thousand.”
“O, bakit? Tawaran mo! Gamitin mo `yang hitsura mo. Doon ka sa kanto bumili.”
“Kapag ginamit ko `tong kaguwapuhan ko, baka libre pa ibigay sa `kin.”
“Mayabang. Masyadong bilib sa sarili.”
“Watch and learn, baby!” Kumindat pa siya.
Maglalakad na sana si Ross palabas pero pinigilan ko.
“Bakit? May ipapabili ka pa?”
“Wala na. Isuot mo lang `to!” Inihinagis ko sa kanya ang T-shirt niya. “Mahirap na at baka mahalay ka ng mga bading diyan sa labas. Kargo de konsiyensiya ko pa `yon.”
Napangisi siya. “Naks. Selosa ang baby ko.”
“Baby mo mukha mo.”
Tumatawa siyang lumabas ng bahay.
Wala pang dalawampung minuto ay bumalik na ng bahay si Ross na may dalang tatlong supot ng plastic. Mayroon din siyang dalang 1.5 litro ng Royal kaya lalo akong nagulat.
“ Taena . Ang dami mong bitbit, ha? May soft drinks ka pa.”
“May sukli pa `yan. Ito, o.” Ibinato niya sa akin ang fifty pesos.
“Hoy! Bakit may sukli pa kahit ang dami mong napamili? Iyong totoo? Namakla ka, `no?”
“Asa naman. `Di ako gano’ng klaseng lalaki.”
“Eh, ano’ng ginawa mo?”
“Ginamit ko lang `tong kaguwapuhan ko,” nakangisi niyang sagot. “Tuwang-tuwa sa `kin `yong tindera ng baboy sa kanto. Tinanong niya kasi kung tagasaan ako. Sabi ko, malapit lang at bagong lipat lang ako kasama ang asawa kong buntis. `Tapos `ayun, nakipagkuwentuhan siya. Tawa siya nang tawa sa akin. Itong mga gulay, hindi na niya pinabayaran sa `kin. At itong baboy, isandaan na lang isiningil niya. Binigyan niya pa ako ng libreng Royal kasi sabi ko naglilihi ang asawa ko.”
Dapat ko palang isama si Ross kapag mamamalengke ako. Tiyak kapag kasama ko siya, malaki na ang matitipid ko, marami pa akong mabibili.
“Iluto ko na `to, ha,” pagpapaalam niya. Hinubad niya uli ang T-shirt na suot.
“Marunong ka? Siguruhin mong masarap `yan.”
“Chef kaya ang daddy ko. May-ari din kami ng tatlong restaurant dito sa lugar natin,” sagot ni Ross. “Masarap `tong luto ko. `Wag kang mag-alala. Pero mas masarap ako.”
“`Lul. Pero `di nga? May-ari kayo ng tatlong restaurant? Ano’ng pangalan?” curious kong tanong.
“Iyong Valentin’s Restaurant,” sagot niya habang naghahanda na sa pagluluto.
“What?” Bigla akong nagulat. “Sa inyo `yon?”
“Oo, bakit? Valentin `yong restaurant. Valentin apelyido ko, `di ba?” natatawa niyang sagot.
Natigilan din ako at inisip ang sinabi ni Ross. Oo nga, ano. Bakit ngayon ko lang naisip na Valentin nga pala siya? Sila pala ang may-ari ng restaurant na iyon? Ang sarap-sarap ng carbonara doon, eh. Sa sobrang sarap nga, ginto ang presyo. Sa sobrang mahal ng mga pagkain doon, dalawang beses pa lang akong nakakapasok doon. Noong na-promote si Kuya John dati, pagkatapos noong birthday ko last year. Hindi kami basta-basta kumakain doon dahil nga ang mahal.
“Inyo pala `yon? Jusko , Ross. Ang sarap ng carbonara doon! Heaven ang lasa, dre,” naglalaway kong sabi.
“Gusto mo pala ng carbonara doon? Sige, dalhan kita minsan.”
“`Di nga? Sigurado ka?”
“Oo nga. Promise.”
“Naku, Ross, hulog ka ng heaven sa `kin!” galak na galak kong sagot.
Tumawa siya. “Oops. Baka ma-in love ka sa `kin, ha. Bawal `yan, brad.”
Bigla akong natigilan sa sinabi niya. Parang may kumirot sa puso ko.
“Ha! Asa ka naman. Lalaki ako. Ma-in love ka diyan.” Inirapan ko siya, saka ibinaling sa TV ang mga mata. Hinayaan ko na lang ang sarili kong manood kahit hindi na pumapasok sa utak ko ang pinapanood ko. Biglang nagulo ang utak ko sa sinabi ni Ross.
As if naman na mai-in love ako, hindi ba?
As if naman.
As— Leche ka. Hindi ako mai-in love sa iyo.
Habang nagluluto si Ross at nanonood ako ng TV, bigla ko siyang narinig na sumigaw. Akala ko kung napaano na siya kaya bigla akong napatakbo sa kusina. Pagtingin ko sa kanya, hawak-hawak niya ang cell phone niya. Galak na galak siyang nakatingin doon at halos mapunit na ang mga labi sa lapad ng ngiti niya.
“Bakit? Anong meron?” nagtataka kong tanong.
“Si Donna, tombs.” Todo-ngiti talaga siya.
“O, anong meron kay Donna ko?”
“Inaya niya akong mag-date bukas!” Tuwang-tuwa talaga siya. “Nakakahiya na siya pa ang nag-aya pero shit lang. Sobrang saya ko, tombs. Ano’ng kailangan kong isuot? Iyong mas guguwapo ako sa paningin niya? Hala. Ganito pala kasaya kapag lalabas ka kasama ang taong gusto mo. `Daming tumatakbo sa utak mo.”
Napatingin lang ako kay Ross habang tuwang-tuwa siya. Talagang gustong-gusto niya si Donna. Kung hindi naman niya kasi iyon ganoon kagusto, hindi siya magiging mukhang bata dahil sa sobrang kasiyahan. Para siyang bata na inilabas ng magulang at pinapili kung ano ang gustong laruan. Iyong ngiti niya halos umabot na sa mga tainga. Iyong mga mata niya rin, kumikislap sa sobrang tawa.
Habang nakatingin ako kay Ross, bigla akong nainis sa hindi ko alam na dahilan. Nainis ba ako dahil lalabas si Donna na kasama si Ross? O mas naiinis ako dahil lalabas si Ross na kasama si Donna? Hindi ko na maintindihan ang nararamdaman ko. Tomboy ako, hindi ba? Pero bakit naiinis akong makitang ganoon kasaya ang damuho?
“Bahala ka kung ano’ng susuotin mo,” sagot ko, saka tumalikod. Naglakad na ako papunta sa sala nang bigla akong hawakan ni Ross sa braso. Napatigil tuloy ako sa tapat ng pinto ng bahay namin.
“Bakit, tombs? Bakit bigla kang nagseryoso? May nasabi ba akong masama?” seryoso niyang tanong. Titig na titig ang mga mata niya sa mga mata ko. Para akong nalulunod sa mga tingin niya.
“Wala, `no. Ano ka ba.” Sinubukan kong bawiin ang kamay ko. “Iyong kamay ko, brad.”
“Bakit naging seryoso ka? Kanina lang ang daldal mo pa.”
Napaiwas ako ng tingin. Hindi ko kayang tumitig sa mga mata ni Ross. Nalulunod talaga ako sa mga tingin niya sa akin. Mahirap nang malunod sa mga tingin niya dahil baka mamalayan ko na lang ang sarili ko na hindi na makaahon.
“Ano ba? Bitawan mo nga ako!” naiinis kong sagot. “Isa. Hindi ako natatawa, ah.”
“Bakit ba kasi? May nasabi ba akong ikinainis mo?”
“Wala nga.”
“Eh, bakit nagseryoso ang mukha mo? Alam mo, sa ilang araw na magkasama tayo, tombs, napansin kong kumukunot ang noo mo kapag may naririnig kang hindi mo gusto.”
Natigilan na naman ako sa sinabi ni Ross. What the— Paano niya nasabi iyon? Ibig sabihin ba niyon, palagi siyang nakatitig sa akin?
Naramdaman ko na naman ang pagkislot ng puso ko. Pakiramdam ko, hinahabol ako sa sobrang bilis ng tibok niyon.
Napasulyap ako kay Ross at titig na titig pa rin siya sa akin. Parang nang mga oras na iyon, ako lang ang nakikita niya at kami lang dalawa ang tao sa mundo.
Napalunok ako dahil sa mga titig niya. Pakiramdam ko, unti-unti na akong nalulunod. At dahil din sa mga titig na iyon, pakiramdam ko, tumitiwalag na ako sa samahan ng mga tomboy. Para kasing unti-unting niyong tinutunaw ang yelong matagal nang nakabalot sa puso ko.
Bago pa ako makapag-react sa mga titig ni Ross, bigla na lang bumukas ang pinto ng bahay. Dahil nasa tapat lang kami ng pinto, agad kaming nakita ni Kuya Joseph.
Nagulat si Kuya Joseph nang makita kami. Pero mas lumaki ang mga mata niya nang mapatingin sa kamay ni Ross na nakahawak sa kamay ko at sa katawan nito na walang pang-itaas na damit.
Lintik na `yan! Ano na namang dahilan ang sasabihin ko sa kanya ngayon?