CHAPTER TWENTY-FOUR
T AHIMIK lang kaming tatlo nina Kuya John at Kuya Joseph habang kumakain ng almusal. Para kaming nasa library kung kumain dahil bawal gumawa ng ingay. Ewan ko ba sa kanilang dalawa kung bakit ang tahimik nila. Para silang may seryosong iniisip. Iniisip ba nila ang pagdating ni Ross ngayon kaya tahimik sila?
Pero impossible naman na magiging ganoon sila kaseryoso dahil lang darating ang jejemon na iyon. Hindi ko nga sigurado kung darating pa ba si Ross dahil sa pag-away ko sa kanya kagabi. Hanggang ngayon nga, wala pa ring text ang leche kung pupunta pa o hindi na.
Baka naisip niyang huwag na lang at doon na lang kay Donna pupunta. Eh, di okay. Magsama silang dalawa.
As if naman magseselos ako. Huwag ko lang talaga siyang makikita dahil isasampal ko sa kanya ang platong pinagkakainan ko.
Lalo lang akong na-bad trip ngayong umaga dahil naalala ko na naman iyon.
Mukhang kahit ano ang gawin ko, talagang si Donna pa rin ang nasa puso ng damuho. So saan niya ako planong ilagay? Sa baga niya? Sa apdo niya? O para mas masaya, sa atay niya?
“Matutuloy ba ang pagpunta ni Ross ngayon, bunso?” tanong ni Kuya John.
“Hindi ko alam,” walang gana kong sagot. “Baka hindi na. May meeting `ata sila ng mga tRoPaNg KhULeTsxZ . Alam n’yo naman `yon. President ng Sa Puso Mo University .”
“Anong baka hindi na?” Napataas ang boses ni Kuya John. “So pinaglololoko lang tayo ng Valentin na `yan, gano’n ba? Pinagtitripan ka lang niya, bunso!”
“`Wag ka ngang sumigaw, John. Nakakairita!” asar na sagot ni Kuya Joseph. “Pupunta si Ross ngayong araw. Masyado kang mapanghusga. `Wag gano’n, `tol.”
Gulat kaming napatingin ni Kuya John kay Kuya Joseph.
“Paano mo naman nalaman na pupunta siya, aber?” curious kong tanong. “Hindi na `yon pupunta. Nagsawa na `yon sa `kin. Palagi kong inaaway, eh.”
“Magka-text kami. Magkatawagan pa kaming dalawa kagabi hanggang madaling-araw,” kaswal na sagot ni Kuya Joseph. “Actually, papunta na nga siya ngayon.”
“What? Magka-text kayo ng jejemon na `yon? Kailan pa?” Lalo akong nagulat. “`Tapos magkatawagan pa kayo kagabi? `Awkward n’on, ah. Dalawang bro, callmate? Ano `to? Bromance?” Natawa ako. “‘Bro’ sa personal, pero ‘babe’ sa cell phone. Eeww.”
“`Nakaraan pa. Noong pumunta siya dito, hiningi ko sa kanya `yong number niya,” proud na sagot ni Kuya Joseph. “Biniro ko pa nga siya na pasahan ako ng ten pesos load pero tinototoo niya. Pinasahan ako ng isandaan.”
“Kuya, nakakahiya! Baka isipin n’on pineperahan natin siya!” inis kong sabi.
“Pineperahan? Bakit humingi ba tayo ng pera sa kanya? Hindi naman, ah. Load lang, uy! Saka bukal sa loob niya `yon. Sabi niya pa nga, kapag kailangan ko ng load, text ko lang siya. May loading station ba `yon?”
“Mayaman lang talaga sa load ang jejemon na `yon. Alam mo naman kapag jejemon, pala-text at pala-group message. GaNdAnG gAbi PhOwsxz GM .”
“So, Joseph, kilala mo na pala si Ross? Ako na lang pala ang hindi nakakikilala sa kanya sa personal?” seryosong tanong ni Kuya John. “All this time, nakakausap mo na siya na hindi ko alam?”
Nakakainis sina Kuya Joseph at Kuya John. Hindi pinapansin ang joke ko. Ang funny kaya!
“Na-meet ko lang siya by accident.” Halatang kinakabahan si Kuya Joseph. “Saka `wag ka nang magselos, John. Makikilala mo naman siya ngayon. I-close mo para pasahan ka rin ng load.”
“May pan-load ako. Hindi niya ako kailangang pasahan.” Uminom ng kape si Kuya John. “Siguruhin niya lang talaga na seryoso siya dito kay bunso kundi…”
“Kundi ano?” tanong naman ni Kuya Joseph. “May magagawa ka ba? Malakas kapit n’on sa school na pinagtatrabuhan mo? Puwede kang masipa anytime.”
“Eh, di ipasipa niya. Pero bago ako mawalan ng trabaho, bubugbugin ko muna siya.” Tumingin sa akin si Kuya John. “Sabihin mo sa kanya `yan, bunso. Hindi `kamo ako natatakot na mawalan ng trabaho kapag sinaktan ka niya. Hindi ako takot kalabanin ang mga Valentin.”
“Opo, Kuya,” nakangiti kong sagot.
“Ikaw naman, bunso—”
Napatingin ako kay Kuya Joseph.
“—nagsumbong sa `kin kagabi si Ross.”
“Ano namang isinumbong n’on?”
“Inaway mo raw siya. Masyado ka raw selosa.” Napangisi si Kuya Joseph. “Ang bunso pala namin, masyadong selosa. Hindi ko ma-imagine.”
“Eh, di `wag mong i-imagine. Hindi ako seloso,” iritado kong sabi.
“`Sus. Kitang-kita sa mukha mo na nagseselos ka kay Donna, bunso.”
Kumunot ang noo ko.
“Bunso, makinig ka sa sasabihin ko. Hindi por que nabanggit ng isang lalaki ang babaeng gusto niya noon, eh, gusto niya pa rin ngayon. Nagbabago ang puso ng isang tao. `Yong like niya noon, puwedeng hindi na niya gusto ngayon. Pero kahit gano’n, hindi nawawala ang care niya para sa taong dati niyang nagustuhan. It just that… kapag nagkagusto ka, kahit lumipas na ang panahon at may bago ka nang nagugustuhan, ang care mo para sa taong dati mong gusto ay hindi mawawala kahit kailan.”
“Kuya, hindi mo alam ang pinagsasabi mo kasi hindi mo alam ang nararamdaman ko,” yamot kong sabi. “Hindi mo alam kung gaano kagusto ni Ross si Donna noon. Hindi nga lang gusto. Mahal pa. Mahal na mahal, Kuya. Kaya kapag napag-uusapan namin si Donna, feeling ko mahal niya pa rin `yon.”
Natawa si Kuya Joseph. “Bunso, alam na alam ko `yan. Noong bago pa lang kami ni Rayne, ganyan din ang palagi naming pinag-aawayan. Lagi siyang nagseselos sa ex-girlfriend ko. Pinaintindi ko sa kanya na relasyon lang naman ang natapos sa `min at hindi ang care ko para sa ex-girlfriend ko. After all, may past kami and memories na hindi na mabubura kahit kailan. Sinabi ko lang sa kanya na care lang ang meron ako para sa ex ko at hindi na pagmamahal. Iyong love ko kasi, nasa kanya na lahat. Shit. Ang cheesy ko talaga.”
“Oo, ang cheesy mo at ang pangit mong kiligin,” yamot ko uling sabi.
Pero naisip ko ang sinabi ni Kuya Joseph. Puwede nga kayang care lang talaga ang meron si Ross para kay Donna kaya ganoon siya mag-react sa nangyayari kay Donna ngayon? Pero iba kasi ang feeling ko. Parang kahit sinabi niyang ako na ang gusto niya ngayon, feeling ko si Donna pa rin talaga.
Let’s say na gusto na nga ako ni Ross. Pero iyong level ba ng pagkagusto niya ay natapatan o nalampasan ba iyong level ng pagkagusto niya kay Donna noon? Saka hindi naman sinabi ni Ross na mahal niya ako at care lang talaga ang nararamdaman niya para kay Donna.
Hindi ko alam kung saan ko ilulugar ang sarili ko. Hindi ko alam kung may karapatan ba akong magselos. Kinakain talaga ako ng inggit.
Naiinggit ako dahil kompara sa akin, mas matagal na kilala ni Donna si Ross. At pakiramdam ko, kapag nagbago ang takbo ng isip ni Donna, siya pa rin ang pipiliin ni Ross. Habang ako, maiiwan akong nag-iisa. Maiiwang luhaan. Paano ako nito? Kaya ko bang tanggapin iyon, lalo na ngayong lunod na lunod na ako kay Ross at alam kong `di ako agad makakaahon?
“Bunso, `wag kang masyadong mag-isip. Paano kayo magtatagal ni Ross if ever kung simula pa lang, wala ka nang tiwala sa kanya?” sabi ni Kuya Joseph. “Hayaan mong patunayan niya ang sarili niya sa `yo. Tiwala lang kasi, bunso. Kung wala kang tiwala, wala kang tiyaga.”
“Kapag may tiyaga, may nilaga `yon, Joseph. Kung ano-anong mga kasabihan na naman ang pinagsasabi mo,” singit ni Kuya John. “Mukhang pabor na pabor ka doon kay Ross, ah. Ano’ng isinuhol niya sa `yo?”
“Suhol? Wala,” pagtanggi ni Kuya Joseph pero halata namang meron.
Sasagot pa sana si Kuya John pero napatagil siya nang mag-ring ang cell phone niya. Nagkatinginan silang dalawa ni Kuya Joseph. Seryoso ang mukha ng mga kuya ko. Parang may seryosong nangyayari.
Dinampot ni Kuya John ang cell phone niya, saka naglakad papunta sa kuwarto niya.
“Ano `yon, Kuya?”
Napailing si Kuya Joseph. “Wala `yon. Baka sa trabaho ni John.”
Pero alam kong hindi iyon tungkol sa trabaho ni Kuya John. Sigurado akong may seryosong nangyayari na ayaw nilang malaman ko o hindi ko puwedeng malaman kahit kailan.
Nagpatuloy kami sa pagkain ni Kuya Joseph nang bigla kaming may marinig na busina sa labas ng bahay. Nagkatinginan kami, saka ngumisi si Kuya Joseph.
“Nandiyan na ang Prince Charming ko.”
“Prince Charming? Baka Prince Praning.”
“Tampururot. Labasin mo na si Ross doon at papasukin.”
“Bakit ako?”
“Alangang ako? Ako ba ang nililigawan niya?” Napaisip si Kuya Joseph. “Uhm, puwede rin. Kapag naging boyfriend ko si Ross, tiba-tiba ako sa kanya for sure. Mayaman na, basketball player pa. Puwede kong sabihin sa kanya na manood kami ng laban sa Los Angeles.”
Tinapunan ko si Kuya Joseph ng nandidiring tingin. “Nakakadiri ka, Kuya. Bading ka ba?!”
“Nakakaloka ka, sister.” Natawa rin siya. “Sunduin mo na si Ross doon.”
“Potek! Hassle.”
“Ginusto mo `yan, eh. Ginusto mong ma-in love.”
Hindi ko ito choice. Choice ito ng bobo kong puso.
Tumayo na ako at nagpunta sa pinto. Pero bago ako lumabas ay sinilip ko muna si Ross sa bintana. Nakatayo siya sa tapat ng kotse niya. Ayos na ayos ang damuho. Akala mo aakyat ng binyag. Ang guwapo niya sa suot niya ngayon. Nakaputing long-sleeve siya na nakatupi hanggang sa mga siko, saka jeans.
Ang guwapo ng walanghiya! Akala mo a-attend ng shooting. Shooting? Akala ko ba a-attend ng binyag? Eh, di shooting ng binyag.
“Labasin mo na, bunso! Sinisilip mo pa, `yong laway mo natulo na!”
“`Kapal lang, Kuya. `Di ako maglalaway sa hitsura niya.”
“Eh, ano `yang nasa bibig mo?”
Hinawakan ko ang bibig ko at may laway nga.
“`Di ba, may laway? Drooling si bunso kay Ross,” pangangasar uli ni Kuya Joseph. “Nahawakan mo na abs ni Ross, bunso? Ikaw, ha. Sinasabi ko sa `yo, hanggang hawak lang muna. Huwag muna pasok.”
“Kuya, ang dugyot mo! Buwisit ka!” Inirapan ko na lang siya, saka lumabas.
Napatingin sa akin si Ross, saka ngumiti nang makita akong lumabas. Kahit gusto kong ngumiti, pinigilan ko ang sarili ko. Naalala ko kasing bad trip pa rin ako sa kanya ngayon.
“Good morning,” nakangiti niyang bati nang buksan ko ang gate. Sumalubong sa akin ang mabango niyang amoy. Mukhang naligo siya sa pabango ngayon.
“Ano’ng ginagawa mo dito?” seryosong tanong ko kunwari.
“Uh—ano.” Parang batang napakamot sa ulo si Ross. “Dadalawin ko lang sana si Mary Jovelyn Salazar. Diyan kasi siya nakatira.” Itinuro niya ang bahay namin. “Diyan nakatira `yong babaeng—este, tomboy na nagmamay-ari ng puso ko.”
“Ha-ha-ha-ha-ha! O, `ayan. Limang tawa for you. `Ge. Puwede ka nang umalis.”
“Tombs naman. Galit ka pa rin ba?” Nawala ang masayang ngiti ni Ross, naging malungkot. “Sorry na. `Di naman kasi gano’n `yon sa inaakala mo.”
“Ayokong pag-usapan `yan.”
Napabuntong-hininga siya. “Tombs, makinig ka naman kasi,” malumanay niyang sabi. “Ikaw na ang gusto ko. Ikaw na ang gusto ng puso ko. Nag-aalala lang talaga ako kay Donna. Hanggang doon na lang iyon. At kahit ikaw, kahit nasaan ako, kapag kinailangan mo ako, pupuntahan kita. Ganoon kita kagusto, tombs. Kaya `wag mong iisipin na si Donna pa rin ang gusto ko kasi nasasaktan ako. Parang hindi ka naniniwala sa mga sinasabi ko. Ikaw na ang gusto ko, Mary Jovelyn Salazar. Kaya `yan ang paniwalaan mo.”
“Hoy! Mamaya na ang drama! Pumasok na kayo dito!” biglang sigaw ni Kuya Joseph. “Oy, Ross. Dala mo ba ang mga suhol mo sa `kin?”
“Oo, Kuya Joseph. Dala ko,” sagot naman ni Ross. “`Usap tayo mamaya, tombs.”
Papasok na sana ako sa loob ng bahay nang hawakan niya ako sa kamay para pigilan.
“Bakit?”
“Tulungan mo `kong ipasok `tong mga bitbit ko.”
“Mga bitbit?” tanong ko at tumango lang siya.
Binuksan ni Ross ang kotse niya at tumambad sa akin ang tatlong paper bag ng Nike. May malaking karton din ng National Bookstore.
“Ito, hawakan mo. Ako na ang magbubuhat ng karton.”
Iniabot niya sa akin ang tatlong paper bag at sinilip ko ang laman niyon. Sa isang paper bag, may dalawang shoe box na Nike. Ibig sabihin, anim na pares ngayon na Nike ang hawak ko.
“Kanino `to? Bakit ang dami?”
“Hindi ko kasi alam kung anong Jordan shoes ang gusto ni Kuya Joseph. Kaya `ayan, binili ko na lang ang best sellers sa Nike kahapon.” Binuhat ni Ross ang malaking karton. “Tara na.”
Pumasok na kami sa bahay at hindi ko pa nailalapag ang paper bags na hawak ko, hinablot na iyon ni Kuya Joseph sa akin.
“Ito na `yong Jordan shoes, Ross? Tae. Ang dami. Salamat, `tol. The best ka!” parang bata na sabi niya habang tinitingnan ang mga sapatos. Akala mo ngayon lang makakapagsuot ng sapatos kung umasta.
Lumabas naman ng kuwarto si Kuya John kaya binati siya ni Ross.
“Good morning, Sir Salazar,” magalang na bati ni Ross. “Para sa inyo `tong box.”
“Ano’ng laman niyan? Bomba?” seryosong tanong ni Kuya John.
Natawa si Ross. “Hindi po. Mga libro `yan. Nabanggit sa `kin ni MJ na mahilig ka raw magbasa kaya dinalhan kita ng mga libro.”
Binuksan ni Kuya Joseph ang box kaya napatingin kaming tatlo sa kanya.
“Wow! John, tingnan mo. Harry Potter box set. Divergent box set,” sabi niya habang pinaglalalabas sa malaking karton ang mga libro. “ Mortal Instruments . The Lord Of The Ring . Uglies . The Hunger Games . `Daming libro naman nito.”
Napatingin ako kay Kuya John na seryosong nakatingin sa mga libro. Parang may masarap na pagkain ang nakahain sa harap niya kung makatitig siya. Guilty pleasure talaga ni Kuya John ang mga libro. Siguro kahit mawalan ng Internet or everything, basta may libro, masaya na siya.
“Kung may kulang pa sa libro, sabihin mo lang sa `kin, Kuya John. `Di ko kasi alam mga titles ng mga gusto mong basahin kaya pinagkukukuha ko na lang ang mga best sellers.” Napakamot si Ross ng ulo. “Pumunta ka na lang sa bookstore sa mall sa bayan. Ninong ko may-ari n’on. Sabihin mo na lang na ilista sa `kin ang mga librong kukunin mo at okay na.” Ngumiti siya.
Parang nagningning ang mga mata ni Kuya John dahil sa sinabi ni Ross. Patay tayo diyan. Si Kuya John pa naman ang tipo ng tao na libro lang ang kinaadikan. Tuwing sahod, sa bookstore agad ang punta niya para bumili ng libro.
Itinabi ko muna ang mga bitbit ni Ross at naupo kami sa upuan. Magkakatabi kaming tatlong magkakapatid sa mahabang upuan habang si Ross naman, nasa harap namin.
Mukhang kinakabahan si Ross dahil pinagpapawisan siya ngayon. Pero lintik lang. Ang guwapo pa rin niya. Halos mag-pinkish na ang mga pisngi niya dahil sa init sa sala namin.
“Seryoso ka ba talaga sa kapatid namin?” paninimula ni Kuya John. “Hindi mo ba siya pinagtitripan?”
Tumingin sa akin si Ross bago sumagot. Ngumiti siya. “Seryoso po ako kay tomb—este, MJ, Sir.”
“Seryosong-seryoso? Paano ang mga babae sa school na patay na patay sa `yo? Ano’ng gagawin mo sa kanila kapag nalaman nila na nililigawan mo ang kapatid ko? Alam mo naman ang iba sa kanila, patay na patay sa `yo at handang gawin ang lahat manatili ka lang na single.”
“Hindi ko po maipapangakong mapipigilan ko ang mga babae na `yon,” magalang na sagot ni Ross. “Pero ipapangako ko pong poprotektahan ko siya.”
“That’s my boy! Hooray!” sagot ni Kuya Joseph kaya tiningnan siya nang masama ni Kuya John. “Sorry, bro. Na-carried away lang.”
“Ang balita ko, si Donna ang gusto mo. Paano kung magbago ang isip ni Donna at sabihin niyang gusto ka na niya? Ano’ng gagawin mo? Iiwan mo ang kapatid ko?” tanong uli ni Kuya John.
Nagkatinginan kaming dalawa ni Ross. Naging seryoso ang mukha niya, nawala ang ngiti. Gusto ko sanang mag-walk out. Ayokong marinig ang sasabihin niya. Ayokong masaktan. Kasi alam ko naman na kahit ano ang mangyari ay si Donna pa rin talaga at—
“Si MJ na ang gusto ko ngayon.” Seryosong nakatingin si Ross sa akin habang sinasabi ang mga salitang iyon. “Aaminin kong special pa rin si Donna sa `kin `til now. I’ve been in love with her since I was young. But it does not mean na siya pa rin ang nilalaman ng puso ko.” Nagkatinginan uli kaming dalawa. “Ngayon ko na-realize kung bakit ako ni-reject ni Donna. Kasi para pala ako kay MJ.”
Kung posibleng marinig ng isang tao ang tibok ng puso, siguro kanina pa nabingi sina Kuya John, Kuya Joseph, at Ross sa lakas ng pintig ng puso ko ngayon. Pakiramdam ko, aatakihin ako dahil sa pinagsasabi ng lecheng si Ross. Paano niya nasasabi ang mga sweet words na ganoon na hindi kinakabahan?
“Hindi babae magsalita at kumilos `tong si MJ,” sabi ni Kuya Joseph. “Mabilis uminit ang ulo nito sa isang bagay, lalo na kapag bad trip na bad trip siya.”
“Alam ko po,” nakangiting sagot ni Ross.
“Hindi siya marunong magluto,” sabi naman ni Kuya John. “Pati maglaba, hindi rin.”
“Alam ko rin po,” sagot uli ni Ross.
“Tulog-mantika `yan. Tumutulo ang laway niyan kapag natutulog,” sabi naman ni Kuya Joseph kaya natawa si Ross. “Minsan hindi `yan naliligo. Mas gusto niya lang manood ng anime kaysa maligo.”
“Kapag umiiyak `yan, hindi `yan titigil hangga’t hindi mo siya niyayakap. Kapag wala siya sa mood, `wag mo siyang kakausapin kasi mag-aaway lang kayong dalawa. Hindi `yan kumakain ng patatas. Bawal siya sa guyabano kasi nagpapantal ang balat niya. Kapag tahimik siya, `wag mong tatanungin kung ano’ng problema. Tabihan mo lang siya at iparamdam mo sa kanya na hindi mo siya iiwan,” si Kuya John.
“Kahit maraming flaws `yang bunso namin, mahal na mahal namin `yan. Kaya… kaya `wag mo `yang lolokohin, Ross. `Wag mo `yang papaiyakin. `Wag mo siyang sasaktan… kasi kami na ni John ang nagpalaki diyan. Hindi namin kayang makita na umiiyak `yan.” Nagpunas ng mga luha si Kuya Joseph. “Hoo! John, `di ko na `to kaya. Naiiyak na `ko. `Di ko kayang makitang mag-aasawa na si bunso.”
“Ano ba, Kuya Joseph. Magtigil ka nga. Para kang bata. `Yong mga pinagsasasabi mo, para namang mag-aasawa na ako.” Tumingin ako kay Ross. “`Wag mo `yang pakinggan. Abnormal `yan.”
Natawa lang si Ross. “`Wag kayong mag-aalala. Hindi ko maipapangakong hindi ko siya masasaktan dahil part `yon ng isang relasyon. Pero makakaasa kayo na kapag nasaktan ko siya, hahayaan ko kayong suntukin n’yo ako.”
“Ross Valentin, binabalaan kita. Wala akong pakialam kahit mayaman ang pamilya n’yo. Kapag talaga sinaktan mo `yang si MJ, masasaktan ka sa `kin,” sabi ni Kuya John.
“Opo. Hindi ko po `yan kakalimutan.” Ngumiti si Ross. “Kaya po sana, bigyan n’yo po ng blessings `tong relasyon namin ni MJ.”
“Hoy! Relasyon ka diyan. Excited ka?” sabi ko pero nginisihan lang niya ako.
“Fine. Tutal naman gustong-gusto ka rin nitong si MJ, hahayaan namin kayo,” sabi ni Kuya John.
“Salamat po, Sir.” Halatang nakahinga nang maluwang si Ross sa sinabi ni Kuya John.
“Hoy, Joseph. Tumigil ka nga. Ano ba ang iniiyak-iyak mo diyan?” sermon ni Kuya John.
“Ang hirap lang kasi, bro. Parang kailan lang, tinatanong pa tayo ni MJ kung anong napkin ang gagamitin niya noong unang beses siyang magkaro’n. `Tapos ngayon, may boyfriend na siya.”
“So, Kuya Joseph, ano’ng gamit na napkin ni tombs? With wings ba?” si Ross.
“Hindi. With brief kaya!” sabi ni Kuya Joseph kaya nagtawanan silang tatlo.
“Mga buwisit kayo! Mga bully!” sigaw ko sa kanila.
Nagkuwentuhan pa sila habang nakikinig lang ako. Nagkuwento si Kuya Joseph ng mga pinaggagagawa ko noong bata pa ako kaya tawa nang tawa si Ross.
Pansin ko na enjoy rin si Kuya John sa pakikipag-usap kay Ross kaya nabunutan ako ng tinik. Mukhang nagbago na ang pagtingin niya kay Ross.
Magla-lunch na nang magpaalam si Ross dahil may basketball practice pa raw siya. Inaya nga siya ni Kuya John na sa bahay na kumain pero hindi raw puwede. Next time na lang daw at siya pa raw ang magluluto. Tuwang-tuwa naman si Kuya Joseph dahil alam niya kung gaano kagaling magluto si Ross.
Inihatid ko sa labas si Ross. Nasa may gate na kaming dalawa, sa tapat ng sasakyan niya.
“Wooh! Shit. Nakaraos din. Akala ko mahihimatay ako kanina, eh.”
“Ha? Bakit kinakabahan ka ba?” nagtataka kong tanong. “Para ngang chill ka lang.”
Natawa siya. “Hindi. Kabadong-kabado kaya ako. Lalo na kay Kuya John. Hawakan mo ang kamay ko. Kanina pa `yan namamawis.”
Hinawakan ko ang kamay ni Ross at oo nga, namamawis. Nang bibitawan ko na, bigla niyang hinawakan nang mahigpit ang kamay ko. First time kong mahawakan nang ganoon ang kamay niya. Ang lambot ng palad niya kahit nagba-basketball siya.
“Iyong kamay ko po, binabawi ko na,” nag-aalangan kong sabi.
Pagtingin ko kay Ross ay seryoso siyang nakatingin sa akin. Titig na titig siya na parang gusto niyang malunod ako sa kanyang mga mata. Lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko.
“Tombs, I like you. I really, really, like you. God, ikaw ang gusto ko.”
“Teka—”
“Pakinggan mo muna ako.”
Napatigil ako.
“Wala na akong feelings kay Donna. Everything that we had was already in the past. Ikaw na ang present ko ngayon and hopefully ang future ko rin. Shit. I don’t know how to say this. Pero please, believe me, tombs. Ikaw na talaga ang gusto ko. I’m so sorry kung masyado akong naging insensitive last night. Aminado akong mali ako. Maling-mali ako na pinag-usapan natin si Donna. Pero, believe me. Wala na talaga akong feelings sa kanya. Nag-aalala lang talaga ako.”
Napahinto si Ross. Ako naman, hindi ko alam ang sasabihin. Para akong nawalan ng dila. O sadyang hindi lang talaga ako makapagsalita dahil hindi ako sanay na ganoon siya ka-vocal sa feelings niya?
“Tombs.” Hinawakan ni Ross ang dalawa kong kamay. “You’re the one I really like. You’re now my two AM thoughts. You’re the first person I think when morning comes. You’re my goddamn thing in between. So, please. Sana paniwalaan mo ako. Kasi kahit buksan mo ang puso ko ngayon, makikita mong pangalan mo ang itinitibok nito.”
Naramdaman kong papatulo na ang mga luha ko kaya umiwas ako ng tingin. “Buwisit ka, Valentin!” Mahina kong sinuntok ang dibdib niya. “Ang korni mo. Ang korni mo. Leche!”
“Ikaw kasi. Ginagawa mo akong korni.” Niyakap ako ni Ross, saka hinalikan ang tuktok ng ulo ko. “I wish we could stay like this forever.”
Iyon din ang hiling ko. Sana… sana mag-stay tayo sa ganitong posisyon forever. Iyong parang tayong dalawa lang ang tao sa mundo. Iyong walang ibang nabubuhay bukod sa atin. Iyong tanging ikaw lang at ako.
Kasi sa totoo lang, Ross Eliseo Valentin, ikaw na talaga ang gusto ko. Itong tomboy na `to, itong yakap-yakap mo, lunod na lunod na sa `yo. At alam kong mahihirapan akong umahon kapag nagkataon.