CHAPTER-TWENTY-NINE
H INDI ko alam kung ilang oras na akong nakaupo sa labas ng bahay at nagmumuni-muni. Masyadong tahimik ang paligid at halatang natutulog na ang mga kapitbahay. Pero ako, heto at nasa labas pa rin dahil hindi makatulog. Pinipilit ko kasing kalimutan ang nangyari kanina. Pinipilit kong kumbinsihin ang sarili ko na mas okay na iyon para matapos na at hindi na kami pareho pang mahirapan. Pero everytime na sinasabi ko sa sarili ko na mas okay na kami sa ganito, alam kong hindi ako okay. Hinding-hindi ako magiging okay.
Alam kong hindi iyon ang gusto ko at alam ko sa sarili na hindi ako sasaya sa nagawa kong desisyon. Hindi ko na talaga maintindihan ang utak ko. Hindi ko na alam ang tama sa mali. Ang makakabuti para sa aming dalawa. Kasi kahit tuluyan na kaming naghiwalay, pareho lang kaming nahihirapan. Palagi kaming naiipit sa isang sitwasyon kung saan kami lang din ang parehong nasasaktan.
Lalo na kapag bumabalik sa isip ko ang reaksiyon ng mukha ni Ross kanina. Iyong malungkot niyang ngiti habang umiiyak. Everytime na naaalala ko iyon, nadudurog ang puso ko. Parang ten times ang nagawa kong pagdurog sa puso niya kompara sa pagwasak niya sa puso ko.
Nasasaktan ako sa totoo lang. Nasasaktan ako dahil hindi ko mapatawad ang sarili ko sa kadahilanang ako mismo ang dahilan kung bakit nasasaktan si Ross ngayon.
“Hindi ka makatulog?”
Napalingon ako nang marinig ko ang boses ni Kuya John na nasa may pintuan. Nakasuot siya ng reading glass at mukhang kakatapos lang gawin ang trabaho niya. May dala rin siyang tasa na may kape siguro. Iyon naman ang palaging iniinom niya habang ginagawa ang trabaho niya.
Tumango na lang ako sa tanong ni Kuya John at hindi na sumagot pa. Hindi ko alam kung papaano siya kakausapin sa mga oras na iyon dahil hindi pa rin naman kami ayos. Masyado lang awkward.
Akala ko papasok na si Kuya John sa bahay at hahayaan ako pero hindi. Nagulat na lang ako nang umupo siya sa tabi ko. Umusog ako nang kaunti para makaupo siya nang maayos.
Tahimik lang kami. Walang nagsasalita sa aming dalawa. Napansin kong tumingala siya sa langit at biglang ngumiti. Hindi iyong klase ng ngiti na masaya. Kundi iyong klase ng ngiti na alam mong may malungkot na pangyayari na naalala.
“Ang liwanag ng langit. Ang daming bituin,” panimula ni Kuya John habang nakatingala pa rin at pinagmamasdan ang kalangitan. “Nakikita niya rin kaya `to ngayon?”
“Sinong siya?” curious kong tanong kung sino ang tinutukoy niya.
Sinulyapan niya ako. “Si Dianne.” Nakangiti pa rin siya. “Iyong first girlfriend ko.”
“O,” nasabi ko na lang.
Hindi ko inaakalang babanggitin ni Kuya John ngayon ang first girlfriend niya. Ayaw na ayaw niya kasing pinag-uusapan iyon dahil para sa kanya, past is past na raw. Pero alam kong hanggang ngayon, may feelings pa rin siya kay Ate Dianne kahit matagal na silang wala. Mahirap kayang kalimutan ang kauna-unahang taong binuhusan mo ng buong pagmamahal mo.
“Kuya, mahal mo pa ba siya?”
Malungkot siyang ngumiti. “Siyempre. Hindi `yon magbabago. Kahit ilang taon na kaming wala, siya pa rin talaga ang mahal ko.”
“Kung mahal mo pa siya, bakit hindi mo balikan? Kung mahal mo pa rin siya, bakit hindi mo siya puntahan at kausapin nang maayos?”
“Ikaw, bunso? Kung mahal mo siya, bakit hindi mo siya puntahan ngayon?”
Napatahimik ako sa tanong ni Kuya John.
Natawa lang siya sa reaksiyon ko. “Hindi naman por que mahal mo, kailangan mo nang balikan, bunso. Paano mo babalikan ang isang taong masaya na ngayon at hindi ka na kailangan? Isang taon matapos kaming maghiwalay ni Dianne, nakita ko siya sa mall. Kasama niya ang bago niyang boyfriend. Ang saya-saya niya. Puno ng kaligayahan ang mukha niya. Ang tagal kong hindi nakita ang ganoong kasiyahan kay Dianne habang kami pang dalawa. Sa tingin mo, bunso, gugustuhin ko pa siyang guluhin?”
Hindi ako nakasagot sa sinabi ni Kuya John. Nakinig lang ako sa mga sinasabi niya.
“Alam kong noong kami pang dalawa, mas lamang ang kalungkutan ni Dianne kaysa sa kasiyahan na naibibigay ko sa kanya. Hindi ko kasi siya mabigyan ng oras. Palagi akong abala sa pag-aaral ko at part-time job. Minsan, nakakalimutan kong may girlfriend pala ako na hindi ko nabibigyan ng sapat na atensiyon. Sa sobrang busy at stress ko, hindi ko na siya napapahalagahan. Lalo na kapag sumasabay ang problema ko sa pamilya natin at pangungulit ni Dianne sa `kin. Mag-aaway na kaming dalawa.”
Tumawa si Kuya John kahit alam kong nasasaktan siya. Ngayon ko lang siya nakita na ganoon kahina. Iyong ipinapakita niya ang totoo niyang emosyon. Palagi kasi siyang seryoso.
“`Tapos inaya pa ako ni Dianne na magpakasal. After daw ng graduation. Siya naman daw ang intindihin ko at hindi na lang puro kayo. Doon na natapos ang lahat. Sabi ko, hindi pa ako handa. Sabi ko, hindi pa ako sigurado sa kanya. Doon ko siya lalong nasaktan. Nawalan na ng gana sa `kin si Dianne. Kaya `ayun, iniwan na niya ako.”
Huminga ako nang malalim. “Nagsisisi ka ba, Kuya? Nagsisisi ka bang mas pinili mo kami ni Kuya Joseph kaysa kay Ate Dianne noon? Nasagi ba sa isip mo na mali ka ng desisyon?”
“Hindi, ah. Kahit kailan hindi sumagi sa isip ko na mali ang desisyon ko dahil kayo ang pinili ko kaysa sa kanya. Mas importante ang pamilya, bunso. Ang pamilya ang pinakaimportante sa mundong `to. Kung may pagsisisi ako, `yon ang hindi ko naipakita kay Dianne kung gaano ko siya kamahal. Kung gaano siya kaimportante sa `kin at kung gaano ako kasaya sa kanya noong kami pang dalawa. Nagsisisi akong hindi ko nasabi sa kanya na willing naman akong pakasalan siya. Basta maghintay-hintay lang siya at dadating din kami doon. Ilang ulit ko bang in-imagine si Dianne na nakasuot ng wedding gown habang naglalakad papunta sa altar habang hinihintay ko siya?”
Bumuntong-hininga si Kuya John. “Iyon lang ang tangi kong pinagsisisihan. Hindi ko nasabi sa kanya ang mga bagay na nilalaman ng puso ko. Hindi ko nasabi na siya ang babaeng gusto kong makasama habang-buhay. Iyong babaeng una kong makikita sa tabi ko paggising ko sa umaga. Pero wala, eh. Huli na ang lahat. Hindi ko na puwedeng sabihin sa kanya iyon dahil masaya na siya. Masaya na siya na wala ako sa buhay niya.” Nakagat ni Kuya John ang labi niya. “Ang dami kong pagsisisi noong nawala siya sa `kin. Pero `yon na lang ang puwede kong gawin—iyong magsisi dahil naging tanga ako.”
Tinanggal ni Kuya John ang salamin niya, saka kinamot ang gilid ng mga mata. Mukhang naiiyak siya. Kung maiyak man siya ngayon, first time ko siyang makikitang umiiyak.
“Mula nang maghiwalay kami hanggang ngayon, puro what if tuloy ako. Marami ka kasing maiisip na posibleng mangyari. Mga pangyayaring hanggang sa isip mo lang dahil hindi na matutupad. Wala na kasi, eh. Wala na ang taong pinakamamahal mo kaya hindi na matutupad ang mga what if mo.”
Saglit kaming natahimik.
“Bakit ko `to sinasabi sa `yo, bunso? Ayoko kasing matulad ka sa `kin. Iyong mabuhay ng puro pagsisisi dahil sinayang mo ang chance na makasama ang taong mahal mo. Ayokong mabuhay ka sa puro what if at kapag naaalala mo ang taong una mong minahal, imbes na mapapangiti ka, malulungkot ka. Malulungkot ka dahil sinayang mo ang chance.”
Sandali akong tumingin kay Kuya John, saka nag-iwas ng tingin.
“Natatakot kasi ako, Kuya,” pag-amin ko. “Natatakot ako na baka kapag binigyan ko pa siya ng chance, lalo akong masaktan sa future. Masyadong masakit ang naranasan ko sa kanya. What more pa ang mga mararanasan ko in the future? Makakaya ko ba? Ayoko maging tulad ni Mama, Kuya. Iyong palaging umiiyak. Iyong palaging nasasaktan. Kaya… kaya sa tingin ko okay na ang ganito.”
“Sa tingin mo? Hindi ka sure? Ngayon ba, bunso, hindi ka ba nasasaktan? Hindi ka ba nahihirapan dahil sa nangyayari ngayon sa inyo? Sa tingin mo rin, ano’ng mas mahirap, o saan ka mas nasasaktan? Iyong nasaktan ka ngayon ni Ross o `yong tuluyan na kayong magkalimutan na parang walang nangyari sa inyo?”
Natahimik ako. Hindi dahil hindi ako makasagot, kundi dahil alam ko na mismo sa sarili ko ang kasagutan sa tanong ni Kuya John. Mas natatakot ako na tuluyan kaming magkalimutan ni Ross.
“Bunso, wala naman kasing perpektong relasyon. Hindi puro kasiyahan ang mararamdaman mo. Palagi `yang may ups and downs. Palaging may butterflies and heartache. Palaging may ngiti at luha. Palaging may saya at lungkot. Palaging kakabog ang dibdib mo sa sobrang kilig o kakabog dahil sa sobrang sakit. Ang mahalaga sa isang relasyon, `yong hindi kayo naghihiwalay kahit mapunta ang relasyon n’yo sa delikadong posisyon. Iyong pareho kayong marunong magpatawad. Iyong mas pipiliin n’yong magkaayos kaysa maghiwalay. Hanggang marunong magsisi ang isang tao sa mali niyang ginawa at nangangakong hindi na uulit pa, matuto kang magpatawad.”
“Kuya, naguguluhan na talaga ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Lalo na sinabi ni Ross kanina na titigil na siya sa panunuyo sa `kin. Sumuko na `ata siya nang tuluyan.”
Natawa si Kuya John. “Hindi `yon sumuko. Binigyan ka lang n’on ng space. Binigyan ka lang niya ng panahon para makapag-isip. Iyon pa? Eh, patay na patay sa `yo `yon.”
“Weh? Paano mo nalaman?”
“Pumunta siya sa faculty office kanina. Kinausap ko siya. May dala pa ngang flowers, eh. Ibinigay niya ba sa `yo?”
Tumango ako.
“Kita mo na? Hindi `yon susuko, bunso. Kahit halatang nahihirapan na siya sa panunuyo sa `yo, hindi `yon marunong sumuko. Ang laki kaya ng tarpaulin niya sa school, `di ba?”
“Kuya naman, nang-asar ka pa, eh.”
“Alam mo, bunso. Hindi ako naniniwala na si Donna talaga ang gusto ni Ross noong una.”
“Ha? Bakit naman?”
“Uhm, naalala mo noon? Tinanong kita kung fangirl ka ni Ross at lumayo ka sa kanya dahil hindi ko siya gusto dahil sa mga issue niya sa school na babaero siya?”
Napatango ako.
“Two years ago kasi, palagi ko siyang nakikita na nakasulyap sa `yo. Minsan sinusundan ka niya ng tingin. Kapag mag-isa lang siya at magkakasama naman kayo nina Alex at Anton? Bigla siyang mapapangiti.”
“Ay, baliw?”
Natawa si Kuya John. “Hindi. Napapangiti siya habang nakatingin sa `yo. Ngumingiti siya na parang nakikita niya ang babaeng gustong-gusto niya. Kaya naisip ko tuloy na ginawa niya lang excuse `yong kay Donna para mapalapit sa `yo. Ang ilap mo kasi sa school. Kaya hindi ka niya makausap nang matino.”
Napatunganga ako sa narinig ko. Hindi kasi ako makapaniwala sa sinabi ni kuya. Hanggang sa maalala ko minsan na nakikita ko si Ross sa building namin. Two times a day ko siyang nakikita na dumadaan sa room namin, saka susulyap. Minsan, nagkakatinginan kaming dalawa. Minsan naman, umiiwas na agad ako ng tingin. Kadalasan kapag makakasalubong ko siya, lumiliko ako dahil nababanas ako sa pagmumukha niya. Bakit ngayon lang nag-sink in sa akin ang lahat?
“Kung gano’n… ibig sabihin, matagal na akong kilala ni Ross?”
“Gano’n na nga, bunso. Akala ko noong una gusto ka lang niyang pagtripan. Nagbago lang ang pagtingin ko sa kanya nang pumunta siya rito sa bahay para pormal na humingi ng blessings para sa inyo. Pinagmamasdan ko si Ross habang nakatingin sa `yo. Iyong mga tingin niya, tingin ng isang taong in love. Iyong puno ng pagmamahal. Kapag hindi ka nakatingin sa kanya, nakatitig siya sa `yo.”
“Teka… teka, Kuya. Hindi mag-sink in sa utak ko ang mga sinasabi mo. Pakiramdam ko sasabog ang utak ko sa mga nalalaman ko. Kung gano’n nga? Eh, ano ang sinasabi niya na first love niya si Donna? Hindi tugma ang kuwento, eh.”
“Hindi ako ang makakasagot niyan kundi siya.” Itinuro ni Kuya ang babaeng naglalakad papunta sa gawi namin. Si Donna. “Sa kanya mo na lang tanungin, bunso. Paniguradong siya ang nakakaalam ng lahat. As much as possible, ayusin mo na ang problema mo, bunso. Unti-untiin mo, para naman makausap mo na si Papa.”
Tumayo si Kuya John at papasok na sana sa bahay nang pigilan ko siya.
“Kuya!”
“Bakit?”
“Thank you!” Ngumiti ako. “And sorry.”
Yumuko siya at hinalikan ako sa ulo. “Sorry din, bunso.” Ngumiti siya, saka tuluyan nang pumasok sa bahay.
Huminto si Donna sa harap ko kaya napatayo ako.
“Ano’ng kailangan mo?” seryoso kong tanong. “Wala kaming tindang yelo. Ubos na.”
“Pumunta lang ako dito para sabihin sa `yong wala sa kabilang kanto `yong pakialam mo. Sabi mo hanapin ko doon, `di ba?” seryoso niyang sagot. “Nasaang kanto ba talaga para naman mahanap ko na?”
Hindi ko alam kung seryoso ba si Donna sa tanong niya o hindi. Hindi ko tuloy napigilan ang sarili kong matawa. Bigla siyang ngumiti nang makita akong tumawa.
“Ano’ng inginingiti-ngiti mo diyan?”
“Hay. MJ, I’m so tired. Napapagod na ako sa away nating dalawa. Never kong na-imagine na mapupunta tayo sa ganitong sitwasyon. Iyong mag-aaway lang dahil sa isang lalaki. Kasi to be honest, wala naman talaga akong gusto kay Eli. Never akong nagkagusto sa kanya at gano’n din siya sa `kin. Paano magkakagusto sa `kin si Eli kung iisang babae lang ang gusto niya mula noon hanggang ngayon?”
“Hindi ko na ma-gets. Hindi ka kasi mag-explain!”
“Paano ako mag-e-explain kung ayaw mo namang makinig, MJ? Ilang beses na akong sumubok mag-explain sa `yo pero kung hindi mo ako sasampalin, hindi ka naman makikinig.”
Nanahimik ako. Totoo naman kasi ang sinabi ni Donna. Ilang beses ko na ba siyang nasampal tuwing magkakausap kaming dalawa? Nauunahan kasi ako ng galit.
“Once in for all, MJ. Please, makinig ka nang mabuti. I’m doing this for Eli. Para sa effort niya. Nasa sa `yo na kung magiging mag-bessy pa rin tayo after this. Pero sana, kahit si Eli na lang, bigyan mo siya ng chance.”
Huminga si Donna nang malalim. “Ikaw talaga ang gusto ni Eli. Ikaw lang at wala nang iba. Iyong sinabi niya sa `yong ako ang gusto niya kaya siya nagpapatulong sa `yo na ilakad siya sa `kin, lies lang `yon. Ginawa niya lang `yon para malapit sa `yo. Hindi ka ba nagtataka? Bakit pumayag si Eli na maging car wash boy sa school n’yo o linisin ang bahay n’yo? Hindi dahil para mapatunayan niya sa `yo na seryoso siya sa `kin. Kundi gusto niyang makita mo na seryoso siya sa isang bagay na ginagawa niya. Para makita mo na seryoso siya sa `yo kapag sinabi na niya ang totoo.
“MJ, guwapo si Ross. Malakas ang appeal. Pero alam mo ang mali sa kanya? Torpe siya. Natotorpe siya pagdating sa babaeng gusto niya. Akala mo nagpapatulong siya sa `yo para sa `kin? No. Mali ka. Actually siya ang nagpapatulong sa `kin para mapalapit sa `yo. Iyong pagbasag mo ng sasakyan niya? To be honest, hindi niya `yon sasakyan. Sa tropa niya. Nagkataon lang na nakita ka niya at nagpanggap siya na sasakyan niya `yon para makausap ka niya. Pero natakasan mo siya.
“Lahat ng gala n’yo sinasabi niya sa `kin. Iyong pagpunta n’yo ng Tagaytay, pagtambay n’yo sa seaside habang kumakain ng fishball at kikiam? Iyong pag-o-open niya sa `yo tungkol sa sarili niya? Ginagawa niya ang lahat ng iyon para mas makilala mo siya. At tuwing nag-uusap kami na ikaw ang topic? Iyong mga mata niya, kumikislap na halatang in love na in love sa `yo.”
Hindi ko ma-take ang mga nalalaman ko. Hindi ko alam kung maniniwala ako sa sinasabi ni Donna o hindi.
“Wait. Naguguluhan ako. Kung totoo man `yang sinasabi mo, eh, bakit tuwing ikaw naman ang topic namin, kumikislap din ang mga mata niya na parang in love na in love sa `yo? Nagkakalokohan ba tayo dito?” nababanas kong tanong.
“Hindi mo ba gets? Kumikislap ang mga mata ni Ross dahil kausap ka niya. Hindi dahil ako ang topic n’yo. Isinasali niya lang ako sa usapan n’yo para hindi mo mahalata na ikaw talaga ang gusto niya!”
Naiinis na si Donna. Aba, mainis lang siya. Naiinis din kaya ako sa kanya.
“Noong nag-date kayo, nakita ko na hinalikan mo si Ross. `Tapos kinabukasan n’on, nalaman ko sa kanya na ni-reject mo siya. Kitang-kita ko sa hitsura niya `yon. Halatang nasasaktan.”
“Noong nag-date kami?” Napaisip si Donna. “Ay! Kinabukasan n’on, death anniversary ng mama niya. Mahal na mahal ni Eli ang mama niya kaya tuwing death anniversary nito, mukha siyang miserable. Iyon din `yong time na hindi pumasok si Eli, `di ba? Gusto niya lang daw magkulong sa condo niya. Pero dahil itinext mo siya, nakipagkita siya sa `yo. Pero nag-walk out ka raw. Hindi niya alam kung saan ka pumunta.”
“Pinuntahan kita noon, `di ba?”
Tumango si Donna. “Yup. Iyon ang first time mo akong inaway dahil kay Eli. Akala ko nakabuti ang pagtulong ko para malapit kayo ni Eli sa isa’t isa. Pero na-misunderstood mo pala lahat. Ang timang ko rin kasi dahil hindi ko naisip ang posibleng resulta. Natural lang na maiisip mo na ako talaga ang gusto ni Eli since `yon ang sinabi niya sa `yo.” Ngumiti siya. “Pero, no joke, MJ. Ikaw talaga ang gusto niya. Swear to God. Hindi ako nagsisinungaling.”
Nasabunutan ko ang sarili ko. “Ang gulo-gulo na. Sumasakit ang ulo ko. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong paniwalaan. Hindi ko na alam ang totoo sa kasinungalingan lang.”
“Paniwalaan mo ang sinasabi ni Eli na mahal ka niya. Kasi, MJ, totoo `yon. Mahal na mahal ka ng torpe na `yon. Who would have thought na ang isang Ross Eliseo Valentin ay torpe pala?” Natawa si Donna.
Napaupo ako dahil pakiramdam ko, nawalan ako ng lakas.
“Noong… noong nakita ko kayo noong nakaraan? Bakit parang ang sweet-sweet n’yo? Sinabi pa sa `kin ni Ross na ikaw lang ang mahal niya simula noong una pa lang at pinagtitripan niya lang ako? Paano mo `yon maipapaliwanag?”
“Kino-comfort niya lang ako noon. Kasi nabanggit ko sa kanya na magkaaway tayong dalawa. Hindi ko lang nasabi sa kanya na siya ang pinag-awayan natin. Dahil baka mag-alala pa siya.” Ngumiti si Donna. “Sorry kung naabutan mo kami sa ganoong posisyon pero wala `yong malisya, MJ. Wala talagang namamagitan sa `ming dalawa. Nagsinungaling si Eli sa `yo dahil alam niya na sobra kang magselos tuwing nababanggit niya ang pangalan ko sa `yo. Hindi mo alam kung gaano siya natatakot tuwing nag-aaway kayo. Hindi niya kasi alam ang gagawin niya.
“Pinapunta kita sa bahay noon para sana ipagtapat na sa `yo ang lahat. Na ikaw talaga ang gusto ni Eli. Mali lang talaga na nagsinungaling si Eli sa `yo at sinabi niyang nasa practice siya. Nagalit sa `yo si Eli noon kasi pakiramdam niya kahit ano’ng gawin niya, hindi ka naniniwala sa feelings niya sa `yo. Na kahit ano’ng gawin niya at patunayan na ikaw ang mahal niya, never kang maniniwala sa effort niya. Kaya `ayun, sumabog siya sa galit. Plus the fact na hindi ka nakikinig sa paliwanag niya. Kahit sino naman maba-bad trip talaga, `di ba?”
“Paano mo nalaman na gusto ako ni Ross?”
“Tanda mo noong birthday ni Mama? `Di ba, umalis ako at sinabi kong may pagdadalhan ako ng pagkain? Si Eli iyon. First time ko lang makapunta na condo niya at nagulat ako sa nakita ko. May picture ka kasi doon.”
“Picture? Anong picture?”
“Tatlong picture `yon, eh. Una, `yong kumakanta ka. Noong may festival daw sa school ninyo.”
Iyon ang time na una kaming magkausap ni Ross. Iyong tinawag niya akong madre kaya halos isumpa ko ang hinayupak na Valentin na iyon.
“Pangalawa, naglalakad ka at nakayuko. Palabas ka na ng school n’yo noon. `Tapos `yong last, nakadungaw ka sa veranda ng classroom n’yo. Nakatunganga sa kawalan. Hiyang-hiya si Eli nang makita ko `yon. Sabi pa niya, ikaw daw ang girlfriend niya.” Natawa si Donna. “Ang epic ng reaksiyon ni Eli noon nang sinabi kong bessy kita at wala kang boyfriend kaya `wag siyang mag-joke. Doon na nagsimula na humingi ng tulong si Eli sa `kin. Na tulungan ko raw siya na mapalapit sa `yo.”
Umupo si Donna sa harap ko at hinawakan ang mga kamay ko. “MJ, please, bigyan mo pa siya ng second chance. Kung may gusto ka pang malaman, si Eli na lang ang tanungin mo. For sure kasi lahat ng gumugulo sa `yo, masasagot niya.” Malungkot siyang ngumiti. “Okay lang sa `kin na hindi mo ako mapatawad. Pero sana, kahit si Eli na lang, patawarin mo siya. Kasi ang torpe na `yon, mahal na mahal ka talaga. Hindi `yon mag-e-effort at mai-in love sa `yo nang two years kung hindi ka niya talaga mahal.”
Tumayo si Donna, saka muling tumingin sa akin. “Masyado nang late. Uuwi na ako, MJ. Iyon lang naman ang ipinunta ko dito. I’m glad na nasabi ko na ang kailangan mong malaman.”
Tumalikod na siya at nagsimulang maglakad nang tawagin ko siya.
“Donna!”
Lumingon siya at ngumiti. “Bakit?”
“Hindi MJ ang pangalan ko. Hindi rin Donna ang pangalan mo. `Di ba, bessy tawagan natin?” sabi ko, saka ngumiti.
Nagulat si Donna kaya bigla siyang napalakad papunta sa akin at niyakap ako nang mahigpit. “`Kainis ka, bessy! Pinapaiyak mo ako! `Wag na tayong mag-away!”
Natawa ako. “Oo na, bessy. Sorry na. Masyado lang talagang naging matigas ang ulo ko.”
Kumawala kami sa pagkakayakap sa isa’t isa.
“Iyang si Eli kasi masyadong torpe. Nagkagulo tuloy lahat.”
“Sinabi mo pa. Iyang jejebuster na `yan, panira ng buhay.”
“Pero mahal mo naman.”
Biglang nag-init ang mukha ko.
“Uy, si bessy, nag-blush.”
Naputol lang ang usapan namin nang biglang tumunog ang cell phone ni Donna. “Si Mama. Mukhang pinapauwi na ako,” sabi niya, saka sinagot ang tawag. “Yes, `Ma? Opo. Nandito po kina MJ… what? Totoo ba `yan? Saang ospital?” Tumingin siya sa akin.
Bigla akong kinabahan sa narinig kong sinabi ni Donna. Namutla ang mukha niya at halatang takot na takot. Ilang segundo rin siyang nakipag-usap sa mama niya habang ako, hindi naiintindihan ang nangyayari. Ang tangi ko lang alam ay may naospital. Pero bakit sobra akong kinakabahan?
“Ano’ng nangyari?” tanong ko nang tapusin ni Donna ang tawag.
“Bessy, si Eli… Naospital si Eli,” takot na takot na sabi niya. “Nabangga raw ang kotse na sinasakyan niya. Lasing kasi siya habang nagmamaneho. Nasa ospital siya ngayon.”
Bigla akong napatakip ng bibig dahil sa sobrang gulat at takot. Para akong sinuntok sa tiyan dahil pakiramdam ko, susuka ako sa pangambang nararamdaman ko.
Lord, please, huwag naman sana.
Tahimik na lang akong napadasal habang nagmamadali kaming pumunta kung nasaang ospital ang damuhong jejebuster na iyon.
Hindi naman madaling mamatay ang mga jejemon, hindi ba?