CHAPTER EIGHTEEN
H indi ko alam kung ilang minuto o baka nga isang oras na akong nasa banyo at nakakulong sa cubicle. Hinayaan ko lang ang sarili ko na umiyak dahil sa mga sinabi sa akin ni Ross kanina. Umiyak lang ako hanggang mawala ang kirot na nasa puso ko. Pero wala yatang katapusan ang sakit na ito. Tuwing naalala ko ang mga sinabi at ang reaksiyon ng mukha niya kanina na halatang nasasaktan, tumutulo na naman ang mga luha ko. Ang sakit talaga. Sobra.
Para akong bata na inagawan ng laruan kaya umiyak na lang nang umiyak kasi walang ibang magawang paraan. Lintik lang talaga. Ngayon na lang ako umiyak nang ganoon nang dahil lang sa lalaki.
Napatigil lang ako sa pag-iyak nang may marinig akong malakas na utot galing sa kabilang cubicle. Akala ko hanggang isang utot lang iyon pero hindi. Sunod-sunod na malalakas na utot ang narinig ko. Mukhang nagsa-soundtrip ang babae sa kabilang cubicle gamit ang utot niya.
Kahit ayoko pang umalis sa cubicle kung nasaan ako, sumibat na ako. Pucha kasing utot iyon, masyadong pamatay. Nakakadiri at nananapak ng ilong sa sobrang baho.
Napatingin ako sa wristwatch ko habang naglalakad pabalik sa classroom. Tama nga ako, naka-skip ako ng isang subject ngayon.
Hindi pa ako nakakalapit sa classroom namin nang makita kong nagsisilabasan ang mga kaklase ko. Lumapit ako kina Antonina at Alexandra nang makita ko sila.
“Saan punta?” tanong ko.
“Sa puwit ko magkakape,” pambabara ni Anton. “Sama ka?”
“Kapag `di ka nakapagkape sa puwit mo, sasapakin kita.” Itinaas ko pa ang kamao ko.
“Biro lang naman, eh. Anyare sa mata mo, `tol?” tanong ni Anton.
“Umiyak ka, brad?” pagsingit naman ni Alex. “Saan ka pala pumunta kanina nang hinabol ka ni Ross? Nahabol ka ba niya? Nag-usap na kayo?”
Saka ko naalala ang sinabi kanina ni Ross na may nagsabi sa kanya na iniiwasan ko siya. “Sino sa inyong dalawang pangit ang nagsumbong sa kanya?”
“Nagsumbong ng alin?” sabay nilang sagot.
“Na iniiwasan ko siya!” gigil kong sabi. “Sino sa inyo? Ikaw ba, Antonina?”
“Kapag nagsumbong, ako na agad? Pangit lang akong tomboy pero `di ako sumbungera, `no!” depensiya ni Anton.
“Eh, sino pala? Ikaw Alex, `no?” tanong ko.
“Hindi ako, ha. Hindi ako bobo para sabihing iniiwasan mo siya,” pagtanggi ni Alex. “Hindi ako bobo,” pag-ulit niya habang nakatingin kay Anton.
“Hindi ko talaga sinabi, brad. Ang sabi ko lang, hindi mo siya gustong makausap kaya tinataguan mo siya. `Di ko sinabing iniiwasan mo siya.” Sabay naming binatukan ni Alex si Anton. “Ouch! Sakit n’on, ha. Puro kayo batok. Paano kapag nabobo ako?”
“Matagal ka nang bobo,” sabi ni Alex.
“` Shunga talaga ng tomboy na `to kahit kailan,” asar kong sabi. “Teka, saan pala tayo pupunta?”
“Sa court, `tol,” sagot ni Alex. “Dapat may exam tayo sa PE ngayon, `di ba? Eh, may lakad si Sir. Kaya tuturuan na lang daw tayong mag-basketball doon ng mga players. `Tas sila maggi-grade.”
“Pucha. Totoo?” gulat kong tanong.
“Oo nga. Skip ka kasi nang skip kaya `di mo alam nangyayari,” pagsingit ni Anton kaya sinamaan ko siya ng tingin. “Joke lang, brad. Sana si Ross magturo sa `tin.”
“Sana hindi,” yamot ko namang sabi. “Sana hindi siya.” Pero may kung anong bahagi sa puso ko na umaasang sana nga si Ross.
Dumating na kami sa gym. Nakaupo sa bleachers ang players. Pito lahat sila. Agad kong napansin si Ross na tahimik lang na nakaupo sa isang sulok at mukhang malalim ang iniisip. Nang mapansin niya ako at magtama ang paningin namin, siya na ang kusang nag-iwas ng tingin. Para akong sinapak sa dibdib dahil sa ginawa niyang iyon. Ang sakit. Sobrang sakit.
May lumapit sa aming isang player. Ginrupo kami sa limang members. Dahil magkakasunod kaming tatlo nina Alex at Anton ng mga apelyido, nasa iisang group lang kami kasama pa ng dalawang lalaki. Dalawang team na lang ang wala pang player na magtuturo. Si Ross at hindi ko alam ang pangalan na lang ang natitirang players na wala pang tinuturuan.
“Pare, ikaw magtuturo sa kanila?” tanong ng isang player kay Ross, patungkol sa team namin.
“`Di na, pare. Itong kabila na lang ang tuturuan ko,” pagtanggi niya, saka pumunta sa kabilang team na nasa tabi lang namin. Nagtilian ang team ng mga babaeng tuturuan niya.
Napa-roll eyes ako sa tilian. Kung makatili naman ang mga `to akala n’yo guwapo `yang si Ross?
“Bakit hindi tayo ang pinili ni Ross? `Di ba, close kayo, `tol?” tanong sa akin ni Anton.
“Obvious ba? Hindi na sila close ngayon,” sagot naman ni Alex.
“Ay! Eh, di open na kayo?” tanong uli ni Anton. “Come in! We’re open! Gano’n?”
“Alam mo, Antonina, nagtataka ako sa `yo. Hindi ko alam kung inosente ka lang mag-isip o sadyang bobo ka lang talaga nang sobra,” pambabara ni Alex.
Hindi na ako nakakibo sa mga tanong pa ni Anton sa akin. Hindi kasi kayang sumagot ng dibdib ko sa sobrang sakit ng pandededma sa akin ni Ross ngayon.
Nagsimula na kaming turuang mag-basketball ng player na hindi ko pa rin alam ang pangalan kasi wala naman akong planong alamin. Tinuturuan niya kami kung paano mag-shoot.
Sa aming lima, ako lang ang hindi nakakapasok ng bola sa ring. Hindi dahil sa hindi ako marunong kundi dahil wala akong gana. Lalo na at nakikita ko si Ross na masyadong nakadikit sa mga babaeng tinuturuan niya. Parang sasabog ang dibdib ko sa sobrang sakit.
Kapag talaga nagkagusto ka sa isang tao, lahat ng simpleng ginagawa niya, nagiging big deal sa iyo.
“Ano ba? Hindi nga kasi ganyan. Laksan mo ang paghagis sa bola para umabot sa ring!” pikon na sabi sa akin ng nagtuturo. “Ganito, ah. Ganito mo hawakan. `Tapos lakasan mo ang pagbato.”
Pumosisyon siya sa likuran ko at hinawakan din ang bola habang hawak-hawak ko iyon. Dikit na dikit ang katawan niya sa likod ko. Naiilang ako sa ginagawa niya. Hindi ako komportable.
“Higpitan mo ang hawak mo sa bola,” sabi ng player. Ramdam na ramdam ko ang paghinga niya. “`Tapos ibato mo— Aray ko, pota!” Napabitaw siya sa akin bigla at galit na lumingon sa likuran. “`Tang’na. Sino’ng bumato ng bola?”
Nakita kong natawa si Ross. “Sorry, pare. Dumulas sa kamay ko, eh.” Nang mapatingin siya sa akin, nawala ang ngiti niya, pagkatapos umiwas na naman ng tingin.
“Masyado ka kasing madikit sa baby ni Ross, pare. `Ayan tuloy, binato ka ng bola!” kantiyaw ng isa pang player. “Dumikit ka pa nang ipalunok na sa `yo ni Ross ang bola.”
Nagtawanan pa ang ibang player pati na rin ang mga kaklase ko dahil sa sinabi ng punyetang iyon.
“`Lang’ya. Ikaw pala ang baby niya? Potek. Dapat sinabi mo agad. Baka bugbugin ako ni Ross mamaya,” sabi sa akin ng player na nagtuturo. “Nakakatakot pa namang magalit `yang si Ross,” pailing-iling niyang sabi na mukhang natatakot nga kay Ross.
Hindi ko alam kung matutuwa ako o maiinis sa mga pinagsasasabi ng mga player na ito. Pero mas pinili ko na lang matuwa dahil nang makita ko si Ross na nakatingin sa akin, bigla siyang namula. Nagkunwari pang hindi nakatingin sa akin kahit huling-huli ko na siya.
Buwisit na jejemong Valentin na ito. Ang sarap kurutin sa singit. Masyadong pabebe.
Binigyan kami ng ten minutes break kaya nagtabi-tabi uli kami ng mga tomboy kong tropa na pangit.
“ Taena , brad. Iyong mga titig sa `yo ni Ross kanina, kakaiba,” sabi ni Alex habang nagpupunas ng pawis.
“Oo nga, `tol. Lalo na `yong nasa likuran mo, `yong nagtuturo sa `tin? Iyong mga mata ni Ross parang gusto nang manapak, eh. Natawa nga kami ni Alex kanina no’ng binato niya `yong bola sa likod n’on!” si Anton naman habang nangungulangot.
Dugyot na tomboy!
“Tama. Gusto ko ngang humagalpak ng tawa dahil do’n. Akala mo boyfriend na nagseselos dahil may ibang lalaki na lumalapit sa girlfriend niya, eh. Possessive palang maging boyfriend si Ross,” si Alex.
“Namamalikmata lang kayo,” sabi ko. “Si Donna ang gusto niyan, `di ba?”
“Eh? Pero bakit gano’n ang mga tingin niya? Parang gusto kang ibulsa?” dagdag ni Anton.
“Ano ba ang nangyari sa inyo kanina? Nakapag-usap ba kayo?” tanong uli ni Alex.
“O baka naman may something na? Magga-gown ka na sa acquaintance party?”
“Panalo na kami sa deal?”
“Walang something at asa pa kayo. Ako ang mananalo.” Ngumisi ako at tumayo, saka bumalik sa gitna ng court para mag-shoot uli ng bola.
Napangiti ako nang mapakla. May something na raw sa amin? Maganda sana kung oo, eh. Pero paanong magkaka-something kung bago pa lang magsimula ang nararamdaman ko, alam ko nang wala nang pag-asa? Hindi naman kasi ako si Donna kaya hindi ako magugustuhan ni Ross kahit kailan.
Pagkatapos ng PE namin, umalis na agad kaming tatlo nina Anton at Alex sa gym. Bago pa ako tuluyang makalabas ay napasulyap ako kay Ross. Nakita ko siyang naka-topless at nagpupunas ng pawis. May kinawayan siyang kaklase ko pero hindi man lang niya ako tinapunan ng kahit isang tingin. Okay lang. Tanggap ko naman. Tanggap kong kahit kailan, hinding-hindi siya magkakaroon ng kahit anong pagtingin sa akin. Masasanay rin ako.
Bumalik kami sa classroom. Tinatanong pa rin ng dalawa kung ano ang napag-usapan namin ni Ross kanina. Pinipilit talaga nila akong umamin. Kung umiyak din daw ba ako. Pero siyempre, hindi ako umamin. Ako ang taong mas pipiliin na lang mamatay kaysa umamin sa totoo niyang nararamdaman. Ganoon akong klaseng tao. Ayoko kasing makita ng iba na nagiging miserable ako dahil lang sa lecheng feelings na ito.
Gabi na noon pero hindi pa rin ako makatulog dahil sa sobrang daming iniisip. As usual, si Ross na naman ang main topic ng puso at utak ko. Nagdedebate ang dalawa tungkol sa kanya.
Hawak ko rin ang cell phone ko. Walang kahit anong text galing kay Ross. Kahit nga missed calls wala. Siguro napagod na talaga siya sa kakasuyo sa akin. Siguro sumuko na talaga siya at hindi na umasa na babalik kami sa dating kami na wala pa itong lecheng feelings ko sa kanya.
Pinipilit ko ang sarili ko na mas okay na ang ganoon para manahimik na ang puso ko. Pero hindi ko naman magawang lokohin ang sarili ko. Alam kong hindi iyon ang gusto ng puso ko. Naguguluhan na ako. Hindi ko na alam ang mas makakabuti para sa sarili ko.
Sa totoo lang, ang lungkot. Ang lungkot-lungkot kapag walang Ross na nangungulit sa cell phone ko at text nang text. Para akong tangang nakatitig sa cell phone ko at umaasang bigla-biglang may tatawag at lalabas ang pangalang “jejebuster.”
Hindi ko alam kung kailan ako nagsimulang maging ganito. Kung kailan ko sinimulang hanap-hanapin ang presensiya niya. O kung kailan ako nagsimulang ma-miss ang bawat sandali na magkausap kami.
Hindi na ako sanay sa ganitong setup. Ako ang may gusto nito pero ako naman ang mas nahihirapan. Para naman ito sa sarili ko kaya ako umiiwas sa kanya. Pero bakit mas nasasaktan ako nang siya na mismo ang umiwas? Hindi talaga ako sanay. Hindi na talaga ako sanay na walang Ross sa buhay.
“Ginusto mo yan, `di ba? Ginusto mong iwasan si Ross, `di ba? Puwes, panindigan mo,” sabi ko sa sarili ko.
Dahil hindi ako makatulog, nag-open na lang ako ng Facebook. Sa profile agad ako ni Ross napadpad. Ang weird lang dahil kung noon, profile agad ni Donna ang tinitingnan ko, ngayon naman, hindi na.
Ganito siguro talaga kapag gusto mo ang isang tao. Lahat ng ginagawa niya, gusto mong malaman. Gusto mong maging updated sa buhay niya. Nagsisimula ka na talagang malulong sa kanya. At bago mo pa mapansin, nalulunod ka na nang tuluyan. Lunod na lunod na at wala nang pag-asang makaahon pa.
May status si Ross. Thirty minutes ago lang. Mukhang online siya ngayon.
Namimiss mo kaya ako? Kasi ako miss na miss na talaga kita.
1.4k Likes 143 Comments.
Gusto kong mag-assume na ako ang nami-miss niya. Gusto kong isipin na ako ang pinapatungkulan niya sa status niya. Pero sinasaktan ko lang ang sarili ko. Alam ko namang hindi ako iyon. Hindi naman kasi ako si Donna na gustong-gusto ni Ross.
At kapag talagang nag-assume ka, malaki ang tendency na masaktan ka.
Nag-status din ako dahil may lahi kaming inggitera.
Ang hirap masanay sa isang bagay na bigla na lang mawawala. Parang ikaw. Parang ako. Parang tayo. – feeling sleepy .
Mayamaya pa, nag-comment ang dalawang pangit na tomboy.
Maria Antonina Tatlong Reyna: LOL!
Maria Alexandra Jade Esperanza: Drama mo tol. Pakatotoo ka na kasi. Umamin ka nang bading ka! XD
Maria Antonina Tatlong Reyna: Bading na talaga siya? Sad bhe.
Maria Alexandra Jade Esperanza: Okay na maging bading kaysa pangit. Wahahaha.
Maria Antonina Tatlong Reyna: Zayn Arthur Muhlach pagsabihan mo yang syota mo.
Maria Alexandra Jade Esperanza: Gago ka. Tinag mo pa yang kupal na yan. Di ko yan syota. Eww!
Zayn Arthur Muhlach: Anong meron? :D
Mary Jovelyn Salazar: Punyeta kayo. Dito pa talaga kayo nag-usap.
Habang nakatitig ako sa Facebook, biglang may nag-pop na message. Napatalon ako sa upuan kasabay ng pagtalon ng puso ko nang makita ko ang pangalan niya.
Ross Eliseo Valentin.
Hindi na naman ako makahinga kahit hindi ko pa nababasa ang message niya. Pakiramdam ko, walang hangin na pumapasok sa katawan ko.
Taena. Kalma, MJ. Kumalma kang tomboy ka! Parang tumigil sa pagtibok ang puso ko.
Ross Eliseo Valentin: Kailangan nating mag-usap. Hindi ako sanay sa ganito, tombs. Hindi ako sanay na hindi tayo nagpapansinan. Ang hirap sa pakiramdam.
Hindi pa ako nakakapag-reply ay may message uli siya.
Ross Eliseo Valentin: Kailangan talaga kitang makausap. Meet me @ St. Francis Plaza ngayon.
Ross Eliseo Valentin: Hindi ako aalis hanggang hindi ka dumadating. I’ll wait for you. No matter how long it takes.
Nag-offline na agad si Ross. Napatingin ako sa orasan at nine na ng gabi. Hindi ko alam kung aalis pa ako o hindi na. For sure, gising pa rin kasi sina Kuya. Hindi na nila ako papayagan na umalis ng ganoong oras. Masyado nang alanganin.
Thirty minutes akong nag-iisip kung aalis pa ako o hindi. Hanggang sa marinig ko na lang ang malakas na pagkidlat at pagkulog. Kasunod ay ang pagbagsak ng malakas na ulan.
Agad akong napatingin sa bintana. Ang dilim ng kalangitan. Walang awa ang ulan sa pagbuhos. Siguro naman hindi na tumuloy si Ross sa plaza. Umuulan, eh. Pero naisip kong matigas ang ulo niyon. At kapag sinabi niyang maghihintay siya, gagawin niya. Maghihintay talaga siya hanggang sa dumating ako.
I’ll wait for you. No matter how long it takes.
Kaya sigurado akong hindi ang ulan ang makakapigil sa kanya ngayong gabi.
“Buwisit talagang jejebuster `to!” Nasabunutan ko na ang sarili ko. “Hindi pa nakontento sa panggugulo sa puso ko. Pati utak ko ngayon ginugulo na.”
Bakit ka ba kasi ganyan? Bakit ka ba gumagawa ng mga bagay na puwede kong bigyan ng ibang kahulugan?