CHAPTER TWENTY-THREE
“H ALA, tombs. Paano `to? Ano’ng gagawin ko?”
“Pang-ilang beses mo nang tanong `yan?”
“Eh, kasi naman, kinakabahan talaga ako!” Pagkatapos sinabunutan uli ni Ross ang sariling buhok kaya natawa na naman ako nang palihim.
Dapat pareho kaming kabado ngayong dalawa, pero biglang naglaho ang kaba ko dahil natatawa talaga ako sa kanya. Para kasing ang laki-laki ng problema ni Ross ngayon. Kanina pa siya paulit-ulit sa tanong na kung ano ang gagawin niya. Pero kahit nabigyan ko na siya ng sagot, hindi pa rin siya mapakali. Magtatanong uli siya at sasabunutan uli ang sarili. Ibang-iba siya sa Ross na mataas ang tingin sa sarili at malakas ang confidence sa katawan tulad ng sabi ng iba. Iyong Ross na parang walang iniintinding pinoproblema.
Ang nakikita ko kasing Ross ngayon ay parang ordinaryong lalaki lang na may malaking problema. Iyon ay kung paano niya haharapin ang mga kuya ng tomboy—este, babaeng nagugustuhan niya.
Bigla na namang nag-init ang mukha ko nang mabanggit ko na nagugustuhan ako ni Ross. Hindi pa rin talaga ako sanay. Hindi ako sanay na ang isang Ross Eliseo Valentin na kinabubuwisitan ko noon ay ang kauna-unahang lalaking nagugustuhan ko rin ngayon.
“Kung hindi mo talaga alam ang gagawin mo, eh, di `wag ka nang pumunta sa bahay. Sasabihin ko na lang kay Kuya na na-misinterpret niya lang ang sinabi mo. Alam niya namang maloko ka, eh.”
Namilog ang mga mata ni Ross dahil sa gulat. “Fudge. Alam niyang maloko ako? Pati pala si Sir Salazar, naniniwala sa mga issue sa `kin?” Lalo siyang nanlumo. “`Kita mo na, tombs. Gano’n pala tingin sa `kin ni Sir. `Tingin mo, hahayaan kitang sabihin na na-misinterpret niya lang ang sinabi ko?”
“Mas okay na iyon, `di ba? Para wala ka nang pinoproblema. Hindi `yong para kang shunga na problemadong-problemado diyan at parang hindi makatae.”
“Hindi naman ako namomroblema dahil narinig ni Sir Salazar ang sinabi ko.”
“Eh, ano pala ang pinoproblema mo?”
Napatingin ako sa labas ng kotse ni Ross nang makita kong naglalakad na palabas ng school sina Anton at Alex. Ngayon pa lang pala sila uuwi? Nauna kasi akong umalis sa kanila kanina para makapag-usap kami ni Ross ngayon. Nandito kami sa loob ng kotse niya sa parking lot.
“Pinoproblema ko kung ano’ng dadalhin ko kapag pumunta ako sa inyo. `Tingin mo, tombs, ano’ng puwede kong dalhin na magugustuhan ng mga kuya mo?”
“Buwisit ka!” Sinuntok ko ang braso niya. “Iyan pala ang pinoproblema mo? Akala ko naman nag-iisip ka ng palusot para hindi na makapunta sa bahay!”
“Ha?” naguguluhan niyang tanong. “Bakit naman ako hindi pupunta sa inyo?”
“Aba, malay ko sa `yo. Baka naisip mong nakakatakot ang mga kuya ko kaya ayaw mo nang pumunta.”
Tumawa si Ross. “Baliw ka, tombs. Hindi ako natatakot pumunta sa inyo. Kinakabahan lang ako. Siyempre, mami-meet ko iyong dalawang kuya ng babaeng nagugustuhan ko—”
“Hindi ako babae, tomboy ako.”
“Eh, di siyempre, ma-meet ko ang dalawang kuya ng tomboy na nagugustuhan ko. Nakakakaba lang dahil baka hindi nila ako magustuhan para sa `yo.” Ngumiti siya. “Si Sir Salazar lang talaga ang problema.”
“Eh, bakit si Kuya Joseph?”
Ngumisi siya. “Gusto ako n’on para sa `yo. Wala ka talagang bilib sa `kin.”
“Weh?” Nagulantang ako. “Paano mo nasabi? Ikaw, jejebuster, `wag kang mayabang, ah.”
“Totoo nga, tombs! Naalala mo noong pumunta ako sa inyo at naglinis, `tapos naabutan tayo ni Kuya Joseph? Noong pumasok ka sa kuwarto mo, nag-usap kami. Sabi sa `kin ni Kuya Joseph, ‘Alam mo, idol? Gusto kita para sa kapatid ko. `Tingin ko ikaw magpapabalik sa kanya sa pagiging babae, eh.’ O, `di ba? Tama nga siya. Ako ang nagpabalik-loob sa `yo. `Guwapo ko talaga.”
“Ang yabang mo sa part na `yan. `Di kita kinakaya.”
“Bakit? Hindi ka ba naguguwapuhan sa `kin? Naalala ko kaya ang sinabi mo dati. Sabi mo, ang guwapo ko naman kahit ano’ng suot ko. Ikaw, tombs, ha. Malakas talaga ang pagnanasa mo sa `kin.”
“`Nang `to. `Lakas ng hangin sa ulo.”
Tumawa si Ross. “Biro lang. Pero `tingin mo, ano’ng magandang dalhin para kina Kuya? Kay Kuya Joseph kasi basketball game pass lang masaya na `yon, eh.”
“Una, `wag mong tawaging ‘kuya’ ang mga kuya ko. Hindi kita kapatid.”
Napangisi siya. “Malapit na. Kapag official nang tayo, kuya ko na rin sila.”
“Ang dami mong alam.”
“Kaya mo nga ako nagustuhan, `di ba?”
Kinurot ko siya.
“Aray ko naman, tombs. Hindi pa nga official na tayo ginagawa mo na akong battered boyfriend. Pero ano nga?”
“Hindi ko alam ang dadalhin mo.” Napaisip ako. “Books na lang.”
“Books?”
Napatango ako.
“Anong klaseng books naman?”
“Kahit ano. Literature professor si Kuya John, `di ba? Saka mahilig magbasa `yon. Nagsusulat din siya ng mga kuwento. Kaya books na lang dalhin mo.”
“Wow! Juma-John Green at Nicholas Sparks pala si Kuya John ko. Sige, books na lang dalhin ko.”
“‘Kuya John ko’ ka diyan?! Kuya ko `yon kaya `wag mong angkinin. Sa `kin, ano’ng dadalhin mo?”
“Sarili ko.” Ngumisi na naman ang damuho. “Hindi ka pa ba kontento sa `kin, tombs? I’ve got the looks and the hot body. Ano pa ang mahihiling mo?”
“Nakakadiri ka talaga kung minsan. Sa mga kuya ko, may dadalhin ka. `Tapos sa `kin wala?”
“Pupunta ako doon dahil sa kanila hindi dahil sa `yo, tombs.” Tumawa si Ross. “Alam mo ba ang kasabihan na ‘the best way to a girl’s heart is through her brothers?’ Kaya mga kuya mo muna ang liligawan ko.”
“O sige, sila ang ligawan mo. `Tapos kapag sinagot ka nila, kayo na rin.”
“Grabe ka talaga. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal mo sa `kin. Pa-kiss nga.”
“Leche ka. `Kiss mo sa pader.” Natahimik ako.
“O, bakit nanahimik ka diyan?”
“Hindi lang ako sanay na ganito. Never ko na-imagine na dadating ako sa punto na ganito. Iyong mararanasan ko ang mga nararanasan ng isang babae.”
Ngumiti siya. “Puwes ngayon, masanay ka na. Sasanayin kasi kita. Kaya ako dumating sa buhay mo para iparanas sa `yo ang mga bagay na dapat nararanasan ng isang babae. Saka alam mo ba kung bakit ako ipinanganak?”
“Para magyabang?”
“Hindi.”
“O, bakit?”
“Dati iniisip ko kung bakit ako ipinanganak sa mundong `to. Hindi ko alam ang purpose ko. Pero mula nang makilala at magustuhan kita? Doon ko nalaman ang purpose ko.” Tumingin si Ross sa akin. “Iyon ay para mahalin ka.”
“Buwisit. Ang korni mo, Valentin.”
“Sabi ko sa `yo, nagmana ako sa daddy ko, eh. Saka kinilig ka lang, tombs.”
Bago kami umuwi, dumaan muna kami sa paboritong bilihan ng kikiam at fishball ni Ross. As usual, nakipagkuwentuhan uli siya kay manong tindero habang niluluto ang binili niya. Close na close talaga silang dalawa. Si Ross pa nga nagbalot sa plastic ng mga kikiam at fishballs.
Dumaan uli kami sa isang convenience store. Hindi Royal na soft drinks ang binili kundi mineral water lang. Sabi niya palagi raw soft drinks ang iniinom niya lately kaya nag-gain siya ng weight. Pinag-jogging daw sila kaninang umaga dahil nagsitabaan silang mga basketball player.
Ako naman ang nawindang doon. Ano ang pinagsasasabi niyang tumaba? Eh, iyong katawan niya nga, sobrang fit. Ang ganda pa ng muscles niya. Halatang athletic.
Natural na hindi ko na sinabi sa kanya ang mga papuri ko. Baka lalong lumaki ang ulo at baka asarin na naman akong in love na in love sa kanya kahit hindi naman. Slight lang.
Nasa seaside na kaming dalawa at nakaupo sa isang bench habang kumakain. Dahil medyo maaga pa, marami pa ang mga taong dumadaan. Maraming kabataan na napapatingin sa amin or more like napapatingin kay Ross. Usually mga babae. Kinikilig kapag nakikita siya. Agaw-atensiyon naman kasi talaga ang pagmumukha ng damuhong ito. Akala mo artista.
Pero nang mapatingin sa akin ang mga dumadaan, kitang-kita ko ang pagtawa nila. Nagbulong-bulungan pa sila. Kahit hindi ko narinig ang mga sinabi nila, alam na alam kong natatawa sila. Natatawa sila dahil bakit isang tomboy lang ang kasama ng isang guwapong tulad ni Ross?
Actually, wala akong pakialam sa mga mapanghusgang tingin ng isang tao. Ilang taon na ba akong ganito? Pero sa kauna-unahang pagkakataon, nakaramdam ako ng hiya dahil sa ayos ko. Bigla kong naisip na tama ang sinasabi nila. Bakit ang isang tulad ko ang kasama ni Ross?
“`Wag mo silang pansinin.`Wag mong hayaan na makaapekto sa `yo ang mga tingin at sinasabi ng ibang tao,” sabi ni Ross habang kumakain. “Kung pakiramdam mo na ini-SMALL ka nila, isipin mo na lang na hindi `yon mahalaga. Ang importante kasi, iniiBIG kita. Gets mo? Small at big.”
Natawa ako. “Ano’ng akala mo sa `kin? Slow?”
“Hindi. Fast kaya tingin ko sa `yo. Ang fast ko kasing nagkagusto sa `yo, eh.” Natawa siya. “Uy, namula si tombs. Kinilig ka, `no? `Lakas talaga ng appeal ko.”
“Mas malakas `tong kamao ko kapag sinuntok kita,” pagbibiro ko.
“May ibibigay pala ako sa `yo.” May dinukot si Ross sa bulsa niya. “Ito.”
Nakita ko ang isang pink na hair clip na kasinlaki ng hintuturo. “Saan mo nakuha `yan? Nagsusuot ka niyan? Bading ka?”
“Hindi. Bago ako pumasok kanina, dumaan ako sa 7-Eleven. Nakita ko `to bigla, `tapos naalala kita. Naisip ko na bagay sa `yo `to.” Ngumiti siya. “`Lagay natin sa buhok mo.”
Hindi pa ako pumapayag pero hinila na ni Ross ang tali sa buhok ko. Bumagsak tuloy sa balikat ko ang mahaba kong buhok. Mukhang magulo iyon dahil hindi pa ako nakakapagsuklay.
“Wala ka bang suklay?” tanong niya.
“Wala. Hindi naman kasi ako palasuklay. Lalaki nga ako, `di ba?”
“Oo nga pala. Ganito na lang.” Sinuklay niya ang buhok ko gamit ang mga daliri niya. Para kaming mga shungang nag-aayusan ng buhok habang nasa seaside. Napapatingin tuloy ang mga dumadaan sa amin. Pero si Ross, walang pakialam. Tutok na tutok lang siya sa pagsuklay ng buhok ko.
Nang matapos niyang suklayin ang buhok ko, inilagay na niya ang hair clip. Sinuklay niya pa nang ilang ulit ang buhok ko bago siya natapos.
“Iyan. Ayos na,” nakangiti niyang sabi. “Mas maganda ka talaga kapag nakalugay ang buhok mo. Ingatan mo `yang hair clip, ha? Isang kilong pagmamahal ko ang katumbas niyan.”
Hindi ako makatingin kay Ross. Ramdam na ramdam ko kasi ang pag-iinit ng mukha ko. Pamumulang si Ross lang ang nagbibigay sa akin ng ganoong epekto.
Hindi ako sanay na magkagusto sa lalaki. Hindi ako sanay na nakakaramdam ng kilig sa lalaki. Hindi ako sanay na sinasabihan ako na maganda at inaayusan ng buhok ng isang lalaki.
Pero dahil kay Ross, unti-unti na akong nasasanay.
Lumipas na ang ilang araw. Pinag-usapan namin na huwag siyang masyadong clingy kapag nasa school. Pero ang damuhong jejebuster, sadyang matigas ang ulo. Kapag nakikita ako, kahit kasama ang mga kaklase niya, iniiwan niya, saka tatakbo papunta sa akin. Minsan sasabay siyang mag-lunch sa amin nina Antonina at Alexandra. Iyong dalawang pangit na tomboy, tuwang-tuwa naman. Galante raw kasi si Ross. Palagi silang nililibre.
Gabi na at bukas na pupunta si Ross sa bahay. Magkausap kaming dalawa sa phone.
“Kinakabahan ako,” sabi niya. “Paano kapag `di ako nagustuhan ni Sir Salazar?”
“Hindi ka naman niya talaga gusto in the first place.”
“Wow, tombs! Salamat sa pagpapalakas ng loob, ha? Na-appreciate ko.”
“Walang problema. Basta ikaw.”
“Kung hindi niya ako magustuhan bahala siya. Itatanan na lang kita.”
“As if papayag ako.”
“As if may magagawa ka. Alam mo, tombs?”
“Hindi pa. Hindi mo pa sinasabi, eh.”
“Alam mo bang ang guwapo ko?”
“Ha? Ano `kamo? Ang kwago mo? Oo, alam ko na `yan.”
“`Lakas mo talagang mambara.” Natahimik si Ross. “Alam mo, tombs? Nakasalubong ko si Donna kanina.”
Hindi ako umimik. Tuwing nababanggit niya si Donna, pakiramdam ko talaga, gusto niya pa rin ito.
“Nagkatinginan kaming dalawa. Malungkot niya akong nginitian. `Di ko alam kung bakit gano’n ang ngiti niya pero sigurado akong may problema siya. Nakakausap mo pa ba siya, tombs? Best friend kayo, `di ba?”
Mariin akong napapikit. Naririndi ako, lalo na’t punong-puno ng pag-aalala ang boses ni Ross. “Hindi na kami nagkakausap. `Wag na natin siyang pag-usapan.”
“Bakit? Bakit hindi na kayo nagkakausap?” naalarma niyang tanong. “Tombs, dapat kausapin mo siya. `Tingin ko talaga may problema siya. Baka kailangan niya ng makakausap.”
Hindi ako sumagot. Narinig kong bumuntong-hininga siya.
“Tombs, kausapin mo naman si Donna. Alamin mo kung may problema siya. Sige na, please?”
“Kung gusto mo siyang kausapin at nag-aalala ka sa kanya, bakit `di ikaw ang kumausap at magtanong sa kanya? Ang pakyu mo talaga kahit kailan, `no? Ang galing mong manira ng mood.”
“Teka, tombs. Makinig ka sa paliwanag ko. Nagagalit ka na naman agad, eh.”
“Hindi, Ross. Ikaw ang makinig sa sinasabi ko. Kung nag-aalala ka kay Donna, siya ang tawagan mo. Or better yet, puntahan mo siya ngayon sa kanila. Alamin mo ang problema niya. Yakapin mo siya at i-comfort. Leche ka. Alam mo namang malaki ang insecurities ko kay Donna dahil siya talaga ang original mong nagugustuhan, `tapos ibi-bring up mo siya? `Tang’na. `Lakas mong mam-bad trip. Tutal nag-aalala ka sa kanya, eh, di doon ka na. Magsama kayong dalawa.”
“Ano ba, tombs. Makinig ka nga muna—”
“Makinig mo mukha. Matutulog na `ko! Goodnight!” Pagkatapos tinapos ko na ang tawag at itinapon sa paanan ko ang cell phone.
“Buwisit talaga!” Tinakpan ko ng unan ang mukha ko.
Narinig kong nagri-ring ang cell phone ko pero hindi ko na kinuha. Hinayaan ko lang mag-ring. Mayamaya pa, tumigil na ang pagtunog niyon. Akala ko tatawag uli si Ross pero hindi na uli tumunog ang cell phone. Baka si Donna na ang tinawagan niya.
Natulog tuloy akong bad trip at punong-puno ng pagseselos sa katawan.