noveltoon logo noveltoon
Lesbi In Love

Chapter 17

Ch. 17 / 32 Apr 09, 2022

CHAPTER SEVENTEEN

“`T OL, WALA na siya! Umalis na!”

Sumilip ako mula sa mga upuan na pinagtataguan ko nang magsalita si Anton. Nakatayo siya sa may pinto ng classroom habang katabi si Alex na nakasulyap din sa labas.

“Sigurado kang wala na siya? Kahit sa labas ng classroom, wala na siya?” paniniguro ko.

“Oo nga, `tol. No’ng sinabi kong wala ka at hindi pumasok, umalis na rin agad,” sagot naman ni Alex.

“Sabi ko sa `yo, `tol. Ayaw pa maniwala sa `kin. Feeling mo naman nagsisinungaling ako,” nagtatampong sabi ni Anton. May panguso-nguso pa siya. Akala mo naman bagay sa kanya.

“Kailangan ko lang maniguro. Iyang mukha mo kasi, Antonina, hindi katiwa-tiwala.” Tumayo ako, saka pinagpagan ang uniform ko. Ang hassle talagang magtago. Ilang beses na akong nagtago ngayong araw, ha. Nadudumihan tuloy itong uniform ko.

“Grabe ka talaga, MJ. Itong mukhang `to? Hindi katiwa-tiwala?” Itinuro pa ni Anton ang mukha. “Eh, ang sabi nga ng nanay ko, no’ng ipinanganak ako, mukha raw kayamanan `tong mukha ko.”

Tumango ako. “Oo. Kayamanang ang sarap ibaon.”

Tumawa si Alex. “Laugh trip. `Baon na natin mukha mo, Anton.”

“Pinagtutulungan n’yo na naman akong dalawa. Ang sasama n’yong mga tomboy!” sabi ng pangit. “Katiwa-tiwala kaya `tong mukha ko. Judgemental kayo. Mga kaibigan ko ba talaga kayo?”

“Hindi ka naman namin kaibigan,” sagot naman ni Alex. “Ewan ko nga ba sa `yo at sumasama-sama ka sa `min. Hulaan ko, wala kang ibang tropa, `no? `Pangit mo kasi.”

Tumawa rin ako. “Saka hindi talaga katiwa-tiwala `yang mukha mo, Anton. Tanda mo nang nag-mall tayo? Nang may makasalubong tayong babaeng nagse-cell phone? Ano’ng nangyari?”

“Uhm, bigla niyang itinago ang cell phone niya at tumingin sa `kin? Crush niya kasi ako?” painosenteng tanong ni Anton.

“Gago, hindi. Itinago niya ang cell phone niya nang makita `yang mukha mo kasi mukha kang snatcher,” sagot ko kaya tumawa kami nang tumawa ni Alex.

“Kapag ako gumuwapo, ‘who you’ kayong dalawa sa `kin,” asar na sabi ni Anton. “Tingnan n’yo lang.”

“`Di namin matitingnan kasi forever ka nang pangit.” kantiyaw na sagot ni Alex.

“Tara na nga at mag-lunch. Tama na ang asaran. Pareho lang naman kayong pangit.”

Lumabas na kaming tatlo ng classroom. Pero bago pa ako tuluyang lumabas, napatingin muna ako sa paligid. Tumingin ako sa kaliwa at kanan. Baka kasi nandoon pa si Ross at nagtatago lang.

Habang naglalakad kami papunta sa canteen, nagtanong si Anton.

“`Tol, bakit mo ba tinataguan si Ross? Pangatlong araw na ngayon, ah. May utang ka ba sa kanya?”

“Sana nga gano’n lang, eh. Sana nga may utang lang ako sa kanya,” sagot ko na hindi man lang siya tinitingnan. Baka kasi makita ni Anton na biglang nalungkot ang mga mata ko. Pero totoo naman ang sinabi ko. May utang sa akin si Ross. Hindi nga lang pera o kung anong materyal na gamit. Higit pa ang inutang niya dahil feelings iyon. Isang klase ng feelings na mahirap bayaran at suklian. Ang malala pa, nagkautang sa akin si Ross nang hindi niya namamalayan.

“Eh, bakit mo pala siya tinataguan? Break na ba kayo?” tanong uli ni Anton.

Tiningnan ko siya. “Mukha mo kaya i-break ko, gusto mo?”

“Mabibigo ka, `tol,” sabad ni Alex. “Matagal nang break ang mukha niya. Wala nang masisira.”

“Gago ka, Alexandra, ha,” napamura na ang pangit.

“Okay lang maging gago, `wag lang pangit,” sagot ni Alex. “Pero, seryoso, MJ. Bakit mo ba kasi siya tinataguan? Pangatlong araw na ngayon, ha. `Di ka ba naaawa kay Ross? Pabalik-balik ng classroom, eh. Halatang gustong-gusto ka talagang makita.”

“Oo nga, brad,” pagsang-ayon ni Anton. “Nakakaawa na si Ross. Tuwing sinasabi kong wala ka sa classroom o kaya absent ka? Iyong mga mata niya, bigla-biglang nalulungkot. Nakakaawa talaga. `Tapos kapag naglalakad na siya paalis ng classroom, nakayuko siyang maglakad. Akala mo inapi.”

“Kanina nga nang papasok pa lang ako at napadaan sa practice nina Ross—kahit nasa kalagitnaan ng practice nila, tumigil siya at tumakbo papunta sa gawi ko. Tinanong niya kung papasok ka na raw ba. Sabi ko, hindi ko alam. Tinanong niya pa kung may sakit ka raw ba? Hindi ka rin daw nagre-reply sa text o sumasagot sa tawag niya,” dagdag pa ni Alex. “Alalang-alala na si Ross sa `yo.”

Nakikinig lang ako sa sinasabi ng dalawang tomboy dahil wala naman akong maisagot. Hindi ko naman puwedeng sabihin na iniiwasan ko si Ross dahil may feelings na ako sa kanya pero nasaktan lang ako nang hanggang kaibigan lang ang tingin niya sa akin. Kapag inamin ko kasi sa kanila iyon, paniguradong imbes na maawa sa akin, matutuwa pa sila. May pustahan kami, hindi ba? Na kapag nagka-feelings ako kay Ross, magga-gown ako sa acquaintance party namin. Iyon ang ayokong mangyari. Ayokong pagtawanan ako ng dalawang pangit na ito.

Ayoko ring may ibang makaalam na may feelings na ako sa lalaki at kay Ross pa. Alam kong lalo lang nila akong pagtatawanan. Alam kong kakantiyawan at aasarin ako na sa isang Ross lang pala ako lalambot. Ayokong gawin nilang katatawanan ang nararamdaman ko at sabihing ang lakas kong mag-ilusyon na papatol si Ross sa akin. Hindi na naman kasi nila kailangang ipamukha iyon. Alam na alam ko na iyon. Alam kong parang bituin si Ross. Isang klase ng bituin na hindi ko maaabot kaya hanggang tingin na lang ako.

Gusto na ring lumambot ng puso ko sa mga sinasabi nina Alex at Anton tungkol sa pinaggagagawa ni Ross. Ilang beses na siyang nag-effort para lang makita at makausap ako nitong mga nakaraang araw. Pero kahit ganoon, hindi pa rin niya ako nakita at nakausap. Pati text messages niya, hindi ko binabasa. Deretso bura lang ang ginagawa ko. Iyong mga tawag niya, hindi ko rin pinapansin. Kahit na kating-kati na ang kamay ko na sagutin iyon para marinig ko uli ang boses niya.

Tinitiis ko talaga ang sarili ko. Hindi ko pinapansin ang awa ko kay Ross. Kapag kasi mas sinunod ko na naman ang sinasabi ng pahamak kong puso, babalik na naman ako sa pagiging tanga. Lalong malululong ang puso ko sa kanya at sa presensiya niya. At siguradong lalo lang akong masasaktan.

Lalayo na lang ako para maprotektahan ko ang puso ko. Babalik na lang talaga ako sa pagiging tomboy. Utak at pusong lalaki. Nang sa ganoon, walang lalaki ang makakasakit sa akin. Walang Ross na lalo akong masasaktan.

“`Tol, nandito ang canteen. Wala diyan. Diyan ka sa dean’s office magla-lunch? Close kayo ni Dean?” narinig kong sabi ni Anton kaya napatigil ako sa paglalakad.

“Oo close kami. Gaya ng pagiging close ninyo ni kamatayan,” ismid ko.

“Ang init agad ng ulo, ha. Meron ka ngayon?” sabad ni Alex.

“Oo, meron ngayon `yan. `Sungit, eh. Alam mo kung ano ang wala sa kanya? Puso,” sabi naman ni Anton.

“Ay, bakit? Nasaan na ang puso niya?”

“Na kay Ross na. Kaya `ayan, todo-iwas ang utol natin.”

At tumawa ang mga pangit na tomboy.

Papasok na sana kaming tatlo sa canteen nang bigla akong mapahinto sa paglalakad. Nakita ko kasi bigla si Ross kasama ang teammates niya sa basketball. At sa kamalas-malasan, napatingin din siya sa akin.

“Mga `tol, sibat na ako. Kitakits na lang sa classroom mamaya.” Hindi ko na hinintay ang sagot ng dalawang pangit dahil tumakbo na agad ako. Kahit nakapalda akong mahaba, hindi ko pinansin. Tumakbo ako nang pagkabilis-bilis.

Akala ko hindi ako hinabol ni Ross pero nagkamali ako. Nakalimutan ko nga palang si Ross siya. Si Ross na makulit at mapilit. Si Ross na gustong-gusto ng puso ko kahit alam kong hindi naman puwede. Hinahabol ako ng jejemon na damuho. Tumatakbo rin siya para lang mahabol ako.

“Ano ba, MJ! Bakit ka ba tumatakbo?” sigaw niya habang hinahabol ako.

“Paanong hindi ako tatakbo, hinahabol mo ako?” sagot ko naman na sige pa rin ang takbo.

“Paanong hindi kita hahabulin, iniiwasan mo ako! Tumigil ka nga sa pagtakbo!” inis niyang sabi.

“Titigil lang ako sa pagtakbo kapag hindi mo na ako hinahabol!”

“Kapag nahuli kita, yari ka sa `kin!”

“Kung mahuhuli mo ako. Champion `ata sa track and field `tong hinahabol mo!” pagmamayabang ko.

Pinagtitinginan na kami ni Ross ng ibang students na nasa campus. Pero wala akong pakialam sa tingin nila, todo-takbo pa rin ako na parang nasa Olympic Marathon. Kahit hinihingal na ako, hindi pa rin ako tumitigil sa pagtakbo. Leche kasing Ross ito, hindi pa sumuko. Talagang hinahabol ako. Halatang gustong-gusto akong mahuli. Pero asa pa siya. Hindi niya ako mahuhuli. Magkamatayan na ngayon pero hindi ako magpapahuli.

“MJ! Hindi na ako natutuwa, ha. Gusto lang kitang makausap!”

“Hindi naman ako nagpapatawa kaya ayos lang. Busy ako. Wala akong time makipag-usap!”

“Isa, MJ!”

“Dalawa! Tatlo! Apat!” Hiningal na ako nang tuluyan nang nasa hallway na kami. Bumagal tuloy ang pagtakbo ko. Dahil bumagal ang pagtakbo ko, nahawakan niya ako sa braso. Napatigil ako sa pagtakbo.

“Bitawan mo nga ako! Sasapakin kita!” Todo-piglas ako.

“Subukan mo akong sapakin, hahalikan kita!”

Napatigil ako sa pagpupumiglas at napatingin kay Ross dahil sa sinabi niya. Pagtingin ko sa kanya, hingal na hingal siya. Pero hindi nabawasan ang kaguwapuhan niya. Seryoso siyang nakatingin sa akin. Seryoso to the point na hindi ko alam kung totoo ba ang sinabi niya o joke lang.

“Hahalikan mo ako? Kadiri ka! Bading ka talaga,” pagtataray ko. “Bitawan mo nga ako.”

“Hindi puwede. Baka kapag binitawan kita, tumakbo ka na naman. Sabihin mo nga sa akin, bakit mo ba ako iniiwasan?” inis niyang tanong, humigpit ang pagkakahawak sa braso ko.

“Hindi kita iniiwasan. Busy lang talaga ako. Ano ba?”

“Pati text messages ko at tawag hindi mo sinasagot. Akala ko kung ano na ang nangyari sa `yo. Akala ko may sakit ka or what dahil ilang araw na kitang hindi nakikita. Kung hindi lang sinabi ng kaibigan mo na iniiwasan mo ako, hindi ko pa malalaman. May problema ba tayo?”

Nagulat ako. “Sino’ng nagsabi sa `yong iniiwasan kita?”

“Hindi na importante `yon.”

“Puwes sa `kin importante `yon. Sino sa dalawang pangit na `yon nang masapak ko?”

Bumaba ang kamay ni Ross sa mga daliri ko kaya parang magka-holding hands na kami ngayon. Iyong mga tao, napapatingin na sa amin, lalong-lalo na sa mga kamay naming magkahawak. Bigla tuloy akong nahiya.

“Ross, ano ba? Bitawan mo nga kamay ko. Nakakahiya sa mga taong nakakakita.”

“Wala akong pakialam sa kanila. Sagutin mo ang tanong ko.” Seryoso talaga siya, halatang pikon na pikon na sa akin. “Bakit mo ba ako iniiwasan, MJ? May nagawa ba akong masama?”

Biglang napalitan ng kalungkutan ang seryosong tingin ni Ross. Ang lungkot-lungkot ng mga mata niya. Tulad nga ng sabi ni Anton kanina, parang inapi si Ross.

“Wala. Wala kang ginawang masama.”

“Nagsisinungaling ka. Hindi mo ako iiwasan kung wala akong nagawang masama sa `yo.”

“Aba, lintik naman pala! Kung `di ka maniniwala, `wag kang magtanong. Nakakagago, eh!”

“Ako? Ako ang nakakagago?”

“Sinabi ko bang nakakagago ka? Gago mo!”

“O, `ayan. Kakasabi mo lang na ang gago ko.”

“Eh, sadya namang nakakagago ka. Wala kang ginawang masama, okay? Ako ang may problema.”

“Ano’ng problema mo? Bakit hindi mo masabi sa `kin?”

Napangisi ako. “Kapag sinabi ko ba sa `yo, may magagawa ka?” Kapag sinabi ko ba sa iyong gusto kita, magugustuhan mo rin ba ako?

“Hindi ko maipapangakong may magagawa ako pero sinisiguro ko sa `yong hindi kita hahayaang mag-isa. `Di ba, brotherhood tayo? Magkaibigan. Walang iwanan, `di ba?”

Kumirot na naman ang puso ko dahil sa lintik na brotherhood na iyan. “Brotherhood? Lintik na `yan, Ross! Hindi tayo brotherhood. Hindi rin kita kaibigan. Kaya utang-na-loob lang, `wag mo na akong guluhin pa. Hindi na kasi nakakatuwa ang presensiya mo, eh!”

Napatitig si Ross sa akin. Kitang-kita ko na nasaktan siya sa mga sinabi ko. Parang for a moment, gusto kong bawiin ang lahat ng iyon. Pero hindi ko iyon dapat gawin. Kailangan ko kasing gawin iyon para maprotektahan ko ang sarili ko. Para hindi na ako mas masaktan pa.

“So all this time, ako lang ang nag-aakalang magkaibigan tayo, gano’n ba?”

Binitawan niya ang kamay ko at para akong pinagbagsakan ng langit at lupa dahil doon. Sigurado talaga akong nasaktan siya dahil kitang-kita iyon sa mga mata niya.

“Ganoon na nga,” sabi ko.

Malungkot na ngumiti si Ross. “Okay lang sa `kin na hindi kaibigan ang turing mo sa `kin. Pero kasi ako, kaibigan na ang turing ko sa `yo. In fact, ang lapit-lapit na ng loob ko sa `yo. Hindi ko na nga ma-imagine ang buhay ko kapag `di kita kausap. Pakiramdam ko, ang tagal-tagal na nating magkakilala.”

Nakikinig lang ako sa mga sinasabi niya. Tumingala siya. Parang may kung anong pinipigilan sa mga mata niya na tumulo.

Nang tumingin uli si Ross sa akin, bahagya akong nagulat. Kakaiba na kasi ang tingin niya, halatang nahihirapan at nasasaktan, halatang pinipigilan ang mga luha. Nakatingin siya sa akin na parang any moment, iiyak na. At iyon ang hindi ko ma-imagine hanggang ngayon. Na makikita ko ang ganoong klaseng mukha ng isang Ross Eliso Valentin.

“Kaya kung may nagawa man akong ikinagalit mo, sorry. Sana sabihin mo na lang kung ano `yon para malaman ko at hindi na ako umulit pa.” Muli siyang nagsalita at ngumiti nang malungkot. “Kasi, MJ, ang hirap ng ganito, eh. Iyong bigla-bigla ka na lang mawawala. Hindi ako sanay. `Wag mo sana akong iwasan. Kasi ang sakit, eh. Ang sakit-sakit.” At bigla na lang tumalikod si Ross at naglakad palayo sa akin.

Nakatitig lang ako sa kanya hanggang sa mawala siya. Bakit ganoon? Bakit parang siya pa ang mas kawawa sa aming dalawa?

Nanatili ako sa kinatatayuan ko, hindi pansin ang mga matang nakatingin sa akin. Nagmadali tuloy akong tumakbo papunta sa banyo at nagkulong sa cubicle. Saka ko hinayaan ang sarili kong umiyak.

Umiyak lang ako nang umiyak dahil pakiramdam ko, ako pa mismo ang mali sa aming dalawa. Na ako pa ang mas mali sa pag-iwas ko sa kanya.