noveltoon logo noveltoon
Lesbi In Love

Chapter 19

Ch. 19 / 32 Apr 09, 2022

CHAPTER NINETEEN

H INDI talaga ako makapagdesisyon kung ano ang dapat kong gawin ngayong gabi. Palakas nang palakas ang pagbuhos ng ulan pero hindi pa rin ako umaalis ng bahay. Palakad-lakad lang ako sa loob ng kuwarto na as if nakakatulong iyon sa pag-iisip ko.

Mag-iisang oras na ang lumipas mula nang nag-message sa akin si Ross sa Facebook. Malamang kanina pa nandoon iyon. At malamang din, kanina pa siya nakikipaglaban sa malakas na ulan. Sana naman may dala siyang payong. O kaya naman, hindi siya lumalabas sa kotse niya.

Potek talagang buhay ito. Nang dahil sa Ross na iyon, may pinoproblema ako ngayon. Dati-rati naman, sa mga ganitong oras, natutulog na ako. Nagbabago talaga ang buhay ng isang tao kapag may nagugustuhan na siya.

Sasapukin talaga kita, Ross. Ginugulo mo ang puso at utak ko.

Lumabas ako ng kuwarto. Nakita ko si Kuya John na gising pa. Nasa kusina siya at nakaharap sa laptop, mukhang may trabahong tinatapos. Si Kuya Joseph naman, nasa sala at nakahilata, nanonood ng Fairy Tail .

“Bunso, nauna na akong nanood, ha? Ulitin mo na lang kung saang season ka tumigil,” sabi ni Kuya Joseph pero hindi ko siya pinansin. “Huy, bunso!”

“O?” Tumingin ako sa kanya. “Ano’ng sabi mo, Kuya?”

“Sabi ko, ulitin mo na lang kung saang season ka tumigil. Teka nga, bakit ba palakad-lakad ka diyan? Nahihilo ako sa `yo. Maupo ka kaya?”

“`Wag mo akong tingnan kung nahihilo ka sa paglakad-lakad ko,” ismid ko, saka tumingin sa bintana. “Potek naman. Mas lumakas pa `ata ang ulan.”

“Psst, bunso!” tawag sa akin ni Kuya Joseph.

Nilingon ko siya.

“Aalis ka, `no?”

Pinandilatan ko siya ng mga mata. “`Wag kang maingay! Baka marinig ka ni Kuya John!” Umupo ako sa tabi niya. “Hindi ko pa sure kung aalis ako. Gabi na, eh. `Tapos naulan pa.”

“Saan ka ba pupunta? Gising pa si John. `Di ka papayagan niyan.”

“Iyon nga, eh,” yamot kong sagot. “Si Ross kasi.”

“Anong meron kay idol?” curious na tanong niya.

Napabuntong-hininga ako. “Nakikipagkita kasi siya ngayon.”

“Ngayon? Eh, gabi na. `Tapos ang lakas pa ng ulan. Bukas na lang `kamo.”

“Sana ganoon lang kadali sabihin sa gunggong na `yon na bukas na lang. Kaso matigas pa sa bato ang bumbunan ng jejebuster na `yon. Kapag sinabi niyang maghihintay siya, maghihintay talaga siya. `Di `yon umaalis hanggang hindi ako dumadating.”

Ngumisi si Kuya Joseph.

“O, bakit nangisi ka diyan?”

“Wala lang. Para kasi kayong magsyota, eh. Kayo na ba?”

“Kayo mo’ng mukha mo. `Di kami bading para maging kami, `no.”

“`Sus! Bakit namumula ka? Type mo ba si Ross, bunso? Approve sa `kin `yon. At least, nang dahil sa kanya, naging babae ka na uli.”

“Shut up nga. Si Donna gusto n’on.” Napatingin uli ako sa bintana. “Hala! Lalong lumakas ang ulan.”

Natawa na naman si Kuya Joseph.

“Bakit ka ba tawa nang tawa? `Kaasar ka, Kuya!”

“Napasimangot ka kasi nang sinabi mong si Donna ang gusto ni Ross. `Tapos hindi mo pa dineny na type mo si Ross. Ayii, ikaw bunso, ah.”

Napaiwas ako ng tingin.

“Hanggang hindi pa committed ang isang taong gusto mo, ipaglaban mo. Mas masarap isipin na at least sinubukan mo siyang ipinaglaban kahit natalo ka kaysa sa puro imagine ka na lang na paano kaya kung ipinaglaban mo siya?”

“So, ano’ng gusto mong gawin ko?”

“Puntahan mo na si Ross doon.” Tumaas-taas pa ang mga kilay niya.

“Eh, paano si Kuya John? `Di nga ako papayagan niyan.” Sumulyap ako kay Kuya John na seryosong-seryoso sa ginagawa. Mukhang kahit magpaalam ako nang maayos hindi talaga siya papayag.

“Ako’ng bahala.” Kumindat pa si Kuya Joseph, pagkatapos bigla siyang humiga sa sahig ng sala. “Aray ko! Aray ko! Ang sakit talaga! Ang sakit-sakit ng tiyan ko! Feeling ko mamamatay na ako!”

Bigla akong napatitig kay Kuya Joseph na nagdadrama habang pagulong-gulong sa sahig. Hawak pa niya ang tiyan na akala mo talagang sobrang sakit. Narinig ko ang pagtunog ng inuupuan ni Kuya John mula sa kusina, saka siya napatakbo papunta sa kinaroroonan namin.

“Ano’ng nangyari diyan?” nag-aalang tanong ni Kuya John.

“Ewan ko diyan. Bigla na lang sumakit ang tiyan, eh,” sagot ko.

“Bro, ang sakit ng tiyan ko. Parang sasabog na sa sobrang sakit. Mamamatay na `ata ako.” May paiyak-iyak pa kunwari si Kuya Joseph. Lintik. `Galing umarte, ah.

“May gamot sa kusina,” sabi ni Kuya John. “Ang dami mo kasing nakain!”

“Bro, walang gamot sa sakit ng tiyan sa kusina. Sakit lang sa ulo meron doon. `Lang’ya. Parang sasabog sa sobrang sakit ang tiyan ko.” Umatungal uli si Kuya Joseph.

“Ano’ng gagawin natin diyan sa tiyan mo?”

“Utusan mo si bunso na bumili ng gamot sa bayan.” Iyong mukha ni Kuya Joseph nagpapaawa pa. “Hahayaan mo bang mamatay sa sakit ng tiyan ang kakambal mo?”

“Papapuntahin mo pa sa bayan si bunso, ang lakas-lakas ng ulan? Saka gabi na!”

Napatigil sa pag-atungal si Kuya Joseph, saka tumingin kay Kuya John na akala mo inapi-api. Suminghot-singhot pa nga siya, kunwari nagpipigil lang na huwag maiyak. “Grabe ka, `tol. Hahayaan mo talagang mamatay sa sakit ng tiyan `tong kakambal mo? Kambal tayo, `di ba? Ibig sabihin walang iwanan. Sabay tayong ipinanganak sa mundong `to. Isang taon tayong magkasama sa loob ng tiyan ni Mama. `Tapos ngayon, hahayaan mo lang ako? Anong klase kang kambal?” Nagtakip na ng mukha si Kuya Joseph at umiiyak na kunwari.

Parang bading si Kuya Joseph.

“Siyam na buwan lang tayong nasa loob ng tiyan ni Mama. Isang taon ka diyan.” Tumingin sa akin si Kuya John, pagkatapos tumalikod na siya. “Bahala kayo. Mag-ingat ka na lang, bunso, ha.”

“Pinapayagan mo na akong umalis—este, bumili ng gamot sa bayan, Kuya?” gulat kong tanong.

“Oo na. Basta mag-text ka kung nasaan ka na,” sagot ni Kuya John, pagkatapos bumalik na siya sa kusina.

Napatigil na si Kuya Joseph sa pag-atungal at tumingin sa akin. “Ang galing ko, `di ba? May utang ka sa akin, ha.”

“Thanks, Kuya!” todo-ngiti kong sagot at dali-daling pumunta sa kuwarto ko para magbihis. Binilisan ko ang pagbibihis dahil lumalalim na ang gabi. Bago lumabas ng kuwarto, napansin kong medyo humina na ang ulan.

“Bunso, umuwi ka rin agad, ha. At kung sinuman `yang kikitain mo, magpahatid ka sa kanya kapag uuwi ka na.” Tiningnan ako ni Kuya John. “Hindi n’yo na kailangang magdrama ni Joseph.”

Bigla akong namula sa sinabi ni Kuya John. Alam niya pala na drama lang iyon? Hindi pa rin pala convincing ang drama ni Kuya Joseph.

“Sige po, Kuya,” sagot ko.

Nasa may pinto na ako ng bahay namin at paalis na sana nang habulin ako ni Kuya Joseph. Akala ko naman kung ano ang sasabihin niya pero mangangasar lang pala.

“Bunso, be safe, ha. Sabihin mo sa kanyang mag-condom.”

“Condom? Kadiri ka, Kuya!” Bumilis tuloy ang paglalakad ko palabas dahil sa sinabi niya. Jusko. Tinaasan ako ng balahibo sa mga pinagsasabi ni Kuya Joseph. Mabuti natatagalan siya ni Ate Rayne?

Nang nasa jeep na ako, bigla na namang lumakas ang buhos ng ulan. Habang papalapit ako nang papalapit sa kinaroroonan ni Ross, palakas din nang palakas ang tibok ng puso ko. Pakiramdam ko, hindi ako makahinga. Ano bang meron ang Ross na iyon at ganito na lang ang epekto niya sa sistema ko?

Nakalimutan ko rin palang dalhin ang cell phone ko. Gusto ko sanang i-text si Ross kung nandoon pa siya. Pero paano kung wala na pala siya doon?

Eh, di okay lang. Kalma ka lang, MJ. Kung wala na si Ross sa plaza, umuwi ka na lang agad.

Mas okay kung wala siya doon dahil sa totoo lang, hindi pa ako handa sa muli naming pag-uusap. Baka maiyak na naman ako. Palagi na lang akong umiiyak tuwing nag-uusap kami. Sana ngayon hindi na.

Napahinga ako nang malalim nang bumaba na ako sa jeep. Nasa tapat na ako ng plaza. Medyo malakas pa rin ang ulan kaya ang dilim pa rin ng kalangitan. Wala na ring masyadong naglalakad sa daanan. Nakita ko agad ang kotse ni Ross na naka-park sa plaza.

Ramdam na ramdam ko ang tibok ng puso ko habang naglalakad papasok sa plaza. Pakiramdam ko, nauubusan ako ng hininga. Kahit malamig ang simoy ng hangin, hindi ko iyon maramdaman. Pinagpapawisan ang buong katawan ko dahil sa sobrang kaba.

Kaunting lakad pa ang ginawa ko nang makita kong nakaupo si Ross. Tahimik lang siya at halatang kanina pa naghihintay dahil basang-basa na ang damit niya. Pansin na pansin ko rin ang panginginig ng katawan niya.

Sira-ulo talaga ang jejebuster na ito kahit kailan. Nilalamig na, hindi pa rin umalis. Ang tigas talaga ng ulo ng mga lalaki. Masyadong pasakit sa mga babae.

“Hoy!” Sinigawan ko si Ross, kunwaring hindi ako nakakaramdam ng kaba kahit nanginginig ang kamay ko sa paghawak ng payong. “Umuwi ka na kung nilalamig ka na! `Bobo mo talaga kahit kailan!”

Halatang nagulat si Ross. Dahan-dahan siyang lumingon sa akin. Salamat sa biglaang pagkidlat dahil nakita ko kahit papaano ang mukha niya. Ang putla na ng mukha niya dahil sa sobrang panlalamig. Nangangatog na rin ang mga labi niya.

Totoo ka ba talaga, Ross Valentin? Talagang tiniis mo ang malakas na ulan?

Bigla siyang ngumiti. “Sabi ko na hindi mo rin ako matitiis, eh. Alam kong darating ka.”

“Ulols mo. Pumunta lang ako dito para sabihing umuwi ka na. Aalis na rin ako.”

Nawala ang ngiti ni Ross. Humarap siya sa akin nang maayos. “Ano, gano’n-gano’n na lang `yon? Pagkatapos kong maghintay nang mahigit dalawang oras dito? Palagi mo na lang akong pinaghihintay. VIP ka lang, `no? Por que alam mong hihintayin kita. Por que alam mong hindi ako aalis na hindi ka dumarating, talagang mas tatagalan mo ang pagdating?”

Seryoso si Ross habang nagsasalita. Titig na titig siya sa akin. Alam niya bang nalulunod ako ng dahil sa mga titig niyang iyon? Malamang hindi. Paano naman pala niya malalaman kung abala siya sa ibang babae?

“Tigilan mo `yan.”

“Anong tigilan ko?”

“Iyang mga ganyan-ganyan mo. Hindi kasi nakakatuwa sa tainga. Naiirita ako.”

Naiirita ako dahil pakiramdam ko, may pag-asa ako kahit wala naman.

“Bakit? Ganito naman ako palagi sa `yo, ha?”

“Iyon nga, eh. Palagi kang ganyan. Kaya, utang-na-loob, itigil mo `yan.”

“Alam mo, hindi na kita maintindihan! Akala ko ba okay tayong dalawa? Akala ko ba wala tayong problema? Pero mula no’ng binasted ako ni Donna, pati ikaw umiwas sa `kin. Ano ba ang problema mo? May nagawa ba ako? Ayaw mo kasing magsalita.”

Napahilamos ako sa mukha. Hindi ko kasi alam kung paano sasabihin sa kanya ang sitwasyon naming dalawa. Wala akong mahagilap na mga salita para ipaliwanag sa kanya ang nangyayari sa akin o sa nararamdaman ko.

Tuwing napapatingin ako kay Ross, kumikirot ang puso ko. Alam na alam ko kasing hinding-hindi ko siya makukuha. Unang beses na na-in love, broken hearted pa ang kinahantungan.

“Kahit sabihin ko hindi mo rin maiitindihan.”

“Paano ko maiintindihan kung hindi mo sasabihin? Tombs, alam mo, nakilala kita bilang taong sinasabi ang nasa isip niya. Pero bakit ngayon, hindi ka makapagsalita?”

Dahil nagbabago ang isang tao kapag nasa harap niya ang taong gusto niya. “Ewan ko sa `yo. Uuwi na ako!” Tumalikod ako.

“Sige. Subukan mong umuwi na hindi sinasabi ang problema, bukas na bukas wala nang trabaho ang kuya mo,” pananakot ng jejebuster.

Napatigil ako at galit na tumingin kay Ross. “Ganyan ka ba talaga ka-selfish? Pati kuya ko na walang kinalaman dito idadamay mo?”

“Oo! Idadamay ko ang lahat ng malapit sa `yo malaman ko lang kung ano’ng problema mo. Alam mo, ang labo mo kasi, eh. Nakakaasar ka na!”

“Mas nakakaasar kang jejemon ka!”

“`Ayan, diyan ka magaling. Kapag galit ako, galit ka rin!”

Dahil mas maganda nang maggalit-galitan sa `yo kaysa iparamdam ko `tong nararamdaman kong hindi mo naman kayang suklian. “Kasi nakakagalit talaga `yang mukha mo! Buwisit ka!”

Naging malumanay ang boses ni Ross. “Tombs naman.”

“`Wag mo `kong matombs-tombs!”

“Eh, di lesbian. Lesbian naman.”

“ Taena ka!”

Tumawa siya. “Ang cute mong magalit. Lumalaki ang butas ng ilong mo.”

“Shit ka! Uuwi na talaga ako!”

Tumalikod na uli ako at binilisan ang paglalakad.

“Ano ba, tombs? Sandali nga lang!”

“Uuwi na sabi ako. Umuwi ka na ring damuho ka!”

“Walang uuwi hangga’t hindi tayo nagkakausap nang matino.”

“Tapos na `tong usapan na `to. Good-bye!”

“Tombs, hindi na ako natutuwa, ha. Napipikon na ako sa `yo.”

Sige lang. Mapikon ka lang. Para naman patulan mo na ako. “Eh, di mapikon ka lang. Pakialam ko?”

“Tombs, seryoso ako. Mawawalan talaga ng trabaho ang kuya mo bukas.”

Seryoso ang boses ni Ross sa banta niya. Muli na naman akong napahinto sa paglalakad. Pinipigilan ko lang talaga ang sariling huwag magalit. Pero ang leche na ito, sinasagad ang pasensiya ko. Naramdaman kong bigla niya akong hinawakan sa braso.

“Tombs,” pagsusumamo ni Ross, masyadong malumanay ang boses niya. Ang lungkot-lungkot ng boses niya. “Please, ano ba talaga ang problema? `Wag naman sanang ganito. Hindi ako sanay na ganito tayo.”

Nabitawan ko ang hawak kong payong nang humarap ako sa kanya. Itinulak ko siya sa dibdib kaya napabitaw siya sa pagkakahawak sa braso ko. “Gusto mong malaman kung ano’ng problema, ha? Gusto mo talagang malaman?”

Nagulat si Ross sa bigla kong pagsigaw. Napatitig lang siya sa mukha ko. Ako naman, ramdam na ramdam ko na ang mga luha ko na nagbabadya nang lumabas. Iyong mga luhang dahilan ng pagkagusto ko sa jejebuster na ito.

“Ako ang problema, Ross. Ako ang may problema. Hindi ako ganito. Hindi ako sanay na ganito. Ilang taon kong pinilit at niloko ang sarili ko na tomboy ako. Na wala akong puso sa mga lalaki. Ayoko kasing masaktan. Ayokong masaktan ako ng isang lalaki. Ayokong maging miserable ng dahil sa lalaki. Kaya pinilit ko ang sarili ko na patigasin ang puso ko. Pero dahil sa `yong leche ka, iyong ilang taon kong pagprotekta sa puso ko, biglang nawala. Nang dahil sa `yong leche ka, nasasaktan na naman ako. Nang dahil sa `yo… nang dahil sa `yo, unti-unti akong nagiging miserable.”

Tumulo na ang mga luha ko habang nagsasalita. Pero hindi ko iyon pinunasan. Hinayaan ko lang silang tumulo nang tumulo. Hinayaan ko lang ang sarili ko na ilabas ang lahat ng sakit sa puso ko ngayon.

“Akala ko wala lang `tong nararamdaman ko sa `yo. Akala ko lilipas lang `to. Pero `tang’na, Ross. Hindi. Hindi pala utot `tong feelings ko sa `yo na lilipas din agad. Tuwing ngumingiti ka sa `kin, tumatalon ang puso ko. Tuwing tumatawa ka, para akong nakalutang sa ulap. Tuwing nagiging sweet ka sa `kin kahit pabiro lang, halos matunaw ako.”

Napailing-iling ako. Bakit ba ako nagtatapat sa buwisit na ito? Bakit umiiyak pa ako sa harap niya?

“Pero hindi dapat ako masanay sa gano’n. Hindi kasi maganda. Hindi ko dapat hayaan ang sarili ko na malunod sa presensiya mo. Alam ko kasing walang pag-asa. Alam kong kahit ano’ng gawin ko… hindi mo ako mapapansin. Sabi mo kasi, brotherhood tayo. Sabi mo, friends tayo. Sabi mo, lalaki ang tingin mo sa `kin. Kaya umiwas ako, Ross. Iniwasan kita. Umiwas ako sa `yo kasi alam kong hindi ako si Donna. Kaya alam kong never mo akong magugustuhan.” Pinunasan ko ang mga luha ko.

“Ngayon, sabihin mo sa `kin na hindi tamang iwasan kita. Kasi kung hindi ko gagawin `to, ako lang ang masasaktan. Ako lang ang talo sa huli. Ako lang ang magiging miserable. Kaya, please lang, Ross. Hayaan mo na lang akong iwasan ka. `Wag mo na akong guluhin pa. Hayaan mo na lang akong bumalik sa dating ako, noong hindi pa kita nakilala. Hindi kasi ako sanay sa ganito. Ayokong masanay sa `yo at sa mga ipinapakita mong kasweetan dahil alam ko naman na walang ibang meaning `yon. Ross, nagugustuhan na kasi talaga kita. Gustong-gusto kita at hindi ko `to gusto. Kaya, Ross, please—” Napatigil ako sa pagsasalita dahil sa biglang ginawa ni Ross.

Hinila niya ang kamay ko kaya napalapit ako sa kanya, saka idinikit ang mga labi niya sa mga labi ko. Ramdam na ramdam ko ang malalambot na labi ni Ross na nakalapat sa akin.

Para akong kinukuryente habang magkalapat ang mga labi namin. Dahil sa halik ni Ross, pakiramdam ko, naglaho ang buong paligid. Nawala ang lahat-lahat. Parang kaming dalawa lang ang tao sa mundo ngayon. Dahil sa halik niya, pakiramdam ko lumulutang ako sa ulap.

Ramdam ko ang malakas na ulan sa buong paligid. Pero parang hindi kami nababasa ng ulan. Magkalapat pa rin ang mga labi namin nangdumilat si Ross. Lumayo siya sa akin, pero titig na titig pa rin sa mga mata ko.

“Akala mo ikaw lang ang nakakaramdam niyan?” sabi niya nang idinikit ang noo niya sa noo ko. “`Wag kang selfish. Hindi lang ikaw ang nagkakagusto. Pati rin naman ako. Nagugustuhan na rin kita. Tombs, gustong-gusto rin kita.”