noveltoon logo noveltoon
Lesbi In Love

Chapter 22

Ch. 22 / 32 Apr 09, 2022

CHAPTER TWENTY-TWO

T OTOO nga talaga ang sinabi nilang nagiging korni ang taong in love. Hindi ko naman sinasabi o tinatanggap sa sarili ko na in love nga ako, pero kasi itong mga naiisip ko ngayong gabi ay pulos kakornihan na lang. Tulad na lang na ang sarap-sarap pakinggan ng boses ni Ross. Iyong boses niya, parang drugs na ang lakas ng ibinibigay na tama sa katawan ko. Ultimo pagtawa niya habang magkausap kaming dalawa sa phone ay napapangiti na ako.

Parang tanga talaga. Ang korni-korni ko na.

“Tombs? Nandiyan ka pa? Nakatulog ka na `ata?”

Magkausap kami sa phone ngayon kahit gabing-gabi na at may pasok pa bukas. Sa mga araw na lumipas, mula nang aminin niya sa akin na gusto niya talaga ako, gabi-gabi na kaming magkausap sa cell phone. Siyempre, siya ang tumatawag. Siya ang mayaman at maraming load, eh. Alam naman niya na ang tomboy na tulad ko ay poor lang.

“Nandito pa. May iniisip lang.”

Tumawa si Ross. “`Wag mo na akong isipin. Magkausap na nga tayo ngayon, `tapos iisipin mo pa ako. Masyado ka namang obsessed sa `kin at sa kaguwapuhan ko.”

Hayan na naman ang tawa niya. Lechugas ang Ross na ito. Gusto yata akong patayin sa kilig.

“Ang kapal mo. Nahihiya `tong kalyo ko sa paa sa sobrang kakapalan mo,” sagot ko. “`Wag ka ngang tumawa. Nakakainis ka, ah. Naririndi ako sa tawa mo.”

Naririndi o lalo kang nahuhulog sa kanya? Naku, MJ. Iba na `yan, ha. Eeww. Yak ka lang, MJ. Masyado na talaga ang mga naiisip mo.

“Bakit? Ano ba’ng meron sa tawa ko? Eh, sabi nga ng karamihan, ang guwapo ng tawa ko.”

“Ang guwapo? May mukha ba `yang tawa mo?”

“`Wag kang literal, tombs. Pero seryoso? Ano ba’ng meron sa tawa ko? Kinikilig ka ba?”

“Sabi ko, naririndi ako. Kinikilig ka diyan? Lalaki ako. Ba’t ako kikiligin sa `yo?”

“Lalaki ka, `tapos lalaki rin ako. Ano tayo? Nagbabaklaan?” Tawa na siya nang tawa. “We’re gay for each other lang? Bromance.”

Nanahimik uli ako.

“Tombs?”

“Uhm?”

“Tanong ko lang. Ano’ng nagustuhan mo sa `kin? Eh, no’ng una nating pagkikita, parang gusto mo na akong tirisin. Yabang na yabang ka pa sa `kin. Pero ngayon, tingnan mo tayong dalawa.”

“Hindi ko alam.” Seryoso. Hindi ko talaga alam. Kung may choice lang ako, ayoko rin naman talagang magkagusto sa kanya. Pero sadyang makulit ang puso ng tao.

“Ako rin. Hindi ko rin alam. Siguro gano’n nga talaga. Hindi mo ma-explain kung ano ang nagugustuhan mo sa isang tao. Hindi mo kayang ilagay sa isang pangungusap. Parang walang konkretong mga salita para ilarawan kung bakit mo siya nagustuhan.”

“Ross?”

“Yup?”

“Ang korni mo. Nakakadiri.”

“Korni ang taong in love, tombs.”

Puso, manahimik ka. Huwag kang todo-pintig. Baka bigla akong isugod sa ospital.

“In love kay Donna?” pagbibiro ko.

Bumuntong-hininga si Ross. “Iyan ka na naman. Babanggitin mo na naman si Donna. `Tapos bigla-bigla kang magagalit. Ikaw unang bumabanggit sa kanya, `tapos kapag napunta sa kanya ang usapan, saka ka maggu-goodnight. Ang labo mo minsan. `Buti na lang handa akong intindihin ka palagi.”

Noong isang gabi, magkausap din kami nang mabanggit ko si Donna. Hanggang sa mapunta na kay Donna ang usapan namin. Ewan ko ba pero feeling ko kasi naging jolly si Ross noon. Feeling ko kapag si Donna ang topic, interesadong-interesado siya. Siyempre, hindi ko na naman napigilan ang sarili ko. Kaya bago ko pa siya maaway, nag-goodnight na ako at natulog na bad trip.

Potek talaga. Ang selosa ko masyado, hindi ko ito nagugustuhan. Hindi naman kasi talaga ako ganito dati. Nang dahil kay Ross, naging ganito ako. Unti-unti na talaga akong nagbabago mula nang magustuhan ko siya.

“Siyempre, `di mo naman maiaalis sa `kin na mainis. Gusto mo si Donna, eh.”

“Nagustuhan. Past tense na, tombs. Hindi ba sinabi ko na sa `yo na ikaw na ang gusto ko?”

“Eh, first love mo `yon. Ikaw pa nga nagsabi na you fell in love with her twice.”

Biglang tumawa si Ross.

“Anong tinatawa mong leche ka?”

“Ikaw kasi, masyado kang selosa. Ang moody talaga ng mga babae, `no? Magbabanggit ng pangalan ng ibang babae, `tapos biglang magseselos.”

“Sino’ng nagsabing nagseselos ako? Asa ka naman.”

“`Tapos in denial pa sa totoong nararamdaman ang mga babae.”

“Ang kapal mo. `Di ako in denial. Ewan ko sa `yo. Goodnight!”

“`Tapos magagalit talaga sila kapag nabubuko sila. `Oy, tombs!”

Hindi ako sumagot.

“Tombs naman, biro lang iyon.”

Nanahimik lang ako.

“Hays. Moody talaga ni tombs. Pero kasi kung anuman ang naramdaman ko kay Donna, past na lahat `yon. Oo nga sinabi kong I fell in love with her twice. Pero hindi ba puwedeng, I fell in love with you the third time and it was really hard that I can’t even pull myself back?”

Hindi pa rin ako sumagot. Hindi dahil sa naiinis pa rin ako, kundi dahil kinikilig ako at nandidiri ako sa sarili ko kung bakit ako kilig na kilig sa sinabi ng damuho na ito.

“Tombs naman, `wag ka nang mag-inarte.”

“Hindi naman ako nag-iinarte.”

“I really, really, really like you, tombs. Iyon ang isipin mo, okay?” Humikab si Ross. “Antok na ako. One AM na pala ng madaling-araw. Ang bilis ng oras. Kasimbilis ng pagkahulog ko sa `yo. May practice pa pala ako ng six AM.”

“Tulog na tayo. Maaga pa pasok natin bukas.”

“Kantahan mo muna ako. Pampatulog lang. Gusto ko, sa pagpikit ng mga mata ko, boses mo ang naririnig ko.”

Napangiti ako. “You are the one that I’ve been searching for my whole life through. You are the one that I’ve been looking for and now that I have found you. I’ll never let you go, I’ll hold you in my arms. You are the one. Goodnight, Ross.”

“Goodnight, tombs.” Mukhang antok na antok na nga siya. “See you tomorrow.”

Hindi agad ako nakatulog kahit tapos na kaming mag-usap. Ang dami na naman kasing gumugulo sa utak ko. Ang dami kong insecurities na nararamdaman. Hindi naman ako ganito. Pero kasi, hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi mag-isip.

Paano kaya kung biglang magbago ang isip ni Donna? Paano kaya kung bigla niyang sabihin kay Ross na gusto niya pala ito at nagkamali lang siya ng desisyon? Ano kaya ang gagawin ni Ross?

Iiwan ba ako niya ako at babalik siya uli kay Donna? Hindi posibleng mangyari iyon, hindi ba? Lalo na kung nakilala ko siya na si Donna talaga ang gusto. Tanda-tanda ko pa kung paano siya ngumiti at kung paano kumislap ang mga mata niya noon tuwing napapag-usapan namin si Donna.

Bigla akong napangiti nang mapakla. Ano ba itong pinagsasasabi ko? Anong iiwan? As if naman kami na ni Ross. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano kami. Kung meron na ba kaming “kami” dahil nagkaaminan na gusto namin ang isa’t isa? Iyon ang mahirap kapag hindi mo alam kung ano ba ang lagay ninyong dalawa. Hindi ka puwedeng magselos dahil hindi mo naman sigurado kung may karapatan ka. Kaya kailangan mo na lang itago sa sarili mo ang lahat ng nararamdaman mo. Pati kapag nasaktan ka, itatago mo na lang.

Antok na antok akong nagising kinabukasan. Nag-alarm ang cell phone ko ng six AM. Pagtingin ko, may ilan nang text si Ross sa akin. Mukhang maaga nga talaga siyang gumising dahil sa practice niya.

Ross: Good morning tombs :)

Ross: On my way na sa school. Ang aga. Antok pa ko.

Ross: Tulog ka pa?

Ross: Text mo agad ako kapag gising ka na ah.

Ross: Tagal ng teammates ko. Ilan pa lang kami nandito.

Ross: Tombs gising na!!

Nag-reply naman ako.

Ako: Leche ka. Dami mo agad text. Kakagising ko lang.

Habang inaayos ko ang kama ko ay nag-reply siya.

Ross: Kakagising mo lang? Haha. Kain na tombs. Di pa kami tapos sa practice.

Ako: Ge.

Ross: Cold naman magreply nito.

Ako: Hot ako, gago.

Ross: Hot? ;)

Ako: Nakakadiri yang kindat mo.

Lumabas na ako ng kuwarto at nagpunta sa kusina, saka nagmumog. Iyong kambal kong mga kuya ay nasa mesa na at nag-aalmusal.

“Bunso, sino ba `yang ka-text mo? Ang aga-aga. Hindi ka muna kumain,” sabi ni Kuya John.

Binitawan ko tuloy ang cell phone ko nang wala sa oras. “Sorry, Kuya.”

“Anong oras ka na rin `atang natulog kagabi. May kausap ka sa cell phone, `no? Sino `yon?” tanong uli ni Kuya John.

“Si Anton, Kuya. May ikinukuwento lang,” pagsisinungaling ko.

“Si Anton ba talaga?” pagsingit ni Kuya Joseph, pangisi-ngisi pa.

Pinandilatan ko si Kuya Joseph. Si Kuya John naman, nakatingin lang sa akin kaya hindi ako makatingin nang deretso sa kanya. Feeling ko, nagsususpetsa na siya. Pero wala naman siyang sinasabi. Siguro hinihintay niyang ako ang magsabi sa kanya tungkol kay Ross.

Oo nga pala. Hindi niya rin alam na si Ross ang tinutukoy ko noong nakaraan. Ano kaya ang sasabihin ni Kuya John kapag nalaman niya? Eh, di ba, ayaw niya kay Ross dahil sa mga naririnig niyang issue sa damuho na iyon sa school namin? Nakaka-stress naman.

Nang tumayo si Kuya John at pumasok na sa kuwarto niya, sinipa ko ang paa ni Kuya Joseph sa ilalim ng mesa. Napaaray naman siya.

“Aray ko, ha. Para saan `yon?”

“Ang daldal mo kasi. Paano kapag nalaman ni Kuya John ang tungkol kay Ross?”

“Eh, di maganda. Para legal na kayo. Ay, teka. Ano pala ang balita sa inyo? Ayos na ba kayo?”

“He! `Wag kang magtanong. Naku lang talaga, Kuya.”

“Kahit naman itago mo, malalaman at malalaman pa rin ni John. Kaya maghanda ka na.” Ngumisi si Kuya Joseph, saka tumayo at pumunta sa lababo. Bago pa siya pumunta sa sala ay kinindatan pa niya ako. Bigla tuloy akong kinabahan. May alam na nga kaya si Kuya John?

Habang naglalakad kami papunta sa sakayan ng jeep ni Kuya John ay ka-text ko si Ross.

Ross: Break namin. Saan ka na?

Ako: Papasok na. Pasakay ng jeep.

Ross: Ah ingat. May gagawin ka sa Linggo?

Ako: Wala naman. Bakit?

Ross: Labas tayo.

Ako: Ayoko. Wala akong pera.

Ross: Sira. Sagot ko siyempre.

Ako: Naks. Yaman.

Ross: Nagmamahal lang ;)

Ako: yak!

Ross: hahaha :D

“Bunso, mapunit `yang labi mo sa kakangiti.”

Napatingin ako kay Kuya John nang magsalita siya. “Hindi naman ako ngumingiti, Kuya.”

“Bunso, hinay-hinay lang, ha. Ayokong umiyak ka na naman.”

Mukhang may alam na nga si Kuya John. Alam na ba niya talaga ang tungkol kay Ross? Lintik. Sana lang hindi nagsumbong si Kuya Joseph. Naku lang talaga.

Nang dumating na ako sa school at napadaan sa parking lot, nakita ko ang kotse ni Ross. Minadali ko tuloy lalo ang paglalakad dahil bigla-bigla na namang nag-init ang mukha ko.

Ano ba itong nangyari sa akin? Unti-unti na nga yata talaga akong nagiging babae. Unti-unti na rin akong nalulunod kay Ross. At mukhang wala akong planong iahon ang sarili mula sa pagkakalunod.

Dumating ako sa classroom na ang mga kaklase kong babae ay nasa bintana at may sinisilip. Nagtitilian pa sila na akala mo may magandang view o nakakakilig na nakikita.

Inilapag ko sa upuan ang bag ko, saka lumapit kina Anton at Alex na nakikitsismis. Siyempre dahil usisera ako at may dugong tsismosa rin, tinanong ko sila kung ano’ng meron.

“Anong meron diyan, Alex?” tanong ko.

“Nagja-jogging kasi ang mga player, brad,” sagot ni Anton.

“O, bakit ikaw ang sumagot? Ikaw na ba ngayon si Alex?” pambabara ko kay Anton.

“Trip ko lang. Walang basagan ng trip.”

“Eh, bakit sila nagtitilian kung nagja-jogging lang ang mga player?” muli kong tanong.

“Paanong hindi titili kung makikita mo sila na nasa ganyang ayos?” sagot naman ni Alex, saka ako itinulak papunta sa may bintana.

Pagtingin ko sa bintana, nakita ko ang players na tumatakbo sa field na tanging shorts lang ang suot. Kitang-kita ang mga katawan nilang pulos abs. Iyon pala ang pinagtitilian ng mga babaeng iyon.

Agad hinanap ng mga mata ko si Ross. Dahil maputi ang damuho na iyon, agad ko siyang nakita. Naka-shorts lang din siya na puti at walang pang-itaas na suot. n akabalandra sa mga kaklase ko ang katawan niyang pinagpipiyestahan ang abs at biceps niya. Bigla akong nairita.

“Ross! Ross! Isang tingin naman dito!” sigaw ng kaklase ko.

Biglang huminto si Ross at tumingala sa classroom namin. Napatigil siya na parang may hinahanap hanggang sa magtama ang paningin namin. Bigla siyang ngumiti, saka kumindat.

“OMG! OMG! Kinindatan ako ni Ross!” sigaw na naman ng mga kaklase ko.

Ako naman, hindi nakapag-react. Napatalikod ako bigla dahil ramdam ko na naman ang pag-iinit ng mukha ko. Pag-angat ko ng tingin, nakita kong titig na titig sina Anton at Alex sa akin.

“O, bakit ganyan kayo makatingin sa `kin?”

“Wala naman. Nagugulat lang kami,” sagot ni Alex.

“Nagugulat saan?” nagtataka kong tanong.

“Na makita ang tropa naming tomboy na si MJ na nag-blush dahil sa kindat ni Ross Valentin,” sagot naman ni Anton. “Totoo nga talaga ang himala. Nagbalik-loob na ang utol ko.”

“Okay lang `yan, brad. Okay lang `yan.” Niyakap ni Alex si Anton at pinapatahan sa kunwaring pag-iiyak ng pangit. “Alam mo kung ano’ng hindi okay?”

“Ano?” ngawa ni Anton.

“Iyong pangit ka, brad. Hindi `yon okay.”

“Gago ka, Alexandra,” inis na sabi ni Anton.

“Pero, `tol, `wag kang umiyak dahil nagbalik-loob na si MJ sa pagiging girl. Umiyak ka kasi pangit ka,” pang-aasar uli ni Alex.

“`Namo ka, Alex. `Namo ka hanggang Thursday night!” Umirap pa si Anton.

Bumalik na kami sa kanya-kanyang upuan nang dumating ang professor namin sa Theology. As usual, bago siya magsimula sa lesson niya ay nag-speech muna siya. Na ang mga tomboy at bakla raw ay kampon ng kadiliman. Wala raw ginawa ang Diyos na ganoong kasarian. Iwasan daw na maging ganoon dahil hindi ka makakapasok sa langit. So ang mga judgemental lang na tulad niya ang makakapasok sa langit? Sabay-sabay kaming tatlong napairap dahil sa pinagsasabi niya. Hay, ewan.

Nag-quiz kami sa isa pang subject, pagkatapos reporting naman sa English. Si Anton ang nagre-report. Pulos katatawanan lang tuloy ang nangyari dahil shunga siya sa English. Hanggang sa lunch na. Dumating kami sa canteen at umupo. Habang nakaupo, biglang may tumabi sa akin.

“Paupo ako.”

Gulat akong napatingin kay Ross. “Ano—ano’ng ginagawa mo rito?” Napatingin ako sa paligid. “Umalis ka nga. Nakatingin `yong mga students sa `tin, o.”

“Wala akong pakialam sa kanila. Kumain ka na?” tanong niya, saka tumingin kina Alex at Anton na titig na titig sa kanya. “Hi, guys. Paupo, ha?”

Napatango-tango ang mga tomboy.

Bumulong ako kay Ross. “Hindi ba, sinabi ko sa `yo na `wag kang masyadong malapit kapag nasa school tayo? Ayokong ma-issue,” asar kong sabi. “Paano kapag nalaman ni Kuya ko `to?”

“So gusto mong sa ibang babae na lang ako lumapit?” seryoso niyang tanong. “Okay. Sabi mo, eh.”

Patayo na sana si Ross nang bigla kong hawakan ang laylayan ng uniform niya.

Napangisi si Ross. “Hindi rin pala ako matitiis.”

“Pakyu ka hanggang next month,” yamot kong sabi.

“Kumain ka na?” tanong niya uli.

Umiling ako.

“Ako na ang bibili ng pagkain natin.” Tumayo siya at lumapit doon sa bilihan ng mga pagkain.

Pagtingin ko kina Anton at Alex ay titig na titig sila sa akin.

“Dukutin ko ang mga mata n’yo.”

“Oh, my God, talaga. As in OMG. Nakakawindang. Totoo ba `to? Kayo na ni Ross?” tanong ni Anton. “Ang sweet n’yo grabe. Nakakainggit.”

“Hindi kami. Walang kami. Friends lang kami.”

Napairap siya. “Ang showbiz ng sagot. Parang si Daniel Padilla lang at Kathryn Bernardo. Halata namang silang dalawa na todo-deny pa rin. Ewan ko sa inyo.”

“The truth will set you free, `tol,” singit naman ni Alex.

“Tigilan n’yo akong dalawa. Nandiyan na si Ross. Magtigil kayo.”

Dumating na si Ross at inilapag sa table namin ang tray na dala. Inalagay niya sa harap ko ang isang Styrofoam na may lamang carbonara, dalawang sandwich, dalawang brownies at isang malaking bote ng Royal. Ganoon din ang pagkain niya.

“Ang dami naman niyan,” sabi ko. “Hindi ko `yan mauubos.”

“Ubusin mo `yan. Kailangan mong tumaba.” Ngumiti siya. “Ay, `wag pala. Baka `di kita mabuhat kapag tumaba ka— Aray.” Sinuntok ko ang tiyan niya.

“Nasaan ang akin, Ross?” tanong ni Anton.

“Ito, o. Ubusin mo `yan, ha.” Binigyan siya ni Ross ng tissue.

“`Sweet n’yo ni MJ, Ross. Kayo na ba?” tanong naman ni Alex.

“Hindi pa.” Tumingin sa akin si Ross, saka ngumiti. “Pero malapit na siguro.”

“Shut up nga, damuho! Anong hindi pa ka diyan?” angal ko.

“O, bakit? Alangang sabihin ko na tayo na ba? Sinasagot mo na ba agad ako?” sabi niya. “Hindi pa nga ako nanliligaw, eh. Gusto naman kitang paghirapan, tombs.”

Sasagot pa sana ako nang biglang may boses na nagsalita sa likuran ko.

“Tama `yan. Hindi ka pa nanliligaw. Hindi ka pa rin personal na pumupunta sa bahay.” Biglang nanigas ang buo kong katawan. “Good afternoon, Mr. Valentin. Do you really like my sister? If yes, I’ll see you in our house then.”

Gulat na napatingin si Ross kay Kuya John habang si Kuya John naman ay seryosong nakatingin sa akin.

Jusko. Gulo na ito. Judgement day na po!