CHAPTER TEN
N AKITA kong seven thirty na ng gabi nang mapatingin ako sa orasan.
“Pansin ko lang, kanina pa panay ang tingin mo sa oras, bunso. May pupuntahan ka ba?”
“Gabi na, bunso. `Wag mong sabihing aalis ka pa ng ganitong oras?”
Napatigil ako sa pagsubo ng kanin nang magkasunod na magtanong sina Kuya Joseph at Kuya John. Hapunan na ngayon kaya nasa kusina kami at kumakain na.
“Hindi ako aalis. Saka `di naman ako paulit-ulit na tumitingin sa oras, ha?” pagtanggi ko.
“`Sus. `Tanggi ka pa, eh. Nakalimang tingin ka na kaya sa oras. Aalis ka, `no? Makikipagkita ka sa boyfriend mo?” pang-aasar ni Kuya Joseph.
Napaikot ako ng mga mata. “Boyfriend ka diyan. Tomboy nga ako, `di ba? Ano pa’ng sense ng pagiging tomboy ko kung magbo-boyfriend lang din naman pala ako? Utak nga, Kuya.”
“Ang in denial ni bunso. Napagdaanan na namin ni Kuya John mo `yan. Noon, tumatakas pa kami kahit hatinggabi na. Kaya madalas sa labas kami pinapatulog ni Mama.” Tumawa si Kuya Joseph.
“`Wag mo akong idamay sa kalokohan mo, Joseph. Ikaw lang pinapatulog ni Mama sa labas.” Tumingin sa akin si Kuya John. “Bunso, hindi ka puwedeng umalis, ha. Gabi na. Kung may lakad ka, ipagpabukas mo na. Mamaya kung ano pa ang mangyaring masama sa `yo. Iba na ang panahon ngayon.”
“Kung may boyfriend ka, dito mo na lang sa bahay papuntahin. Para naman makilala rin namin.”
“Hindi nga ako aalis, Kuya,” sagot ko, saka tumingin kay Kuya Joseph. “Wala nga akong boyfriend, Kuya Joseph. Kakulit ng taong `to kahit kailan.”
Nginisihan lang ako ni Kuya Joseph kaya inirapan ko lang siya. Nagpatuloy na lang ako sa pagkain at hindi na pinansin ang pang-aaasar niya sa akin. Ang kulit talaga ng taong ito. Sinabing tomboy nga ako kaya paano ako magkaka-boyfriend? Hindi ako nakikipag at makikipagbaklaan. Nakakadiri nga kasi iyon.
Ang rason kaya paulit-ulit akong tumitingin sa oras ay dahil binibilang ko kung ilang oras na bang naghihintay sa akin si Ross sa school. Sinabi ko kasi sa kanya kanina na hintayin niya ako para makapag-usap kami sa task number two na ipapagawa ko. Pero para makaganti ako sa kanya sa pagpapahiya sa akin, hindi ko siya sinipot. Pagkatapos ng klase ko kanina, agad na akong umuwi. Hindi ako sa main gate ng school dumaan palabas dahil paniguradong makikita ako ni Ross. Sa likuran ako ng school lumabas.
Nang makauwi ako kanina, may text na si Ross na nasa parking lot not siya. Nireplyan ko naman siya na hintayin niya ako at huwag na huwag aalis hangga’t hindi ako dumadating. May reply pa siya na, “sige, hihintayin kita kahit ano ang mangyari.”
Limang oras na ang nakalilipas mula nang paghintayin ko siya at makauwi ako sa bahay pero hindi na ako nag-reply sa text niya. Hindi ko na rin tiningnan ang cell phone ko dahil alam ko namang tadtad na naman iyon ng text galing sa damuho at paulit-ulit akong tinatanong kung nasaan na ako.
Ha! Maghintay ka sa wala. Akala mo naman sisipot ako? Akala mo talagang pupuntahan kita? Neknek mong sunog. Ganti ko ito sa iyo sa pagtawag sa akin ng ‘baby’ kanina. Maghintay ka ngayon hanggang mamuti ang mga mata mo. Hinding-hindi kita sisiputin. Itaga mo sa noo mo iyan!
Ako na ang nagprisintang maghugas ng plato nang matapos kaming kumain. Si Kuya John, maagang natulog dahil pagod daw siya at maaga pa sa school bukas. Mabuti na lang ako, walang klase tuwing Sabado at Linggo. May pahinga ang mga mata ko sa kapangitan ng dalawang tomboy.
Nang matapos akong maghugas at maglinis sa kusina, dumeretso naman ako sa sala para makinood sa pinapanood ni Kuya Joseph. Nagma-marathon siya ng Naruto .
Kay Kuya Joseph ko namana ang pagiging addict sa anime. Pero ang pagiging adik niya, malala na. Iyong kuwarto niya kasi, punong-puno ng iba’t ibang poster ng anime. Iyong punda ng mga unan niya pa, Naruto na bigay sa kanya ni Ate Rayne.
“Bunso, manonood ka pa ba?”
Tumango ako.
“Ikaw na magpatay niyan, ha. `Antok na ako, eh. Alas-nuwebe na rin pala ng gabi. May lakad pa ako bukas.”
“Sige, Kuya. Goodnight!”
Pumasok na si Kuya Joseph sa kuwarto niya kaya ako na lang mag-isa ang naiwan sa sala. Tinamad na rin akong manood kaya pumasok na rin ako sa kuwarto ko. Nagbukas naman ako ngayon ng Facebook at nag-stalk kay Donna ko. Ang last status niya ay two hours ago pa. Binasa ko iyon.
Love does no harm to its neighbor. Therefore love is the fulfillment of the law. Romans 13:10
Napaka-religious talaga ni Donna kahit kailan. Siya ang tipo ng tao na hindi talaga nakakalimot sa Diyos. Madasalin din siya. Pati nga header niya sa Facebook, rosary, eh. Masyadong banal kaya mataas talaga ang tingin ko sa kanya.
Naalala ko rin dati na gumanap siya bilang anghel noong fiesta sa lugar namin. Ang ganda-ganda niya noon. Para talaga siyang totoong anghel. Dahil doon, lalo ko siyang nagustuhan.
Habang nakatingin ako sa status ni Donna, napadako naman ang mga mata ko sa comments. May mangilan-ngilang nag-comment pero pangalan ng damuho ang nakita ko.
Ross Eliseo Valentin : Amen. Hahaha
Kumunot ang noo ko sa comment ng damuho. Pati ang Bible verse na status ni Donna, tatawanan niya. Wala na talagang magawa sa buhay ang jejemon na iyon. Masyado nang malala ang kabaliwan.
Wala sa sariling tiningnan ko ang profile ni Ross. Napatulala ako sa screen ng computer ko nang mabasa ang last status niya. Mga one hour na rin iyon.
Ross: Still waiting—feeling hungry. 1.2k Likes 143 comments
What the— Huwag niyang sabihing naghihintay pa rin siya kahit ganoong oras na? Agad akong nag-message sa kanya.
Ako: Hoy! Nasaan ka?
Ako: Jejemon!
Ako: Hoy!
Nakailang message ako sa kanya pero hindi siya nagre-reply. Mukhang hindi na siya online. Mabilis kong dinampot ang cell phone ko. Nalula ang mga mata ko nang makita ang dami ng text messages. Ang dami na ring Missed calls. Lahat galing kay Ross.
Pag-open ko ng Inbox, may bago siyang text message. Fifteen minutes ago lang.
Ross: Saan ka na? Gutom na ko.
Nanginginig ang mga kamay ko habang binabasa ang mga text niya.
Ross: Tombs, anong oras na. Dadating ka pa ba? Sabi mo huwag akong aalis dito hanggang di ka dumadating.
Ross: Okay ka lang ba? Dadating ka naman, di ba?
Ross: GutOm Na Me. Zzzzzzz.
Ross: Tombs, may shooting star kanina. Nakita mo?
Ross: Mag 10pm na tombs. Di ako aalis dito.
Ross: Hoy! Bat di mo sinasagot tawag ko? Wala naman nangyaring masama sayo, di ba? Basta hihintayin kita dito kahit anong mangyari.
Ang mga sumunod na text ni Ross ay puro nagtatanong kung nasaan na ako. Nagkuwento na rin siya tungkol sa basketball practice nila kanina. Naka-thirty-five points daw siya. Nakatulog din daw siya noong nagle-lesson ang professor niya dahil sa sobrang boring.
Habang binabasa ko ang text messages ni Ross, sumisikip ang dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil pinagmukha ko siyang tanga sa paghihintay.
Ang bobo talaga ng lalaking iyon kahit kailan. Hindi ba siya kinutuban na ilang oras na siyang naghihintay kaya malamang na hindi na ako darating pa?
Saka ko naalala ang huling text ni Ross kanina noong nasa school pa ako.
I’ll wait for you. No matter how long it takes.
Bobo! Shunga! Bobitong jejemon! Talaga bang for real kang lalaki ka? Talaga bang maghihintay ka sa parking lot ng school hangga’t hindi ako dumadating? Lalo mo lang akong binad trip dahil sa kashungahan mo. Lintik naman.
Sinubukan kong mag-reply kay Ross pero check operator service ang phone ko. Hindi nga pala ako nakapagpa-load kanina nang umuwi ako. Bad trip naman. Kung kailan kailangan ng load, saka pa nawalan. Todo-isip tuloy ako kung ano ang gagawin ko. Ilang minuto na lang mag-aalas-diyes na. Gusto kong isipin na sa mga ganoong oras ay umalis na si Ross doon at naisip na hindi na talaga ako darating. Pero malakas ang kompiyansa ko na shunga siya at hanggang ngayon ay naghihintay pa rin.
Kinuha ko ang wallet ko, saka lumabas ng kuwarto. Pupuntahan ko na lang si Ross sa school at uuwi na rin agad. Puwede naman akong magpa-load sa labas, saka siya ite-text. Pero huwag na lang. Kailangan kong makita si Ross para sermunan at sabihin kung gaano siya katanga sa paghihintay sa akin.
Sinabihan ako ni Kuya John kanina na huwag akong aalis ng bahay pero kailangan. Maingat tuloy akong kumilos papunta sa likod-bahay. Hindi ako puwedeng sa gate lumabas dahil maingay iyon. Sa likod na lang ako dadaan at sasampa sa pader, tutal mababa naman iyon kaya kayang-kaya ko.
Nang makalabas, agad na akong naglakad papunta sa sakayan ng jeep. Marami-rami pa namang tao na naglalakad kaya hindi nakakatakot. Habang naghihintay, napatingin ako sa suot kong damit.
“Ang bobo mo, MJ!” Nasampal ko ang sarili kong noo.
Manipis na sando lang ang suot ko, saka pajama. Hindi na ako nakapagpalit sa sobrang pagmamadali ko. Hindi rin naman ako puwedeng bumalik dahil baka magising si Kuya John o si Kuya Joseph. Bahala na nga.
May humintong jeep kaya agad na akong sumakay. Ang lalaki pa na nasa harap ko, mukhang lasing. Pangisi-ngisi ang lintik habang nakatingin sa akin. Huwag lang siyang magtangka dahil bad trip ako ngayon.
Bumaba na ako ng jeep nang huminto iyon sa tapat ng school. Mabuti na lang, bukas pa ang school gate. Kinausap ko ang guard na nagbabantay sa gate. Sinabi ko lang na may naiwan ako sa locker ko. Pumayag naman siya kaya pinapasok ako. Ewan ko kung bakit naniwala sa akin iyon. Wala naman kaming locker dito sa school.
Mabilis na akong naglakad papunta sa parking lot. Medyo nakakatakot ang daanan dahil wala nang masyadong ilaw. Pero ang takot ko ay biglang nawala nang matanaw ko si Ross na nakasandal sa gilid ng itim niyang kotse. Hawak-hawak niya ang kanyang cell phone. Naka-jacket lang siya ng puti, iyong jacket nila sa basketball team.
“Hoy!” sigaw ko.
Napatingin sa akin si Ross, saka napatitig saglit. Mukhang tinitingnan kung sino ako. Nang makumpirma na ako ang guwapong tomboy na hinihintay niya, tumakbo siya palapit sa kinatatayuan ko. Nainis ako nang makita ko ang pagmumukha niya. Iyong mukha niyang punong-puno ng pag-aalala.
“Bakit ngayon ka lang? May nangyari bang masama sa `yo?” nag-aalala niyang tanong, medyo hinihingal pa dahil sa pagtakbo.
Napatitig ako kay Ross. Pinipigilan ko ang sarili ko na huwag magalit sa katangahan niya.
“Tombs? Ba’t ang seryoso mong makatingin? May nangyari ba sa `yo kaya `di ka agad nakarating dito?” tanong niya uli.
Ramdam na ramdam ko ang concern sa boses niya. Hindi ko na talaga kaya. Sasabog na ako. “Bakit ganyan ka katanga? Bakit ang manhid mo? Bakit hindi ka marunong makiramdam?” galit kong tanong. “Bakit hinihintay mo pa rin akong dumating kahit gabi na?”
“Ha? Teka, ano’ng sinasabi mo? Ako, manhid at hindi makaramdam? May gusto ka sa `kin?” gulat niya ring tanong.
Kabobo talaga ng jejemon na ito.
“Hinihintay kita kasi sabi mo, hintayin kita kahit ano’ng mangyari. Kaya kahit ilang oras pa, hihintayin talaga kita.”
“Gago! Hindi `yan. Ang sinasabi ko na ang tanga-tanga mo, alam mong ilang oras na kitang pinaghihintay dito kaya malamang hindi ako pupunta. Pinapaasa lang kita na pupunta ako. Ang manhid mo rin kasi. Hindi mo ramdam na ginagago lang kita. Ikaw naman talaga `tong shunga at talagang naghintay nang ilang oras! Hindi mo ba nakikita? Masama akong tomboy. Pinapahirapan kita. Bakit ba naniniwala ka sa `kin? `Bobo talaga ng jejemon na `to!”
Napatitig sa akin si Ross. Malamang, nagulat siya sa mga sinabi kong masasakit na salita. Pero imbes na magalit dahil sa mga sinabi ko at pagpapahintay ko sa kanya, napangiti pa siya.
“Ano’ng ngini-ngiti mo diyan? Timang ka talaga kahit kailan, `no?”
Napailing siya. “Wala lang. Nakakatawa ka kasi. Sabi mo, ang sama mong tomboy pero hindi naman `yon ang nakikita ko. Kung masama ka, eh, di sana, `di mo na ako pinuntahan dito kahit gabing-gabi na. Kung masama ka, hinayaan mo akong maghintay sa wala. Pero hindi, eh. Sumipot ka pa rin. Iyon nga lang late ka ng ilang oras.” Tumawa pa siya. “So, ano?”
“So, ano ka diyan? Uuwi na ako. Gabi na. Tumakas lang ako. Bukas na lang tayo mag-usap.”
“`Hahatid na kita.” Biglang tumunog ang tiyan niya. “Nagugutom ka ba?”
Tumaas ang isang kilay ko. “Hindi. Ikaw, halatang nagugutom ka na.”
Tumango si Ross. “Oo. Kanina pa, actually. Samahan mo muna akong kumain.”
“Hindi puwede—”
“Hindi ka puwedeng tumanggi. Pinaghintay mo ako, eh. Tara na. Ihahatid naman kita.”
Tumalikod na siya at maglalakad na sana nang mapahinto at muling humarap sa akin. Akala ko kung ano ang gagawin niya pero hinubad ni Ross lang ang suot niyang jacket, saka ibinigay sa akin. Naka-jersey shirt na lang siya ngayon.
“Isuot mo. Malamig. Baka malamigan ka. Ang nipis pa naman ng suot mo.”
“Hindi na kailangan. `Wag mo `kong intindihin. Pareho tayong lalaki.”
“Huwag ka nang mag-inarte. Kahit utak-lalaki ka, katawang babae ka pa rin. Isuot mo na.” Isinabit niya sa balikat ko ang jacket. “Basta ibalik mo lang. Iyong isa kong jacket nasa `yo pa, eh.”
“Feeling mo naman trip ko `yon? Ibabalik ko `yon bukas!”
“Biro lang. Tara na.”
Tumalikod na si Ross habang ako naman, nakatayo pa rin sa kinatatayuan ko habang isinusuot ang jacket. Biglang kumislot nang isang beses ang puso ko nang maamoy ko ang jacket. In fairness, ang bango, ha. Hindi amoy-barako. Ano kaya ang pabango niya? Ang sarap sa ilong, eh.
Habang naglalakad kami papunta sa kotse niya ay nagsalita uli ako. “Grabe. Hindi ko kinaya ang paghihintay mo. Ilang oras ka nandito? Mahigit nine hours. Ang tindi mo, `tol.”
Tumingin sa akin si Ross, saka ngumiti. Iyong purong ngiti na hindi sarcastic. “`Di ba, sabi ko sa `yo kanina, I’ll wait for you? No matter how long it takes?” sabi niya kasabay ng paghangin nang malakas sa buong paligid.
Mabuti na lang madilim ang parteng nilalakaran namin. Kasi kung hindi, sigurado akong nakita niya ang pamumula ng mukha ko dahil sa sinabi niya.