noveltoon logo noveltoon
Lesbi In Love

Chapter 7

Ch. 7 / 32 Apr 09, 2022

CHAPTER SEVEN

T AHIMIK na naman si Ross habang nagmamaneho siya pauwi sa lugar namin. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya. Siguro ginugulo siya ng ideya na gusto kong ipagawa sa kanya kinabukasan. Nagtatalo siguro ang puso at utak niya kung itutuloy iyon o hindi.

Sa tingin ko, ayaw ni Ross ituloy ang ipinapagawa ko sa kanya. Nakakahiya naman kasi iyon. Considering para sa isang Ross Eliseo Valentin—ang number one heartthrob sa school?

Ano na lang ang sasabihin ng fangirls niya kapag nakita siya sa ganoong sitwasyon? Tiyak, turn off sa kanya ang mga bebot, dre. Bigla tuloy akong na-excite na makita siya. Kailangan ko pala maagang pumasok para ako ang unang-una na tatawa sa kanya. Magdadala rin ako ng camera.

“`Tahimik natin, dre, ah. Ayaw mo na bang ituloy?” pang-aasar ko.

Tumingin sa akin si Ross. “Tuloy. Kaya ko `yon.”

“Weh? Kaya mo? Mukhang kinakabahan ka nga, eh. Nakakahiya kaya `yong ipinapagawa ko. Tiyak, pagtatawanan ka ng buong school kapag nakita ka bukas. Mawawalan ka pa ng fangirls.”

“Like I care,” masungit niyang sabi. “Wala akong pakialam sa sasabihin nila. I’m doing this for Donna. Kahit maubos ang fangirls ko, ayos lang. Basta makuha ko lang si Donna in the end.”

“Talagang gustong-gusto mo si Donna, `no?”

Tumango siya, saka ngumiti. “I already told you, didn’t I? I like her since we were young.”

“Jejemon na Ingleserong playboy,” bulong ko.

“May sinasabi ka bang tomboy ka na matakaw?”

“Wala, bossing. At hindi ako matakaw, okay?”

Kinuha ko ang paper bag sa gilid ko na may lamang iba’t ibang cakes na take home ko galing coffee shop kanina. Mabuti na lang at masyadong uto-uto si Ross dahil nang sabihin kong magte-take home ako ng mga cake ay agad siyang pumayag. Meron tuloy akong makakain sa biyahe. Hindi ako maiinip sa tagal ng biyahe pauwi.

“Hindi raw matakaw pero kung kumain, mas malakas pa sa construction worker,” komento niya habang kumakain ako. “Pahingi naman.”

Inilapit ko sa kanya ang paper bag. “O kumuha ka. `Buti na lang marami `to.”

“Nagmamaneho ako. `Di ko kayang kumuha at kumain.”

“So, ano ang gusto mong gawin ko, aber?”

Ngumisi si Ross. “Subuan mo ako.”

Namutla ako sa sinabi niya.

“O bakit ganyan reaction mo? Wala namang malisya, eh. Bro tayo, `di ba?” Tumaas-taas pa ang mga kilay ng walanghiya.

“`Kapal mo. Bro ka diyan? `Di ko naaalalang naging mag-bro tayo. Wala akong pinirmahang kontrata!”

“Mag-bro tayo. Kasi nilibre kita. `Tapos may operation pa tayong dalawa. Operation: Tulungan ang guwapong si Ross Valentin na makuha si Donna. At kapag kami na, bro for real na talaga tayo since mag-best friend kayo.” Tatawa-tawa pa siya. “So, bro?”

“Bro your face. `Lakas mo makabading, Ross. `Kadiri ka.”

“Dali na kasi,” pagpupumilit niya. “Wala namang malisya. Pareho naman tayong lalaki, `di ba? Subuan mo na ako.”

Mukhang hindi ako titigilan ng unggoy na iyon kapag hindi ko siya pinagbigyan. Fine. Wala namang malisya, hindi ba? Pero walanghiya. Ang lakas talaga makabading ni Ross.

“Anong flavor ba gusto mo? Caramel at cookies and cream cake na lang nandito.”

Ngumuso siya. “Iyang cheesecake na lang na hawak mo.”

“Hala! Ayoko, dre. Akin `to, eh. May laway ko na `to.”

“Sige na. Ayos lang `yan kahit nalawayan mo na lahat. Kaunting kagat lang naman.”

“May laway ko na nga `to,” sabi ko uli, saka ipinasok sa bibig ko ang cake na hawak ko at muling niluwa. “O `ayan. May laway ko na `to lahat. Gusto mo pa rin?”

“Ang dugyot mo sa parteng `yan, tomboy.” Natawa ang damuho. “Pero akala mo mandidiri ako? Hindi, `no. Pahingi na. Pakagat.”

“Salaula ka talaga kahit kailan!” sabi ko at sumuko na nang tuluyan. Inilapit ko sa bibig niya ang hawak kong cake, saka siya kumagat. Pero imbes na kaunting kagat lang ang ginawa ni Ross, ang laki ng kagat ng walanghiya. Naramdaman ko pa nga ang ngipin niya na dumaplis sa dulo ng daliri ko.

Walanghiyang Ross. Salaula talaga kahit kailan.

“Ano ba? Akala ko ba kaunting kagat lang? Kaunti na para sa `yo `yon? Eh, halos maubos mo na `tong cake. Sana inubos mo na. Nahiya ka pang damuho ka!”

“Sorry na. I changed my mind. Sarap na sarap ka kasi habang kinakain `yang cake. Nagutom tuloy ako bigla. Kuha ka pa ng isang cake, `tapos subuan mo uli ako.”

“Subuan mong mag-isa sarili mo. Nawili ka masyado.” Sinamaan ko siya ng tingin. “Bading na `to!”

Nanahimik na kami habang nagpapatuloy pa rin sa biyahe. In fairness naman, ha. Ang effort ni Ross magmaneho. Ang layo ng pinuntahan namin. Mas matagal pa ang naging biyahe papunta at pauwi kaysa sa pag-stay sa Tagaytay. Puwede na siyang maging driver.

Sa totoo lang—hindi naman sa nagtse-change of heart na ako at nakakagusto kay Ross dahil kadiri iyon—ang sarap din pala niyang kasama. Nakaka-enjoy din kahit paano ang company niya. Ang sarap niyang asar-asarin dahil uto-uto siya. Mayaman pa kaya ang sarap magpalibre.

`Kita ninyo naman nang sabihin ko ang mga kondisyon ko para lang ilakad ko siya kay Donna, agad siyang pumayag kahit alangan siya. Pagkatapos nang magpalibre ako ng maraming cake, payag din agad ang loko. Mayamang uto-uto na jejemon na playboy talaga.

Maggagabi na nang dumating kami sa lugar namin. Nagpahatid ako kay Ross sa pangatlong kanto bago ang bahay namin. Gusto niya sana na sa tapat na lang daw ng bahay namin pero hindi ako pumayag. Mamaya makita pa siya ni Kuya Joseph at isipin niyon na boyfriend ko siya. `Kadiri lang. O baka si Kuya John ang makakita kay Ross. Eh, di nag-beast mode iyon. Kabilin-bilinan niyon na lumayo ako sa damuho na ito, hindi ba?

“Ayaw mo talaga sa bahay n’yo na mismo kita ihatid?” tanong ni Ross nang huminto ang sasakyan niya kung saan ako bababa. “Gabi na. Baka kung mapaano ka pa sa daan, eh.”

“Okay ka lang? Alas-sais pa lang ng gabi. Saka walang mangyayari sa `kin. Siga ako rito.” Itinaas ko ang braso ko. “Nakikita mo ba ang muscles na `to? Iuntog ko kaya sila dito?”

Hinawakan ni Ross ang braso ko, saka ibinaba. “Kahit na siga ka pa rito, wala `yang saysay. Paano kung adik o lasing ang man-trip sa `yo? Kahit tomboy ka, babae ka pa rin. Isang suntok lang sa `yo, tiyak na tulog ka. Kaya dapat palagi kang alerto, okay?” seryoso niyang bilin.

Naramdaman ko na naman na kumislot ang puso ko nang mapatingin ako kay Ross at titig na titig siya sa akin. Ano na namang pagkislot ito? `Lakas talagang makabading ng kislot effect na ito.

“Oo na po, Lolo. Tama na ang bilin. Sibat na `ko,” pagpapaalam ko.

Binuksan ko ang pinto ng kotse ni Ross. Pababa na sana ako nang mapahinto dahil hinawakan niya ako sa braso. Parang may biglaang boltahe ng kuryente ang dumaloy sa buong katawan ko.

“Thank you, MJ. Thank you talaga. I enjoyed this day,” sabi niya habang nakangiti.

Isang kislot.

Dalawang kislot.

Jusko. Diyos ng mga tomboy na mahabagin, huwag ninyong pakislutin ang puso ko. Tama na. Hindi ko ito gusto. Tigilan ninyo ang pagkislot sa puso ko nang dahil lang sa ngiti ni Ross. Nakakadiri po.

“`Dami mong drama. Good-bye,” sabi ko na lang, saka lumabas ng kotse at dere-deretsong naglakad. Hindi ako lumingon. Lakad lang nang lakad ang ginawa ko.

Nang makalayo na ako, bigla akong huminto. Dahan-dahan akong lumingon para tingnan kung nandoon pa rin si Ross.

Akala ko umalis na siya nang makababa ako ng kotse pero hindi pa pala. Nandoon pa rin siya at seryosong nakatingin sa akin. Parang tinitingnan niyang mabuti kung wala bang mangyayaring masama sa akin sa daang nilalakaran ko.

Nang makita niyang nakasulyap ako sa kanya, ngumiti si Ross, saka biglang kumaway. Nag-flying kiss pa ang damuho na akala naman kikiligin ako. Nandiri lang kaya ako.

Nagpakyu ako sa kanya kaya natawa na naman ang damuho. Inirapan ko na lang siya at mas binilisan ang paglalakad dahil ramdam na ramdam ko na naman ang pagkislot ng puso ko. Tigil-tigil ang pagkislot. Ang kulit, ha.

Nasa tapat na ako ng bahay namin nang maalala kong naiwan ko nga pala ang baseball cap ko sa kotse ni Ross. Pagkatapos ang jacket niyang itim, suot-suot ko pa rin. Nakalimutan kong isauli. Bahala na nga. Bukas ko na lang ibibigay. Lalabhan ko muna para wala siyang maisumbat sa akin.

Binuksan ko na ang gate at pumasok. Pagbukas ko sa pinto, tumambad sa harap ko si Kuya Joseph na seryosong nakatingin sa akin, may hawak pang sandok. Mukhang nagluluto siya ng hapunan namin.

“O, anong eksena mo, Kuya?”

“Saan ka nanggaling? Ganitong oras ba ang uwi ng matinong babae?” seryoso niyang sermon.

“Tomboy ako, okay?”

“Eh, di saan ka nanggaling? Ganitong oras ba ang uwi ng matinong tomboy?”

“Exagge ka naman! Alas-sais pa lang, Kuya. Saka, nambabae ako.”

Tiningnan niya ako nang seryoso. “Nambabae ka? Eh, bakit `yang suot mong jacket panlalaki?” curious niyang tanong. “Kanino `yan, bunso? Hindi sa `yo `yan, ah. May boyfriend ka na, `no?”

“Oo, may boyfriend na ako—lalaking kaibigan. Sa tropa ko `to. `Dami mong tanong, Kuya.”

“Ayiiih, si bunso. Babae ka talaga, eh. Siguro sa boyfriend mo `yan. Dalaga na si bunso.”

“Ayiiih, si Kuya. Magiging single na bukas kapag itinext ko si Ate Rayne mamaya,” panggagaya ko sa kanya.

“Ikaw naman, hindi na mabiro. Bukas kahit gabihin ka, ayos lang. Sige, bunso, `luto muna ako. Alam kong gutom ka na, eh. `Love you.” Pagkatapos niyon ay pumunta na siya sa kusina.

Napailing-iling na lang ako sa pinagsasasabi ni Kuya Joseph habang tinatanggal ang sapatos ko. Dumeretso ako sa kuwarto at nagbihis. Dahil wala naman akong ibang magawa, nag-open na lang ako ng Facebook. Titingnan ko lang kung sino ang mga online.

May nakita akong limang friend request. Napasimangot ako nang makita ko sa notification ko ang Ross Eliseo Valentin sent you a friend request . Agad kong dinecline. Ayokong maging friends kami sa Facebook. Liliit na nang tuluyan ang mundo naming dalawa kung pati sa Facebook ay friends kami.

Tiningnan ko kung online ang mga tropa kong tomboy na pangit. Magtatanong sana ako kung ano ang ginawa kanina. Minsan talaga walang pakinabang ang dalawang iyon.

May post lang na selfie si Anton two hours ago. As usual, ang pangit niya pa ring tomboy. Walang pagbabago sa mukha niya. `Lakas ng loob mag-selfie. Kahit may filter na, ang pangit pa rin, eh.

Habang ini-stalk ko naman si Donna, bigla siyang nag-message. Napangiti agad ako. Pero ang ngiti ko, bigla ring nawala nang mabasa ko ang message niya.

Donna: bessy, accept mo raw friend request ni Eli :))

Ako: Ayoko kamo. Di kamo kami close.

Donna: Sige na raw bessy. Haha.

Ako: Ayoko, bessy. Chix lang ina-add ko at accept.

Donna: Chix naman daw siya bessy. Sige na, bessy. Please? Add mo na :<

Iyan ang kahinaan ko kay Donna, eh. Kapag nag-please siya sa akin.

Ako: Oo na. Tssk.

Donna: Thank you, bessy! :) <3

Wala na akong ibang nagawa kundi i-add ang damuhong si Ross. Bad trip talaga. Wrong timing. Dapat pala hindi na lang ako nag-open ng Facebook. Hanggang Facebook ba naman susundan niya ako?

Pagka-add ko kay Ross, agad niya iyong in-accept. May message rin naman agad ang walanghiya.

Ross: Ang bilis, ah. Kapag si Donna talaga di ka makatanggi >:DD

Ako: Ulols.

Ross: Galit ka na naman? Di ba, friends na tayo? May operation na nga tayong dalawa.

Ako: Paanong di ako magagalit kung pati sa Facebook susundan mo ako. May Twitter at Instagram din ako. Baka pati doon gusto mo akong i-follow?

Ross: Sige, ano?

Ako: @PakyuKaForever

Ross: Hahahaha. Sweet mo, bro. Pakyu too. #Bromance.

Ako: Huwag ka ngang magulo. May ginagawa ako.

Halos mawasak na ang keyboard ng computer ko sa sobrang lakas kong mag-type. Bad trip kasi talaga si Ross. `Lakas maka-bad vibes.

Ross: Anong ginagawa mo?

Ako: Ba’t ko naman sasabihin sa `yo?

Puro typing a message ang lumalabas kay Ross kaya tiningnan ko kung online pa rin si Donna. Agad naman akong nabuwisit nang makitang hindi na siya online. Buwisit kasi si Ross. Bakit ba kasi ako ang kinakausap ng walanghiya at hindi si Donna?

Ross: May iupload akong picture. Maganda. Tingnan mo, ah.

Ako: Ayoko. Busy ako.

Ross: Bahala ka. Ikaw din ;)

Ako: Bakit ba ako ang ginugulo mo at hindi si Donna? Paano ka magkakaroon ng chance sa kanya kung di mo siya binibigyan ng oras?

Ross: Siyempre kailangan ko munang i-close mga close niya bago siya. May sarili akong style, no.

Ako: Pwes, style mo bulok. Luma na estilo mo, tiyong. Pwe!

Ross: Haha. Anyway, tingnan mo ang picture, ah. Uploading na ;)

Ako: Huwag mo nga akong kindatan. Nakakadiri ka! t(-_-t)

Ross: ;) ;) ;) ;) ;)

Ako: ./.

Ross: Hahaha.

Natigil lang ako sa pagko-computer nang biglang kumatok si Kuya John sa pinto ng kuwarto ko.

“Bunso, kain na muna.”

“Sige, Kuya. Lalabas na rin ako,” sagot ko, saka lumabas na ng kuwarto si Kuya. Pagtingin ko uli sa Facebook ko, may message uli si Ross.

Ross: Ayan, uploaded na. Tingnan mo na ;)

Pero hindi ko tiningnan ang sinasabi niya. Ni-log out ko ang account ko pero hindi ko pinatay ang computer dahil gagamitin ko pa pagkatapos kumain.

Habang kumakain kami nina Kuya John, tinanong niya ako kung kumusta ang klase ko kanina. Kinabahan ako dahil feeling ko, alam niyang nag-skip ako ng klase. Ang sagot ko na lang ay ayos lang naman. Napatango-tango na lang siya kaya para akong nabunutan ng tinik.

Binilisan ko ang pagkain dahil may pakiramdam ako na kailangan kong magbukas ng Facebook. Sinabi ko na lang kina Kuya na iwan na lang ang mga plato sa lababo at ako na ang maghuhugas.

“Naks, ang sipag `ata ni bunso ngayon? May gusto kang ipabili, `no?” kantiyaw ni Kuya Joseph.

“Wala, `no. Ano naman ang ipapabili ko?”

“Gusto mong magpabili ng brief.” Tumawa siya.

Tumawa rin ako nang peke. “Tatlong tawa para sa `yo,” sabi ko at pumasok na uli sa kuwarto ko.

Nag-log in uli ako sa Facebook at dumeretso agad sa profile ni Ross. Stolen shot ang profile pciture niya. Naka-sideview siya habang nakaupo sa bleacher ng school. Uhm, puwede na. Hindi pangit. Hindi rin guwapo. Sakto lang .

Ang daming followers ng damuho. Iyong status niya na thirty minutes ago lang, may 1,339 likes na agad, pagkatapos 149 comments din. Bakit ganoon karami ang likers ng taong iyon? Artista ba siya?

Nag-scroll down naman ako para makita ang picture na sinasabi ni Ross. Biglang nanlaki ang mga mata ko nang makitang ang picture. Picture ko iyon habang nakatalikod at nakatingin sa Mt. Pinatubo—este, Mt. Taal. Iyong tuwang-tuwa ako sa view na nakikita ko. May caption pa na, “Ang ganda ng view :)”

Hindi ko alam kung sino ang tinutukoy ng walanghiyang si Ross. Kung ako ba ang sinasabihan niya na maganda ang view o ang Mt. Taal na nasa harap ko. Hindi naman sa pagiging feeler o ano, mga dre, pero malakas ang kompiyansa ko na ako ang pinapatungkulan ng walanghiya. Imposibleng ang Mt. Taal ang sinasabihan niya niyon dahil mas naka-focus sa likuran ko ang picture.

Napakislot na naman ang puso ko! Hindi iyon kislot dahil kinikilig ako. Kumikislot ang puso ko dahil nabubuwisit ako sa kanya. Ang shunga niya! Paano kapag nakita ni Donna ang picture na iyon? Ano ang sasabihin niya? May gusto sa kanya si Ross pero may picture ito ng ibang babae na kasama sa ibang lugar? Hindi naman kasi halatang ako ang nasa picture kaya talagang iba ang iisipin ni Donna. Besides, paano kung makilala ni Donna na ako ang nasa picture na iyon? Isipin pa niya na tropapips kami ni Ross. Utang-na-loob lang. Hindi ako nakikipagtropa sa jejemon na playboy.

Nag-message ako kay Ross.

Ako: Hoy!

Pero lumipas na ang ilang minuto, hindi pa rin siya nagre-reply. Hindi niya pa rin nasi-seen ang message ko. Mukhang offline na ang damuho. Bini-beast mode talaga ako ng salaulang iyon.

Kinuha ko ang cell phone ko, saka nag-type ng text para sa jejemon.

Ako: Ikaw pakyu kang jejemon ka, burahin mo nga iyon!

Hindi ko pa nabibitawan ang cell phone ko pero may reply na agad si Ross.

Ross: Iyong alin? :D

Ako: Aba! Painosente ka pang damuho ka. Iyong picture sa fb!

Ross: Galit na galit? Bakit ko naman buburahin?

Ako: Bakit? Tinatanong mo talaga kung bakit? Una, picture ko iyon. Ayokong napopost ang picture ko sa ibang Facebook profile. Pangalawa, nag-iisip ka ba? Si Donna ang gusto mo, di ba? Kung gusto mo siya, hindi ka gagawa ng mga bagay na mapag-iisip niya ng ibang kahulugan. Iisipin nun na babae ang kasama mo kahit hindi naman dahil tomboy ako.

Ross: Ganoon ba iyon? E, wala naman malisya iyon. Friends tayo, di ba?

Ako: Hutaena ka. Di tayo friends. Burahin mo na iyon. Bini-beast mode mo palagi ako e.

Ross: Burahin ko talaga?

Ako: Oo nga! Ano ba? Kanina ko pa kaya sinasabi. Kung gusto mo talaga si Donna, di ka gagawa ng kahit na anong ikaka-upset niya. Kapag nakita niya iyon sigurado akong iba iisipin nun. Tapos sasabihin mo sa kanya na siya gusto mo pero may ibang babae kang pinicturan? Nasaan ang utak mo?

Ross: Okay, sige.

` Nyetang Ross ito. Ang haba kong mag-reply sa kanya, pagkatapos hindi man lang umaabot ng isang sentence ang reply niya. Nakakakulo talaga ng dugo ang damuhong iyon!

Ako: Good.

Akala ko magre-reply pa rin si Ross pero hindi na. Lumipas na ang ilang minuto pero wala na talaga siyang reply. Inilapag ko na ang cell phone ko at tiningnan uli ang Facebook niya kung nandoon pa rin ang picture ko pero wala na.

Mabuti naman tinanggal na niya. Hindi kasi marunong makinig, eh. Hindi mo talaga maintindihan ang takbo ng utak ng mga lalaki. Sasabihin nilang gusto nila ang isang babae pero may iba pang babaeng pino-post sa Facebook nila o nilalandi. Pagkatapos, magagalit sila kapag hindi pinaniniwalaan sa sinasabi nilang seryoso sila. Mga ugok talaga kahit kailan.

Mabuti na lang, nawalan na ako ng interest sa mga lalaki. Isinara ko na ang computer nang makita kong umilaw ang cell phone ko. May text message akong natanggap.

“Late reply `tong buwisit na Ross na `to,” sabi ko. Akala ko si Ross ang nag-reply pero hindi pala. Si Anton ang nag-text.

Anton: Wazzap, bro? Saan kayo pumunta ni Ross kanina? Close pala kayo nun?

Ako: Open kami nun.

Anton: Ha?

Ako: Ewan ko sayo. Slow na pangit na tomboy.

Anton: Ang sama mo sakin tol :(

Hindi ko na nireplyan si Anton dahil tinatamad na akong mag-text. Nawalan na ako ng gana for no apparent reason. Bigla akong na bad vibes dahil sa hindi ko alam na dahilan.

Pinilit ko na lang ang sarili kong matulog pero olats talaga. Hindi rin ako makatulog. Pagulong-gulong na ako sa kama ko pero hindi pa rin talaga ako inaantok. Kahit pagod ako sa mahabang biyahe namin kanina, hindi ako nakakaramdam ng pagod ngayon. Kinuha ko na lang uli ang cell phone ko at tiningnan ang last reply ni Ross.

“Okay, sige,” basa ko sa reply niya kanina. “Sige your face!” iritado kong sabi.

And just like that, natulog ako na bad vibes sa hindi malamang dahilan ng guwapong tomboy na tulad ko.