CHAPTER TWENTY-ONE
T ATLONG araw na ang lumilipas mula nang hindi ako pansinin ni Ross at itrato na hindi ako kilala at hindi ako nag-e-exist sa mundo niya. Tatlong araw na rin ang lumilipas nang simulan ko siyang burahin nang paunti-unti sa buhay ko.
Akala niya siguro, hindi ko kaya ang ginagawa niya. Akala niya siguro, maghahabol ako sa kanya por que nakuha niya ang first kiss ko at umamin sa kanya na gusto ko siya. Neknek niyang bulok. Kahit kailan, hindi ako maghahabol sa taong gusto nang umalis sa buhay ko. Hindi ako ang tipo ng tao na magmamakaawa para lang huwag iwanan. Independent akong tao. Hindi natatapos ang kasiyahan ko por que may taong umalis sa buhay ko.
Kaya kong ipagpatuloy ang buhay ko kahit wala si Ross. Nabuhay nga ako nang eighteen years na hindi ko siya nakikilala kaya huwag niyang iisipin na hindi ko kayang tapusin ang isang linggo na hindi siya iniisip. Wala akong pakialam kahit siya ang nakakuha ng first kiss ko. First kiss lang iyon. As if big deal iyon para sa akin. Hindi naman ako utak-babae. Hindi ako magiging emosyonal para lang doon dahil pakiramdam ko nagoyo ako.
Potek. Halik lang talaga iyon. Unang halik na nakuha lang naman ng kauna-unahang lalaking nagustuhan ko.
Pero pati ba naman ang sarili ko lolokohin ko pa? Kung wala akong pakialam sa damuho na iyon, bakit kanina pa ako nakatitig sa pictures niya sa Facebook? Kung kaya ko talaga siyang alisin sa sistema ko, bakit sa tatlong araw na iyon, hindi lumilipas na hindi ko siya iniisip? Palagi siyang sumasagi sa utak ko at palaging sasakit ang puso ko. Paulit-ulit kong tinatanong ang sarili ko kung saan ba ako nagkamali at kung bakit kailangan namin maging ganito. Mali ba na naging mahina ako dahil umamin ako sa kanya na nagugustuhan ko na siya? Mali ba na naging mahina ang puso ko pagdating sa kanya?
Maling-mali ba dahil hinayaan ko ang sarili ko na halikan niya ako? O maling-mali ba ako dahil umaasa ako na may something na magaganap dahil lang hinalikan niya ako? Hindi naman kasi ako si Donna. Natural, wala talaga akong dapat asahan. Pero sana naisip niyang babae pa rin ako kahit ganito ako. Na hindi puwedeng hindi ako umasa dahil hinalikan niya ako.
Sana hindi na lang niya ginawa iyon. Eh, di sana, hindi ako umaasa at magkakaganoon nang dahil sa lecheng tulad niya. Nagiging mahina, marupok, at miserable ako ng dahil sa kanya.
Mabilis kong pinunasan ang mga luha ko nang marinig kong bumukas ang pinto ng kuwarto ko.
“Bunso?” si Kuya Joseph.
“Kuya, bakit?” sagot ko na hindi man lang siya tinatapunan ng tingin.
“Umiinom kami ni Kuya John mo. Gusto mong sumali?”
Napalingon ako sa kanya. “Papayagan n’yo akong uminom?”
“Oo. Pero kaunti lang, ha.” Ngumiti si Kuya Joseph. “Ayaw nga sana ni John, eh. Pinilit ko lang siya. Sabi ko, malaki ka na naman. Pero kaunti lang daw. Tara?”
Ngumiti ako. “Sige, Kuya. Sandali lang.”
Tumango lang si Kuya Joseph, saka lumabas na rin ng kuwarto ko.
Tumingin muna ako sa salamin para makita kung may bakas ba ng luha ang mga mata ko. Nang masiguro kong hindi na halatang umiyak ako, lumabas na rin ako ng kuwarto. Nasa sala sina Kuya John at Kuya Joseph at nakaupo na. Iyong maliit na mesa na nasa harap nila, may alak at pulutan. Mukhang kakasimula pa lang nilang dalawa.
Ngumiti silang dalawa nang makita ako. Inaya ako ni Kuya Joseph na lumapit kaya sa tabi niya ako umupo. Nasa gilid ko naman si Kuya John.
“Umiinom ka, Kuya John? May pasok bukas, ah,” natatawa kong sabi.
“Kaunti lang, bunso. Kaya kaunti lang din iinumin mo. Saka ito kasing si Joseph, hindi ako titigilan hangga’t hindi ako pumapayag. Mag-bonding daw tayo paminsan-minsan.”
“Tama `yon, mga `tol. Hindi `yong palagi kayong busy. Kawawa naman ako dito sa bahay mag-isa.” Nagdrama pa si Kuya Joseph kunwari. “Tara. Simulan na natin.”
Inabutan ako ng bote ng alak ni Kuya Joseph. Silang dalawa ay may hawak na ring bote at kalahati na ang laman. Kapag talaga lalaki, ang bibilis at ang lalakas uminom.
Hindi naman iyon ang first time kong uminom. Kapag birthday nilang dalawa, umiinom din ako nang pasekreto noon. Hindi kasi ako tinitigilan ni Anton hangga’t hindi ako umiinom.
Pulos si Kuya Joseph lang ang nagkukuwento. Sa aming magkakapatid kasi, siya ang pinakamadaldal. Siya palagi ang may baong kuwento. Kaya ngayon, siya ang palaging nagsasalita. Una, pulos tungkol sa dati niyang trabaho ang mga ikinukuwento niya. Kung anong mga kalokohan ang mga ginawa niya kaya siya natatanggal. Hanggang sa dumating sa ayokong topic ang sinabi niya.
“Pero, mga `tol. Hindi n’yo ba nami-miss si Papa? Ilang taon na rin, `no.” Naging seryoso ang mukha niya.
Napahawak ako nang mahigpit sa bote. Kumukulo talaga ang dugo ko kapag naaalala ko ang walang kuwenta naming tatay. Hanggang ngayon, malaki pa rin ang galit ko sa kanya.
“Nakaka-miss siyempre. Halos matagal na rin natin siyang hindi nakikita, eh,” sabi naman ni Kuya John.
“Oo nga. Saka sigurado namang sising-sisi na si Papa sa ginawa niya,” pagsang-ayon ni Kuya Joseph. “`Tingin ko, oras na para patawarin natin siya.”
“Ano?” Napataas ang boses ko kaya napatingin silang dalawa sa akin. “Patawarin? Bakit? Anong sense kung papatawarin natin siya? Babalik ba ang buhay natin sa dati kapag pinatawad natin siya? Mawawala ba ang sakit na dulot ng ginawa niya? Mabubuhay ba si Mama? Kuya, ano ba sa tingin mo ang ginawa niya? Simpleng kasalanan lang ba?” sunod-sunod na tanong ko kay Kuya Joseph. Mukhang may tama na ako dahil sa alak kahit kaunti pa lang ang naiinom ko. Pero naba-bad trip talaga ako.
“Nataguyod n’yo ako na wala ang tulong niya. Hindi natin siya kailangan. Hindi ko siya kailangan. Nakaraos tayo nang ilang taon kahit wala siya. Hindi natin siya kailangang patawarin dahil hindi siya karapat-dapat sa patawad na gusto n’yong ibigay sa kanya,” dagdag ko pa. “Lintik. Kung kaya ko lang talaga magpalit ng ama, matagal ko nang ginawa. Huwag niyang tangkaing bumalik sa buhay natin dahil kahit kailan, hindi ko siya mapapatawad. Hindi ko kailangan ng ama. No, thank you.”
“Ama pa rin natin siya, MJ,” seryosong sabi ni Kuya John. “Kahit bali-baliktarin natin ang mundo, ama pa rin natin siya at hindi `yon mababago.”
“Kuya, ama natin siya, oo. Pero kahit kailan, hindi siya naging tatay sa `kin. Kung kayo, gusto n’yo siyang patawarin eh, di go. Hindi ko kayo pipigilan. Pero `wag n’yo rin akong pigilan sa gusto kong mangyari. Hindi ko siya matatanggap. Walang makakapigil sa `kin.”
Natawa bigla si Kuya Joseph. “Walang makakapigil sa `yo, bunso? Kasali ka pala sa pabebe girls?”
Napairap ako sa kanya. Si Kuya Joseph talaga, alam na alam kung paano manira ng atmosphere. Pero mabuti na ang ginawa niya dahil kapag nagtuloy-tuloy pa ang pag-uusap namin tungkol sa walang kuwenta naming tatay, tiyak, mag-aaway-away lang kami.
Nag-iba na ang usapan namin nang magsalita uli si Kuya Joseph. Ikinukuwento niya ngayon kung paano sila nagkakilala ni Ate Rayne. Dati kasi silang magkatrabaho sa una niyang trabaho.
“Palagi kong inaasar si Rayne noon. Hindi ko alam kung ano’ng meron sa kanya at kung bakit paborito ko siyang buwisitin. Hindi natatapos ang isang araw na hindi niya ako sisigawan o aawayin. Kapag nakita ko ang mukha niyang galit na, kontento na ako. Mananahimik na ako.” Tumatawa si Kuya Joseph.
“Then one time, sumobra `ata ang panti-trip ko sa kanya. Nalaman ko kasing takot siya sa butiki kaya nilagyan ko ng butiki ang bag niya. Umiyak siya nang umiyak buong maghapon kaya naawa ako. Na-guilty ako sa ginawa ko. Nag-sorry ako sa kanya pero sinigawan niya lang ako. Sabi niya, ‘alam mo ikaw, Joseph, crush kita, eh. Guwapo ka kasi. Pero `yang ugali mo, nakaka-turn off.’ Nakatitig lang ako sa kanya noon.” Napangiti siya, parang bigla niyang naalala ang scene na iyon.
“Habang sinisigawan niya ako, `di ko maialis ang tingin ko sa kanya. Hindi dahil wala akong masabi kundi dahil biglang bumilis ang tibok ng puso ko. First time kong magandahan sa kanya noon. Nalaman ko na lang sa sarili ko na kaya pala paborito ko siyang asarin kasi gusto ko siya. After n’on, niligawan ko siya. Akala niya nagbibiro lang ako pero seryoso kaya ako. Eventually, sinagot niya ako. `Pogi ko talaga.”
Pareho kaming napailing ni Kuya John sa sinabi ni Kuya Joseph. Loko-loko talaga kahit kailan.
Sunod namang nagkuwento si Kuya John tungkol sa ex-girlfriend niya. Pero mabilis lang. Halatang ayaw niyang pag-usapan. Halata ring hindi pa siya nakaka-move on.
“Ikaw, bunso? Wala ka bang ikukuwento?” tanong sa akin ni Kuya John kaya napatingin ako sa kanya. Nakangiti siya, mukhang hinihintay ang sasabihin ko. Nakangiti rin si Kuya Joseph, saka tumango.
Napayuko ako at napatingin sa hawak kong bote ng alak na malapit nang maubos. Lumakas ang loob ko dahil sa tama ng alak. Nagiging emosyonal din ako nang maalala ko na naman si Ross.
“Mga kuya, `di ba, sinabi ko sa inyo na tomboy ako? Ayoko kasi talagang maging babae. Kapag babae ka kasi, madali kang masasaktan. Magiging mahina ka. Marupok. Magiging miserable ka nang dahil sa lalaki. Parang si Mama noon. Ayokong maranasanan `yon. Kaya habang lumalaki ako, sabi ko, tomboy ako. Tomboy na lang ako. Kapag tomboy ka kasi malakas ka. Matibay ka. `Di ka basta-basta masasaktan.”
Nakikinig lang ang dalawa kong kuya sa sinasabi ko.
“Okay na ako sa gano’n actually. Sanay na ako sa buhay kong gano’n. Masaya kasi astigin ako. `Di ako basta-basta nasasaktan. Malakas kumbaga. Nawalan ako ng interest sa mga lalaki. Feeling ko kasi lahat ng lalaki, manloloko. Mapanakit at mga walang kuwenta.”
“Aray naman,” sabay nilang sabi.
Natawa rin ako pero iyong tawa ko biglang napalitan ng mapaklang ngiti nang maalala ko uli si Ross. “Pero punyeta lang talaga. Kapag talaga buo na ang desisyon mo, saka ka naman paglalaruan ng tadhana. May nakilala akong lalaki. Noong una, bad trip ako sa kanya. Lintik na `yon. Mayabang kasi sa paningin ko. Akala mo kung sino por que guwapo. Dagdagan mo pa ng mga issue about sa kanya. Kaya ang pagkabuwisit ko sa kanya naging triple.”
Uminom ako ng alak, saka nagpatuloy. “Dahil sa isang insedente, `yong mundo naming dalawa, biglang nagsama. Kumbaga, naging isa.” Bigla ako natawa nang maalala ko iyon. “Na-stuck ako sa isang sitwasyon na kasama siya na hindi madaling lusutan. Kaya `ayun, hinayaan ko na. Go with the flow na lang ako kumbaga. Nakakasalamuha ko na ang lalaki na `to at dahil doon, unti-unti ko siyang nakilala. Nakilala ko siya na ibang-iba sa mga sinasabi ng mga tao sa paligid niya.”
Uminom uli ako ng alak dahil feeling ko maiiyak na ako. “Nagpatulong siya sa `kin sa isang bagay na ayoko sana. Pero dahil unti-unti ko nga siyang nakilala, pumayag ako. Nakita ko kasi ang effort niya. Iyong dedication niya. Kaya sige. Sabi ko, tutulungan ko siya. Pero `yon ang malaking pagkakamali ko. Dahil sa pagtulong ko, nagsimula na akong makaramdam ng kung ano-ano nang dahil sa kanya. Nagsimula ko nang maramdam na babae nga talaga ako. Babaeng mahina. Babaeng murupok pagdating sa kanya.”
Nangilid na ang mga luha ko. “Sinubukan kong pigilan ang sarili ko na `wag na siyang lapitan. Na umiwas na ako. Na bumalik na lang ako sa dating ako. Pero potek lang. Masyadong malakas ang pagkagusto ko sa kanya. Ako lang din ang nahirapan. Pero nagpatuloy pa rin ako sa pag-iwas sa kanya. Hanggang sa sinabi niyang `wag ko siyang iwasan. Nahihirapan daw kasi siya. Nabuhayan ako ng loob doon. Lalo na iyong…”
“Iyong?” tanong ni Kuya Joseph, curious na curious.
Si Kuya John naman, seryosong nakatingin lang sa akin.
“Iyong hinalikan niya ako,” mahina kong sagot. Napaluha na rin. Pinunasan ko ang mga luha ko. “Akala ko talaga may pag-asa na, eh. Akala ko may something na sa amin dahil hinalikan niya ako. Sinabi pa niya na nagugustuhan na rin niya ako. Ito naman ako, si tanga at naniniwala. Wala. Babae, eh. Madaling maniwala. Madaling pagmukhaing tanga. Pero mali na naman ako. After ng halik na `yon, hindi na siya nag-text o tumawag. Pagkatapos niya akong halikan, parang hindi na niya ako kilala.”
Napahinto ako sa pagkukuwento dahil iyak lang ako nang iyak habang nakayuko. Naramdaman kong hinawakan ni Kuya Joseph ang kamay ko. Pagtingin ko sa kanya, naaawang nakatingin siya sa akin.
“Kaya ayokong magmahal. Ayokong maranasan ang ganito. Iyong umiiyak nang dahil sa lalaki. Iyong nagiging mahina nang dahil sa lalaki. Mga kuya ko, ang sakit. Ang sakit-sakit. Kahit sabihin kong okay lang na mag-iwasan kami, sa loob-loob ko, hindi ko `to gusto. Hindi ko gustong mag-iwasan kami at itrato ang isa’t isa na parang hindi kami magkakilala. Kuya, gusto ko talaga siya. Gustong-gusto ko siya.”
“Sshh…” Niyakap ako ni Kuya John habang pinapatahan ako.
Si Kuya Joseph naman, nanatiling tahimik lang habang umiinom sa gilid ko.
Umiyak lang ako nang umiyak. Hinayaan ko ang sarili ko na makita akong mahina ng dalawa kong kuya. Na umiiyak nang dahil sa lalaking nagugustuhan ko. Na nagiging miserable dahil sa lalaking unti-unti nang umaangkin ng puso ko kahit na wala naman siyang planong ibigay ang puso niya.
Pinauna na ako nina kuya na matulog at sinabihan na huwag nang umiyak pa dahil baka raw mamaga pa ang mata ko at may pasok pa bukas. Silang dalawa naman, mukhang nag-iinom pa. Ako naman, agad na nakatulog dahil siguro sa pagod sa pag-iyak dahil sa kanya.
Kinabukasan, lumabas ako ng kuwarto ko na walang tao. Wala si Kuya Joseph at mukhang umalis. Si Kuya John naman, nauna nang pumasok since nine AM pa ang klase ko. Wala rin akong ganang kumain kaya nag-ayos na lang ako papunta sa school. Mabuti na lang at hindi masyadong namaga ang mga mata ko. Mukhang bagong gising lang.
Nasa school na ako at papasok na sana ng classroom nang tawagin ako ni Ma’am Lanzar, isang professor at ang school coordinator.
“Miss Salazar, may practice ngayon.”
“Ng ano po?”
“`Di ba, ikaw ang kakanta sa acquaintance party next month?” nakangiti niyang tanong.
“Po? Ako po? Kailan po ako pumayag? Eh, hindi naman po ako pupunta sa party na `yon.”
“Tanda mo noong kumanta ka no’ng nakaraang festival? I talked to you. Pumayag ka noon. Besides, kapag ikaw ang kumanta sa party next month, exempted ka na sa tatlong subjects sa finals. Your choice.”
Nawindang ako. “Totoo po? Baka naman dyino-joke n’yo lang ako, Ma’am? Hindi tayo close. Naku.”
“Yes.” Nakangiti siya. “So, let’s go na sa music room?”
“Sige po. Ilalagay ko lang ang bag ko.” Dali-dali naman akong pumasok sa classroom para ilagay ang bag ko. May itinanong sa akin si Anton pero hindi ko sinagot. Sabi ko, mamaya na lang dahil may pupuntahan ako.
Nakarating na kami ni Ma’am Lanzar sa music room nang mapansin kong wala ang piano doon.
“Nasaan po ang piano, Ma’am?”
“Nasa arts building kasi. Pero pinadala ko na rito. Sa party kailangan naka-dress ka, ha. Sa gitna ka kakanta, eh.”
“Hala, Ma’am. `Wag na, uy! `Di ko trip ang mga gano’n.”
Natawa si Ma’am Lanzar. “But you need to.”
Hindi na ako kumibo. Hindi naman ako magde-dress, eh. Bahala sila diyan.
Mayamaya pa, narinig kong bumukas ang pinto. Dumating na ang piano. Habang nakatingin ako sa pinto, nawindang ako. Isa kasi ang jejebuster sa dalawang nagbubuhat.
Jusko. Kung kailan mo siya ayaw makita, doon mo pa talaga makikita. Mga laro talaga ng tadhana minsan nakaka-bad trip, eh. `Sarap manapak ng damuho ngayon.
“Boys, pakidala sa gitna `yang piano.”
Kahit hindi ako nakatingin kay Ross, alam na alam kong nakatingin siya sa akin. Nakayuko lang ako at kunwaring hindi siya napansin.
“Miss Salazar, ito ang mga lyrics. Pili ka na lang ng ire-rehearse natin.”
Tumayo ako sa kinauupuan ko at nilampasan si Ross. Nakatingin pa rin siya sa akin. `Kapal ng mukha. Bakit niya ba ako tinitingnan? Tutusukin ko mga mata niya, eh.
“`Tol, tara na. Balik na tayo sa classroom,” narinig kong pag-aya ng kaklase niya sa kanya.
“`Una ka na, `tol. `Nood lang ako ng rehearsal.”
Bakit manonood pa siya?
“`Di ba, Ma’am, bawal manood ng rehearsal? Hindi po ako makakakanta nang maayos.”
Biglang nagsalita ang jejebuster. “Ma’am, hindi po ako mag-iingay. Promise.”
Ngumiti si Ma’am Lanzar. “Hindi naman pala siya mag-iingay, Miss Salazar. Mr. Valentin, behave lang, ah?”
“Yes, Ma’am.” Nakita ko siyang ngumisi at naupo sa may harap.
“Ito po, Ma’am.” Ibinigay ko ang lyrics. Nakatayo lang ako sa gilid ng piano habang si Ma’am ang magpi-play ng piano.
Potek talaga. Ramdam na ramdam ko ang tingin ni Ross sa akin. Hindi ako komportable. Naiilang ako. Hindi ako sanay na ganoon siyang makatitig sa akin. Hindi pa kasi umalis ang leche.
Nagsimula nang i-play ang kakantahin ko. “If Ever You’re In My Arms Again” ang kakantahin ko. Napansin kong napangiti si Ross nang makitang itinapat ko sa bibig ko ang microphone.
Huwag ka ngang ngumiti leche ka.
Sobrang bilis na naman ng tibok ng puso ko. Hindi ko alam kung kinakabahan ako dahil may nanonood sa pagkanta ko o dahil pinapanood ako ni Ross habang ang lagkit ng titig niya.
Huminga ako nang malalim, saka nag-concentrate. Nagsimula na ako sa pagkanta.
“It all came so easy, all the loving you gave me. The feelings we shared, and I still can remember how your touch was so tender, it told me you cared.” Nanginginig ang boses ko nang kantahin ko ang unang mga linya. Shit na iyan. Hindi ako makapag-focus. Paano ako makakapag-focus kung titig na titig siya sa akin?
“We had a once in a lifetime. But I just couldn’t see, until it was gone. A second once in a lifetime, may be too much to ask. But I swear from now on.”
Bigla akong napasulyap kay Ross. Nagtama ang tingin naming dalawa. Hindi siya nakangiti. Seryoso lang siyang nakatingin sa akin, nakikipaglabanan ng titig. Ako na tuloy ang unang umiwas ng tingin. Pakiramdam ko kasi nilulunod niya ako gamit ang mga mata niya—ang mga matang palagi kong naalala. Ang mga matang parang may gustong sabihin habang nakatingin sa akin.
“If ever you’re in my arms again, this time, I’ll love you much better. If ever you’re in my arms again, this time, I’ll hold you forever. This time will never end.”
Hindi na ako tumingin kay Ross habang kumakanta ako. Hindi na ma-take ng sarili ko na tumingin sa mga mata niya. Pakiramdam ko talaga nalulunod na naman ako sa kanya. Hindi na puwede. Unti-unti ko na nga siyang tinatanggal sa sistema ko, hindi ba? Hindi na dapat ako magpagoyo pa.
Hindi pa ako tapos kumanta nang makita kong tumayo na si Ross at lumabas ng music room. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil umalis na siya o maiinis sa ginawa niya. Tinapos ko na ang pagkanta ko at nagpaalam na kay Ma’am Lanzar. Sinabi niyang next week, may rehearsal na naman daw ako.
Iyon ang ayaw ko sa pagkanta. Masyadong hassle.
Paglabas ko ng music room, nakita ko si Ross na nakatayo sa hallway. Mukhang may hinihintay. Napatingin siya sa akin, saka ngumiti pero hindi ko siya pinansin.
“Pagkatapos kitang hintayin `di mo `ko papansinin? Snub naman ni tombs,” sabi niya pero deretso pa rin ako sa paglalakad. Hindi ko siya nilingon. Busy ang tomboy. Tigilan niya ako.
“Tombs, hintay naman. Usap tayo.”
`Wag mong pansinin, MJ.
“Uy, Tombs!” Nakasunod pa rin siya sa akin.
Sige, ganyan lang, MJ. Dedmahin mo ang lecheng iyan.
“Tombs naman, eh.”
Lakad lang ako nang lakad nang bigla akong hawakan ni Ross sa kamay. Napahinto ako at galit na hinarap siya. “`Tang’na naman, Ross. Ano pa ba ang gusto mo?!” Umuusok na ang ilong ko sa galit.
“Gusto ko lang namang mag-usap tayo.”
“Ano, usap? Bakit, may kailangan ba tayong pag-usapan?” gigil kong tanong. “`Tang’na. Pagkatapos mo akong hindi kausapin ng ilang araw at dedmahin, saka itrato na hindi nag-e-exist sa mundo mo, heto ka na naman, ginugulo ang mundo ko? Shit ka. Ano ako? Customer service na kakausapin mo lang kung kailan mo gusto? Pakyu! Hindi ako customer service!”
“Eh, ano ka?”
“Janitress!”
Natawa si Ross. “Ang cute mo, tombs.”
“I know. Thank you! Pero pakyu ka pa rin hanggang next year. Bye!” Tumalikod uli ako at naglakad pero sumunod pa rin ang walanghiya.
“Tombs naman. Sorry na kung gano’n ang ginawa ko. Naguguluhan lang ako.”
“Wala akong pakialam kung naguguluhan ka. Wala tayong dapat pag-usapan kaya manahimik ka diyan.”
“Tombs, please, kahit ngayon lang. Pakinggan mo ang sasabihin ko.”
“Ayoko!”
Humarang siya sa harap ko.
“Ano ba? Lumayas ka nga sa dadaanan ko! `Nang `to, sagabal!” Itinulak ko si Ross pero hindi siya kumilos.
“Tombs, please. Nagmamakaawa ako. Pakinggan mo lang mga sasabihin ko.”
“Ayoko sinabi.”
“Luluhod ako sa harap mo kung gusto mo.”
“Eh, di lumuhod ka.” At bigla nga siyang lumuhod. Sa harap ko. Pero nagdere-deretso lang ako sa paglalakad. Uto-uto ang Valentin na ito.
“Tombs!” tawag ni Ross pero hindi ko siya nilingon. “Tang’na naman, Mary Jovelyn!”
Napatigil ako sa paglalakad nang banggitin niya ang buo kong pangalan sa unang pagkakataon. Ngayon ko lang din siyang narinig magmura. Mukhang seryoso na nga siya.
“Akala mo ba ikaw lang ang nahihirapan? Ako rin naman, ah!”
Nakatalikod pa rin ako. Talk to my back, ganoon.
“Oo na. Ang gago ko dahil after ng gabi na `yon, hindi ako nag-text o nagparamdam sa `yo. Oo na. Pakyu na ako dahil itinrato kita na parang hindi nag-e-exist sa mundo ko. Tombs, hindi ba puwedeng naguguluhan lang ako? Hindi ba puwedeng ang daming gumugulo sa isip ko at ang dami kong na-realize habang hindi tayo nag-uusap?”
Hindi ako kumibo. Nakatalikod pa rin ako sa kanya.
“Tombs, `yong sinabi ko sa `yong gusto rin kita, totoo `yon. Hindi ako nagsisinungaling. Pero nang gabi na `yon, naisip ko lang na tama ba na sinabi ko sa `yo `yon? Baka kasi isipin mo na ginagawa kitang rebound kay Donna kahit hindi naman. To be honest, tombs. Mas nalungkot at nasaktan pa ako no’ng hindi tayo nag-uusap kaysa no’ng ni-reject ako ni Donna.”
Naluluha na naman ako. Leche kang tomboy ka, huwag kang iiyak.
“Tombs, ang pangit lang kasi tingnan kung lalo kita magugustuhan gano’ng kaibigan mo si Donna. Ayokong maging awkward ang pagkakaibigan n’yo. Ikaw lang ang iniisip ko. Pero na-realize ko na mas hindi ko pala kaya na mapunta sa wala `tong nararamdaman ko sa `yo. Lalo na gano’ng may nararamdaman ka din sa `kin. Lalo na ngayong alam kong may pag-asa pala tayo.”
Naramdaman kong nasa likuran ko na si Ross. Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at pinaharap ako. Tumitig siya sa mga mata ko. Sa sobrang titig niya, nakikita ko na ang sarili kong mukha sa kanyang mga mata. Sa mga mata niyang parang ako lang ang nakikita nang mga oras na iyon.
“Tombs, nang gabing hinalikan kita, sorry pero hindi ko `yon pinagsisisihan. Dahil kasi doon, na-realize ko kung gaano kita kagusto. Na kung gaano pa kita gustong makilala. Na nagsisimula na akong malunod sa presensiya mo. Na hinahanap kita bawat sandali. Tombs, hindi ko alam ang tawag sa ganitong klaseng pakiramdam. Hindi ko kasi `to naranasan kay Donna. Pero, shit lang. Ikaw lang ang gumawa nito sa `kin. Para akong mababaliw. Para akong mababaliw sa `yo.”
Hinawakan niya ang kamay ko. “Ngayon, bibigyan kita ng pagpipilian. Aalis ka sa harap ko at tatapusin na lang natin `to, o mananatili ka sa harap ko para ipagpatuloy natin `tong nararamdaman natin?”
Tumingin ako sa mukha ni Ross. Seryosong-seryoso talaga ang mukha niya. Naramdaman kong tumulo na naman nang tumulo ang mga luha ko. Mga luha kong siya lang ang dahilan.
“So ano?” nakangiti niyang tanong.
“So ano ka diyan? Umalis ba ako? `Bobo mo. Malamang, alam mo na ang sagot sa tanong mo!”
Natawa siya. “`Wag ka nang umiyak.”
“Paanong `di ako iiyak? Nakakabuwisit ka kaya!”
Niyakap ako ni Ross. Bumaon ang mukha ko sa dibdib niya. Naamoy ko na naman ang mabango niyang amoy.
“Tombs, `wag mo ngang ipakita sa `kin `yang mukha mong umiiyak.”
“Bakit naman?”
“Kasi baka hindi ko mapigilan ang sarili ko at mahalikan kita.”
“Buwisit ka!” Sinuntok ko ang dibdib niya at tanging pagtawa lang ang isinagot niya.
Naramdaman kong hinalikan ni Ross ang ulo ko kaya bigla akong napapikit. Masyado talagang powerful ang isang halik na nanggaling sa taong gusto mo. Lahat kasi ng hinanakit na nararamdaman ko noong mga nakaraang araw ay biglang nawala nang halikan niya ang ulo ko.