noveltoon logo noveltoon
Lesbi In Love

Chapter 27

Ch. 27 / 32 Apr 09, 2022

CHAPTER TWENTY-SEVEN

N AMAMAGA ang mga mata ko kinabukasan nang magising ako. Mabuti na lang, walang pasok ngayon kaya hindi ko kailangang lumabas ng bahay. Kahit maaga akong nagising, nagkulong lang ako sa kuwarto ko. Nakahiga lang ako at pinipilit uli matulog. Ang pagtulog lang kasi ang tanging paraan para makatakas ako sa realidad ngayon. Sa isang masakit na realidad.

Paulit-ulit lang akong natulog. Kahit hindi na ako inaantok, ipinipikit ko uli ang mga mata ko. Gusto kong makalimot. Gusto ko siyang makalimutan. Pero napakaimpossible ng gusto kong mangyari. Paano ko makakalimutan ang taong nagbigay sa akin ng napakaraming alaala? Mga alaalang pulos pagkukunwari at kasinungalingan lang pala.

Nasasaktan talaga ako ngayon. Ang sakit. Parang paulit-ulit tinutusok ang dibdib ko sa sobrang sakit. Hindi ko matanggap na pinagtripan lang ako ng lecheng iyon. Bakit ba kasi ako nagpauto? Bakit ba kasi ako nagtiwala sa gunggong na iyon? Heto tuloy ako ngayon, nasasaktan, nagmukhang tanga. Nahihirapan.

Totoo nga talaga ang kasabihang kung sino ang unang ma-in love, siya ang talo.

Tumayo ako at humarap sa salamin. Nakita ko ang sarili ko. Nakita ko sa sarili ko ang hitsura ng mama ko noon. Iyong paulit-ulit na nasasaktan nang dahil sa walang kuwenta naming ama. Bago pa pumatak uli ang mga luha ko, nag-iwas na ako ng tingin.

Nagpalit muna ako ng damit. Palabas na sana ako nang makita ko ang buhok ko na nagkalat sa sahig. Dinampot ko iyon, saka tinitigan nang ilang segundo. May panghihinayang akong naramdaman dahil matagal ko iyong pinahaba. Ilang shampoo at conditioner din ang naubos ko.

Pero para makalimot, kailangan ko iyong gawin. At least kahit papaano, gumaan ang pakiramdam ko. Itinapon ko sa basurahan ang mga buhok at tuluyan nang lumabas ng kuwarto.

Paglabas ko ng kuwarto, bigla akong nagulat na makita ko si Ross na nakaupo sa sala habang kaharap sina Kuya John at Kuya Joseph. May meeting de avance ang mga manloloko. Siguro nag-uusap-usap sila kung sino ang gagawin nilang president? Baka kailangan nila ng tulong ko. Willing akong tumulong.

“Ano’ng ginawa mo sa buhok mo, bunso?” gulat na tanong sa akin ni Kuya John. Napatayo pa siya.

Si Ross naman, napatayo rin habang titig na titig sa akin. Ang kapal ng mukha. May lakas pa siyang titigan ako nang ganoon pagkatapos ng mga sinabi niya kagabi? Ano ba ang ginagawa niya rito?

“Hindi ba obvious? Ginupitan ko,” yamot kong sagot. “For a change.”

“Hoy, MJ. Iyang bibig mo sumosobra na, ha! Nawawalan ka na ng galang,” sermon naman ni Kuya Joseph sa akin.

Tiningnan ko lang siya, saka ako dumeretso sa banyo. Paglabas ko, nagpunta naman ako sa kusina. Napansin kong nakatayo si Ross sa likuran ko kaya tiningnan ko siya nang masama.

“Tombs, bakit mo ginupitan `yang buhok mo?” malumanay niyang tanong, titig na titig sa akin.

Parang ang dami niyang gustong sabihin sa akin. Pero hindi na dapat ako magpauto sa kanya. Minsan na akong nalunod sa mga tingin niyang ganoon na pulos kalokohan lang pala. Napansin ko rin ang gilid ng mga labi niya. Parang namumula. Parang may sumuntok. Sino naman ang sumuntok sa kanya? O baka naman nakarma na?

“Trip ko lang. Tulad ng pantitrip mo sa `kin,” kaswal kong sagot. “Ano’ng ginagawa mo rito? Hindi `to ang bahay nina Donna. Iyon ang pinto palabas ng bahay, makakaalis ka na.”

“Tombs, please. `Wag mo namang idaan sa init ng ulo mo ang mga bagay-bagay. Mag-usap tayo nang maayos. Alam kong—”

“Wala kang alam,” gigil kong sabi. “Wala kang alam dahil pare-pareho lang kayong lahat. Mga manloloko kayo. Ikaw pa ang nagsabing hindi lahat ng lalaki manloloko. Nabusog ka, `no? Kinain mo kasi lahat ng sinabi mo.”

Napahugot ng malalim na hininga si Ross. “Tombs, I’m so sorry. Nagkamali lang ako.”

“Iyan ka na naman sa sorry mo. Tama na. Puwede ba? Nakakaumay ka na, eh.”

“Tombs, `yong tungkol kay Donna kahapon.”

Napapikit ako. Narindi na naman ako nang marinig ko ang pangalan ni Donna. “Putang-ina!” Napamura na ako sa galit. “Ross, putang-ina lang.” Napataas ang boses ko. Nakita ko si Kuya John na napatakbo sa kinaroroonan namin ni Ross. Si Kuya Joseph naman, biglang napatayo at napatingin sa amin.

“Tombs, let me explain. Inaamin ko nang nagkamali ako.”

“Kahit mag-explain ka pa, wala na ring saysay. Utang-na-loob, Ross. Lumayas ka na sa harap ko. Baka `di ko na mapigilan ang sarili ko at mabugbog kita.” Napatalikod ako at pilit pinipigilan ang sarili na huwag humagulhol.

`Nyeta ka, Ross. `Nyeta ka talaga. Hanggang kailan mo ba ako papahirapan?

Kasinungalingan mo, MJ. Anong baka mabugbog? Baka `kamo `di mo mapigilan ang sarili mo’t mapaiyak ka na lang sa harap niya at maniwala uli sa mga kasinungalingan niya.

“Tombs, please. Makinig ka muna sa mga sasabihin ko.”

Galit ko siyang hinarap. “Ross, please lang din. Wala na akong pakialam sa mga sasabihin mo. Hindi na ako magpapaloko sa mga kashitan mo sa buhay. Kung nandito ka para mag-sorry dahil gusto mong sabihin na kayo na talaga ni Donna, puwes, hindi ko `yan kailangan. Isaksak mo sa baga mo `yang sorry mo.”

“Ano ba, MJ? Bakit ba hindi ka marunong makinig? May mawawala ba sa `yo kung makikinig ka muna sa paliwanag ng tao?” singit ni Kuya Joseph. Galit na rin siya. “Iyan ang mahirap sa `yo, eh. Masyadong makitid `yang utak mo. Masyado kang mapaghinala. Kaya nagugulo ang lahat.”

Ako na naman ang mali?

“Joseph, `wag kang makigulo. Problema nilang dalawa `yan,” si Kuya John.

“Ano `kamo, John? `Wag makigulo?” tanong ni Kuya Joseph. “Eh, paano ako hindi makikigulo kung naba-bad trip na ako sa ganyang ugali ni MJ? Pati si Papa binastos niya!”

“Hindi naman ako magkakaganito kung hindi kayo nagsinungaling sa `kin!” Napasigaw na ako. Napatingin silang tatlo sa akin. “`Tang’na. Ano bang mahirap sa pagsasabi ng totoo? Ano bang mahirap na sabihin sa `kin ang totoong nangyayari? Masaya ba kayo na nagmumukha akong tanga sa likod n’yo?”

“Hindi ka kasi marunong makinig!” sigaw din ni Kuya Joseph. “Ayaw ka lang naming masaktan kaya hindi namin sinabi ang totoo!”

“Bakit ngayon ba? Hindi ba ako nasasaktan?” Hindi sila nakakibo lahat. “Paano pa ako makikinig sa inyo kung tinatarantado n’yo `ko? Paano pa ako magtitiwala sa inyo kung sinira n’yo na ang tiwala ko? Hindi kasi kayo ang nasasaktan kaya nasasabi n’yo `yan. Hindi n’yo kasi nararamdaman ang nararamdaman ko kaya akala n’yo, madali lang makinig sa mga paliwanag n’yo.”

Naramdaman ko na naman na ang mga luha ko. Ayoko nang umiyak. Tama na. “Ang hirap sa totoo lang. Gusto kong makinig sa mga paliwanag n’yo. Gusto ko ring maliwanagan. Gusto kong malaman ang lahat ng nangyayari. Kasi importante kayo sa akin. Kasi pinagkatiwalaan ko kayo. Pero paano ko gagawin `yon kung tuwing mapapatingin ako sa inyo, naaalala ko na niloko n’yo ako at nasasaktan na naman ako?

Natahimik silang tatlo. Walang makapagsalita sa kanila. Pinunasan ko ang mga luha ko. “Kuya John, Kuya Joseph, alam n’yo sa lahat na galit ako kay Papa. Dahil sa ginawa niya dati kay Mama. Akala ko pare-pareho tayo ng nararamdaman? Kasi pare-pareho tayong nahirapan noon. Nasasaktan ako nang ganito kasi noong nakita ko kayo na kaharap siya, parang wala kayong galit sa kanya. Na parang okay lang sa inyo ang ginawa niya dati kay Mama.”

Tumingin ako kay Ross. “Ross, alam mong pagdating kay Donna, `yong selos ko sumasagad. Hindi ako nagagalit dahil nandoon ka kay Donna. O dahil sa mga pinagsasabi mo sa `kin kahapon. Kasi alam ko naman na mula’t sapul na si Donna pa rin talaga. Si Donna lang talaga. Alam mo kung saan ako mas nagagalit? Iyong nagsinungaling ka sa `kin, `tapos nandoon ka lang pala sa kanila. Ang lumalabas kasi, kaya mong iwan ang lahat basta para sa kanya. Which is totoo naman, `di ba?”

“Magkaibigan na lang kami, tombs. Iyong mga sinabi ko sa `yo kahapon hindi `yon totoo.”

“Hindi, Ross. Hindi kaibigan lang ang tingin mo sa kanya. Hanggang ngayon, siya pa rin talaga. Binibigyan lang kita ng pabor. Bumalik ka na lang sa kanya. Wala na ring point kahit bawiin mo ang mga sinabi mo sa `kin kahapon. Nasaktan mo na ako. Tama na `yon.” Tumalikod na ako at dali-daling pumasok sa kuwarto ko, saka nagkulong uli.

Napapikit ako para pigilan ang mga luha ko. Pero maling-mali ang ginawa kong pagpikit. Nakita ko kasi ang mukha ni Ross na parang nasasaktan sa mga sinabi ko sa kanya. Buwisit talaga. Bakit magiging ganoon ang reaksiyon niya? Siya itong nanakit sa akin. Siya itong paulit-ulit akong sinasaktan.

Lumapit ako sa computer ko at binuksan iyon. Nag-play ako ng random anime movie. Noon, tuwing malungkot o naiiyak ako pero ayokong umiyak, nanonood lang ako ng movie. Pagkatapos niyon, mawawala na ang lungkot ko. Kumakalma na ang sarili ko.

Pero ngayon, iba na. Kahit nanonood na ako ng anime, hindi pa rin ako kumakalma. Patuloy pa ring tumutulo ang mga luha ko habang nakaharap sa computer ko.

Habang nasa loob ako ng kuwarto, narinig ko si Ross na nagpaalam na kina Kuya na aalis na siya. Mabilis ko tuloy kinuha ang dalawa niyang jacket at inilagay sa loob ng paper bag. Lumabas uli ako ng kuwarto ko at lumabas. Eksakto papasakay pa lang siya ng kotse.

“Ross,” tawag ko.

Gulat siyang napalingon sa akin. “Tombs.”

Bahagya akong lumapit at inabot sa kanya ang paper bag.

“Ano `to?”

“Iyan na ang mga jacket mo.”

“Hindi ko `to kailangan. `Binibigay ko na `to sa `yo,” malungkot niyang sabi.

Napailing ako. “Mas hindi ko `yan kailangan. Kunin mo na `yan. Para wala na akong maaalala na kahit anong bagay mula sa `yo. Ibigay mo na lang `yan kay Donna. I’m sure matutuwa pa `yon.”

Tumalikod na ako pero hinawakan niya ang kamay ko. “Tombs, hindi ako susuko sa `yo. Hindi ako susuko hangga’t hindi mo ako hinahayaang mag-explain at pinapatawad. Fuck. Tombs, hindi talaga kita susukuan. Matira ang matibay sa `ting dalawa. Isa ang susuko pero sisiguruhin kong ikaw `yon at hindi ako.”

Dahan-dahan kong tinanggal ang pagkakahawak niya sa kamay ko, pagkatapos tiningnan ko siya nang seryoso. “`Wag na, Ross. Wala ka na kasing aasahan sa `kin.”

Naglakad na uli ako papasok ng bahay at hindi na siya nilingon. Mas mabuti na ang ganito. Iyong walang Ross sa buhay ko. Okay na akong mag-isa. At least, hindi na ako masasaktan pa. Tiyak, hindi ko na kakayanin kung pagkatiwalaan ko siya uli pagkatapos masasaktan na naman niya ako. For sure kasi, mas masakit iyon kaysa sa nararamdaman ko ngayon.

“BUNSO, papasok ka ba ngayon? Sabay na tayo.”

Nasa kusina ako at nag-aalmusal nang lumabas si Kuya John sa kuwarto niya. Naka-uniform na siya at ready na para pumasok.

“Mauna ka na, Kuya,” sagot ko na hindi man lang siya tinitingnan.

“Ah, sige.” Ramdam na ramdam ko ang disappointment sa boses niya. “Mag-ingat ka sa pagpasok.”

“John, `yong pambayad ng ilaw at tubig?” pahabol na tanong ni Kuya Joseph habang abala sa lababo.

“Nandiyan sa ibabaw ng fridge. Dadaan ka ba sa ospital mamaya? Sabihin mo bukas na lang ako pupunta. May late meeting kasi kami mamaya.”

“Sige, `tol,” sagot ni Kuya Joseph.

Bago pa tuluyang umalis si Kuya John ay nagkatinginan muna kami. Malungkot niya akong nginitian, saka tuluyang lumabas ng bahay. Parang kumirot ang puso ko dahil sa ngiti niya. Mukhang nahihirapan siya na masyadong tahimik ang bahay dahil sa pag-aaway namin.

Napatulala ako sa kawalan nang maalala ko ang usapan nila ni Kuya Joseph. Sinong dadaanan ni Kuya Joseph sa ospital? Sinong naka-confine doon? Ayoko naman siyang tanungin dahil hindi naman kami ayos. Alam kong galit pa siya sa akin.

Okay lang. Galit din naman ako sa kanya. Pero hindi talaga ako sanay na ganoon katahimik ang bahay. Iyong parang hindi kami magkakakilala dahil hindi kami nag-uusap. Ngayon lang nangyari iyon. Mula nang dumating ang walang kuwenta naming ama, nagkasira-sira tuloy kaming magkakapatid.

“Kung tapos ka nang kumain, iwanan mo na lang `yang plato mo sa mesa,” sabi ni Kuya Joseph.

“Ako na ang maghuhugas nito.”

Tumingin siya sa akin. “MJ, please, `wag masyadong matigas ang ulo mo,” seryoso niyang sabi.

Napaiwas ako ng tingin.

“Iyan ang nakakainis sa `yo, eh. Ayaw mong makinig sa sinasabi sa `yo. Palagi mong inuuna ang emosyon mo. Hindi naman ako magagalit sa `yo kung marunong ka lang tumanggap ng paliwanag. Tulad na lang ng kay Papa.”

Napahinto si Kuya Joseph sa sinasabi niya dahil bigla akong tumayo. Maglalakad na sana ako pabalik sa kuwarto ko nang magsalita uli siya.

“Iyong tatay natin na sinasabi mong walang kuwenta, may stage three cancer. Siguro para sa `yo iisipin mo na mabuti nga sa kanya `yon. Nagpakita uli siya sa `tin hindi dahil gusto niyang bumalik sa buhay natin. Gusto niya lang tingnan ang kalagayan natin. Kung tatanungin mo kung kailan pa namin siya nakakausap ni John, noong isang buwan pa. Nagbibigay siya ng pera kapag nagigipit si John sa budget natin. Ayaw sana ni John pero wala siyang ibang choice. Nandito si Papa noong nakaraan para sana makausap tayo. Gusto niyang humingi ng tawad,” humina ang boses ni Kuya Joseph. “Bago raw mahuli ang lahat.”

Nang nasa loob na ako ng kuwarto ko, napahawak ako sa dibdib ko dahil kumirot na naman nang kumirot ang puso ko. Hindi ko gustong maawa sa kalagayan ni Papa. Gusto kong isipin na karma niya ang nangyayari sa kanya ngayon. Pero nang ma-realize kong hindi biro ang kalagayahan niya, parang lahat ng galit ko sa kanya ay biglang nawala. Biglang naglaho.

Binilisan ko na ang pagbibihis ko, saka umalis ng bahay nang hindi nagpapaalam kay Kuya Joseph. Paglabas ko, nakita ko ang kotse ni Ross. Nakasandal siya sa gilid habang nakatingala at pinagmamasdan ang langit. Kumakain pa ng lollipop ang leche.

“Hoy!” sigaw ko sa kanya. Nagulat siya at napatingin sa akin. “Ano’ng ginagawa mo dito?”

“Ano’ng ginagawa ko dito? Kumakain ng lollipop. Gusto mo? Meron pa ako.” Dumukot siya sa bulsa niya at inilabas ang tatlo pang lollipop.

“Kakain ka lang ng lollipop dito pa sa tapat ng bahay namin? Adik ka ba?”

“Oo, adik ako,” sabi niya, saka ngumiti. “Adik ako sa `yo.”

“`Tang’na ka.”

“Aga-aga mo namang makamura, tombs.” Ngumiti siya. “Tara, pasok na tayo.”

“Sino’ng nagsabing sasabay ako sa `yo sa pagpasok?”

“Ako lang. Tara na. Male-late na tayo.”

“No, thanks.”

“Tombs naman.”

Susunod sana sa akin si Ross sa paglalakad nang mapatingin ako sa gilid ko. May nakita akong maliit na palaka. Kinuha ko iyon, saka ipinakita sa kanya.

“Subukan mong lumapit sa `kin. Ihahagis ko `tong palaka sa `yo.”

Nanlaki ang mga mata niya. “Ho—hoy, tombs! Walang ganyanan. Hindi nakakatuwa `yan. Itapon mo `yang palaka. Dali. Itapon mo `yan,” takot na takot niyang sabi.

“`Wag kang makalapit-lapit sa `kin. Leche ka. Kundi itatapon ko talaga sa `yo `to!”

“Tombs, aatakihin na ako sa puso. Ilayo mo `yang palaka! Itapon mo na `yan!”

Napangisi ako. “Itapon ko?”

Tumango-tango siya.

“Eh, di itapon.” Pagkatapos itinapon ko sa harap niya ang palaka.

“Ugh!” Napatalon-talon si Ross sa sobrang takot.

Bago pa siya maka-recover sa takot ay agad na akong tumakbo papunta sa sakayan ng jeep. Todo-hingal ako habang naghihintay ng jeep. Buwisit na iyon. Hindi yata ako titigilan. Mukhang kailangan ko palaging magdala ng palaka para lang hindi niya ako malapitan. Makahuli nga mamaya sa likuran ng school.

Habang naghihintay ako ng jeep, bigla akong may narinig na tumawag sa pangalan ko. Potek na iyan. Talaga bang ngayong umaga silang dalawa ang makikita ko? Pinag-usapan ba nilang dalawa na bubuwisitin nila ako ngayon?

Hinarap ko si Donna. “Bakit?”

“Bakit mo ginupitan ang buhok mo? `Di ba, sabi mo, mahal na mahal mo ang mahaba mong buhok?”

“Una, wala kang pakialam kung ginupitan ko ang buhok ko. Pangalawa, hindi na tayo friends kaya `wag mo na akong kausapin. Pakisabihan mo rin ang boyfriend mo na `wag na akong guluhin.”

Mukhang nasaktan siya sa mga sinasabi ko pero wala akong pakialam. Noong nasaktan ako noong nakaraan wala rin naman silang pakialam. So, kwits lang.

“Puwede ba tayong mag-usap?” Sumeryoso si Donna. As usual, parang anghel pa rin ang ayos niya.

“Para saan?” Ngumiti ako, iyong ngiting plastic.

“Sa nangyari noong isang araw.”

“O, `yon ba? Hayaan mo na `yon. Wala na `yon sa `kin. Let’s just forget about it.”

“Gusto ko lang sabihin na hindi totoo ang sinabi ni Eli.”

Tiningnan ko siya nang seryoso. “Donna, pumunta ka sa kabilang kanto.”

“Ha, bakit?” naguguluhan niyang tanong.

“Baka kasi nandoon `yong pake ko. Pakihanap na lang. Good-bye.”

Pinara ko ang jeep na dumaan, saka agad na sumakay. Hindi ko binalingan ng tingin si Donna habang umaandar ang jeep. Bakit ba ayaw nila akong tigilan? Nakakairita sila.

Huminto na sa tapat ng school ang jeep na sinasakyan ko kaya dali-dali akong bumaba. Inilabas ko sa bag ko ang baseball cap ko, saka isinuot. Ang pangit na cap ang suot ko dahil iyong paborito kong baseball cap, na kay Ross. Makuha nga iyon ngayon sa kanya.

Habang naglalakad ako papunta sa building namin, nakita ko sina Alex at Anton na naglalakad.

“Hoy! Mga pangit!” tawag ko sa kanila.

Napatingin sila sa akin, pagkatapos sabay nanlaki ang mga mata nila.

“`Tol, mabuti dumating ka na. May kailangan kang makita!” sabi ni Alex.

“Teka, ano `yon?” curious kong tanong.

“Teka lang din. Ano’ng ginawa mo sa buhok mo, MJ?” Tinanggal ni Anton ang baseball cap ko. Napanganga sila pareho ni Alex nang makita ang buhok ko. “Hala, brad. Bakit ganyan ang buhok mo? Sinong gumipit sa `yo? Buhay pa ba? Kung buhay pa ako na papatay doon!”

“Oo nga, MJ. Bakit? Sino ang gumupit diyan? Hindi pa pantay-pantay.”

“Ako lang.” Ngumiti ako. “Inggitera ako, `di ba? `Ayan. Para pare-pareho na tayo ng gupit.”

“Medyo mahaba pa rin `yong sa `yo,” sabi ni Anton. “May problema ka ba?”

Ngumiti lang ako sa tanong niya.

“Aayusin ko `yang buhok mo mamaya. Pero sumama ka muna sa `min dahil may kailangan kang makita.”

“Ano ba kasi `yon?”

“Basta. Sumama ka na lang. Sabi na, eh. May problema talaga. Kaya pala may gano’n na nakasabit.”

“Anong nakasabit?” naguguluhan kong tanong.

Hindi na nila sinagot ang tanong ko dahil hinila na lang nila ako. Ang bilis ng paglalakad namin na tipong nagmamadali talaga. Patuloy lang kami sa paglalakad nang makita ko na padami nang padami ang mga estudyante na nakatayo sa tapat ng Engineering building, parang may tinitingnan.

“Excuse. Excuse. Dadaan kami.” Pinagtutulak ni Anton ang mga estudyante na nasa harap namin.

“Ano ba’ng meron?” tanong ko kay Alex.

“Tingnan mo `yong nakasabit sa building ng Engineering department.” May itinuro si Alex.

Bigla akong napanganga sa nakita at nabasa ko. May malaking tarpaulin na nakasabit sa building ng Engineering department. Gigil kong binasa ang nakasulat sa tarpaulin.

Tombs, sorry na. Please. I lesbi you, tombs.

Pagkatapos ang daming broken hearts na design sa gilid ng mga letters.

Leche kang Valentin ka! Yari ka talaga sa akin kapag nakita kita!