noveltoon logo noveltoon
Lesbi In Love

Chapter 11

Ch. 11 / 32 Apr 09, 2022

CHAPTER ELEVEN

A YOKO sanang sumama kay Ross kumain dahil masyado nang malalim ang gabi at baka malaman pa ng dalawa kong kuya na umalis ako ng bahay nang hindi nagpapaalam sa kanila. Kaso nagi-guilty naman ako kung iiwan ko lang si Ross sa ere. Kahit labag sa loob ko, sumama na rin ako. Nang wala siyang maisumbat sa aking leche siya. Para din kahit papaano, makabawi ako sa pagpapahintay sa kanya. Saka okay na rin na sumama ako. Nang dahil kasi sa pagsama ko sa kanya ngayong gabi, medyo nakilala ko kung anong klase siyang jejemon at kung anong klaseng damuho ang nagpapalakad sa akin kay Donna.

Noong sinabi niya na kakain kami, akala ko sa isang mamahaling restaurant niya ako dadalhin dahil mapera nga siya. Pero nagkamali ako, hindi sa isang restaurant kami pumunta kundi sa gilid-gilid lang kung saan may nagbebenta ng kikiam at fishballs. Barat amputs !

“Manong, fifty pesos nitong fishball at fifty din na kikiam, ha,” sabi ni Ross sa tindero na nagluluto.

“Anong sauce, boss? As usual ba?”

“Yup! Marami, ha? Iyong maanghang,” nakangiti niyang sagot. “Ikaw, tombs. Ano’ng gusto mo?”

“Si Donna.”

Natawa si Ross. “Gusto ko rin siya. Pero ako ba, gusto mo?” seryoso niyang banat.

Kahit alam kong loko-loko lang iyon, ang puso ko kumislot na naman. Pinakyu ko siya. “`Eto gusto mo?”

Tumawa siya. “Ayoko. Ano nga kasi ang gusto mo?”

“Ganoon na lang din. Palagi ka ba rito? Parang kilala ka na ng tindero, eh.”

“Oo. Suki na ako ni manong dito. `Di ba, manong?”

“Opo. Palagi si bossing dito. Minsan pagkatapos ng school, nandito na siya. Nakakapagtaka nga na ngayon ginabi siya, eh,” magalang na sagot ng tindero. “Kapag nandito nga si bossing ang dami kong benta. Minsan kasi siya pa ang tumatawag ng customer. Sa sobrang gwapings ni bossing, `di nakakatanggi `yong mga bibili.”

“Si manong talaga, bolero. Hindi bale bukas, tatambay uli ako rito.”

Pinagmasdan ko lang ang dalawa habang nag-uusap. Mukhang close na close nga si Ross sa tindero. Kinukumusta rin kasi niya ang asawa ni manong. Habang nakikipag-usap, nakangiti lang siya. Parang ang saya-saya niya. Para siyang ibang tao. Para siyang hindi jejemon.

Hindi siya ang tipo na Ross na parang maloko at babaero. Ang nakikita ko kasing Ross ngayon ay ordinaryong tao lang. Iyong taong kayang makipag-usap sa hindi niya kapareho ng antas sa buhay. Iyong tipo ng tao na hindi marunong humusga sa taong hindi niya kasingyaman.

Binayaran na ni Ross ang binili namin nang matapos ihanda ni manong ang mga pagkain. Nagpaalam na kami, saka umalis. Sumakay uli kami sa kotse niya na hindi alam kung saan pupunta.

“Saan na tayo pupunta? Ginagabi na `ko masyado, brad.”

“Bili lang tayo ng inumin diyan sa 7-Eleven, `tapos punta tayong seaside. Doon tayo kakain,” sagot niya nang lumiko ang kotse. “Ihahatid naman kita, don’t worry.”

Alam kong nakangiti si Ross kaya agad akong umiwas ng tingin. `Lakas kasi makabading tuwing nginingitian niya ako. Kumikislot ang puso ko. Pagkatapos kanina, nag-blush pa ako. Bakit ako nag-blush? Hindi naman ako kinilig sa sinabi niya, ah. Nilalamig lang ako kaya ako namula.

Bumili nga kami ng malaking soft drinks sa convenience store. Royal ang binili ni Ross. Iyong Coke daw kasi masyadong matamis. Shunga, hindi ba? Pareho lang namang matamis ang Royal at Coke.

Nasa seaside na kami at umupo sa isang bench. Kahit lumalalim na ang gabi ay ayos lang. Hindi naman masyadong madilim dahil may posteng nakatayo sa gilid ko. Ang awkward lang dahil halos ng mga tao sa seaside ay puro lovers. Baka isiping bromance kami ng jejemon na ito.

“Bakit ba kasi nandito tayo? Hindi ba puwedeng sa ibang lugar na lang tayo?”

“Bakit? Ano’ng masama kung nandito tayo?” nagtataka niyang tanong, inilagay ang kikiam at fishball sa gitna naming dalawa. “Ah, alam ko na.” Tumawa siya.

“O, bakit tumatawa ka? May nakakatawa ba?”

Umiling si Ross. “Masyado ka kasing conscious, eh. Okay lang `yan. Hindi naman nila iisipin na lovers din tayo dahil sabi mo nga, pareho tayong lalaki.” Inabot niya sa akin ang isang stick. “Kain na tayo.”

Kumain na kami ng kikiam at fishball. At ang jejemon na ito, mukhang paborito ang mga iyon. Ang gana niya kasing kumain. Puro “uhm” at “sarap” ang naririnig ko sa kanya.

“Favorite mo?”

“Oo. Ito ang pagkain na hinding-hindi ako magsasawang kainin. Saka memorable sa `kin `tong kikiam at fishball, eh.”

“Memorable? Bakit naman?” nagtataka kong tanong. “Dati ka bang fishball at kikiam? Isa ka bang kickball?”

Nagulat ako nang malungkot akong nginitian ni Ross. Hindi siya natawa sa joke kong korni ngayon.

Akala ko hindi niya sasagutin ang tanong ko dahil tumingin siya sa dagat pero nagsalita rin. Malungkot nga lang iyong boses niya. Dear Charo.

“Ito kasi `yong handa ko noong thirteenth birthday ko noon,” nakangiti niyang sabi pero pansin na pansin ang kalungkutan sa boses niya. “Kaya simula noon, naging paborito ko na `to.”

Nagulat ako. “Ha? Iyan ang handa mo? Eh, mayaman kayo, `di ba?”

“Hindi ako ang mayaman. Ang daddy ko. Saka hindi naman por que mayaman, mabibili mo na lahat ng gusto. Walang sino man sa mundong `to na meron ng lahat-lahat.” Uminom siya ng soft drinks. “Mula nang mamatay si Mommy noong twelve years old pa lang ako, palagi nang busy si Daddy. Palagi siyang wala sa bahay namin. Tinanong niya ako noong thirteenth birthday ko kung gusto ko raw bang maghanda. Tumanggi ako. Sabi ko, `wag na lang. Hindi naman kasi siya makakauwi. Kaya noong mismong araw ng birthday ko, nagsimba na lang akong mag-isa at bumili ng kikiam at fishball pag-uwi.”

Parang nanuyo ang lalamunan ko dahil sa nalaman ko. Hindi ko inaasahang may pagkakapareho pala kami ni Ross. Pareho pala kaming guwapo. Mas lamang lang ako. `Di, biro lang. Pareho pala kaming wala nang nanay.

“Nagsimba kang mag-isa? Wala ka bang ibang kapatid?”

Umiling si Ross. “Wala. Isa lang akong anak ng mommy ko sa daddy ko.”

“Isa ka lang anak ng mommy mo sa daddy mo? Bakit may iba pa bang anak ang daddy mo?”

Tumango siya. “Oo. May anak na siya ngayon sa ibang babae. May half-brother na ako,” nakangiti niyang sagot. “Nag-asawa uli si Daddy two years ago.”

“Hindi ka ba nagalit nang mag-asawa siya uli?”

“Hindi ako nagalit. Nagtampo lang. Naisip ko kasi noon na papalitan na niya si Mommy. Na hindi na niya mahal. Pero noong kinausap ako ni Daddy, sinabi niya sa akin na si Mommy pa rin daw ang number one sa puso niya. Na tao lang din daw siya at nalulungkot mag-isa. Kailangan niya pa rin daw ng karamay sa buhay. Kaya nakuha niya ang basbas ko.” Tumawa si Ross. “Ang korni ng daddy ko, `no? I guess, sa kanya ako nagmana.”

Napatango-tango ako sa sinabi niya. Nag-isip uli ako ng itatanong. Quiz bee ito, uy! “Eh, si Donna. Kailan kayo nagkakilala?”

Sa pagbanggit ko pa lang sa pangalan ni Donna, awtomatikong ngumiti si Ross. Siguro nga in love siya sa best friend ko. Siguro nga totoo ang sinabi niyang seryoso siya.

“Secretary ng mommy ko dati ang mama ni Donna. Kaya minsan, pumupunta sila ng mama niya sa bahay namin noon. Naglalaro kaming dalawa. At noong namatay si Mama ko, pumunta sila. Iyon `yong time na hindi ako nagsasalita at wala akong ibang kinakausap. Until she talked to me. Tandang-tanda ko pa nga ang sinabi niya noon. ‘`Wag kang mag-aalala, Eli. Kasama na ni God si Mommy mo. Kahit wala na siya, hindi ka niya papabayaan.’ There, after she said that, I fell in love with her. Tinatak ko sa isip ko na kapag lumaki na kami, siya lang ang magugustuhan ko.”

Totoo palang kumikislap ang mga mata ng isang taong in love kapag pinag-uusapan ang mahal niya. Iyon kasi ang nakita ko sa mga mata ni Ross. Kumikislap ang mga mata niya habang inaalala ang childhood memories nila ni Donna.

“Lumipat kami ng bahay after mailibing ni Mommy kaya hindi na kami nagkita ni Donna. `Tapos last week, may ibinigay sa `king address si Daddy. Address `yon ng bahay nina Donna. Gusto raw akong makita nina Tita Lorna at Donna. Grabe. Tuwang-tuwa ako noong nakita ko si Donna,” todo-ngiting sabi ni Ross. “Noong nakita ko uli siya, doon ko napatunayan sa sarili ko na puwede ka palang ma-in love sa iisang tao nang dalawang beses. Iyon kasi ang naramdaman ko kay Donna. I fell in love with her twice.”

Napaiwas ako ng tingin nang makitang todo ang ngiti si Ross habang sinasabi kung gaano siya ka-in love kay Donna. Ewan ko ba pero parang kinurot ang puso ko. Siguro dahil iisang babae ang gusto namin kaya hindi ako sanay na naririnig sa ibang lalaki ang mga ganoong salita.

Lintik. Ang sakit talaga sa dibdib.

“Kaya umaasa talaga ako sa `yo na ilalakad mo ako kay Donna. Ipinapangako ko sa `yong hindi ko siya sasaktan. Na tanging kaligayahan lang ang mararamdaman niya sa `kin.” Tumingin si Ross sa akin. “Kaya ilakad mo ako, tombs, ha? Ikaw lang makakatulong sa `kin, eh.”

“Lumpo ka ba? Hindi mo ba kayang maglakad mag-isa?”

“Puro ka naman kalokohan. Sige na kasi, tombs.”

“Pag-iisipan ko next time. Natatamad ako ngayon, eh.” Umismid ako.

“`Lang’ya. May usapan na tayo, eh.” Kumain siya ng kikiam. “Ikaw, tombs. Magkuwento ka naman.”

“Ano’ng ikukuwento ko? Gusto mo bang malaman ang alamat ng santol?”

Tumawa si Ross. “Hindi ganyan. Pero sige, ano.”

“May magkuya na naglalakad sa isang gubat. `Tapos `yong nakakabatang kapatid, nakakita ng hindi pamilyar na prutas. Tinanong niya ang kuya niya. ‘Kuya, anong prutas `yon?’ `Tapos sumagot naman ang kuya niya ‘`San, `tol?’ The end. Iyon ang alamat ng santol.”

Tawang-tawa si Ross sa sinabi ko. Nakahawak pa siya sa tiyan. Laugh trip talaga ang jejemon. “Akala ko pa naman seryoso. Kalokohan lang pala.”

“ `Shunga mo, eh. `Hilig mo agad maniwala sa sinasabi ko.” Uminom ako ng soft drinks.

“Pero seryoso, tombs. Kuwento ka naman.”

“Ano ba naman kasi ang ikukuwento ko?”

“Kung bakit ka naging ganyan? Hulaan ko, nasaktan ka dahil sa lalaki, `no? Minahal mo nang lubos pero nasaktan ka niya. Kaya `ayan, nagpaka-tomboy ka na lang.”

Hindi ako kumibo.

“Tama ba ako? Silence means ‘yes,’ `di ba?”

“Hindi. Silence means ‘shut up.’”

“Ayaw pang umamin. Dali na. Nag-share ako about sa sarili ko. Mag-share ka rin dapat.”

“Hindi ko naman sinabing mag-share ka. Nagkusa ka. `Wag kang manumbat.”

“`Labo mo naman, tombs. Akala ko pa naman close na tayo.” Umiling-iling si Ross. “Pero kung tama man ako, `wag mong isiping pare-pareho lang ang mga lalaki. Hindi por que nasaktan ka nang isang beses, sasaktan ka na lang palagi ng mga susunod mong makikilala. Iba-iba ang tao, tombs. Kahit pare-pareho pa kaming mga lalaki, iba-iba pa rin kaming mag-isip. May mga sira-ulo nga pero mas marami pa ring matitino.” Tumingin siya sa akin. “Sigurado akong somewhere out there, may isang lalaking magpapatunay sa `yo na hindi lahat ng lalaki, manloloko.”

“Hindi na kailangan. Hindi ko kailangan ng lalaki. Okay na ako sa sarili ko. Okay na ako sa pagiging tomboy ko. Sa una lang naman magaling ang mga lalaki. Ang hindi ko lang ma-gets ay `yong may mahal ka nang babae, pero nakukuha mo pa ring magmahal ng iba. Ilan ba ang puso ng mga lalaki? Dalawa? Kaya dalawang babae ang puwede?”

Bumuntong-hininga si Ross. “I really don’t know. Kasi hindi naman ako ganoon. Hindi ako nagkakagusto sa dalawang tao nang sabay. Kaya `di ko alam ang sagot sa tanong mo. Or maybe they are not just meant to be. Sometimes a person wakes up one day and the love he feels for his partner is already gone. Not because he searches for someone else, but because his love for his partner reached its own limit. And that’s the end of everything. That’s the reality.”

Napapunas ako ng ilong. “`Lang’ya ka, brad. English `yon, ha. `Sakit sa ilong.”

Natawa siya. “Ewan ko sa `yo, tombs. `Di ka talaga marunong magseryoso.”

Nag-change topic kami habang patuloy na kumakain at inuubos ang binili namin. Nabanggit din ni Ross na gusto niya raw uling marinig ang boses ko kapag kumakanta. Sabi ko, sige, kakanta ako kapag binayaran niya ako ng one million. Sige raw basta ba bayaran ko muna ang kotse niyang binasag ko.

Tumawa ako nang peke. “Ikaw naman, brad. `Di ka na mabiro. Sige, kakantahan kita minsan. Kapag malungkot ka.”

“Promise `yan?”

“Oo na. Promise `yan,” pagsisinungaling ko.

Nang maubos na namin ang kinakain namin, nag-aya na akong umuwi. Masyado na kasing malalim ang gabi at baka malunod ako. `Di, biro lang. Baka kasi alam na nina Kuya na wala ako sa bahay. Wala pa naman akong dalang cell phone kaya tiyak malilintikan ako.

Habang nasa sasakyan kami at bumibiyahe na pauwi sa street namin, biglang bumalik sa isip ko ang sinabi ni Ross kanina.

“ `Wag mong isiping pare-pareho lang ang mga lalaki. Hindi por que nasaktan ka nang isang beses, sasaktan ka na lang palagi ng mga susunod mong makilala. Iba-iba ang tao, tombs. Kahit pare-pareho pa kaming mga lalaki, iba-iba pa rin kaming mag-isip.”

Sana nga lang tungkol lang sa isang lalaki kaya ako naging ganito. Pero hindi, eh. Hindi basta-bastang lalaki ang naging dahilan kung bakit ako tumalikod sa organisasyon ng kababaihan. Wala na kasing mas sasakit pa kapag ang tatay mo ang unang sumira ng tiwala mo at nagwasak ng puso mo. Hindi ka agad makaka-move on at hindi ka sigurado kung makaka-move on ka pa. Ang sugat na natamo mo hanggang pagtanda, nandoon pa rin sa puso mo. Hindi nga nawala ang sakit, eh. Nasanay lang akong mabuhay kasama iyon.

“Diyan na lang ako sa kanto,” turo ko nang makarating kami sa pangatlong kanto bago ang bahay namin. “Maglalakad na lang ako.”

“Ang dilim, o. Sigurado ka?” Itinuro ni Ross ang daan.

Ang dilim nga. Nakakatakot maglakad. Takot pa naman ang tomboy na tulad ko sa multo.

“Sa tapat na lang ng bahay n’yo kita ihatid.”

Siguro naman, okay lang? Tulog naman na sina Kuya. Hindi siya makikita. “Uhm, mapilit ka ba? Sige na nga. Mapilit ka, eh.”

“Takot ka lang `kamo maglakad diyan. Sige, ituro mo na lang.”

Itinuro ko na lang ang bahay namin kaya huminto siya.

“Sige. `Baba na ako. Salamat, `tol. Salamat sa libre.”

Ngumiti si Ross. “Walang anuman. Basta ikaw.” Sumaludo pa siya.

Bumaba na ako ng kotse at maglalakad na sana papasok ng gate nang mapatigil ako dahil sa nakita ko. Nakabukas na ang gate namin at nakatayo roon si Kuya Joseph habang seryosong nakatingin sa akin.

“Saan ka nanggaling?” seryoso niyang tanong. “`Di ba, sinabihan ka na ni John na `wag kang aalis?”

“Eh, Kuya, diyan lang naman ako.”

“Kaninong jacket `yan?”

“Sa—tropa ko.” Potek na Ross ito, hindi pa umalis.

Bigla kong narinig na bumukas ang pinto ng kotse ni Ross at saka siya nagsalita. “Baby, `yong jacket ko pala.”

Gulat ko siyang nilingon.

Napatingin si Ross kay Kuya Joseph. “Good evening po. Hinatid ko lang po si MJ.”

Natampal ko na lang ang noo ko sa kashungahan ng jejemon na ito.