CHAPTER TWENTY-FIVE
I SANG linggo na ang nakalipas mula nang pumunta si Ross sa bahay at pormal na nagpakilala kina Kuya bilang manliligaw ko. Medyo nandidiri pa rin talaga ako sa salitang manliligaw. Lalo na kapag naiisip kong may lalaking nanliligaw sa akin. Hindi pa rin talaga ako sanay. Pero para sa jejebuster na Ross na iyon, pipilitin kong masanay. Ganoon siya kalakas sa akin.
Sa bawat araw na lumilipas, palagi niya akong sinusundo sa bahay at sabay kaming pumapasok. Ang aga niya nga ako minsan kung sunduin. Tulad na lang kanina. Seven AM pa lang, nasa bahay na si Ross at nag-aalmusal kasabay ang dalawa kong kuya. Samantalang nine AM pa naman ang pasok namin ngayong araw. Nandoon na siya at nakikipagkuwentuhan. Kung magkuwentuhan silang tatlo, akala mo sila ang magkakapatid. Nagising ako dahil sa lakas ng tawanan nila.
Masasabi ko rin na unti-unti na siyang nagugustuhan ni Kuya John. Baka bromance na rin sila tulad ng pagiging bromance nina Ross at Kuya Joseph. Out of place ako sa kanila kapag nagkukuwentuhan sila. Hindi ako maka-relate.
Pero kapag nakikita ko si Ross na tumatawa kasama sina Kuya, napapangiti rin ako. Ewan ko pero parang ang sarap sa feeling na makita ang taong mahal mo na kasundo ang mga kuya mo.
Inihatid din ako ni Ross sa bahay. Kapag may pupuntahan kami o dadaan lang sa kung saan, ipapaalam niya agad ako kay Kuya John. Noong nakaraan, nanood kami ng movie kasama si Kuya Joseph. Si Kuya Joseph pa ang namili kung saan kami kumain. Hindi talaga marunong mahiya. Nagpa-pasaload pa nga siya uli.
Sa mga bawat araw din na lumilipas, lalo kong nakikilala si Ross. Ang dami kong mga maliit na bagay na nalaman tungkol sa pagkatao niya. Tulad na lang na takot siya sa ipis, butiki, gagamba, o kahit anong insekto na maliit.
Noong isang araw kasi habang nasa bahay si Ross, biglang may nalaglag na butiki sa balikat niya, napatalon-talon at nagsisisigaw siya dahil sa takot. Tawa ako nang tawa kasi ang laki niyang tao pero takot sa maliit na insekto.
Nalaman ko rin na hindi talaga jejemon si Ross. Nagloloko kasi ang cell phone niya kaya kapag nagte-text siya, paiba-iba. Nagiging upside-down. Kaya mas gusto niya talaga ng call. May pagkadugyot din siya. Kahapon kasi, nangulangot ba naman sa harap ko? Pagkatapos, hindi pa nakontento. Sinabayan pa ng utot. Imbes na mahiya, tawa lang siya nang tawa.
Kung mahal ko raw siya, singhutin ko raw ang utot niya. Kababuyan ng leche.
“Ikaw, `wag kang dugyot, ha?” sermon ko habang nasa kotse kami at papunta sa school. “Nakakadiri ka talaga kahapon. Ang lakas ng utot mo. Nasa Starbucks pa naman tayo.”
Tumawa si Ross. “`Di ka maka-move on do’n, ah.”
“Malamang! Ang dugyot mo kasi. Ano na lang ang iisipin ng mga babaeng nagkakandarapa sa `yo na may hidden kababuyan ka pala?”
“`Sus! Wala naman akong pakialam sa iisipin nila.” Ngumisi siya. “Ang importante, nakuha ko na ang babaeng gusto ko. Ikaw lang sapat na.”
“Ang jeje mo talagang leche ka.”
“Hindi nga ako jejemon! KhULeTSzx MhOwsxz. Jejeje .”
Dumating na kami sa school kaya nag-park na si Ross sa parking lot at dali-daling lumabas ng kotse para pagbuksan lang ako ng pinto. Pero dahil mabilis akong kumilos, ako na ang nagbukas niyon. Napasimangot tuloy siya. Gusto niya kasi siya ang nagbubukas sa akin ng pinto . Gentleman daw kasi siya.
“`Asar ka naman, tombs. Sinabing ako dapat ang nagbubukas ng pinto para sa `yo.” Napanguso pa si Ross.
“Tigilan mo ako, Valentin. Hindi mo kailangan gawin `yan. Hindi ako lumpo. May kamay ako.”
“Eh, kahit na. Bad trip naman. Gentleman nga ako, `di ba?”
“Gentlejejemon ka.”
“Isa pang tawag mo sa `kin ng jejemon, hahalikan talaga kita.”
Tumawa ako. “Joke lang.”
“Akin na pala `yang bag mo. Ako na ang magbubuhat.”
“Tigil-tigilan mo nga ako sa ganyan mo, Ross. Naiirita ako,” asar kong sabi. “Hindi mo kailangang magpaka-gentleman o romantic guy dahil hindi ko gusto ang gano’n.”
“Bakit naman? `Di ba, dapat lalaki ang magbubuhat ng gamit ng babaeng nililigawan niya?”
“Babae ba ako?”
Natawa si Ross, saka umiling. “Hindi. Lalaki tayo, p’re. Lalaki tayo.”
“Good.”
“` Lang’ya. Isang Ross Valentin, nabading lang dahil kay Mary Jovelyn. We’re gay for each other, bro.”
Pagkatapos, tawa na naman siya nang tawa habang naglalakad kami. Napapatingin na sa amin ang mga estudyante na nakakasalubong namin. Pero hindi sila binibigyan ng atensiyon ni Ross. Parang for a moment, ako lang ang nakikita niya. Parang ako lang ang mahalaga sa paningin niya.
“Sabihin mo na lang sa `kin kung ano’ng gamit mong napkin noon. With wings ba?”
Sinamaan ko siya ng tingin. “With pakyu nga, `di ba? Lecheng `to. Paulit-ulit.”
Naglakad na kami papunta sa building kung nasaan ang classroom ko. Palagi niya talaga akong inihahatid hanggang doon. Hindi niya ako tinitigilan hanggang hindi ako pumapayag.
As usual, napapatingin na naman sa amin ang mga babaeng estudyante. Agaw-atensiyon talaga ang pagmumukha nitong si Ross. Nababanas ako. Hindi ako sanay na pinagtitinginan.
“Tombs, narinig mo ba `yon?” seryoso niyang tanong, napatigil pa sa paglalakad.
Kumunot ang noo ko. “Iyong alin?”
“Hindi nga? Hindi mo narinig?” Seryosong-seryoso talaga siya.
“Iyong alin nga? Wala akong narinig.”
Saka siya napangisi. “Iyong tibok ng puso ko para sa `yo?”
Tiningnan ko si Ross nang ilang segundo. Todo-ngisi lang siya sa akin.
“Okay,” sabi ko, saka naglakad uli.
Sumunod naman siya sa akin. “Okay lang ang sagot mo? Iyon na `yon? `Di ka man lang kinilig, tombs? Pambihira ka naman.”
“Ikaw, gusto mong kiligin?” tanong ko.
“Sige. Paano?” Tumaas-taas pa ang mga kilay niya.
Tumingin ako sa paligid. Ayos, wala nang masyadong tao sa hallway. Walang nakatingin. Bahagya akong lumapit kay Ross, saka ko siya mabilis na hinalikan sa pisngi. Kitang-kita ko na namula bigla ang mukha niya. Akala mo nanigas sa kinatatayuan.
“Uy, kinilig si Valentin.”
“Ha— Hala! Hindi, `no,” nauutal niyang sagot. “`Di kaya kinikilig ang mga lalaki, tombs.” Pulang-pula ang mukha niya.
“`Sus, tanggi pa. Kita naman sa mukha mo.”
Potek! Ano bang kahihiyan ang ginawa ko? Bakit ko biglang hinalikan ang jejebuster na ito?
Nagpatuloy kami sa paglalakad. Hawak-hawak pa rin ni Ross ang pisngi niyang hinalikan ko.
“Tombs, sabay tayong mag-lunch mamaya, ha? Hapon pa practice namin.”
“Bahala na.”
“Ano ba `to? Seryosong sagot nga. Sundiin kita diyan sa classroom n’yo.”
“ Shattap! Kitakits na lang sa canteen.”
“Ayaw na ayaw mo talaga akong pinapapunta diyan sa classroom n’yo. `Di ka ba proud sa `kin?”
“Hindi.”
Napasimangot si Ross. “Bakit `di ka magiging proud? Guwapo naman ako, may abs pa. Saan ka pa?”
“Kung ano-ano kasi ang pinagsasasabi mo sa mga classmates ko.”
“Ano ba’ng sinasabi ko? Sabi ko lang naman na nanliligaw ako sa `yo at kung sinong pumorma sa `yo sa classroom n’yo, babasagin ko ang mukha.” Ngumisi na naman siya.
Nag-init ang mukha ko. Ang tamis talaga ng dila ng damuho na ito. Sinabi niya talaga iyon sa classroom namin. Tinakot niya ang mga lalaki kong kaklase na huwag na huwag daw akong popormahan kundi, hindi na raw makakalabas ng school nang buhay. Ang mga kaklase ko tuloy, takot na takot sa kanya at todo-iwas din sa akin.
“Ay, tombs. Free ka ba bukas? Mga four PM. Labas tayo. Formal date.”
“Formal date? Eh, di kailangan kong mag-dress?” yamot kong tanong.
“Puwede rin. Kung gusto mo, mag-wedding gown ka na para deretso na tayo sa simbahan.”
“Bugbugin kaya kita?”
Natawa si Ross. “Biro lang. Pero kahit `wag ka nang mag-dress. Kung saan ka comfortable, `yon na lang isuot mo. Alam mo namang kahit lalaki ka pumorma, ikaw pa rin ang pinakamagandang babae sa paningin ko, eh. Tanggap kita nang buong-buo. Walang labis at walang kulang.”
“Nakakadiri ka, Ross. Habang tumatagal, lalo kang kumokorni.”
“Habang tumatagal kasi, lalo akong nahuhulog sa `yo.”
“Whatever,” sabi ko at tumawa lang siya.
Nakarating na kami sa classroom kaya dali-dali na akong pumasok. Akala ko umalis na si Ross pero hindi pa rin pala. Sumunod siya sa akin hanggang sa loob. Nagtinginan na naman tuloy ang mga kaklase ko sa kanya. Kitang-kita ko naman ang kilig sa mga mata ng mga babae.
Tanggalin ninyo mga mata ninyo kay Ross! Akin iyan.
Bad trip! Potek. Ano ba ang mga sinasabi ko?
“Good morning, Ross,” bati ni Alex.
“Good morning, Fafa Ross,” bati naman ni Anton, kumikislap pa ang mga mata.
Pansin ko talaga kay Anton na crush niya si Ross. Feeling ko tuloy, may hidden pagnanasa siya kay Ross. Noong nakaraan nga, hiningi pa niya ang number ni Ross. Ewan ko na lang kung nagka-text na silang dalawa. Ayos-ayusin lang talaga ni Anton. Naku. Walang talo-talo.
“Good morning, mga pare,” bati sa kanila ni Ross. “Ingatan n’yo `tong si MJ, ah. Mamahalin pa `ko niyan.”
“Hoy! Leche kang Valentin ka. Kung ano-ano na naman ang sinasabi mo!” bulyaw ko.
“Sure, Fafa Ross. Ako’ng bahala diyan. Basta may kapalit,” sagot ni Anton.
Natawa si Ross. “Ano ba ang gusto mong kapalit, Anton?”
“Kahit ano,” pa-cute na sagot ni Anton. “Kiss mo lang ayos na. Sa lips, ha?”
Sabay namin siyang binatukan ni Alex.
“Antonina, ang dugyot mo sa umaga,” sabi ko.
“Sa lahat ng tomboy, ikaw ang pinakapangit pero ikaw din ang pinakamalandi,” sabi naman ni Alex. “Ross, pasensiya ka na diyan kay Antonina, ha? Alam mo namang kulang sa buwan `yan noong ipinanganak, eh. Five months lang `yan noong inilabas ng nanay niya.”
“Hoy, Alexandra. Ano’ng pinagsasabi mong five months ka diyan. Four months lang ako noon, uy!” sagot naman ni Anton. “Ay teka, four months ba? Three months lang `ata? `Di ko sure. Tanong ko nga si Mamang mamaya. Pero feel ko two months lang ako noong inilabas ako ni Mamang.”
“Two months ka lang noong inilabas ni Mamang?” tanong ni Alex. “Sa sobrang pangit mo kasi ayaw ka na niyang patagalin sa tiyan niya.”
“O, `di ba? Kaya praning `yan,” sabi ko. “Hoy, Ross! Pumasok ka na. Shoo!”
“Sige. Kitakits na lang sa canteen mamaya.” Ngumiti si Ross at tumingin kay Anton. “Kiss kita mamaya, Anton,” sabi niya at kumindat pa.
Si Anton naman, nanlaki ang mga mata, pagkatapos bigla siyang nahimatay sa sobrang kilig. Hindi na namin siya pinansin. Noong nakaraan din nahimatay siya nang hawakan ni Ross ang kamay niya. Iniwan namin siya sa canteen na walang malay. Noong nagising siya, gabi na at wala nang tao sa buong school. Muntik pa siyang mapagkamalang magnanakaw ng guard. Hinabol daw siya hanggang palabas ng school.
“Mukhang for real na `to, tol, ah,” sabi ni Alex nang umupo siya sa tabi ko. “Ang deal natin, ah. Baka nakakalimutan mo na. Iyong usapan na magga-gown ka sa acquiatance party.”
“Gown ba talaga? `Di ba, dress lang?” pagkumpirma ko. Ngumiti ako. Tinatanggap ko ang pagkatalo ko sa pustahan naming tatlo nina Alex at Anton na tulog pa rin ngayon sa sahig. “Basta sagot n’yo ang gown na isusuot ko.”
“Waaah! Talagang for real na nga?”
Nahiya akong tumango.
“Damn! Isang Ross Eliseo Valentin lang pala ang magpapabalik sa `yo sa pagiging babae, `tol. `Wag mo nang problemahin `yong gown mo. Si Anton na’ng bahala diyan. Kahit pati na rin `yong hair and makeup mo.”
May business ang pamilya nina Anton na salon at Rent A Gown shop. Marunong din mag-makeup si Anton. Noong third year high school pa kami at hindi pa siya ganap na tomboy, ang hinirang na queen noong JS Prom namin. Grabe naman kasi ang damit niya. Akala mo si Cinderella. Iyong mukha niya lang si Beast ng Beauty and the Beast .
Joke. Hindi naman talaga pangit si Anton. Inaasar lang namin siya na pangit siya kasi iyon ang feeling niya dahil niloko siya ng first boyfriend niya noon. Naging tomboy lang din si Anton noong iniwan sila ng papa niya noong high school kami. After niyon, na-recruit siya sa samahang tomboy namin ni Alex.
Si Anton ang tipo na slow sa isang bagay pero maaasahan mo naman bilang kaibigan.
“Sure ba kayo na puwede ako maging tomboy? Pangit kasi ako, eh. Parang feeling ko pangit pa rin ako kapag tomboy na ako,” sabi ni Anton noon. “Pero kahit pangit ako, magpagkakatiwalaan n’yo ako bilang kaibigan. `Di ko kayo iiwan kahit kailan.”
“Kaya ikaw, push mo na si Arthur.” Ngumiti ako kay Alex. “Kitang-kita naman na gusto ka niyan.”
Namula siya bigla. “Tigilan mo nga ako, `tol. Arthur ka diyan,” sabi niya, saka napatingin kay Arthur.
Si Arthur naman, napasulyap din kay Alex, saka biglang kumaway. Lalo tuloy namula ang mukha ni Alex.
Dumating na ang professor namin. Bago kami magsimula sa lesson ay tinanong niya kung bakit daw natutulog si Anton sa sahig. Sinabi lang namin na napuyat sa pagtatanim ng kangkong. Dedma na lang ang professor namin at hinayaan na lang si Anton sa pagtulog.
Dumating na ang lunch time nang makatanggap ako ng text galing kay Ross. Hindi raw pala niya ako masasabayan sa pagkain dahil may exam sila. Huwag daw akong ma-lonely dahil magkikita naman daw kami mamayang uwian. Buwisit talaga. `Lakas ng sense of air.
“May date pala kami ni Ross bukas,” sabi ko habang naglalakad kami. “Formal date `yon. `Di ko alam ang isusuot ko. Wala naman akong dress o kung anong damit na pambabae.”
Pulos kasi T-shirt at polo at jeans lang ang panlakad ko. Alam ninyo naman ako, hindi ko trip ang mga dress na iyan. Pero bukas kailangan kong mag-dress for the sake of Ross. Gusto ko namang kahit papaano, hindi kami pagtinginan kapag magkasama kami. Gusto ko rin ipakita kay Ross ang ayos ko kapag nakadamit-pambabae ako. Alam kong gusto niyang malaman kahit hindi niya sinasabi.
“Ako na’ng bahala sa dress mo pati sandals, `tol,” sabi ni Anton. “Ako na rin ang magme-makeup sa `yo.”
“Sa bahay ka na lang mag-ayos, MJ,” sabi naman ni Alex. “Wala sina Mama bukas, eh. Ako lang ang tao sa bahay. Para solo natin ang place namin.”
“Talaga, mga `tol?” natutuwa kong tanong. “Salamat mga pangit na tomboy! May pakinabang din pala kayo kahit papaano. Akala ko wala kayong silbi, eh!” Niyakap ko silang dalawa.
“`Oy, `tol. Ano’ng akala mo sa service ko, libre?” tanong bigla ni Anton. “May kapalit `yon, `no.”
“Ano naman ang kapalit?” taas-kilay kong tanong.
Ngumisi ang pangit na si Anton. “Picture lang ni Ross. Iyong whole body na naka-boxers lang siya.”
Sabay namin siyang binatukan ni Alex. “Manyakis kang tomboy ka!” sabay rin naming sabi ni Alex.
Noong uwian na, hinintay ko uli si Ross sa parking lot sa tabi ng kotse niya. Five minutes lang naman akong naghintay dahil dumating din siya agad. Nakasuot siya ng uniform na pam-basketball. Mukhang galing pa siya ng practice dahil pawis na pawis nang makita ko.
“Nalungkot ka ba noong `di tayo nagkasabay kumain kanina?” tanong niya habang nagpupunas ng pawis.
“Bakit naman ako malulungkot?”
“Kasi hindi mo nakita ang guwapo kong mukha.” Iniabot niya sa akin ang face towel. “Punasan mo naman ang likod ko, tombs. Pawis na pawis, eh.” Pagkatapos tumalikod siya sa akin at bahagyang itinaas ang damit niya.
Napalunok ako nang makita ko ang likod ni Ross. Nakakabading talaga. Ang sexy-sexy ng likod niya. Sexy back!
Hindi na kami dumaan kung saan nang pauwi na kami. Inihatid lang agad ako ni Ross sa bahay. Nagmamadali talaga siya. Hindi na nga rin siya pumasok sa bahay. Pagkahatid niya sa akin ay agad din siyang umalis na parang may importanteng pupuntahan. Hindi ko na lang pinansin.
Kinabukasan nagpaalam ako kina Kuya na pupunta ako kina Alex at gagabihin ako ng uwi. Hindi ko na sinabi kung bakit. Baka mang-aasar na naman si Kuya Joseph. Pero I doubt na mang-aasar siya. Mukhang seryoso kasi siya bago ako umalis ng bahay. Pareho pala silang seryoso ni Kuya John na parang may gumugulo sa isip nila at hindi alam ang gagawin. Ewan ko kung ganoon ba talaga kapag kambal o sadyang may problema lang talaga na ayaw nilang sabihin sa akin. Kung anuman iyon, alam kong malalaman ko rin.
Nang dumating ako sa bahay nina Alex, nandoon na rin si Anton, may dala-dala siyang tatlong dress na kulay-cream, pink, at black. Pati makeup kit dala niya. `Taray, hindi ba? Tomboy na kikay.
“Brad, `tong black bagay sa `yo,” sabi ni Anton at ipinakita sa akin ang hawak na black dress.
Si Alex naman, abala sa paggawa ng merienda namin.
“Black? Date pupuntahan ko, `tol. Hindi lamay,” sabi ko. “Itong pink kaya?” Tiningnan ko ang pink at agad kong binitawan.
“Backless pala ang leche. Baka ma-pulmonia naman ako,” sabi ko kaya natawa si Alex.
“No choice tayo. Itong kulay-cream na lang. Maganda naman `to.” Ipinakita ni Anton ang dress sa akin. “Off shoulder, brad. `Tapos above the knee. Mabuti na lang maganda legs mo.”
“Hindi ko `ata kaya magsuot ng ganyan, brad.”
“Kayanin mo, brad,” sabi ni Alex nang ilapag niya sa harap ko ang merienda. “Para kay Ross.”
“Oo nga, `tol. Para kay Ross. Ipakita mo ang natatagong diyosa diyan sa katawan mo,” dagdag naman ni Anton. “Ako na ang bahala sa `yo. Papagandahin kita. Ilalabas ko ang natatago mong ganda.”
Malaki ang tiwala ko kay Anton pagdating sa pagme-makeup. Kahit ganoon siya, swabe siyang magpaganda. Noong play namin sa school festival last year, siya lahat nag-ayos sa mga babae.
Nag-start na si Anton sa pag-aayos sa akin. Itinali niya ang mahaba kong buhok bago ako nilagyan ng makeup na hindi ko alam ang tawag.
“`Tol, `wag mong kapalan, ah.”
“Alam ko, `tol. `Wag kang magulo. Sinisira mo diskarte ko, eh.”
“Ilayo mo pala mukha mo sa `kin. Ang lapit-lapit na ng mukha mo, eh. Nakakatakot.”
“Gawin ko kayang halloween makeup `tong mukha mo?”
Tumawa ako. “Joke lang, brad.”
“Anong ayos ang gagawin mo sa buhok ni MJ, Anton?” pagsingit naman ni Alex. “Straight lang?”
Umiling ang pangit. “Hindi. I-curly ko ang buhok niya pero `yong dulo lang,” sagot ni Anton habang ina-applyan ako ng makeup. “Sayang buhok ni MJ, eh. Maganda `to i-curly. Pero `yong malalaking curl sa dulo ng buhok para chix.”
Nagpatuloy na si Anton sa pagme-makeup sa akin habang si Alex naman, nanonood lang ng TV. Nakakangawit pala magpa-makeup.
Leche kang Ross ka. Kung hindi lang dahil sa iyo, hindi ko `to gagawin. Bigyan mo ako ng token of appreciation mamaya, ah.
Pagkatapos akong lagyan ng makeup, kinulot naman ni Anton ang buhok ko. Ang galing talaga ng kamay ng tomboy na ito. Para siyang nagma-magic. At least kahit pangit, may kaya siyang gawin.
Halos lumuwa ang mga mata ko nang makita ang sarili sa salamin. Chix na chix ang hitsura ko.
Ipinasuot na sa akin ni Anton ang cream dress na off shoulder. May terno din iyong cream high heels.
Paglabas ko ng kuwarto, napatingin sa akin sina Alex at Anton. Una, nagulat sila pero mayamaya ay sabay silang napangisi at nag-thumbs up.
“Shit ka, `tol. Ang chix-chix mo!” tuwang-tuwang sabi ni Alex.
“Shit ka rin. Okay lang ba?” alangan kong tanong.
“Oo, `tol. Okay na okay. Grabe talaga `tong si Antonina. `Galing mag-makeup.”
Pareho kaming tumingin ni Alex kay Anton at nakita namin siyang nakabulagta sa upuan at natutulog na. Mukhang pagod na pagod ang tomboy dahil sa pag-aayos sa akin.
Tumapat uli ako sa salamin at hindi ko mapigilang mamangha. Ganoon pala ako kaganda kapag nag-ayos ako. Ano ang sinabi ng mga Miss Universe sa mukha ko ngayon?
Naupo muna ako at kinuha ang cell phone ko. May dalawang text. Galing kina Donna at Ross.
Una kong binasa ang text ni Ross.
Ross: Tombs, 6 PM na pala kita sunduin. Nasa basketball practice pa kasi ako ngayon.
Sunod naman kay Donna.
Donna: bessy, galit ka pa rin ba hanggang ngayon? Please. Usap na tayo?
Napahugot ako ng malalim na hininga nang mabasa ko ang text ni Donna. Noong nakaraan pa siya text nang text sa akin na mag-usap na raw kami. Hindi raw siya sanay na ganoon kami. Na magkaaway.
Gusto ko na rin namang makipag-usap sa kanya. Ayoko na ring patagalin ang pag-aaway namin. Siguro oras na rin para mag-usap kami ni Donna at sabihin ko ang tungkol sa amin ni Ross.
Nagpaalam ako kay Alex na pupunta na kina Donna at doon na lang ako magpapasundo kay Ross. Ayos lang daw sa kanya basta balitaan ko siya. Si Anton naman, tulog pa rin kaya hindi ko na ginising.
Malapit lang ang bahay nina Alex kina Donna kaya nilakad ko na lang. Medyo masakit sa paglalakad dahil naka-heels ako pero tiis-ganda na lang. Kailangan ko ring masanay dahil for sure, ilang oras kaming maglalakad ni Ross mamaya.
Bigla tuloy akong napangisi nang maalala ko si Ross. Ano kaya ang magiging reaction ng damuho na iyon kapag nakita niya ako? Tatawa ba siya o tatawa? Subukan niyang tumawa. Ipukpok ko sa ulo niya ang heels na suot ko.
Mamaya ite-text ko rin pala si Ross na kina Donna na lang niya ako sunduin. Para malaman niya na nagkausap na kaming dalawa ni Donna na huwag na siyang ma-stress.
Pero lately, napansin kong hindi na binabanggit ni Ross si Donna. Siguro dahil ayaw niya uli na awayin ko siya.
Lumiko ako at nagpatuloy sa paglalakad nang makita ang isang pamilyar na kotse na nakaparada sa tapat ng bahay nina Donna. Biglang kumabog ang dibdib ko nang sobrang lakas. Kung ano-ano na agad ang naiisip ko. Hindi puwedeng kotse iyon ni Ross dahil sabi niya, nasa practice siya ngayon. Hindi naman nagsisinungaling sa akin si Ross, hindi ba?
Nanginginig ang kamay ko nang i-text ko si Ross. Tinatanong ko siya kung nasaan siya. Nasa tapat na ako ng bahay nina Donna. Nakatayo lang ako at hinihintay ang text niya.
Ross: Nasa school ako tombs. Bakit?
Lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko sa nabasa kong reply ni Ross. Nasa school daw siya. Eh, ano ang ginagawa ng kotse niya sa tapat ng bahay nina Donna? Ano? Nag-drive mag-isa?
Gusto ko nang umalis pero ayaw akong sundin ng mga paa ko. Namalayan ko na lang na naglakad na ako papasok sa bakuran nina Donna at paakyat na sa hagdan. Halos hindi na ako makahinga sa sobrang lakas ng tibok ng puso ko. Para akong aatakihin sa sobrang kaba. Natatakot ako sa puwede kong makita. Pero gusto kong malaman kung ano ba talaga ang nangyayari.
Dahan-dahan kong pinihit ang doorknob kaya bahagya iyong bumukas. Kabado akong sumilip para makita ko ang sala. Sa pagsilip ko, agad tumambad sa akin si Ross na nakaupo habang nakasandal si Donna sa balikat niya na akala mo nasa isang romantic movie silang dalawa.
Tupanggalang Ross ito. Kailan pa naging basketball court ang bahay nina Donna? Nasa practice ka pang nalalaman.