CHAPTER TWENTY-SIX
K AHIT na kanina pa sumasakit ang dibdib ko sa nakikita kong ayos nina Donna at Ross ngayon; kahit kanina ko pa nararamdaman ang mga luha kong malapit nang lumabas; kahit kanina pa kumikirot ang puso ko sa nakikita ko, hindi ko pa rin magawang ialis ang tingin ko sa kanilang dalawa. Ilang minuto na akong nakasilip at pinapanood ang romantic scene ng magsyota.
Napangiti ako nang mapakla. Ang tanga ko lang talaga. Ang tanga-tanga ko lang talaga kahit kailan. Bakit ba kasi ako naniwala sa mga pinagsasasabi ni Ross? Bakit naniwala ako sa mga matatamis niyang salita? Bakit nagbulag-bulagan ako sa mga hinala ko? Eh, obvious naman na si Donna lang talaga ang gusto niya. Si Donna lang ang gusto niya simula pa lang.
Huminga ako nang malalim at unti-unti na sanang isasara ang pinto nang ma-out of balance ako dahil sa suot kong heels. Nabunggo tuloy ng balikat ko ang pinto kaya bigla iyong bumukas at gumawa ng ingay. Gulat na napatingin sa akin sina Ross at Donna. Sabay silang nawindang at napatayo.
Hindi ko alam kung nagulat ba sila dahil sa ayos ko ngayon o nagulat sila dahil nakita ko sila na nasa ganoong posisyon. Kung anuman ang ikinagulat nila ay wala akong pakialam. Mga pakyu sila.
“To—tombs!” nauutal na sabi ni Ross. “Ano’ng ginagawa mo rito?”
“Ako dapat ang nagtatanong niyan sa `yo. Ano’ng ginagawa mo dito? Kailan pa naging basketball court ang bahay nina Donna, tupanggala ka?” galit kong sabi. Tumingin ako kay Donna. “Pumunta ako dito para sana makipag-ayos sa `yo. Kaso useless lang pala dahil mukhang busy kayong dalawa ng hinayupak na `to at naistobro ko pa kayo. So never mind.”
“Wait, bessy. Nagkamali ka lang ng intindi. Walang—”
“`Wag mo `ko matawag-tawag na ‘bessy.’ Hindi ikaw ang bessy na nakilala ko.” Tiningnan ko si Ross. “Ikaw, leche ka, kung pinaglalaruan mo lang ako, sana sinabi mo. Eh, di sana, nasabayan kita.”
Nagsalita si Ross, mukhang naaasar ang hayuf . “Ano ba, tombs? Makinig ka nga muna!”
“Wala akong dapat pakinggan sa `yo. Tama na, Ross. Bistado ka na. `Di mo na `ko magogoyo.” Tumalikod na ako at dali-daling bumaba sa hagdan nina Donna demonyita. Nahirapan pa akong bumaba dahil naka-heels ako. Kaya huminto ako saglit, saka tinanggal ang punyemas na heels.
“Buwisit na heels `to. Dumadagdag pa sa init ng ulo ko!”
“Ano ba, Mary Jovelyn. Hintayin mo `ko. Mag-uusap tayo!” sigaw ni Ross.
Kapag tinatawag akong “Mary Jovelyn” ng jejemon na ito, ibig sabihin, bad trip na siya. Pero wala akong dapat ikatakot sa kanya. Masasapak ko talaga siya ngayon.
Lalo kong binilisan ang paglalakad ko palabas ng bahay. Hindi pa ako nakakalayo ay nakita ko na agad si Ross na tumatakbo at hinahabol ako. Nakasunod sa likuran niya si Donna na humahabol din sa akin. Dahil malalaki kung humakbang si Ross, nahabol niya rin ako. Nahawakan niya ako sa braso.
“Ang hilig mong tumakbo! Sinabing mag-uusap tayo, eh!”
“Wala tayong dapat pag-usapan! Bitawan mo `ko!” Pero hindi niya ako binitawan. “Isa, punyeta ka!”
“Magpapaliwanag ako, tombs. Hindi—”
“Wala akong pakialam sa paliwanag mo. Ano ba?” Nabitawan ko ang heels ko. “`Tang’na naman, Ross!”
“`Tang’na rin, Mary Jovelyn. Sinabing mag-uusap tayo, eh.” Binitiwan ako ni Ross. “Alam mo, `yan ang hirap sa `yo. Nauuna sa `yo ang conclusion. Masyado ka agad nag-iisip ng kung ano-ano. Hindi ka marunong maghintay ng paliwanag. Masyado kang mapanghusga. Nakakasawa na `yang ganyan mong ugali.”
Lalong sumakit ang dibdib ko sa sinabi niya. Ha? Nagsasawa na agad siya? Aba, gago pala siya. Eh, di magsawa siya. Feeling niya hahabulin ko siya? Feeling niya magbabago ako para sa kanya? Kung hindi niya ako matanggap sa kung ano ako, ano pa ang point para maging kami officially?
Napatigil ako. “Nagsasawa ka? Eh, di sige, magsawa ka. Akala mo may pakialam ako kahit magsawa ka?”
“Oo, nagsasawa na ako. Ang hirap kasi sa `yo, lahat ng makita mo, binibigyan mo agad ng meaning! Ano ka, dictionary?” gigil niyang sabi.
“Hindi ako dictionary. Encylopedia ako. Mas astig.”
“`Tang’na naman. Ano ba? Magseryoso ka nga.”
“Eh, `tang’na! Ang hirap din kasi sa `yo, ang text mo sa `kin, nasa practice ka kaya male-late ang lakad natin. `Tapos makikita-kita ko na nandiyan ka lang pala sa pamamahay ng babaeng `yan?” Itinuro ko si Donna. “Kailan pa `to, Ross? Kailan pa `to nangyayari? Kailan mo pa ako ginagago?” Napailing-iling ako. “Ang tanga ko talaga. Bakit `di ko napansin. Kaya pala kung minsan, kahit nasa bahay ka, hawak mo ang cell phone mo at palagi kang may ka-text. Kaya pala kung minsan, nagmamadali ka. Ang tanga ko.”
Hinawakan ako ni Ross sa balikat. “Tombs, hindi sa gano’n.” Naihilamos niya ang mga kamay sa kanyang mukha. “`Ayan ka na naman sa conclusion mo. Bahala ka na nga kung ano ang gusto mong isipin. Hindi ka talaga marunong tumanggap ng paliwanag. Kung ganyan ka nang ganyan, walang magtatagal sa `yo.”
“Wala akong pakialam kahit walang magtagal sa `kin. Sanay akong mag-isa. At kung tulad mong tarantado lang ang magtatagal sa `kin, hindi na lang. No thanks.”
“Bessy,” sabad ni Donna. Hinawakan niya ako sa kamay. “Let us explain.”
Masyadong malumanay ang boses ni Donna. Kahit nagkakagulo na, ang ganda pa rin niya. Kaya hindi na ako magtataka na siya pa rin ang pipiliin ni Ross.
“Ano’ng ipapaliwanag n’yo? Ipapaliwanag n’yo sa `kin na all this time, kayo na pala? Na palihim n’yo akong pinagtatawanan kasi na-fall ako sa gagong `to?” Itinuro ko si Ross. “Ipapaliwanag n’yo sa `kin na ang tanga-tanga ko dahil masyado akong nag-ilusyon na ang tulad niya, magkakagusto sa `kin na tomboy at mas lalaki pa sa lalaki kung umasta. Utang-na-loob, Donna. `Wag na.”
“Hindi sa gano’n—” Napahinto si Donna sa sinasabi niya dahil ang kanan kong kamay ay dumikit na sa pisngi niya. Nasampal ko siya sa sobrang gigil at galit ko sa kanila ngayon. Gulat na napahawak naman siya sa pisngi niya.
Ito namang si Ross, nagulat din kaya bigla niya akong itinulak kaya napaupo ako sa kalsada. Nawindang ako sa nangyari. Nawindang ako sa pagtulak niya sa akin. Pero ang mas nakakawindang sa lahat, hindi man lang niya ako tiningnan. Abala siya pagtingin sa mukha ni Donna.
Nang humarap si Ross sa akin, galit ang hitsura niya. Halos manlisik sa galit ang mga mata niya habang nakatitig sa akin. Nakakuyom pa ang mga kamay niya na akala mo may gustong suntukin.
“Ano ba ang problema mo, MJ? Alam mo, hindi ka na nakakatawa. Hindi na nakakatuwa `yang tigas ng ulo mo. Hindi ka marunong makinig. Ang dami mong insecurities sa katawan. Hindi ka marunong magtiwala!” sigaw niya kaya napatulala ako sa kanya. “Ano’ng gusto mong marinig na sabihin ko? Na oo, pinagtripan lang kita? Gusto mong sabihin ko na oo, hanggang ngayon si Donna pa rin ang gusto ko at ginawa lang kitang pampalipas-oras?”
Galit na galit talaga si Ross. Galit siguro siya dahil sinaktan ko si Donna. Nagagalit siya dahil nasampal ko sa harap niya ang babaeng tunay niyang mahal.
“Puwes, makinig ka nang maigi, ha. Isaksak mo `tong mga sasabihin ko diyan sa matigas mong ulo! Si Donna pa rin ang mahal ko hanggang ngayon. Hindi `yon nagbabago. Pinagtitripan lang kita. Pinagtatawanan kita habang nakikita kitang unti-unti kang nahuhulog sa `kin. Actually, para ka ngang tanga. Isang tomboy na-fall sa `kin. `Tang’na. Laughtrip. Gusto mo rin malaman kung nagkaroon ako ng feelings sa `yo? Wala. Si Donna lang ang nasa puso ko.”
“Eli, ano ba? Tumigil ka!” sigaw ni Donna. “`Wag kang maniwala sa kanya—”
“No, Donna. Iyan ang gusto niyang malaman. Puwes, `yan ang ibibigay ko sa kanya. Tutal hindi siya marunong makinig sa paliwanag. Eh, di sige, ipaparinig ko sa kanya ang gusto niyang marinig!”
Muling tumingin si Ross sa akin. “Iyong time na hinalikan kita? Pinagsisisihan ko `yon. Para din kasi akong tanga, eh. Para akong tanga na humalik ng tomboy. Pero ayos lang kasi malambot naman ang mga labi mo. Masarap naman sa feeling. Ang tanga mo, `di ba? Kasi naniwala ka sa `kin. Ang tanga mo dahil sa isang tulad ko pang playboy na sabi mo ikaw nahulog. Kaya `wag mo akong sisisihin!”
Naramdaman ko na malapit nang bumagsak ang mga luha ko. Sandali akong tumingala para pigilan iyon, saka ako dahan-dahan tumayo at inayos ang sarili ko.
“Alam n’yo? Hindi n’yo naman kailangan itago sa akin na kayo na. Sana sinabi n’yo na lang para `di na ako nagmukhang tanga.” Humarap sa akin sina Ross at Donna. “Hindi `yong ganito. Hindi `yong nagkakagaguhan pa tayo. Hindi `yong… hindi `yong nagsayang lang ako at naniwala sa isang bagay na imposible naman palang mangyari. Hindi na ako nadala. Hindi na ako nadala sa experience ng mama ko dati. Nagtiwala ako. Umasa ako. Kaya ito… nasasaktan ako. Ang sakit-sakit.”
Napatakip ng bibig si Donna sa gulat. Si Ross naman, nagbago ang expression ng mukha. Kitang-kita ko sa mukha niya ang galit. Iyong galit na hindi ko alam kung bakit.
Bakit siya nagagalit? Hindi ba dapat ako pa ang magalit dahil sinaktan nila ako at pinagmukhang tanga?
Pinipigilan ko ang sarili ko na huwag maluha. Ayokong ipakita sa kanila na umiiyak ako dahil tiyak na lalo nila akong pagtatawanan. Tama na ang nangyari. Tama na iyong nasaktan nila ako emotionally. Tama na iyong binago ko ang sarili ko para lang sa gunggong na sinungaling na ito.
“Ross, sana masaya ka na. Kasi napa-in love mo ako. Kaya please, utang-na-loob. Tama na ang kagaguhan na `to. Tama na ang mga fake feelings na ipinapakita at sinasabi mo. Tingnan mo, o. Nag-ayos pa ako. `Tang’na. Hindi ako ganito, eh. Hindi ako nagdadamit-pambabae pero para sa `yo… para sa `yo sinubukan ko. Gusto ko kasing ma-impress ka sa `kin. Gusto kong maisip mo na… ang ganda pala nitong si MJ at hindi siya nakakahiyang kasama.”
Tumalikod ako at pinunasan ang mga luha ko, saka humarap uli sa kanila. Ang bigat-bigat ng pakiramdam ko. Pakiramdam ko, sasabog ang dibdib ko sa sobrang sakit. Sa sobrang katangahan.
“Salamat sa mga kagaguhan, Ross. At least, kahit fake ang sa `yo, ang akin naman totoo. Pero `wag kang mag-aalala. Hindi kita hahabulin. Hindi ko na dadagdagan ang kahihiyan ko sa mga mata mo. At last, natapos na rin ang kagaguhan mo. Balik na lang sa dating gawi.” Ngumisi ako. “Enjoy na lang kayo. Pakatatag kayong dalawa sa relasyon n’yo.”
Pakyu kayo hanggang next life ninyo. Walang forever. Maghihiwalay din kayo!
Tumalikod na ako at naglakad nang ilang hakbang habang tumutulo ang mga luha ko. Habang naglalakad, ipinagdadasal ko na sana habulin ako ni Ross at sabihin niyang biro lang ang lahat ng sinabi niya. Gusto kong sabihin niya sa akin na wala na siyang feelings kay Donna dahil ako na ang mahal niya. Gusto kong sabihin niya na joke lang ang mga sinabi niya at hindi na si Donna ang mahal niya kundi ako. Ross, please. Please… please… please…
Pero sa pagsulyap ko sa kanila, naglalakad na silang dalawa pabalik sa bahay nina Donna. Naglalakad sila na hindi man lang ako hinabol o nilingon kahit isang beses. Nagpatuloy ako sa paglalakad habang umiiyak. Napapatingin sa akin ang mga taong dumadaan. Hindi ko alam kung ano ang iniisip nila. Kung naaawa ba sila sa akin dahil umiiyak ako? Kung pinagtatawanan ba nila ako dahil naglalakad ako na walang sapin ang mga paa? O tulad ni Ross na wala rin silang pakialam sa nararamdaman ko kahit nasasaktan na ako?
Lalo akong napaiyak nang maalala ang mga araw na masaya kaming magkasama. Iyong mga araw na akala ko, ako na ang pinakamasayang babae—tomboy sa buong mundo dahil sa kanya. Lahat lang pala ng iyon ay palabas lang.
Ang tanga mo, MJ. Ang tanga-tanga mo talaga. Bakit mo kasi hinayaan ang sarili mo na ma-in love sa tulad niya? Bakit ka naniwala na ikaw na ang gusto niya kahit halata naman sa kanya na si Donna pa rin? Na si Donna pa rin pala talaga?
Ang sakit-sakit lang. Halos madurog ang buong pagkatao ko sa nangyari. Ngayon lang ako nasaktan nang ganito. Ito ang iniiwasan ko noon. Pero kita mo nga naman, ito pa ang nararanasan ko ngayon.
Sa bawat hakbang na ginagawa ko, nararamdaman ko ang pagkadurog ng puso ko. Iyong puso kong ibinigay ko kay Ross pero wala naman pala siyang planong ingatan.
Nakakatawa lang dahil nagsimula ang kuwento namin nang mapagkamalan niyang ako ang bumasag ng windshield ng sasakyan niya. Pero ang ending, binasag naman niya ang puso ko. Grabe naman ang kabayaran na ginawa ko sa kanya. Hindi basta-basta, eh.
Nasa tapat na ako ng bahay namin at nagpunas muna ng mga luha bago pumasok. Sa pagpasok ko, naabutan ko sina Kuya John at Kuya Joseph na nasa sala habang may lalaking kausap na nakatalikod mula sa akin. Hindi ko siya kilala dahil hindi ko naman makita ang mukha niya.
“Bunso, ano’ng nangyari sa `yo? Bakit ganyan ang ayos mo? Umiyak ka ba?” nag-aalalang tanong ni Kuya John. Nilapitan niya ako.
Pero nawala ang atensiyon ko sa kanya nang makita ko ang pagmumukha ng lalaking kausap nila ni Kuya Joseph. Lalong nadagdagan ang galit at sakit na nararamdaman ko nang makita ko ang pagmumukha ng kauna-unahang lalaking wumasak sa puso ko at sumira ng tiwala ko.
“Ano’ng ginagawa ng walang kuwentang `yan dito? Palayasin n’yo ang hayop na `yan! Ayokong makita ang pagmumukha niyan sa bahay na `to!” sigaw ko.
Nagulat silang tatlo sa pagsigaw ko pero hindi ko pinansin ang reaction nila.
“Bunso, makinig ka muna. Magpapaliwanag kami,” malumanay na sabi ni Kuya John.
“Ano’ng ipapaliwanag n’yo, Kuya? All this time rin pala niloloko n’yo rin ako? Pinagmukha n’yo rin akong tanga? Bakit n’yo hinahayaan ang walang kuwentang `yan na pumasok sa bahay natin? Bakit kayo pumapayag na guluhin na naman niya ang buhay natin? Kuya, wala `yang kuwenta. Walang kuwenta `yang ama. Dapat diyan mamatay na lang, eh. Dapat diyan—”
Napatigil ako sa pagsasalita nang biglang sumulpot si Kuya Joseph sa harap ko at saka ako sinampal nang malakas sa pisngi. Napahawak ako sa pisngi ko dahil sa gulat. Pakiramdam ko, namanhid ang buong katawan ko dahil sa lakas ng sampal niya.
“Hindi ka namin pinalaking bastos ng Kuya John mo! Wala kang modo!” galit niyang sermon.
“Joseph, kumalma ka,” sabi ng walang kuwenta naming ama.
“Kalma? Eh, putang-ina! Matagal na akong nagtitimpi sa ganyang ugali niyan ni MJ!” sigaw uli ni Kuya Joseph. Galit siya. Galit na galit. “Ikaw, matuto ka munang makinig sa paliwanag, ah!”
“Wala akong dapat pakinggan sa inyo! Lahat kayo manloloko! Lahat kayo sinaktan n’yo ako! Mga pakshit kayong lahat! Lahat kayo ginagago n’yo `ko!” sigaw ko, saka nag-walk out papunta sa kuwarto ko.
Todo-katok sa akin si Kuya John pero hindi ko siya pinagbubuksan ng pinto. Napasandal lang ako sa likod ng pinto at umiyak nang umiyak. Inilalabas ko ang lahat ng sakit na naipon sa puso ko ngayong araw pero pakiramdam ko, hindi natatapos ang sakit. Lalo lang sumakit ang puso ko nang maalala ko si Ross at ang kagaguhan niya.
Lahat sila niloko ako. Lahat sila ginago lang ako. Pinagmukhang tanga. Ano ba ang nagawa ko sa kanila at ginaganito nila ako?
Walang kuwenta talaga lahat ng lalaki. Mamatay na kayong lahat!
Pinunasan ko ang mga luha ko at tumapat sa salamin. Tiningnan ko ang repleksiyon ko. Mukha akong babae dahil sa ayos ko. Babaeng pinagmukhang tanga at pinagloloko ng mga lalaking pinagkakatiwalaan niya. Sana hindi na ako nagtiwala. Sana hindi ko na binago ang sarili ko para sa isang lalaking tulad lang din naman pala ng karamihan.
Binuksan ko ang drawer ko, saka kinuha ang gunting. Hinawakan ko ang buhok ko at sinimulang gupit-gupitin. Pinaiklian ko. Naging kasing-ikli na lang ng buhok nina Alex at Anton ang buhok ko. Nakailang gupit pa ako bago ako tumigil. Pinunasan ko ang mukha ko at inalis ang makeup, saka uli ako tumitig sa salamin.
Babalik na lang ako sa dating ako. Iyong dating ako bago ko siya makilala at pagkatiwalaan. Poprotektahan ko na lang uli ang sarili at puso ko.