noveltoon logo noveltoon
Lesbi In Love

Chapter 15

Ch. 15 / 32 Apr 09, 2022

CHAPTER FIFTEEN

h indi naman tumawag si Ross sa akin nang gabing iyon para magkuwento. Hindi ko alam kung magandang ideya ba ang hindi niya pagtawag. Ayoko naman kasi talagang kuwentuhan niya ako ng mga nangyari sa date nila kanina. Ayokong malaman kung gaano siya kasaya o kung gaano niya napasaya si Donna. Panigurado kasing torture iyon para sa sarili ko.

Halos hindi na nga ako makahinga kanina nang makita kong hinalikan siya ni Donna sa pisngi. Ano pa kaya kung ikukuwento niya sa akin ang mga nangyari sa kanila sa araw na iyon?

Hindi ko rin sigurado kung dapat ba ako maging masaya na hindi tumawag si Ross. Kadalasan kasi ako ang palagi niyang kinukulit. Ako ang palaging inaasar at pinepeste. Ako palagi ang tatanungin ng kung ano-anong bagay kay Donna. Pero ngayong gabi, hindi niya ako naalala. Hindi man lang siya nag-text o tumawag. Walang Ross na nambuwisit sa cell phone ko ngayon. Walang Ross na nang-aasar na tinatawag akong “tombs” o “tomboy.”

Siguro, hindi na ako kailangan ni Ross. Siguro, naisip niya na kaya naman pala niyang ilakad ang sarili kay Donna. Ganoon naman talaga minsan ang isang tao, hindi ba? Hindi ka na nila maaalala kapag hindi ka na kailangan. Pero okay lang. Okay lang talaga. Mas mabuti na rin siguro ang ganoon. Iyong hindi na kami magkaroon ng kahit anong komunikasyon. Iyong hindi na kami nagkakausap o nagkaka-text. Nang sa ganoon, tumigil na talaga itong nararamdaman ko.

Pero sabi ni Ross, iba raw siya sa ibang lalaki. Matino raw siya at hindi manloloko. Pero bakit ngayon, pakiramdam ko, tulad lang din siya ng karamihan? Na nakakalimot na dahil may bago nang sumisilaw sa mga mata niya? Pero hindi ko naman siya puwedeng sumbatan. Malinaw naman niyang sinabi na si Donna lang ang gusto niya, hindi ba? Pero bakit kailangan ko maramdaman ang ganoong kirot?

Ay, oo nga pala. Hindi naman kasi sinabi ni Ross na magkaroon ako ng ganoong pakiramdam sa kanya. Hindi mo puwedeng sumbatan ang isang tao sa mga ginagawa niya dahil lang gusto mo siya. Dahil una, hindi niya sinabing magustuhan mo siya. At pangalawa, hindi ikaw ang gusto niya.

Mas mabuti na talaga ang ganoon. Kakalimutan ko na lang siya. Papapaniwalain ko na lang ang sarili ko na isa lang masamang panaginip si Ross. Isang panaginip na hindi totoo at ilusyon lang.

Ah, tama. Tatratuhin ko na lang na panaginip iyon. Para sa paggising ko, babalik na ako sa kung ano ba talaga ako. Iyon naman talaga ako bago ko makilala si Ross, hindi ba? Isang maton na babae na walang puwang ang puso sa mga lalaki. Astig ako. Matigas ang puso ko.

If ever man na maging sina Ross at Donna, good for them then. At least, hindi natuloy ang pagkawasak ng puso ko.

Kinabukasan, ang aga kong magising. Nagulat nga si Kuya John na nauna pa akong magising sa kanya. Himala raw. In love daw ba ako? Gusto ko sanang sabihin na kapag maagang magising, ibig sabihin, in love? Hindi ba puwedeng brokenhearted muna? Kaso huwag na lang. Baka magtanong-tanong pa siya. Saka kahit kailan, hinding-hindi ko tatanggapin sa sarili ko na na-brokenhearted ako ng dahil lang sa lalaki. Asa pa.

Tahimik lang kaming nag-aalmusal nina Kuya John at Kuya Joseph. Akala mo namatayan kaming tatlo dahil wala ni isa sa amin ang nagsasalita.

“Teka nga, mga `tol. Bakit ang tahimik natin ngayon? Nasa library ba tayo?” natatawang komento ni Kuya Joseph habang nilalantakan niya ang palabok. “Parang illegal magsalita habang kumakain, eh.”

“Ang tahimik kasi ni bunso. In love ka ba?” nakangiting tanong ni Kuya John.

“Por que tahimik, in love na?” depensa ko.

“Eh, ano? Brokenhearted pala?” pagsingit ni Kuya Joseph kaya napatingin ako sa kanya.

“Ikaw ang mabo-brokenhearted kapag tinext ko si Ate Rayne. Gusto mo?”

“Naka-blackmail naman `to agad. Nagtatanong lang.” Napakamot sa ulo si Kuya Joseph.

“Bilisan n’yo na diyan. Bunso, mag-ayos ka na,” bilin ni Kuya John.

Tumango na lang ako, saka siya pumasok sa kuwarto niya. Kaming dalawa na lang ni Kuya Joseph ang naiwan sa mesa. Napansin kong nakatingin siya sa akin.

“O, bakit ka ganyan makatingin?”

“Wala lang. Nagtataka lang ako. Ang down kasi ng aura mo, eh. Ganyan ka na simula pa kahapon nang umuwi ka galing mall. Para kang may nakita na `di mo nagustuhan.”

Ano ba itong si Kuya Joseph. Parang psychic o mind-reader. Bull’s-eye. Pero siyempre hindi ko aaminin na tama siya.

“Hindi, `no. Wala lang talaga akong gana.”

“So, brokenhearted ka talaga, bunso? Na-BH ka ba kay Ross?” sunod niyang tanong.

Kumunot lalo ang noo ko. Lechugas naman si Kuya Joseph. Ang galing manghula.

“As if naman, `no. Ano ba `yang mga tanong mo, Kuya? Bakit ako mabo-brokenhearted doon, ang pangit-pangit n’on. Mas guwapo ako doon.”

Napangisi siya. “Bunso, nakakalimutan mo `atang walang mata ang puso ng isang tao? Pagmamahal lang ang kaya nilang gawin at hindi manghusga. Kaya kahit pangit sa mga mata mo si Ross, guwapo naman siya para sa puso mo.”

Paano ko naman makakalimutan ang damuhong iyon kung hanggang dito sa bahay, naririnig ko ang pangalan niya? `Lakas din mambasag-trip nitong si Kuya Joseph.

“Kuya, kumain ka na lang, okay? Gutom ka lang.”

“Si bunso talaga, in denial. Ayaw pang aminin. Kailan pala pupunta si Ross dito sa bahay? Aayain ko siyang maglaro ng basketball, eh.”

“Ma at Pa,” sabi ko.

“Ma at Pa? Ano `yon?”

“Malay ko at pakialam ko. Bakit ako ang tinatanong mo? Si Donna ang tanungin mo. Girlfriend na niya `ata `yon. Puro ka Ross. Nababading ka na doon, `no?”

“Asa naman, bunso. Bakit pala si Donna ang tatanungin ko? Sila na?”

“Aba, malay ko. `Wag nga ako ang tanungin mo. Naiirita ako!” Tumayo ako at maglalakad na sana papasok ng kuwarto ko nang bigla akong mapatigil sa sinabi ni Kuya Joseph.

“Bunso, alam mo ba kung saan ka ipinaglihi ni Mama? Sa ampalaya. `Bitter mo.” Tumawa siya.

Naglalakad na kami ngayon ni Kuya John papunta sa sakayan ng jeep. Tahimik lang kami kaya bigla siyang nagsalita. Tinatanong niya kung masama raw ba ang pakiramdam ko.

“Hindi naman, Kuya. Bakit mo natanong?”

“Ang down mo kasi, eh. Parang wala kang energy. May nangyari ba?” nag-aalala niyang tanong.

“Wala naman, Kuya. Anong down ka diyan. Ang energetic ko kaya,” pagpapalusot ko. “Woooh! Ang saya-saya. Ang sarap maging tomboy. Tomboy na lang talaga ako for life!”

Hinawakan ako ni Kuya John sa balikat. “Bunso, kung may problema ka, puwede mo akong kausapin, ha? Ayokong may itinatago ka. Gusto ko open tayo sa isa’t isa. Kung malungkot ka, malungkot ka. Hindi mo kailangan magpanggap na masaya ka kahit hindi naman. Hindi bawal malungkot. Hindi bawal masaktan. Higit sa lahat, hindi bawal ipakita ang totoo mong nararamdaman.”

Ngumiti na lang ako sa sinabi niya, saka kami nagpatuloy sa paglalakad.

Habang nakasakay kami ni Kuya John sa jeep, bigla akong napangiti nang mapakla. Naalala ko kasi ang sinabi ni Kuya John. Sana nga ganoon na lang kadaling ipakita ang totoo kong nararamdaman para naman hindi ko na kailangan magpanggap na hindi ako nasasaktan.

Pagdating ko sa school, naghiwalay na agad kami. Iba kasi ang building ng professors sa building ng students. Nang mapadaan ako sa parking lot, kumirot ang puso ko. Hindi dahil hindi ko nakita ang kotse ni Ross doon. Kumirot ang puso ko dahil naalala kong sa parking lot na iyon nagsimula ang lahat.

Sana nang araw na iyon, hindi agad ako nagtangkang umuwi. Eh, di sana hindi ako napadaan sa parking lot. Kung hindi ako dumaan doon, di sana, hindi ko nakilala si Ross.

Pero imposible rin na hindi ko siya makilala. Meant to be na kasi na pumunta ako kina Donna noon. Eh, di ba, nandoon din si Ross? Ibig sabihin, meant to be talaga na magkakilala kami.

Meant to be? `Sus. Tatlong salitang nakakakilig para sa iba pero nakakawasak naman ng damdamin para sa karamihan. Dahil sa mga salitang iyon, ang daming nasasaktan, eh.

Pagdating ko sa classroom, naabutan ko si Alex na binubugbog na naman si Arthur. Si Arthur naman, kahit halatang nasasaktan na, tumatawa pa rin. Parang ang saya-saya pa rin niya kahit nasasaktan.

May mga tao talagang tanga kung mag-isip. Nasasaktan na lahat-lahat, nagagawa pang tumawa. Teka, patama ko ba iyon sa sarili ko?

“I hate you, `tol! Hindi kita bati hanggang birthday mo!” sabi sa akin ni Anton nang umupo ako.

Tiningnan ko siya. “Okay,” maikli kong sabi.

“Okay lang ang sagot mo? Hindi mo man lang ako tatanungin kung bakit kita hate?”

“Wala kasi akong pakialam, `tol. `Wag mo akong guluhin. Baka samain ka sa `kin.”

“`Tol, bakit ka ba ganyan sa `kin? `Di mo ba matanggap na mas guwapo ako sa `yo?”

Tiningnan ko si Anton mula ulo hanggang paa. “Gusto mo bang makarinig ng joke?”

“Ay, sige, sige. Gusto ko `yan. Anong joke?”

“Ang guwapo mong tomboy, `tol.”

“Alam ko na `yan,” tuwang-tuwang sabi niya.

“O, ngayon, gusto mong makarinig ng real talk?”

“Anong real talk naman `yan?”

“Na ang pangit mong tomboy. Pwe!”

Nagulat si Anton.

“Hala! Nagulat pa siya. Akala mo naman hindi niya alam na pangit siya. In denial kumbaga.”

Napanguso siya. “Ang sakit mong magsalita, pagkatapos mo akong iwan sa mall kahapon. Sinabi nang wala akong pamasahe pauwi, eh.”

“Ay, oo nga pala!” Natawa ako bigla. “Paano ka nakauwi?”

“Nakisabay ako sa jeep.”

“Paanong nakisabay?” nagtataka kong tanong.

“Nakisabay. Habang tumatakbo `yong jeep tumatakbo rin ako. Ang talino ko, `di ba?”

Napailing na lang ako sa kabobohan ni Anton.

Lumapit si Alex sa amin.“Mga `tol, may balita ako sa inyo.”

“Kung ibabalita mo lang na babae ka na uli at kayo na ni Arthur, no thanks. `Di ako interesado.”

“Hindi `yon. Nakakadiri ka naman, eh. Iba kasi `tong balita ko.”

“Eh, ano pala `yan? Itatanggi mo pa na `di kayo ni Arthur, kung magharutan kayo feeling n’yo kayo lang ang tao sa classroom,” pambabara naman ni Anton. “Hindi kayo nakakatuwa.”

“Mas hindi ka nakakatuwa, Antonina. `Pangit mo.” Tumingin sa akin si Alex. “May balita kasi ako tungkol kay Ross. Narinig ko lang `to kanina nang pumasok ako.”

Kumirot na agad ang puso ko nang mabanggit ang pangalan ni Ross. May balita raw tungkol sa kanya? Ayoko sanang makinig. Gusto ko sanang takpan ang mga tainga ko. For sure, ang balita na iyon ay kung gaano kasaya si Ross dahil baka sila na ni Donna. Sa sobrang saya ni Ross, pinamalita na agad niya sa buong campus.

Pero iba ang sinabi ni Alex sa inaasahan ko.

“Anong tsismis naman `yan?” tanong ni Anton.

“Narinig ko kasi kanina sa basketball teammates ni Ross na `di raw sumasagot sa text si Ross. Mula pa raw kagabi. Tinatawagan daw, `di rin nagre-reply. `Tapos kanina, `di rin daw um-attend sa practice nila. Eh, hindi naman daw `yon uma-absent.”

“Baka naman umuwi lang sa kanila? `Di ba, ang totoo niyang bahay, eh, doon sa mamahaling subdivision?” tanong ni Anton.

“Hindi. Tinawagan na raw ng coach nila `yong daddy ni Ross pero hindi rin daw umuwi. Kapag daw wala pa rin bukas si Ross, pupuntahan na raw sa condo niya.”

“Totoo ba `yan, Alex? Baka naman mali ka lang ng dinig, ha. Iyang tainga mo pa naman, every one month mo lang nililinisan. Sure ka bang tomboy ka?”

“Oo naman, `tol. Hindi ako nagsisinungaling, `no. Tomboy lang ako pero `di ako sinungaling.”

“Basta ako pangit lang na tomboy,” sabad ni Anton.

Sabay kaming napatingin ni Alex sa kanya. “Alam na namin `yan,” sabay rin naming sabi.

“Mabuti na `yong nagkakalinawan tayo rito.”

Hindi na naalis sa isip ko ang sinabi ni Alex kahit nagkaklase na kami. Bakit hindi pumasok si Ross ngayon at hindi rin daw siya makontak? Pati basketball practice, hindi niya sinipot. Knowing Ross, adik iyon sa basketball.

Gusto kong isipin na busy lang siya sa ibang bagay o kay Donna pero iba ang pakiramdam ko, eh. May kung ano sa loob ko na nag-uudyok sa akin para i-text si Ross at alamin kung ano ang nangyari.

Siyempre, dahil tanga ako, sinunod ko na naman ang puso ko. Itinext ko siya.

Ako: Oy! Anyare sayo?

Limang minuto akong nakatitig sa cell phone pero hindi niya ako nireplyan. Natapos ang morning classes ko pati lunch break, wala pa ring reply si Ross. Nagsisimula na akong kabahan sa nangyayari sa damuhong iyon. Iba talaga pakiramdam ko.

Itinext ko siya uli nang bandang hapon na at bago mag-uwian. Sa gulat ko na nag-reply siya, habang nagkaklase kami, bigla akong napasigaw. Ang sama tuloy ng titig sa akin ng professor ko. Pero hindi ko na lang siya pinansin.

Ross: Kita tayo mamaya paglabas mo. Sa labas na lang ng school.

Ako: Ge. Ayusin mo lang.

Ross: Maayos ako :)

Ewan ko pero iba ang dating sa akin ng smiley ni Ross. Itinago ko na lang ang cell phone sa bulsa ko at nakinig kunwari sa lesson namin. Kahit ang totoo naman, si Ross lang ang patuloy na nasa isip ko at kung ano ang nangyari sa kanya.

Nang matapos ang klase namin, agad na akong tumakbo palabas. Mas nauna pa nga ako sa professor namin na lumabas. Todo-takbo ako habang nasa campus at palabas ng school.

Nang nasa tapat na ako ng school, itinext ko na si Ross. Sabi ko, nasa waiting shed na ako. Nag-reply naman siya na papunta na.

Umupo muna ako at tahimik lang na naghintay. Iyong puso ko, ang bilis ng tibok. Hindi ko alam kung dahil sa pagtakbo ko o dahil makikita ko lang si Ross?

Bakit naman titibok nang ganoon ang puso ko kung makita ko siya?

Nawala lang ang mga iniisip ko nang biglang may humintong sasakyan sa tapat ko. Pag-angat ko ng tingin, nakita ko ang kotse ni Ross. Lalong bumilis ang tibok ng puso ko. Parang hindi ako makahinga. Lintik. Bakit parang nae-excite ako na makita ang mukha niya?

Napansin kong bumukas na ang pinto ng sasakyan kaya napatitig ako roon. Nang makita ko ang mukha ni Ross, hindi excitement ang naramdaman ko kundi awa. Mukha siyang miserable. Halatang wala pa siyang tulog. Nangingitim pa ang ilalim ng mga mata niya. Sigurado akong hindi pa siya natutulog. At iyong suot niya ngayon, iyon din ang suot niya kahapon.

“Kumusta?” tanong ni Ross habang naglalakad papunta sa akin, saka umupo sa harap ko. Nasa harap ko lang siya, pero parang hindi siya ang Ross na nakilala ko.

Ang Ross na nakikita ko ngayon ay punong-puno ng kalungkutan. Nawala ang ningning sa mga mata niya. Na parang nawalan ang mga iyon buhay. At kahit nakangiti siya sa akin ngayon, alam kong nagkukunwari lang siya. Hindi siya totoong masaya. Hindi ganyan ang ngiti ni Ross tuwing nakakasama ko siya.

“Tombs, bakit ka nakatitig? Guwapo ko talaga, `no?”

“Ano’ng nangyari sa `yo?” seryoso kong tanong.

Nagulat siya. “Ha? Ano’ng nangyari sa `kin? Wala naman, ah.”

“Pakyu! `Wag mo kong lokohin. Ano’ng nangyari sa `yo? Sasapakin kita kapag `di ka nagsabi ng totoo.”

“Wala naman kasing nangyari. Ano ba’ng pinagsasasabi mo, tombs?”

Sinamaan ko si Ross ng tingin. “Hindi ganyan ang Ross na nakilala at nakasama ko no’ng nakaraan. Sabihin mo sa `kin kung ano’ng nangyari.” Seryoso pa rin ako. “Ano’ng nangyari sa pagitan n’yo ni Donna?”

Nang mabanggit ko ang pangalan ni Donna, biglang nawala ang ngiti niya.

“Ano nga? Potek ka!” sigaw ko.

Napangiti siya nang malungkot. “She rejected me.”

“Ano? Ni-reject ka niya?” nawindang kong sagot. “Paano? Bakit ka pa niya inaya mag-date kung ire-reject ka rin pala niya?”

Napailing si Ross. “Ewan ko ba? Ang saya-saya ko pa kahapon. Parang lumulutang ako sa ulap. Noong nasa mall kami, hinalikan niya pa ako. `Tapos noong hinatid ko na siya, nag-sorry siya. Sabi niya, may iba siyang gusto.” Halatang pinipigilan lang niyang huwag maiyak. “Tang’na, tombs. Ang sakit. Ganito pala `yong feeling na ma-brokenhearted ka. Pakiramdam mo `yong puso mo, dahan-dahang hinihiwa.”

Kahit tumawa siya, halatang peke. Halatang hindi niya gustong tumawa. Gusto niyang umiyak.

Gusto ko sanang lapitan at yakapin si Ross pero hindi ko ginawa. Nang may dumaang jeep, agad ko iyong pinara at sumakay. Hindi ako nagpaalam sa kanya. Paulit-ulit niya akong tinawag pero hindi ko siya nilingon. May kailangan kasi akong gawin ngayon.

Nagpara na ako sa jeep nang huminto sa isang street. Naglakad ako nang mabilis papunta sa bahay ng pupuntahan ko. Nang nasa tapat na ako ng bahay nila, itinext ko siya.

Ako: Nandito ako sa labas ng bahay ninyo. Labas ka.

Donna: Pasok ka na lang, bessy.

Ako: Hindi na. May sasabihin lang ako.

Donna: Sige, bessy. Sandali lang.

Mayamaya pa, nakita kong sumilip si Donna sa bintana, kumaway siya sa akin. Seryoso lang akong nakatingin sa kanya. Pababa na siya ng hagdan at papunta na sa may gate. Pagbukas niya ng gate, nginitian niya ako.

“Bessy, bakit—”

Hindi ko pinatapos ang sinasabi niya dahil agad akong nagsalita. “Ganyan ka ba talaga? Wala ka bang puso?” punong-puno ng galit na sabi ko.

Nagulat siya. “Ha? Teka, bessy. Ano’ng ginawa ko?”

“Ano’ng ginawa mo? Pinagmukha mo lang namang tanga si Ross. Hindi mo alam kung gaano ka niya kagusto. Hindi mo alam kung anong pagod at effort niya sa pag-iisip ng mga bagay na magugsutuhan mo. May paaya-aya ka pang date na nalalaman sa kanya, `tapos ire-reject mo lang siya?” sunod-sunod kong sabi. Ewan ko ba pero hindi ko na mapigilan ang sarili ko. Kailangan kong sabihin sa kanya ang lahat ng gusto kong sabihin.

“Teka, let me explain.”

“Let me explain mo mukha mo! `Wag ka nang magpaliwanag. Por que maganda ka? Por que maraming lalaking naghahabol sa `yo? Gagawin mo ng tanga ang isang tao na walang ibang gusto kundi ikaw? Hindi mo man lang inisip na may ibang taong nagkakagusto kay Ross pero ginago at pinaasa mo lang siya. Sinayang mo lang ang effort niya. Wala kang kuwenta,”

Nakita kong nangilid na ang mga luha ni Donna pero wala akong pakialam.

“Alam mo, Donna, akala ko gusto kita, eh. Akala ko nato-tomboy ako sa `yo. Ang bait mo kasing tao. Ikaw `yong taong akala ko `di marunong manakit ng iba. Pero nagkamali ako. Nagkamali ako ng pagkakakilala sa `yo. Maling-mali ako ng pagkakakilala sa `yo.”

Nang bumagsak ang mga luha niya, tumalikod na agad ako at mabilis na naglakad palayo. Siguro nga sobra ang sinabi ko. Pero hindi ko rin naman masisi ang sarili ko. Naiinis lang ako sa ginawa ni Donna. Paano niya nagawang paasahin at pagmukhaing tanga ang kaisa-isang lalaking nagugustuhan ko na siya naman ang gusto? Ang unfair lang!