noveltoon logo noveltoon
Lesbi In Love

Chapter 8

Ch. 8 / 32 Apr 09, 2022

CHAPTER EIGHT

“K UYA Joseph naman kasi, eh. Nakaka-bad trip ka!” atungal ko ngayong umaga.

Tumawa siya. “Ba’t sa `kin ka nagagalit? Aba, kanina pa kita ginigising, `no,” sagot niya habang nasa sala at nanonood ng kung ano. “Tulog-mantika ka lang `kamo, bunso.”

“Ikaw tulog-patis.”

Tumawa uli si Kuya Joseph. “Wala namang ganoon, eh. Naku, bilisan mo na diyan, bunso. Si John, kanina, ilang beses ka ring ginising. Umalis tuloy siya na bad trip sa `yo kasi nagpuyat ka na naman daw, alam mong may pasok ka.”

“Hindi naman ako nagpuyat, `no!”

Hindi naman talaga kasi ako nagpuyat kagabi. Sadyang hindi lang talaga ako agad nakatulog dahil sa sobrang bad trip ko kay Ross. Kung marunong lang talaga akong mambarang, binarang ko na siya kagabi.

Bakit nga ba ako bad trip sa kanya? Hindi ko rin alam. Basta galit ako sa kanya. Bad trip ako sa jejemon na playboy na iyon. Binabawi ko na ang sinabi ko kahapon na okay siyang kasama. Hindi siya okay kasama. Nakakabuwisit talaga siya sa totoo lang. `Sarap niyang bugbugin sa pagre-reply sa akin ng, “okay, sige” kagabi. Lintik na iyan. Nang mag-reply ako, hindi na siya nag-reply. Na-no-reply-zoned niya ako. Kapal muks talaga kahit kailan.

Iyon rin talaga ang pinakaayaw ko kapag natutulog akong bad trip, nagiging tulog-mantika ako. Nawawalan ako ng pakialam sa mundo dahil sobrang himbing talaga ng tulog ko. Kaya ko ring matulog buong araw na hindi bumabangon sa kama. Kung hindi ko lang naalala na may pasok ako ngayong umaga, hindi talaga ako gigising at babangon.

Kailangan ko nang pumasok ngayon. `Nakaraan, absent na ako. Kahapon naman, nag-skip na ako ng klase dahil sa damuhong si Ross. Hindi ko na mapapatawad ang sarili ko kung pati ba naman ngayon, absent pa ako. Mahiya naman sana ako sa pagpapaaral sa akin ni Kuya John, hindi ba?

Late ako nang two hours sa usual na gising ko ngayong araw. Meaning, late na ako sa first two subjects ko. Todo-bilis tuloy ako kung kumilos. Ang fifteen minutes kong pagligo palagi ay naging five minutes na lang ngayon.

Nang matapos sa paghahanda, hinanap ko naman ang baseball cap ko. Naka-uniform ako ngayon kaya kailangan ko iyon para magmukha akong astig. Saka ko naalalang naiwan ko pala iyon kahapon sa kotse ni Ross.

Buwisit talaga. Bakit kasi hinubad ko pa noong nasa kotse ako? Ito namang si Ross, hindi ipinaalala sa akin. Balak niya bang nenokin ang baseball cap ko? Huwag siyang magtangka. Kapag hindi niya iyon ibinalik sa akin, dadanak talaga ang dugo na galing sa katawan niya. Huwag niya akong subukan.

“Sibat na ako, Kuya,” paalam ko kay Kuya Joseph.

“Hindi ka na kakain?”

“Hindi na. Sa school na lang. `Ge!”

Naglalakad na ako sa labas ng bahay papunta sa sakayan ng jeep nang bigla kong maalala ang unang kondisyon na ipinapagawa ko kay Ross ngayon. Hindi ko alam kung gagawin niya ba iyon o hindi. Para kasing alangan siya kahapon. Kahit naman sundin niya ang mga ipinapagawa ko, hindi ko pa rin sigurado kung ilalakad ko siya kay Donna. Bukod sa ako lang dapat ang nababagay sa kanya, hinding-hindi rin talaga ako makakapayag na mapunta siya sa jejemon na playboy na iyon. Iiyak lang siya.

Masyadong precious sa akin si Donna. Hindi ko makakaya kung pati siya ay iiyak dahil lang sa mga manloloko. Kapag kasi nakakakita ako ng babaeng umiiyak, naalala ko si Mama. Kapag naaalala ko si Mama, lalong lumalaki ang galit ko sa papa kong walang kuwenta. Teka nga, bakit naalala ko na naman ang tatay kong walang kuwenta? Change topic nga. Hindi worth it pag-aksayahan ng brain cells ang tatay ko.

`Tingin ko rin talaga na hindi gagawin ni Ross iyon. Knowing Ross Eliseo Valentin? Alam kong hindi niya sisirain ang imahe niya sa ibang tao para lang gawin iyon. Malakas ang pakiramdam ko na susuko na siya sa pagkagusto kay Donna dahil maiisip niyang hindi ako papayag na pati iyon maloko niya. Alam ko kung anong klaseng lalaki siya. Isa siyang jejemon. Playboy. Babaero. Hindi nagseseryoso sa isang babae. Mapanakit. Sigurado talaga akong sumuko na siya ngayong araw pa lang.

“Eh, paano kung `di siya sumuko? Paano kung ginawa niya pa rin ang ipinapagawa mo?” tanong ko sa sarili. “Eh, di okay. Kunwari ilalakad ko siya kay Donna. `Di naman niya malalaman ang totoo, `di ba? Hindi niya malalaman kung nilalakad ko ba talaga siya o hindi. `Tapos, mawawalan pa ako ng utang sa kanya. Mapo-promote pa si Kuya John sa school.”

Hindi ko mapigilan ang sarili na hindi mapangisi habang naglalakad. Ang talino ko talagang tomboy kahit kailan. Tama. Ganoon na lang ang gagawin ko. Hindi ko na lang ilalakad si Ross kay Donna. Kunwaring lakad lang ang gagawin ko sa kanya, pagkatapos niyon, mapo-promote na rin si Kuya John. Hitting two birds with one stone. Lintik. Ang tali-talino ko talaga kahit kailan!

Nasa jeep na ako nang i-check ko ang cell phone ko. Pagkatingin ko, nakita kong ang daming text messages ng mga tropa kong tomboy na pangit.

Anton: Nasaan ka na? Papasok ka ba?

Alex: Tol, papasok ka ba? Pumasok ka, ha! May kailangan ka makita.

Anton: Hoy, tol. Nasaan ka na? Bilisan mo!

Alex: Tol bilisan mo. Nagkakagulo na dito!

Gusto kong mag-reply sa kanila at itanong kung bakit atat na atat silang makarating ako sa school. Kaso pag-send ko ng reply ko, check operator service. Naalala kong wala nga pala akong load. Hayaan na nga. Malapit na naman ako sa school, eh.

Huminto na ang jeep sa tapat ng school kaya bumaba na agad ako. Sa pagbaba ko, nagulat ako nang makita ang schoolmates ko na nagsisitakbuhan papasok sa school. Parang nagmamadali sila dahil may gusto silang makitang interesanteng bagay. Agad naman akong kinutuban sa nangyayari. Huwag mong sabihin na tinuloy talaga ni Ross ang ipinapagawa ko?

“Bilisan natin, girl. Para maabutan pa natin si Ross doon.”

“Tara, dali. Mabuti dinala ko `tong camera ko. Ang hot daw ni Ross doon!”

Narinig kong nag-uusap ang dalawang babae, saka sila tumakbo papasok sa school. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko dahil sa narinig ko. WTF! Walanghiya talaga si Ross kahit kailan. Talaga bang uto-uto siya? Talagang sinunod niya ang ipinapagawa ko sa kanya? Kalokohan lang naman kasi iyon, eh. Bakit ba ang shunga niya?

Nagmadali na rin akong maglakad papasok ng school. Hindi pa ako nakakalapit sa parking lot, crowded na ang daanan. Ang daming students na nakaharang para makita si Ross at kung ano ang ginagawa niya. Nakipagsiksikan tuloy ako para lang makadaan. Ang hirap makapasok, bad trip. Ilang beses pa akong nasiko ng mga chix na kilig na kilig sa nakikita. Puro “ang hot ni Ross!” saka “grabe iyong abs ni Ross, “ang yummy niya talaga!” ang naririnig ko. Nakakadiri. Anong yummy sa abs ng damuho na iyon?

Mayamaya pa, nakarating na ako sa parking lot. Ang dami talagang tao. Lintik. Nagkakagulo na. Akala mo may sikat na artista silang pinapanood habang nasa kalagitnaan ng shooting. Todo tingkayad pa ako para lang makita ko ang ginagawa ni Ross.

Nang makapuwesto na ako sa magandang lugar, una kong nakita ang banner na nasa gilid lang ni Ross. Binasa ko ang nakasulat doon. “Free Car Wash by Ross Valentin.” At talagang may props pa ang damuho. Kinarir niya talaga ang pinag-uutos ko sa kanya. May plus point ba kapag may banner?

Ang una kong ipinapagawa sa kanya ay i-car wash ang lahat ng kotse sa parking lot ng school. Akala ko kapag ginawa niya iyon, pagtatawanan siya ng lahat ng students na makakakita sa kanya. Na mate-turn off ang mga chix sa kanya at mawawalan siya ng fangirls. Kasi naman, nakakatawa talaga kung makikita mo ang isang Ross Valentin na tinitingala ng karamihan, biglang naging car wash boy, hindi ba?

Akala ko makakaganti na ako sa kanya dahil mapapahiya siya. Pero, lintik lang. Bakit imbes na pagtawanan, lalo pa siyang hinangaan?

Parang kinukurot sa singit ang mga chix na katabi ko dahil sa sobrang pagtili habang nakatingin kay Ross. Kung makatitig din sila, akala mo hinuhubaran na nila si Ross sa isip nila. Jusko. Mabuti na lang hindi ako naging babae dahil hindi ko ma-imagine na maging ganoon ako sa mga lalaki.

“Grabe, ang hot maglinis ni Ross ng sasakyan!”

“Kung ganyan ba naman kaguwapo ang maglilinis ng sasakyan ko, aba, araw-araw kong dudumihan ang kotse ko.”

Napabusangot ako nang dahil sa mga narinig ko. Ano bang hot kay Ross? Eh, tanging fitted shorts lang ang suot niya. Wala siyang damit pang-itaas kaya nakabalandra talaga ang katawan niyang may six-pack abs at ma-muscle na mga braso. Suot-suot niya rin ang baseball cap ko. Walanghiyang damuho, bakit niya suot iyon?

Wet look na rin siya dahil halatang kanina pa siya naglilinis ng mga sasakyan sa parking lot. Karamihan kasi sa kotse na nandoon ay ang linis at ang kintab na. Mukhang may future siya sa pagiging car wash boy. Career na career niya talaga ang ipinapagawa ko. Pero ugh! Iyong baseball cap ko talaga.

Bigla na namang nagtilian ang mga babae nang biglang buhusan ni Ross ang sarili niyang katawan ng tubig. Naligo na ang walanghiya sa parking lot. Naging slow-motion ang kanyang bawat galaw nang tanggalin niya ang baseball cap ko sa ulo niya. Akala mo nasa isang sexy scene siya ng isang pelikula kung makagalaw.

Nagwawala na ang mga babaeng nasa paligid. Nagugutom na raw sila. Punyeta. Anong akala nila sa damuhong si Ross? Isang masarap na ulam na handa na para kainin nila?

Itinuon ko na lang ang pansin ko kay Ross habang nililinisan niya ang isang itim na sasakyan. Bumabakat na ang briefs niya sa shorts na suot dahil basang-basa na.

`Kainis talaga. Hindi ganoon ang inaasahan kong makita. Bakit hindi napahiya ang damuhong iyon? Bakit lalo pa siyang nagustuhan ng kababaihan?

“Ross! Anakan mo ako! Kahit sampu lang!”

Bigla kong narinig na sumigaw si Anton kaya napasulyap ako sa kanya. Nasa kanan ko lang siya sa hindi kalayuan. Kasama niya si Alex na nagwawala rin. May hawak-hawak silang cell phone na nakatutok kay Ross. Totoo ba ang mga tomboy na iyon? Nagpa-fangirl sila? Nang dahil kay Ross, nakalimutan nila panandalian na mga tomboy sila?

“Ross, ako, kahit walong anak lang! Basta puro kambal, ha!” sigaw naman ni Alex.

Nagtawanan ang mga tao sa pagsigaw ng dalawang tomboy na pangit. Hindi ko tropa ang mga iyon. Wala akong tropang mga bading.

“Sa sobrang hot ni Ross, pati mga tomboy, naging babae na uli!” sigaw ng babae sa likuran ko.

Lalong lumakas ang tawanan at tilian ng mga taong nakatingin kay Ross. Pakiramdam ko, ako lang ang hindi nakaka-appreciate sa nakikita kong view. View ba iyon? Kailan pa naging view ang isang lalaking halos nakahubad na habang naglilinis lang ng kotse?

“Ross! Tingin ka rito, isang picture lang,” sigaw uli ng babae na nasa likuran ko.

Biglang napatigil si Ross sa paglilinis ng kotse at tumingin sa gawi ko. Bahagya siyang natigilan nang magtama ang mga mata namin pero agad ding nakabawi at kumurba ang mga labi niya sa isang matamis na ngiti. Nakita tuloy ang mga ngipin niyang mapuputi. At habang nakangiti siya, kumindat pa ang damuho.

“Kyah! Kinindatan ako ni Ross!”

“Gaga! Hindi ikaw ang kinindatan niya, ako. Ilusyunada!”

May nag-away na sa likuran ko dahil lang sa kindat ni Ross. Pero alam kong wala sa isa sa kanila ang pinatungkulan ng kindat ni Ross. Alam kong ang kindat na iyon ay para sa akin. Para buwisitin ako at ipamukha sa akin na kayang-kaya niya ang ipinagawa ko. Gusto niya lang akong ipahiya sa sarili ko.

Nandidiri ako sa pagkindat ni Ross kaya agad akong umalis sa parking lot at naglakad palayo sa magulong lugar na iyon. Hindi ko na kaya ang nakikita ko. Hindi ko na kayang makitang pinagkakaguluhan si Ross dahil naka-topless lang siya habang naglilinis ng mga sasakyan.

Higit sa lahat, hindi ko na kinakaya ang pagkislot ng puso ko dahil lang sa pagkindat niya sa akin. Walanghiya naman talaga. Bakit may pagkislot na naman?

Diyos ng mga tomboy na mahabagin, huwag mo akong ilipat sa pederasyon ng mga bading. Tomboy po ako. Tomboy po. Huwag mo `kong itulak para maging bading sa kanya. Ayoko po sa jejemon. Ayoko po sa playboy. Ayoko po sa lalaki. Higit sa lahat, ayoko kay Ross Eliseo Valentin.

Tahimik ang classroom namin nang dumating ako. Nakakapagtaka lang na kahit free hour namin ngayon, walang natirang tao roon. Usually kasi, maingay ang classroom kapag walang ginagawa. Pero ngayon, ni isang kaklase ko, walang natira. Malamang pati ang mga lalaki kong kaklase, nandoon sa parking lot at pinapanood si Ross. Nababading na talaga sila sa jejemon na iyon. Pero ayos na rin para may katahimikan. Para naman makapag-isip-isip ako kung bakit ako nakakaramdam ng pagkislot sa puso dahil kay Ross. Hindi naman puwedeng nagkakagusto ako sa kanya dahil hindi iyon puwede. Hindi ako bading. Pareho kaming lalaki na nagkakagusto sa iisang babae.

Hindi ko rin talaga mabasa ang takbo ng utak ng playboy na iyon. Talaga bang seryoso siya na gusto niya si Donna? Seryoso ba talaga siya na gagawin niya ang lahat ng ipinapagawa ko para lang ilakad ko siya sa best friend ko? Kasi sa totoo lang, kung hindi siya seryoso, hindi naman niya ako susundin, hindi ba?

Hindi pa rin talaga ako kumbinsido. Saka na lang ako magiging kumbinsido kapag nagawa na ni Ross ang lahat ng ipinapagawa ko. For the meantime, papahirapan ko muna siya.

“`Oy, `tol! Nandiyan ka na pala. Hindi ka namin napansin. `Di ka man lang nag-text!” sabi sa akin ni Anton nang pumasok siya sa room. Nasa likuran niya si Alex na abala sa cell phone, parang may tinitingnan.

“Kanina pa ako nandito. Paano n’yo ako mapapansin kung abala kayo doon sa parking lot at pagtili kay Ross?” Binigyan ko sila ng nandidiring tingin. “Nakakadiri kayo. Mga tomboy na pangit na `to.”

“Ano’ng pinagsasabi mo, brad?” naguguluhang tanong kunwari ni Alex. “Ano’ng sinasabi ni MJ, `tol? Tumitili raw tayo kay Ross? Ha? Kailan? Kadiri naman `yon!”

“Tumitili naman talaga tayo kani-kanina lang, `di ba? Todo-picture ka pa nga kay Ross, eh,” inosenteng sabi ni Anton. “`Tapos, sumigaw ka pa na gusto mong magpaanak sa kanya.”

Bigla siyang binatukan ni Alex.

“Aray ko, brad! Ba’t nambabatok ka?”

“Eh, `bobo mo kasi. Dapat `di ka umamin.” Tumingin sa akin si Alex. “Sorry na, MJ. Trip lang naman `yong pagtili namin kanina. Joke lang `yon. Walang malisya. Tomboy tayo. Tomboy.”

“Oo nga, tomboy tayo. Bored lang kami ni Alex kanina kaya nakitili rin kami doon sa parking lot.”

“`Wag n’yo akong gawing tanga dahil sa `ting tatlo, ako ang pinakamatalino,” sabi ko.

“Ako ang sunod na matalino,” saad ni Alex.

“So gano’n, mga brad? Ako na lang palagi ang pinakahuli? `Ge, ganyan. Ayos lang. Sanay naman ako na palagi akong nasa huli at hindi nagiging priority.” Nagdrama na si Anton.

“Okay lang `yan, brad,” pag-comfort ni Alex. “Kapag pangit talaga, `di ka ipapa-prioritize.”

“Hoy! Kung saan-saan na napunta ang usapan. Gusto ko lang naman malaman kung bakit kayo nagiging fan ni Ross, aber? Nakakalimutan n’yo na bang dalawa ang sumpaan natin?”

Umiling silang dalawa. “Siyempre hindi,” sabay nilang sagot.

“Ano ang sumpaan natin noong high school pa tayo?”

“Na ang mga lalaki ay sakit lang sa ulo. Walang kuwenta. Manloloko. Na ang mga lalaki, dapat sa mundong `to,nawawala na lang para hayayay ang buhay,” sabay uli nilang sagot.

“Good! `Wag n’yong kalimutan `yan. Mga tomboy tayo, okay? `Di na dapat tayo bumalik sa pagiging babae. Kaya iwas-iwasan n’yo `yang si Ross.”

“Eh, bakit ikaw, brad? Bakit kasama mo siya kahapon?” pagsingit ni Anton.

“Oo nga. `Tapos, `yong baseball cap mo pa suot niya kanina,” dagdag naman ni Alex. “Umamin ka nga, `tol. Bromance na ba kayong dalawa?”

“Saan din kayo pumunta kahapon, `tol? Nag-sex kayo, `no?” tanong naman ni Anton, pagkatapos sabay silang napatakip sa bibig sa gulat.

“Ang dudugyot ng utak n’yong dalawa!” Sabay ko silang binatukan. “`Tingin n’yo, papatol ako sa jejemon na `yon? `Di ako bading, `no. `Di ako magkakagusto sa kapwa ko lalaki. May pinag-uusapan lang kami.”

“Ano nama’ng usapan n’yo? Ba’t `di mo kami isinasama?” pagtatampo ni Alex.

“Oo nga. Akala ko ba BTF tayo?” si Anton naman.

“Anong ‘BTF?’” tanong ko.

“Best Tomboy Friends Forever. Ang talino ko, `di ba?”

Binatukan na naman siya ni Alex. “Bobo! BTF ka diyan. Dapat BTFF `yon. Pangit na nga, bobo pa.”

“Kung pangit ako, ano ka pa? Super pangit na!” sagot naman ni Anton.

“Kung super pangit ako, ang baho naman ng bunganga mo!” real talk naman ni Alex.

Totoong mabaho ang bibig ni Anton. Pagkatapos niyon, nag-away na sila. Nagkalaitan na. Nahinto lang sila sa pag-aaway nang may marinig kaming tilian ng mga estudyante mula sa labas ng classroom. Akala mo may artista silang nakikita.

“Anong kaguluhan `yon?” tanong ni Anton.

“Bakit mo sa `min itinatanong? `Kita mong pare-pareho tayong nandito,” sagot ko.

“Oo nga. `Bobo talaga ni Anton kahit kailan, eh,” panlalait na naman ni Alex.

Palakas nang palakas ang tilian ng mga estudyante kaya napatingin na ako sa bintana. Lahat sila nakatutok sa may pinto ng classroom namin.

Anong meron?

Nasagot lang ang tanong ko nang biglang bumukas ang pinto ng classroom namin at pumasok ang bagong paligong si Ross Eliseo Valentin na nakasuot na ng school uniform. Luminga-linga siya sa buong classroom hanggang sa makita niya ako na nakaupo sa gilid. Agad siyang ngumiti at naglakad papalapit sa akin.

“Tapos ko na ang task number one. Ano na ang next kong gagawin, baby?” tanong niya habang nakangiti.

“Baby?!” sigaw ng lahat ng mga estudyanteng nakarinig. Lahat sila napanganga nang tawagin akong “baby” ng damuhong jejemon.

Baby pa ang gusto mong damuho ka, ah. Mamaya, mapapakanta ka ng “Baby” ni Justin Bieber kapag binugbog kita. Pinag-iinit mo talaga ang ulo ko. Beast mode na ang tomboy. Grrrr!