CHAPTER FIVE
W ALA na si Kuya John sa bahay nang magising ako. Mukhang nauna na siyang umalis dahil tulog na tulog pa ako. Alam naman ni Kuya John na ten AM pa ang start ng klase ko ngayon kaya siguro hindi na niya ako ginising. Masama pa namang iniistorbo ang tulog ng mga tomboy.
Late na ako nakatulog kagabi dahil sa sobrang dami kong iniisip. Actually, hindi naman sobrang dami kundi isa lang. Isang tao lang ang iniisip ko na nagbibigay lang sa akin ng sobrang daming problema. Kita ninyo ngayon, naalala ko lang pangalan niya na-bad trip na ako. Sira na agad ang umaga ko.
Hindi ko talaga matanggap ang mga nangyayaring kamalasan sa akin ngayon. Bakit sa dinami-rami ng tao na kailangan kong makabangga, si Ross pa? Bakit sa dinami-rami ng tao na puwedeng maging childhood friend ni Donna, ang damuho pa na iyon?
Pagkatapos ngayon, trip din ni Ross si Donna. Trip niya ang babaeng pinakamamahal ko mula noong high school. `Tingin niya makakapayag ako roon? Neknek niyang bulok. Hindi ako makakapayag na mapabilang si Donna sa pederasyon ng mga babaeng pinaiyak ni Ross.
Kung tutuusin, puwede ko namang sabihin kay Donna kung anong klaseng lalaki si Ross. Puwede ko rin siyang siraan kay Donna. Sasabihin kong aboryonista si Ross. Drug dealer. Pusher. Snatcher. Carnapper. Kindapper. TNT sa Pilipinas. Nagpapasok ng iba’t ibang epektos sa school. Iyong bang kahit na ano na lang na ikakasira ng imahe ni Ross sa paningin ni Donna? Magaling pa naman akong gumawa ng kuwento.
Pero hindi ko naman puwedeng basta-basta gawin iyon. Tulad nga ng sinabi ni Ross kagabi, hindi ko magugustuhan ang mga kaya niyang gawin. I’m so scared. Kahit naman tomboy ako, may kinatatakutan pa rin ako.
Ang agang stress naman nito. Tinatamad din akong pumasok ngayon pero hindi naman puwedeng um-absent. Absent na kasi ako kahapon. Isa pa, baka masyadong mamihasa sina Alex at Anton na akala nila guwapo sila por que absent ako. Tigil-tigilan nga nila ako. Ang papangit nilang tomboy. Puwera lait, ah? Real talk lang, mga dre.
Naka-uniform kami ngayon kaya bad trip na naman ako. Ayaw na ayaw ko talaga ang uniform sa school. Masyadong pambabae. Gusto ko nga sanang mag-pants at T-shirt na lang araw-araw kaso bawal naman. Sinubukan ko one time kaso hindi ako pinapasok ng guard. Bawal daw mamalimos.
Above the knee ang haba ng palda sa school. Pero dahil astig ako at ayokong magmukhang babae, below the knee ang sa akin. Maluwang din ang blouse na sinusuot ko. Dinadala ko rin ang baseball cap ko. Kapag naglalakad kami sa campus ng mga tropa kong tomboy, naka-baseball cap ako. Tumatakbo lang ako nang mabilis kapag nakikita ako ng discipline committee. Mabilis kaya akong tumakbo. Kasimbilis ng mga lalaki sa panloloko.
Ako lang ang nasa bahay ngayon dahil nauna na ngang umalis si Kuya John kanina. Si Kuya Joseph naman umalis din. May iniwan lang siyang sulat na nakasabit sa fridge.
Bunso,
I-lock mo ang bahay pag-alis mo. Iyong susi ilagay mo sa may halamanan. Kumain ka muna bago ka umalis, okay? Ubusin mo niluto ko.
Love,
Pinakapogi mong kuya.
PS.
Huwag mong gagamitin brief ko, okay?
Pakyu talaga si Kuya Joseph kahit kailan. Bakit niya ba pinipilit na ginagamit ko ang mga brief niya, ang laki-laki ng mga iyon? Eh, di para na akong naka-short?
Kumain na ako at umalis ng bahay. Habang naglalakad, napatingin ako sa wristwatch ko. Nine-thirty na ng umaga. Napalunok ako. Naalala kong Eight AM nga pala dapat kami magkikita ni Ross. Bakit nawala sa isip ko? Okay lang. Hindi naman siya chix, ano. Hindi rin naman ako chix sa paningin niya kaya sigurado akong hindi niya ako hihintayin doon.
Agad kong kinuha ang cell phone ko para tingnan kung may text ang damuho. Sa gulat ko, muntik na akong mapa-tumbling, sabay bending sa dami ng text.
One hundred forty-three messages.
Jusko. Totoo ka ba, Ross?
Hindi ko kasi ugaling mag-check ng cell phone kapag bagong gising. Hindi ko tuloy namalayan na ganoon na karami ang text niya. May Missed calls pa siya, ha. `Yaman. `Daming load. Pa-pasaload nga ako mamaya sa kanya kahit sampung piso lang. One day unli.
Ross: 8 AM ah. Patay ka sakin kapag di ka sumipot.
Ross: 8 AM na. Nasaan ka na?
Ross: Nandito na ako.
Ross: Hoy tomboy!
Ross: H3LLo PhOwsxz. YaRi Ka SaKiN kApAG Di Ka PuMunTa. H3h3h3h3.
Ross: HOY TOMBOY!
Ross: TOMBOY!
Ross: TOMBOY. LESBIAN.
Ross: Tomboy na malaking boobs!
Ross: Tomboy na nagna-napkin!
Ross: -__-
Ross: 9 AM na. Hanggang kailan mo ako paghihintayin?
Ross: AnU nA pOwsxz?!!!!!!
Ross: T
Ross: O
Ross: M
Ross: B
Ross: O
Ross: Y.
Ross: With wings ba talaga ang napkin na gamit ninyo?
Ross: Eh, nagbi-brief din ba kayo?
Pagkatapos ng mga susunod niyang text, paulit-ulit na lang na puro tomboy.
Buwisit na Ross. Imbes na mainis ako sa pantatadtad niya sa akin ng text, tawang-tawa ako sa kanya. Lalong-lalo na doon sa jejemon niyang text. Who would have thought na ang isang Ross Eliseo Valentin na kinakabaliwan ng kababaihan ay may jejemon side? Alam kaya ito ng fangirls niya?
Lalo rin akong natuwa na mukhang naghihintay nga siya roon. Alam kong hindi ko na maipipinta ang mukha niya sa sobrang buwisit kaya hayaan na. Late na rin naman ako sa usapan namin. Saka, hindi ko naman maalalang pumayag ako na kikitain ko siya, hindi ba?
Vuvu niya lang masyado para maghintay.
Naglalakad na ako papasok ng school habang nakayuko. Natanaw ko na agad kasi si Ross sa parking lot habang nakasandal siya sa sasakyan niya. Nakabusangot ang mukha niya, hawak ang cell phone at abala sa kung sinong itine-text.
Talagang hinihintay niya akong dumating, ah. Gustong-gusto niya talagang makita ang guwapo kong mukha. Sabi na, eh. Bading si Ross Eliseo Valentin. `Kadiri. Feeling naman niya papatulan ko siya.
Bigla niyang itinapat sa tainga ang cell phone at biglang tumunog ang cell phone ko sa bulsa. Hindi ko sinagot. Hinayaan ko lang na mag-ring nang mag-ring. Salamat sa Diyos ng mga tomboy dahil hindi ako napapansin ni Ross na naglalakad sa harap niya. Kaunting-kaunti na lang makakalampas na ako. Kaunti na lang talaga. Kaunting-kaunti na lang nang biglang may sumigaw ng pangalan ko mula sa likuran.
“Mary Jovelyn! Ang utol kong tomboy! Mabuti naman pumasok ka na!”
Punyeta talaga itong bunganga ni Anton kahit kailan. Sa sobrang lakas ng sigaw niya, napatingin lahat ng students na naglalakad sa paligid. Pero wala sa kanila ang atensiyon ko. Agad akong napatingin kay Ross na ang sama-sama na ng titig sa akin. Iyong cell phone na hawak niya, mukhang madudurog na sa kamay niya. Feeling ko, iniisip niyang leeg ko ang cell phone na iyon. Napalunok ako dahil sa takot. Yari na naman ba ako nito. Diyos ng mga tomboy, still there? Help me! Yari ka talaga sa aking Antonina ka! Iyang boobs mo iipit ko sa pinto mamaya.
“`Tol, mabuti pumasok ka na? Akala ko—” Napatigil si Anton sa sinasabi nang biglang sumulpot si Ross sa gilid namin. “Uhm, Ross? May kailangan ka ba sa `kin?”
Teka, totoo ba iyong nakita ko? Nag-blush ba ang pangit na tomboy na iyon?
Umiling si Ross, saka tumingin sa akin. “Kanina pa kita hinihintay. Ilang oras mo akong balak paghintayin?”
“Hinihintay mo ako, Ross?” tanong ni Anton.
“Not you.”
Napanguso si Anton.
“Itong tomboy na `to,” turo ni Ross sa akin. Seryoso ang boses niya. Mukhang nagpipigil lang talaga ng galit.
“Mga ten hours sana. Saka, hello, pare? `Di naman ako pumayag na magkita tayo, ah. Ilusyunado ka lang, `tol,” sabi ko kahit na kinakabahan na. “Guwapo ako kaya busy ako. Ikaw ang mag-adjust.”
Si Anton naman palipat-lipat ang tingin sa amin ni Ross. Mukhang naguguluhan siya sa nangyayari, mukhang nagtataka kung bakit kami nag-uusap ni Ross kahit hindi naman kami friends. Pero pansin na pansin ko talaga ang tingin niya kay Ross, may halong landi. Tomboy ba talaga si Anton o nagto-tomboy-tomboyan lang? `Pangit niya kasi, eh.
“Talaga bang sinusubukan mo ang pasensiya ko?” tanong uli ni Ross, gigil na gigil.
“Hindi naman. Pero, puwede rin,” sagot ko. “Puwede ba?”
“May pasombrero-sombrero ka pang nalalaman. Akala mo naman bagay sa `yo.”
“Ikaw nga nakakotse pa kapag pumapasok. Akala mo bagay sa `yo? Mukha kang jejemon na trying hard! Jejemon na playboy!”
“Ako, jejemon?” naiinsultong tanong ni Ross. “Hindi ako jejemon, tomboy!”
“Eh, di wow, boom panes! Ikaw na malupit. Lagyan pa natin ng ‘boss.’ Boss malupit!”
“Teka, friends ba kayo? Since when?” singit ni Anton.
“Hindi kami friends!” sabay naming sagot ni Ross.
“Wow. Sabay. Eh, lovers? `Balik-loob ka na, MJ? Si Ross lang talaga magkakapagbalik sa `yo sa pagiging babae?” tuwang-tuwang tanong ni Anton.
“Yak!” sabay uli naming sagot ni Ross. “Eww!” Sabay uli kami kaya kami nagkatinginan. “`Kadiri!” At sabay na naman uli kami kaya natawa si Antonina.
“Naks. Sabay na naman. Not once but fourice.” Humagikgik si Anton.
“Fourice? Bobong tomboy `to. Walang fourice. Four times dapat `yon. Pangit na ngang tomboy, bobo pa. Ikaw na multitalented,” real talk ko kay Antonina.
“Sumama ka sa `kin.” Hinawakan ni Ross ang braso ko.
“Ayoko. Busy ako. Bitawan mo ako,” pagtanggi ko.
“Sasama ka ba o dadalhin kita sa dean’s office para i-report ang ginawa mo sa `kin noong isang araw?” seryosong babala niya sa akin. “Now, decide.”
“Wala na bang ibang choice?”
“Meron. Bayaran mo ako ng fifty thousand sa pagpapaayos ng windshield n’ong isa kong kotse na binasag mo.”
“Ang mahal naman,” inis kong sabi. Tumingin ako kay Antonina. “`Tol, may fifty thousand ka ba?”
“Wala, `tol. Tomboy lang ako pero `di ako mayaman.”
“Wala kang pakinabang. Doon ka na nga. `Pangit mo.” Tumingin ako kay Ross. “Uhm…”
“So?” Nakataas-kilay na siya.
“Let’s go? Saan tayo? Treat mo, ha?” Ngumiti pa ako.
Umirap si Ross, saka ako hinawakan uli sa braso.
“O, ba’t may paghawak pa sa kamay? `Lakas makabading, p’re.”
“Baka tumakas ka, eh.” Nauna nang naglakad si Ross papunta sa kotse niya kaya sumunod na ako.
“`Oy, `tol. Paano ako?” biglang tanong ni Antonina.
“Pumasok ka. Mag-aral kang mabuti. Ang mga pangit na tomboy dapat nag-aaral, okay?” sabi ko, saka sumakay sa loob ng magarang sasakyan ni Ross Eliseo Valentin.
Walang nagsasalita sa amin ni Ross habang nasa kotse. Tahimik lang siyang nagmamaneho habang nakatingin sa dinadaanan namin. Ako rin naman tahimik lang dahil iniisip ko ang dahilan na sasabihin kay Kuya John kapag nalaman niyang nag-skip ako ng class ngayon. Tiyak na lintik lang ang walang ganti.
First time kong mag-skip ng class. Kapag inaaya ako dati nina Anton at Alex na mag-cutting class, hindi ako sumasama. Mga pangit kasi silang tomboy. Ang mga pangit na tomboy, dapat nag-aaral mabuti.
Hindi ko rin inaakalang si Ross pa ang makakasama kong mag-cutting class. Jusko lang, hindi ba? Iba talaga magbiro ang diyos ng mga tomboy. Ikaw na talaga, `tol. Ikaw na ikaw na.
Napasulyap ako kay Ross habang nagmamaneho siya. Napagmasdan ko tuloy ang physical appearance niya. Hindi naman sa pagiging bading o ano, ha? Hindi rin sa nagkakagusto ako sa kanya dahil imposible iyon dahil ayoko nga sa lalaki. Tomboy ako. Tomboy. Aaminin kong nakakainggit ang physical appearance ng damuho. Ang tangos ng ilong. Ang pinkish ng lips niya. Iyong eyelashes niya, ang hahaba. Pagkatapos, ang mga kilay niya, ang kakapal. Iyong jawline niya rin, ang perfect.
Nakakainggit ang mukha ng lalaking ito. No wonder kung bakit siya habulin. Kung ganyan din ang mukha ko, tiyak, habulin din ako.
“Bakit ka ganyan makatitig? Guwapong-guwapo ka ba sa `kin? Sorry ka na lang. `Di ako napatol sa tomboy,” biglang sabi niya, napangisi pa nga kahit hindi nakatingin sa akin.
“Asa ka naman, boy. `Di rin ako napatol sa jejemon. Alam mo, ayos ka sana, eh. Guwapo ka, `tol. Pero mas guwapo ako sa `yo. Iyon nga lang, babaero ka. Kaya bad trip ako sa `yo.”
“Hindi ako babaero. Loyal akong magmahal.”
“Ay, `sus! Narinig ko na `yan. Sino bang babaero ang umamin na babaero sila? Wala pa. Hindi mo ako gayahin. Guwapo na. Loyal pang magmahal.”
Natawa si Ross. “Talaga bang tomboy ka? I mean, as in tomboy? Bakit mo naisipang maging tomboy?”
“Trip ko lang. Na-bore ako sa buhay ko, eh,” sarkastiko kong sagot. “ `Shunga mo, `no? Hindi ko lang naisip `to. Ito ang nakatadhana. Ako ang magliligtas sa mga babaeng niloko.”
“Magliligtas?” Natawa na naman siya. “Ano ka, superhero? Super Tomboy, gano’n?”
“Hindi. Super Jejemon ganyan. Teka nga, ba’t napunta sa pagiging tomboy ko ang usapan na `to? At bakit tayo nag-uusap? `Di naman tayo friends, `no,” nasusura kong sabi.
“May naalala ako,” sabi uli ni Ross. “Naalala kita. Ikaw `yong kumanta last year, `di ba? Iyong kumanta sa school’s festival na mukhang madre?” Tumawa siya nang tumawa. “Tama, ikaw `yon. Ikaw `yong nakasalubong ko sa hallway na mukhang madre sa haba ng palda.”
“Tarantado ka. Madre ka diyan. Sadyang ganoon lang talaga kahaba ang palda ko noon,” inis kong sagot. “Napilitan lang naman akong sumali doon sa school play. Sayang grade, eh. Lintik kasi `yang sina Alex at Anton. Iyong mga tropa kong tomboy na mga pangit? Sila naglista sa `kin doon.” Napatigil ako sa pagsasalita. “Bakit nga pala ako nagkukuwento sa `yo? Hindi naman tayo close, `no.”
Tawa nang tawa si Ross habang nagmamaneho. Iyong tipo ng tawa na laugh trip kumbaga. Ngayon ko lang siya nakita na tumawa nang ganoon. Akala mo bata kung tumawa.
Tumingin siya sa akin. “Grabe ka, tomboy. Pero, aaminin ko, ang ganda ng boses mo,” pagpuri niya habang titig na titig sa akin.
Dahil sa pagtitig ni Ross, bigla kong naramdaman na kumislot ang puso ko. Hindi ko alam ang ibig sabihin niyon. Bigla tuloy akong nailang at napaiwas ng tingin. Natatae lang ako. Tama. Natatae lang ako kasi mukhang inidoro ang mukha ni Ross.
“Hindi na mauulit `yon. Ayokong kumakanta.”
“Bakit naman?”
“Basta. `Wag ka nang magtanong,” seryoso kong sagot.
Natahimik na lang din siya at hindi na ako kinausap. Siguro naman ay naramdaman niyang nainis ako. Ayoko na talaga kasing kumanta. Kapag kumakanta ako, naaalala ko lang si Papa.
Sa sobrang tagal ng biyahe namin na hindi ko alam kung saan kami pupunta, nakatulog na ako. Nagising na lang ako nang maramdaman kong tinatapik ni Ross ang balikat ko. Pagmulat ko ng mga mata, ang lapit-lapit ng mukha niya sa akin. Bigla tuloy akong napalayo.
“Waaah! Tae naman, `tol. `Wag mo na uling uulitin `yon, ah. Balak mo ba akong halikan habang natutulog ako? Kadiri ka, `tol. Kadiri talaga,” diring-diri kong sabi habang pinupunasan ang gilid ng bibig ko. Tulo laway pala ako matulog.
“Baliw. Wala akong balak halikan ka. Labas na. Nandito na tayo.”
Napatingin ako sa paligid. “Nasaan tayo?”
“Nasa Tagaytay,” sagot niya habang nagsusuot ng jacket, saka lumabas ng kotse.
Ano raw? Tagaytay? Lintik na. Paano kami nakarating dito? At ano ang gagawin namin dito?
Lumabas din ako ng kotse at sumunod kay Ross. Sa paglabas ko, sumalubong sa akin ang malamig na simoy ng hangin ng Tagaytay. Para akong nasa Baguio sa sobrang lamig. Ang nipis pa naman ng suot kong blouse. Bad trip. Magkakasakit yata ako nito.
“Ano’ng ginagawa natin dito?”
“Dito ako pumupunta kapag kailangan kong mag-isip,” sagot ni Ross habang nakatalikod.
“Eh, ba’t kailangan ko pang sumama? `Di ko naman kailangang mag-isip,” iritado kong sabi. “Wooh. Ang lamig naman dito. Magkakasakit `ata ako.”
“Kailangan nga kitang makausap, `di ba?” seryosong sagot ni Ross, saka humarap sa akin at napailing-iling. Hinubad niya ang jacket niyang itim at ibinato sa mukha ko. Hindi naman masakit dahil cotton iyon. Pero, bakit niya ibinato?
“Ano’ng gagawin ko dito sa jacket mo? Ipapasok ko ba sa kotse? Ginawa pa akong yaya ng salaula na `to.”
“Baliw. Isuot mo `yan. Nilalamig ka, `di ba?”
Nagtama ang paningin namin. Seryoso si Ross sa sinabi niya. Napakapit tuloy ako nang mahigpit sa jacket dahil naramdaman ko uli ang pagkislot ng puso ko.
Taena. Ano bang pagkislot iyon? `Lakas makabading!