CHAPTER FOURTEEN
N AGING ganito lang naman ako nang dahil sa walang kuwenta kong ama. Naging tomboy at pilit nagpapakalalaki dahil naisip ko noon, kapag naging babae ako, matutulad ako kay Mama. Isang babaeng paulit-ulit na nasasaktan dahil sa lalaking kaisa-isa niyang minamahal.
Nang dahil sa ginawa noon ni Papa kay Mama at sa pamilya namin, itinatak ko na sa isip ko na hinding-hindi dapat ako magmamahal ng isang lalaki. Hindi ko dapat hayaan ang sarili kong mahulog sa isang walang kuwentang lalaki dahil alam kong masasaktan lang ako sa bandang huli. Bata pa lang ako noong iniwan kami ni Papa dahil sumama siya sa ibang babae. Pero kahit bata pa lang ako, naiintindihan ko na ang nangyayari sa paligid ko.
Alam na alam ko na kung bakit gabi-gabing umiiyak si Mama. Alam na alam ko kung bakit hindi siya kumakain sa araw-araw. Alam na alam ko kung bakit hindi na niya ako nahahatid sa school. Alam na alam ko ang dahilan ng bawat patak ng luha na lumalabas sa kanyang mga mata. Alam na alam ko ang dahilan kung bakit mas pinili niyang magpaalam sa mundong ito.
Bawat galaw at sinasabi kasi ni Mama, naiisip niya si Papa.
Si Papa na nangako sa kanya na mamahalin siya habang-buhay pero hindi naman tinupad. Si Papa na pagkatapos nang ilang taon nilang pagsasama, pagkakaroon ng ilang anak, at pagbibigay sa akin ng isang ideya na perpekto siyang ama, ay iniwan lang kami nang ganoon-ganoon lang. Siya mismo ang unang sumira ng tiwala ko sa kalalakihan. Siya ang nag-udyok sa akin na lumaki sa kung ano ako ngayon. Ang mismong naghulma at nagbigay sa akin ng ideya na ang mga lalaki ay walang kuwenta. Mapanakit. At sa una lang magaling.
Si Papa mismo ang nagpatunay sa akin na hindi dapat pinagkakatiwalaan ang mga lalaki. Siya, ang mismong tatay ko. Nakakatawa, ano? Tatay mo pa mismo ang kauna-unahang sumira ng puso mo.
Mula noon, habang lumalaki ako, naisip ko na magiging tomboy na lang ako. Alam ko kasing kapag naging tomboy ako, hindi ko mararanasan ang naranasan ni Mama. Hindi ako magiging mahinang babae. Hindi ako magiging tanga sa pagpili ng isang lalaki. At hinding-hindi ako masasaktan.
Kaya itong puso ko, ginawa kong lalaki. Pinatigas ko. Nilagyan ko ng harang. Isang klase ng harang na walang sinumang lalaki ang makakasira at makakapasok. Pilit kong pinaniwala ang sarili ko na babae ang gusto ko. Ayoko kasing masaktan. Ayokong mawasak ang puso ko dahil lang sa pagmamahal sa isang lalaki. Hindi ko dapat maranasan ang naranasan ni Mama. Ayokong umiyak. Ayokong talagang masaktan. Ayokong maging miserable dahil lang sa lalaki.
Kaya iyong unti-unti kong nararamdaman kay Ross? Hindi dapat magtagal. Hindi ko na dapat uli maramdaman pa. Sa una lang kasi masarap sa pakiramdam. Alam na alam ko na kapag nagtagal iyon, ang nararamdaman ko sa lalaking tulad ni Ross ang sisira sa sarili ko. Hangga’t hindi pa nalulunod ang puso ko, kailangan ko na iyong iahon. Sigurado kasi akong kapag nagtagal pa, malulunod lang ako. Malulunod sa paraang hindi ko na maliligtas ang puso ko.
Isa pa, ibang babae ang gusto ni Ross. Kahit ipagpatuloy ko man ang nararamdaman ko para sa kanya, wala ring kuwenta. Hindi niya rin masusuklian dahil hindi naman ako si Donna. Hindi ako ang nagugustuhan niya.
Kaya kahit ipagpatuloy ko ang pakiramdam ko, mapupunta lang iyon sa wala. Tulad nga ng sinabi ni Kuya Joseph kagabi, mahirap magkagusto sa isang taong may ibang namang nagugustuhan. Pero mas mahirap na masaktan ka nang dahil lang sa isang taong hindi naman ikaw ang kailangan.
Nakakatawa lang ang sitwasyon ko ngayon. Kung noon si Donna ang iniintindi ko dahil pakiramdam ko, aagawin siya sa akin ni Ross. Ngayon, si Ross ang pinoproblema ko dahil sa pakiramdam na ito na hindi dapat at hindi ko nagugustuhan. Kaya napagdesisyunan ko nang itigil ang kahibangan ko sa kanya. Pangangatawanan ko na lang ang pagiging tomboy ko. Isang tomboy na walang puwang ang puso para sa isang lalaki.
Kanina pa ako gising pero nakatulala lang ako sa kisame ng kuwarto ko. Tinatamad akong kumilos ngayon. Gusto ko nga lang sanang matulog buong araw. Nakakatawa lang dahil kapag Linggo, kadalasan, energetic ako. Pero ngayon, parang wala akong ganang mabuhay. Parang gusto ko lang munang mawala pansamantala. Tumakas. At takbuhan ang mga gumugulo sa isip ko.
“Ano ba, MJ? Umayos ka nga! Para kang heart broken kung mag-isip!” sermon ko sa sarili ko. “Nakakadiri ka. Kalalaki—este, katomboy mong tao, nag-iinarte ka!”
Tumayo na ako sa kama, saka inayos iyon. Palabas na sana ako ng kuwarto nang mapasulyap ako sa cell phone ko. Nag-aalangan pa nga ako kung itse-check ko o huwag na. Pero baka may importanteng text kaya tiningnan ko na rin. Pero maling-mali nga kadasalan ang desisyon ng puso. Tumambad agad sa mga mata ko ang napakaraming text messages ni Ross. Ang aga-aga ang lakas niya talagang makasira ng mood.
Ross: Good morning, tombs. Ang aga ko nagising ngayon :D
Ross: Mahaba na ba buhok ko? Tingin mo kailangan ko nang magpagupit?
Ross: Tombs, tulog ka pa? Tanghali na huy!
Ross: Di ko alam isusuot ko. Di ko natanong kay Donna kung formal date ba kami. Bad trip.
Ross: Tombs, tulungan mo naman ako!
Ross: AzAr NaMaN yOu.
Ross: Baby gising naaaa :(
Ross: Message mo ko kapag gising ka na. I really need your help!
Ross: Please?
Napapikit ako. `Lakas talaga mangyamot ng damuho na iyon. Sa akin pa talaga niya balak magpatulong? Ano ba ang alam ko sa ganoon? Wala pa naman akong nakaka-date. Saka, shunga ba siya? Masyado siyang mapanakit. Sa akin pa talaga niya itinatanong at sinasabi kung gaano siya ka-excited sa date nila ni Donna mamaya? `Sabagay hindi niya nga pala alam ang feelings kong unti-unting lumalaki nang dahil sa kanya.
Nakakabuwisit talaga si Ross. Habang siya excited sa date niya mamaya kasama ang taong gusto niya, ako naman, kumikirot naman ang puso dahil sa kanya.
Nag-reply ako.
Ako: Pakyu! Dami mong text. Lakas mo makasayang ng battery!
Wala pang isang minuto kong nase-sent ang text ay agad na nag-ring ang phone ko.
Jejebuster calling…
“Hello?”
“Tombs!”
Nailayo ko sa tainga ang cell phone dahil sumigaw ang damuho. “Lintik ka! May balak ka bang basagin ang eardrums ko?” sermon ko.
“Sorry na. `Di ko lang talaga alam gagawin ko. Help me. Tombs naman. Akala ko ba bromance tayo? Friend in need is a friend indeed, `di ba?”
“Ulol mo. Hindi tayo bromance at lalong hindi tayo friend.”
“Kasi gusto mo more than friends, `no?” Natawa pa siya.
Potek! `Lakas talaga mang-aning ng buwisit na ito.
“Bye!”
“Wait! Masyado ka namang seryoso. Sige na kasi.”
“Ano ba kasi `yon?”
“`Di ko alam ayos ko mamaya.”
“Kung naguguluhan ka sa isusuot mo, maghubad ka na lang.”
“Baka kapag nakita ni Donna `tong katawan ko, sagutin na niya ako agad.”
“Mayabang ka.”
“Nagsasabi lang ng totoo. Pero seryoso. Ano nga?”
Napaikot ako ng mga mata. Sa akin pa talaga siya humingi ng tulong para sa date nila mamaya. Pampasira ng umaga ko. “Be natural, brader . Suotin mo ang damit na komportable ka. Kahit ano nama’ng suot mo guwapo ka.”
“Ano? Guwapo ako? Teka, si tombs ba talaga ang kausap ko?”
Ano ba ang pinagsasabi ko? MJ umayos ka. Huwag kang magpahalata. “Sabi ko kahit ano nama’ng suot mo gago ka pa rin.”
“Hindi naman `yon ang narinig ko, eh. Okay na ang casual lang? Ano palang flowers ang gusto ni Donna?”
“Aba, malay. Bakit `di mo sa kanya tanungin? Ako ba si Donna? Sa kanya mo kaya itanong?”
“Siyempre kailangan surprise. Ang lame naman kung sa kanya ko itatanong.”
“Wala ka pa bang nabibigyan ng bulaklak? Totoo ka ba?”
“Wala pa,” seryosong sagot ni Ross kaya napatigil ako sa pagtawa. “I told you, no girlfriend since birth ako. Lahat ng nai-issue sa `king babae, hindi totoo. Ganito na lang, ano’ng paborito mong flowers?”
“Bakit? Bibigyan mo ako?” natatawa kong tanong.
“Bakit naman kita bibigyan, pareho tayong lalaki, `di ba? `Di naman ako nababading sa `yo.”
Kumirot na naman ang dibdib ko. Ang galing manakit ni Ross. Taenang lalaki ito ! Sige lang, MJ. Feel the pain until it hurts no more. “White roses. Iyon ang paborito ko.”
“Nice choice. Sige, `yon na lang ang ibibigay ko sa kanya.”
“`Wag!”
“Ha? Bakit?”
Shit. Para kasing may nag-udyok sa akin na pigilan si Ross. Parang gusto kong sabihin sa kanya na bigyan niya ng ibang bulaklak si Donna at huwag iyong tulad ng gusto ko. Pero ano ang sasabihin ko? May mga simpleng katanungan talagang ang hirap bigyan ng kasagutan.
“Tombs, still there? Bakit `wag?”
“Wag asawa ni wog.”
“Ha? `Di ko gets `yang asawa-asawa na `yan.”
“Slow ka kasing jejemon ka,” napabulong ako. “Manhid pa.”
“`Labo mo, tombs. Sige, call you later. Kuwentuhan kita. Maghanda na `ko at sunduin ko pa si Donna. Thanks, tombs.”
“`Ge.”
“I owe you a lot, tombs. `Love you, brader . Mwa!” Pinutol na niya ang tawag.
Natulala ako nang marinig ko ang pag-“love you” ni Ross sa akin. First time kong marinig iyon galing mismo sa kanya. Kaya ang puso ko, tumalon-talon na naman.
Hoy, puso. Leche ka. Manahimik ka. Sige, kapag ipinagpatuloy mo iyan, ikaw din ang masasaktan sa huli.
Napangiti ako nang mapakla. Halatang excited na excited talaga si Ross para sa araw na ito. Mukhang siya na yata ang pinakamasayang lalaki ngayon sa buong mundo.
Sa totoo lang, hindi ko rin ma-gets kung bakit nagpapatulong pa siya sa akin kay Donna. Kitang-kita ko naman kasi na may pag-asa siya kahit wala ang tulong ko. `Labo talaga niya.
Lumabas na ako ng kuwarto at nagpunta agad sa kusina. Ang daming supot ng grocery akong nakita. May ilang karton pa. Akala mo magbubukas kami ng tindahan sa sobrang dami.
Naabutan ko si Kuya John na nag-aayos ng mga grocery.
“Kuya, ang dami naman niyan? Magtitinda na ba tayo?” biro ko.
“Napadami nga, eh. Akala niya siguro ang lalakas natin kumain dito.”
Naguluhan naman ako. “Ha? Nino?”
“I mean, akala ko kasi wala na tayong stock dito kaya ang dami kong napamili kanina,” sagot niya na hindi man lang ako tinitingnan.
Pumasok naman sa kusina si Kuya Joseph habang may kausap sa cell phone.
“Opo. Salamat po. Nandito po. Kakagising lang,” magalang niyang sagot sa kausap niya. “Sige po. Salamat po uli. Ingat po kayo diyan.”
“Sino’ng kausap mo, Kuya?” nagtataka kong tanong.
“Si ano…” Tumingin si Kuya Joseph kay Kuya John, parang nagtatanong. “Si Ate Rayne mo `yon.”
“Mukha mo, Kuya Joseph. Sino nga?”
“Si Ate Rayne mo nga `yon. `Kulit mo, bunso.” Tumingin siya kay Kuya John. “`Tol, magsabi lang daw sa kanya kapag may iba pang kailangan.”
“Sino `yan? Sinong sa kanya ang pinag-uusapan n’yo?” curious kong tanong.
“Wala `yon, bunso. Kumain ka na diyan at uutusan kita sa mall.”
Parang iniiwasan nila ang tanong ko kaya pinabayaan ko na lang. Kung may itinatago sila sa akin, malalaman ko pa rin. Usisero pa naman akong tao. Walang lihim na hindi nabubunyag.
Kumain na lang ako nang kumain. Nag-stress eating ako.
Nasa sala sina Kuya John at Kuya Joseph. Parang may seryoso silang pinag-uusapan. Mukhang nagha-heart to heart talk ang kambal kong mga kuya. Usapang-lalaki kumbaga. Dapat kasali ako, hindi ba?
Nagpalipas lang ako ng oras sa panonood ng anime habang nakahilata sa kama. Maganda talagang pang-aliw ang panonood ng anime. Nawawala kasi lahat ng iniisip ko. Nawawala lahat ng gumugulo sa utak ko. Kahit papaano, hindi ko siya naiisip. Kahit papaano, nawawala sa isip ko pansamantala si Ross.
Hindi ko naman iniisip ang jejemon na iyon. Bakit ko naman iisipin ang taong alam ko namang hindi ako ang iniisip sa mga oras na iyon dahil abala siya sa ibang babae? Bakit ko iisipin ang lalaki na iyon? Ano ako, bakla?
Umayos ka, MJ. Iahon mo ang sarili mo kung ayaw mo talagang malunod. Mahirap iyang sitwasyon mo. Mahirap magkagusto sa isang taong may iba namang gusto. Para kang sumubok mag-Bungee Jumping na walang safety harness sa katawan. Nakaka-excite ang pagtalon pero paglagapak mo sa lupa, doon ka naman masasaktan.
Bandang hapon na nang utusan ako ni Kuya John para pumunta sa mall. Itinext ko naman si Anton na samahan ako dahil nakakatamad gumala sa mall mag-isa. Hindi naman ako heart broken o loner o nagso-soul searching para mag-isa.
Ako: Samahan mo ko pangit.
Anton: Sinong pangit?
Ako: Ikaw malamang. Samahan mo ako sa mall.
Anton: Saan nga? Wala akong arep, tol.
Ako: Sa mall lang.
Anton: Aww. La pera, par.
Ako: Libre kita!
Anton: On my way na ko tol. Kitakits sa entrance ng mall.
Ako: Leche ka. Kapag libre talaga ang bilis-bilis mo.
Anton: Hehe. See you!
Habang nasa jeep ako at papunta na sa mall, bigla na naman akong napaisip. Naisip ko bigla kung magkasama na ba ngayon sina Ross at Donna. Kung nasaan sila ngayon. Kung ano’ng ginagawa at pinag-uusapan nila. Napapaisip din ako kung nagkukuwento ba si Ross tungkol sa buhay niya. Ewan ko ba, parang bigla na naman akong nainis. Nainis ako sa ideyang nakangiti siya ngayon.
Lecheng utak talaga ito. Ang hilig isipin ang mga bagay na hindi dapat iniisip. Ang hilig mag-isip ng mga bagay na nakakasakit sa puso ko. Ito talaga ang ayoko sa babae. Masyadong nagiging emosyonal.
Pakshit kasing Ross. Ang galing manira ng dingding na nakaharang sa puso ko. Hindi niya pa tuluyang nasisira pero ganoon na agad ang nararamdaman ko. Paano pa kaya kapag tuluyan niyang nawasak ang nakaharang? Eh, di naging miserable na rin ako tulad ni Mama?
Sana puwedeng i-reformat ang feelings ng isang tao. Iyong isang click lang, makakalimutan mo na ang nararamdaman mo para sa isang tao. Isang click lang, hindi ka na agad makakaramdam ng sakit.
Pagbaba ko ng jeep, naglakad na agad ako papunta sa entrance ng mall. Nakita ko na agad si Anton na nakatayo at nakatulala. Kapangit talaga na tomboy nito.
“`Oy! Pangit na tomboy!” tawag ko sa kanya, kumaway pa ako.
Lumapit naman siya. “Makasigaw ka naman ng pangit.”
“Bakit ka kasi lumingon?”
“Eh, no choice ako. Wala kasing lumingon, so ako na lang.”
Tumawa ako. “Ay, `bobo mo talaga.”
“Minsan lang.”
“Anong minsan?”
“Oo na. Madalas na.”
“Nasaan pala si Alexandra?”
“`Di raw siya puwede. Masakit daw puson niya. Alam mo na? Babae na naman siya.”
“Ah. Tara na. Pasok na tayo.”
“`Oy, `tol. Wala akong pera. Ikaw bahala sa `kin. Bigyan mo ako ng pamasahe pauwi.”
“Oo na. Sigurista ka talaga kahit kailan.”
“Hindi naman. Naniniguro lang.”
“Iyon nga `yon. Ang bobo mo talaga kahit kailan.”
Pumasok na kami sa mall. Pumunta muna kami sa National Bookstore at bumili ng mga pinapabili ni Kuya John para sa work niya. Nagtingin-tingin din kami ng mga libro. Nakita ko na naman ang box set ng Game of Thrones kaya naglaway na naman ako. Kailan ko kaya mabibili iyon? `Di bale. Ako naman ang mananalo sa pustahan namin ng mga pangit na tomboy na ito.
Paglabas namin ng National Bookstore, nagpaalam sa akin si Anton na magbabanyo lang daw. Ang sabi ko, hintayin ko na lang siya sa event center. Pagdating ko naman doon, ang daming tao. Parang may event.
Patingin-tingin ako sa paligid hanggang sa mapunta ako sa photobooth. Na-curious ako sa kung sino ang nagpapa-picture.
Natigilan ako nang makita ko kung sino ang nagpa-picture sa photobooth. Ang liit nga naman talaga ng mundo. Sino ang mag-aakalang dito ko pa makikita sina Ross at Donna? `Sabagay hindi lang naman ito ang mall sa lugar namin.
Kahit ayoko na silang tingnan at gusto ko na sanang umalis, ayaw naman gumalaw ng mga paa ko. Parang gusto pa ng puso ko na mas masaktan sa nakikita ko.
Todo-ngiti si Donna habang nagpa-picture sila ni Ross. Naka-dress siyang puti. Ang ganda niyang tingnan. Mukha na namang anghel as usual.
Bigla tuloy akong napatingin sa damit ko. Maluwang na T-shirt. Maong pants, pagkatapos rubber shoes. Mukha akong timang na tomboy.
Napatitig naman ako kay Ross na nakangiti. Iba’t iba ang shots na ginawa sa kanila. Pero pansin ko, ang saya niya, nag-uumapaw. Akala mo siya na talaga ang pinakamasayang lalaki sa buong mundo.
Ang shot na ginagawa ngayon ay may hawak si Ross na arrow na nakaturo kay Donna. May nakasulat sa arrow na, “she’s mine.” Nang mabasa ko iyon, kumirot na naman ang puso ko.
Ang last shot na ang ikinagulat ko. Nakahawak si Ross sa baywang ni Donna nang bigla siyang halikan nito sa pisngi. Naghiyawan ang mga taong nakatingin din sa kanila.
Mukhang nagulat si Ross sa ginawa ni Donna pero todo-ngiti pa rin siya. Pansin na pansin ko rin ang mga tingin niya sa best friend ko. Halatang in love na in love talaga.
Naramdaman ko na lang na naluluha ako habang nakatingin sa kanilang dalawa. Tumalikod na ako at naglakad palabas ng mall. Pinipigilan ko ang sarili ko na huwag umiyak dahil para akong tanga. Habang todo-pigil ako sa sarili ko, nagdadasal ako. Ipinagdadasal ko na sana… sana hindi ko na lang nakilala si Ross.
Eh, di sana hindi ako nakakaramdam ng ganito.