noveltoon logo noveltoon
Lesbi In Love

Chapter 28

Ch. 28 / 32 Apr 09, 2022

CHAPTER TWENTY-EIGHT

G IGIL na gigil talaga ako sa hinayupak na si Ross ngayong araw. Hindi ko alam kung ano ang gusto niyang mangyari. Hindi pa ba siya masaya na nasaktan na niya ako? Bakit ba kasi hindi niya pa ako tigilan? Ano pa ba ang gusto niya sa akin para manahimik na siya at hindi na niya ako guluhin pa?

Pinapahiya niya lang ako sa buong school sa mga ginagawa niya ngayon. Iyong mga estudyante tuloy biglang natatawa kapag nakikita o nakakasalubong nila ako. Halos wala na akong mukhang maiharap.

Ayos lang sana kung si Ross ang pinagtatawanan dahil siya naman ang gumawa ng mga kalokohan na iyon. Pero hindi. Ako ang pinagtatawanan. Ako ang napapahiya at hindi siya.

Iyong nakasabit na malaking tarpaulin sa Engineering building hanggang ngayon ay nandoon pa rin. Iyong professor ko kanina tawa nang tawa habang nagle-lesson dahil doon. Patay na patay raw sa akin si Ross.

O talaga? Baka trip na trip lang `kamo ako kaya niya ako ipinapahiya.

Lalo pang natawa ang professor ko nang dumaan si Ross sa tapat ng classroom namin habang may hawak na illustration board. Akala mo nagwewelga ang walanghiya. Wala talaga siyang kahihiyan sa katawan. May nakasulat doon na “Sorry na, Tombs. I lesbi you so much. Mwa mwa.” Lalo pang lumakas ang loob ng jejebuster nang i-cheer siya ng mga classmate ko.

Lumabas ako ng classroom at hinablot ang illustration board, saka iyon hinampas kay Ross. Na-beast mode ako. Alam kong nagulat siya sa ginawa ko pero wala akong pakialam. Dapat lang sa kanya iyon. Kulang pa nga iyon sa mga kahihiyan na ginagawa niya sa akin.

Lunch break na ngayon kaya nasa banyo kami nina Anton at Alex. Inaayos ni Anton ang buhok ko dahil hindi raw pantay-pantay ang gupit. Si Alex naman, nakatayo sa gilid ko.

“Ano ba kasi ang nangyari, `tol? Bakit ba galit na galit ka kay Ross? `Tapos ginupitan mo pa ang buhok mo. Ako ang nanghihinayang, eh. Ang ganda pa naman,” sabi ni Anton.

“Oo nga, `tol. Ano rin nangyari sa date n’yo noong nakaraan? For sure may nangyaring hindi maganda, `no?” sunod-sunod na tanong ni Alex. “Kaya siguro effort kung mag-sorry si Ross ngayon.”

Nanahimik ako saglit. Hindi ko alam kung kailangan ko bang sabihin sa dalawang pangit na ito ang nangyari noong nakaraan. Ayaw ko na kasi talagang alalahanin. Nasasaktan pa rin talaga ako. Pero deserve naman nilang malaman kung ano ang nangyari at kung bakit ako galit na galit kay Ross. Ikinuwento ko sa kanila ang nangyari. Mula kina Ross at Donna hanggang doon sa tatay kong biglang sumulpot na parang kabute. Pati pag-aaway namin nina Kuya at pagsampal sa akin ni Kuya Joseph ay sinabi ko na rin. Hindi ko tuloy maiwasang hindi maluha habang nagkukuwento. Ang sakit pa rin talaga.

First time kong masampal ni Kuya Joseph. Noong bata pa ako, never niya akong pinalo sa kakulitan ko. Siya pa nga ang palagi kong kakampi kapag pinapagalitan ako ni Kuya John. Pero dahil lang doon sa tatay namin, nagawa niya akong saktan.

“Ano? Wala man lang kayong reaction? Hindi man lang kayo sasang-ayon sa `kin? Hindi n’yo man lang sasabihin na ako ang pinakakawawa sa nangyari?”

“Dude, walang kasang-a-sang-ayon sa sinabi mo,” seryosong sabi ni Alex. “Ang sarap mo pa ngang tadyakan sa noo sa totoo lang. Kung hindi lang kita tropa baka nasapak na kita ngayon. Matalino ka, MJ. Pero kadalasan bobo ka. Hindi mo ginagamit palagi ang utak mo.”

“Ano’ng pinagsasasabi mo?” gulat na tanong ko.

“Sinasabi ni Alex na bobo ka, `tol,” komento naman ni Anton. “Palagi mong sinasabing sa `ting tatlo, ako ang pinakabobo. Pero sa totoo lang, ikaw ang pinakabobo, `tol. Ako kasi, marunong akong makinig sa paliwanag. Marunong akong umintindi sa sitwasyon. At kahit iniwan din kami ng tatay ko, kahit kailan, hindi ko siya binastos. Kasi kahit bali-baliktarin natin ang mundo, kapag wala siya, wala ako. Eh, di wala kayong kyot na tropa, `di ba?”

Dinedma ko lang ang sinabi ni Anton.

“`Wag kang magagalit, MJ, ah? Pero ugali mo na talaga `yan mula noong high school pa tayo. Masyadong matigas ang bungo mo. Palaging sarado `yang utak mo sa paliwanag,” dagdag pa ni Alex.

“Naalala ko tuloy noong high school tayo. Iyong party sa school? Ang usapan, pare-pareho tayo ng T-shirt na isusuot. Pero noong party na, iba iyong suot ni Alex,” pagsingit naman ni Anton.

“Inaway mo `ko noon, `di ba, `tol?” tanong sa akin ni Alex. “Iyon `yong unang beses tayong hindi nag-usap dahil lang sa lintik na T-shirt na `yon. Hindi mo na ako kinausap. Hindi mo man lang ako pinagpaliwanag.”

Naalala ko iyon. Napag-usapan nga naming tatlo na pare-parehong T-shirt ang isuot sa party noong high school. Para astig sana kami. Pero noong dumating si Alex, hindi kapareho ng suot namin ni Anton ang suot niya. Naka-blouse siya. Na-bad trip tuloy ako sa kanya.

“Kasi nabuwisit na ako sa `yo noon. Alam n’yo naman ako kapag nagalit na, hindi na ako marunong makinig.”

“Exactly!” sabi ni Alex. “Iyan nga dapat ang baguhin mo sa attitude mo. Hindi maganda ang ganyang ugali, `tol. Sa totoo lang, nabuwisit din ako sa `yo noon. Hindi mo kasi hinintay ang paliwanag ko na wala nang stock ng gano’ng shirt. Akala mo pinaglololoko kita.”

“At sa problema mo ngayon? Ikaw ang may pinakamalaking pagkakamali,” sabi ni Anton. “Hindi ko sinasabing walang mali kay Ross o sa mga kuya mo. Pero, `tol, ikaw ang pinakamali sa inyong lahat.”

“Teka nga? Bakit ba hindi ako ang kinakampihan n’yo? Ako ang kaibigan n’yo, eh.”

“Ikaw nga ang kaibigan namin kaya nga sinasabi namin sa `yo ang tamang gawin,” sabi ni Anton. “Hindi namin ito-tolgate `yang pagiging makitid ng utak mo.”

“Tolerate `yon, Anton. Tolgate ka diyan. Kabobohan mo talaga,” pambabara ni Alex. “Alam mo, `tol?” baling niya sa akin. “Kung ayaw mong patawarin si Ross? At least, bigyan mo siya ng chance magpaliwanag. Deserve n’yo pareho `yon. Deserve niyang sabihin kung bakit niya nagawa `yon. Deserve mo rin malaman ang reason niya para makapag-move on ka na kung wala ka na talagang plano na magkaayos kayo.”

“Tama si Alex, `tol. Todo-airport—”

“Effort `yon, Anton. Effort,” pagsingit ni Alex.

“Whatever. Todo-effort si Ross ngayon, o. Sigurado akong nagsisisi na siya sa ginawa niya.”

“Effort? Effort na para sa inyo `yong ginagawa niya?” Hindi ako makapaniwala. “O sige, sabihin na natin na bibigyan ko siya ng chance na mag-explain. May magbabago ba? Mawawala ba ang sakit sa puso ko dahil sa ginawa niya? Lintik. Puro na lang sorry. Kaya nasasanay ang isang tao na gumawa ng pagkakamali. Akala kasi nila, palagi silang papatawarin. Akala niya, unlimited ang pasensiya ng isang tao.”

“Hala, `tol. May sakit ka sa puso? Iyong lola ko, `yan ang ikinamatay!” kabobohan na sabi ni Anton.

Hindi ko na siya pinansin. Wala akong oras sa kabobohan niya ngayon.

“Eh, `tol. Natural lang naman sa tao ang magkamali. Kaya nga siya tao kasi hindi siya perpekto. Minsan nakakagawa siya ng mga bagay na nakakasakit sa kapwa niya. Pero `di ba, at least marunong siyang mag-sorry at itama ang mga pagkakamali niya?” sabi naman ni Alex. “Hindi nga mawawala ang sakit na natamo mo sa ginawa ni Ross, pero nag-e-effort `yong tao ngayon. Nag-e-effort na bumawi sa `yo.”

Iyon ang ayoko kay Alex. Masyadong ma-sense ang sinasabi niya. May point siya pero hindi niya naman nage-gets ang point ko. Masyado niyang pinu-push na higit sa aming lahat, ako ang mali.

“Hindi kasi kayo ang nasaktan kaya hindi n’yo alam ang nararamdaman ko.”

“Oh, Lord. `Tol, hindi lang ikaw ang nasasaktan sa mundo. Hindi lang ikaw ang may feelings. Hindi lang sa `yo umiikot ang mundo. `Wag kang makasarili,” sagot ni Alex.

“Rebisco nga may feelings. Ang sarap ng feelings mo,” entrada naman ni Anton.

“MJ, makinig ka,” si Alex uli. “Oo, nasaktan ka. Oo, sa inyong lahat, ikaw ang pinakanasaktan. Masakit ang sinabi ni Ross sa `yo. Masakit `yong nagsinungaling siya sa `yo. Oo, nasaktan ka nina Kuya mo. Oo, niloko ka nila. Masakit naman talaga `yon. Pero sila ba, natanong mo kung nasasaktan din ba sila?

“Mahal ka nila, MJ. At sigurado akong masakit sa loob nila na nasaktan ka nila. Dude, minsan nagsisinungaling ang isang tao hindi dahil gusto niyang manloko, kundi dahil ayaw niyang masaktan ang taong mahal niya kapag nalaman niya ang totoo.”

“Mas maganda nang malaman ang totoo kahit na masaktan pa. Kaysa sa kampante ka nga sa isang bagay na kasinungalingan lang pala,” sabi ko naman.

“Tama si MJ, Alex. May kasabihan nga na the truth will set you on fire by Mareng Adele,” sabad ni Anton. Sabay namin siyang tiningnan ni Alex pagkatapos dinedma na rin.

“Dude, hindi mo ba nage-gets ang point ko?” tanong ni Alex. “Oo na. Mali na sila dahil nagsinungaling sila. Pero sana bigyan mo sila ng chance para magpaliwanag. Lalo na sina Kuya mo. Hindi mo ba nakikita ang sakripisyo nila sa `yo mula noong bata ka pa? Wala silang hinangad na hindi makakabuti sa `yo. Sigurado akong may reason sila kaya sila naglihim sa `yo tungkol sa papa mo. At sana alamin mo `yon.”

Hindi ko na ma-take ang mga pinagsasasabi ni Alex. Ang lumalabas kasi, ako ang pinakamali sa lahat. `Tang’na. Ako na nga ang pinakanasaktan, ako pa ang pinakamali? Nasaan ang hustisya? Nabubuwisit na talaga ako. Imbes na kampihan niya ako, kumakampi pa siya sa mga taong iyon. Iyon ba ang mga kaibigan niya? Kung doon siya kumakampi, eh, di doon siya.

“Yay! Tapos na. `Ganda na ng buhok mo, `tol,” tuwang-tuwang sabi ni Anton nang matapos niyang ayusin ang buhok ko. Ibinalik niya sa bag ang gunting.

Sinamaan ko ng tingin si Alex. “Alam mo, Alex? Iyan ang mahirap sa `yo. Masyado ka kasing malambot. Kapag nasaktan ka, ang dali mong magpatawad. Kaya ka ilang beses nasaktan ni Nathan noon, `di ba? Ginago ka na nang ilang ulit, ilang beses mo pa ring pinatawad.”

“Teka, bakit nadamay si Nathan sa usapan? Labas siya dito, MJ,” inis na sabi ni Alex. “Iba ang problema namin ni Nathan sa problema mo ngayon.”

“Eh, bakit? Totoo naman, `di ba? Ilang beses ka niyang ginago? Ilang beses kang umiyak? Ilang beses ka naging malambot sa kanya? Masyado kasing malambot ang puso mo kaya ka palaging naloloko. Ang tanga mo rin kasing magmahal. Hindi na nga seryoso `yong tao sa `yo, pero pinapatawad mo pa rin. Sorry, ha? Hindi mo kasi ako kasinlambot kaya hindi ko kayang magpatawad nang gano’n kadali.”

“Eh, ano rin kung naging malambot ako? Okay na `yon kaysa maging tulad mo na ang tigas ng puso!” galit niyang sabi. “Masyado kang selfish sa totoo lang. Akala mo ikaw lang ang marunong masaktan. Pinapaintindi lang ang sitwasyon sa `yo pero ikaw pa ang nagagalit. Ano’ng gusto mo? Ikaw pa ang kampihan namin kahit ikaw ang mali? Ano, tanga-tangahan lang?”

“Natural!” sigaw ko. “Natural lang na ako ang kampihan n’yo dahil kaibigan ko kayo!”

“Hindi ganyan ang totoong ibig sabihin ng kaibigan, MJ. Ang tunay na kaibigan, itatama ang pagkakamali ng kaibigan niya. Ipapaintindi ang pagkakamali nito at sasabihin ang dapat nitong gawin. Ngayon, sinasabi ko sa `yo na hayaan mong magpaliwanag sina Ross, Donna, at ang mga kuya mo. Dahil sa totoo lang, ikaw ang pinakamali sa inyong lahat! Nasasaktan ka dahil masyadong makitid `yang utak mo. God, MJ. Hindi ka na bata!”

“Tama na nga, Alex! Masyado ka nang nangingialam, eh!” sigaw ko. Naiirita na talaga ako.

Napatigil si Alex dahil sa gulat. Mukhang nasaktan siya sa sinabi ko. Mapakla siyang napangiti. “Ako, nangingialam?” hindi niya makapaniwalang tanong. “Natural, `tol, Kaibigan kita. Kaya nangingialam ako sa problema mo. Sino bang gagong kaibigan ang gustong naghihirap ang kaibigan niya dahil sa problema? Gusto lang kitang tulungan.”

“Puwes, hindi ko kailangan ng tulong mo. Hindi ko kailangan ng pakialamerang kaibigan. Hindi ko kailangan ng tulad mo, Alex. So, shut up!”

Nakita kong nagtubig ang mga mata ni Alex. Titig na titig siya sa akin. Nasaktan ko talaga siya. Gusto kong bawiin ang mga sinabi ko pero ayaw akong hayaan ng pride ko.

“Mga tomboy, tama na nga `yan. Bakit ba kayo nagsisigawan?” tanong ni Anton. “Sisigaw din ba ako?”

“Sorry kung ang pakialamera ko. Sorry kung nagbibigay lang ako ng advice sa `yo. Sorry kung feeling mo, nangingialam ako. Gusto ko lang kasi na mapabuti ang sitwasyon mo. Gusto ko lang na tulungan ka sa problema mo. Pero ang ending, ako pa rin pala ang mali. Kasi akala mo nangingialam ako.”

Pinunasan niya ang mga luha niya. “Kung hindi mo kailangan ng tulad ko, okay fine. Bahala ka sa buhay mo. At least, bilang kaibigan mo, hindi kita iniwan sa panahong problemado ka. Ako na ang tumutulong sa `yo, `tapos ako pa ang nangingialam? Eh, di wow. Boom panes ka pala.” Tumalikod na si Alex at dere-deretsong lumabas ng banyo.

Naiwan kaming dalawa ni Anton.

“Alex, wait!” pigil ni Anton pero hindi siya pinansin ni Alex. “Hala ka, MJ. Pinaiyak mo si Alex!”

“Eh, di patahanin mo! Sige na. Iwan n’yo na ako!” sigaw ko.

“Bakit mo ba ako sinisigawan? Wala naman akong ginagawang masama, ah.” Naiiyak na rin si Anton.

“Iyang mukha mo, masamang tingnan!” yamot kong sagot.

“Grabe ka na sa mukha ko! I hate you, `tol. Hindi kita bati hanggang matapos ang uwian!” Naglakad na si Anton papunta sa pinto. “Hindi mo man lang ako pipigilan sa pagwo-walk out, `tol?”

“Hindi. Lumayas ka na.”

“Pigilan ko na lang sarili ko para hindi ako mag-walk out. `Wag kang mag-walk out, ha? Pinipigilan kita. Magpapigil ka.”

“Puwede ba, Anton? Iwan mo muna ako!”

“Nakasigaw ka na naman.” Napanguso siya. “Bakit ka ba sigaw nang sigaw?”

“Punyeta. Umalis ka na. Sasapakin kita!”

“Okay. Bye.” Lumabas na si Anton. Inirapan pa ako ng pangit.

“Pota!” Napasigaw ako sa sobrang inis. Hindi naman iyon ang gusto kong sabihin kay Alex. Hindi ko gustong saktan siya. Kapag talaga nagagalit ako, kung ano-ano ang lumalabas na masasakit na salita mula sa bibig ko. Nagiging matigas din ang ulo ko.

Iyon nga ang ayaw ko sa sarili ko. Alam ko naman na iyon ang mali sa akin. Pero hindi kasi nila ako maintindihan na nagiging ganito ako dahil sa kanila. Dahil nasaktan nila ako.

Madali ngang makinig sa paliwanag nila. Madaling magpatawad. Pero hindi madaling makalimot. Tuwing naaalala ko ang mga ginawa ni Ross at nina Kuya, nasasaktan pa rin ako. Nasasaktan ako dahil kung sino pa ang mga taong pinakaimportante sa akin, sila pa ang mismong gumago sa akin. Para nila akong sinaksak nang ilang ulit sa likod.

Napatigil ako sa pag-iisip nang makarinig ako ng malakas na pag-utot mula sa cubicle. Napatingin tuloy ako sa likuran ko. May tatlong cubicle sa loob ng banyo. Iyong malakas na utot, galing sa gitnang cubicle.

Nilapitan ko ang cubicle at kinalampag ang pinto. “Letse ka! Sa lahat ng eksena, puro pag-utot mo ang sumisira sa moment ko! Lumabas ka diyan at bubugbugin kita!”

“Masakit tiyan ko. Ano’ng magagawa ko?” sagot ng babae sa cubicle.

“Palaging masakit tiyan mo sa lahat ng moment ko dito sa banyo? Kakaiba ka!”

“Thanks!”

“Gago, hindi `yon compliment!” sigaw ko, saka lumabas ng banyo.

Naglakad ako papunta sa canteen. Hindi pa ako kumakain. May time pa naman para lumamon. Kailangan kong mag-stress eating dahil nakaka-stress ang mga nangyayari sa akin ngayon.

Nakita ko na naman ang malaking tarpaulin na nakasabit sa Engineering building. Kumulo na naman ang dugo ko nang maalala si Ross. Ayoko siyang makita ngayon. Sana hindi ko siya makita. Huwag muna sana siyang dumagdag sa stress ko, please lang.

Pagdating ko sa canteen, agad akong umupo. Nilibot ko muna ang paningin ko para makita kung nandoon ba ang jejebuster na iyon. Mabuti naman wala. Mukhang todo-practice sila dahil nga may laban sila ng basketball next week sa ibang lugar bago ang acquaintance party ng school.

Bumili muna ako ng pagkain. Isang soft drinks na nasa bote at isang spaghetti. Bumalik na agad ako sa upuan. Binubuksan ko pa lang ang Styrofoam nang may tumayo sa gilid ko.

Pagtingin ko nakita ko si Ross na pawisan. Naka-topless siya. Nakasabit sa balikat niya ang jersey shirt niya. Mukhang galing siya sa practice. Nakangisi siya sa akin kaya napairap ako.

“Mabuti naman naabutan kita dito sa canteen, tombs. Na-miss mo ba ako?” nakangiti niyang tanong.

Napansin kong nakatingin sa amin ang mga estudyante sa canteen. Nakangisi rin sila. Iyong iba, nagbubulong-bulungan pa. Mukhang pasekreto nila akong pinagtatawanan nang dumating si Ross.

“Lumayas ka nga dito. `Wag mo `kong guluhin.”

Binuksan ko na ang Styrofoam, saka sumubo ng spaghetti.

“Bakit ako lalayas dito? Eh, nandito ang babaeng mahal ko.” Umupo siya sa tabi ko.

Napatingin ako sa paligid. “Nandito ang babaeng mahal mo? Nasaan? Hindi ko makita si Donna.”

Nawala ang ngiti ni Ross, saka napailing. “Gutom na ako, tombs. Pahingi naman niyang kinakain mo.”

“Ayoko. Bumili ka ng sa `yo. Timawa ka.”

“Sige na, tombs. Pahingi na.” Bigla niyang kinuha ang spaghetti, saka nagsimulang kumain. “Yummy. `Sarap. `Sarap talaga ng pagkain kapag ka-share mo ang taong mahal mo.”

Napapikit ako sa sobrang inis. Kalma, MJ. Kumalma ka. Huwag mong hayaan na mabuwisit ka ni Ross ngayong lunch break mo. Kota na siya ngayong araw. Huwag mo na siyang bigyan ng satisfaction na lalo ka niyang mainis. Inhale. Exhale.

“Alam mo?” sabi ko kaya napatingin siya sa akin. “Nakakakulo ka ng dugo.”

Natawa si Ross. “Alam mo rin?” Lumunok siya. “Mahal kita, tombs. Mahal na mahal.”

Biglang kumirot ang puso ko sa sinabi niya. Lecheng Ross ito. Napangiti ako nang mapakla. “Wala kang alam sa pagmamahal, Valentin. Kung mahal mo ang isang tao, hindi ka magsisinungaling. Kung mahal mo ang isang tao, hindi ka gagawa ng isang bagay na makakasakit sa kanya. Unfortunately, hindi mo siya mahal. Kaya mo siya sinasaktan.”

Napatigil si Ross sa pagkain. Sumeryoso ang mukha niya. “Kung mahal mo rin ang isang tao, hahayaan mo siyang ipaliwanag ang side niya. Hindi mo agad siya huhusgahan.”

“Masisisi mo ba ako? Eh, tarantado ka pala. Ikaw nauna. Ikaw ang nagsabi ng kung ano-anong masasakit na salita, `tapos hahayaan kitang magpaliwanag? Pakyu ka hanggang next century.”

“Kaya nga binabawi ko na, `di ba? Kaya nga bumabawi ako sa `yo? Kasi gusto kong hayaan mo akong magpaliwanag kung bakit ko `yon nagawa.” Lumungkot ang mukha niya. “Tombs, hindi ka ba napapagod? Kasi ako, napapagod na ako sa awayan natin. Please, balik na tayo sa dati. Come back to me, please? Lahat ng gusto mo gagawin ko. Hindi iyong… hindi `yong ganito tayo.”

Pakiramdam ko, sasabog na ang puso ko sa sobrang sakit. Lalo pang sumakit nang marinig ko ang mga sinabi ni Ross. Masyadong malungkot. Masyado siyang nasasaktan. Pero hindi kasi ganoon kadali iyon. Hindi ganoon kadaling kalimutan ang lahat. Hindi ko siya kayang patawarin agad.

“Kung napapagod ka na, tumigil ka na. Hindi ko hininging mag-effort ka sa `kin. Hindi ba, sinabi ko sa `yo na wala ka nang aasahan sa `kin?”

Napatitig si Ross sa akin, saka ngumiti nang malungkot. “Sana ganoon kadaling huminto, `di ba? Oo, napapagod ako. Pero hindi ibig sabihin n’on, hihinto na ako sa `yo. Paano ko susukuan ang babaeng minamahal ko? Tombs, mahal kita. Mahal na mahal.”

Umiling-iling ako. “Ross, tigilan mo na. Please. Ito na lang ang least na magagawa mo sa `kin—`yong tigilan ako para matahimik na ang mga buhay natin. Kahit kasi ano’ng gawin mo, tapos na ang lahat. Wala ka nang babalikan.”

Ngumiti lang siya, kinuha ang soft drinks ko, saka uminom.

“Akin na nga` yan! Bumili ka ng sa `yo!” sabi ko habang inaagaw ang soft drinks.

“Painom lang. Kaunti lang, tombs. Bibilhan na lang kita.”

“Punyeta. May pambili ka naman pala, eh, di bumili ka ng iyo!”

“Ayaw. Gusto ko `to!”

“Akin na sinabi, eh!” Todo-agaw talaga ako kaya biglang dumulas sa kamay ni Ross ang bote, pagkatapos nalaglag sa mesa at tumalsik sa uniform ko ang laman.

“Shit. Sorry, tombs.” Tumayo siya at pinunasan ang uniform ko gamit ang jersey shirt niya. “Sorry, tombs. Ikaw naman kasi, inaagaw mo pa sa `kin. Iyan tuloy.” Todo-punas siya.

“`Wag mo nga akong lapitan!” Napasigaw na ako sa sobrang galit. Napatingin na sa amin ang ibang students na nasa canteen. “Ako pa ang may kasalanan dahil inaagaw ko? `Tang’na. In the end, ako na naman ang may kasalanan? Lahat na sa `kin ang sisi?”

“I’m so sorry, tombs,” parang bata niyang sabi.

“God, Ross. Hanggang kailan ko ba maririnig `yang sorry mo? Umay na umay na talaga ako! Please lang. Tama na kasi. Utang-na-loob. Tigilan mo na ako. `Wag mo na akong guluhin pa. Gusto ko nang manahimik. Gusto ko nang bumalik sa dating ako. Iyong hindi mo pa ginugulo ang buhay ko! Ross, kahit patawarin kasi kita, hindi ko makakalimutan ang ginawa mo. Hanggang nakikita kita, paulit-ulit kong naalala ang mga sinabi mo. Kaya paulit-ulit din akong nasasaktan.”

Magsasalita sana si Ross pero agad niyang tinikom ang bibig. Nakatingin lang siya sa akin, nakatingin na parang nasasaktan.

“Ross, gusto ko nang manahimik. Please, tama na. Patahimikin mo na ako,” sabi ko uli. Kumalma na ako. “Nagsisisi akong nakilala pa kita.”

Nakita kong nasaktan siya sa sinabi ko. Wala naman siyang sinabi, nag-iwas lang ng tingin.

Dali-dali kong kinuha ang bag ko, saka umalis ng canteen. Habang naglalakad ako, paulit-ulit na rumerehistro sa utak ko ang huling expression ng mukha ni Ross bago ako umalis. Iyon kasi ang unang beses na nakita ko ang ganoong expression niya.

Oh, God. Bakit kailangan maging ganito kakomplikado ang lahat ng nangyayari sa akin?

Hindi ako pinansin nina Alex at Anton nang bumalik ako sa classroom. Tahimik lang sila. Si Alex, hindi man lang ako pinansin o tinapunan ng tingin. Malamang galit siya sa akin. Si Anton naman, paulit-ulit akong iniirapan sa hindi ko malaman na dahilan. Naka-shabu yata ang pangit na iyon.

Itinuon ko na lang sa afternoon lesson ang isip ko. Pero kahit anong pagliliwaliw ng utak ko, hindi ko pa rin makalimutan ang expression ng mukha ni Ross kanina. Paulit-ulit ko iyong naiisip. Paulit-ulit kong nakikita sa isip ko ang mukha niya na parang iiyak na kaya paulit-ulit na nadudurog ang puso ko.

Pagkatapos ng klase namin, agad kong kinuha ang bag ko. Gusto ko nang umuwi. Gusto ko nang magkulong sa kuwarto ko. Gusto ko munang mawala. Gusto kong makalimutan ang mukha ni Ross na nasasaktan.

Nasa parking lot na ako ng school at naglalakad na nang makita ko si Ross. Naka-uniform na siya ngayon. May dala siyang bulaklak. Tatlo o apat na dosenang white roses yata iyon.

Hindi ko sana siya papansinin pero nang tawagin niya ako, bigla akong napahinto. Paglingon ko, naglalakad na siya palapit sa akin. Nakangiti siya. Pero iyong malungkot na ngiti.

“Ano na naman ang problema mo? Hindi ka ba nakakaintindi?” yamot kong sabi.

Hindi nawala ang malungkot niyang ngiti. Huminto siya sa paglalakad. “Naiintindihan ko na. Gusto ko lang ibigay `tong bulaklak sa `yo. Naalala ko kasi noon na white roses ang gusto mong bulaklak na ibibigay ko sa `yo. Kaya ito, binibigyan kita.”

“`Tingin mo madadaan mo ako sa bulaklak?”

Umiling si Ross. “Hindi.” Hindi nawawala ang malungkot niyang ngiti. Parang dinudurog na naman ang puso ko dahil sa ngiti na ipinapakita niya. “Hayaan mo, last na `to.”

“Last?” tanong ko.

Tumango siya. “Oo, last na `to. Hindi na kita guguluhin pa, tombs. Ibibigay ko lang `tong bulaklak sa `yo. Pagkatapos nito, hindi na kita kukulitin pa.” Napatingala siya, parang may gustong pigilin na pumatak. “Damn. This is so hard.”

Tumingin uli sa akin si Ross. “Napag-isipan ko na, tombs. Napag-isipan ko na siguro nga masyado kitang nasaktan. Hindi ko kayang makita na nasasaktan ka nang dahil sa `kin. Masyado nga ako naging tarantado dahil sa ginawa ko. Kaya ito, nakarma ako. Masyado kitang nasaktan. Pero, tombs. Gusto ko lang malaman mo na sising-sisi na ako. God knows kung gaano ako nasaktan dahil sa ginawa ko sa `yo. Iniyakan ko pa ang gabi na iyon. Ilang ulit kong minura ang sarili ko dahil hindi kita hinabol at ipinaliwanag sa `yo ang nakita mo. Pero, tombs, nasaktan mo rin kasi ako.”

Napatigil si Ross. Nakita kong papatulo na ang mga luha niya kaya huminga siya nang malalim. “Everytime na hindi ka naniniwala sa `kin na ikaw na ang gusto ko at mahal ko, nasasaktan ako. Para kasing wala kang tiwala sa feelings ko sa `yo, eh. Tombs, ikaw na ang mahal ko. Sana `yon ang paniwalaan mo. Pero wala na `yong saysay, `di ba? Kasi nasaktan na kita. Kung kaya ko lang ibalik ang oras, sana ginawa ko. Eh, di sana, hindi kita nasaktan. Eh, di sana, ayos tayo ngayon. Eh, di sana, hindi mo ginupitan `yang buhok mo. Pero `tang’na. Tao lang ako. Nagkakamali ako, tombs.”

Nakagat ko ang labi ko nang makitang lumuha si Ross habang nakatingin sa akin. Umiiyak na siya habang malungkot na nakatingin sa akin. Durog na durog ang puso ko habang nakikita ko siya sa ganoong sitwasyon. Halatang nahihirapan na siya. Halatang nasasaktan na rin siya dahil sa akin.

“Siguro nga kailangan ko nang tumigil, tombs. Mas okay na ako na lang ang nasasaktan kaysa masaktan pa uli kita. Pero sana `wag mong sabihin na pinagsisisihan mong nakilala mo ako. Kasi ako, ikaw ang pinakamasayang nangyari sa buhay ko. Iyong nakilala kita at mga memories natin na magkasama ang pinakamasayang nangyari sa `kin. Kaya please, tombs, kahit iyon lang. `Wag mong pagsisihan na nakilala mo ako. Shit. Ang bading ko, `no? Umiiyak ako sa harap mo.”

Huminga nang malalim si Ross, saka bahagyang lumapit sa akin. Inilagay niya sa kamay ko ang bulaklak na dala. Nanginginig ang mga kamay niya nang magdikit ang mga kamay namin. “I can’t stand seeing you hurt because of me, tombs. Siguro nga mas mabuting matapos na lang `to, `no? I love you, yet my love is not enough to reach you.” Pinunasan ni Ross ang mga luha niya, saka ngumiti. Ngumiti siya kahit halata namang nadudurog na rin ang puso niya. “Paalam, tombs.” Tumalikod na si Ross, saka naglakad papunta sa kotse niya at pinaandar iyon.

Nang mawala na sa paningin ko ang sasakyan ni Ross, unti-unti nang tumulo ang mga luha ko. “I love you rin, Ross Eliseo Valentin,” sabi ko habang umiiyak at yakap-yakap ang bulaklak na ibinigay niya. “Hinding-hindi ko pinagsisisihan na nakilala kita,” dagdag ko pa, kahit alam kong imposible nang marinig niya ang sinabi ko.