CHAPTER FOUR
H INDI ko alam ang dahilan kung bakit ako sobrang pinagpapawisan ngayon. Ang lakas naman ng hangin sa sala nina Donna. In fact, tatlo pa nga ang electric fan. Isa sa tapat ko, isa ang nakasabit, at isa sa tabi ni Ross na sobrang hangin kung magsalita. Kahit nga hindi ako ang kausap niya, tinatangay na ako ng kahanginan niya. Ano pa kaya ang nararamdaman ni Donna?
Hindi ko rin alam kung bakit nandito pa rin ako. Dapat umalis na ako kanina, eh. Tutal naman, mukhang hindi ako kailangan dito.
Bakit pa ako pinapunta ni Donna kung ganoon? Enjoy na enjoy naman siyang kausap si Ross. Pakiramdam ko nga, hindi niya ako napapansin. Pakiramdam ko rin, kahit umalis ako, hindi niya malalaman. Ganoon siya kalunod sa presensiya ng mayabang na si Ross.
Pinagmasdan ko kung paano ngumiti si Donna habang kausap si Ross. May pinag-uusapan sila na hindi ko maintindihan kung ano. Childhood memories. Iyong time na palaging isinasama ni Tita si Donna sa bahay nina Ross noon.
Puro tawa at ngiti ang isinasagot ni Donna. Minsan hinahampas pa niya si Ross sa braso.
Naiinis ako. Bakit ganoon siya kasaya kapag kausap si Ross? Gusto ba niya ang hambog na iyon?
Kung gusto ni Donna si Ross, paano na ako? Paano ako na lubos na nagmamahal sa kanya? Hindi pa ako manloloko. Hindi tulad ng damuho na iyon na iba’t ibang babae ang nai-issue linggo-linggo. Tiyak na papaiyakin lang niya si Donna ko.
Si Ross naman, akala mo kung sinong matinong lalaki. Akala mo faithful ang loko. Habang nagsasalita, nakangiti lang siya. Para siyang nakatingin sa sunset na sobrang ganda. Titig na titig siya sa ganda ni Donna.
Buwisit na Ross Valentin `to. Aagawin pa yata sa akin si Donna ko.
“Bessy!” Napatingin sa akin si Donna. “Okay ka lang? Ba’t ang tahimik mo diyan? Magsalita ka kaya.”
Paano ako magsasalita kung hindi n’yo naman ako kinakausap? Eh, di nagmukhang shunga lang ang guwapong tomboy na tulad ko?
Napatingin din sa akin si Ross. Biglang naging seryoso ang maaliwalas niyang mukha. Parang iniisip niya kung ano ang gagawin sa tomboy na tulad ko. Kung bubugbugin ba o ipapahila sa mamahalin niyang kotse. Lintik na tingin iyan. Nakakatakot.
Napalunok ako. “Ah— Ano, bessy. Wala lang akong masabi.”
“Wala kang masabi? Totoo ba `to, bessy? Eh, sa ating dalawa, ikaw ang madaldal.” Natawa si Donna. “Bessy, sa Della Rama University din pala napasok `tong si Eli. `Di ba kayo nagkikita doon?”
Bahagya akong napatingin kay Ross. Lalong naging seryoso ang tingin niya. Parang pinapakahulugan na huwag akong magkakamaling magsabi ng kung ano-ano kay Donna. Nakakatakot talagang tumingin ang mga bad boy. May kakayahan silang takutin ka gamit ang mga tingin nila.
“Nakikita ko siya doon.” Alangan akong napangiti. “Sikat na sikat `yang si Ross sa school. Kaya impossible na `di ko siya kilala.” Tumingin ako kay Ross. “`Di ba, Ross, famous ka?”
“Really, sikat siya? `Sabagay, sa guwapo ni Eli, impossible na hindi siya sikat,” puri ni Donna.
Mas guwapo naman ako diyan, `no. Malabo na talaga ang mga mata ni Donna.
“Siguro, Eli, ang dami mo nang naging girlfriend, `no? Playboy ka ba?”
“Hindi, `no! Wala pa akong nagiging girlfriend,” mabilis na sagot ni Ross na naging dahilan kung bakit bigla akong nabilaukan sa sarili kong laway. Sinamaan tuloy niya ako ng tingin.
Wala pa raw siyang nagiging girlfriend? Totoo ka ba, Ross Valentin? Nagkakalokohan na ba tayo?
“`Ayan, nabilaukan si bessy ko, Eli. You’re lying, `no? Siguro playboy ka talaga?” natatawang komento ni Donna. “Naku, Eli. Alam mo naman na ayoko sa mga babaero.”
“Promise, Donna. I’m not a playboy.” Tumingin sa akin si Ross. “Right, tom— I mean, MJ? Hindi ako babaero. Mga babae lang ang humahabol sa `kin sa school, `di ba?” frustrated niyang tanong.
Hindi ko alam kung pagtatakpan ko ba si Ross dahil may babala ang tingin niya o sasabihin ko kay Donna ang totoo na babaero talaga siya. Mukhang frustrated si Ross, parang gustong malaman ni Donna na hindi talaga siya playboy. Ngayon ko lang siya nakitang ganoon. Sa school kasi, palagi siyang nakangisi kapag nakikita ko. Pero ngayon, para siyang kinakabahan.
O baka naman sadyang magaling lang umarte ang mga playboy? At palaging ganoon ang nagiging reaction nila sa mga babaeng binobola nila?
Naku, Ross Valentin. Tantanan mo ako.
Ayokong mapunta si Donna sa kamay ni Ross dahil tiyak na masasaktan lang siya sa babaerong tulad ni Ross. Isa si Ross sa mga dahilan kung bakit galit na galit ako sa mga lalaki sa mundo. Isa si Ross sa dahilan kung bakit ko mas pinili kong magmahal na lang ng kapwa ko babae. Ayokong makita silang nasasaktan at umiiyak nang dahil lang sa mga manlolokong lalaking kagaya ni Ross.
Pero kung kakalabanin ko si Ross, tiyak, lalong lalaki ang atraso ko sa kanya. Sa hitsura niyang iyon? Halatang wala siyang awa. Alam na alam ko na hindi lang ako ang gagantihan niya kundi pati na rin si Kuya John. Sigurado akong ipapatanggal niya si Kuya sa school gamit ang kayamanan niya.
Lintik talaga. Masyado nang komplikado ang sitwasyon na kinaiipitan ko. Parang kahapon lang, wala akong ganitong iniintindi. Wala akong ganitong problema. Kahapon naman, hindi pa ako kilala ni Ross at wala akong atraso sa kanya. Pero dahil lang sa isang malupit na laro ng tadhana, ito na. Nakakulong na ako sa isang problema na mahirap lusutan.
Jusko naman talaga. Ano ba ang nagawa ko? Naging mabait naman akong tomboy. Kung kasalanan ang pagiging poging tomboy ko, sige na, arrest me now.
“Matino `yang si Ross, bessy,” sagot ko kay Donna. “Sadyang habulin lang talaga siya ng mga babae,” saka ako napabulong, “sa sobrang guwapo niya, ipapagahasa ko nga siya sa mga bading mamaya.”
“May sinasabi ka, tomboy?” seryosong tanong ni Ross.
“Hoy, Eli. Hindi tomboy `yang si MJ!” Natawa si Donna. “Ganyan lang talaga ang porma ni MJ since lumaki siya na puro lalaki ang kasama. Pero I assure you, kapag nag-ayos `yang si MJ, mas maganda pa `yan sa `kin. Baka maglaway ka sa kanya.”
“Hindi `yan mangyayari. My eyes are set only for you, Donna,” nakangiting sabi ni Ross.
Muntik na akong masuka sa sinabi niya. Lintik. `Mga playboy talaga, ang tatamis magsalita.
“Tse! Bolero ka, Eli.” Tumayo si Donna. “Sandali, magbabanyo lang ako. Magtitimpla na rin uli ako ng juice.”
Nang maglakad papunta sa kusina si Donna, kitang-kita ko ang pagkakatitig ni Ross sa mapuputi niyang legs. Maikling shorts lang kasi ang suot ni Donna kaya tambad na tambad talaga ang makikinis at mapuputing legs ng bessy ko. Halos lumuwa na tuloy ang mga mata ni Ross sa pagkakatitig.
“Baka lumuwa ang mga mata mo. Titig na titig sa legs, eh,” komento ko.
Bumaling si Ross sa akin. “Magkaliwanagan nga tayo, tomboy. Binabalaan kita. `Wag na `wag mo akong sisiraan kay Donna. Or else, hindi mo magugustuhan ang magagawa ko sa `yo.”
“Teka, chill. Ba’t naman kita sisiraan? Eh, sirang-sira naman na talaga ang image mo. Sadya namang babaero ka, `di ba? Kayo ba talagang mga playboy, eh, walang konsiyensiya? Talagang pati ang tulad ni Donna na sobrang bait, idadamay mo pa sa mga kalokohan mo? Kung `di mo siya kayang seryosuhin, `wag mo siyang bolahin. Babae si Donna. Madaling ma-fall. Madaling masaktan. Kung wala kang planong seryosuhin siya, puwes, layuan mo siya.”
Sumama lalo ang titig ni Ross sa akin. Napayukom pa siya ng kamay. “Bakit ganyan ka magsalita? We’re not even close. Nakakalimutan mo na rin ba kung ano ang ginawa mo sa sasakyan ko? Hindi ko nakakalimutan `yon! Saka `di mo ako kilala. You don’t even know what kind of person am I. So don’t judge me. Seryoso ako kay Donna. Deal with it.”
“Seryoso? Ilang babae na ang sinabihan mo niyan? Ilang babae na ang sinabihan mo niyan pero iniwan mo rin in the end? `Sus, pare, alam ko `yong mga ganyang ek-ek.”
“Hindi mo alam. Lalaki ako, tomboy ka naman.”
“Nakakalalaki ka na, ah. Suntukan na lang! Akala mo aatrasan kita?” paghahamon ko.
Napangisi si Ross. “`Lakas maghamon. Baka isang pitik ko lang sa `yo tumba ka na,” sabi niya, saka bahagyang itinaas ang suot na T-shirt. “May ganyan ka ba? May abs ka bang ganyan?”
“Bakit mo ipinapakita sa `kin `yan? `Tingin mo naman, mase-seduce mo ako? Bakla ka pala, eh.”
“Ako, bakla? Gusto mong halikan kita diyan?” inis niyang sabi.
Napangisi ako. “Eh, di bakla ka nga,” pang-aasar ko. “Gusto mong halikan ang poging tulad ko.”
“Asa ka naman. Kung pogi ka, ano pa ako? Diyos na?”
Tumango ako. “Oo. Diyos ng mga manloloko.”
“Ikaw naman diyos ng mga tomboy.” Ngumisi si Ross. “`Lakas maging tomboy, mas malaki pa boobs mo sa ibang babae.” Naging seryoso ang mukha niya. “May tanong pala ako, tombs. Kayong mga tomboy, anong brand ng napkin ang gamit n’yo? With wings din ba?”
Gago ito, ah. Walanghiyang damuho talaga. Pati brand ng napkin na ginagamit ko tinatanong. “With pakyu ang gamit ko. Gusto mong makita?” sabi ko, saka nag-dirty finger. “Ito. Pakyu!”
“Aba, bakit mo ako minumura? Pinapalamon mo ba `ko? Ha?”
“Sumosobra ka na, eh!” Napatayo ako sa harap niya. “Ano, suntukan na lang? Tapusin na natin `to ngayon dito! Ano, lalaban ka?” Itinaas ko pa ang manggas ng suot kong polo. “Tara! Akala mo matatakot mo ako kahit matangkad ka? Tomboy man ako sa `yong paningin, kapag sinuntok kita, bubulagta ka rin!”
“`Lakas mo maghamon. Papalag ka ba?” Tumayo na rin si Ross sa harap ko.
Dahil sa sobrang tangkad niya, nakatingala tuloy ako sa kanya. David and Goliath ang peg naming dalawa dahil sa sobrang liit ko. Hanggang dibdib niya lang ako. At mukhang isang suntok lang niya, goodnight-see-you-tomorrow ang mangyayari sa akin.
Napalunok ako. Masyado namang seryoso si Ross. Parang binibiro lang, eh.
“Ano’ng nangyayari dito?” biglang nagsalita si Donna na kalalabas lang galing sa kusina. “Bakit kayo magkaharap na dalawa? Nag-aaway ba kayo? Parang naririnig kong nagsisigawan kayo.”
Nagkatinginan kaming dalawa ni Ross. Bigla niya akong inakbayan.
`Nak ng tupa. ` Lakas umakbay. Akala mo naman tropapips kaming dalawa.
“We’re not fighting. Nagkukuwentuhan lang kami. `Di ba, tom—este, MJ?” nakangiting sabi ni Ross. Nakita ko ang mga ngipin niyang sobrang puti. `Galing talagang umarte ng lintik.
Ngumiti rin ako. “Oo, bessy. Hindi kami nag-aaway.”
“Eh, ba’t kayo magkaharap na dalawa?” sunod na tanong ni Donna, naguguluhan pa rin.
“Ah— Ano, nagpapatangkaran lang kaming dalawa, `di ba, Ross?”
Tumango si damuho. “Yup! That’s right. Ayaw kasi maniwala nitong si tom—MJ na six-one ang height ko.”
“Six footer siya, bessy. Ang tangkad niya, `no?” Lumapit si Donna at inilapag ang mga juice.
Muli akong bumalik sa kinauupuan ko, nakabusangot ang mukha. Pero alam kong guwapo pa rin ako na tomboy kahit nakabusangot ako. Nanahimik na lang ako habang masayang nag-usap uli sina Ross at Donna. Todo-ngiti na naman sila sa isa’t isa. Pakiramdam ko, napag-iiwanan ako sa kanilang dalawa. Parang bigla na naman akong naglaho sa paningin nila. Biglang nawala ang presensiya ko sa mundong ginagalawan nila.
Naiinis akong makita si Donna na ngumingiti at tumatawa ngayon. Dapat ako ang nagpapasaya sa kanya. Dapat ako ang nagpapangiti sa kanya. Kahit tomboy ako, alam kong ako ang nababagay sa kanya. Ako kasi, hindi ko siya sasaktan. Hindi ko siya papaiyakin. Mamahalin ko siya nang sobra-sobra.
Hindi tulad ng buwisit na damuho na Ross na iyon. Alam kong lolokohin lang niya si Donna. Papaiyakin at sasaktan. Ayokong makitang umiiyak si Donna. Ayoko siyang masaktan kaya dapat hindi siya ma-in love sa playboy na iyon. Dapat hindi siya ma-in love sa lalaki dahil masasaktan lang talaga siya.
Pero pansin ko rin kay Ross na ibang klase siya kung tumingin kay Donna. Parang ito lang ang nakikita niya sa mundo. Parang si Donna lang ang lahat-lahat sa kanya. Hindi ko alam kung totoo ba na parang in love siya sa kaibigan ko o sadyang ganoon lang talagang umasta ang mga playboy.
Maggagabi na nang magpaalam si Ross na uuwi na. Babalik na lang daw siya kinabukasan para dumalaw uli. Ibig sabihin, palagi siyang nasa bahay nina Donna.
Sarap talagang suntukin ng mukha ni Ross. Talagang aagawin niya sa akin si Donna ko. Hindi talaga ako makakapayag.
Inihatid ni Donna si Ross sa gate habang ako naman, nakasulyap lang sa kanila mula sa bintana. Saglit lang silang nag-usap, saka humalik si Donna sa pisngi ni Ross. Itong playboy naman, napangiti sa halik ni Donna. Bad trip talaga.
Bago pa sumakay si Ross sa sasakyan niya ay napatingin pa sa gawi ko. Ngumisi ang walanghiyang damuho. Sana mabangga ka!
“So, bessy. What do you think of him?” kilig na kilig na tanong ni Donna. “He’s cool, right?”
“Oo, cool talaga ako,” sagot ko, saka inaayos kunwari ang polo ko.
“Not you, bessy. Si Eli `kako. Ang cool niya, `no? `Di ko ine-expect na ang guwapo-guwapo niya. Samantalang noong mga bata pa kami, patpatin `yon at palaging umiiyak.”
Hindi ko na naintindihan ang sunod na sinabi ni Donna dahil puro Ross dito, Ross doon lang ang nababanggit niya. Kahit nakauwi na ang damuho, siya pa rin ang bukambibig ni Donna.
Masama na ito. Mukhang may something din si Donna para kay Ross. Hindi talaga puwede. Akin lang si Donna at hindi ako makakapayag na mapunta siya sa kamay ni Ross. Hindi puwedeng mapunta lang siya sa isang playboy. Hindi puwede. Hindi kahit kailan.
Nagpalipas lang ako ng ilang minuto, saka umalis na rin sa bahay nina Donna. Bago pa ako tuluyang makaalis, sinabi pa niya na bumalik daw ako bukas.
Ayoko nga. Ayoko ngang makita ang pagmumukha ng Ross na iyon. Baka i-roasted ko siya.
Pagdating ko sa bahay, wala pa si Kuya Joseph. Si Kuya John naman, nasa sala at may ginagawa. Mukhang para sa klase niya kinabukasan. Dedicated talaga siya sa trabaho.
“Kuya, kumain ka na?”
Umiling siya. “Hindi pa. Mauna ka na. Tatapusin ko pa `to.”
“Sige,” sabi ko pero hindi pa rin umaalis sa kinatatayuan ko. “Uhm, Kuya. Mahal na mahal mo talaga ang trabaho mo, `no?”
Ngumiti si Kuya John. “Siyempre naman. Ang sarap maging tulay para magkaroon ng dagdag na kaalaman ang isang tao, bunso. Minsan nakaka-stress ang pagtuturo pero masaya naman. Hindi ko na nga ma-imagine ang buhay ko kapag tumigil ako sa pagtuturo.” Napahinto siya. “Bakit mo pala natanong?”
“Wala naman. Sige, Kuya. Sa kuwarto muna ako.”
Iniwan ko na si Kuya John at pumasok na sa kuwarto. Humiga muna ako sa kama para tingnan ang cell phone ko. Hindi ko kasi natingnan kanina kung sino ang mga nag-text. Nagsimula akong magtingin sa pinakahuli.
May text si Anton.
Anton: Knock-knock.
Ako: Knock-knock mo mukha mo. Pangit mong tomboy.
Habang tinitingnan ko pa uli kung sino ang ibang mga nag-text, may nakita akong new number. Napakunot tuloy ang noo ko.
Sino namang jejemon ito?
New Number: HeLLo powsxz. Puwede tExTmaTe?
Ako: Hayuf ka. Wag ka magtetext dito. Kapag nakilala kita, babasagin ko ang mukha mo.
New Number: Ayos ah. Hilig mo mambasag. Una, sasakyan ko. Pangalawa, ang precious thing ko. Sunod naman mukha ko? Tomboy ka talaga! ;)
WTF! Sino ang jejemon na iyon. Ano ang sinasabi niya? May kutob na ako kung sino iyon pero ayokong tanggapin sa sarili ko. Paano niya nakuha ang number ko? Saan? Kanino?
Ilang minuto na yata akong nakatitig sa cell phone ko nang bigla iyong mag-ring. Tumatawag ang damuhong jejemon na si Ross!
“Uhm, hello? Sino po `to?” magalang kong sagot. “Wrong number po kasi kayo. Sige po, paaalam—”
“Subukan mong patayin `tong tawag ko, tingnan mo ang mangyayari sa trabaho ng kuya mo.”
Para akong binuhusan ng malamig dahil sa sinabi niya.
“Kilala kita. Ikaw si Mary Jovelyn Salazar. Bunso sa tatlong magkakapatid. Ang kuya mo ay isang professor sa school natin. Scholar ka kaya afford mong pumasok sa prestigious school.”
Rinig na rinig ko ang tibok ng puso ko dahil sa sobrang kaba. Parang nag-iba si Ross na kausap ko sa harap ni Donna kanina. Parang lumabas ang totoong sungay niya!
“Ang dami mong atraso sa `kin na kailangan mong bayaran. Kaya `wag na `wag kang gagawa ng kahit na anong ikakasira ko sa mga mata ni Donna dahil hindi mo magugustuhan ang ganti ko. Now, meet me bukas sa school. Sa parking lot uli. Eight AM. May kailangan tayong pag-usapan. Subukan mo lang na `di dumating at takasan ako, yari ka sa `king tomboy ka.” Pagkatapos niyon ay pinatay na niya ang tawag.
Huminga muna ako nang malalim bago naglabas ng inis. Tinakpan ko ang mukha ko ng unan, saka sumigaw. “`Sarap mong bugbugin, Ross Valentino! Buwisit ka sa lahat ng buwisit! Akala mo kung sino ka por que mayaman ka? Mas guwapo naman ako sa `yo, `no!”
Napatigil lang ako sa pagsigaw nang tumunog uli ang cell phone ko. Pagtingin ko, tumatawag uli si Ross.
“Ano na naman?”
“Nakalimutan ko lang sabihin na you’ve got nice boobs, tomboy.”
“Pakyu!” sigaw ko at tanging tawa lang ang isinagot niya.