CHAPTER SIX
P ATAAS ang lugar sa Tagaytay na pinuntahan namin ni Ross. Sa itaas na hindi kalayuan, may isang magandang coffee shop. Ang ganda ng lugar. Ang ganda ng ambiance. Ang dami ring puno sa paligid kaya dagdag-lamig effect sa Tagaytay.
Kung hindi siguro dahil sa jacket ni Ross na suot ko ngayon, malamang, nanigas na ako sa lamig. Iyon din ang hindi ko maintindihan sa kanya. Bakit niya ipinahiram ang jacket niya sa akin? Sa sobrang kaguwapuhan ko ba, nabading na siya? Sorry na lang siya. Hindi ako pumapatol sa kapwa ko lalaki.
“Bilisan mo maglakad!” sigaw ni Ross.
Napatingin ako sa kanya. Nasa pinto na siya ng coffee shop. Habang ako naman, may ilang lakad pa ang gagawin bago makarating sa itaas. Hindi ko na namalayan na nauna na ang ugok na iyon dahil sa sobrang enjoy ko sa pagtingin sa paligid.
“Ano ba? Bilisan mo!” Atat na atat na ang gunggong.
“Sandali nga. Excited ka ba? Mauna ka na!” iritado kong sagot. Nagsisigawan talaga kami.
“Kung babagal-bagal ka, bubuhatin kita, sige ka,” nakangisi niyang sabi.
Bigla akong napahinto nang ma-imagine ko ang sinabi ni Ross.
Si Ross at ako, buhat-buhat na parang bagong kasal? WTF! Halos mahilo ako sa sobrang diri sa ideyang rumehistro sa utak ko. Diyos ng mga tomboy na mahabagin, ano ba ang pinagsasabi ng jejemon na playboy na ito? Hindi ko na kinakaya. Lalo ko ring hindi kinakaya ang pagkislot ng puso ko. `Lakas makahawa ng pagiging bading ng jejemon!
“Ano na? Bubuhatin talaga kita!” sabi niya habang nakangisi pa rin.
“`Wag kang bading!” sabi ko, saka mabilis na naglakad papunta sa kinaroroonan niya. “Kaya kong maglakad. `Nyetang jejemon na `to.”
Habang mabilis akong naglalakad ay nakahawak lang ako sa dibdib ko. Hindi dahil sa tomboy ako at malaki ang boobs kundi dahil kumikislot na naman ang puso ko. Anong pagkislot itong nararamdaman ko? Bakit kumikislot ang puso ko tuwing ngumingisi si Ross sa akin? Spare me! Hindi ako pumapatol sa kapwa ko lalaki, utang-na-loob.
Nakakadiri naman ang kislot-kislot effect ng puso ko. Bakit ko iyon nararamdaman sa abnormal na damuho na salaulang si Ross? Eh, bukod sa lalaki iyon, jejemon pa na playboy.
Naunang pumasok sa coffee shop si Ross kaya sumunod na lang ako. Nang itulak ko ang pinto, hindi iyon bumukas. Parang naka-lock sa loob. Itinulak ko uli pero ganoon pa rin. Kumatok ako kaya napatingin si Ross sa akin. Lumapit siya sa pinto. Glass style iyon kaya nakikita ang loob ng coffee shop. Tumapat siya roon at nagtatakang tumingin sa akin. Sumenyas ako na ayaw mabuksan ng pinto.
Nang hilahin ni Ross ang pinto, bumukas iyon. Agad naman napangisi ang damuho. “Pull kasi, hindi push. Kapag tomboy ba hindi alam ang ipinagkaiba n’on?” pangangasar niya.
“Hindi naman. Sadyang alam lang ng mga jejemon na playboy ang push and pull,” sabi ko, saka siya itinulak nang bahagya. Napahawak tuloy ako sa dibdib niya. Ang tigas, ha. “Tabi. Dadaan ako.”
“`Sus. Tsumatsansing ka lang, eh. Gusto mo lang hawakan `tong dibdib kong matigas.”
“Feeling mo naman, pare. Tomboy ako. Okay ka lang?”
“Malay ko ba kung na-attract ka pala sa `kin.” Nakangisi na naman si Ross. “Palibhasa, `yang dibdib mo, hindi kasintigas ng sa `kin.”
“Okay ka lang? Maluwag na ba tornilyo mo sa utak? Ako, naa-attract sa `yo? Sa `yong jejemon na playboy? `Di na, uy! Maging tomboy na lang ako for life.”
“Defensive.”
“Jejemon.”
“Hey, anong cup mo?”
“Anong cup pinagsasabi mo?”
“Cup. I mean cup size. I bet cup C ka. Tama ba ako?”
Ang bastos ng bunganga ng taong ito. “Wala akong cup size. Tomboy ako. Flat ang dibdib ko!”
Ngumisi na naman si Ross. “Parang hindi naman. Mukhang malaki nga boobs mo, eh. Mukhang sobrang soft.”
“Sa sobrang tigas nitong dibdib ko, kapag inuntog kita dito, magkaka-amnesia kang leche ka.”
“Weh? `Try nga.”
“Next time, busy ako.”
Naglakad kami sa loob ng coffee shop. Ang ganda, halatang pangmayaman. Ngayon lang ako nakapasok sa ganoong klase ng coffee shop. Ang angas talaga. Puro puti lang ang makikita mong design. Mula sa mga upuan at mga mesa, pati sa pintura ng dingding. May dalawang puting bookshelves din sa gilid na punong-puno ng mga libro. Potek. Naglaway ako. Bookworm kasi ako, eh. Alam ninyo iyon? Iyong mahilig sa book, saka sa worm?
Ang classy din ng dating ng coffee shop. `Ganda pa ng atmosphere. Halatang babae ang may-ari niyon. Sana bata pa ang may-ari, pagkatapos chix pa para mapormahan ko.
Naglakad pa kami ni Ross hanggang sa makarating kami sa likuran ng coffee shop. Paglabas namin, bigla akong napa-“wow” sa nakita kong view.
“Wow!” amazed na amazed kong sabi. “Ang ganda ng view. Mt. Mayon `yan, `di ba?” turo ko sa bulkan na nasa dagat. Mt. Mayon iyon, eh. Alam na alam ko iyon.
Biglang natawa si Ross. “Mt. Mayon ka diyan. Hindi kaya.”
“Bobo ka ba, `tol? `Di ka nag-aaral, `no? Mt. Mayon `yan,” pagpupumilit ko. “Alam na alam ko `yan. Favorite subject ko ang Geography, `no.”
“Hindi nga sabi.”
“Eh, ano pala?”
“Mt. Pinatubo.” Muli siyang natawa. “Just kidding. Mt. Taal `yan. Mayon ka diyan. Akala ko ba favorite subject mo ang Geography? Bakit `di mo alam ipinagkaiba ng Taal sa Mayon?”
“Joke lang, p’re. Science talaga favorite subject ko.”
“What is Andromeda Galaxy?” May pang-asar na ngiti na sumilay sa mga labi ng hinayupak.
“Hay, leche. `Di ko `yan alam. Wala na akong favorite subject kaya `wag ka nang magtanong.” Umupo ako habang si Ross, nanatiling nakatayo. “Ano ba’ng pag-uusapan natin? Tara na’t pag-usapan nang makaalis na rito.”
“Teka, kain muna tayo. Ano’ng gusto mo?”
“Libre mo?” Biglang kumislap ang mga mata ko. Timawa ako sa libre, eh.
“Alangang libre mo. Masamang tingnan na babae pa ang pinagbabayad ko, `no.”
“`Di ako babae. Tomboy ako. Magkaiba `yon. Uhm, ano bang meron dito? May caldereta ba rito? Menudo?”
“Wala. Wala silang gano’n dito.”
Napasimangot ako. “Ano ba `yan. Eh, mechado? `Tapos tatlong order ng kanin.”
Kumunot ang noo ni Ross. “Coffee shop `to, hindi carinderia. Cakes and coffee lang nandito.” Itinuro niya ang menu na nakapatong sa table. “Mamili ka diyan.”
“Kahit ano?”
Tumango siya.
“Isang slice ng mango cake, isang slice ng strawberry cake, dalawang slice ng chocolate cake, at isang slice ng black forest.”
“Order-in mo na kaya lahat? Nahiya ka pa.”
“Puwede?”
Umirap si Ross. Sabi ko na, eh, bading ito.
“Mahilig ka pala sa sweets?”
Tumango ako. “Oo.”
Napangiti siya. “Ako rin.”
“Tinatanong ko ba? Mamamatay na nagtanong.”
Sinamaan niya lang ako ng tingin, saka tumalikod na at pumasok uli sa loob para um-order. Barado ang jejemon. Napatunganga naman ako sa kawalan nang maalala ko ang ngiti ni Ross. Muli kong naramdaman ang pagkislot ng puso ko nang ngitian niya ako. Agad akong napailing-iling para alisin sa isip ko ang ngiti niya.
Tae ka, MJ. Bading ka ba? Nababading ka ba kay Ross? Ngumiti lang ang jejemon na playboy na iyon, ha. Ngiti lang iyon at wala iyong special meaning. Huwag kang magtaksil kay Donna. Hindi ka bading. Kahit bading si Ross, hindi mo siya puwedeng patulan. Manloloko ang jejemon na iyon.
Napatingin ako kay Ross habang umo-order siya. Nakatagilid siya sa akin, nakangiti habang nakikipag-usap sa babae sa counter. Halatang nagpapa-cute si girl kay Ross. Babaero talaga ang jejemon na iyon.
Sino nga ba talaga ang mag-aakalang ang Ross Eliseo Valentin na kinaiinisan ko lang noong nakaraan ay siya pa palang makakasama ko sa Tagaytay? Napakaliit lang talaga ng mundo. Hindi ko inaakalang makaka-encounter ko si Ross nang dahil kay Donna ko.
Pero sa totoo lang, parang medyo nag-iba ang tingin ko kay Ross. Medyo lang, ha. Akala ko noon, mayabang na mayabang siya. Hindi pala. Mayabang lang. May-kahanginan magsalita. May sense of air dahil guwapings nga, pagkatapos mayaman pa. May maipagmamayabang talaga. Mahilig din siyang ngumiti at tumawa. Natatawa siya kahit sa korning jokes.
Pero kahit medyo nag-iiba na ang impression ko kay Ross, hindi nangangahulugan na papabor na ako sa kanya na ligawan niya si Donna. Akin si Donna. Hindi niya puwedeng ligawan dahil alam kong sasaktan niya lang at iiwang luhaan. Alam kong babaero siya kaya hindi puwede.
Bumalik na si Ross na may dalang malaking tray na puro cakes ang laman. May dalawang malaking baso rin na Sprite. Inilapag niya sa harap ko ang isang baso, saka umupo sa tapat ko.
“Nice,” sabi niya bago sumubo ng cake.
“Anong nice ka diyan?”
“Nice kasi parang nasa date tayo, eh.” Tumawa siya.
“Bading. `Di ako napatol, p’re. Okay? So ano ba gusto mong pag-usapan natin?”
“May deal ako sa `yo. And you can’t say no.”
“Eh, maybe puwede kong sabihin?” Sumubo ako ng mango cake. “Uhm, `sarap.”
“Whatever, tomboy. Let’s start.” Umayos ng upo si Ross. “You see, gusto ko si Donna.”
“Halos naman lahat `ata ng babae gusto mo. Kung babae nga `ata ako, trip mo rin ako, eh.”
“Puwede. Maganda ka naman.”
Bigla akong nabilaukan. “Tarantado!”
“`Tingin mo naman sa `kin, manwhore? Na lahat ng babae, papatulan?”
Tumango ako. “Oo kaya. Baka nga `yong poste na lagyan lang ng palda, landiin mo na.” Napataas ang isa niyang kilay kaya tumawa ako nang peke. “Okay, continue.”
“Bata pa lang kami ni Donna, gusto ko na siya. Gusto ko siyang ligawan.” Ngumiti si Ross, iyong ngiti na patungkol kay Donna. Parang nakikita ko nga na in love siya kay Donna.
“O, ba’t sa `kin mo sinasabi? Ako ba si Donna?”
Umirap si Ross. Bading. Bading na jejemon.
“Ikaw ang bessy niya.” Uminom siya ng Sprite. “Siyempre, ilalakad mo ako sa kanya.”
“Ayoko,” mabilis kong pagtanggi. “Ayoko. Iba na lang. Gagawin mo pa `kong tulay, damuho ka.”
Nagseryoso ang mukha niya. “Remember? You can’t say no.”
“Hindi naman ‘no’ ang sinabi ko. ‘Ayoko’ ang sinabi ko. Ayoko. Ayoko. Ayoko. O tatlong ‘ayoko’ ang sinabi ko. Walang ‘no’ diyan. Uhm… sarap din nitong chocolate cakes.”
“Nakakalimutan mo bang malaki ang utang mo sa `kin? Gusto mo bang isumbong kita sa dean’s office? Kaya ko ring ipatanggal si Kuya mo sa school at magkaroon siya ng bad record para wala nang school na tumanggap sa kanya.”
Napatingin ako kay Ross.
“Look, tomboy. Ayokong maging ganito ka-harsh ang sitwasyon natin. Binibigyan lang kita ng pagpipilian. I’m so frustrated to get Donna. Sa maniwala ka’t sa hindi, mahal ko si Donna.”
“Mahal? Ano’ng alam ng babaerong tulad mo sa pagmamahal? Sa daming babae na naging girlfriend mo sa school na `di nagtatagal, marunong kang magmahal? `Wag mo akong biruin hindi tayo close,” seryoso kong sabi. “Look din, jejemon na playboy. Mabait na tao si Donna. `Wag mo siyang saktan. `Wag mo siyang isama sa mga bilang ng mga babae mong napaiyak.”
“What the— Wala akong naging girlfriend sa school. Lahat ng `yon, issue lang.”
Tiningnan ko siya nang seryoso. “Sa five years old mo sabihin `yan at baka maniwala siya sa `yo.”
“Promise.” Nagtaas pa ng kanang kamay si Ross. “Issue lang talaga `yon. Wala akong naging girlfriend sa school. Sila ang lumalapit sa `kin. Wala akong pinatulan ni isa sa kanila. Sila lang ang gumagawa ng issue at nagmamakaawa na maging girlfriend ko. In fact, no girlfriend since birth ako.”
“Ikaw, NGSB?” saka ako tumawa nang tumawa. “Okay, benteng tawa `yon. Tama na `yon.”
Nasabunutan na ni Ross ang buhok niya. “Sige na naman, tomboy. Ilakad mo na ako kay Donna. Kapag `nilakad mo ako, wala ka nang utang sa `kin. `Di mo na kailangang bayaran `yong pagpapaayos sa sasakyan kong binasag mo.”
“Ayoko pa rin.”
“Bakit ba ayaw mo? Nangangako naman akong `di ko sasaktan si Donna, eh.”
“Kasi in love rin ako kay Donna,” pag-amin ko. “Kaya `di puwedeng maging tulay ako.”
“In love ka kay Donna?” Natawa si Ross. “Tae. Tomboy ka talaga?”
“Ay, ngayon lang nag-sink in sa utak mo? Kanina ko pa nga sinasabi sa `yo. Mas maliit pa `ata sa utak ni Anton ang utak mo, eh.”
“Sinong Anton?” naguguluhan niyang tanong.
“Iyong tomboy kanina sa school na pangit. Siya si Anton.”
“Ah. Pero kahit naman in love ka kay Donna, wala ka naman pag-asa doon,” malumanay niyang sabi. “Look, straight si Donna. Girl na girl. I’m sure `di `yon papatol sa `yo dahil best friend nga kayo, `di ba? Besides, magiging awkward lang siya sa `yo kapag umamin ka.”
“Eh, paano kung may pag-asa pala ako sa kanya, aber?”
“Eh, paano kung wala, aber? Sasayangin mo ba ang pagiging mag-best friend n’yo para lang sa pag-aakalang papatol siya sa kapwa niya babae?”
Napatigil ako sa sinabi ni Ross. Sa totoo lang, may point ang damuho na iyon.
“Saka, tomboy, sigurado ka bang in love ka kay Donna? Baka naman hindi love `yang nararamdaman mo sa kanya. More like love bilang sister lang. I heard puro lalaki kasama mo habang lumalaki ka kaya naging ganyan ka. I’m sure hindi `yan love.”
“Wow! Coming from you? Sa `yo pa talaga nanggaling `yang definition ng love ko para kay Donna? Galing sa `yong jejemon na playboy?”
“Hindi ako jejemon.”
“Okay powszxzz .” Sumubo uli ako ng cake.
“Sige na kasi, tomboy. In return din, kakausapin ko si Daddy para ma-promote ang kuya mo sa school. `Tapos, `di mo na kailangang bayaran ang pagpapaayos sa kotse kong binasag mo.”
Bigla akong natigilan sa sinabi ni Ross. Good offer ang sinabi niya. Alam ko kung gaano kahirap para lang ma-promote sa school. Ilang taon na si Kuya John doon pero hanggang ngayon ay professor pa rin siya. Alam kong matagal nang gusto ni Kuya na maging head janitor—joke, ma-promote.
“Uhm…”
“Ano? Payag ka na?”
“Uhm, `sarap ng cake na `to.”
“For Pete’s sake, tomboy. Ano nga?”
“Sige, tutulungan kita. Pero patunayan mo muna sa `kin na seryoso ka talaga kay Donna. Kailangan mong maipakita sa `kin na `di mo sasaktan ang mahal kong si Donna.”
“Sige ba. Kahit ano. Sabihin mo lang ang kailangan kong gawin.”
“Kahit ano?”
Tumango si Ross. “Oo. Kahit ano. Basta tulungan mo ako kay Donna.”
“Tumalon ka diyan sa bangin,” turo ko sa bangin sa tapat namin. “`Pag nabuhay ka, ilalakad kita. `Pag namatay ka, tanga ka.”
“Eh, kung i-report na kita sa school?” pananakot niya.
“`Eto naman, `di mabiro. May tatlo akong ipapagawa sa `yo. Dapat magawa mo lahat para mapatunayan ko kung seryoso ka nga kay Donna. Bukas, `to ang gawin mo.”
Biglang napanganga si Ross at ilang beses na napalunok nang sabihin ko sa kanya kung ano ang kailangan niyang gawin kinabukasan. Naiisip ko pa lang ang mangyayari, tawang-tawa na ako.
Nagkamali ka ng hiningian ng tulong, Ross Eliseo Valentin.