CHAPTER THREE
H INDI ko alam kung paano ako nakauwi sa bahay namin. Hindi ko nga rin sigurado kung nakapagbayad ba ako sa jeep na sinakyan ko pauwi. Ang tanging alam ko lang, may chix akong nakasabay kanina sa jeep na nagpapa-cute sa akin. Pero hindi ko siya pinansin. Ang mga pogi talaga kung minsan, hindi namamansin ng chix. Kabado kasi ako at baka sa sobrang kaba, maihagis ko siya palabas ng jeep. Nangawit tuloy ang mga labi niya kakangiti sa akin kaya noong bumaba na ako, inirapan niya ako.
Ganoon talaga kapag pogi, ano? Kapag hindi mo napansin ang babaeng nagpapa-cute sa iyo, saka ka naman niya susungitan.
Pero hindi iyong chix na todo kung magpa-cute ang inaalala ko. Ang inaalala ko ay si Ross. Kung naalala ba niya ang mukha kong guwapo? Kung natandaan ba niya ang kapogian ko, ang suot kong damit at bag, o kung tumatak sa isip niya ang hitsura ko?
Sigurado kung maalala niya ako, todas ako bukas nito sa school. Baka matanggal din si Kuya John sa trabaho. Kapag natanggal siya, paano na ang pag-aaral ko? Paano na ang mga bayarin? Eh, si Kuya Joseph wala pa rin namang work. Wala kaming maaasahan sa abnormal na iyon ngayon.
Hindi naman kasi ako ang bumasag sa windshield ng sasakyan ni Ross. Bakit ako ang pinagbibintangan niya? Tanging dalawang jellybeans lang niya ang binasag ko kaya huwag siyang magalit, uy!
Todo-dasal tuloy ako na sana, kapag umuwi na si Ross, bigla siyang maaksidente. Iyong tipong maliligtas naman pero magkaka-amnesia para makalimutan ako. O kung hindi naman, kapag pauwi siya, biglang ma-gang rape ng isang dosenang bakla. Para ma-divert sa iba ang attention niya at makalimutan ako. Puwede iyon, hindi ba? Mas okay na iyon kaysa maaksidente siya. Saan ba ako hahanap ng isang dosenang bakla na mas macho pa kay Ross?
Jusko, Lord. Ano bang kamalasan itong napasok ko? Hindi ko alam kung papaano malulusutan. Bakit kasi sa dinami-rami ng tao, bakit doon pa kay Ross, Lord?
Joke time ba ito? Lakas ninyo naman magbiro, Lord. Hindi ko kinakaya ang humor Ninyo.
Napapaiyak na lang ako sa nangyari kanina. Parang may kung anong nakabaon sa dibdib ko at hindi ako makahinga nang maayos.
Pumasok na ako sa loob ng bahay at naabutan ko si Kuya Joseph na nakahilata sa upuan habang nanonood ng TV. Umupo ako sa kabilang upuan at tumitig sa kawalan.
“Huy, bunso. Ano’ng nangyari sa `yo? Para kang namatanda diyan. Naengkanto ka ba?”
Umiling ako. “Hindi, Kuya. Na-Ross lang,” sabi ko habang mangiyak-ngiyak pa.
“Ha? Anong na-ross?” Umupo siya. “Ano’ng nangyari sa `yo? Bakit naiiyak ka diyan?”
“Kuya Joseph…” pagsusumamo ko.
“Bakit nga? Ano’ng nangyari sa `yo? Nadukutan ka ba? Nanakaw ba sa `yo ang iPhone at Macbook Air mo?” seryoso niyang tanong. “Ang ATM card mong may lamang fifty thousand nanakaw rin ba?”
Tiningnan ko siya. “Okay ka lang, Kuya? Wala akong iPhone at Macbook Air. Lalong wala akong fifty thousand dahil wala naman akong ATM card. Mukha nito.”
“Mukha ko, guwapo.” Natawa si Kuya Joseph. “Pero seryoso. Bakit nga?”
Napanguso ako. “Kuya, magkano magpaayos ng windshield ng sasakyan?”
“Bakit mo natanong?” balik-tanong niya, saka inilipat ang channel ng TV.
“Natanong ko lang. Balak ko kasi magpaayos ng windshield ng sasakyan ko.”
“Seryoso ka ba diyan? Wala ka ngang sasakyan, eh.”
“Bibili ako. Hindi puwede?”
“`Sus! Wala ka ngang pera. `Di mo nga mabayad-bayaran `yong utang mo sa `king one hundred.” Tumingin siya sa akin. “Pero bakit mo nga natanong? `Di ko alam kung magkano magpaayos, eh. Depende sa availability ng sasakyan at depende rin sa model. Mas latest na model, mas mahal.”
“Totoo ba `yan? Baka niloloko mo lang ako, ha?” kabado kong tanong.
“`Di, `no. Seryoso, bunso, ganoon talaga,” sagot ni Kuya Joseph. “Bakit ba? Ano’ng nangyari? Siguro nakabasag ka ng windshield ng sasakyan, `no? `Tapos pinapabayaran sa `yo? Hala ka, bunso. Patay ka kay Kuya John mo! Wala pa namang ipon `yon.”
Lalo akong kinabahan sa sinabi ni Kuya Joseph kaya todo-tanggi ako. Hindi niya puwedeng malaman ang nangyari kanina dahil tiyak na kahit hindi ako mamukhaan ni Ross, si Kuya John na ang makikipag-usap para maaayos ang gulo. Ganoon kabuting tao si Kuya. Hindi siya pumapayag na may nangyayaring gulo.
Pero hindi ko naman puwedeng hayaan na ganoon ang mangyari. Dahil sa pagsipa ko sa jellybeans ni Ross kanina, I’m sure na sagad na sa bone marrow ang galit niya sa akin. Sa sama ng tingin niya sa akin kanina? Sigurado akong hindi iyon makakapayag na hindi makakaganti. Okay lang sana kung ako ang gantihan niya, eh. Paano kung pati si Kuya John at ang trabaho niya ay idamay ng damuho na iyon? Saan kami pupuluting magkakapatid?
“Hindi, `no!” tanggi ko, saka tumayo na. “Ba’t naman ako makakabasag ng windshield? Ano ako, shunga ? `Wag mo akong itulad sa `yo, Kuya Joseph! Sabi nga pala ni Kuya John, magsaing ka raw. `Tapos `yong baboy sa fridge iluto mo rin daw. Mukhang gagabihin siya.”
“Aba! Iyang kuya mo kung makapag-utos sa `kin, akala mo hindi kami magkasing-edad. Baka nakakalimutan niyang kambal kami kaya pareho lang kami ng edad at birthday!”
“Aba rin, Kuya Joseph. Baka rin nakakalimutan mo na noong na-dengue ka last year, si Kuya John ang gumastos, mapagamot ka lang. Nakalimutan mo na rin ba na tuwing nag-aayos ka ng kung ano-ano sa trabaho, kay Kuya John ka humihingi ng pera? Noong anniversary n’yo ni Ate Rayne noong nakaraan, kanino ka umutang ng pambili ng regalo? Kay Kuya John. Nagreklamo ba siya sa `yo?”
Mabilis na tumayo si Kuya Joseph at nagsuot ng slippers. “Wala na bang ipinag-uutos si John? Anong luto rin ang gagawin ko sa baboy? Adobo, sinigang o ang paborito niyang prito?” tanong niya, saka naglakad papunta sa kusina para magluto.
Natawa na lang ako sa sinabi ni Kuya Joseph. Kahit talaga kambal silang dalawa, malaki ang respeto niya kay Kuya John. Alam niya kasi ang paghihirap at sakripisyo ni Kuya John nang maulila kami. Kung hindi dahil sa kanya, tiyak na hiwa-hiwalay kaming tatlo ngayon at napunta sa mga kamag-anak namin.
Nagpapasalamat talaga ako na tulad ni Kuya John at oo na, tulad na rin ni Kuya Joseph ang mga naging kuya ko. Wala na akong ibang mahihiling pa.
Kaya hindi ko kayang ilagay sa alanganing posisyon ngayon si Kuya John. Sa laki ng paghihirap niya sa amin, hindi ko na kayang dagdagan pa ang intindihin niya. Alam ko rin kung gaano niya kamahal ang trabaho niya kaya hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag natanggal siya sa school.
Malungkot akong pumasok sa kuwarto ko at nagpalit ng pambahay na damit. Bago rin ako humiga sa kama, kinuha ko ang picture namin nina Mama. Iyong picture na eleven years na ang nakalilipas. Seven years old pa lang ako dito habang sina Kuya John at Kuya Joseph ay seventeen years old naman. Ang popogi namin at ang babata pa naming tatlo, walang kamuwang-muwang sa mangyayari sa pamilya namin noon.
“Saan ako kukuha ng milyon, Mama?” naiiyak kong tanong sa picture. “Ano’ng gagawin ko, Mama?”
“Ang sabi ni Mama, maglaba ka na raw.”
Bigla akong napatingin sa pinto at nakita kong nakasilip si Kuya Joseph.
“Ano’ng idinadrama-drama mo diyan, bunso? Maglaba ka na lang.”
“Oo na, mamaya!” singhal ko.
“Iyang mamaya mo, next week mo pa gagawin, eh. Bilang ko brief at boxer ko, ah. Baka gamitin mo. Magpaalam ka muna sa `kin.”
“Isumbong kaya kita kay Ate Rayne na may textmate ka?”
Natawa si Kuya Joseph. “`Love you, bunso.”
“Ewan ko sa `yo. Alam mo namang galit ako sa mga manloloko pero nagiging manloloko ka na rin,” inis kong sabi. “Doon ka na nga, Kuya. Matutulog ako.”
Napakamot na lang sa ulo si Kuya Joseph at tuluyan nang lumabas ng kuwarto. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako dahil sa pagdadrama. Pero bago ako makatulog, ipinagdasal ko pa rin na sana, sana ma-gang rape si Ross ng mga bakla sa pag-uwi niya. Kahit iyon na lang. Para naman makalimutan niya ang nangyari sa sasakyan niya.
Nagising na lang ako nang pumasok si Kuya John sa kuwarto ko. Inaaya niya akong kumain pero sinabi kong ayoko dahil masama ang pakiramdam ko. Nagpabili na lang siya ng gamot kay Kuya Joseph at hinayaan na lang akong magpahinga.
Kinabukasan, hindi na ako pinapasok ni Kuya John para daw makapagpahinga muna ako. Nasa sala ako ng bahay at nagma-marathon ng Tokyo Ghoul habang si Kuya Joseph naman, nag-aayos ng sarili. Mukhang lalabas siya at magkikita sila ni Ate Rayne.
“Bunso, ikaw muna’ng bahala dito sa bahay, ha?” bilin niya. “Kapag lalabas ka, i-lock mo ang bahay. Iyong mga brief ko, binilang ko na. Twelve lahat `yon. Kapag `yon nagkulang ng isa, alam na.”
“Ang dugyot mo! Umalis ka na nga lang, Kuya!” inis kong sabi.
“Joke lang, eh,” natatawa niyang sagot habang nagsusuklay. “Bibilhan na lang kita. Ano’ng gusto mo?”
“Anong ibibili mo?”
“Brief. Anong brand ang gusto mo? Anong size rin?” Tumawa uli ang abnormal.
“Lumayas ka na nga!”
“Ang bunso, nagsusungit. Pero tomboy ka ba talaga, bunso?” tanong uli niya. “As in tomboy na nagkakagusto sa kapwa babae? Ganoon ka?”
Napaikot ako ng mga mata. “Hindi, Kuya. Tomboy ako na nagkakagusto sa bakla.”
“Meron ba n’on?”
“Wala. `Shunga talaga nito. Jusko. Nasaan ang utak mo? Napunta lahat kay Kuya John!”
“Pero last na tanong, bunso. Ba’t naging tomboy ka? Dahil ba kay Papa?”
Tiningnan ko siya nang seryoso. “Dahil sa mga manlolokong tulad mo na `di kayang maging faithful sa babaeng minamahal nila. Ngayon kung magtatanong ka pa, ite-text ko na lang si Ate Rayne. Sasabihin ko na may katawagan ka kagabi. Tinatawag mo pang ‘baby.’”
Nagulat si Kuya Joseph, saka mabilis na lumapit sa akin at hinalikan ako sa noo. “Bunso, alis na ako. `Uwi rin ako agad. Bibilhan kita ng paborito mong palitaw sa bayan.” Pagkatapos niyon, nagmadali na siyang umalis.
Mukhang natakot sa banta kong ite-text ko si Ate Rayne. Mukha niya! Nagloloko pero takot naman pala mahuli.
Naramdaman kong nag-vibrate ang cell phone ko kaya tiningnan ko kung sino ang nag-text. Akala ko si Donna na ang nag-reply pero hindi pala. Si Anton na pangit na tomboy lang pala.
Anton: Bakit hindi ka pumasok pre? Kulang tuloy ang mighty three.
Ako: Ayos lang yan. Para naman maranasan nyo ni Alex maging pogi. Ang pangit nyong dalawa tuwing tumatabi kayo sakin eh.
Anton: Wow tol. Hangin ah. Pero bakit nga? Hulaan ko? May dalaw ka ngayon no?
Ako: Dalawin ka man ni kamatayan pre?
Anton: Joke lang MJ. Grabe ka naman talaga.
Ako: Nasaan pala si Alex?
Anton: Nandito. Binubugbog na naman si Arthur. Inaayang mag-date, eh.
Ako: Maiba ako, tol. May balita ka ba kay Ross?
Anton: Tae tol. Malapit na ang paghuhukom.
Ako: Ha?
Anton: Pota tol. End of the world na ata. Ba’t tinatanong mo si Ross? Crush mo na? Nababading ka na? Tomboy tayo. Baka nakakalimutan mo, ha. Tomboy tayo.
Ako: Pogi akong tomboy. Kayo naman ni Alex pangit na tomboy.
Anton: Weh?
Ako: Ano nga ang balita kay Ross? May kaguluhan ba diyan sa school na kasama siya? Like nabasag ang windshield ng sasakyan niya?
Anton: Uhm…
Ako: Anong uhmm? Tomboy na pangit, ano nga?
Anton: Sandali. Nagtatanong ako. Excited ka ba tol? Ikaw na magtanong sa mga classmates natin.
Ako: Haha.
Anton: Wala naman daw tol. Ang issue lang, iyong babaero pa rin si Ross. Ace player pa rin ng team. Habulin pa rin ng chix. Wala namang basagan na nangyari. And…
Ako: And?
Anton: And may babae raw na sumipa sa jellybeans niya. Taena. Laughtrip.
Ako: Natatandaan ba raw ni Ross kung sino?
Anton: Aba di ko alam. Di kami close ni Ross. Kayo ba close?
Ako: Hindi. Pero balita ko pagpasok ko close na kayo ni kamatayan.
Anton: Ay gusto ko yan >:D
Ako: t(-_-t)
Pagkatapos niyon, hindi na nag-reply si Anton. Mukhang dumating na ang professor namin.
Pero sa nalaman ko, hindi ko alam kung makakahinga ba ako nang maluwag o lalong kakabahan. Hindi naging usap-usapan ang pagkabasag ng windshield ng sasakyan ni Ross. Pero ang pagsipa ko sa naman jellybeans niya ang nag-trend. Diyos ng mga tomboy, sana naman hindi niya ako namukhaan.
Natauhan ako nang biglang may mag-text sa phone ko. Akala ko si Anton uli pero hindi. Si Donna my loves pala.
Donna: Bessy! Ang daya mo. Di ka pumunta sa bahay kahapon. Amp!
Ako: Sorry bessy. Pagkauwi ko kasi ng bahay nakatulog na ako eh.
Donna: Later punta ka ha? May gusto kasi ako ipakilala sayo.
Ako: Sino ba yan?
Donna: Basta. Punta ka ha? Kundi magtatampo na ako sayo.
Ako: Oo na. Punta ako mayamaya.
Donna: Sige. See you.
Ako: Okay. Love you bessy.
Donna: Love you more. Mwa mwa.
“Damn! Kilig!” sigaw ko dahil sa isinagot ni Donna.
Natural lang sa amin na mag-“I love you”-han pero para sa akin, may ibang meaning iyon. Siyempre, mahal ko siya more than friends.
Pero sino kaya iyong ipapakilala niya?
Isinara ko na ang TV, saka dumeretso sa kuwarto ko para maghanap ng isusuot. Kailangang pogi ako mamaya kapag nakita ako ni Donna.
Umalis ako ng bahay na polo at may puting T-shirt na panloob ang suot. Maong jeans uli at rubber shoes. Naka-baseball cap din ako para matakpan ang mahaba kong buhok. Kamukha ko ngayon sina Kuya John at Kuya Joseph noong teenager pa lang sila. Hindi mapagkakailang magkakapatid kami na mga guwapo.
Lalaking-lalaki ang porma ko ngayon kaya feeling ko ang pogi-pogi ko. Sana sa ganitong paraan, mapansin ni Donna na gusto ko siya hindi bilang best friend kundi bilang more than friends. Matagal ko na rin siyang gusto, eh. At tiyak kapag ako ang minahal niya, hindi siya iiyak. Ako rin ang pinakamasuwerteng tomboy kapag nagkataon.
Naglakad na ako papunta kina Donna. Hindi na kailangang sumakay dahil malapit lang naman ang bahay nila sa amin. Mga limang bundok ang layo. `Di, biro lang. Mga limang kanto lang naman, pagkatapos limang liko sa kanan. Mabuti na lang hapon na ako lumabas ng bahay kaya hindi na masyadong mainit ang sikat ng araw.
Hindi pa ako nakakalapit sa tapat ng bahay nina Donna, natanaw ko na agad na may itim na kotseng nakaparada. Mukhang mamahalin at halatang mayaman ang may-ari. Pinagtitinginan din iyon ng mga taong dumadaan. Alam kong hindi iyon kina Donna dahil puti ang sasakyan ng papa niya.
Naglakad na ako papunta sa tapat ng bahay at nakita ko na paalis si Tita Lorna—ang mama ni Donna.
“Tita, saan punta?” magalang kong tanong.
“O, ikaw pala, Jovelyn. Ano ba `yang porma mo? Nakaayos lalaki ka na naman. Diyan lang sa bayan,” sagot niya habang binubuksan ang gate. “Pasok ka. Nasa itaas si Donna. May bisita siya.” Napahagikgik si Tita, parang kinikilig.
“Sino po, Tita?” nagtataka kong tanong.
“Anak ng dati kong amo, iyong inalaagaan ko noon. O siya, bahala na kayo ni Donna sa bahay, ah. Babalik din naman agad ako.”
Tumango na lang ako, pagkatapos ay naglakad na papasok ng bahay.
Anak ng dating amo ni Tita ang bisita ni Donna? Lalaki ba o babae? Malamang lalaki. Ang angas ng sasakyan na nasa labas, eh. Impossible naman na babae ang may-ari niyon. O baka naman tomboy?
Subukan lang ng tomboy na iyon, hindi na siya makakalabas ng barangay namin. Bugbog-sarado siya sa akin. Aba, uunahan pa niya ako kay Donna ko, ah.
Hindi pa ako tuluyang nakakapasok sa pinto nang makita ako ni Donna kaya sinalubong niya ako. May dala siyang juice.
“`Buti naman pumunta ka na, bessy. Akala ko papaasahin mo na naman ako, eh.” Napanguso siya.
Huwag ka ngang ngumuso, Donna. Baka mahalikan kita, eh. “`Di naman ako paasa, bessy. `Di kita pinapaasa, `no. Ikaw lang nagpapaasa sa akin, eh.”
“Sira ka talaga. Tara, pasok ka. Ipapakilala kita sa bisita ko,” nakangiti niyang sabi. “Pero, teka. Bakit ganyan ang porma mo? Ang init-init, bessy. Sana nag-dress ka, `tapos heels.”
“Dress, `tapos heels? Ano `ko, bading?”
Natawa si Donna. “Loka-loka. Tara, pasok ka.” Nauna na siyang maglakad. “Eli, nandiyan na ang bessy ko,” sabi niya sa bisita.
Eli? So, babae ang bisita ni Donna? Nakng , mukhang tomboy nga, ah. Mukhang mapapalaban ako ng pagiging astig ngayong araw. `Di bale, handa naman ako.
Taas-noo akong pumasok at naglakad papunta sa sala. Nakita ko na ang bisita ni Donna. Lalaki at hindi tomboy. Mabuti naman. Hindi ko pa nakikita ang mukha ng bisita dahil nakayuko at abala sa cell phone.
May bulaklak na dala ng lalaki. Sana pala pinitas ko iyong sampaguita sa tapat ng bahay at dinala kay Donna. Fail ka talaga kahit kailan, MJ.
“Bessy, tuloy ka. `Wag kang mahiya kay Eli.” Natawa na naman si Donna. “Eli, meet my bessy, si MJ. MJ, si Eli. Kababata ko. Ngayon na lang uli kami nagkita. Actually, kahapon pala.”
Naka-focus lang ang atensiyon ko sa lalaki nang bigla akong mapanganga at mamutla. O , jusko, Lord. Another joke time na naman ba ito? Bakit… Paano… Of all people talaga?
Tumayo si Eli—or should I say Ross Eliseo Valentin—tumingin sa akin at ngumiti. Pero iyong tingin na kakaiba. Parang sinasabi niya “kilala kitang tomboy ka.”
Lumapit sa akin si Ross. Pinagpapawisan na ang buong katawan ko dahil sa sobrang kaba.
“Hi, I’m Ross Valentin. And you are?” nakangiti niyang pagpapakilala. In-extend pa niya ang kamay niya para makipag-shake hands.
“I’m—I’m MJ… MJ Salazar,” mahina kong sagot, saka nakipag-shake hands. Naramdaman kong ang higpit ng hawak niya sa kamay ko. “Ouch,” mahina kong sabi.
Inilapit ni Ross nang bahagya ang mukha niya sa akin. “Ha? What’s your name again?”
“MJ.”
“Ah, MJ. What a cool name. I will never forget it,” nakangiti niyang sabi. “Tulad ng hindi ko pagkalimot sa ginawa mo sa sasakyan ko kahapon at sa pagsipa mo sa ano ko,” sabi pa niya na parang may sumasayaw na demonyo sa likuran niya.
Nalunok ko ang laway ko dahil sa sobrang kaba. Pakiramdam ko, mahihimatay ako sa sobrang takot.
“Huy, Eli. Ano’ng pinag-uusapan n’yo ni bessy?” natatawang tanong ni Donna.
“Nothing,” nakangiting sagot ni Ross, saka ako inakbayan nang sobrang higpit. “Tinatanong ko lang kung saan ipinagawa ni MJ `tong polo niya. Gusto ko rin kasi pagawan ng ganito ang kotse ko. Nabasag kasi ang windshield no’ng isa kahapon.”
Oh, Lord. Naaalala niya. Jusko. Jusko lang talaga.
Sana magahasa na ng isang dosenang bading si Ross mamaya.