noveltoon logo noveltoon
Lesbi In Love

Chapter 30

Ch. 30 / 32 Apr 09, 2022

CHAPTER THIRTY

T AHIMIK lang ako habang nakasakay kami ni Donna sa isang tricycle papunta sa ospital kung nasaan si Ross. Walang ni isang nagsasalita sa amin. Malamang parehong kabado. Parehong natatakot. Wala rin akong ganang magsalita dahil alam kong kapag ginawa ko iyon, mapapaiyak na lang ako. Ayoko namang umiyak dahil hindi iyon makakatulong sa sitwasyon ngayon. Nagdasal na lang ako nang taimtim.

Kahit kailan hindi ako naging maka-Diyos. Bihira akong magsimba at bihira talaga akong magdasal. Pero sa mga oras na iyon, kailan ko ang tulong Niya.

Lord, please. Huwag… huwag naman sanang grabe ang aksidente niya.

Siguro napansin ni Donna ang panginginig ng mga kamay ko kaya bigla niya iyong hinawakan. Nang tingin ko siya, binigyan niya lang ako ng tipid na ngiti. Isang ngiting nagpapakita na magiging ayos lang din ang lahat. Gusto kong ngumiti pero hindi ko kaya. Hindi ko kayang ngumiti sa sitwasyon na ito.

“May tanong ako,” sabi ko.

“Ano `yon?” tanong ni Donna. “Relax ka lang, bessy. Masyadong nanginginig ang mga kamay mo.”

“Alam mo ba ang dasal ng mga jejemon?” seryoso kong tanong. “Jejemon kasi `yong si Ross. Baka hindi siya tablan ng ‘Ama Namin’ at ‘Sumasampalataya.’ Baka dasal na pang-jejemon ang kailangan niya.”

Natawa si Donna. “Sira ka, bessy. Iyong usual na dasal na lang. I’m sure, puwede `yon kay Eli na torpe. “Dasal at ikaw ang kailangan niya ngayon. Kaya kailangan na nating bilisan.”

“Paano natin bibilisan? Parang ang bagal magmaneho ni Manong,” yamot kong sabi. “Manong, palit nga tayo! `Bagal mong mag-drive. Ako na diyan, dito ka na.”

Natawa lang sina Manong at Donna sa sinabi ko. Pero kahit gusto kong tumawa, hindi ko magawa. Hindi pa rin nababawasan ang kaba sa dibdib ko ngayon. Habang papalapit kami nang papalapit sa ospital, lalong lumalakas ang tibok ng puso ko. Para akong mahihimatay sa mga oras na iyon.

Ibinaling ko ang tingin ko sa mga nadadaanan namin. Masyado nang malalim ang gabi. Hindi rin ako nakapagpaalam kay Kuya John kanina na aalis at pupuntahan ko si Ross. Hindi ko rin nadala ang cell phone ko dahil sa sobrang pagmamadali. Siguro ite-text ko na lang siya mamaya.

Habang lumilipas ang oras, bumalik sa isip ko ang mga alaala namin ni Ross. Iyong unang beses na nagtagpo ang mga landas namin. Iyong unang beses naming mag-usap. Iyong bangayan. Iyong pagngiti niya. Iyong pagtawa niya. Iyong mga sandaling unti-unti na akong nahuhulog sa kanya. At hindi ko alam kung maganda bang pangitain iyon.

“Tama ba ako? Silence means yes, `di ba?”

“Hindi. Sileance means shut up.”

“Ayaw pang umamin. Dali na. Nag-share ako about sa sarili ko, mag-share ka rin dapat.”

“Hindi ko naman sinabing mag-share ka. Nagkusa ka. `Wag kang manumbat.”

“`Oy, tombs. Natulala ka diyan? Guwapong-guwapo ka na naman sa `kin ngayong umaga.”

“Mas makapal pala ang mukha mo sa umaga,” sabi ko at binuksan ang gate. “Pasok ka.”

“Naku, tombs. Sinasabi ko sa `yo. Marupok akong lalaki kapag sine-seduce ako.”

“Pukpukin ko kaya ng martilyo ang ulo mo, `no? Pasok!”

“Si MJ na ang gusto ko ngayon. Aaminin kong special pa rin si Donna sa `kin `til now. I’ve been in love with her since I was young. But it does not mean na siya pa rin ang nilalaman ng puso ko. Ngayon ko na-realize kung bakit ako ni-reject ni Donna. Kasi para pala ako kay MJ.”

“Akala mo ikaw lang ang nakakaramdam niyan? `Wag kang selfish. Hindi lang ikaw ang nagkakagusto. Pati rin naman ako. Nagugustuhan na rin kita. Tombs, gustong-gusto rin kita.”

“Tombs, I lesbi you.”

Ang dami na pala naming memories ni Ross. Ang dami naming masasayang alaala. Bakit ngayon ko lang na-realize? Bakit ngayon lang sumagi sa isip ko ang mga alaala namin? Ang tanga-tanga ko talaga. Bakit kasi ngayon lang ako natauhan? Bakit kailangan pang mapunta sa ganoong delikadong sitwasyon si Ross para ma-realize ko kung gaano siya kaimportante sa akin?

Hindi lang matigas ang ulo ko. Masyado rin akong naging manhid at nagbulag-bulagan. All this time, ako pala ang gusto ni Ross. Ako lang pala ang mahal niya. Sana nakinig ako sa paliwanag niya. Kung nakinig ako, eh, di sana hindi na siya naaksidente. Kung nakinig ako sa kanya, eh, di parehas kaming masaya. Kung nakinig ako sa kanya, eh, di sana… sana sigurado pa rin akong makikita ko ang mga ngiti niya at maririnig ko pa rin ang pagtawag niya sa akin ng “tombs.”

“Tombs, mahal kita. Mahal na mahal kita.”

“Ako rin,” sabi ko sa sarili ko. “Mahal na mahal din kita. Kaya hintayin mo ako, ha. Sabi mo, kahit ano’ng mangyari, hihintayin mo ako. Hintayin mo akong leche ka kundi… kundi hindi natin mapagpapatuloy ang nasimulan natin. `Wag kang selfish. `Wag mo akong iiwan.”

Tumigil na ang tricycle sa tapat ng ospital kaya bumaba na kami ni Donna. Nagbayad siya pagkatapos naglakad na kami papasok. Lalo akong kinabahan nang maamoy ko ang amoy ng ospital. Parang bumalik sa akin ang alaala ni Mama noong namatay siya.

Iyong mga malungkot at masasakit na alaalang iniyakan ko habang yakap-yakap ako ni Kuya Joseph nang sabihin ng doktor na pumanaw na si Mama at iniwan na niya kami habang-buhay.

Ayoko nang maranasan uli iyon. Ayoko nang mawalan ng mahal sa buhay.

Ross, please. Malakas ka, hindi ba? Sabi mo… sabi mo, hindi mo ako iiwan. Sabi mo, mahal mo ako. Kung mahal mo ako, hindi ka aalis sa tabi ko, hindi ba? Please, Ross. Please.

Hindi ko na alam kung ano ang dapat kong maramdaman habang nakasunod ako kay Donna. Hindi ko alam kung gusto kong umiyak dahil sa sobrang kaba o kung gusto kong manlambot dahil sa dami ng posibleng mangyari na tumatakbo sa isip ko.

“Bessy.” Napahinto si Donna sa paglalakad. “Ayos ka lang?”

Tumango ako. “A—ayos lang ako.”

“Relax ka lang, okay? Mukha kang mahihimatay na. Ang putla-putla mo na.” Hinawakan niya ang kamay ko. “Ang lamig pa ng kamay mo. Walang masamang mangyayari kay Ross, okay?”

“Sana.” Binigyan ko siya ng matipid na ngiti. “Sana talaga. Kasi kung meron, hindi ko alam kung paano ko mapapatawad ang sarili ko.”

Magkahawak-kamay kami ni Donna nang magpatuloy kami sa paglalakad. Nasa third floor daw ang kuwarto kung nasaan si Ross. Nang dumating kami roon, huminto kami sa room 301.

Bumitaw si Donna sa pagkakahawak sa kamay ko at pinuntahan ang lalaki at babaeng nakaupo sa tapat ng room 301. Napansin kong parehong may-edad ang dalawa. Pagkatapos iyong lalaki, mukhang older version ni Ross. Halatang siya ang daddy ni jejebuster. Pareho silang guwapo.

“Donna, ang bilis n’yo, ah,” bati sa amin ng daddy ni Ross.

“Nag-tricycle po kasi kami. Ang hirap maghanap ng jeep,” magalang na sagot ni Donna. “Tito Ralph, si MJ nga po pala. Bessy, si Tito Ralph. Daddy ni Eli. `Tapos si Tita Joy. Mommy ni Eli.”

“Hello po,” kinakabahan kong sagot.

Parehong ngumiti ang mag-asawa.

“Kilala ka namin. Palagi kang ikinukuwento sa `kin ni Ross kapag umuuwi siya sa bahay.”

Hindi ko mapigilang hindi mag-blush sa sinabi ng daddy ni Ross. Nahihiya ako na kinakabahan.

“Ikaw `yong nasa picture na naka-display sa condo ni Ross,” sabi naman ng mommy ni Ross. Ito siguro ang stepmom niya dahil matagal nang pumanaw ang tunay niyang mommy. “Finally, na-meet ka na namin. Matagal na naming sinasabi kay Ross na ipakilala ka sa amin, eh. Saka na raw.”

“Torpe talaga `yang anak ko.” Natawa ang daddy ni Ross.

“Naku, Tito, sinabi mo pa,” si Donna naman.

“Mana sa `yo, hon. Pareho kayong torpe.”

“Nasaan po pala si Ross? Puwede ko ba siyang makita?” tanong ko.

“Oo nga pala. Pasok ka na lang diyan sa loob,” sabi ng daddy ni Ross. “Bibili muna kami ng pagkain sa ibaba. Tara, hon. Donna, sumama ka sa `min.”

“Sige po,” sagot ko.

Tinapik pa ni Donna ang balikat ko bago sila umalis. Ako naman, kinabahan na naman uli. Hindi ko alam kung paano ko sisimulang kausapin si Ross. O kung saan ako magsisimula. Ang dami-dami kong gustong sabihin sa kanya. Nakalimutan ko ring itanong kung ano ang lagay niya. Mukhang wala akong choice kundi tingnan mismo sa sarili ko.

Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at pumasok na sa loob. Hindi ko agad nakita ang kama. Kailangan pang lumakad nang ilang hakbang bago ko makita. Pero may naririnig akong sound. Nakabukas ang TV at mukhang basketball ang palabas.

Lumakad na ako at nakita ko na ang kama. Una kong napansin ang mga paa ni Ross. Nakahiga siya sa kama. Hindi ko pa nakikita ang mukha niya pero naging triple na ang kaba na nararamdaman ko.

“Tombs?” Narinig ko ang boses niya. “Tombs, ikaw ba `yan? Hindi ba ako nananaginip?”

Naramdaman kong nagtubig ang mga mata ko nang marinig ko ang boses niya. Unti-unti kong inilipat ang tingin ko sa mukha ni Ross. Napansin kong kumakain siya. May fishball at kikiam sa plato na hawak niya. Gulat siyang nakatingin sa akin.

Unti-unting bumagsak ang mga mata ko nang makita ko nang maayos ang mukha ni Ross. Mukhang hindi naman naging grabe ang pagkakaaksidente niya. Naka-topless siya at may benda na nakapalibot sa katawan niya. Iyon lang ang nakita ko. The rest, mukhang okay na.

“Ano’ng—ano’ng nangyari? Bakit ka naaksidente?” Nanginginig ang boses ko habang nagsasalita.

“Ah, ano kasi.” Napakamot siya ng ulo. “Nagkaayaan `yong barkada na uminom. Pauwi na sana ako sa condo para matulog nang bigla akong magutom. Gusto ko `kako kumain ng fishball at kikiam. Pagliko ko, hindi ko napansin `yong poste. Madilim kasi. Bumangga ang kotse ko sa poste, `tapos `ayun. Nawalan na ako ng malay dahil sa sobrang antok.”

Tawa lang nang tawa si Ross sa kuwento niya. Pero ako, hindi ko kayang tumawa. Pero kailangan kong tumawa. Kailangan kong ipakita na masaya ako na naging okay siya.

Naging sarkastiko ang pagtawa ko kaya napatigil si Ross at seryosong napatingin sa akin. Napatigil ako sa pagtawa dahil lalong bumagsak ang mga luha ko. Nanlambot na nang tuluyan ang mga paa ko kaya napakapit ako sa pader.

“`Tang’na.” Napamura na ako dahil nawala na ang kaba ko. “Akala ko kung ano na ang nangyari sa `yo. Akala ko iniwan mo na ako. Akala ko hindi na kita makikita. Akala ko…”

Iyong mga luha ko, sagana pa rin sa pagtulo. Nakita kong umalis si Ross sa kama at lumapit sa akin. Niyakap niya ako nang mahigpit. Bumaon ang ulo ko sa dibdib niya. Naramdaman kong hinaplos niya ang ulo ko na nagbigay sa akin ng komportableng pakiramdam. Pero lalo akong naiyak dahil sa ginagawa niya. Buhay siya. Buhay na buhay. Walang nangyaring masama.

“Sshh… Tigil na, tombs. `Wag ka nang umiyak,” pagpapatahan niya. “Okay ako. Walang nangyaring masama sa `kin. Malakas ako, `di ba? Hindi ako aalis sa tabi mo. Kaya tigil na, tombs. `Di ba, sabi ko sa `yo, kapag umiiyak ka, lalo akong nasasaktan? Kaya, please, tombs. `Wag ka nang umiyak.”

Pinigilan ko ang sarili ko sa pag-iyak pero kahit ano ang gawin ko parang hindi nauubos ang mga luha ko. Lalo talaga akong napapaiyak dahil sa paghaplos ni Ross sa buhok ko at ang mainit na pakiramdam na nagmumula sa katawan niya. Pakiramdam ko, biglang naglaho ang lahat ng pagod at kaba ko.

Ilang minuto kaming nakatayo habang yakap-yakap niya ako. Nang kumalma na ako, dahan-dahan ko siyang itinulak. Humiwalay naman siya sa akin at tumayo sa harap ko.

“Lumayo ka nga sa `kin,” seryoso kong sabi.

“Ha, bakit?” naguguluhan niyang tanong.

“Hindi ba, sabi ko, tigilan mo na ako?”

Nagulat si Ross at malungkot na naman siyang napangiti. “Ay, oo nga pala. Sorry. Hindi ko kasi alam ang gagawin ko kapag nakikita kitang umiiyak,” sabi niya, saka lumakad palapit sa kama at umupo sa gilid nito. “Sorry. Naistorbo pa `ata kita. Puwede ka nang umuwi, tombs. Okay naman ako. Walang masamang nangyari sa `kin,” sabi niya na hindi ako tinitingnan.

“May kailangan muna akong sabihin bago ako umuwi. Bakit hindi mo sinabi sa `kin?”

Tumingin si Ross sa akin. “Hindi ka naman kasi nakikinig sa paliwanag ko. Ayaw mong maniwala na wala namang namamagitan sa aming dalawa ni Donna. Na `yong mga sinabi ko sa `yo noong araw na nakita mo kaming dalawa, hindi `yon totoo. `Tapos—”

“Hindi `yan.”

“Eh, ano pala?”

“Bakit hindi mo sinabi sa `kin na ako naman pala ang gusto mo mula two years ago hanggang ngayon?”

Nagulantang Si Ross.

“Bakit hindi mo sinabi sa `kin na may pictures ako sa condo mo na hindi ko alam? Bakit hindi mo sinabi sa `kin na all this time, wala palang Donna, kundi si Mary Jovelyn lang? Bakit mo inilihim sa `kin `to lahat? Bakit kailangan sa iba ko pa malaman?”

Nanlaki ang mga mata ni Ross habang nakatingin sa akin. Unti-unting namula ang kanyang mukha. Para siyang bata na napahiya sa harap ng maraming tao. Hindi niya rin alam kung ano ang sasabihin niya.

“Fuck.” Tinakpan ni Ross ang kanyang mukha. “Ah… ano… Shit. Hindi ko alam ang sasabihin ko.” Napakamot sa ulo si Ross sa sobrang hiya. Hindi talaga siya makatingin sa akin.

“Hindi mo alam ang sasabihin mo? Puwes, ako, alam ko. Ang dami kong gustong sabihin sa `yo. Hindi ko alam kung saan ako magsisimula o kung ano ba ang dapat kong unahin sa `yo. Pero siguro, kailangan ko munang sabihin ang mga salitang matagal mo nang dapat marinig mula sa `kin.”

“‘I love you’ ba `yan, tombs?” seryoso niyang tanong.

“Asa ka!”

“Palagi naman akong umaasa sa `yo mula noon hanggang ngayon,” nagtatampo niyang sagot, napanguso pa na akala mo bata.

Huminga ako nang malalim. “I’m sorry.” Bumagsak na naman uli ang mga luha ko. Napatitig sa akin si Ross. “I’m so sorry dahil hindi ako nakinig sa `yo. I’m so sorry kung naging matigas ang ulo ko. I’m so sorry kung naging sarado ang puso at isip ko sa paliwanag at effort na ipinakita mo. Hindi ko alam kung sapat ba ang sorry ko pero sorry talaga. Natatakot lang kasi talaga ako na kapag binigyan pa kita ng chance, lalo lang akong masaktan.”

Nakikinig lang si Ross sa akin.

Nagpatuloy ako sa pagsasalita. “Sabi ko kasi sa sarili ko, tama na ang sakit na ibinigay mo sa `kin. Na mas okay na bumalik na lang ako sa dati. Iyong astigin. Iyong maton at matikas. Para hindi na ako masaktan ng dahil sa `yo. Pero dahil sa mga sinabi ni Kuya John, natauhan ako. Pumasok sa kukote ko na mas masakit pala kapag tuluyan kang nawala sa `kin. Nas mas masakit kapag natapos `tong nasimulan natin. Na kahit nasaktan mo ako, ikaw pa rin ang gusto ng puso ko. Na… na ikaw lang talaga ang gusto nito.”

Pinunasan ko ang mga luha ko, saka tumingin nang seryoso kay Ross. “Saka naalala kong may nagsabi sa `kin na ang heartbreak, part ng love. Kung walang heartbreak, walang love. Iyong taong nagsabi n’on, importante sa `kin. Ang dami niya kasing pina-realize sa `kin. Pina-realize niyang babae pa rin talaga ako. Na may puso para sa isang lalaking kagaya niya. Na kahit jejemon siya, mahal na mahal ko siya. Na kahit palagi niya akong tinatawag na tomboy, siya lang ang lalaking may kakayahang pumasok at umangkin sa puso ko nang buong-buo.”

Lumapit ako kay Ross at hinawakan ang mga kamay niya. “Ross, hindi ako perpektong tao. Hindi ako ganap na babae. May pagka-tomboy pa rin ako. Hindi ako marunong magluto. Iyakin ako. Madali akong mainis. Mabilis akong magselos.”

Tumitig si Ross sa mga mata ko.

“Palagi kitang maaaway panigurado. Sa hinaharap, palagi tayong magkakasakitan for sure. Pero natutuhan kong kahit gano’n, mas mabuting mag-hold on tayo at pag-usapan natin iyong problema. Ngayon, itatanong ko sa `yo, okay lang ba sa `yo ang tulad ko?”

Tumayo si Ross at hinawakan ang mukha ko. Nakangiting hinaplos niya iyon. “Mahal na mahal kita sa kung ano ka, tombs. Hindi ikaw ang tombs na nagustuhan ko two years ago kung hindi ka ganyan. I love everything about you. Your flaws. Your imperfect character and attitude. Your insecurities. Everything, tombs. Mahal ko lahat ng nasa `yo. Kaya nga ako na-head over heels sa `yo mula noon hanggang ngayon, `di ba? Kasi lahat ng nasa `yo, mahal ko. At hindi `yon magbabago kahit kailan.”

Inilapit niya ang mukha sa mukha ko. Ilang inches na lang, magdidikit na ang mga labi namin.

“Ako dapat ang magtatanong niyan sa `yo, tombs. Okay lang ba sa `yo ang kagaya ko? Ako si Ross Eliseo Valentin. Naging stalker mo. Naging torpe. Nagmukhang tanga sa harap ng karamihan para lang mapansin mo. Marami akong hindi kayang gawin. Takot ako sa maliliit na insekto. Jejemon pa ako, sabi mo. Hindi rin ako perpekto. Simple lang akong lalaki. Hindi ko maipapangakong hindi na kita masasaktan. Pero maipapangako ko namang sa abot ng makakaya ko, hindi kita iiwan kahit kailan.”

Hinalikan ni Ross ang kanang mata ko na may luha. Naramdam ko ang hininga niya sa mukha ko. “Okay lang ba ang isang Ross Eliseo Valentin sa `yo, Mary Jovelyn Salazar?” seryoso niyang tanong. “Hahayaan mo bang maging boyfriend mo ang isang tulad ko na hindi lang guwapo, pero yummy pa?”

Natawa ako. “Tarantado ka!”

Ngumiti siya. “Bibigyan kita ng pagpipilian. Aalis ka sa ospital na `to ngayon at titigil na tayo. O yayakapin mo ako ngayon para ipakitang mas gusto mong ipagpatuloy natin ang nasimulan natin?”

Dahan-dahan kong binalot ang dalawa kong kamay sa katawan ni Ross at niyakap siya nang mahigpit.

“Damn, tombs. I love you.” Rinig na rinig ko ang malakas na tibok ng puso niya. “Naririnig mo ba ang tibok ng puso ko? Dahil sa `yo `yan.”

“I love you, too,” mahina kong sabi.

“Ha? Hindi kita narinig.”

“Wala leche ka!”

“Isa pa, tombs. `Di ko narinig, eh.”

“I love you, too. Okay?” malakas kong sabi. “I love you too, Ross Eliseo Valentin. Okay na?”

“Pikunin talaga `tong si tombs kahit kailan.” Nagseryoso ang mukha ni Ross. Pansin ko ang unti-unting paglapit niya sa mukha ko.

Napapikit ako bigla. Hinihintay ko na lumapat ang mga labi niya sa akin.

Nang maramdaman ko na ang mga labi ni Ross, pakiramdam ko, lumulutang na naman ako sa ulap. May sobrang dami na namang kuryente na bumalot sa buong katawan ko. Nalulunod ako sa halik niya.

Napahawak ang isang kamay ni Ross sa likod ko habang ang isa naman ay nasa batok ko. Lalong lumalim at naging mapusok ang halik niya sa akin. Malapit na akong maubusan ng hininga. Tumigil lang kami sa ginagawa nang may narinig kaming boses.

“Ehem.”

Nagulat kami parehas nang makita ang daddy at mommy ni Rosss sa gilid namin. Si Donna naman, tinakpan ang bibig niya na halatang nagulat.

Hindi ako makatingin nang maayos sa kanila. Hiyang-hiya ako sa nangyari.

“`Wag kang mahiya,” sabi ni Ross. “Walang mali sa paghahalikan ng dalawang nagmamahalan.” Inakbayan niya ako. “Sina Daddy naman istorbo. Hindi marunong kumatok!”

“Ross, nasa ospital ka. Wala ka sa condo mo.”

“So sa condo ko puwede?” tanong ni Ross. “Tara sa condo ko, tombs.”

Binatukan siya ng mommy niya. “Umayos ka, Ross.”

“Joke lang, eh. Si Mommy nakabatok agad.” Tumingin si Ross sa akin, saka ngumisi. “Sa condo tayo.”

Siniko ko siya sa tiyan. “Hindi ka lang jejemon, manyakis ka rin.”

“Minsan lang, eh.” Tumingin si Ross sa mga magulang niya at kay Donna. “Dad, Mom, Donna, may sasabihin pala kami sa inyo ni MJ.” Hinawakan niya ang kamay ko. “Buntis po siya. Ako ang ama.”

“What?” sabay-sabay silang napasigaw.

“Hoy! `Pinagsasasabi mong tupanggala ka?” Pinagsasapak ko si Ross kaya todo-ilag siya. “Biro lang po `yon, Ma’am, Sir, Donna. `Wag kayong maniwala sa sinasabi ng damuhong `to.”

Tumawa si Ross. “Joke lang uli. Kayo naman, seryoso masyado.” Umayos siya at muling hinawakan ang kamay ko. “Dad, Mom, si MJ nga po pala. Girlfriend—este, boyfriend—este, basta. Nagbabaklaan `ata kaming dalawa. O kung ano’ng tawag sa relasyon namin, si MJ nga po pala, ang forever ko.”

“Eli, ang bakla mo!” sabi ni Donna habang tumatawa.

“Bakla naman talaga ako. `Di ba, tombs? Nabakla na ko sa `yo?”

“Ewan ko sa `yo. Para kang shunga . Kung ano-anong pinagsasabi mo. Nauntog `ata `yang ulo mo kanina.”

“Naku, MJ. Pagpasensiyahan mo na `yang anak ko,” sabi ng daddy ni Ross. “Kapag hindi nagtino, iwan mo na. Ipapakilala na lang kita sa mga pinsan niya. Mas guwapo sa kanya.”

“Ayusin mo lang, Dad! Mawawalan ka ng poging anak!” nagtatampong sabi ni Ross.

Nag-usap-usap lang kami habang lumilipas ang oras. Todo-kuwento sa akin ang daddy at mommy ni Ross sa mga kalokohan niya dati. Pansin na pansin ko talaga na close na close silang tatlo.

Nakaupo sila sa mahabang sofa habang ako naman, nakaupo sa tabi ni Ross sa kama. Masyado siyang clingy sa akin. Naka-back hug siya habang nakapatong ang baba niya sa balikat ko.

“Tombs…”

“Uhm?”

“I love you,” bulong niya sa tainga ko.

Napangiti ako. “I love you, too. Pero `wag kang masyadong yumakap. Hindi na ako makahinga.”

Lalo lang hinigpitan ni Ross ang pagkakayakap sa akin. “Tombs?”

“Ano? Tombs ka nang tombs.”

“`Wag ka nang uuwi, ah? Samahan mo ako dito sa ospital. Para ituloy natin ang naudlot kanina— Aray. Aray ko, tombs. Joke lang!”

Todo-hiyaw siya sa sakit nang pingutin ko nang mariin ang tainga niya.

Hay, jusko . Hindi ko alam ang gagawin ko sa Ross Eliseo Valentin na ito.