“Kahapon lang ang sama ng timpla mo. Tapos ngayon, kulang na lang langgamin tayong lahat dito sa van dahil sa sobrang tamis ng ngiti mo, Violet.” Taas ang kilay na puna ni Jared sa pagngiti ko.
Simula kaninang pagdating ko rito sa meeting place namin ay hindi na nabura ang ngiti sa aking mga labi. Obviously, dahil iyon kay Colt. Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwalang totoo na ang relasyon namin. Sarap upakan ng gagong iyon. Dami pang arte mauuwi rin naman pala sa totohanan.
“Try to be serious in love, baka maintindihan mo ang sitwasyon ko.” Sarkastiko kong sabi kay Jared na ikinasimangot nito habang si Damon naman ay napapailing.
“Wala akong panahon sa ganiyan.” Salubong ang kilay na sabi ni Jared sabay labas ng van. Napapakunot ang noong tumingin ako kay Damon.
“Don’t mind him, mukhang nakahanap ng katapat ang gago.” Napapangising sabi ni Damon bago ginulo ang aking buhok.
“Where’s Greyson?” Tanong ko habang inaabala ang sarili sa laptop na nasa harap ko. Maraming files doon na ipinadala sa akin ni Top. Kailangan kong basahin dahil baka makadagdag iyon sa misyong ipinapagawa nito sa akin.
“I don’t know. Nagpaalam siya kanina na hindi muna sasama dahil may ilang bagay na aasikasuhin.” Sagot ni Damon habang abala sa pagtingin ng kung ano sa cellphone.
Napansin ko ang bahagya nitong pagtiim-bagang. Kasunod ay ang pagdilim ng ekspresiyon ng mukha.
“May problema ba?”
“Nothing…” sagot nitong napapabuntong-hininga. “Siyanga pala, bukas ay may meeting.”
Biglang nanlaki ang mga mata ko. “Promise, pupunta na ako. Hindi ko na makakalimutan.”
Bigla ang naging pagngisi ni Damon. “Hindi mo naman talaga makakalimutan, unless may mangyari na namang kung ano na maging dahilan ng hindi mo pagpunta. I’ll talk to Colt later.”
Bigla akong napangiwi. Diyata’t may alam ito sa nangyari. “Okay…”
“Pupunta sa meeting si Darth.”
“Okay?”
“Siya ang tatapos ng misyong ito.” Seryosong sabi ni Colt na ikinakunot ng noo ko.
“Teka, bakit naman? So anong gagawin natin ngayon?”
“We’ll watch him.”
Wow, hindi ko alam na mukhang may binatbat nga ang Darth na sinasabi ni Damon. Baka nga magaling ito.
“How about Ace?” Bigla kong tanong.
Saglit na natahimik si Damon. Ilang sandaling nakatulala ito sa monitor bago bumuntong-hininga. “Pansamantalang ititigil ang misyon sa kaniya.”
“Bakit hindi ko alam?” Inis na tanong ko sabay tiklop ng laptop. Naiinis ako dahil parang ang dami nilang nalalaman samantalang ako’y parang tangang nangangapa.
“Wala ka sa meeting, Violet.”
“Sabi ko nga…” napapangiwing sagot ko. Kaya naman pala. Mukhang marami silang pinag-usapan noong last meeting. Kasalanan ito ni Colt eh!
“Bakit ititigil ang misyon? Ngayon lang ito nangyari.”
“Kasama ni Ace si Wynter sa iisang bahay.” Napaawang ang aking bibig. Wynter? Wynter Coles? Kapatid ni Top? Anong meron sa dalawang iyon? Hostage ba ni Axen si Wynter? Kaya ba hindi na ito nagpaparamdam sa akin nitong mga nakaraang araw dahil nasa iba ang interes nito?
“Kung ganoon bakit—.”
“Fuck!” Malakas na sabi ni Damon na nagpatigil sa akin. Nagtatakang tiningala ko siya nang bigla siyang tumayo’t inihagis ang cellphone sa kung saan.
“Anong problema?” Kinakabahan kong tanong. Ngayon ko lang nakitang galit na galit si Damon. Noong nawala naman si Serena hindi naman ito naging ganoon. Pero ngayon, parang gusto ko na lamang umuwi dahil natatakot ako rito.
“Call Jared.”
Nagmamadaling lumabas ako ng van at tinungo ang kotse ni Jared na nasa ‘di kalayuan. Lakad-takbo ang ginawa ko para mabilis akong makarating sa kinaroroonan nito.
“What?” Irita nitong tanong nang kumatok ako ng ilang beses.
“Pinapatawag ka ni Damon, may problema yata.” Sagot kong nakaiwas ang tingin. Mukhang nainis nga si Jared sa sinabi ko kanina. Hayaan na, babawi na lang ako bukas.
Kaagad kaming bumalik sa van. Nang makapasok kami’y kaagad na iniabot ni Damon ang earpiece kay Jared at mabilis itong pinaupo sa harap ng monitor.
“Kailangan kong puntahan si Phoebe.”
“Bakit?” Salubong ang kilay na tanong ko. Natataranta na ako.
“Magpapaliwanag ako mamaya! Kailangan ko silang maabutan sa airport.” Mariing sabi ni Damon bago kinuha ang susi ng kotse ni Jared.
Hindi na kami nakahuma pa ni Jared. Pareho kaming natahimik nang tuluyang makaalis si Damon.
Ano nang gagawin naming dalawa ni Jared ngayon? Dalawa na lang kami, paano namin magagawa nang maayos ang misyon kung kulang kami sa mga tauhan? Wala pa iyong mga tao ni Top dahil may iba ring ginagawa ang mga iyon sa labas ng bansa.
Napapabuntong-hiningang naupo ako sa gilid. Parang gusto ko na lang yayain si Jared na umuwi na lang.
“Don’t worry, paparating na si Darth. Hindi naman tayo pababayaan ni Damon dito.” Seryosong sabi ni Jared habang nakaturo sa cellphone ni Damon na naiwan. Nasa call logs nga nito ang numero ni Darth. Sana nga ay makapunta ito. Dahil bigla akong nakaramdam ng kaba, lalo na nang may ipinadala pa si Top na isang file.
Mahigit isang oras na naghintay kami ni Jared sa loob ng van. Abala ito sa pagmomonitor sa mansyon ni Luis. Habang ako’y nasa isang tabi, halo-halong emosiyon ang bumabalot sa puso sa katatapos lamang na pagbasa sa ipinadala ni Top.
Hindi ko napigilan ang pag-alpas ng luha sa aking kanang mata. Kaagad ko iyong pinalis at huminga nang malalim.
Ngayon, buo na ang ebidensiya para sa matukoy ang traydor sa grupo.
“Jared…”
“Yes?” Sagot nitong nakatitig pa rin sa monitor.
“Anong gagawin mo kapag nalaman mong may traydor sa grupo natin?”
Saglit na natahimik si Jared. Marahan ako nitong nilingon bago nagsalubong ang kilay. Bigla akong nakaramdam ng kaba. Minsan talaga nakakatakot si Jared kapag nagseseryoso.
“I’ll kill that person right away.” Tiim-bagang nitong sagot bago muling tumitig sa monitor.
“Paano kung ako ang traydor, papatayin mo ba talaga ako?” Tanong ko pa. Gusto kong masubok ang nararamdaman ni Jared.
“Babae ka pa rin.” Mahina nitong sabi. Bahagya akong napangiti sa naging sagot nito. Ibig sabihin lang na wala itong balak na patayin ako kung sakaling magtraydor ako sa kanila. “But, I’ll make sure na mabubuhay kang parang patay.”
Hindi ko napigilan ang paglunok. Napakasadista naman ng gago. Napapangiting napakamot ako sa noo. “Parang wala namang pinagkaiba.”
Ngumisi lang si Jared bago naglakad palapit sa akin. “Alright, tell me what’s bothering you?”
Awtomatikong nawala ang ngiti ko. Tahimik na muli kong pinatay ang laptop.
“Ang pagkamatay ni Serena.” Pag-uumpisa ko na ikinaupo ni Jared sa aking tabi. “Ang pag-alis ni Darth papunta sa ibang bansa. Ang pagkawala ni Tamara at Akame. Maging ang planong pagdukot sa akin at kay Lovely ay gawa lamang ng isang tao.”
Napansin ko ang biglaang paglunok ni Jared. Wala akong nabanaag na takot sa mga mata nito. Galit at pagnanasang pumatay ang naroon.
“And that person—.”
“Nasa grupo natin…” Sagot kong nagpagalit kay Jared. Mariin itong nagmura at akmang susuntukin ang bintana ng van nang biglang bumukas ang pinto. Pumasok ang isang matangkad na lalaki. Magulo ang buhok at madilim ang ekspresiyon sa mukha.
“Where’s everyone?” Biglang nagtaasan ang mga balahibo ko sa batok nang marinig ang kalamigan sa boses nito.
“Busy sa love life nila.” Napapasimangot na sagot ni Jared bago ako nilingon. Umiwas na lang ako ng tingin. Saka ko na lang siguro sasabihin kay Jared ang tungkol sa tumatraydor sa amin.
Tahimik na naupo ang lalaki sa tapat ko. Gusto kong iiwas ang aking tingin pero hindi ko magawa. Parang hinihigop ako ng presensiya nito. Maganda itong lalaki, pero nakakatakot. Wala pa man itong ginagawa’y pakiramdam ko’y mamamatay na ako sa awra nitong sumisigaw ng awtorisasyon.
“Uh Keith, si Darth.” Sabi Ni Jared.
Pasimple kong nakagat ang aking labi lalo na nang magsalubong ang mga mata namin. Natatakot ako! Gusto ko nang umuwi!
“You’re Violet.” He didn’t ask.
Marahan akong tumango bago pinilit ang sariling iiwas ang tingin. “Nice to meet you, D-Darth.”
“Yeah…” Tipid nitong sagot bago pumikit nang mariin.
Kaagad kong pinanlakihan ng mga mata si Jared. Nakangisi lamang ito habang naglalakad pabalik sa harap ng monitor.
“I saw you killed Ace’s people.” Bigla akong napasinghap nang walang pasabi itong nagsalita. Parang gusto kong kumaripas ng takbo at magtago sa likod ni Colt. Gusto kong magsumbong pero magmumukha akong tanga dahil wala namang ginagawang masama sa akin si Darth.
Bahagyang kumunot ang aking noo nang mapagtanto ang sinabi ni Darth. “You saw me?”
“Well, magkasama tayo sa grupo. Ang misyon ng isa ay misyon ng lahat. Unless, si Top mismo ang mag-utos ng misyon para sa isang miyembro. Katulad ng ginagawa mo ngayon, Violet.”
Para akong nabato sa aking kinauupuan. Alam nito ang misyon ko. Alam nito ang nangyayari kahit na matagal itong nawala sa grupo.
“Alam kong alam mo na ang sagot.” Seryoso pa rin nitong sabi na ikinadilim ng ekspresiyon ko. “Do you want me to help you? I’ll kill Grey for you, Violet.”
Sa sinabing iyon ni Darth ay tila wala sa sariling napanganga ako. Maging si Jared ay hindi makapaniwala sa narinig. Siguro nga’y hindi ko na maiiwasan pang sabihin sa iba ang nalalaman ko.