“Promise me na wala kang gagawing ikapapahamak mo!” Malakas na sabi ni Kuya Kairo habang naglalakad kami palapit sa van ni Damon.
Ngumiti lamang ako sabay yakap sa kaniya. “Pwede kang magbantay sa akin para masiguro mong wala akong gagawing masama.”
“Hindi pwede, Keith. Kailangan ako sa opisina. Isa pa’y tiwala ako sa mga kaibigan mo. Alam kong hindi ka nila pababayaan.”
Muli akong napangiti. Mahigpit ko pa siyang niyakap bago tuluyang pumasok sa loob ng van.
Saglit na nakipag-usap si Kuya sa mga kasama ko. Kasunod niyon ay umalis na rin ito dahil biglang tumawag ang sekretarya.
“Napakatigas talaga ng ulo mo.” Sabi ni Damon.
Napakagat na lang ako sa labi. Tahimik na naupo sa loob ng van at naghintay sa mga gagawin nila.
“Na-track ko na ang kuwartong kinaroroonan ni Colt.” Malakas na sabi ni Jared na siyang dahilan para mapatayo ako sa kinauupuan. “May tatlo siyang kasama at may isa pang tao sa kabilang kuwarto.”
Napakunot ang noo ko. Paano nito iyon nalalaman? Salubong ang kilay na pinagmasdan ko ang ginagawa ni Jared. May mga bulto nga ng tao sa monitor. Pero hindi ko maaninag ng maayos dahil may nakaharang sa camera.
“Paano mo nagawa iyan?” Taka kong tanong.
“Si Tamara ang nag-activate ng pin na binigay sa kaniya ni Top bago siya nawala. Habang nakikipangbuno ka kay Grey noong isang linggo, kinuha niya ang pagkakataong wala ito para maglagay ng maliliit na camera sa loob ng kuwarto.” Sagot sa akin ni Jared.
Nilingon ko si Top, tahimik lamang ito habang nakatitig sa monitor.
“She’s that good?” sabi kong salubong pa rin ang kilay.
“Just like Blue…” mahinang sabi ni Top. Mariin pa rin itong nakatitig sa monitor.
Bigla akong natigilan. Muli kong naalala si Serena. Ibig sabihin ba niyon, talagang si Tamara ang papalit sa puwesto ni Serena dahil sa magkapareho sila ng kakayahan?
“I want to meet her.” Mahina kong sabi na ikinatingin nilang lahat sa akin.
“Of course, pero hindi pa sa ngayon.” Sabi ni Top bago muling itinuon ang mga mata sa monitor. Napatitig na lang din ako sa kung anong tinitingnan niya.
Maya-maya lamang ay nag-ayos na si Darth at Damon. Napatayo ako sa kinatatayuan ko. Nangangati ang paa ko. Gusto kong sumama.
Malaki ang ngising pinakawalan ni Darth. “Kung ano man ang binabalak mo, huwag mo nang ituloy. Tatamaan ka sa akin kapag—.”
“…I may not be skilled, hindi man kita mapatay, pero sinisiguro kong gagawin ko ang lahat para protektahan sila.”
Nabaling bigla ang tingin ko sa puwesto ni Jared. Mahina man ang boses na narinig, alam na alam kong si Colt ang nagsabi niyon!
“What’s happening?”
Pagak na tawa ang pinakawalan ni Top. “Stupid Grey. You should not underestimate a kind of person na siyang pinagkakatiwalaan ng iba’t ibang importanteng tao sa mundo.”
Ngayon ko lang napagtanto. Napakalaki ng pagkakaiba namin ni Colt. He works for the safety of the people. Habang ako’y nagtatrabaho para pumatay. We are in different leagues.
“Natahimik ka yata?” Ungkat ni Damon sa pananahimik ko.
Marahan akong tumikhim bago nagtanong kay Jared kung pwede ba nitong iutos kay Tamara na tanggalin ang harang sa camera ng kuwartong kinaroroonan ng mga ito. Tumango naman si Jared at kaagad na iniutos iyon kay Tamara.
Ilang saglit lamang ay lumiwanag ang screen. Ngayon, malinaw na nakikita na namin ang kaganapan sa bahay ni Grey.
--
COLT POV.
“Okay…” narinig kong sagot ni Tamara sabay lakad para makalapit sa tabi ng bookshelf. Umangat ang kilay ko nang makita ang kulay pulang ilaw sa camera na naroon, it’s recording.
“You bitch!” Sigaw ni Grey sabay akmang susugurin si Tamara. Pero mabilis na sinalag ko ito. Isang malakas na suntok ang pinatama ko sa mukha ni Grey. Kasunod niyon ay malakas na ipinambatok ko rito ang hawak na baril.
“Not bad…” komento ni Tamara. Nakaupo lamang ito sa silyang nasa tabi ng bookshelf. Nakade-kwatro habang hawak ang isang libro.
“Mara…” mahinang sabi ni Lovely sabay lapit dito.
“Kaya niya na iyan.” Seryosong sabi ni Tamara. Tamad na tumitig ito kay Grey na nakahandusay sa sahig. Sunod ay sa akin bago ngumisi. “Sabihin mo lang Mr. Vierco kapag malapit ka nang mamatay. Handa naman akong tumulong.”
Fuck.
And here I thought my Kitty was the rudest woman I met. Hindi pala, nariyan pa pala si Tamara Del Valle. Hindi na ako magtataka kung bakit ayaw rito ni Grey.
“Fuck!” Mariing wika ni Grey sabay dura ng dugo.
“Hey Greyson, I just want to remind you; he is Colt Vierco.” Makahulugang wika ni Tamara sabay ngisi. “Oh, my bad, ibig kong sabihin ay Colt Fuentabella.”
Kunot ang noong tinitigan ko ito. Napakarami naman yata nitong alam sa akin?
“You’re wondering why I know a lot of things about you?” Dumilim ang ekspresiyon ko.
“Tamara, enough…” mahinang sabi ni Lovely habang hinahawakan sa balikat si Tamara. Bakas sa mukha nito ang takot.
“C’mon Lovely, we both know Colt. Alam nating pareho kung anong kaya niyang gawin. We made a report about him when we were in college. He’s more than what he is right now. Kaya nga siya ang pinagkakatiwalaan ng iba’t ibang importanteng tao sa mundo.
Tell us Colt, when are you going to lay all your cards? Lovely and I know that you can easily eliminate people like how you used to do. Hindi ka naiiba sa amin. Iyon nga lang, malinis kang magtrabaho.”
Isang marahan at malalim na paghinga ang pinakawalan ko. Hindi ko alam na may ilang nakakaalam ng tungkol sa pagkatao ko. Pagkataong matagal ko nang nilimot simula nang makilala ko si Mommy at si Zairene.
Ginawa ko ang lahat para mapabilang sa mga naglalakihang kompanya. Mapamalinis o maruming gawain ay sinuong ko. Sinong makakapagsabing sa tagal na panahong iyon, may dalawang taong nakasaksi sa pagiging marumi ko?
Oh wait, dalawa nga lang ba ang nakakaalam?
Halakhak ni Grey ang nagpawala sa madilim kong ekspresiyon. Marahas akong napahinga.
“So, you’re also a killer just like us.” Nakangising sabi ni Grey na siya ring ikinangisi ko.
“Huwag mo akong igaya sa isang tulad mo. I have people to do the job for me. Ibig sabihin, malinis pa rin ang mga kamay ko.” Right, malinis pa rin ang mga ito. Dahil wala akong lakas ng loob na pumatay gamit ang mga kamay ko.
“What a coward—.”
Ako naman ang napahalakhak. Halakhak na siyang ikinatigil ni Grey. Matalim ang mga matang tinitigan niya ako.
“You’re crazy, Greyson. If I were you, hindi ko paaabutin sa puntong magagalit si Colt.” Nakangising sabi ni Tamara.
Lalo akong nainis. Ano bang alam niya? Simula nang makilala ko si Zairene ay hindi ko na itinuloy ang mga bagay na iyon. I even decided not to attend any meetings sa kompaniya. Sa madaling salita, kinalimutan ko na iyon. Kaya hindi totoong si Zairene ang dahilan kung bakit ayaw kong bumalik sa opisina.
“Alam mo ba kung bakit sa akin napiling humingi ni Lovely ng tulong?” Tanong ko habang marahang naglalakad palapit sa kinaroroonan ng camera. “Hindi dahil sa wala siyang tiwala kay Top. Kung hindi dahil sa mga bagay na hawak ko.”
“Anong ibig mong sabihin?!”
Marahan kong hinubad ang suot na coat. Inilabas ko roon ang isa pang recorder. Tinanggal ko rin ang pin sa kwelyo ng suot kong long sleeves; it’s a hidden camera.
“Alam mo ba kung ano ang mga ito?” Sarkastiko kong tanong. “Ang mga bagay na ito ang siyang magpapabulok sa iyo sa kulungan.”
“You think—.”
Hindi ko pinatapos si Grey sa pagsasalita. “But, these things won’t be needed anymore.”
Inihulog ko ang maliit na camera sa sahig at mariin iyong inapakan. Maging ang recorder ay malakas na ibinato ko sa dingding.
“Colt!” Mariing wika ni Tamara sabay kuha sa camera at recorder. Wala na rin naman itong magagawa, sira na ang mga iyon.
“Lahat ng ito’y set up lamang.” Nakangisi kong sabi sabay titig sa camera na malapit sa bookshelf. “It was all Top’s idea. Mahigit isang taon niya akong sinuyo. For what? He wants me to help him. We planned everything. From the time you killed Serena, hanggang ngayon.”
“Fuck you…”
“Fuck you too.” Malamig kong sabi. Muli kong naalala ang ginawa nito kay Keith. Kumukulo na naman ang dugo ko. “Did we surprise you?”
“Fuck Colt! You beast, bakit hindi ko ito alam?!” Napangiwi ako nang sumulpot ang boses ni Keith. Isang maliit na speaker sa tabi ni Tamara ang namataan ko.
She’s fine? My Kitty’s fine.
“Chill, my Kitty.” Matamis akong napangiti. Ngayong nalaman kong ayos lang naman ang kalagayan niya ay magiging madali na ang lahat. “You want me to tell you the whole story?”
“Malamang!” sagot niyang ikinatawa ko.
Kailangan ko nga sigurong magpaliwanag. Pero saka na, kapag natapos na ang misyong ito.