noveltoon logo noveltoon
Get Wild (Fatal Attraction Series 2)

Chapter 7

Ch. 7 / 39 Mar 23, 2025

C hapter 7

UMALIS si Dock. Naiwang mag-isa sa condo si Geallan. Natakot siyang baka balikan siya ni Rex. Pero napanatag naman ang loob niya nang sabihin ni Dock na banned na raw si Rex sa building at hindi na makakapasok pa. Binilinan din siya na kapag may tao sa labas, silipin muna niya sa peephole. Kung hindi niya kilala, huwag pagbubuksan.

Habang nanonood ng TV, biglang bumukas ang pinto ng condo kaya biglang napatayo si Geallan. Ang akala niya, si Dock na ang dumating. Pero nang lingunin niya, isa iyong napakagandang babae na parang kumikinang ang balat sa puti. Makikita ang bahagyang pagkagulat sa magandang mukha ng babae nang makita siya, pero ngumiti rin ito.

“Hi. Where’s the big guy?” tanong nito, saka isinara ang pinto at lumapit sa kanya.

Ang ganda-ganda nito. Hakab na hakab sa magandang hubog ng katawan nito ang suot na beige na bodycon. Ang makintab nitong brown na buhok ay tuwid na tuwid, hanggang baywang iyon. Ang kulay ng mga mata nito ay katulad ng kay Dock.

“Hey!” Ipinitik ng babae ang daliri sa harap ng mukha niya para gisingin siya sa pagkakatulala. Ang cute ng dimple nito. Isa lang iyon at nasa kanang pisngi. Lubog na lubog kapag ngumingiti.

“Are you my brother’s girlfriend?”

Umawang ang bibig ni Geallan, pero muli ring isinara nang walang mahanap na salita. Kung ganoon, kapatid ito ni Dock.

“Oh, how stupid I am for asking such question? Of course, you’re the girlfriend of that big guy. Hindi ka naman siguro nandito kung hindi. I’m Viel anyway.”

Inilahad ng babae ang kamay. Nag-aalangan niyang inabot iyon. Nagmukhang dumi ang kamay niya nang magdikit ang balat nila. Ang puti-puti nito. Para silang kape at gatas.

“Geallan,” pakilala niya.

“Wala na pala sina Kuya at Princess,” sabi nito, saka umupo sa sofa pagkatapos ilapag ang dalang kahon ng cake sa coffee table. Pinagkrus nito ang mga hita. “Nasaan nga pala si Kuya?”

Umiling si Geallan. “Lumabas lang siya sandali. Kapatid ka niya?”

Nakangiti itong tumango. “Upo ka.” Bahagya nitong tinapik ang espasyo sa tabi nito.

Umupo si Geallan sa tabi nito, pero may distansiya.

“Ikaw ang girlfriend ni Kuya ngayon? Akala ko pa naman balak na niyang magkaroon ng steady girlfriend. Hindi pa rin ba niya binabali ang rule niya?”

“Rule?”

“Yeah. One-month rule sa relasyon n’yo. Ano ba ang sabi niya sa `yo? Ilang months lang kayong puwedeng maging couple?”

“Wala naman siyang sinabi.”

“Really?” Parang nag-iisip ang ekspresyon ng mukha ni Viel.

“Weird. Alam mo kasi, may one-month rule si Kuya. Isang buwan lang tumatagal ang pakikipagrelasyon niya. Pero aware naman ang mga girls sa rule na `yon. Sinasabi ni Kuya at dapat agree ang babae sa ganoong patakaran bago nila pasukin ang relasyon.”

“I-isang buwan? Ano ang mangyayari pagkatapos ng isang buwan?”

“Wala na. Bye-bye na. Disposed na kayo. Kaya huwag kang madadala sa ka-sweet-an ng kapatid ko, ah. Maraming babaeng nahuhulog doon dahil ideal boyfriend daw.” May diin nitong sinabi ang huling salita.

“Gagawin niya ang lahat para maging masaya ang girlfriend habang sila pa. But if the time comes to end the relationship, end na talaga. Kuya would never extend the time, even a second.”

Grabe naman! May expiration date pala ang relasyon para kay Dock.

“Oh, don’t be upset,” sabi ng babae nang mapansin ang lungkot sa mukha niya. “Since hindi naman sinabi sa `yo ni Kuya ang rule niya sa pakikipagrelasyon, ibig sabihin, baka balak na niyang mag-steady. You might be special to him. Kasi last relationship niya, medyo binali ni Kuya ang rule niya.”

“Ano’ng ibig mong sabihin?”

“As I’ve said, Kuya would never extend his relationship with anyone. Never din niyang binabalikan. But Princess, his last girlfriend, nakipagbalikan siya,” kuwento pa nito. “Madali lang namang malaman kapag tatapusin na ni Kuya ang relasyon. Nagiging galante `yon. He will give you a present. Something very expensive. Naging girlfriend ni Kuya ang isa sa kaibigan ko. And he gave her a jewelry that costs an arm and a leg. Kaya `ayun, sa halip na magmukmok, tuwang-tuwa pa dahil sa natanggap na regalo.” Sinundan ni Viel ng mahinang tawa ang sinabi. Lalong lumubog ang dimple nito.

Napabuntong-hininga na lang si Geallan, saka nahulog sa malalim na pag-iisip. One month? Paano kung pumayag siyang maging girlfriend nito? p agkatapos ng one month, tatapusin na ni Dock ang relasyon nila at paalisin na siya roon? Huwag na lang kaya siyang pumayag na maging girlfriend nito? Ano kaya ang mangyayari? Baka naman sa halip na isang buwan, isang linggo lang siya roon. Pero ang sabi naman ni Dock, aampunin siya nito.

Kasi nga, gusto ka niyang maging girlfriend. Walang libre sa panahon ngayon! sigaw ng munting boses sa kasulok-sulukan ng utak niya.

Ano ang gagawin ko?

Kailangan niyang makahanap ng trabaho bago pa man siya paalisin ni Dock. Pero paano siya mag-a-apply kung wala nga siyang matinong damit at pera?

“Hindi ko na mahihintay si Kuya. May pupuntahan pa ako, eh. Puwede bang pakisabi na lang sa kanya na pumunta siya sa bahay? Pinapupunta siya ni Mama. Tatawagan ko na lang din siya mamaya.” Tumayo ito kaya tumayo na rin siya. “It’s nice meeting you, Geallan. Sana ikaw na ang makapagpabago sa kapatid kong `yon.” Bumeso pa si Viel sa kanya. “I baked a fruitcake. Kainin n’yo na lang ni Kuya.” Naglakad na ito palapit sa pinto.

Nang buksan ng babae ang pinto, muli itong bumaling sa kanya. “A piece of advice. Galingan mo ang performance para sure na magtagal kayo ni Kuya.” May pilya itong ngiti sa mga labi.

“Performance?” clueless na tanong ni Geallan.

“Bed performance! Girl, man is still a man. Every man loves steamy sex. They want sexual satisfaction from a woman they are interested in. Good fuck makes them determined whether or not they’ll be sticking around for the long haul. If you’re gonna satisfy my brother, it’s your chance of keeping him interested in you. Kaya huwag lalamya-lamya. If sex is the only way to keep him, then use it as a weapon. Get wild!”

Natahimik si Geallan dahil sa sinabi ni Viel. Tama ito. Isang perpektong halimbawa na lang si Javan. Hindi rin ito nakatiis at pinatulan ang kapatid niya. Kahit gusto niyang paniwalaan si Javan na pinikot lang ito ni Alice, hindi pa rin niya maiwasang magduda. Matagal silang naging magkarelasyon ni Javan. Alam niyang gusto na nitong gawin nila ang bagay na iyon.

Tinampal ng babae ang sariling noo. “Kung ano-ano ang itinuturo ko sa `yo. Basta huwag na huwag kang mai-in love kay Kuya Dock kasi masasaktan ka lang. Enjoy mo lang ang relasyon n’yo. Mukha ka pa namang mabait. Bye!” Viel blew a kiss before shutting the door close.

Ilang sandali na ang lumipas na nakasara ang pinto pero nakatayo pa rin si Geallan at nakatitig doon. Iniisip niya ang mga sinabi ni Viel.

PAGKATAPOS mananghalian, naisip ni Geallan na maglaba. Sa halip na gamitin ang washing machine, kinusot na lang niya ang mga damit. Sayang kasi sa kuryente. Isa pa, hindi talaga siya satisfied. Pakiramdam niya, hindi naman nalilinis ang mga damit.

“Gotcha!”

Muntik na siyang mapatalon nang may pumaikot na braso sa balikat niya.

“`Di ba, sabi ko naman sa `yo, hindi mo kailangang magtrabaho?”

Napangiti si Geallan. Para namang asawa kung kumilos si Dock. Nakapaikot ang braso sa balikat niya habang ang mukha ay nasa gilid ng kanyang pisngi. Halik na lang sa pisngi o kaya sa mga labi, perfect na. “Nandiyan ka na pala, Dock.”

“Halika.” Itinayo siya nito at dinala sa lababong nandoon mismo sa laundry area.

Binuksan ni Dock ang gripo at ito na mismo ang naghugas ng kamay niya. Inalis ng lalaki ang mga bulang nakabalot sa mga kamay niya, saka pinunasan ng tuwalya. Ipinaikot nito ang isang braso sa baywang niya, saka inalalayan palabas ng laundry area.

“I bought you something.”

Nagpunta sila sa living room at umupo nang magkatabi sa mahabang sofa. Kinuha nito ang mga paper bag na nakapatong doon, saka iniabot sa kanya.

“Ano `to?”

Kinuha ni Dock ang isang paper bag at inilabas ang laman. Kahon ng isang cell phone—iPhone.

“Para matawagan kita kapag nasa opisina ako,” sabi nito pagkatapos ilabas ang aparato sa kahon.

“Pero natatawagan mo naman ako sa telepono.”

“Mas maganda `to. We can make video call and chat.” Inilabas naman ng lalaki ang isang kahon sa isa pang paper bag. “This is the best for playing games and watching movie.” Isang iPad naman iyon.

Ikinuyom ni Geallan ang kamay. Nagsisimula nang maging galante si Dock hindi pa man nga siya pumapayag sa inaalok nitong maging mag-boyfriend sila.

“`Yong kapatid mo pala, nagpunta rito. Si Viel.”

“Nasabi nga niya. Tumawag sa akin kanina… Oh, wait!” Ipinatong lahat ni Dock ang gadget sa mesa at nilapitan ang pinto nang tumunog ang doorbell.

“Hi, Dock.” Boses iyon ng isang babae.

“Come on in,” yaya ni Dock.

Magkakasunod na pumasok ang anim na babae. Sumunod ang dalawa pang lalaki. May bitbit ang mga ito na kung ano-ano.

Tumayo si Geallan nang lapitan siya ni Dock at ipinakilala sa isang magandang babae, na agad na tumaas ang kilay nang makita siya. Andrea ang pangalan nito. Makikita ang malisyosang titig nito sa kabuuan niya.

Hinawakan ni Geallan ang laylayan ng suot na T-shirt at itinaas iyon para ipakita sa babae na may shorts siya. Isang gray na T-shirt at boxer shorts ni Dock ang suot niya.

Nilingon ng babae ang mga kasama na nag-aayos ng mga dala. Isang portable clothes rack at portable fitting room na pinagtulong-tulungan na itayo ng team sa parte ng condo na may malawak na espayo. Hindi na hiningi ng mga ito ang pagpayag ni Dock. Parang alam na alam ng mga ito ang ginagawa.

“Nothing has changed, Dock. Galante ka talaga kapag nagdi-dispose,” sabi ng babae nang ibalik ang atensiyon sa kanila. Tumaas ang sulok ng mga labi nito nang muli siyang tingnan.

“It’s not what you think, Andrea,” kontra ni Dock, saka marahang natawa.

“Whatever. Let’s start.” Nagkibit-balikat iyong Andrea, saka nilapitan ang upuan.

May kung anong kaba na naramdaman si Geallan dahil sa sinabi ng babae. Naalala rin niya ang mga sinabi ni Viel.

Umupo sila nang magkatabi ni Dock sa isang love seat. Nakaharap iyon kung saan nakalagay ang portable rack na maraming nakasabit na damit. Lumabas ng condo ang dalawang lalaki, naiwan ang limang babae pati na si Andrea. Ang apat, parang model at inaayusan ng isa pang babae.

Ano ba ang gagawin ng mga ito? Parang may magaganap na show. Nang ready na, nagbigay ng signal si Andrea. Naglakad ang dalawang babae suot ang bulaklaking magandang bestida. Isang puti na may print na aqua green floral at aqua green na may print na puting bulaklak.

“These are my latest sundress collections. The material is made from seventy-five percent cotton and twenty-five percent polyester. Light, comfortable, breathable and with some texture to make it interesting to the touch. Katulad ng sabi mo, Dock, you want simple and comfy. I think these are perfect for everyday clothing. Kahit pang-malling, perfect ang mga ganito,” paliwanag ni Andrea habang ang dalawang babae ay todo pose sa harap nila.

“Bakit ba sila nagmo-model sa harap natin?” bulong ni Geallan kay Dock.

Hinawakan ni Dock ang kamay niya, pinagsalikop ang mga daliri nila. Dinala ng lalaki ang kamay niya sa bibig, saka hinalikan ang likod ng palad, na ikinagulat niya.

Ano ba ang ginagawa ng lalaking ito? Parang lumukso tuloy ang puso niya.

“Gusto mo ba `yan? Bagay sa `yo `yan.”

“Maganda, pero hindi ko maintindihan. May audition ba? Para saan?”

Dock chuckled, wrapping his arm around her shoulder, their fingers still linking. “Shopping at home. Hindi kasi kita maisama sa mall na ganyan ang suot mo. Hindi ko rin alam ang gusto mo kaya pinapunta ko na lang sila rito para aktuwal mong makita ang mga damit. Pili ka lang ng gusto mo.”

Mula sa lalaki, namamanghang tumitig si Geallan sa dalawang modelo na pumalit sa nauna. Suot ng mga ito ang isang powder blue na dress na magkaiba ang disenyo.

“Knee-length wrapped dress in satin. V-neck with concealed snap fastener at front, narrow adjustable straps and a seam at the waist. Flared, asymmetric skirt. Lined at top,” pagde-describe ni Andrea sa mga damit.

“Like it?” pabulong na tanong ni Dock. Idinikit nito ang bibig sa gilid ng ulo niya.

Bumaling si Geallan dito. Namamangha siya sa pagiging galante ng lalaki. Parang sa pelikula lang niya nakikita ang ganoon. Pero natatakot siya dahil sa mga sinabi ni Viel.

“Dock, hindi naman kailangan `to. Kahit ukay-ukay—”

Pinutol nito ang sinasabi niya ng isang halik. “Just pick, babe,” bulong ni Dock sa mga labi niya, saka muling itinuon ang atensiyon sa mga modelo.

Walang nagawa si Geallan kundi ang mag-alala na lang habang pinapanood ang iba’t ibang damit na imino-model ng apat na babae. Mula sa summer dress, semi-casual, casual at lingerie. Nang matapos, para siyang nalula sa presyong ibinigay ni Andrea sa lahat ng napili ni Dock. Halos lahat, kinuha ng lalaki maliban sa mga masyadong daring.

“Dock,” sabi ni Geallan nang pipirmahan na nito ang tseke. Niyakap niya nang mahigpit ang braso ng lalaki para pigilan. “Okay naman `tong damit mo, eh.” Marahang natawa si Dock. “Sobrang mahal ng three hundred thousand para lang sa damit.”

“It’s okay. Magaganda naman ang damit.”

Nang muling magsusulat si Dock, mas humigpit ang yakap niya, na muling ikinatawa ng lalaki. Pakiramdam niya, kontrata ng pagpapalayas sa kanya ang pipirmahan nito.

“Geallan?”

Napilitan siyang luwagan ang pagkakayakap kay Dock dahil sa nakikiusap nitong tono.

HINDI mapakali si Geallan. Hindi niya alam kung paano sasabihin kay Dock na pumapayag na siyang maging girlfriend nito. Kanina pa siya nagpa-practice ng sasabihin.

Kapag sinabi niyang pumapayag na siya sa alok nito, yayayain na kaya siya nitong mag-sex? Masakit daw kapag first time, eh. Saka, paano kung hindi mag-enjoy ang lalaki? Ano ang mangyayari? Bahala na nga!

Sinuklay ni Geallan ang kulot na buhok gamit ang mga daliri habang tinitingnan ang sarili sa life-sized mirror. Suot niya ang pulang satin sleepwear na binili ni Dock kay Andrea. Humugot siya ng malalim na hininga bago lumabas ng kuwarto at pinuntahan ang kuwarto ni Dock. Nang nasa harap na ng pinto, muli siyang humugot at nagpakawala ng hininga bago itinaas ang nakakuyom na kamay. Mariin niyang ipinikit ang mga mata bago kumatok.

“Pasok.”

Tinapik ni Geallan ang dibdib nang lalo iyong kumabog nang marinig ang poging boses ni Dock. Sa nanginginig na kamay, pilit niyang pinihit ang doorknob at dahang-dahang itinulak pabukas ang pinto.

“Geallan?” Ipinatong ni Dock ang librong binabasa sa ibabaw ng hubad nitong dibdib. Nakasandal ang lalaki sa pinagpatong-patong na unan.

Maingat niyang isinara ang pinto at nanatiling nakatayo habang nakayuko.

“Bagay sa `yo ang suot mo.”

Nag-angat ng mukha si Geallan. May ngiti sa mga labi ni Dock habang humahagod sa katawan niya ang humahangang titig nito.

“May kailangan ka?”

“Ahm… Kasi `yong…”

“`Yong?” ulit ni Dock.

Mariing ipinikit ni Geallan ang mga mata saka tuloy-tuloy na nagsalita. “Pumapayag na akong maging girlfriend mo.”

Lumipas na ang ilang sandali, pero wala siyang narinig na reaksiyon kay Dock. Dahan-dahan siyang nagmulat. Nakatingin lang sa kanya ang lalaki. Hindi niya matukoy kung ano ang ibig sabihin ng reaksiyon ng mukha nito. Nakatulala lang ito habang nakatingin sa kanya.

“Dock?”

Kumurap ito at parang nahimasmasan sa pagkakatulala. “Pumapayag ka na?”

Tumango siya.

Isinara nito ang libro at ipinatong sa nightstand. Inilahad nito ang kamay. “Come here.”

Humawak si Geallan sa dibdib at marahang minasahe iyon bago humakbang palapit sa kama. Para siyang aatakihin sa puso sa sobrang kaba. Umakyat siya sa kama at dahan-dahang gumapang palapit kay Dock. Nang makalapit, marahan siyang hinila ng lalaki kaya sa ibabaw siya nito napahiga.

Binalot si Geallan ng init na nanggagaling kay Dock nang lumapat ang katawan niya sa hubad nitong katawan, lalo na nang ikulong siya ni Dock sa mga bisig. Nakalapat ang gilid ng mukha niya sa hubad nitong dibdib. Dinig na dinig niya ang tibok ng puso ng lalaki. Nakakabingi.

“So, girlfriend na kita?”

Tumango lang si Geallan na parang tuod mula sa pagkakadapa sa ibabaw nito.

“I’m happy. I am very happy na pumayag ka. I promise that I’ll be a good boyfriend,” sabi ni Dock na hinigpitan pa ang pagkakayakap sa kanya.

Ipinikit ni Geallan ang mga mata. Hindi niya mapigilang mapangiti. Ang kabang nararamdaman ay bahagyang nabawasan dahil sa paraan ng pagkakayakap nito. Napakasarap! Sinasamahan pa nito iyon ng papatak-patak na halik sa kanyang buhok.

“Dito ka na matutulog sa tabi ko?”

Nagulat si Geallan at muli na namang inatake ng nerbiyos. “Mag… magse-sex na ba tayo?”

Pigil ang tawang pinakawalan ni Dock. Bahagya pang nauga ang katawan niya dahil sa pagtawa nito.

“Well, kung ako ang tatanungin mo, gusto ko. I want to be honest with you, Geallan. I was totally sexually attracted to you since the day I met you.” Pumisil ang kamay ng lalaki sa katawan niya. Dinig na dinig niya ang marahas na pagbuntong-hininga nito. “Pero hindi naman kailangan kung ayaw mo.”

Kahit ganoon ang sinabi ni Dock, ramdam naman ni Geallan na hindi iyon ang gusto nito. Sa paraan pa lang ng pagpisil ng lalaki sa kanya, alam niyang gusto siya nitong angkinin.

“G-gusto ko,” kinakabahan niyang sabi na ikinatahimik ni Dock. Pati ang pagtaas-baba ng dibdib nito kung saan nakalapat ang pisngi niya ay natigil. Parang natigil sa paghinga, pero mabilis at malakas ang tibok ng puso, to the point na para na siyang mabibingi.