noveltoon logo noveltoon
Get Wild (Fatal Attraction Series 2)

Chapter 10

Ch. 10 / 39 Mar 23, 2025

C hapter 10

“EHEM !”

Natigil si Geallan sa pag-aayos ng kama nang marinig ang tikhim na iyon. Nginitian niya si Dock na nakatayo sa pinto ng kuwarto na tinutuluyan niya. Nakahalukipkip ito habang nakatingin sa kanya.

“Ano’ng ginagawa mo?” tanong nito, saka humakbang papasok.

“Matutulog na.”

Umupo ang lalaki sa paanan ng kama kung saan niya iniipit ang dulo ng kubrekama. “But you are already my girlfriend. We already slept together. So, why not sleep in the same bed now?”

“Dock… Kasi…”

Hinawakan ng lalaki ang kamay niya, marahang hinila at ipinaikot ang mga braso sa baywang niya bago humiga kasama siya. Magkapatong silang bumagsak sa kama.

“Maganda ka kapag natutulog. You look like an angel. Hindi ka rin naman naglalaway. Pero humihilik nga lang,” sabi ni Dock habang malapad na nakangiti.

Bahagyang sumimangot si Geallan. “Lahat naman, humihilik, eh.”

“Do I?”

Gumalaw ang eyeballs niya, saka nag-isip. Hindi nga niya narinig na humilik ang lalaki. “Kaya nga dapat hindi tayo magkatabi kasi maingay akong matulog.”

“Your snoring sounds like music in my ears. I love it.”

May munting ngiti sa mga labi ni Dock habang matamang nakatitig sa mga mata niya. Hinahawi nito ang kanyang buhok. Parang may tinutunaw ang paraan ng pagtitig ng lalaki sa kanya.

Mabilis na umalis si Geallan sa pagkakadagan dito, saka umupo sa gilid ng kama. “Sige na, Dock, `wag na tayong magtabi. Medyo naiilang kasi ako.”

Ayaw niyang makatabi si Dock sa pagtulog. Itinanim ni Geallan sa isip ang sinabi ng kapatid nitong si Viel.

Ayaw niyang masanay sa mga haplos at masuyong halik nito habang natutulog siya. Iyong tuwing nagigising siya ay yayakapin ni Dock, hahaplusin ang braso at banayad na hahalik-halikan sa mukha. Napakasarap niyon. Kahit sinong babae, gugustuhin ang ganoon.

Paano kung masanay siya? Darating ang araw, iiwan din siya ni Dock. Ayaw niyang mahulog ang loob sa lalaki. Ayaw niyang masaktan na naman. Kaya hanggang maaari, kailangan niyang rendahan ang puso.

“Okay. Halika muna rito.”

Nilingon niya ito. Maayos nang nakahiga sa kama ang lalaki. “Dock?”

“Hindi pa kasi ako inaantok. Magkuwentuhan muna tayo. Lilipat na lang ako mamaya.”

Walang nagawa si Geallan kundi pagbigyan ang lalaki. Humiga siya sa tabi nito. Ipinaunan ni Dock sa kanya ang matigas nitong braso at pagkatapos, mahigpit na siyang niyakap. Masuyo siyang hinalikan sa noo. Iyon na nga ba ang ayaw niya, eh. Nagugustuhan niya ang mga gesture ni Dock.

“Ilan ang naging boyfriend mo, Geallan?”

Iniyakap niya ang isang braso dito. “Isa lang. Pangalawa ka.”

“Matagal kayo?” tanong ni Dock habang masuyong hinahaplos ang kanyang buhok.

“Tatlong taon.”

“Matagal. Ano ang nangyari?”

Hinigpitan ni Geallan ang yakap sa lalaki, saka isinubsob ang mukha sa dibdib nito. Ayaw niyang pag-usapan.

“Ayaw mong pag-usapan?” Parang nakuha naman ni Dock ang gusto niyang ipahiwatig.

Tumango siya. “Ikaw, ilan ang naging girlfriend mo? Buwan-buwan ba, iba-iba?”

“I don’t count. So, hindi ko alam.”

Inilayo ni Geallan ang mukha sa dibdib ni Dock para tingnan ang mukha nito. “Marami. Hindi mo na mabilang, eh. Bakit ayaw mong mag-stick sa isang babae?”

Nagkibit-balikat si Dock. “Kung alam mo namang walang pupuntahan ang isang relasyon, it will be better to end it as early as you could. Mas maagang tatapusin, mas walang masasaktan. Dealing with a breakup is a million times harder when you are deeply in love with the person.”

Muling isiniksik ni Geallan ang mukha sa dibdib ng lalaki. Tama ito. Tatlong taon silang nagmahalan ni Javan, pero nauwi lang sa wala. Sobrang sakit ng naging breakup nila dahil sobra niyang minahal si Javan. Sakit na hindi niya mapangalanan at ayaw na niyang maranasan uli.

“Tama ka nga. Mas maganda talaga kapag fling-fling lang, ano? Hindi tayo masasaktan. Pero huwag kang masyadong sweet sa akin, ah. Huwag kang pa-fall kasi baka mahulog na naman ako sa maling tao.”

Marahang natawa si Dock. Gumulong ito at pumatong sa kanya. Inipit nito ang magkabila niyang kamay sa kama. “Sasaluhin kita kapag na-fall ka sa akin.”

Inirapan ni Geallan ang lalaki na muli nitong ikinatawa.

Paasa! Huwag kang magpapauto, Geallan. Virgin island lang naman ang gusto sa kanya ng lalaking iyan.

Ay, hindi na pala birhen ang isla niya. Na-tsunami na.

“Balik ka na sa kuwarto mo.”

“Tabi na lang tayo.” Nagpaawa effect pa si Dock. Pinausli nito ang ibabang labi. Ang cute. Parang batang nagmamakaawa. Pero hindi dapat siya magpadala.

Umiling si Geallan. “Huwag na.”

“All right. But let’s make love first.”

Bigla na lang uling gumulong si Dock kasama siya. Ngayon, nasa ibabaw na siya ng lalaki.

“I want a hard fuck. Kaya mo na?”

Namilog ang mga mata ni Geallan. Agad niyang naramdaman na nabasa ang pagitan ng kanyang mga hita dahil sa sinabi ni Dock.

MAAGANG nagising si Geallan. Kahit masakit ang katawan dahil sa pinaggagagawa ni Dock kagabi, pinilit niyang bumangon para maghanda ng almusal at ng babaunin niya. Parang pinapagod talaga siya ng lalaki. Pero okay lang. Wala naman na siyang balak mag-asawa. Magpapakatandang babae na lang siya.

Naniniwala si Geallan na dapat ang katawan, ibinibigay lang sa taong mapapangasawa. Ano pa ang ipagmamalaki niya sa future husband niya kung napagsawaan na ng ibang lalaki ang katawan? Purity was important in any form of relationship.

Pero ayon kay Berto at sa asawa nitong si Nene—mga kaibigan niya sa isla—importante ang virginity. Pero bale-wala na raw ang bagay na iyon kapag mahal ninyo ang isa’t isa. Tatanggapin ka ng isang tao for all your imperfections kung talagang mahal ka.

May anak sa pagkadalaga si Nene. Ngayon, masaya sila ni Berto na nagsasama. Iba-iba naman ang tao. Suwertihan lang talaga sa makikilala mo. Pero malay niya. Baka balang-araw, may tumanggap pa rin sa kanya. Mas okay na ang sitwasyon niya kaysa naman nasa club siya at iba’t ibang lalaki ang gagalaw sa kanya. Baka kung hindi siya nailigtas ni Dock, nagpakamatay na siya.

Inaamin ni Geallan na kahit wala silang pagmamahal ni Dock sa isa’t isa, hindi siya nandidiri na ibinibigay ang sarili sa lalaki. Ewan ba niya. Pero nagugustuhan niya ang ginagawa nito. Nagugustuhan niya ang pag-iisa nila.

“Good morning.”

Nakangiti niyang nilingon si Dock. “Magandang umaga,” ganting bati niya sa lalaking ubod ng guwapo kahit magulo pa ang buhok. “Upo na, mag-almusal ka na.”

Masuyong ikinulong ni Dock ang mukha niya sa mga palad nito. Ipinikit niya ang mga mata nang halikan siya ni Dock nang ilang ulit sa mga labi. Nang pakawalan siya ng lalaki, umupo na ito.

“Ano’ng ginagawa mo?” tanong nito sa pagkaing inilalagay niya sa plastic container.

Tinakpan niya ang container. “Babaunin ko sana.”

“Babaunin para saan? May pinag-usapan ba tayong picnic kagabi na hindi ko maalala? Oh, damn! Nakakalango ka kasi.”

Natatawa siyang umiling. “Wala. Magpapaalam sana ako sa `yo. Maghahanap ako ng maa-apply-an. Puwede mo ba akong pahiramin ng one hundred pesos? Pamasahe lang. Magbabaon na lang ako ng kanin. `Tapos, kapag naligaw ako, tatawagan na lang kita.”

Nagpalipat-lipat ang tingin ni Dock sa naka-pack na pagkain at sa kanya. “Geallan, hindi mo kailangang maghanap ng trabaho. Dito ka na lang. Kung kailangan mo ng pera, bibigyan kita.”

“Hindi puwede, Dock. Kailangan kong makahanap ng trabaho. Ayaw ko namang makitira sa bahay mo habang-buhay.”

“All right. `Di ba, gusto mong magtrabaho sa barko?”

Tumango si Geallan, saka umupo kaharap nito. “Pero imposibleng mangyari dahil wala naman akong pinag-aralan. Saka, ayoko na rin. Naloko na nga ako dahil sa barko-barko na `yan.”

“Kung gusto mo talagang magbarko, tutulungan kita. I can make it possible.”

Napatitig siya kay Dock at sinubukang basahin ang ekspresyon ng lalaki kung nagsasabi ba ng totoo o nanti-trip lang. “Naku! Pinagtitripan mo lang ako, eh. Baka strip club na naman `yan.”

Hindi mapigilan ni Dock na matawa. “Seryoso. Ipapahamak ba naman kita?”

“Paano? May kakilala ka bang may-ari ng maritime agency?”

“Are you familiar with Jewel Cruise Line Holding?”

“Oo naman. Sandali… Huwag mong sabihing kilala mo ang may-ari n’on?” Nakaramdam ng matinding excitement si Geallan. Kung kakilala ni Dock ang may-ari ng kompanya ng malaking cruise line, mas may pag-asang makapasok siya. Iyong kakilala niya sa isla, barko ng Jewel Cruise Line Holding ang nasakyan.

“I own that company.”

Namilog ang mga mata ni Geallan. “Ikaw ang may-ari? Weh? ” Marahang natawa si Dock sa reaksiyon niya. Ang lakas mang-trip nito.

“Isa ako sa may-ari ng Jewel Cruise Line Holding. `Yon ang negosyo ng pamilya namin.”

Isang singhap ang kumawala sa kanya nang makitang parang seryoso nga si Dock. “Kung ganoon, galing ka sa mayamang pamilya? Ano ba ang apelyido mo?”

“Dominick del Fierro, babe,” nakangiting sagot ni Dock, na lalong ikinamangha niya.

Bakit hindi man lang niya tinanong ang buong pangalan ng lalaking ito? Edad lang ang itinanong niya noong nasa yate sila. Ngayon, tanda na niya. Minsan, naikuwento ni Thalee na isang batang mayamang Spanish-Filipino ang may-ari ng Jewel Cruise Line Holding.

“Ikaw `yong youngest richest businessman sa buong Pilipinas. Ikaw `yong ikinuwento sa akin ni Thalee, eh. Si Thalee `yong nagbabarko din na tagaisla. Grabe!”

Tuluyang humalakhak si Dock. Para kasing gusto na niyang magwala sa kinauupuan. “Isa sa buong Asya, actually. Ako nga,” nakatawang sagot nito.

“Grabe! Hindi ka lang pala mayaman, mayaman na mayaman na mayaman na mayaman. Ang gara!” sabi ni Geallan.

Aliw na aliw naman si Dock sa reaksiyon niya. Tumayo siya at patakbong lumapit sa likod ng lalaki. Minasahe niya ang likod nito. Kailangan talaga niyang magpalakas dito para ipasok siya sa trabaho.

“Alam mo, b oss…”

Malakas na humalakhak si Dock.

“Masipag ako at may alam sa housekeeping, sa spa, o kaya waitress. Kaya ko ang trabaho. Pangako, hinding-hindi kita ipapahiya. Nakakaintindi rin naman ako ng Ingles. Hindi nga lang magaling magsalita, pero kaya naman. Kakayanin ko.” Mahilig siyang magbasa ng libro kaya kahit paano, natututo siya.

Hinawakan ni Dock ang kamay niya. Inusog nito palabas sa mesa ang upuan at tumagilid sa pagkakaupo. Pinaupo siya ng lalaki sa mga hita nito nang patagilid.

“Anong boss?” Hinawakan ni Dock ang baba niya, saka mariing pinisil. “I’m your boyfriend and not your boss.”

“Magiging boss din kita kapag nagtatrabaho na ako sa `yo. Ipapasok mo talaga ako?”

“Hmm-hmm. Pero kailangan mo munang asikasuhin ang mga papeles mo. Passport, Schengen visa, seaman’s book. Kailangan mo rin munang kumuha ng SOLAS. You should complete this basic training first before you can be a crew on board. And then, since hindi ka naman degree holder, kumuha ka na lang muna ng experience sa isang hotel bilang housekeeping. Sa Grandeur Hotel, puwede ka roon. Kaibigan ko ang may-ari n’on. Medyo matagal-tagal `yon kaya wala kang choice kundi mag-stay sa akin kung gusto mo talagang magtrabaho sa barko.”

Iginalaw-galaw ni Dock ang kilay nito. Keri lang kahit medyo matagal. Pero iyong gastos ang inaalala niya.

“Magastos pala.” Lumabi si Geallan, pero mayamaya, matamis siyang ngumiti. “Puwedeng utang muna, `tapos kapag nasa barko na ako, saka ko babayaran?”

Muling natawa si Dock. Sa gigil yata ng lalaki, hinalikan siya nito sa mga labi. “Kahit maraming-maraming halik na lang ang bayad, ayos na `yon,” bulong nito.

“Naku! Kapag gumanti ako sa halik mo, baka mauwi na naman tayo sa ano.”

“Ayaw mo?”

“Masakit pa ang katawan ko dahil sa mga ginawa natin kagabi. Bakit ba kasi kailangang patuwarin mo pa ako? Puwede namang nakahiga lang.”

Muling tumawa si Dock. Sa pagkakataong iyon, mas malakas na. Pinuno ng masayang tawa ng lalaki ang buong pad. Itiningala pa nito ang ulo habang tawa nang tawa.

Ano ba ang nakakatawa sa sinabi niya? Eh, totoo naman iyon. Para silang aso kagabi. Pagkatapos, ibinend pa nito ang binti niya at idinikit sa dibdib niya ang mga tuhod kaya para na siyang palaka. Iyon pala ang hard fuck na sinasabi ng lalaki. Pero masarap at nagustuhan niya. Masakit nga lang sa katawan.

Nang tumigil si Dock sa pagtawa, muli nitong ikinulong ang mukha niya at seryoso siyang tinitigan sa mukha. “Hay, Geallan. Ilang araw pa lang tayong magkasama, pero binabaliw mo na ako.”

“Masama ba `yon o mabuti?”

Pigil na tumawa si Dock at mariing inilapat ang mga labi sa mga labi niya. “Mag-date tayo ngayon. Ipapasyal kita. Mag-malling tayo. Bumili tayo ng sapatos mo. Hindi kasya `yong binili ko sa `yo.”

Medyo maliit nga ang binili nitong dalawang pares na sapatos, pero nagkasya naman iyong tsinelas.

INIWAN siya sandali ni Dock para magpunta sa comfort room. Ang ganda ng Grandeur Mall. Hindi yata kakayaning ikutin ang buong mall sa isang araw lang. Pagpunta pa nga lang sa comfort room, ang haba na ng nilakad nila.

Mula sa pagkakasandal sa stainless na barandilya sa lobby, tiningala ni Geallan ang store front lettering. “Leila Shoes” ang nakalagay roon na gawa sa stainless steel.

Itinuon niya ang tingin sa loob ng store. “Wow!” manghang sabi niya nang makita ang magagandang sapatos sa mga estante. “Ang gaganda.”

Ilang sandali niyang pinagmasdan ang mga sapatos mula sa labas. Nang hindi makatiis, nagdesisyon siyang pumasok. Panay ang sabi niya ng “wow,” lalo na nang makita ang isang nude strappy high heels na may gems na nakakabit paikot sa strap.

Lalapitan na sana iyon ni Geallan nang may bumangga sa kanya. Muntik na niya iyong ikatumba. Pero maagap naman siya nitong nahawakan

“I’m sorry, Miss,” sabi ng lalaki.

Ang bango naman nito. “Pasensiya na rin po, Kuya,” sabi niya, saka nilapitan ang heels.

Para iyong babasaging bagay na sobrang ingat na kinuha ni Geallan sa kinalalagyan. “Grabe, ang ganda nito!”

Bawat anggulo ng sapatos ay tiningnan niya. Nang makita ang presyo niyon, muntik nang lumuwa ang kanyang mga mata.

“Ang mahal naman! Sampung libo para sa isang pares ng sapatos? Sobra naman. Pero ang ganda naman kasi talaga nito. Saka parang matibay. Lifetime na kaya itong magagamit? `Yong sapatos na binili ko sa mga dayo sa isla noong fiesta sa amin, isandaan lang ang bili ko. Pero `ayun, isinuot ko noong sayawan. Natuklap agad `yong suwelas.”

Natawa si Geallan sa alaalang iyon. Naalala pa niya, pinasan na lang siya ni Javan sa likod pauwi. Wala pa yatang dalawang oras na suot niya, nasira na agad.

Ibinalik niya ang sapatos sa estante. Itinukod niya ang dalawang kamay sa tuhod para pumantay ang mukha sa sapatos. “Kapag nakasampa ako sa barko, bibilhin kita kaya dapat marami kayong stock, ah. Maghintay ka lang. Mabibili rin kita. Next year siguro.”

Bumuntong-hininga si Geallan, saka pumihit para umalis na. Pero pagpihit niya, nandoon pa rin ang lalaking nakabanggaan kanina. Mataman itong nakatingin sa kanya at may munting ngiti sa mga labi. Akala yata nito, may sayad siya.

“Kuya, kung iniisip mong may sayad ako, nagkakamali ka. Minsan talaga, dapat kinakausap ang mga bagay-bagay kasi may mga spirit din `yan. Paniniwala ko po `yon. Wala pong basagan ng trip.”

Marahang natawa ang lalaki. Ang guwapo nito, in all fairness. “You like that shoes?” Saglit nitong tiningnan ang sapatos.

“Oo, pero hindi afford. Siguro, kapag may trabaho na ako, mabibili ko na `yan.”

Tumango-tango ito habang matamang nakatitig sa kanya.

“Geallan!” Si Dock iyon. Pumasok ito at lumapit sa kanya.

“Dock, dude, kasama mo pala siya,” sabi ng lalaki. Noon lang din ito napansin ni Dock.

“Tres, ikaw pala.”

Nagbatian ang dalawa, nagkamay at banggaan ng balikat. Tipikal na ginagawa ng mga lalaki kapag nagbabatian.

Inakbayan siya ni Dock. “Dude, this is Geallan, my girlfriend,” sabi nito sa lalaki. “Siya si Tres, kaibigan ko,” sabi naman nito sa kanya.

“Hi.” Inilahad ni Tres ang kamay sa kanya.

Inabot niya iyon at nakipagkamay rito. Inilapit ng lalaki ang sarili kay Dock, saka bumulong.

“Hindi mo ako gusto para kay Dock, `no?” tanong ni Geallan pagkatapos nitong bumulong.

“Ha?”

“Ano ang sinabi mo sa boyfriend ko?”

“Wala naman.”

Gamit ang daliri, itinulak ni Geallan ang dibdib ng lalaki. “Meron, eh. Ano nga?” pangungulit niya.

Marahan itong natawa. “Makulit pala `to.”

“Sabihin mo. Sinisiraan mo ba ako sa boyfriend ko kasi mahirap lang ako?” Dalawang hintuturo na ang ginamit ni Geallan para sundot-sundutin ang dibdib ng lalaki.

“Hindi,” natatawa nitong deny.

“Eh, ano nga ang sinabi mo? Kapag nakipaghiwalay sa akin si Dock, kukulamin kita. Anak ako ng mangkukulam, baka akala mo.”

Malakas itong humalakhak, saka hinuli ang dalawa niyang kamay. Kahit si Dock, natawa na rin. “Okay, I’m gonna tell you. Ang sabi ko lang sa kanya, maganda ka at huwag kang paiiyakin.”

Maniniwala ba siya. Nilingon niya si Dock. Nakangiti itong tumango. Okay, naniniwala na siya. Binawi niya ang kamay mula sa pagkakahawak nito.

“By the way, dude, tutal nandito ka na, puwede ba tayong mag-usap? Ipapakiusap ko lang sana kung puwedeng mag-training sa hotel n’yo si Geallan.”

“Oh, sure, no problem.”

Ang pogi ni Kuya, lalo kapag ngumingiti. Saka parang mabait.