noveltoon logo noveltoon
Get Wild (Fatal Attraction Series 2)

Chapter 5

Ch. 5 / 39 Mar 23, 2025

C hapter 5

WALANG imik si Geallan mula sa sasakyan hanggang sa madala ni Dock sa bachelor’s pad niya. Nagmadali siyang bumalik sa guest room kung saan niya iniwan ang babae matapos kumuha ng damit. Isang puting T-shirt at boxer shorts ang kinuha niya sa closet. Kung paano niya iniwan si Geallan sa kuwarto, ganoon pa rin niya ito nabalikan. Nakaupo sa gilid ng kama at wala pa ring imik. She was staring blankly at the floor.

Dock placed the stuff on the bed before sitting beside her. Hinawakan niya si Geallan sa balikat. Napapitlag ito, nasa mukha ang matinding takot nang ibaling ang tingin sa kanya. Bigla na lang itong umiyak.

Marahan niyang kinabig ang babae at masuyong niyakap. Parang may matindi itong pinagdaanan para ma-trauma nang ganoon.

“Ano ba ang nangyari? Ano ang ginagawa mo sa lugar na `yon? Geallan, hinintay kita. Magdamag akong naghintay.”

“Sorry. Pinasama kasi ako ni Nanay sa Maynila para daw magtrabaho sa barko. Pero hindi naman pala `yon barko, club pala.” Tuluyan na itong humagulhol.

Dock pulled back to see her face. Hinawakan niya si Geallan sa magkabilang balikat, pero dumaing ito na parang nasaktan. Inalis ng babae ang kamay niyang nakahawak sa kabilang balikat nito.

“What’s wrong?” Hinawi niya ang jacket para makita ang balikat ng babae. May paltos ang balat nito. “Ano ang nangyari dito?” Nang ibalik ni Dock ang tingin sa mukha ni Geallan, noon niya napansin ang sugat nito sa sulok ng mga labi. Hinawakan niya ang panga nito. “Sino ang may gawa nito sa `yo, Geallan?”

“Si Rex. Anak ng may-ari ng club. Sinubukan niya akong gahasain. Pinatakan niya ako ng kandila, sinampal at sinuntok sa tiyan. Dumating lang ang kapatid niya kaya hindi natuloy. Nakakatakot siya. Para siyang halimaw.”

Nagtagis ang mga bagang ni Dock sa narinig. “Si Rex Atanante?”

Ang rapist na iyon! Nabalita ang panggagahasa ng hayup na iyon sa isang menor de edad na anak ng katulong ng pamilya nito. Sinadista ang bata, pero pinapalabas ng kampo nina Rex na bayaran ang bata at ibinugaw ng sariling ina.

“Kanina, gusto ng foreigner na `yon na makipagtalik ako sa dalawang lalaki sa harap nila. Kung hindi ka dumating, siguradong may nangyari nang masama sa akin.”

Masuyong ikinulong ni Dock ang mukha nito sa mga palad, saka pinahid ang luha. “Dapat `tong malaman ng pamilya mo. Gusto mo bang tawagan ko sila?”

Marahas na umiling si Geallan. “Hindi! Alam ni Nanay na club ang pupuntahan ko. Sadya niya akong ipinambayad sa pagkakautang niya. Ayaw kong maniwala kay Santina noong una, pero tinawagan niya si Nanay at ipinakausap sa akin. Ang sabi ni Nanay, dapat daw na pagtrabahuhan ko ang pagkakautang niya. Kung hindi ko raw pinatay si Tatay, hindi siya mababaon sa utang.” Parang bukal ang mata nito dahil sa walang katapusang pagtulo ng mga luha.

“Nagawa ng nanay mo `yon?” Hindi makapaniwala si Dock. May ganoong klase bang ina para hayaang mapahamak ang sariling anak?

“Bakit ganito? Bakit ganito ang kapalaran ko? Lahat ng kamalasan, nakuha ko na. Mabait naman ako, eh.”

Muli niyang niyakap si Geallan. Mariin niyang ipinikit ang mga mata, saka masuyong hinaplos ang likod ng ulo ng babae. Matinding awa ang nararamdaman niya. Nasasaktan siya para dito.

“Hindi ko na alam ang gagawin ko. Saan na ako pupunta? Ayoko nang bumalik sa lugar na `yon. Ayoko nang bumalik sa isla.”

“Dito ka sa akin. You can stay here as long as you want. Tahan na.”

Inilayo ni Geallan ang sarili sa kanya. “Talaga? Aampunin mo ako?”

Dock’s face slowly broke out into a wide grin. Sa kabila ng pagkaawa rito at galit na nararamdaman sa mga hayup na muntik nang umabuso rito, napangiti siya sa ka-cute-an ng babaeng ito. “Aampunin kita.”

“Paano `yong utang ko sa `yo? Wala akong pambayad. Isang milyon ang ibinigay mo. Totoo ba `yong tseke na `yon? Hindi `yon tatalbog?” Humihikbi pa rin ito habang nagsasalita.

Marahang natawa si Dock. “Totoo `yon. Huwag mo nang isipin `yon. Ang mahalaga, ligtas ka na.” Hinawakan niya ang mukha ni Geallan at masuyong hinaplos sa pisngi.

“Napakabait mo.” Mahigpit itong yumakap sa kanya. Nakasubsob ang gilid ng mukha sa dibdib niya.

“Dalawang beses mo na akong inililigtas. Kahit pagsilbihan kita habang-buhay, gagawin ko makabayad lang ako sa kabutihan mo.”

“Hindi na kailangan, Geallan.”

“Pero sobra-sobra ang ibinayad mo, Dock.”

“I would have paid double or even triple if I had to just to get you away from that fucking place.”

“Pero bakit? Hindi mo naman ako kaano-ano?”

Bakit nga ba? Naglabas siya ng malaking halaga para sa babaeng hindi naman talaga niya kilala. Ngayon lang niya iyon ginawa. “Magkaibigan tayo,” sabi na lang niya.

“Ang bait-bait mong kaibigan!”

Marahang natawa si Dock nang itinodo nito ang iyak. That made her even cuter. Geallan didn’t care about her poise. “Tahan na. Kapag hindi ka pa tumigil, ibabalik kita roon.”

Umiling si Geallan at mas hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya. Pinigil nito ang pag-iyak.

MADILIM pa nang magising si Geallan. Nasanay na talaga siyang magising nang ganoong oras. Papalaot para mangisda at buong maghapong magtatrabaho. Isa pa, napakababaw ng tulog niya. Bawat kilos, nagigising siya. Si Rex at ang ginawa nito ang unang pumapasok sa isip niya. Hanggang ngayon, kahit alam niyang ligtas na siya, matinding takot pa rin ang kanyang nararamdaman.

Bumangon si Geallan nang dumating ang alas-sais. Pinuntahan niya ang kuwarto ni Dock. Hihiram sana siya ng damit, kaya lang tulog pa ang lalaki.

Gusto niyang maligo. Hindi siya nakapagtanggal ng makeup. Nagkalat ang eyeliner sa ilalim ng mga mata niya. Mukha siyang bruha.

Hindi napigilan ni Geallan na umupo sa gilid ng kama at tingnan ang lalaking mahimbing na natutulog. Wala itong damit. Natatakpan lang ng manipis na kumot ang ibabang parte. Hindi ba ito nilalamig? Ang lamig sa kuwarto nito. Kunsabagay, kahit sa kuwarto niya, malamig din.

“Napakaguwapo ng lalaking ito. Sobra!”

Hinawakan ni Geallan ang mukha ni Dock at buong suyong pinaglandas ang dulo ng daliri sa pisngi pababa sa jawline na may matalim na papatubong balbas. Marahan niyang hinaplos ang mga labi nito. Napakalambot. Hindi pa rin niya makalimutan ang pakiramdam nang halikan siya ng lalaki. Ang takot na naramdaman niya noon nang muntik nang malunod ay biglang nawala nang halikan siya ni Dock.

Hindi ka niya hinalikan, resuscitation lang `yon dahil tatanga-tanga ka! kontra ng bahagi ng isip niya.

Bumaba ang mga mata ni Geallan sa katawan ng lalaki. Bahagya siyang lumunok sa ganda ng katawan nito. Hmm… Hindi naman nalalayo sa ganda ng katawan ni Javan. Firm na firm din at noticeable ang ganda ng form ng abdomen. Iyong parang may mga pandesal sa tiyan.

Geallan’s gaze drifted down, following the soft dusting of hair that trailed down his abdomen. Nang bumaba pa ang mga mata niya, natuon iyon sa nakaangat na kumot. Parang gumawa ng tent ang kaibigan nito.

Dapat ay mag-iwas siya ng tingin, pero hindi niya magawa. Sa halip, na-curious pa siya kung ano ba ang suot ni Dock kapag natutulog.

Si Javan, sweatpants ang suot kapag natutulog. Minsan, pinapapasok siya ng nanay nito sa kuwarto at ipinapagising sa kanya si Javan. Kulang na nga lang ay ikulong sila ng nanay ni Javan sa kuwarto para may mangyari sa kanila at tuluyan nang ikasal. May mga sandaling muntik-muntikan na siyang bumigay kay Javan. Pero tumitigil naman ang dating nobyo kapag tumutol na siya, lalo na kapag nadadarang na ito.

Matatawa na lang si Geallan kapag lumabas sila ng kuwarto at nadidismaya ang ina ni Javan. Ang bilis naman daw nilang lumabas. Gustong-gusto siya ng pamilya ni Javan, lalo na ng nanay nito. Pero mas importante pa rin dito ang reputasyon at kinabukasan ng lalaki. Kaya nga ito mismo ang nakiusap na huwag na siyang sumama kay Javan kung magyaya itong magtanan. Lalo lang daw magagalit ang nanay niya at si Alice.

Mapait siyang ngumiti sa alaala at saka pilit iyong inalis sa isip.

Move on na, Geallan.

Ito kayang si Dock, ano kaya ang isinusuot?

Dala ng kuryosidad, hinawakan ni Geallan ang dulo ng kumot at inangat. Isang singhap ang kumawala sa kanya nang makita ang bagay na hindi dapat makita. Agad niyang binitawan ang kumot at hinawakan ang bibig. Walang suot ang lalaki!

“Perting dakoa sa iyang binuhi!” sabi niya. (Sobrang laki ng pagkalalaki niya!) “Ning tindog nasad!” (Tayong-tayo!)

Nag-sign of the cross si Geallan, saka mabilis na tumayo. Nilapitan niya ang closet at basta na lang kumuha ng damit at shorts. Ipagpapaalam na lang niya iyon mamaya paggising ni Dock. Mabilis siyang lumabas ng kuwarto. Napahawak siya sa sariling dibdib. Ang bilis ng tibok ng puso niya.

Ang bastos mo, Geallan! sabi niya sa sarili.

Malay ko naman na nakahubad siya?

Ipilig ni Geallan ang ulo, saka tumuloy sa kuwarto at mabilis na naligo. Matapos makapag-ayos ng sarili, naisip niyang magluto ng almusal at maglinis ng buong bahay.

Hindi naman mahirap linisin dahil malinis na. Sa isla nga, isang buong summer house ang nililinis niya. May malaking summer house sa isang isla na pag-aari ng isang congressman. Tuwing Sabado, sumasama siya kay Aling Angie na maglinis doon. Pero ngayon, iba na ang may-ari niyon. Gusto nga sana niyang makilala ang bagong may-ari. Sabi ni Aling Angie, may-ari ng isang malaking shipping line ang bagong nagmamay-ari ng summer house. Kakaibiganin sana niya, saka mag-a-apply ng trabaho sa barko.

Habang kinukuskos ng basahan ang malaking center table na gawa sa matibay at mamahaling kahoy, panay ang hila ni Geallan sa sando pataas. Sando pala ang nakuha niya sa closet ni Dock. Malaki sa kanya ang sando ni Dock kaya naman halos lumabas ang dibdib niya. Wala pa naman siyang bra.

Ang laking tao naman kasi ng lalaking iyon. Six footer siguro. Kumusta naman ang limang talampakan at apat na pulgada niyang taas. Nagiging unano siya kapag katabi si Dock.

Natigil si Geallan sa pagpupunas ng mesa nang maramdamang parang may nakatingin sa kanya. Biglang nag-init ang kanyang mukha. Nang mag-angat ng tingin, nakita niya si Dock sa mismong harap niya. Bahagyang nanlalaki ang mga mata at nakaawang ang mga labi nito. Para itong natuklaw ng ahas.

Ugh! Hitsura ng pototoy nito ang pumapasok sa isip niya.

“M-magandang umaga.” Tumuwid siya ng tayo, saka hinila uli ang sando.

“H-hey, good morning,” bati ni Dock.

Katulad niya, para itong nauutal. Hindi alam kung saan itutuon ang mga mata, kung sa mukha ba o sa dibdib niya.

Nagkamot sa ulo si Dock, saka nag-iwas ng tingin na medyo ipinagtaka ni Geallan. At the same time, bigla siyang nag-alala. Parang ayaw siyang tingnan ng lalaki.

Gising kaya ito kanina nang hindi niya sadyang mabosohan? Hindi naman siguro. O kaya, biglang nagbago ang isip na patuluyin siya roon.

“Pasensiya na, nangialam ako sa damit mo. Naligo kasi ako. Ipinagluto nga pala kita ng almusal.”

Muling ibinalik ni Dock ang tingin sa kanya. Alanganin siyang ngumiti.

Biglang kinabahan si Geallan. Hindi kaya nahimasmasan na si Dock sa pag-inom kagabi at nagsisisi na sa ginawa para sa kanya?

Huwag naman sana. Wala siyang pupuntahan kapag pinaalis siya ni Dock. Wala siyang pera. Ang kaunting ipon, naiwan sa club kasama ng mga gamit niya. Paano kung ibalik siya ng lalaki sa club? Hindi puwede! Kailangan niyang patunayan kay Dock na kapaki-pakinabang siya.

“N-nagluto ako ng almusal. Masarap akong magluto. Naglinis din ako ng bahay. Mamaya, maglalaba ako. Masipag ako, Dock. Pangako, hindi ako magiging pabigat.”

Itinaas ni Geallan ang kamay kung saan hawak niya ang basahan. Inilipat niya ang basahan sa kabilang kamay at muling itinaas ang kamay bilang pangako.

Nakangiting inilahad ni Dock ang kamay. “Saluhan mo ako. Gusto kong matikman ang luto mo.”

Nakahinga siya nang maluwag at hinawakan ang kamay ni Dock. Magkasabay silang nagpunta sa dining.

“Hip-hop ka, ah,” nakatawang komento ni Dock. Malaki kasi ang shorts na suot niya. Isang mesh shorts.

“Ang laki mo kasi, eh.” Nakagat ni Geallan ang ibabang labi nang bigla na namang pumasok sa isip niya ang hitsura ng ‘‘kaibigan’’ nito. Iba bigla ang dating ng komento niya.

Kailan ka pa naging mahalay, Geallan?

“Sana boxer shorts na lang ang kinuha mo,” sabi nito.

Ipinaghila siya ni Dock ng upuan. Nang makaupo siya, naupo na rin ang lalaki sa kabisera ng mesa. Kinuha niya ang sinangag at nilagyan ang plato ni Dock. Natigil siya sa paglalagay ng sinangag at nag-init bigla ang mukha nang mapansin ang mga mata ni Dock na nakatutok sa dibdib niya. Itinaas niya ang sando.

“S-sorry. Shit!” Mabilis itong nag-iwas ng tingin.

Bakit ganoon? Dapat matakot siya katulad ng nararamdaman kapag ang Rex na iyon ang tumititig sa kanya. Pero hindi iyon ang maramdaman ni Geallan. Basta nag-iinit lang ang mukha niya at nahihiya siya.

Nagulat si Geallan nang ipatong ni Dock ang kamay sa ibabaw ng palad niya. Ang init na parang pumapaso sa mukha niya ay gumapang sa katawan. Bigla rin ang pagpintig ng pagkababae niya nang muli na namang paglaruan ng maruming imahinasyon. Muli niyang naalala ang hitsura ng ‘‘kaibigan’’ nitong tayong-tayo kanina.

Diyos ko, Geallan, magtigil ka nga! sabi niya sa sarili.

Kabisado ni Geallan ang ganoong init at pakiramdam. Si Javan lang ang kayang gumawa ng ganoon sa kanya. Kapag hinahalikan siya ni Javan, hindi niya maiwasang makaramdam ng ganoon. Normal iyon dahil mahal niya si Javan, pero si Dock, titig pa lang, nagkakaganito na siya. Dantay pa lang ng kamay ng lalaki sa balat niya, nagwawala na ang hormones niya. Kailan pa siya naging malandi?

“Hindi kita gustong bastusin. Kasi naman…” Dock sighed. “Magpalit ka ng damit mamaya.”

Binawi ni Geallan ang kamay mula sa pagkakahawak nito, saka marahang tumango. May respeto naman pala. Respeto na hindi man lang niya nakita sa halimaw na Rex na iyon.

Marahan siyang natawa nang muli na namang maalala si Javan. Ganoon din kasi ito. Kapag medyo daring ang suot niya, pinagpapalit siya. Eh, bigay lang naman kasi ang karamihan sa mga damit niya. Ang iba pa nga, maliliit na pero pinagkakasya pa rin niya kaya minsan, nagiging hanging blouse. Madalas, binibilhan siya ni Javan ng damit, pero pinatigil niya. Ayaw na ayaw niyang ginagastusan siya nito.

Bahagyang kumunot ang noo ni Dock dahil sa pagtawa niya. “Bakit?”

“Wala naman. Naalala ko lang ang dati kong boyfriend sa `yo. Hindi niya ako pinagsusuot ng medyo mainit sa mga mata, lalo na kapag magkasama kami. Naaakit daw siya,” kuwento ni Geallan, saka sinundan uli ng marahang tawa. Naglagay siya ng pagkain sa sariling plato.

“Ano ang nangyari sa inyo? Bakit kayo naghiwalay?”

Natigilan si Geallan, saka tipid na ngumiti. “Asawa na siya ng kapatid ko.”

“Oh, I’m sorry.”

“Siyanga pala, hilig mo pala ang magpunta sa strip club?”

Kumuha si Dock ng corned beef. “Naku, hindi. Isinama lang ako ng kaibigan kong abogado, si Alford. Nag-surveillance kasi sila. Kakasuhan talaga nila ang may-ari ng club na `yon dahil sa mga ilegal na ginagawa. That’s my first time in a strip club.”

“Pero aliw na aliw ka habang sinasayawan ng hubad na babae. Inihahaplos mo pa nga `yong pera sa katawan niya, eh. Kulang na lang, dakmain mo,” pang-aasar niya.

Naalala niya na si Dock pala ang lalaking iyon. Natatandaan niya ang leather jacket at kasama ito ng lalaking nakatitig sa kanya. Iyon siguro ang abogado.

Ngumiwi si Dock at kinuha ang tubig, saka tuloy-tuloy na uminom, parang nabulunan. “First time kasi. Natuwa lang,” pangangatwiran nito.

Natawa na lang siya.

PAGKATAPOS kumain, si Geallan na ang naghugas ng pinagkainan nila habang si Dock ay naliligo. May housekeeping daw na nagpupunta roon every other day. Ayaw ni Dock na siya ang maghugas, pero nagpumilit siya.

Habang abala sa ginagawa, tumunog ang doorbell chime. Binitawan ni Geallan ang ginagawa, ipinunas ang kamay sa damit at saka lumapit sa pinto. Binuksan niya iyon.

Namanhid ang buong katawan niya at tinakasan ng kulay ang mukha nang makita ang taong kinatatakutan. Humagod ang mga mata nito sa kabuuan niya at kasabay ng malisyosong ngisi.

“R-Rex?”

“Hi, sweetheart.”

Mabilis niyang isinara ang pinto, saka iyon ini-lock. Halos mapatalon siya nang sunod-sunod na tumunog ang doorbell chime. Nanginginig ang mga tuhod niyang pinuntahan ang kuwarto habang bumabalik sa alaala ang kahayupan ng lalaki.

“Nasundan niya ako!”

Tama nga si Kate. Hindi tinitigilan ni Rex ang babaeng nagugustuhan nito hangga’t hindi nakukuha ang gusto. Babalikan daw siya ng lalaking iyon. Malaki ang pasasalamat niya nang mailigtas siya ni Dock kagabi bago pa man makabalik si Rex sa club. Pero bakit hanggang doon? Paano kung makuha siya ni Rex?

Nanginginig na umupo si Geallan sa gilid ng kama.