noveltoon logo noveltoon
Get Wild (Fatal Attraction Series 2)

Chapter 3

Ch. 3 / 39 Mar 23, 2025

C hapter 3

HINDI mapigilan ni Geallan na mapangiti habang nakasakay sa bangka tuwing naaalala si Dock. Hapon na siya umalis ng yate ng lalaki. Ayaw siya nitong paalisin agad. Nakipagkuwentuhan pa.

Nalaman niyang may tatlo itong kapatid, isang lalaki at dalawang babae. Tingin niya, protective si Dock sa mga kapatid dahil kahit sa kanya, naging protective ito kanina.

Pagsakay kasi ni Geallan sa bangka kanina, inilipad ng hangin ang suot niyang bestida, ang pinakamaganda at pinakamabangong bestidang naisuot niya sa buong buhay. Kapatid ni Dock ang may-ari niyon. Pati bra at panties, ipinagamit sa kanya. Hindi pa raw iyon nagagamit. Mukha naman dahil may tag price pa ang damit. At… dollar pa ang presyo.

Hayun nga. Tinakpan ni Dock ang mga mata ni Nognog gamit ang palad. Nakatingin din kasi sa kanya ang lalaki. Napagalitan siya ni Dock. Ipitin daw niya ang bestida dahil nasisilipan siya.

Malaking halaga rin ang ibinigay ng lalaki na bayad sa mga isda. Sampung libo. Sobrang laki niyon. Dalawang libo lang dapat ang kikitain niya sa nahuling isda. Napakalaki na nga ng dalawang libo dahil madalas, limandaan hanggang pitong daan lang ang kita niya. Kapag minalas-malas, dalawandaan hanggang tatlong daan lang. Suwerte lang talaga kanina dahil marami ang huli. Magagandang klase ng isda pa ang nahuli niya.

Ngayon lang nakatanggap ng buong sampung libo si Geallan. Ayaw sana niyang tanggapin dahil sobra-sobra iyon, pero nagpumilit si Dock. Bayad na raw nito iyon para sa huhulin niyang isda bukas. Kung puwede raw, huwag na muna siyang mangisda. Samahan daw niya itong mag-ikot sa mga karatig-isla.

Pumayag naman si Geallan. Bukod sa pera, gusto rin uli niyang makita ang lalaki. Gusto uli niya itong makasama. Masayang kasama si Dock. Masaya ring kausap. Sandali niyang nakalimutan na isa siya sa mga taong pasan ang lahat ng problema sa mundo. Medyo nahihirapan lang siya minsan kapag nagsasalita ng Ingles ang lalaki. Mabilis iyon at nagkakaroon ng accent. Hindi niya maintindihan. Tatango-tango na lang siya.

Nang maitigil ang bangka, kinuha ni Geallan ang perang nasa sobre. Nakaipit iyon sa panties niya. Kumuha siya ng tatlong libo at muling ibinalik sa pagkakaipit. Tatlong libo lang ang ibibigay niya sa kanyang nanay, itatago niya ang iba. Lihim siyang nag-iipon. Medyo marami-rami na rin iyon.

“Mga talakitok!” sigaw ni Geallan. Sinabayan niya iyon ng pagkumpas ng kamay.

Naglingunan naman ang pitong lalaking nakaupo sa nakatumbang puno ng niyog. Malapad na ngumiti, saka nagsilapitan ang mga ito sa kinaroroonan niya. Tumalon siya mula sa bangka at patakbong nilapitan ang baybayin.

“Kamu na bahala sa baroto nako, ha?” (Kayo na ang bahala sa bangka ko, ha?)

“ Way problema, Geallan,” sabi ni Bert, isa sa mga kababata niya. (Walang problema, Geallan.) “Kaguwapa nimo karon, ah?” puri pa nito. (Ang ganda mo ngayon, ah?)

Namaywang siya. “ Karon lang?” (Ngayon lang?)

“Boot nako pasabot mas ni gwapa ka karon. Nindot man gud imo sanina karon murag dili trapohan.” (Ang ibig kong sabihin, lalo kang gumanda ngayon. Maganda kasi ang damit mo ngayon, parang hindi basahan.)

Malakas na tumawa si Geallan. Kunsabagay, lagi ngang mukhang basahan ang damit niya. Mukha talaga siyang maganda ngayon. “Kamo na bahala diha, ah?” (Kayo na ang bahala riyan, ah?)

“O sige. Kanina ka pa pala hinahanap ni Javan. Nag-aalala sa `yo.”

Kaibigan niya ang karamihan sa mga lalaki roon. Mas marami siyang kaibigang lalaki kumpara sa babae. Hindi nga niya alam kung bakit, pero parang halos lahat ng babae sa lugar nila, mainit ang ulo sa kanya. Lagi siyang sinisiraan. Ilan lang ang maituturing niyang kaibigan.

Iniwan ni Geallan sa mga kaibigan ang bangka. Ang mga ito na ang bahalang humila niyon papuntang baybayin. Habang malalaki ang hakbang papunta sa bahay nila, nakita na agad niya si Javan, ang ex-boyfriend na asawa na ngayon ng kapatid niyang si Alice.

Isa pa iyon sa araw-araw na pasakit kay Geallan. Ang makasama sa iisang bubong ang lalaking sobra niyang minahal. Ang lalaking kasama niyang nangarap at nangakong mamahalin habang-buhay. Ang lalaking kasama niya sa pangingisda araw-araw.

“Geallan, saan ka ba nanggaling? Kanina pa ako nag-aalala sa `yo,” sabi ni Javan. Hinawakan siya nito sa magkabilang braso. “Saan ka nanggaling? Ayos ka lang ba?” Nasa mukha nito ang matinding pag-aalala.

Marahang tango ang naging sagot niya.

“Geallan!”

Sabay silang napatingin ni Javan kay Alice. Nanlilisik ang mga mata nito habang nakatingin sa kamay ni Javan na nakahawak sa mga braso niya.

Agad siyang kumawala sa pagkakahawak ni Javan, saka tumuloy sa bahay nila. Noon naman lumabas ang kanyang ina na si Alma. Agad siya nitong sinalubong ng malakas na sampal.

“Tarantada ka! Napakaraming labahin, pero ngayon ka lang umuwi!” sigaw ng nanay niya.

Hinawakan ni Geallan ang nasaktang pisngi. Masakit, pero tiniis na lang niya. Sanay na sanay na siya sa pananakit nito. “Nagtrabaho po ako, `Nay.” Ipinakita niya ang tatlong libong hawak.

Ang galit na galit niyang ina ay medyo nakalma nang makita ang pera. Agad nito iyong hinablot sa kanyang kamay. “Maraming labada, simulan mo na. Tatlong pamilya ang may-ari n’on. Dapat matapos `yon ngayon dahil babalikan `yon bukas ng may-ari.” Binilang pa nito ang perang hawak.

Habang papasok sa bahay, hinaplos-haplos ni Geallan ang pisnging nakatanggap na naman ng premyo. Ganoon lagi ang buhay niya. Mangingisda sa madaling-araw, magtitinda ng isda sa palengke o hindi kaya ay sa gulayan at labandera sa hapon hanggang gabi.

Natigilan si Geallan nang makita ang bulaklak at kung ano-anong regalo sa kawayang upuan sa sala.

“Nagpunta rito ang anak ni Mayor kanina. Babalik daw siya mamaya,” sabi ng kanyang ina na nasa likuran niya. “Kung ako kasi sa `yo, patulan mo na `yon para magkasilbi ka naman.”

Mariing ipinikit ni Geallan ang mga mata. Magkasilbi? Wala pa ba siyang silbi? Buong maghapon na nga siyang naghahanap-buhay para lang may maibigay na pera dito.

Hinding-hindi niya papatulan ang anak ng mayor na iyon. Sabi sa tsismis, sadista raw iyon.

“Hoy!” Itinulak siya ni Alice. “Saan galing ang damit mo?”

Hinarap niya ang kapatid. “Ibinigay lang sa akin.”

“Type ko. Akin na `yan. Hubarin mo na at labhan mo, isusuot ko bukas. Two months wedding monthsary namin ni Javan at magde-date kami sa mabato.”

Kumuyom ang kamay ni Geallan. Iyon ang lugar kung saan may malalaking formation ng bato. Paborito nila iyong puntahan ni Javan. Doon sa mismong lugar na iyon may nangyari kina Alice at Javan kaya nasira ang relasyon nila.

Mabilis siyang tumalikod at pumasok sa kuwarto. Agad niyang pinunasan ang mga luha niya. Umupo siya sa gilid ng maliit na papag. Ang lakas talagang mang-inis ng kapatid. Dalawang buwan pa lang ang nakakalipas nang ikasal ang dalawa. Hanggang ngayon, sobrang sakit pa rin para sa kanya. Hindi nga niya alam kung makaka-move on pa siya sa sakit na ipinaramdam ng dalawa sa kanya.

Bata pa lang, kilala na ni Geallan si Javan. Kaibigan niya ito, tagapagtanggol kapag inaaway ni Alice. Niligawan siya ng lalaki noong high school sila. Kung pisikal ang pagbabasehan, hindi magpapahuli si Javan sa mga Manileño na dumadayo sa lugar nila. Edukado rin ito at galing sa pamilyang inirerespeto sa lugar nila. Anak ito ng kapitan ng barangay nila. Kahit paano, may magandang pamumuhay ang mga ito. Nag-aral pa sa Maynila ng abogasya ang lalaki.

Sinagot ni Geallan si Javan nang bumalik ito sa lugar nila after he obtained his bachelor’s degree in Political Science. Mahal niya ang lalaki noon pa man. Pero ayaw niya itong sagutin dahil nga mag-aaral ang lalaki sa Maynila. Alam ni Geallan na makakalimutan din siya nito. Maraming magagandang babae sa Maynila. Pero nagkamali siya. Siya pa rin ang gusto ni Javan. Gusto rin siya ng pamilya nito.

Kapag umuuwi sa isla ang lalaki, lagi siya nitong sinasamahang mangisda tuwing papasikat na ang araw. Magdadala ito ng pagkain at sa batuhan sila magtatagal kapag tapos na siya sa paghahanap-buhay.

Ang dami-daming pangarap ni Javan para sa kanila. Binalak na siya nitong pakasalan, pero si Geallan lang ang tumanggi. Alam niyang hindi papayag ang kanyang ina. Hindi pa rin niya kayang iwan ang pamilya. Siya lang ang inaasahan ng mga ito, na ngayon ay pinagsisihan niya.

Sana tinanggap na niya ang alok ni Javan noon. Sana sumama na lang siya. Sana hindi na nagkaroon pa ng pagkakataon ang kapatid niyang maagaw ang lalaki. Mahalaga rin kasi sa kanya na may basbas ng kanyang ina kung mag-aasawa siya. Pero lagi nitong sinasabi na huwag na huwag siyang magkakamaling mag-asawa agad.

Dinaya ni Alice si Javan. Pinagplanuhan talaga nito ang lahat para maagaw ang tatlong taon na niyang boyfriend.

Third year anniversary nila iyon ni Javan. Pinapunta siya ni Alice sa kabisera kasama ang kaibigan nitong si Nelsy. Sabi ng kapatid, ipapasok daw siya sa trabaho ng kaibigan nito. Iyon pala, habang wala siya, kinumbinsi na ni Alice ang boyfriend niya na magpunta sa mabato. Pinalabas ng kapatid niya na doon daw sila magse-celebrate ng anniversary ni Javan.

Todo effort si Alice. May picnic blanket, wine, pagkain at bonfire. Pinalabas nito na siya ang may gawa ng lahat ng iyon.

Habang naghihintay ang dalawa sa pagdating niya, binuksan ni Alice ang wine. Hindi na raw alam ni Javan ang mga sumunod na nangyari. Parang nalasing daw ito sa kalahating basong wine at nagising na katabi si Alice. Hubad na pareho ang dalawa. Sigurado si Javan na may inilagay raw si Alice sa alak kaya ganoon ang naging epekto sa lalaki.

Si Geallan talaga ang nakakita sa dalawa. Hanggang alas-siyete ng gabi siya naghintay sa taong mag-i-interview daw para sa trabaho, pero walang dumating. Hanggang sa sinabi na ni Nelsy na nag-text daw si Alice at pinapupunta siya sa mabato. Naghihintay raw doon si Javan.

Nanghinayang si Geallan dahil hindi natuloy ang interview. Pero mas naramdaman niya ang matinding excitement nang araw na iyon. Balak na kasi niyang tanggapin ang alok na kasal ni Javan. Pero para siyang pinagsasaksak sa dibdib at lalamunan nang maabutan ang dalawa. Nakahiga sa picnic blanket si Javan habang si Alice, nasa ibabaw nito.

Ikinasal ang dalawa pagkatapos ng dalawang linggo. Maprinsipyong tao ang mga magulang ni Javan at sa ugali ng kanyang ina, hindi ito papayag na maagrabyado si Alice. Walang nagawa si Javan kundi ang pakasalan ang kapatid niya. Nagbanta kasing magdedemanda ang kanilang ina. Pinalalabas ni Alice na pinagsamantalahan ito ni Javan. At sa oras na magka-record ang lalaki, siguradong hindi na nito matutupad pa ang pangarap na maging abogado.

Sinubukan siyang kumbinsihin ni Javan na magtanan na lang sila. Naniniwala si Geallan na mahal siya ng lalaki at pinikot lang ito ni Alice. Pero hindi na niya ito kaya pang tanggapin. Nakita mismo ng mga mata niya ang dalawa. Hindi na iyon nawala sa isip niya. Masyadong masakit.

Pinakiusapan din siya ng nanay ni Javan na mas mabuting kumbinsihin na lang niya ang lalaki na panagutan si Alice. Masasayang daw kasi ang paghihirap ni Javan sa pag-aaral kung mababale-wala iyon. Mahalaga sa nanay nito na maging abogado ang anak. Iyon ang pangarap ng nanay ni Javan noon pa man. Lagi nitong ipinagmamalaki ang lalaki. Alam niyang sobrang halaga rin niyon kay Javan. Iyon ang pangarap nito. Ang maging abogado.

Pero sadyang nang-iinis yata ang kapatid ni Geallan. Ayaw kasi nitong umalis sa bahay nila. Ang dahilan ni Alice, hindi nito maiiwan ang nanay nila. Pero sigurado si Geallan na gusto lang siya nitong pasakitan. Isa pa, iyon din ang gusto ng kanyang ina. Ang doon tumira sina Javan at Alice, kaya wala na siyang nagawa.

Hindi rin maintindihan ni Geallan kung bakit pumayag si Javan na tumira sa kanila kasama siya. Gusto niyang umalis. Gustong lumayo. Gustong-gustong makalaya sa lahat ng sakit na nararamdaman. Handa siyang ibigay ang lahat ng mayroon siya para lang makaalis sa sitwasyong iyon.

“Ano? Masaya ka na? Ligtas ang pinakamamahal mo.”

Narinig ni Geallan ang galit na boses ni Alice sa kabilang kuwarto.

“Tigilan mo ako, Alice!” sigaw naman ni Javan.

Kahit kailan, hindi niya narinig na sumigaw at nagalit si Javan. Laging nag-aaway ang dalawa dahil sa kanya.

“Hanggang ngayon, mahal mo pa rin siya!”

“Oo! Mahal ko si Geallan at hindi `yon magbabago! Sa ugali mong `yan, lalo ko lang pinagsisisihan na pinakasalan kita!”

“Hayup ka!”

Ngumiwi si Geallan nang marinig ang ingay ng malalakas na sampal.

“Tumigil ka na, Alice! Ikaw ang may gusto nito! Pinikot mo ako! Dahil sa inggit sa kapatid mo, nagawa mong sirain ang relasyon namin! Ang buhay ko!”

“Mahal kita! Noon pa man, mahal na kita! Hindi lang ako ang may gusto ng nangyari sa atin. Ginusto mo rin `yon kaya nangyari ang bagay na `yon!” ganting sigaw ni Alice.

Tumayo si Geallan at nagdesisyong lumabas pagkatapos itago ang pera. Sa paglabas niya ng kuwarto, gusto niyang muling bumalik sa loob nang makita ang nakaupong ina. Nanlilisik ang mga mata nito nang makita siya.

“Nasasaktan ang anak ko dahil sa `yo!”

Mahina pero ramdam ni Geallan ang matinding galit sa boses ng ina. Ang unfair masyado. Mas nasaktan siya at mas mali ang ginawa ng kapatid niya, pero parang siya pa rin ang may mali. Pero kata-taka ba iyon? Anak siya sa labas at si Alice ang anak nito. Kaya wala siyang karapatang magreklamo.

“Pasensiya na po,” sabi na lang ni Geallan. Kung mangangatwiran pa siya, siguradong sasaktan na naman siya nito.

Humakbang si Geallan para puntahan ang likod-bahay. Maglalaba pa siya. Pero nagsalita ang kanyang ina.

“Gusto mong magbarko, `di ba?” Nilingon niya ito. “May kaibigan akong manager ng isang cruise line. Nasabi ko na gusto mong magtrabaho sa barko. Puwede ka raw niyang tulungan. Kailangan mo lang mag-training sa Maynila at puwede ka nang umalis.”

“Talaga po? Pinapayagan n’yo na ako?” Hindi makapaniwala si Geallan sa narinig.

“Mas makakabuti `yon para sa kapatid mo.”

Bale-wala na kay Geallan ang dahilan ng ina, ang importante ay pumapayag na itong umalis siya. Lumapit siya rito at umupo sa tabi nito. Mahigpit niya itong niyakap.

“Salamat, `Nay. Pangako, kapag nakapag-ipon ako, ipapagawa ko ang bahay natin.”

Puno ng tuwa ang puso ni Geallan. Sa wakas, matutupad na niya ang mga pangarap. Maiaahon na niya sa kahirapan ang pamilya. Alam niyang walang pagmamahal sa kanya ang ina at kapatid, pero malaki pa rin naman ang utang-na-loob niya sa mga ito. Kinupkop siya at gusto niyang suklian iyon. Ano ang malay niya, baka maging mabuti na ang pakikitungo ng nanay niya kung makakatulong na siya.

“Sige na, maglaba ka na!” Inalis ni Alma ang braso niya na mahigpit na nakayakap dito. “Maaga ang alis n’yo bukas papuntang Maynila.” Tumayo si Alma at lumabas ng bahay.

Hindi maalis ang ngiti sa mga labi ni Geallan. Pero bigla siyang natigilan nang maalala si Dock. Paano na iyan? Hindi na siya makakasama sa lalaki na mamasyal bukas.

ANG USAPAN nila ni Geallan, alas-siyete ng umaga sila magkikita sa pantalan. Pero alas-nuwebe y medya na, wala pa rin ang babae. Kaya nagdesisyon si Dock na magpunta sa Isla Liwanag kung saan nakatira si Geallan.

Isinama niya si Nognog. Tinapik niya ito sa balikat at itinuro ang lalaking nakapamulsa habang naglalakad sa dalampasigan.

“Halika, magtanong tayo.”

Sumunod sa kanya si Nognog. Nilapitan nila ang lalaki.

“Pare, puwede bang magtanong? Ahm, may kilala ka bang Geallan?”

Tumaas ang mukha ng lalaki, saka siya tinitigan. Titig ng nagsususpetsa. “Geallan?” ulit nito.

“Hindi ko alam ang buong pangalan, eh. Pero kaibigan niya ako. Kailangan ko lang talaga siyang makita. Baka kilala mo siya, taga-Isla Liwanag daw siya.”

“Wala. Maliit lang ang Isla Liwanag. Kilala ko ang mga tao rito. Sigurado akong walang Geallan na nakatira sa islang ito.”

“Salamat.” Dismayado siyang bumuntong-hininga.

“Javan!”

Isang babae ang tumawag sa lalaking kausap nila. Pagkadisgusto ang makikita sa mukha ng lalaki bago nagpataloy sa paglalakad. Hindi nito pinansin ang babae.

“Paano ba `yan, b ossing. Parang naisahan ka ni Geallan. Parang itinakbo lang ang pera mo,” nakatawang sabi ni Nognog.

“Hindi ganoon si Geallan, Nognog.”

“Matagal mo nang kilala?”

Tiningnan niya nang matalim si Nognog dahil sa tono nitong nang-aasar.

“Naku! Tinamaan ka, `no?”

“Ikaw ang tatamaan sa akin kapag hindi ka tumigil,” banta ni Dock.

Isang malakas na halakhak lang ang naging sagot nito.

“Halika na nga. Maghintay tayo sa yate. Siguradong pupunta `yon. Baka may ginawa lang muna,” sabi niya, saka naunang maglakad.

Agad namang sumabay si Nognog sa paglalakad. “Kumpiyansa pa rin kahit maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi tinablan si Geallan sa gandang lalaki niya.”

Hinampas ni Dock sa tiyan ang lalaki. Muli na namang kumawala ang nakakaasar na tawa mula rito.