Jessica’s POV
Nakatayo ako ngayon sa harap ng apartment ni Ross. Ito ang address na ibinigay sa akin nung babae. Ano nga ba ulit ang pangalan ng babaeng yun? Nakalimutan ko na. Hindi ko alam kung bakit ang hina nga ata ng memorya ko.
Mukha namang maayos ang tinitirahan ni Ross, mabuti naman. Sinubukan kong kumatok pero walang sumasagot. Wala ba siya dito? Nasaan naman kaya siya kung ganon? Sa ikalawang pagkakataon, kumatok ulit ako. Pinihit ko ang doorknob at bukas pala iyon.
Nagtangka akong pumasok sa loob.
“Love...” tawag ko ngunit walang sumasagot.
Nakita kong nakabukas ang pinto ng isang kwarto.
“Ross…” tawag ko ulit.
Napako ako sa kinatatayuan ko nang biglang may isang matandang lalaking lumabas mula sa kwarto.
“Sino ka? Magnanakaw ka noh?!” singhal sa akin ng matanda na sa tingin ko ay nasa mid forties.
“Magnanakaw? Sa itsura kong to? Mukha ho ba akong magnanakaw?” pabalik kong tanong. Buong buhay ko ngayon lang ata ako naakusahan ng pagnanakaw.
“Miss, sa panahon ngayon, ganyan na ang modus ng mga magnanakaw! Tatawag ako ng pulis at ipapahuli kita!”
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Nanginginig akong nagsalita.
“H-Hindi nga po a-ako magnanakaw,” paliwanag ko.
“Kita mo na! Nanginginig ka pa habang nagsasalita, isang patunay na nagsisinungaling ka,” at nakita kong may pinipindot na siya sa cellphone niya.
“Hinahanap ko po si Ross.”
Tumigil siya sa pagkalikot ng cellphone niya at tumingin sa akin.
“Si Ross ba kamo? Yung bagong lipat sa kabila?”
KABILA??
“Ibig nyo hong sabihin nagkamali ako ng bahay?”
“Ay! Kanina pa hija. Kanina ka pang mali, ngayon mo lang ata napansin. Sino ka ba?”
Isa lang ang gusto kong gawin ngayon, gustong gusto ko ng tumakbo palabas ng bahay na to!
“Girlfriend niya po ako. Sige po, pasensya na po sa abala,” paalam ko at palabas na ako ng pinto ng bigla siyang tumawa. Naagaw iyon ng pansin ko at sinulyapan siya.
“Hahahaha! Ikaw talaga hija, hindi ka lang pala magnanakaw, sinungaling ka palang talaga! Hindi naman ikaw ang girlfriend ng gwapong bata na yon! Hahaha! Buti na lang hindi ikaw ang girlfriend niya! Hahahah!”
“Excuse me po, pero ako po ang girlfriend ni Ross,” giit ko.
“Sige na hija, makakaalis ka na. Kung sabagay gwapo naman talaga ang batang iyon kaya siguro madaming girlfriends. Noong kabataan ko, madami din akong kasintahan—“
Hindi ko na pinatapos ng pagsasalita si manong. Baliw ata siya kaya naman nagmadali na akong makaalis sa bahay niya. Nagpunta ako sa katabing bahay. Bakit ako nagkamali ng bahay? Tama naman ang intindi ko sa sinabi ng babaeng yon ah.
“Dalawa ang magkaparehas na bahay doon, yung kanan ang kay Ross,” natatandaan ko pang sabi niya.
Niloloko niya yata ako?
This time sigurado na ako na kay Ross ang bahay na ito. Nakabukas ang pinto. Sumilip ako at nakita ko ang isa sa mga paborito niyang shoes sa sala. Gusto ko siyang sorpresahin. Pumasok ako sa loob. Wala si Ross. Narinig ko ang lagaslas ng tubig na nagmumula sa likod ng bahay. Tumingin ako sa paligid at mas nasigurado ko na si Ross nga ang nakatira dito.
Dumiretso ako sa likod bahay at nakita ko si Ross na naglalaba ng damit. Nakakapagtaka. Ayaw na ayaw ni Ross ang maglaba ng damit. Pero ang higit na ikinagulat ko ay ang damit na nilalabhan niya sa mga oras na ito. Isang pink na T-shirt, may nakaprint na penguin sa damit.
“Love,” tawag ko.
“Jessica?!!”
Mukha siyang gulat na gulat nang makita ako. Ano naman ang nakakagulat dun?
“Anong ginagawa mo dito?”
“Ayaw mo bang dalawin kita?”
“Hindi naman sa ganun.”
“Naglalaba ka? At kaninong damit naman yan? Pambabae yan diba?” tukoy ko sa damit na hawak niya.
“A-ah ito, sa kapatid ko ito. Sinabi niya kasi na kapag hindi ko nilabhan ang damit niya, sasabihin niya kay Mommy kung saan ako nakatira.”
Nakahinga ako ng maluwag. Akala ko talaga may babae na siyang kasama dito, mabuti na lang at sa kapatid naman pala niya yon.
“Paano mo nga pala nalaman kung saan ako nakatira?”
“Nalaman ko mula sa babaeng kaibigan mo. Hindi ko lang maalala ang pangalan niya. Kaibigan daw ng boyfriend niya ang may ari ng apartment na ito eh.”
“Si Kristine?”
“Ayun! Oo, Kristine nga ang pangalan niya!”
Napansin kong napailing si Ross. Mukhang hindi ata siya masaya na sinabi sa akin ng babaeng yon ang tirahan niya. Pero imposible, ako ang girlfriend niya.
“Hindi ka ba nalulungkot dito? Magisa ka lang, gusto mo bang samahan kita?”
“Hindi na. Okay lang naman ako. At tsaka ayokong may masabi ang ibang tao kapag nalaman nilang magkasama tayo sa iisang bahay.”
Napangiti ako. Mahal na mahal talaga ako ni Ross, iniisip niya talaga ang reputasyon ko bilang babae.
“Hindi ba Thursday ngayon? May appointment ka sa dentist mo,” paalala niya sa akin. Ang bait niya talaga. “Baka malate ka?”
Teka. Pinapaalis na ba niya ako?
“Hindi mo man lang ba ako yayaying magdinner?”
“Walang laman ang ref ko ngayon. Hindi ako nakapagrocery.”
“Ross, hindi ka naman talaga naggrogrocery remember? Mama mo ang gumagawa nun. What I mean is hindi ba tayo kakain sa labas?”
“Im sorry Jessica, madami pa akong kailangang gawin dito sa apartment. Madami pa akong aayusin.”
“Hindi mo na ba ako mahal?”
Hindi ko na napigilang itanong. Napupuno na din ako eh.
“Jessica! Ano ba namang klaseng tanong yan? Mahal kita. Alam mo yan.”
Napailing ako.
“Pero nababawasan, tama ba?”
“Jessica, please. Huwag tayong magsimula.”
“Im sorry. Sige, aalis na ako,” paalam ko. Kung gusto niya akong paalisin, sige.
“Jessica…” narinig ko pang tawag ni Ross pero hindi ko na lang siya nilingon.
**
Cyrah’s POV
Tinawagan ko si Kristine. Ang tagal na naman niyang sumagot. Baka nagaano na naman.
“Asan ka?” sabay naming tanong ng sagutin nya ito.
“Ikaw ang nasaan?” tanong ni Kristine.
“Sa condo ni Bryce, ikaw?” sagot ko.
“Wow! Ang landi ha! After ni Ross, si Bryce naman ngayon? Teka nga! Wala ka sa apartment?!”
“Malamang wala. Bakit ba ang OA mo makapagreact dyan? Pag nandon ako at magkalapit kami ni Ross, naghihisterical ka, ngayon naman na wala ako doon at nasa condo ako ni Bryce ganun ka pa din. Ano ba talaga Kristine?”
“Well I just wanna let you know that Ms. Prim and Proper is on her way to Ross’ apartment! Hmp! Akala ko pa naman nandun ka! Pero okay na rin yun, at least di ko pa rin pala namiss yung The Girlfriend meets the Ex-Girlfriend! Hahaha!”
“Ano?! Paano nakarating ang suso na yon doon?”
“Binigay ko ang address bakit ba?”
“Eh pano kung biglang maglive in yung dalawa, paano ako?” nagaalala ko ng tanong.
“Bah! Problema mo na yun! Hahahah!”
Gah! Si Kristine talaga! Lahat na ng kalokohan alam!
**
Nadatnan ko si Ross na nakahiga sa kama. Mukhang tulog na siya. Galing ako kina Bryce. Ayoko naman talagang magpunta pero ang kulit ng iba kong mga kaibigan, pinilit ako. Konting party daw. Eh naisip ko matagal na din ng huli ko silang makasama kaya naman pumayag na din ako.
Nakita ko din ang mga damit ko na nakatiklop na. Naglaba nga talaga siya. At dahil dyan, pasasalamatan ko talaga si Kristine. Oo, si Kristine ang papasalamatan ko. Eh si Kristine kasi nagbigay ng idea na to eh. You know the ‘buhay-reyna’ thingy. Hahahaha!
Nagshower na ako at humiga sa kama. Hindi naman ako natatakot na katabi ko si Ross sa pagtulog. Hindi ako pagsasamantalahan nito, sus! Siya ang matakot sa akin! Bwahahaha! Matakot siya sa maaari kong gawin pag ginawa niya yon!
Ipinikit ko na ang mga mata ko. Napagod din ako at medyo nahihilo na sa nainom ko. Bumibigat ang ulo ko. Sumasakit. Bumibigat na din ang katawan ko. Ano nga bang alak ang nainom ko kanina? Tsk. Naaamoy ko na din si Ross. Ang bango niya. Maging siya, nakakalasing din. Hay Cyrah! Pakiramdam ko pagmulat ko, ang lapit lapit na ng mukha niya sa akin. At lahat ng pakiramdam ko ay totoo. Ang gwapo niyang mukha ang nakita ko nang imulat ko ang mga mata ko. Ang lapit lapit niya sa akin. Mabigat ang katawan ko dahil nakayakap ang braso niya sa bewang ko.
Yung sinasabi ko kanina na hindi ako natatakot sa maaaring mangyari, binabawi ko na.
**
“Cyrah naman! Kung alam ko lang na ako din palagi ang kakaladkarin mo araw araw at ganito kaaga eh di sana hindi na kita pinaalis. Wala namang nabago eh,” reklamo ni Kristine. Bakas sa boses niya na kagigising pa lang niya. Tinawagan ko kasi agang aga.
“Sorry naman friend, eh gusto ko kasing magbreakfast sa labas,” paliwanag ko sa kanya at isinuot ang paborito kong T-shirt. Mabuti napasama to sa nilabahan ni Ross.
“Bakit? Hindi ka ba ipinagluto ni Ross ng breakfast? Ano? Gusto mo isend ko na kay Ms. Prim and Proper ang pictures?”
Sa pagbanggit niya kay Ross, naalala ko ang nangyari kagabi. I mean, wala namang nangyari, ayun tinanggal ko ang kamay niya na nakayakap sa bewang ko, pero paggising ko nakayakap na naman ang braso niya.
“Ah alam ko na! Umiiwas ka kay Ross noh? Aminin!! Natatakot mabuking ang feelings!” pangaasar ni Kristine.
“Nyek, hindi! Sige mangasar ka pa, di kita ititreat!”
“Ano ka ba naman Cyrah! Tama nga yang ginagawa mo! Ano bang oras tayo aalis? Hahahaha! Gaga! Ako pa tinakot nito na hindi ititreat! Eh kung di ko pa alam, dun mo naman ako ittreat sa restaurant na pagmamayari ni Simon. Kaloka ka!”
“Hahahaha! Eh masarap dun eh! Magbihis ka na nga lang!”
Nagkita na lang kami ni Kristine sa restaurant na tinutukoy ko. Panay ang ngiti kay Kristine ng mga empleyado. Kilala kasi nila na si Kristine ang girlfriend ng boss nila.
Naupo kami sa isang bakanteng mesa.
“Mishh Pwim and Pwoper ishh in the hawwwsshhh,” bulong niya. Magkaharapan kaming dalawa habang nakaupo. Hindi siya nakatingin sa akin habang nagsasalita.
“Ano?!”
“Misshh Pwim and Pwoper..”
“Hindi kita maintindihan, nastroke ka ba?”
“Hi!” narinig kong may bumati mula sa likod.
Ngumiti naman si Kristine ng alangan. Tuluyan nang may lumapit sa table namin. Ngayon gets ko na kung anong sinasabi ni Kristine. Pero hindi ko magets ay kung bakit ang sama ng tingin niya sa damit ko. Imposibleng type niya ang damit kong ito kasi penguin ang nakadrawing dito eh suso naman siya.
Anong problema ng babaeng to?!