Malanding Entry #20
Dear Diary,
Madalas kong sabihin sa sarili ko na hindi ako iiyak sa isang lalaki. Kaya nga tinatawanan ko ang mga taong nagsasabi ng:
“Parang gumuho ang mundo ko noong niloko niya ako.”
“Para akong mamamatay sa sakit.”
“Sana pinatay niya na lang ako kaysa niloko niya ako.”
Parang ang OA kasi, Diary. Nasasabi ko iyon dati dahil sigurado ako, Diary, na hindi ko iyon mararanasan kay Prince. Sanay kasi akong bale-walain ni Prince Leroy at hindi pansinin. Sabi ko sa sarili ko, isang araw, mamahalin din ako ni Prince. Maghintay lang siya.
Pero dahil nakilala ko si Josh, Diary, “Everything Has Changed” by Taylor Swift. Lahat ng hindi ko naranasan kay Prince, siya ang nagparamdam sa akin. Na ang isang tulad kong hindi-kagandahan o kaseksihan o katalinuhan tulad ng ibang babae ay deserving pa rin sa respeto.
Si Josh ang taong nagparamdam sa akin na mahalaga ako at mahal ako bilang ako. Ipinaramdam niya sa akin na kahit guwapo siya, mayaman at talented, kaya niya pa ring mag-aksaya ng oras para sa isang tulad ko. Iyong tipong sa movies mo lang makikita at kuwentong sa libro lang mababasa. Akala ko, ganoon iyong sa amin. Akala ko, ganoon ang magiging kuwento naming dalawa.
Iyon ang akala ko. Dalawang araw na ang nakalipas mula nang makita ko ang eksena nina Josh at Helena na magka-holding hands. Sabi ng konsiyensiya ko, `wag daw akong TH. Puwede ba? Mahina ako sa Math at Physics pero hindi ako tanga sa nakita ko. Mas madali pang bigyan ng conclusion `yon kaysa sa napakahabang problem sa Math namin, eh.
Masakit? Shet, Diary! Understatement lang `yan. Ganito pala ang feeling ng nawasak ang puso mo? Hindi lang puso mo ang apektado, eh, kundi buong katawan mo. Pakiramdam mo, wala nang kulay ang paligid. Ang mundo kung saan naging makulay dahil kay Josh ay biglang nagunaw, Diary, at napalitan ng tanging itim na paligid. Nagtataka ako sa sarili ko dahil kahit ilang beses akong umiyak, hindi ako nauubusan ng luha. Ganito pala kapag nasasaktan ka. Iba ang pakiramdam— pakiramdam na parang gusto mo na lang mamahinga habang-buhay.
Ang sakit sa dibdib kapag naiisip ko na hindi pala naging akin si Josh. Nakokonsiyensiya ba siya kapag nagsasabi siya ng matatamis na salita sa akin? Parang hindi, eh. Sana kung nakokonsiyensiya siya, hindi niya `ko niloko. Por que ba ganito ako, may karapatan na siyang paglaruan ako? Sana naman kung hindi niya ako inirespeto bilang babae, bilang tao na lang. Mas masahol pa siya sa mga taong nanlalait at nang-iinsulto sa akin, eh. Dahil sila, pansamantalang pilat lang ang nagagawa sa puso ko, pero siya, pangmatagalan.
Sana kaya kong mahalin si Prince. Sana kaya kong ilipat ang pagmamahal ko kay Prince. Kaso hindi, eh. Nasa kanya na ang lahat, Diary. Pati nga puso ko, na kay Josh na, eh. Ang unfair niya, Diary! All this time... hindi ko pala pag-aari ang puso niya. Shutang inerns! Hurt-hurt si Pipay so bad, Diary.
“Shutang inerns, Pilar! Dalawang araw ka nang nagmumukmok sa kuwarto mo! Ano ba’ng nangyayari sa `yo? Wala ka bang balak mag-aral?”
Narinig ko na naman ang sigaw ni Inay. `Kainis! Itong brokenhearted ang anak, hindi marunong makisama. Salamat, Inay! The best ka talaga. Pero tama ang sinabi ni Inay, Diary. Hindi ako lumalabas ng kuwarto ko at tanging pag-iyak lang ang ginawa ko. Wala akong ganang kumain o gumalaw. Sa bawat galaw kasi, pakiramdam ko, mas lalong napupunit ang puso ko. Ay wait... wala na `ata akong puso? Nabasag na dahil kay Josh.
“Walang basagan ng trip, Inay! Gaya ka na lang din. Pakikisama lang, o? Masakit ang puso ko, eh!”
“Manahimik kang gaga ka! Bababa ka ba o sasapatusin ko `yang ngalangala mo?”
Ang hard ni Inay, Diary. Makababa na nga. Baka makapag-almusal pa ako ng suwelas ng sapatos ni Inay.
Naligo na ako at nagbihis bago lumabas ng kuwarto ko. Hindi, joke lang. `Di kami mayaman. Wala akong banyo sa kuwarto. Lumabas muna ako ng kuwarto `tapos dumeresto sa banyo para maligo. Pagkatapos, tumingin ako sa salamin at bongga! May instant eyeliner na ako sa ibaba ng mga mata ko dahil sa sobrang laki ng eye bags ko. Ang pula-pula rin ng mga mata ko. Hay, buhay!
“Ano’ng meron diyan sa mga mata mo? Nag-aadik ka ba, Pilar? Wala na nga tayong makain, bumibili ka pa ng marijuana!”
Hindi ko na lang pinansin si Inay sa tanong niya. Itong brokenhearted girl si akey, baka `di ko siya matantiya at magdilim ang paningin ko. Char! `Di naman ako ganoon kasama, Diary. Madumi lang ang utak ko pero hindi bad ang little brain ko. Ahihihi!
Umalis na ako ng bahay noong putak na nang putak si Inay dahil baka raw late na ako. Sadya namang late na ako dahil nine o’ clock na ng umaga. Ayoko talagang pumasok, Diary, kaso tinatamad naman ako rito sa bahay. Natapos ko na ngang panoorin ang porn series, eh. Chos lang! Itinapon ko na ang mga gano’n ko.
Nakayuko ako habang palabas ng bahay nang manlamig ako sa boses ng taong tumawag sa pangalan ko.
“Pipay!!!”
Papasok ba ako sa loob o `wag na? Tatakbo ba ako papasok ng bahay, Diary, o `wag na? Pero bago pa ako makapagdesisyon, narinig ko na naman siyang nagsalita.
“Pipay! Na-miss kita. Bakit hindi mo sinasagot ang bawat text at tawag ko?”
Malamang iniiwasan kita, shunga ka, Koya ?
Binuksan ko ang gate `tapos nginitian siya, Diary. Kapag pala brokenhearted ang isang babae, madali lang sa kanyang ngumiti kahit peke. Pero sa loob-loob namin, para na kaming pinaglalamayan, dahil sa bawat ngiti namin... ilang kutsilyo agad ang sumasaksak.
“Tinatamad lang ako,” walang-ganang sagot ko kay Josh. Nauna na akong maglakad habang siya, sumusunod naman sa akin. “Ano’ng ginagawa mo rito? Late na, ah. Hindi ka ba pumasok?”
“Nag-aalala ako sa `yo, eh. Dalawang araw na kitang hindi nakikita. Ni isa sa mga text ko, hindi ka sumasagot. Araw-araw akong naghihintay rito sa labas ng bahay n’yo. Mabuti nga ngayon lumabas ka na, eh.” Napahinto ako sa sinabi niya. “Ano’ng problema? Bakit parang ang tamlay mo? May sakit ka ba?” Biglang hinawakan ni Josh ang noo ko.
Bakit gano’n, Diary? Kahit sinaktan niya ako, gano’n pa rin ang feelings. May kuryente pa rin sa bawat pagdikit ng balat niya sa balat ko. Naramdaman niya rin kaya iyon? Sana maramdaman niya ring nasasaktan ako.
“May ginawa ba sa `yo si Prince? Sabihin mo lang. Uupakan ko ang pagmumukha n’on.”
“Kung sabihin ko kaya sa `yong ikaw ang may ginawa sa akin, uupakan mo rin kaya ang sarili mo?” Gusto ko sanang sabihin sa kanya `yan, Diary, kaso naduduwag ako. Wala akong lakas ng loob.
“Josh, puwedeng magtanong?” Tumingin ako sa mga mata ni Josh.
“Ano `yon?” nakangiti niyang sagot sa akin. Paano niya kaya nakukuhang ngumiti nang ganyan sa akin lalo na’t puro kasinungalingan lang ang mga sinasabi at ipinapakita niya? Ganyan ba talaga ang mga lalaki?
“Mahal mo ba talaga ako? `Yong totoong sagot, ah?”
Tumingin siya sa mga mata ko. “Oo naman. Hindi lang mahal, kundi mahal na mahal. Ikaw lang ang nag-iisang Pipay sa puso at mundo ko. Bakit mo naman naitanong?”
“Wala naman.” Ngumiti ako sa kanya. Siyempre, iyong peke lang din. “Ang sarap talagang marinig mula sa taong mahal mo na mahal ka rin niya. Salamat, Josh.”
Tumalikod na ako at nagsimulang maglakad. Kinagat ko rin ang labi ko para hindi ako maiyak sa sinabi niya. Isa na namang kasinungalingan. Kung dati halos mag-Harlem Shake ang puso ko kapag sinasabi niyang mahal niya ako, ngayon, halos madurog na nang tuluyan dahil sa kasinungalingan niya.
Ako lang daw ang nag-iisang Pipay sa puso at mundo niya? Shutang inerns nang sagad! Saksakin ko kaya ang testicles niya diyan? Palibhasa may Heleparot pa sa puso at mundo niya. Ang unfair talaga ng mundo! Kapag maganda ang isang babae, hindi na nila kailangang makipaglaban para sa posisyon nila sa puso ng lalaki. Samantalang kaming medyo pretty lang, kailangan pang umiyak ng dugo! Sarap pektusan ng ngalangala ni Napoles. Ano’ng konek?
Habang naglalakad kami, patuloy lang sa pagsasalita si Josh tungkol sa kung ano-anong bagay. Hindi ko na nga naririnig masyado dahil una, wala na akong pakialam. Pangalawa, wala akong pakialam. Pangatlo, shutang ina niya! Minsan hahawakan pa ni Josh ang kamay ko para mag-holding hands kami pero ako na ang umiiwas. Letse! Dahil sa pahawak-hawak na kamay na `yan kaya mas lalo ko siyang minamahal, eh. Kaya as much as possible, kailangan nang putulin ang ugnayan. Mahirap pero kailangang kayanin.
Inihatid ako ni Josh katulad ng lagi niyang ginagawa. Napadaan pa nga kami sa classroom nila at kitang-kita ko kung paano ngumisi si Heleparot sa akin pati ang mga tropa niya. Tiningnan ko ang reaksiyon ni Josh pero bigla niyang hinawakan ang kamay ko saka ngumiti.
Bakit siya ganyan? Hindi man lang siya marunong makonsiyensiya. Hindi ba niya alam na may taong nasasaktan dahil sa ngiti niyang `yan? Nakakainis, Diary! Nakakaiyak lang.
“Salamat sa paghatid,” sabi ko sa kanya noong nasa tapat na kami ng classroom namin. “Hindi mo naman ako kailangang ihatid hanggang dito sa classroom, eh.”
“Responsibilidad ng isang lalaki na siguruhing maayos ang babaeng mahal niya.” Shutang ina, Diary! “Sabay tayong mag-lunch mamaya, ah? May baon akong pagkain, si Mama ang nagluto. Hihintayin kita.”
“`Wag na.” Umiling ako. “May project kami, kailangan kong habulin, eh.”
“Ay, gano’n ba? Gusto mo, tulungan kita?” Umiling ako. “Sige, dadalhan na lang kita ng pagkain mamaya.” Hinawakan niya ang ilong ko `tapos pinisil niya.
Tumalikod ko at maglalakad na sana patungo sa upuan ko nang bigla ko na naman siyang narinig na nagsalita.
“Pipay!” Tumingin ako sa kanya. “Hindi ko alam kung ano’ng problema mo pero kung ready ka nang pag-usapan `yan, `andito lang ako para makinig. I can’t promise that things will be perfect, but I swear, I’ll never leave.” Tumango ako sa kanya saka tumalikod nang mabilisan.
Okay pa kaya itong puso ko? Kanina pa kasi dumudugo sa bawat salitang sinasabi ni Josh, eh.
Naglalakad na ako patungo sa upuan ko nang biglang tumayo ang reyna ng kadiliman na anak ni Ursula. Akala ko patay na itong gagang `to? Wala na kasing exposure sa mga previous chapter, eh. Hay! Hoy, Sic, ano ba `tong syota mong jejemon? Puwede bang pakitanggal muna itong baluga na `to? Dumidilim ang paningin ko.
“Hoy, Pilar. May nagsabi sa aking kasama mo raw si Prince ko kahapon, ah. Ano—” Naputol ang sinasabi niya dahil idinikit ko sa mukha ni Mirasol ang kamay kong naka-pakyu.
“Wala ako sa mood. Tumabi ka sa dinaraanan ko, shutang ina!”
`Buti naman natakot ang reyna ng kadiliman sa sinabi ko. Dali-dali siyang tumabi at pinadaan ako.
Late nang dumating si Prince, Diary. Pinagalitan pa nga siya ng prof namin sa Science dahil late ang lalaking patay na patay sa akin. Nagkaroon kami ng activity at sa kamalas-malasan, si Prince pa ang naka-partner ko. Bawat minutong lumilipas, nararamdaman kong tumatagos sa likod ko ang mga titig ni Mirasol.
Hay, naku! Natural magagalit `yang si Mirasol. Ang alam niya, boyfriend niya si Prince, `di ba? BhOsXz MimAy nga siya, `di ba?
“Prince, what’s matter?” tanong ko kay Prince habang nagsusulat ng mga question para sa activity namin.
“Aba, malay ko.” Nakayuko lang siya pero nakatingin sa akin.
“Anong ‘malay’ mo? Umayos ka nga. Kundi wala tayong points dito,” inis na sagot ko sa kanya.
“Eh, sa hindi ko nga alam,” inis na sagot niya rin. Wow, ah! “How can I even know what’s the matter if you’re the only one that matters to me?”
Tiningnan ko siya nang seryoso. “K. Last mo na `yan, ah?” Natawa na lang siya.
Parang wala talaga akong gana ngayong araw, Diary. Alam mo iyon? Kahit pinipilit kong i-cheer up ang sarili ko, hindi talaga kaya ng katawan ko. Ang puso pala ang pinakamaarteng parte sa katawan ng isang tao. Masaktan lang kasi ito, pati ibang parte, madadamay.
Habang nakatingin ako sa labas, bigla kong nakita si Joshua na dumaan kasama si Heleparot at ang mga tropa nila. Tumingin sa akin si Josh saka kumaway pero iniwas ko na lang ang tingin ko at kunwari hindi ko siya nakita.
Diary, I don’t want a broken heart and I don’t want to play the brokenhearted girl but I can’t help it.
Unti-unti nang tinatanggal sa sistema si Josh,
Pipay is now single