noveltoon logo noveltoon
Ang Diary Ng Hindi Malandi (Slight Lang) Season 1

Chapter 23

Ch. 24 / 36 Apr 09, 2022

Madramang Entry #23

Dear Diary,

Sabihin mo nga sa akin kung saan ipinaglihi ang kagaya ni Josh? Bakit sobrang kulit ng lalaking iyon? Hindi niya ba ma-gets ang mga salitang “ayaw ko na”? Bakit patuloy pa rin siya sa pangungulit sa akin na kailangan daw naming mag-usap? Para saan pa ba ang pag-uusap namin? Para bilugin na naman niya ang ulo ko sa mga kasinungalingan niya? Para saktan na naman ako?

Masakit pa kaya. Sobrang sakit pa kaya hindi ko na ulit hahayaan ang sarili kong mas mahalin siya lalo. May panibagong dare na naman ba sila ng mga tropa niya? Ako lang ba ang panget sa school para ako lagi ang alipustahin? Bakit ako, Diary? Bakit ako?

Araw hanggang gabi akong kinukulit ni Josh, Diary. Consistent ang kakulitan niya. Parang walang-sawa. Jusko! Bago ako pumasok, lagi siyang nag-aabang sa labas ng bahay namin at sinasabayan akong pumasok.

Kapag sa school at lunch break namin, dinadalhan niya ako ng mga pagkain na siya raw ang nagluto. Hindi ko kayang kainin, Diary, kaya inuuwi ko na lang sa bahay at pinapakain sa aso namin. Tuwing gabi naman, Diary, bigla ko siyang nakikita na nasa labas ng bahay namin at nakatayo habang may hawak na illustration board na may nakasulat na: “Goodnight, Pipay. Sleep well.”

Nata-touch ako sa mga effort na ginagawa niya, Diary, pero hindi ko maalis sa puso’t isip ko ang hinala. Paano kung ginagawa niya lang ang mga effort na iyon dahil may kailangan na naman siya sa akin?

Ang hirap magtiwala, Diary. Lalo na kung ang ibinigay mong tiwala ay sinira lang ng taong pinakamamahal at pinahahalagan mo sa lahat. Parang lahat ng ginagawa at ipinapakita niya ay hindi na totoo. Gusto kong maniwala pero ayaw ng puso’t isip ko. Mahirap kalaban ang puso’t isip, Diary. Kasi kailangan mo muna silang kumbinsihin sa isang bagay bago ka gumawa ng isang desisyon, eh. Hawak nila ang lahat ng parte ng katawan mo.

Minsan, Diary, umulan nang malakas noon at na-stranded ako sa school. Wala akong dalang payong at medyo late na rin. Nagulat ako nang biglang tumabi sa akin si Josh at iniabot ang payong na dala niya. Nakangiti siya sa akin.

“Kunin mo na `tong payong, Pipay. Baka magkasakit ka.” Iniabot niya sa akin ang payong na dala niya. Sa pagtama pa lang ng bawat daliri namin, naramdaman ko na naman na dumaloy ang ilang libong boltahe ng kuryente. “Ingat ka, ah. Pag-uwi mo, magpalit ka kaagad ng damit. Baka magkasakit ka,” huling sinabi ni Josh saka tumakbo palabas ng school at sinuong ang malakas na ulan para lang ipahiram sa akin ang kanyang payong.

Parang unti-unti nang natutunaw ang galit na namuo sa puso ko dahil sa pagiging sweet ni Josh sa akin, Diary. Minsan nga, naiisip kong bigyan siya ng second chance para ayusin ang lahat pero bigla naman agad mawawala ang idea na iyon kapag nakikita ko silang magkakasama ng mga tropa niya at nakatabi sa kanya si Helena.

Ang gagang Helena, biglang ngingisi sa akin at aakbay kay Josh. Ito namang si Josh, patuloy lang sa pakikipag-usap sa mga tropa niya na para bang wala lang sa kanya na inaakbayan siya ni Heleparot. O, `di ba, Diary—nakakagago lang.

Kung gusto talagang ayusin ni Josh itong gulo sa aming dalawa, una niyang gagawin ay iiwasan ang babaeng `yan. Hindi ba alam ng mga lalaki na kaming mga babae ay mabilis magselos sa mga nakadikit sa kanila? O sadyang dense lang talaga sila? Jusko! Dalawa na nga ang ulo ng mga lalaki pero parehas namang walang utak.

Ang hirap paniwalaan ni Josh, Diary, kung kabaliktaran naman ng bawat ipinapakita niya ang nakikita ko sa kanya. Ano `to? Mahal niya ako at mahal niya rin si Helena? The more, the merrier ang peg?

Ngayong araw, Diary, sabay kaming papasok ni Prince. Sinabi ko kasi sa kanya na sunduin ako. Ang loko, tuwang-tuwa dahil first time ko raw magpasundo sa kanya. Akala niya, bibigyan ko na siya ng chance. Hays! Kung ganoon lang sana kadali iyon, eh. Kung ganoon lang sana kadaling ilipat kay Prince ang pagmamahal ko kay Josh, eh, di sana hindi ako nasasaktan. Pero hindi, eh. Hindi ganoon kadali.

Ang nakakatawa lang, Diary, ang lalaking hinahabol ko noon ay siya na ngayong humahabol sa akin. Bilog nga talaga ang mundo, Diary. Hindi natin mararamdaman na isang araw mahal ka na agad ng mahal mo. Kaya `wag susuko, Diary. Fighting lang!

Paglabas ko ng bahay namin, Diary, nakita ko na agad si Prince na nakangiti sa akin. At hindi nga ako nagkakamali dahil nandito na rin agad si Josh sa tapat ng bahay namin. For sure, mas maaga pa siyang dumating kaysa kay Prince. Hindi ko na lang pinansin si Josh at si Prince na lang ang kinausap ko.

“Ano, tara na?” tanong sa akin ni Prince.

“Tara na,” pagyaya ko sa kanya.

“Pipay, bakit kayo sabay?” nagtatakang tanong ni Josh. “Kayo na ba? Hindi pa naman tayo hiwalay, ah. Cheating `yan, Pipay. Ayoko ng ganyan,” naiinis na sagot ni Josh.

“Cheating? P’re, `wag mong patamaan ang sarili mo,” pang-iinis pa ni Prince sa kanya.

“Pipay, ano `to? Ipaliwanag mo `to. Hindi mo naman ako niloloko, `di ba? Hindi naman kayo, `di ba? May tiwala ako sa `yo,” nakangiting sabi sa akin ni Josh pero alam kong nasasaktan siya.

“Josh, puwede ba? Hiwalay na tayo, `di ba? `Wag mo na `kong gambalain pa. May Helena ka na. Bibigyan ko na ng chance si Prince.” Nakita kong lumaki ang ngisi ni Prince na nasa gilid ko. Joke lang `yon! Unggoy na Prince `to!

“Hindi pa tayo hiwalay, Pipay. Ang paghihiwalay, dapat parehas ninyong gusto. Ikaw lang ang may gustong maghiwalay tayo pero ako, ayoko. Hindi ako papayag,” naiinis na sabi ni Josh. “Sige, hahayaan kitang sumabay kay Prince, Pipay. Hahayaan kitang sumabay sa kanyang mag-lunch, ihatid niya papuntang school at kahit pag-uwi pa. Puwede kayong mag-date, Pipay, pero please, `wag kang makipaghiwalay sa akin.” Para akong tangang nasaktan sa sinabi ni Josh.

“Josh, tama na please. Nahihirapan na ako, eh,” pagmamakaawa ko sa kanya.

“Pipay, hindi lang ikaw ang nahihirapan. Pati rin naman ako, eh. Hirap na hirap na ako. Alam mo ba `yong pakiramdam na ang lapit mo lang sa akin pero hindi man lang kita mahawakan? Ang sakit, Pipay.”

“Hayaan mo na siya, Pipay. Tara na male-late na tayo.” May dumaan na tricycle kaya pinara ni Prince.

“Pumasok ka na, Josh. Hinihintay ka na ni Helena,” sabi ko sa kanya bago ako sumakay ng tricycle.

“Wala akong pakialam kung maghintay siya. Ikaw lang ang babaeng gusto kong hintayin,” narinig kong sagot niya.

Nagsisimula nang umandar ang tricycle, Diary. Pinipigilan ko ang sarili kong `wag umiyak dahil sa mga sinabi ni Josh pero hindi ko maiwasan na pigilan. Isinisigaw ko sa utak ko na `wag akong lilingon pero sadyang matigas ang maliit kong utak kaya napalingon ako. Kitang-kita ko si Josh na naglalakad habang nakayuko at halatang malungkot. Parang biniyak na naman ang puso ko nang ilang ulit dahil sa nakita kong kalungkutan ni Josh.

“Prince, paano mo malalaman kung tama ang ginawa mo?” tanong ko kay Prince habang nakaupo kami sa tricycle.

“Kapag naging masaya ka sa resulta,” sagot niya.

“Eh, hindi ako masayang pinagtulakan ko si Josh, eh. Ibig sabihin, hindi tama ang ginawa ko?”

“Hindi lahat ng tama ay masaya ang nagiging resulta. Pero lahat ng tamang desisyon ay ikakabuti ng lahat.” Iniabot sa akin ni Prince ang panyo niya para punasan ko ang luha sa aking mga mata.

Ilang ulit pa ba akong iiyak, Diary? Ilang ulit pa ba akong iiyak dahil kay Josh?

Nauna na si Prince papunta sa classroom namin, Diary. Ako pa kasi ang nagbayad sa tricycle na sinakyan namin. Ang pesteng lalaki, wala palang dalang pera pero ang lakas ng loob mag-tricycle. Wala na tuloy akong baon. `Kainis!

Habang naglalakad ako papasok ng school, bigla akong nakarinig na may tumatawag sa akin. Agad akong napalingon kung sino iyon at nakita ko ang isang matandang babae na mukhang mayaman dahil sa ayos at pananamit niya. Mukhang model. Sosyal si Ate. Napatingin ako sa mukha niya at parang may kamukha siya. Wait... sino ba’ng kamukha nito?

“Ikaw si Pilar, right?” tanong niya sa akin.

Ang taray niya, Diary. Parang kontrabida sa mga napapanood kong pelikula.

“Opo,” magalang na sagot ko sa kanya. “Paano n’yo po nalaman at sino po kayo?”

“Paano ko nalaman? Based sa paglalarawan ng mga empleyado ko sa salon. Mukha ka ngang taong unggoy na binihisan ng matinong damit. I wonder kung ano’ng nagustuhan sa `yo ng anak ko. Ginayuma mo ba si Josh? Answer me,” pagtataray na naman niya, Diary. Nakakatakot siya. Ang taray ng kilay niya. “Ako ang mommy ni Josh. I came here para pagsabihan kang layuan mo ang anak ko. Hindi ka good influence sa anak ko, alam mo ba `yon? Leave my son alone, will you?”

“Po?” `Yan na lang ang naisagot ko sa mga sinabi niya.

“Don’t ‘po’ me, you gold digger. Layuan mo si Josh. Hindi nakakabuting maging girlfriend ka niya. You are far from my expectations. Alam mo ba kung ano’ng nangyayari kay Josh because of you? He barely touches his food. Lagi lang siya nakakulong sa kuwarto niya at nag-iisip nang malalim. Kapag sinisilip ko kung ano’ng ginagawa, madalas ko lang siyang marinig na nagsasabing ‘kailangang magkaayos kami ni Pipay’. `Andito ako sa school ninyo dahil ipinatawag ako ng adviser niya dahil ang baba raw ng grades ni Josh. Hindi rin daw ito nagsusulat sa notes niya at tanging ‘Pipay, I love you’ lang ang laging isinusulat. Do you have any idea about that? That’s bullshit! Stop bothering my son!”

Galit na galit siya sa akin, Diary. Mabuti na lang wala na masyadong tao rito sa hallway, kung hindi, nakakahiya.

Nakayuko lang ako at hindi ako makatingin nang deresto sa kanya. Para akong nanliit sa mga insulto na sinabi sa akin ng mama ni Josh. Nanay ba `to ni Josh, Diary? Bakit parang ang layo ng ugali nila sa isa’t isa.

“Tulad kanina, ang aga na naman niyang umalis ng bahay. I don’t have any idea where the hell he was going to at that early hour. Until now, wala pa rin siya sa room nila. Alam mo ba kung nasa’n siya?” Umiling siya. “Yeah, right. You are as useless as ‘ay’ in the word ‘okay.’ I already warned you, Pilar Payoson. Leave my son alone.” Saka siya naglakad palayo sa akin.

Buong morning period namin, Diary, tanging ang masasakit na salita lang na binitiwan sa akin ng mama ni Josh ang iniisip ko. Parang lahat na `ata ng tao, against na magkabalikan kami ni Josh. Hindi ba ako good influence kay Josh, Diary? Parang nakasama nga ako dahil sa pagsasama sa akin ni Josh, eh. Hindi ko na alam ang nangyayari kay Josh. Parang gumulo lang ang buhay niya mula nang nakilala niya ako. Ugh! Diary, ang gulo ng buhay. Puwede bang magpakamatay na lang? Ang hirap, eh.

Naguguluhan,

Pipi – este, Pipay