noveltoon logo noveltoon
Ang Diary Ng Hindi Malandi (Slight Lang) Season 1

Chapter 24

Ch. 25 / 36 Apr 09, 2022

Madramang Entry #24

Dear Diary,

Late na naman akong nagising, Diary, kaya ang ingay na naman ng bunganga ni Inay ngayong umaga. Parang sirena ng ambulance na walang tigil sa kakasigaw.

“Shutang ina, Pilar Payoson! Gumising ka na. Tirik na ang araw, ikaw, nakabulagta pa rin diyan sa higaan mo. Hahambalusin kita ng washing machine diyan, eh!”

More talak, more fun si Inay sa umaga. Ang sweet-sweet niya talaga sa akin, Diary. Kaya if ever talaga na nasa bangka kaming dalawa ni Inay `tapos may butas ang bangka at lulubog ito, sino ang sasagipin ko? Ang sagwan o ang bangka?

Chos! Siyempre, hindi ko hahayaang malunod si Inay. Mahal ko kaya ang nanay ko kahit ganyang kaingay at kabuwisit sa akin tuwing umaga `yan, Diary. Hindi kasi sweet na tao si Inay. Paano, ipinaglihi `ata sa sama ng loob ni Lola.

Habang kumakain kami ng almusal, napatingin ako sa mukha ni Inay, Diary. May black eye si Inay sa magkabilang mata niya `tapos sabog ang nguso niya. May poknat pa sa ulo. Malamang nakuha `yan ni Inay sa pakikipagbasag-ulo sa kapitbahay naming si Aling Petra kahapon.

“Ano’ng tinitingin-tingin mo diyan, Pilar?” mataray na tanong sa akin ni Inay.

“Anyare sa mukha n’yo, Inay? Sa November pa ang Piyesta ng patay, ah. Aga n’yong mag-celebrate,” sabay kagat ko ng pandesal.

“Yes naman daw, anak, makapang-insulto, ah. Gaga, natalo ako sa sapakan namin ni Aling Petra kahapon! Bobo mo kasi, eh.” Aba, ako pa ang nasisi. “`Di bale, mamaya may round two kami sa bakanteng lote. Nood ka kapag maaga kang nakauwi mula sa paglalandi mo.”

“Alam ba ni Itay `yang mga pinaggagagawa n’yo sa buhay?”

“Aba! Oo naman.” Tumango-tango pa siya. “Supportive husband kaya si Itay mo. Sabi niya nga kanina, galingan ko raw, eh. Dahil ako raw ang pambato niya. `Yang ama mo talaga, ginawa pa akong manok. Amp!”

“Ayaw n’yo ba ng manok?”

“Ayoko.” Umiling siya. “Gusto ko, chix.”

Choosy pa si Inay. Feeling pretty. Mukha namang yucky. Charot! Baka sabihin n’yo, inaapi ko si Inay, ah? Siya kaya nang-aapi sa akin dito sa kuwento na `to.

Paglabas ko ng bahay namin, naabutan ko na naman si Joshua na naghihintay sa akin habang nakasandal sa puno. Lumiwanag agad ang mukha niya saka ngumiti sa akin. Gusto ko sanang ngumiti pabalik sa kanya pero naisip ko bigla ang mga sinabi sa akin ng mama niya. Hanggang pagtulog ko kagabi, iyon lang ang iniisip ko.

Tingin ko, tama nga ang mama ni Josh—hindi ako nakakabuti sa anak niya. Siguro kailangan ko nang iwasan si Josh habang-buhay. Mahirap itong gagawin ko pero para `to sa ikabubuti ng lahat. Mahal na mahal ko si Josh kaya kahit kalayaan niya ay kaya kong ibigay sa kanya. Hindi na maganda kung magkakabalikan pa kaming dalawa.

Actually, Diary, kagabi habang nag-iisip ako, bigla kong naisip na hindi na ako galit kay Josh, eh. Willing na akong patawarin siya at kalimutan ang lahat para magsimula ng bagong yugto sa aming labs istori. Pero bigla namang pumasok ang mama niya sa eksena, eh. Nagulo lahat and worse, totoo lahat ang sinabi niya. Hindi ako healthy para kay Josh.

“Ang aga mo naman `ata,” bati ko sa kanya.

“Ang aga? Akala ko nga late na ako sa usapan natin, eh,” masayang sagot sa akin ni Josh, Diary. Parang dinudurog na naman ang puso ko sa mga ngiti niya. “Hindi talaga ako nakatulog nang maayos, Pipay, dahil sa sobrang excitement, eh. Hindi ako makapaniwalang magde-date tayo ngayon. Kurutin mo nga ko.”

Kinurot ko ang makinis na pisngi ni Josh, Diary. “Ano? Naniniwala ka na bang totoong inaya kitang mag-date ngayon?”

“Oo nga. Pero shit, Pipay! Hindi pa rin talaga ako makapaniwala. Alam mo ba noong sinagot mo kagabi ang tawag ko at sinabi mong mag-date tayo ngayon? Napatalon ako sa kama ko at napasigaw pa. Kung alam mo lang kung gaano ako ka-excited ngayong araw. Ang dami kong gustong puntahan natin. Gusto ko, ngayon natin i-celebrate ang monthsary natin na hindi naman natuloy noong nakaraan.”

Patuloy lang si Josh sa pagsa-suggest ng mga lugar na pupuntahan namin, Diary. Tuwang-tuwa talaga siya sa expression niya ngayon. Parang ang sama-sama ko dahil after ng date namin, sisirain ko lahat ng kasiyahan niya at magagalit siya sa akin nang tuluyan. Hindi ko makakaya ito pero para kay Josh, gagawin ko.

“Ano, tara na?” pagyaya ko sa kanya.

“Tara...” Nagsisimula na kaming maglakad nang magsalita ulit si Josh “Pipay... puwede... puwede ko bang hawakan ang kamay mo?” nahihiya niyang tanong sa akin.

“Puwede naman.” Ngumiti ako saka hinila ko ang kamay niya para mahawakan niya ang kamay ko.

“Shit!” Napamura siya bigla. “Hindi ko inaakalang mahahawakan ko ulit ang kamay mo nang ganito. Parang ayoko nang bitawan, Pipay. Para kasing kapag binitawan ko `tong kamay mo... lalayo ka ulit sa akin nang tuluyan...” sabi niya habang nakatingin sa kamay naming magkahawak.

“Don’t worry, hindi na kita ulit papakawalan pa,” pagsisinungaling ko sa kanya.

“Ako rin. Hindi na ako makakapayag na maghiwalay pa tayo,” paniniguro niya.

Nagpatuloy na kami ni Josh sa paglalakad habang magkahawak ang kamay naming dalawa. Tulad ng dati, pinagtitinginan na naman kami ng mga tao sa paligid pero walang pakialam si Josh dahil straight lang ang tingin niya habang ngumingiti pa sa akin. Parang sa mundo niya, kaming dalawa lang ang tao at ako lang ang nakikita niya. Natatakot ako, dahil mamaya... sisirain ko na ang masayang mundo niya.

Una muna kaming pumunta sa isang kainan dahil nagugutom na raw si Josh. Hindi raw kasi siya nag-almusal at umalis agad ng bahay nila pagkagising niya. Tinanong ko nga siya kung naligo ba siya. Ang sagot niya lang...

“Siyempre naman. Kailangan kong maging guwapo sa paningin ni Pipay ko.”

Kinilig ako sa sinabi niya, Diary, dahil totoo naman iyon. Ang guwapo-guwapo ni Josh ngayon sa suot niya. Kailangan ba siya naging pangit? Lalo na siguro kapag nakahubad siya, mas lalo siyang guguwapo, eh. Char! Agaw-atensiyon talaga ang mukha ni Josh dahil pinagtitinginan siya ng mga babae.

Ang sarap manaksak ng tinidor sa mata ng mga babaeng kapatid ni Heleparot dito sa kinakainan namin.

“Pipay, tikman mo `to. Ang sarap...” Iniharap sa akin ni Josh ang kutsara at sinubuan ako. “Sarap, `no?” Tumango ako.

Pinagmamasdan ko lang si Josh habang kumakain. Hanggang pagkain niya, nakangiti siya. Halatang masayang-masaya talaga siya sa date namin ngayon. Samantalang ako, hindi ko maramdaman ang kasiyahan at tanging kalungkutan lang ang nag-uumapaw sa puso ko, Diary. Nahihirapan akong tanggapin sa sarili ko na kailangan ko nang pakawalan si Josh nang tuluyan.

“Josh, ano ba’ng meron sa inyo ni Helena?” Napatigil siya sa pagkain saka tumingin sa akin.

“Actually, mamaya ko pa dapat sasabihin kung ano ba talaga ang nangyari, eh. Pero since tinanong mo na, sige, sasagutin ko na.” Pinunasan niya ang mga labi niya gamit ang tissue. “Actually, gusto ko na si Helena since first year high school. Maganda siya, sexy, matalino. Sino ba’ng hindi magkakagusto sa tulad ni Helena? Pero dahil friends kami, sabi niya ayaw niya raw maging kami. Umasa ako na isang araw, magbabago ang isip niya kaya patuloy ako sa panunuyo sa kanya hanggang ngayong fourth year, umaasa ako na sasagutin niya ako.”

“One time, tinanong ko siya kung may pag-asa ba ako pero ang tropa ko ang sumagot. Sabi niya, sasagutin daw ako ni Helena kapag naging girlfriend kita. I thought at first it was bullshit. Hindi ako ang tipo ng lalaki na mananakit ng babae. Hindi ako gano’ng klaseng lalaki dahil maayos akong pinalaki ng mga magulang ko. Pero dahil pumayag si Helena sa dare, sabi ko, sige, susubukan ko. Itinatak ko na lang sa isip ko na after naman n’on, magso-sorry na lang ako sa `yo, the important thing is that I have Helena.”

“Pero things turned the other way around. Noong una, wala talaga akong planong ma-in love sa `yo, Pipay. Pero damn! Ang lakas ng impact mo sa akin. Para kang magnet, eh, na-attract mo `ko. Hindi ka man kasingganda o kasing-sexy ni Helena pero may something sa `yo na mamahalin talaga ng isang lalaki. Ikaw `yong tipo ng babae na hindi marunong malungkot kahit ininsulto na. Sasama ka pang tatawa sa kanila. Bumibilis ang tibok ng puso ko. Hindi kompleto ang araw ko kapag hindi kita nakikita. Mga pakiramdam na hindi ko naramdaman kay Helena na tanging sa `yo ko lang naramdaman.”

“Naramdaman ko na lang ang sarili ko na mahal na kita at hindi na dare ang nararamdaman ko para sa `yo. After mong mag-walk out no’ng group date, nagalit ako sa mga tropa ko at sinabi kong ayoko nang ituloy ang dare dahil mahal kita. Nagalit sila sa akin lalo na si Helena dahil sasagutin na raw niya ako. Sabi ko wala akong pakialam at lamunin niya ang oo niya. Bigla siyang nahilo at nahimatay. No choice ako kundi ihatid siya pauwi.”

“Nakita namin kayo ni Prince no’n. Magka-holding hands kayo,” sabi ko sa kanya.

“Dahil sabi niya, magwawala siya at gagawa ng eksena kapag hindi ako pumayag makipag-holding hands sa kanya. Ipinangako ko sa sarili ko na sasabihin ko sa `yo `yon pero bigla mo naman akong hindi kinausap at nalaman mo pa ang tungkol sa dare kaya nawalan ako ng chance na ipaliwanag sa `yo ang lahat.” Napahinto si Josh dahil naiiyak na siya.

“Pipay, kung alam mo lang kung gaano ako nabaliw noong mga araw na nawala ka sa akin. Baliw na baliw ako at pakiramdam ko, mamamatay na ako. Tanga na kung tanga pero shit! Hindi ko alam kung ano’ng ginawa mo sa akin at nabaliw ako nang ganito sa `yo. Kaya, please lang, `wag mo na kong iiwan dahil... dahil baka hindi ko na alam ang mangyari sa akin.”

Nakita kong tumulo na ang luha sa mga mata niya. Wala siyang pakialam kahit na maraming tao. Umiiyak si Josh habang hawak-hawak ang kamay ko. Naramdaman ko na lang ang sarili ko na umiiyak na rin. Tumabi sa akin si Josh saka ako niyakap nang mahigpit.

“Ito talaga ang pinakamasarap na pakiramdam sa mundo, eh. Ang yakap kita nang ganito, Pipay,” narinig kong bulong niya sa akin. “Para akong mababaliw dahil sa kasiyahan ko ngayon pero wala akong pakialam dahil ang importante, ikaw ang dahilan ng kabaliwan ko.”

Nagpatuloy na kami ni Josh sa paggagala namin. Napadaan kami sa may photobooth kaya nagpa-picture kami. Tatlong pose ang ginawa namin. Una, simple lang. Pangalawa, iyong yakap ako ni Josh at pangatlo, hinalikan niya ako sa pisngi.

Nagyaya rin manood ng movie si Josh pero tumanggi na ako dahil sabi ko, pagod na ako. Nagpahinga muna kami sa park. Habang nagpapahinga, i-t-inext ko na ang taong hiningan ko ng tulong para sa araw na `to. Sinabi ko kung nasaan kami ni Josh at sinabi niya na malapit na raw siya. Noong nakita ko na siyang papalapit sa amin, bigla akong tumayo para lapitan siya.

“Love...” sabi ni Prince saka humalik sa pisngi ko. Gago `to, ah. Wala naman sa usapan namin na hahalikan niya ako, eh.

“Ano’ng ibig sabihin nito? Oy, gago ba’t mo hinahalikan si Pipay?” galit na tanong ni Josh kay Prince.

“Hindi ba obvious? Girlfriend ko siya. Kapag girlfriend, `di ba, puwede mong halikan?” sagot ni Prince. Napatingin si Josh sa akin saka kay Prince.

“Totoo ba ang sinasabi ng gagong `to, Pipay?” hindi makapaniwalang tanong ni Josh. “Pipay, utang-na-loob! Sumagot ka. Hindi `to totoo, `di ba? Joke lang `to, `di ba?”

Napalunok muna ako at pinipigilan ang sarili ko na `wag umiyak. “Totoo `to. Sorry, Josh. Kami na talaga ni Prince, kahapon lang.”

“Eh, ano `tong `tanginang date na `to? Para saan `to?” Pansin ko na naluluha na si Josh.

“Good-bye date. Bobo ka?” sagot ni Prince.

“P’re, `wag kang sumagot, please lang. Baka mapatay kita sa kinatatayuan mo.” Tumalim ang tingin ni Josh saka sinabunutan ang buhok niya. “Pipay, ano `to? Shit! Ang sakit. Joke lang `to, Pipay, `di ba? Haha! Tara, uwi na tayo, Pipay. Ang galing mo talagang mag-joke. Kaya mahal na mahal kita, eh. Tara, punta pa tayo sa—”

“Shutang inerns, Josh! Hindi ito joke. Totoo `to. Tanga ka ba? `Wag bobo, please,” inis na sagot ko sa kanya.

“Pero bakit?” seryosong sagot niya sa akin. “Akala ko ba okay na tayo?”

“Pinagbigyan lang kita, tanga. Kawawa ka naman kasi, eh. Sa totoo lang, nakakasawa ka, eh. Nakakasawa kang kasama. Buntot ka nang buntot, para kang aso. Nakakasakal ka na. Guwapo ka, mayaman, pero naisip ko na hindi pala talaga kita mahal. Kasi si Prince lang talaga ang laman ng puso ko. Sorry, Josh. Puwede ka nang bumalik kay Helena mo. Magsama kayo. Gusto mo ihatid pa kita sa kanya?”

“Hindi ako naniniwala sa mga sinasabi mo, Pipay. Alam kong ako ang mahal mo. Gumaganti ka ba dahil nagseselos ka kay Helena? Sige, Pipay, mula bukas, lalayuan ko na si Helena. Hindi na ako sasama sa barkada namin. Kahit sila na ang mawala, okay lang `wag lang ikaw.” Pinunasan ni Josh ang mga luha niya. “Ano ba’ng gusto mong gawin ko, Pipay? Sabihin mo lang, gagawin ko basta `wag ka lang makipaghiwalay nang tuluyan sa akin. Nagmamakaawa ako sa `yo.”

“Itigil mo nga `yan, Josh. Nakakahiya sa mga nakakakita sa `yo!”

“Wala akong pakialam sa kanila! `Tangina! `Yong sasabihin pa ba nila ang iintindihin ko, eh mawawala ka na sa akin?!” sigaw niya sa akin. “Pipay, nagmamakaawa ako sa `yo. Please... `Wag... Hindi ko kaya...”

Wala na akong ibang maisip na maaaring gawin kaya ito na lang.

Humarap ako kay Prince saka siya hinalikan sa mga labi. Ipinikit ko ang mga mata ko at inisip ko na lang na si Josh ang hinalikan ko. Pagmulat ko ng mga mata ko nakatingin si Prince sa akin nang deresto.

“Ano? Maniniwala ka na bang hindi na kita mahal?” straight na tanong ko kay Josh.

Napatitig siya sa amin saka ngumiti. Ngumiting lumuluha.

Pipay, shuta ka, ikaw lang nagpapaiyak kay Josh.

“Wow!” sarcastic na sabi ni Josh “Well... Sige... Pipay, mahal na mahal kita kaya ibibigay ko ang gusto mo. Kahit hindi ko kaya, gagawin, ko. `Tangina! Magsama kayo. Congrats!” Saka siya naglakad palayo sa amin ni Prince.

Noong wala na si Josh sa harap namin, saka pumatak ang mga luha ko.

Wala na si Josh, Diary. Galit na siya sa akin. Shutang inerns, Diary! Ang sakit, futa! Makapag-selfie nga later.

Good-bye, Joshua Renz Manalo.

I will always love you,

Pipay ♥