noveltoon logo noveltoon
Ang Diary Ng Hindi Malandi (Slight Lang) Season 1

Chapter 21

Ch. 22 / 36 Apr 09, 2022

Madramang Entry #21

Dear Diary,

Mula nang araw na iyon, Diary, iniwasan ko na si Josh. Hindi na ako sumasabay sa kanya papuntang school. Alam kong maaga siyang pumupunta sa harap ng bahay namin para sunduin ako pero mas maaga akong umaalis para hindi niya ako maabutan. Kaya nga laging nagtataka si Inay dahil ang aga-aga ko raw pumasok at ako raw ba ang tagabukas ng school namin? Si Inay talaga. Ano’ng tingin niya sa akin, security guard? Janitress lang. Char!

Sa totoo lang, Diary, nami-miss ko si Josh. Nami-miss ko iyong mga araw na lagi ko siyang kasamang pumasok, kumain at gumala. Nami-miss ko ang mga oras na kausap ko siya sa Facebook at Skype, ang mga tawanan namin, ang mga oras na ipinaparamdam niya sa akin na ako ang pinakamamahal niyang babae, ang mga oras na alam kong mahalaga ako sa kanya, ang tawa at ngiti niya, ang paghawak niya sa kamay ko.

Lahat iyon nami-miss ko, Diary. Miss na miss ko na si Josh. Pero kailangan ko nang lumayo nang paunti-unti para hindi na ako masyadong masaktan.

Gusto kong kausapin si Josh, Diary. Gusto kong malaman ang totoo para naman maliwanagan ako sa mga katanungang gumugulo sa isip ko. Ang dami kong gustong malaman pero natatakot ako sa posibleng magiging sagot. Natatakot ako sa katotohanang baka niloloko niya lang ako, na baka pinaglalaruan lang. Natatakot ako na baka kapag nalaman ko ang totoo, mawala na siya sa akin, na baka bukas at sa mga susunod na araw, hindi na siya sa akin.

Puwede bang `wag ko na lang alamin ang katotohanan, Diary? Puwede bang itago ko na lang sa utak ko itong mga katanungan ko? Puwede bang kahit niloloko niya lang ako, hayaan ko na lang? Para naman sa ganitong paraan, matatawag ko pa rin siyang pag-aari ko.

Gabi-gabi `ata akong umiiyak dahil dito hanggang sa mapagod ang mga mata ko at makatulog ako. Minsan nga, hinihiling ko na sana hindi na ako magising para hindi ko na maramdaman ang sakit, eh. Pero wala, eh. Kailangang mabuhay. Kailangang ipagpatuloy ang pamumuhay.

Masarap magmahal, Diary. Masarap na may tao kang minamahal pero masakit din pala. Para kang pinapatay nang paulit-ulit. Hay, ang drama ko.

Paalis na sana ako ng bahay, Diary, pero paglabas ko ng pinto namin, nakita ko na agad si Josh na nakatalikod sa may gate namin. Shutang inerns, Diary! Agad akong napatingin sa orasan ko. Six o’ clock ng umaga. Ang aga naman ng lalaking `to? Peste! Talagang siniguro niyang maaabutan niya ako, ah.

Tinitigan ko muna siya habang nakatalikod. Kahit nakatalikod, ang guwapo niya pa rin. Gusto kong tumakbo papunta sa kanya para yakapin siya nang mahigpit pero pinigilan ko ang sarili ko.

Pilar, umayos ka. Kung ayaw mong mas lalong masaktan, pigilan mo `yang sarili mo.

Biglang humarap si Josh sa gawi ng bahay namin para siguro silipin ako kung palabas na ba ako o hindi. Agad akong nagtago sa likod ng pinto namin at sumilip sa bintana. Tumingin si Josh sa orasan niya saka ibinalik ang pagsilip sa bahay namin.

Tinawag ko si Inay na kasalukuyang naglalaba sa likuran para sabihin kay Josh na umalis na ako ng bahay. Si Inay, ang arte-arte. Kailangan pang pilitin para lang sundin ang request ko. Nakasimangot tuloy siyang lumabas ng bahay at kinausap si Josh.

Sinilip ko ulit si Inay habang kinakausap si Josh. Napansin kong nalungkot si Josh habang sinasabi ni Inay na umalis na ako ng bahay, Diary. Parang kinurot ang puso ko sa kalungkutan na gumuhit sa mga mata niya. Kahit nakangiti siya at magalang na nagpaalam kay Inay, lutang pa rin na malungkot siya habang nakayukong naglalakad palayo sa bahay.

Naramdaman kong nag-vibrate ang cell phone ko kaya binasa ko kung sino ang nag-text.

From: Joshua

Ba’t lagi kang maaga umalis ng bahay n’yo? Nag-almusal ka ba? Sabay naman tayong mag-lunch mamaya, Pipay. Nami-miss na kita, eh.

Pinigilan kong tumulo ang aking mga luha dahil sa text ni Josh. Kahit na iniiwasan ko siya, kahit na pilit ko siyang tinatanggal sa sistema ko nang hindi niya alam, ako pa rin ang inaalala niya. Sana lang totoo itong kabaitan niya dahil kahit kabaitan niya sa akin, sumisira na rin ng puso ko.

Pagdating ko sa classroom namin, Diary, naabutan ko si Mimay na nilalandi si Prince. Halatang buwisit na buwisit na si Prince kay Mimay at parang gusto nang suntukin sa mukha ang girlfriend niyang bakulaw na jejemon, pero tiningnan ko lang siya nang masama.

Sinabi ko kasi kay Prince na saka na siya makipaghiwalay sa anak ni Ursula kapag natapos na ang Miss January Girl 2014. Para naman hindi mapahiya si Mimay at may chance pa akong ipamukha sa babaeng-tuod na mas maganda ako sa kanya. Noong una, ayaw pumayag ni Prince pero sabi ko, magagalit ako sa kanya kapag hindi siya sumunod. Pero dahil maganda ako at mahal niya ako, no choice siya.

“Pipay, padating na si Josh!” sabi sa akin ni Prince noong lunch break na namin. Agad akong nagtago sa likod ng pinto dahil sa sinabi ni Prince.

“Ano’ng ginagawa mo rito?” narinig kong tanong ni Prince kay Josh.

“`Asan si Pipay? Sabay kaming magla-lunch ngayon, eh,” boses ni Josh `to. Shet, Diary! Nami-miss ko na si Josh. Shutang inerns!

“Wala, nauna na sa canteen,” maangas na sagot ni Prince.

“Kagagaling ko lang doon. Ito nga, binilhan ko siya ng pagkain. Pakibigay na lang `to kay Pipay at pakisabi kung may problema kaming dalawa, mag-usap naman kami kasi nahihirapan na `ko. Ang bigat sa dibdib na iniiwasan niya ako nang hindi ko man lang alam ang dahilan.” Nangingilid na ang mga luha ko dahil sa sinabi niya. “Pakisabi rin na nami-miss ko na siya. Nami-miss ko na ang Pipay ko...”

“Arte mo, p’re.” Narinig kong hinablot ni Prince ang plastic. “Sige, sasabihin ko. Umalis ka na. Panira ka ng araw.”

Nang marinig kong umalis na si Josh, saka ako umalis sa pinagtataguan ko. Agad kong pinunasan ang luhang tumulo sa mga mata ko. Nararamdaman kong nasasaktan na si Josh. Kahit ako nasasaktan na rin, eh, pero wala akong magawa. Bakit kasi nagiging tanga ang tao kapag nagmamahal? Letse naman, eh!

“O, ipinabibigay ng karibal ko.” Iniabot sa akin ni Prince ang plastic na bigay ni Josh. “Pipay, nahihirapan akong nakikita kang ganyan. Mahal kita pero wala akong magawa. Kausapin mo na lang kasi.”

“Oo, kakausapin ko na mamaya.” Ngumiti si Prince saka umalis ng classroom.

Tiningnan ko ang laman ng plastic. Isang bote ng mineral water saka isang balot ng macaroni spaghetti. May note din na nakalagay.

Pipay, masarap itong spaghetti nila. Pero mas masarap sana ito kung sabay nating kakainin. Miss na kita. Ang liit lang ng school pero hindi kita makita. Kainin mo `to, ah? -Josh.

Tulad ng sinabi niya, kinain ko ang dala niya. Ang weird nga, eh, dahil habang kumakain ako, tumutulo ang mga luha ko. Hindi naman maanghang ang kinakain ko. Wala akong sinayang dahil bigay ito ni Josh. Bigay ito ng lalaking mahal ko at baka ito na rin ang huling maibibigay niya sa akin kapag nakausap ko na siya mamaya, Diary.

Bago magsimula ang afternoon class namin, Diary, pumunta muna ako sa banyo dahil tinatawag ako ng kalikasan. Paglabas ko ng cubicle, nakita ko si Heleparot na nagsasalamin at naglalagay ng makeup.

“Wow! Look who’s here. Hindi ako na-inform na puwede sa banyong `to ang mga unggoy,” pang-iinsulto ni Heleparot habang naghuhugas ako ng kamay. Hindi ko siya pinansin. “Hoy, Pilar. Kinakausap kita.”

“Ay, kinakausap mo pala ako? Hindi ako aware na kinakausap mo ang dyosang tulad ko.”

“Dyosa ka? Hitsura mong `yan, dyosa ka?” Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. “Dyosa ng lupa. Puwede pa.”

“At least, dyosa pa rin. Eh, ikaw, dyosa ka? Hindi. Kasi malandi ka.”

“Nagsalita ang hindi malandi,” inis na sagot niya.

“Hindi ako malandi. Slight lang.” Inirapan ko rin siya.

“Akala mo nakalimutan ko na `yong ginawa mo sa `kin sa restaurant, Pilar?”

“Alam ko namang hindi mo `yon nakalimutan, eh. First time mong maligo ng iced tea, ano? Gusto mo, tubig sa inidoro naman?” Bigla siyang napaatras. “`Kabobo kang kausap, peste ka!”

“Alam mo ang tapang mong gaga ka. Ewan ko na lang kung magiging matapang ka pa kung malaman mo ang totoo about Josh.”

“Ano’ng about kay Josh?” gulat na tanong ko.

“Gusto mo talagang malaman ang tungkol sa kanya? Well, dahil mabait ako at maganda pa...” Humalakhak ang bruha, “Pumunta ka sa likuran ng school gym mamayang uwian. Make sure magtago ka before kami dumating magbabarkada. Ciao, Pilar. Good luck.” Saka siya lumabas sa banyo na tumatawa pa na pang-witch.

Buong afternoon class, iyong sinabi lang ng gagang si Helena ang iniisip ko. Ano’ng tungkol kay Josh? Kailangan ko bang pumunta, Diary? Puwede bang kahit ngayon lang, Diary, sumagot ka sa mga tanong ko? Nababaliw na ako sa mga iniisip ko, eh. Pero siguro wala namang mawawala kung pupunta ako, `di ba? Sige, pupunta ako.

Dahil sa lutang ako, Diary, wala tuloy akong nakuha sa test namin sa Physics. Zero ako, Diary. Keri lang. Hindi ko rin naman ma-gets ang lesson namin na itinuturo ng teacher naming nakapustiso.

Tulad ng sinabi ni Heleparot, pumunta ako sa likuran ng school gym. Sinilip ko muna kung may tao na. Pero noong wala pa sila, agad akong nagtago sa taas ng puno na lagi kong pinagtataguan dati noong mga panahong sinisilipan ko si Prince Leroy. Naghintay muna ako ng ilang minuto saka ko narinig ang pagdating nila.

“Ano ba’ng sasabihin n’yo? Bilisan n’yo na may pupuntahan pa ako,” narinig kong inis na sinabi ni Josh sa mga tropa niya. Nakatayo si Josh habang nasa harap naman niya ang dalawang lalaking tropa niya saka si Heleparot.

“Bro, chill lang. Init lagi ng ulo, eh,” natatawang sagot ng tropa niyang tayo-tayo ang buhok. “Gusto ka lang naming i-congratulate.”

“I-congratulate saan?” nagtatakang tanong ni Josh.

“Well, Josh. Remember the deal last month? Na kapag naging kayo ni Pilar Payoson at naisama mo siya sa isang group date nating magkakaibigan, magiging tayo na? Nililigawan mo `ko for almost a year na, right? At kapag naging kayo, sasagutin na kita. Well, Josh, congrats. Dahil natupad mo ang dare, puwede ka nang makipaghiwalay sa kanya dahil iyong-iyo na ako.” Biglang lumapit si Helena kay Josh saka hinalikan sa mga labi.

“Congrats, Bro! Finally kayo na rin ng babaeng pinapangarap mo!”

“Naks! Papainom ka ba, Josh?”

Naramdaman ko na lang na tumulo ang mga luha ko, Diary, habang nagtatago ako mula sa taas ng puno. So iyon pala `yon? Kaya pala bigla na lang lumapit sa akin si Josh para tulungan ako noong mga panahong inaapi ako nina Prince. Dahil pala may dare sila ng mga kaibigan niya para maging kanya si Heleparot? Ibig sabihin ever since, si Helena pala ang pinapangarap niya at hindi ako? Kasinungalingan lang pala ang lahat?

At least alam ko na, `di ba, Diary? Alam ko na ang lahat at hindi ko na kailangang maguluhan sa mga tanong na hindi ko alam ang kasagutan. Dahil sa kanila na mismo nanggaling na pinagtripan at pinagpustahan lang ako.

Bumaba ako ng puno, Diary. Lahat sila, napatingin sa akin.

“P-Pipay...” gulantang na pagbanggit ni Josh sa pangalan ko.

Para siyang nanigas sa kinatatayuan niya. Iyong mga kaibigan niya, biglang ngumisi sa akin lalo na si Helena. Itong pesteng gaga na `to!

“Congrats, Josh. You won,” nakangiti kong sabi sa kanya.

`Wag kang iiyak, Pilar. Pigilan mo `yang mga luha mo.

“Wait lang, Pipay. Mag-e-explain ako.” Tinatanggal ni Josh ang kamay ni Heleparot na nakayakap sa leeg niya.

“Hindi na kailangan. Ano ka ba...” Ngiti lang, Pipay. “Hindi mo kailangang mag-explain dahil hindi naman ako galit. Naalala mo ba noong nasa restaurant tayo? `Di ba, sinabi ko sa kanila na kapag nalaman kong niloloko mo lang ako, hindi ako magagalit? Na magpapasalamat pa ako kasi naging parte ka ng buhay ko at kahit sa kakaunting panahon lang, ipinaramdam mo sa akin na kaya mong mahalin ang katulad ko?”

Nakatingin lang silang lahat sa akin. “Hindi ako galit, Josh. Pero salamat dahil ngayon, hindi na ako mahihirapang iwasan ka. Alam ko na ang totoo, eh.” Dahan-dahan akong lumapit kay Josh saka ko hinawakan ang pisngi niya. “Kahit hindi totoo ang ipinakita mong pagmamahal sa akin, at least totoo naman ang pagmamahal ko sa `yo. Unfair, ano? Ang kapal ko. Ang lakas kong mag-assume na magiging pag-aari ko ang isang tulad mo. Kailangan ko nang gumising sa katotohanan.”

“Pipay...” Binanggit ni Josh ang pangalan ko, Diary. Para akong may narinig na nabasag sa loob ng dibdib ko. Nabasag na naman `ata ang puso ko.

“Kailangan ko nang gumising sa katotohanang ang isang tulad mo ay hindi para sa isang tulad ko.” Hinaplos ko ang pisngi niya. “Salamat, Josh. Paalam...”

Napansin kong nangingilid na ang mga luha ni Josh, Diary, habang ang mga tropa naman niya ay nakangisi lang sa akin. Inirapan ko nga sila isa-isa.

Narinig kong tinawag pa ni Josh ang pangalan ko pero hindi na ako lumingon. Ayokong makita niyang umiiyak ako dahil baka mas lalong lumaki pa ang ulo niya.

Para na akong mamamatay dahil sa bawat hakbang na ginagawa ko. Durog na durog na naman ang puso.

Gising na sa kahibangan,

Pipay