Napabalikwas si Phoebe sa kama at kaagad na binuksan ang lampshade na nasa ibabaw ng maliit na lamesang katabi ng kama na kinaihigaan niya. Tumatagaktak ang pawis sa noo niya sa kabila ng matinding lamig na nararamdaman niya. Inilibot niya ang tingin sa apat na sulok ng kwarto. Wala siyang kahit na anong kakaibang nakita. Gising na gising na ang diwa niya pero ramdam niya pa rin ang matinding takot. Ano nga bang napaginipan niya at ganoon na lamang ang takot na nararamdaman niya? Napalunok siya ng bumalik sa alaala niya ang nakita sa panaginip. May babaeng nakadikit sa kisame at nakaharap sa kanya… Naaagnas ang mukha at buong katawan nito at…
At laslas ang leeg kung saan nanggaling ang dugong halos pumaligo sa kanya.
Muling tila nag-slow motion ang lahat sa kanya habang dahan-dahang tinitingala ang kisame… Gumuhit ang malakas na liwanag ng kidlat… Sumunod ang nakabibinging kulog… Nilalamig na siya… Kinakabahan… Natatakot…
Isang malalim na buntong hininga ang nabitawan niya ng wala ring kahit na anong nakita sa kisame. Walang duguan at naagnas na babae. Isinuklay niya ang daliri ng mga kamay sa buhok bago bumaba ng kama at tumungo sa maliit na refrigerator upang kumuha ng tubig. Nadismaya siya ng makitang puro alak lamang ang laman ng refrigerator.
“Tsk!” Naiinis na kinuha niya ang jacket mula sa kalapit na upuan bago naglakad patungong pinto. Bago pa siya tuluyang nakalabas ay nagdilim ang paligid. Gumuhit ang malakas na kidlat mula sa madilim na kalangitan sa labas na saglit na nagbigay ng liwanag.
“Nag-brown out pa!” aniya bago tumuloy na naglakad palabas ng kwarto at pababa ng first floor.
Pupungas-pungas na pumasok si Phoebe sa kusina na may hawak na cellphone na pang-ilaw. Saglit pa niyang tiningnan ang oras sa cellphone. 2:37 a.m. Muli siyang napahinto sa paglalakad palapit sa refrigerator dahil sa boses babaeng tila humihikbi. Nanginginig ang kamay na itinaas niya ang cellphone na hawak at hinanap ang pinanggagalingan ng hikbing naririnig. Isang babaeng nakatalikod mula sa kanya ang nailawan niya. Nanginginig ang katawan nito dahil sa paghikbing ginagawa.
“Claud, tama na ‘yan…”
Napapitlag si Phoebe nang marinig ang boses ni Gabby mula sa likuran. May hawak itong kandila at tissue bago naglakad palapit sa babaeng humihikbi.
‘P*tsa! Si Claud lang pala!’ Tumuloy na naglakad si Phoebe palapit sa refrigerator at kumuha ng pitsel ng tubig at baso bago lumapit sa lamesa. Kumuha na rin siya ng isang slice ng cake na nilagay sa platito.
“A-ayaw niya pa rin akong kausapin,” umiiyak na sabi ni Claud. “Si Tims ang mahal ko… A-ayokong mawala siya sa akin…”
“Kailangan niya lang siguro ng oras… Kahit sino ang nasa katayuan niya ngayon, gugustuhin na mapag-isa upang mas makapag-isip,” bahagyang hinahagod ni Gabby ang likod nang umiiyak na dalaga.
“Sana man lang kasi pinakinggan niya ang side ko. Kahit siya man lang sana nakinig sa akin kahit saglit,” muling iyak ni Claud.
“Tubig oh… Uminom ka muna,” alok ni Phoebe na nag-abot ng baso ng tubig.
“Bakit gising ka pa pala Phoebe?” takang tanong ni Gabby habang umiinom ng tubig si Claud.
“Binangungot kasi ako,” ani Phoebe na ayaw na sanang alalahanin pa ang nangyari sa bangungot niya.
“B-bangungot?” nabaling ang atensyon ni Claud sa sinabing iyon ni Phoebe.
“Oo. Nakakatakot nga eh. Lately kasi lagi na lang ako namamalikmata ng babae.”
“Sinong babae?” napapalunok na tanong ni Gabby. Hindi niya alam kug tama ang nasa isip niya. Pero hinihiling niya na sana ay hindi.
“Hindi ko kilala eh,” tugon ni Phoebe na sumandal sa may likuran ng upuan at tumingin sa bintana kung saan humahampas ang malaks na hangin at tubig ulan. “Ni hindi nga siya pamilyar eh. Parang hindi ko naman siya kilala. Pero ‘yung pakiramdam na nakita ko na siya somewhere. Siguro nga sa panaginip, gano’n.”
“Anong hitsura ng babae?” muling tanong ni Claud na sinundan nang malakas na guhit ng kidlat sa labas na saglit na muling nagbigay ng liwanag sa kanila.
“N-nakakatakot eh. Hindi ko masyadong ma-describe kasi hindi ko masyadong maalala… O ayoko ng alalahanin… Basta lagi siyang nakapula. ‘Yung parang nightdress… Pulang-pula…”
“T-tapos may sako… M-may sako sa ulo?”
Napalingon si Phoebe sa nagtanong na si Claud. Nilunok na niya ang kasusubo pa lang na cake kahit hindi pa niya iyon gaanong nanguya. Muling gumuhit ang malakas na liwanag ng kidlat sa madilim na kalangitan sa labas. “Paano mo nalaman?” Bumaling ang tingin niya kay Gabby na nakatulala rin sa kanya. “Ikaw rin? Siya rin ba ‘yung nakikita mo? Napapaginipan mo rin ba siya?”
Tumango si Gabby. Hindi niya alam kung ano ang nagdudulot nang matinding lamig sa katawan niya. Ang malakas na ulan sa labas o ang babaeng nakikita nilang tatlo? Hindi, silang apat nina Janine. Si Rency rin kaya? “Sa bahay pa lang nakita ko na siya.”
“Ako rin… Nakita ko siya sa C.R. ng mall bago kami pumunta sa bahay nina Kiko,” ani Claud.
“Hindi kaya may ibig sabihin ‘yung pagpapakita niya sa atin?” wala sa loob na sabi ni Phoebe. Hindi niya na gusto ang bad vibes na nararamdaman niya.
“Hindi ko alam kung paano o bakit, pero feeling ko pinipigilan niya tayo na tumuloy dito,” sabi ni Claud. Tuyo na ang magkabilang pisngi niya at tuluyan nang nabaling ang pansin sa paksa ng usapan nilang tatlo.
“Iyon rin ang nararamdaman ko eh. Lalo na ng may tumalon na itim na pusa sa harapan namin ni Mon, pagkalabas namin ng bahay. Gigil na gigil ‘yung pusa. Parang galit na galit,” kwento ni Gabby.
“Kung isa lang ang nakikita natin na babae… Anong gusto niyang iparating?” ani Phoebe.
“H-hindi ko alam… Parang may warning… Warning na h’wag na tayong tumuloy dito…”
***
May pag-aalinlangan na pumasok si Rency sa may balkon ng maliit na bahay na nakita niya. Inabutan siya ng malakas na ulan habang naglalakad-lakad sa may labas ng mansion. Hindi kasi siya makatulog kaya kahit malalim na ang gabi ay lumabas pa rin siya.
Napapalunok na kumatok siya sa may pintong bakas na ang kalumaan. Ni hindi nga niya sigurado kung may magbubukas sa kanya ng pinto dahil mukhang abandonado na ang bahay na iyon. Naalala niya tuloy ang horror story ni Kiko kanina.
“Tao po… Tao po…” Malakas na tawag ni Rency. Ilang saglit pa ay awtomatikong bumukas ang pintong kinakatok niya. Dahan-dahan na lumalangitngit pa na tila kaytagal nang hindi nabubuksan.
“Tao po? Makikisilong lang po…” Napakadilim sa loob. Kinapa niya ang bulsa ng walking short na suot at nadismaya nang makitang nabasa ang cellphone niya at ayaw nang magbukas. “Tsk.” Dahan-dahan na lang siyang nagpatuloy sa paglalakad papasok habang nangangapa sa paligid. “Ay kabayo!” halos sigaw niya ng mabunggo sa isang lamesa. Sinimulan niyang kapain ang ibabaw ng lamesa at napabuntong hininga ng makapa ang dalawang bagay. Isang lampara at isang kahon ng posporo. ‘Kapag sinuswerte ka nga naman…’
Kaagad niyang sinindihan ang lampara na unti-unting nagbigay ng liwanag sa paligid. Kasabay nang pagliwanag ng paligid ay ang pagkalat ng malansang amoy na masakit sa ilong. Kumunot ang noo niya kasunod ang pagkagat sa pang-ilalim na labi. “Sh*t Ano bang amoy ‘yun!?” Dahan-dahan niyang iniikot ang hawak na lampara. Tama siya, mukhang abandonado na nga ang bahay na iyon dahil sa sira-sirang bahagi nito. “Holy Sh*t!” Natutop niya ang mga labi gamit ang isang kamay ng mailawan ang isang mahabang lamesa. “A-ano ‘yun?”
Tama ba ang nakikita niya? Duguan na malalaking bolo, kutsilyo, martilyo, pako at kung anu-ano pang tila mga gamit ng isang karpentero. Pero hindi iyon ang umagaw ng atensyon niya kung hindi ang mga sariwa pang mga parte ng tao na nasa ibabaw rin ng lamesa. Putol na paa at kamay… Mga mata… Tainga… Dila… Piraso ng mga duguang ngipin… At ano ‘yun? Isang putol na parte ng pagkalalaki ng isang tao?
Napaatras siya ng isang hakbang… Napalunok… Bago niya muling naigalaw ang kamay na may hawak na lampara…
“Oh my God!” Nanginig na ang buong katawan niya nang dahan-dahang muling inilawan ang paligid.
“O-oh my God!”
Napapalibutan siya ng mga taong nakaupo at nakatali sa kanya-kanyang upuan. Duguan… Walang malay… Hindi… Wala ng buhay…
“G-guys…”
Lalo siyang nanginig nang makilala ang mga taong iyon…
Ang mga taong kasama niya ngayon sa resort…
Ang lahat ay halos naliligo sa sariling dugo. Ang iba ay may tahi sa bibig… Putol ang mga braso at binti… Yupi na ulo… Pisak na mga mata… Baling ilong… Laslas na leeg… Sunog na buhok at mukha…
“T-this is not real…” Napahinto muli sa pag-ikot ang kamay niyang may hawak na lampara sa isang upuan. Kung saan nakaupo ang… Ang duguan niyang katawan… Bahagyang nakaawang ang mga labi… Duguan ang leeg niya… Mas lalo na ang bibig niya. Ang bibig na kung saan makikita ang mga gilagid niya… Ang gilagid niya na wala ng kahit na isang ngipin!
“This is not real!!!” Hindi na napigilan ni Rency ang maiyak. Lalong nabalot ng takot ang katawan niya nang maramdamang nanlalagkit na ang mukha at leeg niya. Nanginginig ang isang kamay niyang hinawakan niya ang mukha niyang biglang nabalot ng dugo…Humaplos ang kamay niya patungo sa may bibig niya kung saan bigla siyang nakaramdam ng matinding sakit at nanggagaling ang mga dugo na umaagos patungo sa leeg niya. Kagaya ng Rency na nakaupo sa kaharap niyang upuan… Wala na siyang makapa na kahit na isang ngipin. Ramdam na niya ang matinding sakit ng namamagang gilagid. Parang… Parang pinilit na bunutin ang lahat ng mga ngipin niya.
Napaupo na siya sa magkahalong takot at sakit na nararamdaman. Nabitawan niya ang lampara na hawak. Bumagsak ito sa kahoy na sahig ngunit nanatiling may sindi. Nanlaki ang mga mata niyang napatingin sa binagsakan ng lampara… Ang mga ngipin niya… Ang mga duguan niyang ngipin na nagkalat at nakakabit pa ang kawad ng brace!
“N-no!!! T-this i-is n-not r-real!!! This is not real!!!”