Naging mahirap para kay Renan ang makita si Chris halos araw-araw sa campus nang hindi sila nag-uusap. Itinalaga na niya sa kanyang sarili na ang pagiging bakla, gaya ng sinabi ni Chris, ay salot ng mundo. Ginawa ng Diyos ang babae at lalaki at walang puwang ang bakla sa mga nilikha n iya. Gawa ito ng nakatira sa ibaba. Gawa ng ahas na tumukso kay Eba at Adan na naging sanhi para palayasin sila sa paraiso. Ang ahas ay bakla. Bata pa lang si Renan ay malimit na niyang naririnig ito sa mga pag-uusap ng kanyang mga magulang. Noon niya napagtanto na kaya siguro ipinaririnig sa kanya ang mga pag-uusap na ito ay parang badya sa kanya na huwag siyang tuluyang maging bakla. Pero itinuloy pa rin niya ang pagiging bakla. Nagsumige pa rin siya. Kaya nawala ang lahat sa kanya. Galit sa kanya ang ama at malayo ang loob ng ina. Dahil bakla siya. At ngayon, nawala pa ang kanyang pinakamatalik at nag-iisang kaibigan. Dahil bakla siya. Masusunog siya sa impiyerno kapag itinuloy pa niya ang pagiging bakla. Pero paano mo puputulin ang isang bagay na likas sa iyo, tanong niya sa sarili. Kung sakaling naging kasalanan ang pagiging lalaki o babae, puwede bang sabihin na huwag nang ituloy ang pagiging lalaki o babae? Mayroon kayang lipunan sa mundong ito na nagsasabing hindi kasalanan ang pagiging bakla? Bakit ko naman gugustuhing maging ganito na kamumuhian at pandidirihan ng mga tao, lalo na ng mga mahal ko sa buhay? Ito ang mga tanong na bumabagabag sa puso at isip ni Renan nang matagal na panahon. Hindi siya makahanap ng tamang kasagutan. Dahil hindi naman niya ito mailapit o mahingan ng tulong mula sa mga taong malapit sa kanya, minabuti na lamang niya na itutok ang atensiyon sa pag-aaral at pagbabasa. Wala na siyang naging kaibigan pagkatapos ni Chris. Ang mga naging kaibigan at kaagapay niya ay ang mga karakter sa iba’t ibang kuwento na binasa niya. Mas nabigyan siya ng lakas ng loob at tibay ng dibdib kapag hinaharap niya ang mga problema ng mga ito sa pagbabasa niya. Pakiramdam niya ay problema niya ang mga problema nila. Sa huli, unti-unti niyang nararamdaman na papalayo na siya sa dating Renan na kilala niya. Unti-unti na ring naglalaho ang imahe ni Chris sa kanyang balintataw at guni-guni.
“`Di ko na yata nakikitang bumibisita si Chris dito?” nakakabalikwas na tanong ng kanyang ama nang minsang nagsalu-salo silang pamilya sa isang hapunan.
“Busy lang sa school,” mabilis na tugon ni Renan.
“Busy ka o busy siya? `Di nga kita nakikitang lumalabas ng bahay maliban kung pumapasok ka,” dere-deretsong komento ni Atty. Ballesteros.
“S’yanga naman, anak. Palagi ka lang nakakulong sa kuwarto mo,” salo naman ng ina.
Hindi kumibo si Renan.
“Gusto ko `yang kaibigan mo, Renan. Maasahan at maganda ang impluwensiya sa `yo. Maabilidad. Madiskarte. Marunong sa buhay.”
“`Di po lampa gaya ko,” sambit ni Renan.
Sasagutin sana ng ama ang impertinenteng tugon ni Renan pero pinigilan niya ang sarili. “Alam mo `pag sumama ka sa Chris na `yan, makikita mo na ang buhay ay `di lang pagbabasa. Hindi lang libro at imahinasyon. Dapat malakas at matapang ka rin. Para kaya mong harapin ang buhay.”
“Sinabi nga po n’ya sa akin `yan, eh.”
“Nakita mo na, Medy. Tama talaga ang kutob ko sa kaibigan mong `yan, Renan. Ang mga taong gaya n’yan ang dapat mong samahan. Nag-away ba kayo at `di ko na nakikita ang mokong na `yon?”
“`Di ko po alam. Magpa-finals na kasi kaya busy kaming lahat sa pagrerebyu ng mga subject.”
“Eh, `di ba, tinutulungan mo siya sa mga assignment n’ya?”
“Kaya na ho n’ya `yan,” matipid na sagot ni Renan.
“Eh, `kaw, naisip mo na ba ang kukunin mong kurso sa kolehiyo?”
“Gusto ko sanang mag-aral sa Maynila. Mag-a-apply ako ng scholarship.”
Tumiim ang bagang ng ama. Napalakas ang pagbaba niya ng kutsara’t tinidor sa plato kaya kumalansing ang mga ito. “At ano naman ang gagawin mo sa Maynila? Kung ano-ano lang ang mapupulot mo do’n. Dumito ka at kumuha ka ng Pre-Law. AB Legal Management.”
“Wala pong kolehiyo dito sa Angeles na nag-o-offer ng Legal Management, Dad. Ang UP at UST sa Maynila, meron.”
“Eh, di Political Science ang kunin mo. Meron n’yan sa Sacred Heart. ` y an ang Pre-Law na kinuha ko no’n. Hindi kita papayagang mag-Maynila.”
“Pero, Dad…”
“Kung gusto mong magkolehiyo, dumito ka. `Wag mong patayin sa pag-aalala ang Mama mo. Habang nasa poder ka namin, susunod ka,” mariin at bumabaon ang sinabi ng kanyang ama.
Nakatingin lang sa mag-ama si Medy. Bumangon ito para ilabas ang paghimagas nilang bagong hiwang pakwan.
“`Musta mga grades mo?”
Nagulat si Renan. Akala niya’y tapos na ang pag-uusap nilang mag-ama. Isa-isa niyang tinanggal ang mga buto na nakasiksik sa loob ng hiniwang pakwan. “Okay naman po.”
“Malabong sagot `yan, Renan. `Musta ang mga marka mo?” sinirit ng ama ng masamang tingin ang anak kaya napatigil ito sa pagsungkit ng mga buto.
“Running for valedictorian, Dad,” maikli nitong sagot.
“Good.” Ipinagpatuloy ng ama ang pagnguya sa natitirang pagkain sa loob ng kanyang bibig. Malugod na pinagmasdan ng ina ang kanyang anak sa kabilang mesa. Napatingin din si Renan sa kanya. Pagkatapos, nagpaalam na ito na babalik na siya sa kanyang kuwarto. Tahimik naman na tinapos ng mag-asawa ang kanilang hapunan.
Sa pagdaan ng mga araw, nakayanan na rin ni Renan ang mabuhay nang wala si Chris. Nasanay na siya na hindi nakikita ang kaibigan oras-oras. May napipintuho pa rin sana itong pag-asa na magkaayos sila pero nang madiskubre nito na may karay-karay nang babae si Chris, inilibing na ni Renan ang posibilidad na magkalapit pa sila ng loob at maipagpatuloy ang kanilang naunsiyaming pagkakaibigan.
Si Ella, ang hindi naman kagandahan na nasa section 5 at matagal nang nagpapakita ng interes kay Chris, ang bumukas ng nakakadenang puso nito at umagaw ng kanyang atensiyon.
Bakit niya pinatulan ang babaeng `yon? Wala naman siyang gusto do’n. Ni hindi man niya nabanggit sa akin na liligawan niya iyon. Nagkagusto lang siguro si Chris dahil alam niyang crush siya n’ong babae. Hindi na nakapagpahinga ang isip ni Renan tungkol sa dalawa nang matuklasan ang relasyon nila. Akala niya, nakalimutan na niya si Chris. Hindi pa pala.
Madalas niyang makitang magkasama ang dalawa kung saan-saan. Nariyan ang maglampungan sila sa isang sulok sa kampus na tinawag ng mga estudyante na love terminal dahil doon nagtatagpo ang mga magsyota. Kahit binakuran at nilagyan na ng mga babala na nakapaskil sa mga istratehiyang poste na bawal ang pakikipaglampungan sa lugar na iyon, hindi pa rin huminto ang mga makakating mag-aaral na pumunta doon. Siyempre, abala sila kunwari sa mga sari-saring akademikong ginagawa kapag nandoon ang Prefect of Discipline at mga alipores nito na rumuronda sa paligid. Minsan naman, nakikita ni Renan ang dalawa sa kantina. Masayang nagsusubuan at pumapalahaw ng hagikgik si Ella kapag may ibinubulong sa kanyang tainga si Chris. Minsan nagtatama ang kanilang paningin pero mabilis na inaalis ni Chris ang kanyang tingin kay Renan para ibaling sa babaeng katuwang niya sa pagkain.
Mga hunghang, sabi ni Renan sa sarili. Nagsama pa ang dalawang kapos sa pag-iisip. Bagay nga sila. Parehong bobo. Pero alam ni Renan sa sarili na sinasabi lang niya ito para maibsan ang matinding sama ng loob. Konsiyensiya niya ang kumakalaban sa sarili. Naririnig nito ang sinasabi sa kanya. Kahit mga bobo sila, magkasama sila. Ikaw, kumakain sa kantina nang mag-isa. At bakla ka pa. Dapat ka ngang mag-isa. Kapag naririnig niya ang malakas na boses mula sa kanyang kaibuturan, nagigising siya sa katotohanan.
Dumating ang araw ng pagtatapos. Gaya nang inaasahan, si Renan ang valedictorian. Siya rin ang pinakamataas sa NSAT at hinirang na Most Outstanding Student ng buong batch. Tatlong Leadership awards ang nakopo niya at siniguro ng administrasyon ng Sacred Heart College na full scholarship sa kolehiyo ang makukuha niya sakaling dito ipagpapatuloy ang kanyang pag-aaral. Natuwa ang mga magulang ni Renan at sinabing gagamitin nila ang alok na pribilehiyo ng eskuwelahan. Pero nararamdaman ni Renan na unti-unting naglalaho na parang bula ang kanyang pangarap na makalayo sa lugar na iyon. Kailangan na niyang magpaalam sa pangarap na ito.
Tumagal nang halos apat na oras ang graduation rites. Mahigit dalawampung sections ang mga magmamartsa sa entablado para kunin ang kanilang diploma na kung tutuusin ay isang puting papel lamang na itinali sa kulay kahel na laso. Nang matapos ito ay pawisan na ang halos lahat ng dumalo. Pero bakas sa mga mukha nila ang kasiyahan. Alam nila na hudyat iyon ng bagong pag-asa sa mga magtatapos dahil ito na ang magdidikta ng kanilang magandang buhay sa hinaharap. Kita sa mga mukha ng mga magulang ang kaligayahan at pagmamalaki. Kahit ang ilan ay nakasuot lang ng mumurahing bestida at maong, pumpon ng kagalakan ang kanilang mga damdamin. Ipinagmamalaki nila ang pagtatapos ng kanilang mga anak. Parang sila rin ang nagtapos, hindi ang mga anak. Abala ang ilan sa pagpapakuha ng litrato sa harap ng pangunahing gusali ng eskuwelahan kung saan metikulosong nakaukit sa bato ang pangalan nito: Sacred Heart College. Sa dakong kanan makikita ang malaking busto ni Hesus, salat-salat ang nag-uumapoy n itong puso.
Ramdam ni Renan ang bigat ng limang medalya na nakasukbit sa kanyang leeg. Kanina pa niya gustong tanggalin ang mga ito pero pinigilan siya ng ama. Nakuha niya mula sa palalo nitong pagtingin na gusto muna niyang iparada sa mga nakakakita na siya ang ama ng anak na may pinakamaraming gawad na ibinigay ng eskuwelahan.
“`Wag mo munang tanggalin ang mga `yan dahil magpapakuha pa tayo ng litrato sa harap ng main building. Tawagin mo `yong photographer,” malakas na utos ng ama sa kanyang asawa.
Humahangos si Chris sa paglalakad, bitbit ang kamay ni Ella. “`Nay, dito muna tayo magpa-picture.”
“Chris! Kumusta ka, anak?”
Nagulat si Chris nang makita ang ama ni Renan. “Hello po, Attorney. Nanay ko po, at si Ella, girlfriend ko.”
“Hi, s ir!” nakangiting bati ni Ella.
Tumango si Atty. Ballesteros at nagbigay-pugay kay Aling Seling. “Ang laki n’yang medalya mo, ah!”
“Boy Scout National Awardee po ako. Ito lang ang kaya kong kunin, hindi gaya ng anak n’yo, hinakot lahat.”
Nanatiling tahimik si Renan. Halos hindi makatingin sa kausap ng ama.
“`Di ka na pumapasyal sa bahay.”
“Marami po kasing ginagawa,” depensa ni Chris.
“Ngayon, wala na kayong gagawin. Tapos na kayo ni Renan.”
“Opo,” tanging nasabi ni Chris.
“Pasyal ka sa bahay bukas. Ipaghahanda ka ni Tita Medy mo,” usig-imbitasyon ng abogado.
“Oo, ipagluluto kita ng paborito mong pochero,” dagdag naman ng ina ni Renan. “Renan, batiin mo naman ang kaibigan mo.”
Tinango ni Renan ang kanyang ulo.
Lumapit si Chris at inakbayan ang kaibigang hindi kinausap ng ilang buwan. “Oo nga, matagal ko nang `di nakakausap ang kaibigan kong `to. `Musta ka na, p’re?” Inalog-alog nito ang balikat ni Renan. “Ah, Attorney, Tita Medy, Ella, `Nay, puwede bang magpaiwan muna kami ni Renan? Kukumustahin ko lang ang kaibigan ko. Mauna na po kayo. `Habol na lang kami.”
Tanong ang mababasa sa mga mukha ng mga kausap ni Chris. Hindi nila maintindihan kung bakit kailangan nilang mag-usap nang sila lang.
“Pag-uusapan siguro nila ang kursong kukunin nila sa kolehiyo,” giit ng abogado. “`Lika, mauna na tayo. Pabayaan muna natin silang mag-usap.”
Bahagyang naiwang nakatunganga si Ella. Pinagmamasdan ang dalawa. Hindi niya maintindihan ang kabog ng kanyang dibdib. Nang hindi siya nakakuha ng ano mang palatandaang gusto siyang maiwan ni Chris, sumunod na ito sa mga nauna.
Niyaya ni Chris si Renan na dumako sa isang sulok ng main building. “Gradweyt na tayo ng high school, Renan. Iwan na natin `to dito. Ayoko nang magbaon ng sama ng loob.”
“Hindi ako galit sa `yo, Chris.”
“`Di rin ako galit sa `yo.”
“Pero `di ko pa rin maalis ang feelings ko sa `yo.”
“`Tang-ina, mag-uumpisa ka na naman ba, ha, Renan?”
“Sa `yon ang totoo, eh. Ano’ng gusto mo, magsinungaling ako. Mag-pretend na wala?”
“Tigilan mo na `yang kahibangan mo, Renan.”
“Mahal mo ba si Ella?”
Hindi agad nakasagot si Chris. “Oo naman. Masayang kasama si Ella. Masaya kami.”
Parang pana na tumagos sa puso ni Renan ang tinuran ni Chris. Hindi siya makapagsalita.
“Renan, tigilan mo na `to. Wala kang mapapala sa pagiging bakla. Labanan mo.”
“`Di kayang labanan ang naturalesa mo, Chris.”
“Kasalanan `yan sa Diyos.”
“Kasalanan ang ma-in love sa kaibigan?”
“Kasalanan, dahil pareho tayong lalaki.”
“At `yong sa inyo ni Ella, hindi kasalanan?”
“Hindi. Maghanap ka rin ng Ella mo para makalimutan mo `ko.”
“`Di ko kayang dayain ang sarili ko.”
“P’wes puro sakit at hirap ang aabutin mo. Walang totoong love sa bakla.”
“`Di ba, love mo rin ako?”
“Friend lang ang turing ko sa `yo. `Di love `yon.”
“`Di mo mahal ang kaibigan mo?”
“Iba ang love sa friendship. Malinaw dapat `yon. `Di puwedeng magsama.”
“Pa’no kung mahal mo nga ang kaibigan mo? Sa `kin, ang pagmamahal at pagkakaibigan ay iisa.”
“Akala ko ba matalino ka? Ba’t `di mo maintindihan na `di tayo puwede? Hindi ako bakla. Babae ang hanap ko.”
“Nakita mo na kay Ella ang hinahanap mo?”
“Oo. Kaya hanapin mo rin ang para sa `yo.”
“Pa’no kung `di ko siya mahanap? Pa’no kung `kaw pa rin `yong hinahanap ko?”
“Makikita mo rin ang hinahanap mo, magpakalalaki ka lang.”
“Pero `kaw ang gusto ko, Chris.”
“Kaibigan lang ang turing ko sa `yo, Renan. `Lika na, naghihintay na si Ella.”
Inakbayan ni Chris si Renan palabas ng eskuwelahan. Pero sa unang pagkakataon, nagkaroon ng lakas ng loob si Renan na alisin ang kamay ni Chris sa kanyang balikat. Nang makita ang mga magulang na naghihintay sa parking lot, walang lingon-likod na pinuntahan niya ang mga ito at sumakay sa nakaparadang sasakyan. Tinanggal ang mga nakasukbit na mabibigat na medalya sa kanyang leeg at hinagis sa katabing upuan. Alam niyang kailangan niyang tanggapin ang kaya lang ialok na pagkakaibigan ni Chris. Kung maghangad pa siya nang higit dito, tuluyan nang mawawala ito sa kanya. Siya man ang may pinakamataas na marka at pinakamaraming gawad na natanggap ngayong gabi, pakiramdam niya ay siya lang ang nag-iisang malungkot na nagtapos. Nakuha ng lahat ang kanilang gusto, maliban sa kanya.