noveltoon logo noveltoon
Kadenang Bahaghari

Chapter 3

Ch. 3 / 27 Feb 09, 2022

N obyembre , taong 2009. Lunes, unang araw ng klase. Hinahanap ni Wilfredo Sta. Cruz ang College of Liberal Arts building. Tiningnan niya ang oras. Sampung minuto na lang bago mag-alas nuwebe ng umaga, ang kanyang first teaching period. Hindi na nagawang i-tour ng HRD personnel noong Sabado ang mga bagong teacher na tinanggap para magturo sa iba’t ibang kolehiyo ng Sacred Heart College dahil gahol na sa oras. Napakaraming mga nagsalita noong araw ng orientation. May mga tenured na guro na nag-demo ng ilang mga aralin sa Matematika, English, at Kasaysayan. Ang iba naman ay nagbigay ng mga importanteng detalye tungkol sa requirements na kailangang gawin ng mga baguhang guro: ang maagang pagsumite ng mga test questions sa opisina, ang maagang pagsumite ng grades, ang mga takdang araw na walang pasok, ang petsa ng university week, ang student at faculty handbook, katakot-takot na rules and regulations, at sandamakmak na pangalan ng mga administrators at heads na kailangan nilang isaulo. Pasado alas singko y medya na nang matapos ang orientation. Hindi na tuloy napuntahan ni Willie ang library para makita ang titles na puwede niyang gamitin sa kanyang readings. At ngayon nga, hinihingal si Willie sa paghahanap ng kanyang kuwarto na parang bagong huling isda na itinapon sa isang timbang kulang ang tubig. Unang araw ng klase. Unang trabaho niya. Unang taon din ng kanyang pagtuturo. Maraming una ngayong araw na ito. Bagaman bata pa lang, inambisyon na niyang maging teacher. Hindi nga lang niya naihanda ang sarili sa mga ganitong sitwasyon — ang mawala sa campus dahil sa paghahanap ng kuwarto. Hindi ko yata na-imagine na ang unang araw ng klase ko ay male-late ako, aniya sa sarili. At ang dahilan ay hindi ko makita ang classroom. Napaka-uncinematic naman ng karanasang ito.

Nagtanong siya sa nakatanod na guwardya kung nasaan ang building na hinahanap at inginuso nito iyon. Sa likod pa daw ng building na nasa harap nila. Kahit bigat na bigat na siya sa attach é case na bitbit ng kanang kamay habang nakasampay naman sa kanyang kaliwang balikat ang laptop case, nagawa pa rin niyang lumakad nang matulin. Ayokong magkaroon ng impresyon ang magiging estudyante ko na latecomer ako, buntong-hininga niya. Tiningnan niya ang faculty schedule sa notebook para malamang nasa third floor pa pala ang kanyang klase kaya walang kaabog-abog na dumeretso na siyang umakyat sa hagdan. Nalaman na lang niya matapos ang ilang araw na may elevator pala sa building na iyon.

Room 306. Nakaharap na siya sa pintuan ng kuwarto. Huminga siya nang malalim at inayos ang bahagyang nagulong buhok. Binuksan nang marahan ang pinto at nagtanong sa pinakamalapit na estudyante sa harap.

“Is this the 4CA1 class?”

Tumahimik ang buong klase. Ang ilang mag-aaral na nakaupo sa likod at nakikipagdaldalan sa mga kaklase ay bumalik sa kanilang desk at nakinig.

“Yes, Sir,” kinakabahang sagot ng estudyante.

“Okay, I just want to make sure that I am in the right room.” Lumakad si Willie sa gitna ng platform at ipinatong ang mga gamit sa ibabaw ng mesa. Pinagpapawisan ang kanyang mga kamay habang inilabas ang laptop. Binuksan ito. Para namang mga asong gutom na naghihintay ng pagkain mula sa kanilang amo ang mga estudyante. Tahimik na pinagmamasdan at inaabangan ang susunod na gagawin ng isang estranghero na pumasok sa kanilang kuwarto at binulabog ang kanilang payak na mundo.

“I am Mr. Wilfredo Sta. Cruz and your subject today is Literature,” gumagaralgal na sigaw ni Willie sa klase. Pinilit alisin ni Willie ang nakabara sa kanyang lalamunan at sinulat ang salita sa white board. “Now, class, tell me. You are now graduating Communication Arts major. I don’t know why this subject is offered in your last semester when you are just about to embark on your new life. Why is there a need to study literature?”

Walang gustong sumagot. Pipi sa tanong ni Willie. Maya-maya, isang estudyante sa gawing kaliwa ang atubiling nagtaas ng kamay.

“Yes, what’s your name?”

“Acuña. Christopher Acuña, Sir.” Pinahid nito ang dalawang namamawis na palad sa kanyang pantalon. “Because literature is life.”

“That’s a little profound, Mr. Acuña,” buyo ni Willie. “But what does it mean when you say literature is life?”

Hindi na muling sumagot ang estudyante. Umupo na lang ito na blangko ang mukha.

“Anybody?”

Minasdan ni Willie ang karagatan ng mga ulong nakatitig sa kanya. Naghanap siya ng mukhang lumiwanag dahil sa mga tanong niya. Walang nangahas na sundan pa ang tapang ni Acuña. Mukhang mahihirapan yata akong yakagin ang mga batang ito. Bakit ko ba napasukan ang propesyong ito, himutok niya. “Look, we will be together for the next four months. Whether you like it or not, we’re stuck with each other until March. Maybe you could show some interest around here. Is my question too difficult to answer? C’mon, class.”

Ilang saglit pa ang lumipas bago nagtaas ng kamay ang katabi ni Acuña.

“Yes, and you are?”

“Renan Ballesteros.”

“Go ahead.”

“I think that literature allows us to look deep inside ourselves and see what’s in the inner core of our being. By reading literary works, we are allowed to feel the hopes, and dreams, and aspirations of other people who may be slightly similar or totally different from our own experience. By doing so, we become better persons, with a heightened sense of self and a deeper perception about life and about the world.”

Hindi makapaniwala si Willie sa narinig mula sa estudyanteng sumagot sa kanyang tanong. Nabigla siya pero hindi niya ito ipinahalata. Humalukipkip siya, saka nagsalita. “Good, Mr. Ballesteros. Seems like you will be the savior of this class.” Tumawa ang ilang mag-aaral sa bandang likod pero bakas pa rin ang katahimikan sa buong klase. “Literature actually comes from the Latin word litera which means ‘letter.’ This proves that without a cultivated love for reading, you will not pass this course. Reading is one of the most pleasurable activities mankind has ever known. And books hold the accumulated wisdom and knowledge of every period, every age in history. Because of literature, we are now more civilized, more compassionate, and more understanding of the many complexities of humans, humanity, and the human condition.” Tumatango-tango ang ilang ulo sa harap niya. Ang iba’y napangiti. Nakita niyang nagsusulat si Acuña ng mga sinabi niya habang si Ballesteros ay matamang nakatitig sa kanya. “Anyone who would like to share a story that you have read recently, and the insights that you have gained from reading it?”

Tumayo ang isang malaking estudyante sa likod. Hambog na nagprisinta ng kanyang sagot. “Sir, I’d like to share the story I read recently. Pinocchio .”

Bumunghalit ng tawa ang karamihan sa klase.

“This is a story that you have read just recently?” pabirong tanong ni Willie.

Tumango ang estudyante. Lalong humagalpak ang mga kaklase. Pakiramdam niya, nabawasan ang tensiyon at naging mas komportable sila sa kanya.

“What’s your name?”

“Abel Catacutan.”

“So, Abel, what insights did you learn from the story of Pinocchio ?”

Nagkamot ng ulo ang estudyante. Pautal na sumagot na parang nagtatanong. “That you should not… tell a lie? Or else, your nose will… grow?”

Hindi napigilan ng ilang katabi ang buskahin at alaskahin ang estudyante mula sa likuran. May isang dumamba sa kanya sa likod.

“Yes, that’s an insight. That we should always be true and not tell lies. I hope that because of that story, Mr. Catacutan, you’re now a very truthful person.”

Naupo ang estudyanteng si Catacutan. Bakas sa mukha niya ang pagmamalaki na nakasagot sa tanong ni Willie at nakapagbigay ng halimbawa.

Naiiling na natatawa si Willlie. “Anything else?”

Nagtaas ng kamay si Ballesteros.

“Yes, Mr. Ballesteros.”

“I think the message of the story is not just being truthful and not telling lies. I think it begins with all of us not knowing yet who we really are. When we were younger, we begin with being lost, not understanding the circumstances surrounding us,” pahapyaw na binas â ni Renan ang kanyang natuyong mga labi.

Naramdaman ni Willie na bahagyang bumuka ang kanyang bibig sa naririnig na paliwanag ng estudyante kaya itinikom niya agad ito.

“And so we fall, we tell lies, we befriend people who will either hurt or harm us, our noses grow longer. But in our search for the truth, we grow wiser, we gain something. And in the end when we learn, it’s as if we have transformed, too, from an ordinary wooden puppet to a real boy.”

Nagpalakpakan ang mga estudyante. Ang iba ay pumito pa. Nakita ni Willie na tinapik ni Acuña ang mga balikat ni Ballesteros.

“Looks like it’s I who will learn a lot from this class. You have got to teach me, especially you, Mr. Ballesteros.” Tiningnan ni Willie ang estudyante at nginitian ito. Sa unang pagkakataon, nakita niyang ngumiti rin ito at tumango-tango sa kanya. Kita sa mukha nito ang matinding kasiyahan.

“But please, class, next meeting, let’s not discuss Cinderella or Hansel and Gretel . Read something else. Something that matches your interest and intellectual level.”

Naghagikhikan ang mga babae sa harap.

“Mr. Catacutan, I will be counting on you.” Masayang tinanggap ni Catacutan ang hamon niya.

Hindi naman pala ganoon kahirap ang unang araw ng klase. Nakahinga si Willie nang maluwag nang matapos ang kanyang unang araw. Ganoon pala ang magturo. Nakakapagod pero ang gaan sa pakiramdam. Para kang lumulutang sa hangin. Walang naririnig at nararamdamang bigat ng yabag kapag naglalakad. Ang sarap ng pakiramdam lalo na kapag tutok at nakikinig ang mga estuyante sa mga sinasabi mo. Lalo na kapag nabasa din nila ang ginagamit mong halimbawang kuwento. Ngayon niya naintindihan na kaya marami sa mga babaeng guro niya noon sa kolehiyo ang hindi na nakapag-asawa. Marahil, dahil nawili sa mga estudyante. Ito na ang kanilang naging buhay. Kaya naging matatandang dalaga. Kapag sineryoso mo ang pagtuturo at napamahal ka sa mga mag-aaral, wala ka nang magagawa pang iba.

Sa pag-uwi, dala ng isip niya ang estudyanteng si Ballesteros. Ibang-iba itong mag-isip kompara sa mga kaklase niya. May lalim at halatang mahilig magbasa. Saan kaya galing ang hugot ng batang `yon, tanong niya sa sarili. Naisip niyang kailangang magpakitang-gilas sa klase sa susunod na meeting. Ngayong nakita niyang may matalino sa klase, nakakahiya namang hindi paghandaan ang mga leksiyon sa mga susunod na araw. Ngayon pa lang, naramdaman na niyang isang malaking hamon ang estudyanteng gaya ni Ballesteros.

Sa pagdaan ng mga araw, unti-unti nang nasanay si Willie sa buhay-guro. Pero hindi biro pala ang maging teacher, himutok ni Willie. Napakaraming kailangang basahin bago pumasok sa klase. Kapag nagbigay ng pagsusulit, sandamakmak ang mga testpapers na kailangang i-tsek. May regular faculty meetings na kailangang daluhan. Kapag napiling adviser ng isang klase, kailangang maggugol ng kaukulang oras kada linggo para sa homeroom. Kailangang kumustahin ang mga estudyante at alamin ang kanilang mga nagiging problema sa klase at sa iba pa nilang guro.

“Hindi lang `yan, kapag napili ka pang adviser ng isang student organization, kailangang kasama ka sa lahat ng activities nila — induction of officers and members, general assembly at mga napiling community projects na gagawin para sa buong academic year,” esplika ni Grace Gundran, isang co-faculty niya. Nagtuturo ito ng Sociology sa mga first and second year student. Break time nila kaya nagyaya itong kumain sa school canteen.

“Ganoon ba? `Di naman siguro ako kukuning adviser,” pangangatwiran ni Willie. “Bago pa lang naman ako dito.”

“Bakit, `di ka pa ba kinakausap nina Acuña at Ballesteros? Officers sila ng CASoc.”

“Hindi. Ano’ng CASoc?”

“Communication Arts Society. Nabanggit nila sa `kin na gusto ka nilang kuning adviser. Magaling ka daw na teacher. Dati ko silang mga estudyante sa Sociology no’ng first year pa lang sila. Mababait ang mga `yan at matatalino. Makukulit nga lang,” masayang kuwento ni Grace habang matipid na sinubo ang kanin at menudo sa kanyang maliit na bibig.

“Wala pa silang sinasabi sa `kin. Puwede bang tumanggi?”

“Puwede naman. Pero bakit?”

“Kasi nag-uumpisa pa lang ako. Dito pa lang sa mga lesson plan, nangangarag na `ko,” maikling rason ni Willie.

“Kayang-kaya mo `yan. Ako din, noong nag-uumpisa pa lang, dalawang organisasyon agad ang binigay sa `kin,” sabi ni Grace. “Awa ng Diyos, natapos din. Ngayon, tatlo na ang hawak ko.”

“Ga’no ka na katagal dito?”

“Pang-apat na taon ko na ngayon. Ang klase nina Chris at Renan ang una ko. Mga freshmen pa lang sila no’n.”

“Sino sina Chris at Renan?”

“Sina Acuña at Ballesteros.”

Tumango-tango si Willie. “May-asawa ka na?”

Nabulunan si Grace kaya dali-daling kinuha ang bote ng softdrink para inumin. Nang mahimasmasan, si Willie naman ang nirapidong tanungin. “Ba’t ka nagtatanong nang ganyan? `Di mo ba alam na masyadong personal para tanungin ng isang lalaki ang isang babae tungkol sa bagay na ganyan? Ba’t mo ba tinatanong?”

“Wala naman,” matipid na sagot ni Willie.

“Wala namang ano?” balik na tanong ni Grace.

“Inosenteng tanong lang. Ano, may-asawa ka nga ba?”

Nawala ang gaslaw ni Grace. Pormal nitong inayos ang pagkakaupo. “Single pa ako.”

“Sabi ng marami, mahirap daw makapag-asawa ang mga dalagang teacher,” seryosong komento ni Willie pero nakangiti. “Nawiwili sa mga estudyante at sa pagtuturo. Nakakalimutan ang pag-aasawa.”

“`Wag kang maniwala do’n. `Di totoo `yon,” mabilis na resbak ni Grace. “No’ng isang taon, tatlong teacher na dalaga ang ikinasal dito sa Sacred Heart. Ang isa do’n, co-faculty pa natin sa Liberal Arts.”

Napanganga si Willie.

“Sa’n mo naman napulot ang teoryang `yan?” magilas na usisa ni Grace.

“Wala, naisip ko lang,” pinaglaruan ni Willie ng tinidor ang nakahapag na tirang pagkain. Inihiwalay ang kanin sa ulam.

“Ha-ha. Mahilig kang mag-isip, `no? At siguro palaging mali ang iniisip mo.”

“Pa’no mo naman nasabi `yan?”

“Mahilig din akong mag-isip. So, `kaw, ba’t wala ka pa ring asawa?”

“Pa’no mo nalamang single din ako?”

“`Di ko alam. Pero, `di katulad mo, palaging tama ang kutob ko,” nilagok ni Grace ang natitirang laman ng softdrink sa bote. “Nag-iisa ka lang?”

“Oo, ulila na `ko. Namatay ang parents ko noong pumutok ang Pinatubo,” malungkot na balik-tanaw ni Willie. “Lola ko’ng nagpalaki sa `kin, na namatay na rin noong grumadweyt ako.”

“`Lungkot pala ng buhay mo.”

“`Di naman. Marami pa ring nangyaring maganda sa `kin. Nakatapos ako. Nakapagtrabaho dito. Nakilala kita.”

“`Sus! Puwede mong ipadala sa Maalaala Mo Kaya ang kuwento mo. Success story. Kapupulutan ng magagandang aral ng mga bagets.”

“Puro ka biro, Grace,” komento ni Willie.

Napatingin si Grace sa relo ni Willie. “Ay, mauna na `ko sa `yo, Willie. Mahuhuli na `ko sa klase ko. Pag-isipan mong mabuti `yong pagiging adviser. `Bye!”

Naiwan si Willie sa kantina na iniisip ang huling sinabi ni Grace.

Nang makabalik si Willie sa faculty room, nadatnan niyang naghihintay sa labas sina Chris at Renan. May dala-dalang papeles ang dalawa. Binasa ni Willie ang dalawang sulat na dala nila. Ang isa ay letter of appointment bilang class adviser ng 4CA1. Ang isa naman ay letter of appointment bilang adviser ng CASoc kung saan presidente si Renan at Vice-President naman si Chris. Parang tuhog na ito dahil mga opisyales din sila ng kanilang klase. Nang matapos niyang mabasa ang mga ito, inilabas ni Chris ang ilan pang papel para pirmahan niya.

“Sir, ngayon na kayo na po ang adviser ng CASoc, kelangan po kayo sa acquaintance party na gagawin sa susunod na Linggo,” masayang ibinalita ni Chris sa kanya. Tahimik lang si Renan sa likod ni Chris.

“Kelan nga ba `to?” naguguluhang tanong ni Willie.

“This coming Sunday,” walang kagatol-gatol na patsada ni Chris.

“Bakit kelangan sa Sunday pa gawin `to? `Di ba puwedeng weekday na lang ang acquaintance party para lahat makadalo at libre ang weekends natin?”

Hindi pa rin kumikibo si Renan. Sinagot ni Chris ang mga tanong ni Willie.

“Acquaintance party po `to ng society namin, Sir. Hindi co-curricular activity ng isang subject. Corny naman po kung sa school at school day gagawin. Lahat po ay prepared na. Naka-dress to kill po ang lahat ng a-attend,” paliwanag ni Chris habang sinisenyasan si Renan na tulungan siya sa pag-eesplika kay Willie.

“`Di naman ako kelangang naroroon, `di ba?” inosenteng tanong ni Willie.

“Naku, Sir. `Di puwedeng wala kayo doon. `Di po `to iaapprove ng Office of Student Affairs,” sagot ni Chris. “Kelangang meron pong adviser na magsu-supervise sa `min. `Eto nga, kelangan po ninyong i-sign `to, proof na a-attend kayo sa program namin.”

Bahagyang itinulak ni Renan si Chris. “`Wag mo namang i-harass si Sir,” mahinang sabi ni Renan kay Chris.

Tinulak ni Chris nang malakas si Renan. Bahagyang nawalan ito ng balanse sa pagkakatayo. “Hindi ko siya hina-harass. Ikaw `tong president, dapat ikaw ang nag-e-explain kung gaano kaimportante ang program na `to para sa college natin.”

Nagkatitigan sina Willie at Renan. Nag-aalangang magsalita dahil kapwa hindi alam ang susunod na sasabihin.

Binasag ni Chris ang pansamantalang katahimikan. “It’s your call, Sir. This activity will not be approved if you won’t come. Mag-e-enjoy naman po kayo doon. Makikilala n’yo lahat ng members. Si Ma’am Grace po, in-invite din namin. Tsaka si Renan, may special number.”

“Ha?” takang sambit ni Renan.

“Talaga?” naeengganyong tanong ni Willie. “Ano naman ang gagawin mo, Renan?”

“W-wala po,” mabilis na sagot ni Renan. Kinurot niya sa tagiliran si Chris.

“A-aray, aray! Ano ka ba? Alam ni Sir na nagjo-joke lang ako,” himas-himas ni Chris ang tagiliran na nasaktan sa kurot ni Renan. “Si Ma’am Grace po, baka may special number din. Uyyy!”

Ibinaling ni Willie ang tingin kay Chris.

“Nakita namin ni Renan kayong dalawa ni Ma’am Grace na sabay na kumakain sa canteen,” buyo ni Chris. “Ano pong meron?”

“Chris!” babala ni Renan.

“Wala `yon. Sabay lang ang break namin at pareho kaming gutom kaya kumain kami.”

“D’yan po nag-umpisa ang kuwento nina Mr. David at Ms. Catangal. Magkasabay na kumain sa canteen. `Yon, ikinasal na po sila noong May.”

“Chris, ano ba?” mas malakas na ang boses ni Renan at pinanlakihan ng mga mata ang katabi.

“Palabiro ka pala, Chris. Mukhang `di yata gusto ni Renan ang mga jokes mo.” Kinindatan ni Willie si Renan para ipahiwatig na okay lang sa kanya ang mga biro ni Chris. “Okay, sige, pipirmahan ko na `to para matuloy na ang acquaintance party n’yo.” Inilabas ni Willie mula sa bulsa ng polo niya ang isang Pilot pen at nilagdaan ang mga papeles. Tuwang-tuwang napapalakpak si Chris at inakbayan si Renan. Pilit inaalis ni Renan ang kamay nito sa kanyang balikat pero hindi niya magawa.

“Pero `di pa huli ang lahat, Renan. Mag-isip ka ng magandang number para sa party,” biro uli ni Willie. “May oras pa.”

Pagkakuha ni Chris ng mga nilagdaang papel ni Willie, marahang ipinukpok ang mga ito sa ulo ni Renan at kumaripas ng takbo. Hinabol siya ni Renan pero nang maisip niyang nasa harapan pa sila ng kanilang guro, tumigil siya at lumingon pabalik kay Willie. Ngumiti ito at ibinaba ang ulo. “I’m looking forward to seeing you there, Sir.”

“See you there, too, Renan.”

Marahang ipininid ni Renan ang pinto saka siya tumakbo nang matulin para habulin si Chris.

Napasandal na lamang sa upuan si Willie at napangiti habang hinahabol ng tingin ang dalawang estudyante. Ang mga graduating na ito, oo. Matatapos na ang kanilang pag-aaral pero mga isip-bata pa rin. Hindi puwede ang patakbo-takbo sa mga kompanyang pagtatrabahuan nila. Dapat seryoso na sila. Ano na ba ang edad nila ngayon, disinuwebe, beinte? Pero napaisip din si Willie tungkol kina Chris at Renan. Paano kaya naging magkaibigan ang dalawang ito? Magkaibang-magkaiba ang kanilang personalidad. Bibo at maliksing kumilos si Chris. Parang ipu-ipo. Samantalang tahimik at brooding naman si Renan. Palaisip at sensitibo. Mukhang tanggap naman nila ang isa’t isa at magkasundong-magkasundo. Ano kaya ang nakaraan ng dalawang ito? Sumagi sa isip niya na baka hindi lang magkaibigan ang turing nila sa isa’t isa. Baka higit pa doon.

Nagsimulang tiklupin ni Willie ang mga papel na nakapatong sa kanyang mesa. Kailangan na niyang maghanda para sa susunod na klase.