Sa haba ng biyahe mula Las Vegas hanggang Maynila, hindi nagawang makatulog ni Reneé. Sinubukan niyang pumikit pero lalo lang nagiging malinaw ang mga bumabagabag sa kanyang isip. Tatlong mukha ang lumilitaw sa kanyang balintataw — ang kanyang ama, si Chris at si Willie. Ang tatlong naging pangunahing puwersa sa kanyang buhay, sa kabutihan man o sa kasamaan. Kung sino ang nasa mabuti, hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam. Tiningnan niya si Ed na himbing na himbing sa pagtulog. Bahagyang nakanganga pa ito habang nakasandig sa nakahilig na upuan, balot ang katawan ng pranelang kumot na bigay ng flight attendant ilang minuto pa lang bago lumipad ang eroplano.
May kumurot sa puso ni Reneé habang nakatitig sa katabi. Si Ed na palaging gustong magtanong tungkol sa kanya pero sinasarili na lang dahil ayaw niyang makadagdag pa sa mga problema niya. Si Ed na palaging umiintindi at palaging nandiyan lang. Si Ed na kahit hindi naiintindihan ang marami tungkol sa buhay at pinagdadaanan niya, nandito pa rin sa tabi niya. Si Ed na mahal na mahal siya. Napangiti siya at marahang hinawakan ang kamay nito. Bahagyang gumalaw si Ed at naalimpungatan pero hindi pa rin malabanan ang antok kaya natulog uli. Kapag natapos na ang lahat ng mga problemang ito, babalik ako sa iyo, Ed, isip ni Reneé. Malaki na ang utang ko sa iyo. Babawi ako sa iyo. Pangako, Ed.
Pagkalapag ng eroplano sa magulo at maingay na Maynila, tumuloy agad si Ed sa hotel. Binagtas ni Reneé ang mahigit isang oras na biyahe patungong Angeles City. Sa NLEX, natanaw niya ang pamilyar na paysahe ng Pampanga. Mahaba-habang panahon na rin ang nakararaan nang magdesisyon siyang lisanin ang lugar na ito, kipkip ang pangarap na makakalayo siya sa lugar na pinamugaran ng kanyang sama ng loob sa buhay. Ang mga bukid, ang mga puno, pati ang mga matatayog na electric post na mistulang mga sundalong nakatindig sa kahabaan ng expressway ay mga nananahang pangitain ng kanyang paghihirap noon. At ngayong pabalik na siya, pakiramdam niya ay hinahamon uli siya ng mga ito. Pinararamdam uli sa kanya na hindi pa tapos ang laban at tuloy pa rin ang pagtutuos. Pumikit si Rene é at pinilit na matulog bilang paghahanda sa maaring maganap sa kanyang pagbisita sa ospital. Bahagya siyang nagpabawa at hindi deretso sa bahay ang punta niya. Hindi niya alam kung ano ang tunay na mararamdaman sakaling dito siya bibisita. Ang bahay ng kanyang ama na parehong naging pansamantala niyang kanlungan at bilibid. Ngayon, ang bahay na `yon ay naging piping saksi sa kaniyang pagrebelde at pag-alsa kaya siya napilitang umalis. Naging mapayapa pansamantala ang kanyang maigsing paglalakbay dahil nakatulog siya.
“May I know where the room of Atty. Rolando Ballesteros is?” tanong ni Reneé sa isang babaeng nakaupo sa information desk ng ospital.
Tiningnan munang mabuti ng clerk ang nagtanong mula ulo hanggang paa bago sumagot. Hinanap ang pangalan sa kanyang listahan. “It’s room 405, Sir… Ma’am.”
“Thank you. Where’s the way to the elevator?” timping tanong ni Reneé.
“It’s in your right, Ma… Ma’am.” Itinuro nito ang direksiyon papunta sa tinanong ni Reneé.
“Thank you very much. You’re a big help.” Dinakmal ni Reneé ang kanyang shoulder bag at humangos patungo sa elevator.
Nang makarating siya sa pintuan ng 405, huminga siya nang malalim. Alam niyang ito na ang sandali ng pagtutuos at handa na siya sa kahit ano mang mangyari. Umusal siya ng dasal para sa sarili. Hindi ko na kailangang hingin pa ang basbas o bendisyon ninyo, Dad, Mama, kung paano ko patatakbuhin ang buhay ko. Salamat at binuhay ninyo ako pero responsibilidad ko na sa sarili ko kung ano man ang gusto ko sa buhay. At hindi ko kailangang hingin ang permiso o paunawa sa inyo. Akin ito at ako lang ang may karapatang gawin ang gusto kong gawin.
Bumukas ang pinto. Nagkatinginan sina Reneé at ang may edad na babae sa harap niya. Alam niyang ito ang kanyang ina pero sa isang iglap, nag-atubili siyang kilalanin ito. Nakamarka sa mukha nito ang mga linya ng pagtitiis at pasakit sa pinili nitong buhay. Bakas din sa mukha niya ang matinding pagdadalamhati. Hinuha ni Reneé na tumanda at lumukot ang mukha nito. Halos manginig ang kanyang mga binti sa pagkakatayo pero pinilit niyang hindi ipahalata ito.
Nakatayo nang matagal ang kanyang ina sa bungad ng pintuan. Pinagmasdan ang isang hindi kilala ngunit pamilyar na bisita sa harap. Nagliwanag ang mukha nito nang mapagtanto kung sino siya. “R-Renan…?”
“Ako nga ito, M-Mama,” nanginginig na sambit ni Reneé.
Sapat na ang sinabi ni Reneé para paulanan siya ng yakap ng ina. Mahigpit. Inilibing nito ang mukha sa dibdib niya at nag-iiyak. Hindi niya alam ang gagawin. Ginantihan din niya ito ng mas matinding yakap. Hindi na sila nagtanong. Sapat na ang mga yakap bilang tanda ng pangungulila nila sa isa’t isa.
Dahan-dahang inakay ng ina si Reneé papasok sa kuwarto. Ang samyo ng gamot at alkohol ang sumalubong sa pang-amoy ni Reneé. Nakita niyang nakahiga ang ama sa nakahilig na kama. Payat at walang sigla. Pumpon ng tubo ang braso nito. May nakalagay na breathing mask sa ilong at bibig. Hindi agad nakilala ni Reneé ang ama. Hindi niya maiagpang ang amang nasa kanyang diwa nang matagal na panahon sa amang nakikita niyang nakaratay sa harap niya ngayon. Sa kanyang alaala, malakas, matipuno at parang bakal na hindi magapi ang anyo nito. Ngayon, isa na lang itong nakalulunos na pasyente sa pagamutan. Saan napunta ang mga kinatatakutan ko noon sa iyo, Dad, bulong niya sa sarili. Hindi mo na ako masasaktan ngayon. Ni hindi ka na nga makabangon sa kinahihigaan mo.
Binulungan ng ina ang kanyang asawa at marahang inabisuhan na meron siyang bisita. Bahagyang idinilat ng ama ang kanyang mga mata at lumingon sa kinaroroonan ni Reneé. Nang makita ang anak, iminulagat niya ang kanyang mga mata at pilit na iniangat ang kamay, patungo kay Reneé. Mabilis na sinapo ni Reneé ang kamay niya at hinalikan ito habang walang puknat ang pag-agos ng luha sa kanyang pisngi.
“I’m so sorry, Dad. Patawarin mo ako,” impit na bigkas ni Reneé. “I’m so, so, sorry.”
Naramdaman niyang humigpit ang pagkakahawak nito sa kamay niyang basa na ng kanyang luha. Iniangat ni Reneé ang kanyang ulo at nakita niyang may luhang umaagos din sa pisngi ng kanyang ama. Gumagalaw ang bibig nito pero walang boses na maririnig. Tumayo si Reneé at niyakap nang mahigpit ang kanyang ama. Gumanti ito at marahang sinalat ang kanyang braso. Sapat na ang yakap na iyon para makalimutan ni Reneé ang lahat. Impit na umiiyak sa tabi ang kanyang ina.
Ibinahagi ni Reneé ang kanyang naging buhay nitong nakaraang anim na taon. Hindi man nakakasagot ang ama, kita niyang tumatango-tango ito sa mga kuwento niya. Pagkatapos ng mahaba-habang oras, sinenyasan ng ina ni Reneé na pumunta muna sila sa cafeteria at magpapahinga muna ang ama.
Sa cafeteria, um-order ng orange juice si Reneé. Wala siyang ganang kumain kahit nag-alok ang kanyang ina.
“Ano’ng plano mo ngayon, anak?” makabuluhang tanong ng ina.
“Babalik pa rin ako ng States, `Ma. Naro’n ang trabaho ko. Ang bagong buhay ko,” matipid na sagot niya.
“Naiintidihan ko. `Wag mo lang kaming kalilimutan.” May diin ang sinabi ng ina kahit banayad lang niyang inusal ito.
“`Ma, hinding-hindi ko kayo kalilimutan. How many parents do you think I have?” Nilaro-laro ni Reneé ang straw sa paghahalo sa juice.
“Kelan ang alis mo?”
“Bibisitahin ko muna si Chris. Nasa rehab na naman siya. Siya ang nagbalita sa akin na nasa ospital nga si Dad. Baka sa susunod na linggo ang balik ko sa Amerika.”
“Kawawa naman ang taong `yon. Hindi ko maintindihan ang kaibigan mong `yon. Ba’t ba siya nahumaling sa droga? Ang ayos-ayos ng buhay niya no’n.”
Hindi sinagot ni Reneé ang huling sinambit ng kanyang ina tungkol sa kanyang kaibigan. “`Ma, nakita ko na siya.”
“Sino?”
“Si Mr. Sta. Cruz. Ang dati kong teacher.”
“Nagkita na kayo?”
“`Di pa. Dumeretso ako kaagad dito.”
“Alam na ba niyang nag-iba na’ng hitsura mo?”
“Sa litrato pa lang.”
“Makikipagkita ka ba sa kanya?”
“Oo… siguro… ewan ko… `di ko pa alam.”
“Sinisisi mo pa rin ba ang daddy mo sa nangyari sa ‘nyong dal’wa?”
“Noon, oo. Pero wala namang power ang kahit sino na magpataw ng kahit ano sa kahit kanino, `di ba? Nangyari na’ng dapat mangyari. Ngayon, believe it or not, naiintindihan ko na si Dad kung ba’t niya ginawa ang ginawa niya. Besides, may sari-sarili na rin kaming buhay ngayon. Gusto ko lang siyang makita.”
“Mahal ka ng daddy mo, Renan. Mahal ka namin.”
“Alam ko. At mahal ko rin kayo.”
“Alam mo, Renan. Sa maniwala ka sa `kin o hindi, kitang-kita ko’ng sarili ko sa `yo. `Di ko pa naikukuwento `to sa `yo pero hindi ang daddy mo ang gusto ng mga magulang ko no’n na mapangasawa ko. Mayabang daw at mapagmataas. Iiyak lang daw ako at mahihirapan. Meron silang nirereto sa `kin. Anak ng kaibigan nila. Mabait at masunurin naman. Pero `di ko pinansin.”
Taimtim na nakikinig si Reneé. Nangingilid ang luha sa mga mata.
“Sabi ko sa kanila, aanhin ko naman ang mabait kung `di ko mahal. Sabi nila, `di lang pagmamahal ang sukatan ng magandang pagsasama. Hindi pa rin ako nakinig. Binalaan at binantaan nila ako. `Wag kang babalik sa `min na umiiyak dahil sa maling pagmamahal na `yan. Alam ko, `di madaling mahalin ang daddy mo. May mga panahong gustong-gusto ko na siyang iwan at bumalik sa mga magulang ko. Pero tiniis ko. Sabi ko, paninindigan ko ang pinili ko. Hanga ako sa `yo dahil napanindigan mo rin ang gusto mo sa daddy mo. Kahit iniwan mo kami, napatunayan kong anak nga kita.”
Umagos ang luha ni Reneé at mahigpit na niyapos ang ina. “Oh, `Ma. Salamat po. Maraming, maraming salamat.” Parang nabunutan ng malaking tinik si Reneé ng mga sandaling iyon. Hindi niya matandaan kung kailan sila nag-usap ng kanyang ina nang gano’n. Nangako siya dito na babalik siya at hindi na lalayo pa sa kanila. Sa Amerika man siya maninirahan, uuwi at uuwi siya para makasama ang dalawa. Lalo na ngayong ramdam niya na tanggap na siya maski ang hitsura niya. Hindi na niya binanggit si Ed at ang tungkol sa kanya sa ina. Sa susunod na panahon lang. Marami pa namang pagkakataon.
Nagpaalam siya sa kanyang ina. Marami pa siyang aayusin sa buhay niya. Nangako siyang babalik. Hindi katulad ng dati, may katiyakan na ang kanyang pagbabalik ngayon. Ngayon pa na malinaw na ang lahat. Bagama’t hindi pa rin siya sigurado kung tanggap na siya ng kanyang mga magulang, hindi na ito naging malaking sagabal sa kanya ngayon. Aalis siya na baon ang pagmamahal at pagmamalasakit ng ina at ang luha ng ama. Natitiyak niya na sa mga susunod na panahon, magiging maayos na ang lahat. “Ihalik mo na lang ako kay Daddy,” huling habilin niya sa ina, bago siya itinulak ng kanyang mga paa patungo kay Chris.
Ang rehab center sa San Fernando ay gusaling mistulang matitibag na. Batbat sa mga dingding nito ang palatandaan ng kalumaan taliwas sa mga katabing gusali na nagsisipaggarahan sa kagandahan at kaayusan. Ito na lang ang gusali sa buong bloke na parang pinagtaksilan ng panahon. Dati itong gusaling bayan na ginawang tanggapan ng mga lulong sa droga mula nang lumipat ang kapitolyo sa rotonda katabi ang pamilihang bayan at ang simbahan. Dito nakalagak ang mga pasyenteng gumon pa sa ipinagbabawal na gamot at binigyan ng isa pang pagkakataon ng pamahalaan. Kung paanong napunta si Chris dito at umabot sa ganito, hindi niya alam. Ang alam lang niya, nakatayo na siya sa tanggapan ng center at hinihintay ang paglabas ni Chris. Sinabihan siya ng isa sa mga kawani ng opisina na maghintay sa lounge kung saan doon sila magkikita ni Chris. Inilabas ni Reneé ang isang stick ng sigarilyo para sindihan pero binalaan siya ng bantay at sinabing ipinagbabawal ang paghithit ng kahit ano sa paligid ng center. Hindi raw ito makakatulong sa mga pasyente doon na kasalukuyang nagbabagong-buhay. Ibinalik ni Reneé ang sigarilyo sa kanyang bag at matiyagang naghintay.
Ilang minuto pa ang dumaan at lumabas sa tarangkahan si Chris. Payat at maitim ang mga bilog na nakapalibot sa kanyang bural at nakausling mga mata. Gusot ang berdeng T-shirt at nanggigitata ang khaki na pantalong suot nito. Halos hindi niya ito nakilala. Nahabag siya sa nakita sa kaibigan. Hindi niya mailagay sa tamang salita ang nasaksihan. Gusto niyang murahin ang mga taong naroroon pero minabuti niyang pigilan ang sarili.
“Hello, Chris.”
Hindi siya agad nakilala ni Chris. Halatang nagimbal din sa nakita sa kaibigan. Hindi agad umupo si Chris. Pinag-aralan pa kung paano pakikisamahan ang bisita.
“Ako `to, si Reneé.”
“Ibang-iba na’ng ayos mo.”
“Maraming nabago mula noong huling nagkita tayo. Pinagbabago talaga tayo ng panahon. ‘`Musta ka na?”
“Dati pa rin. Ako lang yata ang ‘di nagbago.”
“Nag-iba ka rin, Chris. Lahat tayo, hindi na makakabalik sa dating tayo.”
“Pinuntahan mo na ba ang mga magulang mo?”
“Galing na ako do’n. Nakapag-usap na kami ni Mama. Nagkapatawaran. Si Dad din, kahit `di makapagsalita, alam kong narinig niya `ko. Babalik ako sa Pasko. Sana maantay pa rin niya `ko.”
“An’tagal mong nawala.”
“Pinilit ko talagang magpakalayo-layo. `Kaw lang ang pinagsabihan ko kung nasa’n ako.”
“Iniwan mo ako.”
May patalim na gumili sa dibdib ni Reneé. Matindi ang paglaslas. Pero kailangan niyang maging matapang. “Me mga choices tayo na kelangang gawin, Chris. Pinili kong mabuhay. At `di ako mabubuhay dito. Kaya ako umalis.”
“Pero iniwan mo pa rin ako.”
“Ano ka ba? `Di ko obligasyon ang bantayan ka. Ang samahan ka sa lahat ng mga pupuntahan ko. Sa mga desisyon natin sa buhay. Ba’t ka `andito, Chris?”
Si Chris naman ang napipi.
“You deserve better than this. Ba’t mo hinayaang makarating ka dito? Sa `ting dalawa, ikaw ang matapang. Sa `yo `ko kumukuha ng lakas no’ng mga bata pa tayo. `Pag ako ang nanghihina o merong gustong kumalaban sa akin, ikaw ang tagapagtanggol ko. Nasa’n ang dating Chris na kilala ko?”
Nakatingin lang si Chris sa kanya. Namumula ang mga mata.
“`Wag mong pabayaang matalo ka. Lumaban ka. Gaya ng `tinuro mo sa `kin no’n. `Di ba sabi mo sa `kin no’n, matuto akong lumaban dahil `di sa lahat ng oras, me magtatanggol sa `kin? `Yon din ang gusto kong sabihin sa `yo. Kumilos ka!”
Umiling-iling lang si Chris. Hindi binigyan ng bigat ang sinabi ni Reneé.
“Kalat na ang balitang gustong iligpit ni Duterte ang mga addict. `Yon daw ang una sa listahan niya, lipulin ang mga nalululong sa droga. Mahirap mag-umpisa at magbagong-buhay dito sa Pilipinas. Tingnan mo ang ginawa ko, lumayo ako, kahit masakit sa loob ko. Kahit parang hindi ko kaya. Ginawa ko.”
Nakatingin lang si Chris sa kanya, pinag-aaralan ang mga linya sa kanyang mukha.
`Look, kung `di ka makapag-umpisa dito nang maayos, isasama kita sa States. Magpapakasal tayo do’n. `Yon ang pinakamadali para madala kita do’n. American citizen na `ko.”
“Gago.”
“Ano’ng gago? Seryoso `ko.”
“Magpapakasal tayo?”
“Oo.”
“Hanggang ngayon ba, pinagnanasaan mo pa rin ako?”
“Gago! Feeling mo, pinagnanasaan pa rin kita? Excuse me!”
Natawa si Chris. Kinurot ang puso ni Reneé. Kahit may mga linya at lukot sa mukha ng kaibigan at dumaan na rin ang mahabang panahon, naalala pa rin niya na ito ang dahilan kung bakit niya minahal si Chris. Mahilig silang magbuskahan. Mag-asaran. Ito ang hindi nabago ng panahon.
“Para lang makapag-umpisa ka sa States. Pagdating natin doon, idi-divorce din kita. Ang daming gumagawa ng gano’n do’n. Mga fixed marriage. Puwede nang ikasal do’n ang dalawang lalaki.”
Nangiti si Chris. May kung anong pumasok sa isip. “Biro mo, sa tinagal-tagal at hinaba-haba ng kuwento natin, tayo rin pala ang magkakatuluyan.” Hindi na niya napigilang humalakhak. Nakitawa na rin sa kanya si Reneé. Sumilip ang tagabantay sa kanila at inusisa ang kanilang ginagawa. Nang muli itong pumasok sa loob, lalo silang nagtawanan.
Masakit na ang tiyan ng dalawa sa katatawa. Kumuha ng tissue si Reneé para punasan ang kanyang mga matang basa na ng luha. Nang mahimasmasan, itinuloy niya ang pagkukuwento. “May news na ako sa kanya, Chris.”
Nagitla si Chris. Pumormal ang pagkakaupo. Parang nakakita ng multo. “Sa’n mo nakuha ang balita? Pa’no?”
“Nakita ko sa Facebook. Nagtra-trabaho siya sa isang publishing house sa Maynila. Nakapag-usap kami sa Messenger kagabi bago ako sumakay ng eroplano pabalik dito. Magkikita kami sa Sabado.”
Humalukipkip si Chris na parang biglang nalamigan. “`Buti naman at magkikita na kayo.”
“Kung `di ka lang naka-detain dito sa rehab, yayain kitang sumama sa `min.”
“’Wag, huwag. Kayo na lang.” Halatang nahihintakutan si Chris. Hindi alam ang sasabihin o gagawin.
“Chris, matagal na panahon na `yon. I’m sure, nakalimutan na niya tayo sa dami ng mga nangyari sa kanya. Baka nga mas mahaba pa ang buhok n’on sa akin.”
“Wala ba siyang mga litrato sa FB?”
“Nagbibiro lang ako. Meron. Gan’on pa rin siya. Guwapo pa rin.”
Tumungo si Chris. Balisa itong hindi alam ang gagawin. Akmang may sasabihin pero pinipigilan ang sarili. “Renan… m-m-meron pa `kong `di nakukuwento sa `yo.”
“Kuwento?”
“Oo, tungkol sa nangyari. Panahon na para malaman mo.”
Hindi maintindihan ni Reneé ang tinuran ng kaibigan. Hinintay niyang mangumpisal ito.
“Ako’ng nakakita sa inyo ni Willie na naghahalikan sa bahay niya. Ako’ng kumuha ng mga litrato. Ako’ng nagsumbong kay Ma’am Grace. Ako rin ang nag-develop ng mga litrato para ibigay sa daddy mo. Ako lahat.” Halos kapusin ng hininga si Chris sa pag-amin ng lahat. “Wala akong kuwentang kaibigan, Renan. Ngayon, gusto mo pa ba akong tulungan, ha? Pagkatapos ng lahat ng nangyari? Ako lahat ang gumawa no’n. Kaya nagkaletse-letse ang mga buhay natin. `Tang-inang buhay `to!”
Hindi makaimik si Reneé. Hindi agad maproseso ang mga nadiskubre sa kumpisal ng kausap.
Palakas nang palakas ang boses ni Chris. “Kaya `wag ka nang babalik dito, bakla ka! Tama nga na iniwan n’yo `kong lahat. Kasi wala naman talaga akong kuwentang tao. Ang dapat sa taong gaya ko, makulong at mabulok sa impiyernong lugar na `to. Gago kasi `ko eh!”
Lumabas ang dalawang bantay na lalaki at akmang hahawakan ang dalawang kamay ni Chris pero nagpumiglas ito. Dere-deretso itong bumalik sa kanyang kuwarto at hindi na lumingon.
Naiwan si Reneé sa labas ng lounge na nakanganga at hindi pa rin maintindihan kung ano ang nangyari sa kanilang dalawa ni Chris kani-kanina lang sa bigat ng kanyang ipinagtapat.